Others have given their lives, without doubt or heed...Scaffold or open plain, combat or martyrdom's plight, 'Tis ever the same, to serve our home and country's need. -- JOSE RIZAL, "My Last Farewell" // Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis Mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib... -- FRANCISCO BALAGTAS, "Florante at Laura" //
Thursday, November 01, 2007
LIHAM KAY DARLENE, AKTIBISTANG PINAY SA HAWAII
LIHAM KAY DARLENE, AKTIBISTANG PINAY SA HAWAII, USA
… the hurl and gliding / rebuffed the big wind…
--- Gerard Manley Hopkins, “The Windhover”
“Tayo’y patungo sa kung saang lugar/ Doon sa pook na di pa natin nararating….”
--Jennifer Rush, “Ang Kapangyarihan ng Pag-ibig”
Ni E. SAN JUAN, Jr.
Kasamang Darlene: Nang tumugon ka sa e-mail di ko dagling nasambit-- “Aloha!”
sapagkat nasa panimdim ko ang mayuming hagod ng iyong paa
sa buhangin sa dalampasigan ng islang Oahu…. Kababalik pa lang namin mula sa Hanapepe, Kauai, kung saan-- isang dantaon nang nakalipas-- minasaker ang mga sakada sa tubuhan,
mga “Manong” na umaklas laban sa kapitalistang panginoon….
Ngunit sa paggala ng nagtining na mga mata sa dalampasigan doon
walang hiyaw o tili ng mga nasugatan at naghihingalo, daing ng pagdadalamhati,
kundi ang malambing na pagaspas ng hangin at nakapagpapaantok na salimbay ng mga ibon
at masuyong haplos ng agos ng dagat sa malahiningang buhangin….
Bakit tayo, hamak na nilalang, ay laging nakalubog sa nakalipas
habang nakatingala sa gayuma ng darating?
Hindi natin makuhang yumapos sa kasalukuyan o humalik sa labing bumubulong ng pagbati ngayon. ngayon din, Mahal….
Ginising ako sa pagkakasadlak sa gunita ng iyong balitang mahusay ang organisasyon
ng mga progresibong elemento riyan, laluna ang mga kabataan, laban sa rehimeng Arroyo
at barbarismong dahas ng imperyalismong U.S.-- Ay, naku, kay tagal na--
mula pa noong paglunsad ni Dewey sa Manila Bay, mula pa kina MacArthur at Col. Lansdale hanggang ngayon, milenyo ng Tomahawk misil at korporisadong globalisasyon,
bagamat tumitindi ang pagpatay at pagdukot at panggigipit sa mga kasama sa ating bayan--
ay, kay sungit ng langit na pinupukol ng ating pagsasamo’t mga dasal….
Sumingit sa pagninilay ang Hesuwitang Gerard Manley Hopkins na sumulat sa kaibigang makatang Robert Bridges (2 Agosto 1871):
“I must tell you I am always thinking of the Communist future…. However, I am afraid some great revolution is not far off. Horrible to say, in a manner I am a Communist….
[Dumadagundong na sa bukana ang ugong ng sigaw ng mga Komunard sa Pransiya]
It is a dreadful thing for the greatest and most necessary part of a very rich nation to live a hard life without dignity, knowledge, comforts, delight or hopes in the midst of plenty--which plenty they make…the old civilization and order must be destroyed.”
Samantala, patuloy ang pag-aaral nina Marx at Engels sa British Museum
at pag-organisa ng Internasyonal, ang transisyonal na administrasyon ng buong sangkatauhan….
Dumantay sa isip ang halimbawa ni Padre Gigi Cocquio, pinatapon ng diktador Marcos
mula sa Tundo, naka-flip-flops lang at kamiseta nang ilulan ng mga pasistang ahente
sa eruplanong nagtapon--
Ngayon, nariyan siya sa kabilang panig. sa Waiana--hangad niyang maimulat
ang mga kabataang Hawayano, pulubi, mangmang, biktima ng droga
at kawalan ng kinabukasan… Umaasa siya, kahit na walang Komunard,
na makatutulong iyon sa pagwasak ng lumang orden
at bulok na sibilisasyong kapitalistang umiiiral, naghihingalong ordeng palipas na….
Kasama namin si Gigi sa Anti-martial law Coalition noong dekada 70 at 80 sa New York City.
Hindi sayang ang mga kolektibong pagsisikap kahit hindi lubos na nagtagumpay iyon,
may aral doon--iyon ang diyalektika ng pagbabago--
Mahalaga ang karanasan ngunit mas mahalaga ang iyong mabubuo sa guho’t labi ng karanasan--
Oo, bawat insureksiyon, sabi ni Salud Algabre,
ay wastong hakbang tungo sa ating paroroonan….
Bawat patak ng luha o pawis, bawat halik at ngiti, ay ambag sa pagbuo ng kasaysayan
ng nakaraan at ng darating, ng pagkakaugnay-ugnay ng mga nawalay at nahiwalay,
ng ating pagkatao at ng buong lipunang kinabibilangan natin…..
Salamat kina Pablo Manlapit, Pedro Calosa, Philip Vera Cruz at mga unyonistang lumaban
sa pasistang Estado--dapat ipagbunyi sila, idakila upang matubos
ang pagkasadlak ng Pilipino sa Hawaii-- sa sikmura ng halimaw--
o saanpamang lupalop ng daigdig.
Bakit tayo, hamak na nilalang, ay laging nakalubog sa nakalipas
habang nakatingala sa gayuma ng darating?
Hindi natin makuhang yumapos sa kasalukuyan o humalik sa labing bumubulong ng pagbati ngayon. ngayon din, Mahal….
Kasamang Darlene, napukaw ako ng iyong balita habang nakatingala….
Tumining, di natinag, ang maulap na balangkas ng hinaharap.
Kaya mag-aral ka, ipagpatuloy ang pag-aaral-- huwag ipagkamaling imitasyon lamang ito
ng payo ni Rizal sa mga kababaihan sa Malolos….
Pag-aralan ang kasaysayan ng rebolusyonaryong masa sa iba’t ibang sulok ng daigdig.
Sikapin mong magamit ang iyong mga pinag-aralan
sa dakilang proyekto ng liberasyon ng bayan, ng uring proletaryo at pesante
(at ngayon nga, ilang milyong OFWs sa bawat lupalop ng daigdig)--
ang masang tinukoy ni Hopkins na siyang gumagawa’t yumayari
ng lahat ng ating ginagamit sa buhay--lumikha at patuloy na lumilikha
ng kagandahan at kasaganaan sa ating kapaligirang
unti-unting sinisira ng imperyalistang ang nais lamang ay tubo at pansariling glorya.
At kung hindi man tayo masuyo o mapagbigay, o hindi makuhang ngumiti o tumawa, magpaunlak, magpaubaya, o kaya’y magpasalamat sa kagandahang-loob
ng mga di-lubos na kapanalig--napakakitid kasi ng ating nagkakaisang prente sa pakikibaka--
o di-kilalang tao mula sa kung saan (sabi nga ni Brecht, patawarin sana
ng ating mga anak at salin-lahi ang ating mga pagkukulang at pagkakamali)--
Pagdamutan nawa ng mga susunod at hahalili sa atin
ang ating mga nakayahan at anumang nakuhang maisakatuparan….
Sapat na ang kabuktutan nina Bush-Arroyo at mga heneral at pulis sa bawat araw
at lilipas din ito, lilipas din tayo sa dulo ng mahabang paglalakbay
at pagpapalain tayo ng matamis/mapait na bunga ng sakripisyo
ng ating pinagbuklod na mga katawan, puso at kaluluwa sa larangan ng digmaan ng mga uri….
Nakaangkla sa balaklaot ng lumipas, suumusugod tayo sa daluyong ng kinabukasan.
Kasamang Darlene: Aloha at Mahalo!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO
kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...
-
KONTRA-MODERNIDAD: PAKIKIPAGSAPALARAN SA PAGTUKLAS NG SARILI NATING MAPAGPALAYANG KABIHASNAN Kung ang katotohanan ay matatagpu...
-
AMADO V. HERNANDEZ : AN INTRODUCTION By E. SAN JUAN, Jr. By general consensus, Amado V. Hernandez (1903-1970) is the most serviceable ...
-
ULIRANG HALIMBAWA NI EFREN ABUEG: Tungo sa Mapagpalayang Sining ni E. San Juan, Jr. Kamakailan, bago ipinawalan ang “Morong 43” na biktima...
No comments:
Post a Comment