Thursday, November 18, 2010

2 NEW POEMS IN FILIPINO



KAHIMANAWARI



Laging tiklop-tuhod noon, hayup na nagdarasal
Sa bawat bigwas at bawat hagupit, bumubulong-bulong
Tigil na, Inday, abutin mo ang brasong ito!

Hanggang kailan balewala—hanggang di pa tumatalab?
Sa palengke lahat ay nabibili’t ipinagbibili—
Di lang talampakan ng katawan kundi pati singit ng kaluluwa….

Dura ng galit ang sukli, ngipin sa ngipin
Habang nakaduro ang alambreng dekoryente sa suso mo—
Tumalab na ba ang talim ng poot at pagkamuhi?

Abutin mo, Inday, ang armas na ito!

Nakalatay sa laman ang basbas ng pulbura’t tingga…
Bakit pa luluhod at gagapang sa nagpawalang-halaga?
Nakasalang sa sumusugbang bunganga ng baril—

Sunggaban mo, Inday, ang sandata ng masang nakaalay!




NABURANG GUHIT NG LARAWANG-DIWA, SIMULAKRANG ABOT-TANAW



Kawiiliwili ang silid na ito, hantungan ng iyong paglalakbay.

Halina’t maupo dito sa harap ng punong pino sa may durungawan.

Di nasaling ng nagmamadaling takbo ng daigdig ang pusong namamahinga.

Halika’t magnilay tayo sa panahong dumadaloy, magmuni-muni sa karanasan at pangyayaring
umaatikabong humahabol sa daluyong ng trapik sa labas.

Sa silangan, may umuusad at lumalagitik na aninong di ko mahulo….

Sa kanluran, may anasan ng umiihip na hanging di ko alam kung saan galing….

Walang daan sa harap… iyon ay mga bakas lamang ng aking paa.

Nakahuhumaling humimpil sa silid na ito, di ba? Ngunit

Kung nais mong magpatuloy, sige, huwag magpaabot ng dilim-- hayo na!

Ang hakbang mo ang lilikha ng landas—

landas na hinihiwa ng tutubi

at sinusukat ng pakpak ng paruparo.



--E. SAN JUAN, jr.

Friday, November 05, 2010

New Book: CRITICAL INTERVENTIONS by E. San Juan, Jr.




ABOUT THE BOOK

Situating the crisis of the humanities in the terror-wars of global capitalism, E. San Juan opens up the field of critical theory to unacknowledged counter-hegemonic impulses in selected modernist writers in Europe and the United States.

Composed as strategic interventions in the field of cultural studies, the essays attempt a dialectical fusion of inventory and self-critique . By way of Pablo Neruda’s radical poetics, San Juan surveys the achievement of Filipino writers in an embattled U.S. neocolony, the Philippines.

A provocative reappraisal of Asian American Studies is offered for heuristic dialogue in the wake of 9/11 and the recent financial collapse. Using a comparative approach to Edward Said and Antonio Gramsci as a point of departure, San Juan initiates a project of revaluation by deploying Charles Sanders Peirce’s semiotics to retrieve historical indices and institutional contexts of power. Excluded from orthodox post-colonial studies,

the Philippine social formation with its manifold contradictions is remapped to provide the scenario and narrative of the predicament of Euro-American bourgeois culture in this current conjuncture of neoliberal market barbarism.


ABOUT THE AUTHOR


E. SAN JUAN, Jr., emeritus professor of English, Comparative Literature, and Ethnic Studies, was recently a fellow of the W.E.B. Du Bois Institute, Harvard University. Earlier he was a fellow of the Rockefeller Foundation Study Center, Bellagio, Italy; Fulbright professor of American Studies at Leuven University, Belgium; and a visiting professor at National Tsing Hua University and Tamkang University, Taiwan. He served previously as a fellow of the Center for the Humanities and professor of English, Wesleyan University; chair of the Department of Comparative American Cultures, Washington State University.
San Juan received his A.B. magna cum laude from the University of the Philippines, his A.M. and Ph.D. from Harvard University. He has taught English and Comparative Literature at the University of California, Brooklyn College (CUNY), University of Connecticut, Bowling Green State University, University of the Philippines, and Ateneo de Manila University. His ground-breaking book Racial Formations/Critical Transformations won awards from the Association for Asian American Studies and the Gustavus Myers Center. He received the 1994 Katherine Newman Award from the Society for the Study of Multi-Ethnic Literatures in the United States.
San Juan's books include Beyond Postcolonial Theory (Palgrave/St. Martin's Press); Hegemony and Strategies of Transgression: Essays in Cultural Studies and Comparative Literature (State University of New York Press); The Philippine Temptation: Dialectics of U.S.-Philippines Literary Relations (Temple University Press); and After Postcolonialism: Remapping Philippines-US Confrontations (Rowman and Littlefield). His collected essays in philosophy and cultural studies are found in the following volumes: Racism and Cultural Studies (Duke University Press), Working Through the Contradictions: From Cultural Theory to Critical Practice (Bucknell University Press), Balikbayang Sinta: An E. San Juan Reader (Ateneo University Press), In the Wake of Terror: Class, Race, Nation, and Ethnicity in the Postmodern World (Lexington Books), and Critique and Social Transformation (The Edwin Mellen Press). His collected poems in Filipino may be found in Alay sa Paglikha ng Bukang-liwayway (Ateneo de Manila University Press), Balikbayang Mahal: Passages from Exile, and Sutrang Kayumanggi (LuLu.com), among others. His works have been translated into Russian, German, Spanish, Italian, French, Chinese, Japanese, and other languages.

Thursday, November 04, 2010

Dalawang Tula




KUNDIMANG HANDOG SA ARMADONG PARALUMAN

I.
Mahal,
Nagliliyab ang lansangan ng Islang Puting Bato nang ikaw’y
lumisan
Sa iyong balintataw nagtalik ang liwanag at dilim
Nagtipan ang luha’t ngiti sa hanggahan ng pangako’t alaala
Saang likong landas tayo naghiwalay, nakipagsapalaran?

Pumalaot ka sa lagim ng lungsod, napigtal sa diwa’t nakintal sa dibdib
Patnubay ang masang kumalinga, sabik sa paglaya’y naglakbay
Bagwis sa budhi’y pumailanlang sa madugong larangan
Sa gilid ng bangin naglamay, sa gubat ng gunita naghintay
sa tukso ng mapagkandiling bituin.

KORO:

Sa bawat pintig ng iyong kaluluwa, sa bawat himaymay
Nagpupumiglas ang sinag ng kinabukasan—
Luningning ng pag-asa, halimuyak at alindog ng panaginip ng armadong diwatang kusang naghandog, kumalas, nagligtas—



II.
Mahal,
Nilambungan ng usok at apoy ang gayuma ng iyong pilik-mata
Humagip ang bagwis ng guniguning lumipad lumapag
Lumusong ka’t tinahak ang tulay sa nilunggating ligaya
Sa dusa’t aliw ng busabos, binalangkas mo ang hiwaga ng darating.


Saang dulo ng landas kaya tayo magtatagpo, abot-tanaw?
Binaybay mo ang ilog, dumaramay sa udyok ng mapagpaubayang
batis sa lambak
Sa takipsilim gumapang ang sugatang katawan sa dalampasigan
Sinasalubong ang luwalhating biyaya, agos ng bukang-liwayway.

KORO:

Sa bawat pintig ng iyong kaluluwa, sa bawat himaymay
Nagpupumiglas ang sinag ng kinabukasan—
Luningning ng pag-asa, halimuyak at alindog ng panaginip ng armadong diwatang kusang naghandog, kumalas, nagligtas—


________________________________



UMBAY PATUNGONG TAGUMPAY


1.

Unti-unti lumilim ang naglambiting araw sa panimdim
Umaasong pangako’y nahulog sa matris ng lupa
Naligaw ang tala sa takip-silim ng pangarap
Apoy ng guni-guni’y humimlay sa iyong bisig

Dumaluyong ang mutyang kagila-gilalas—
Sumasaiyo ang pusong umiigkas—
Umaapaw ang kapalarang tagapagligtas—


2.

Nangahas kang humarap sa panganib,
Sumabog ang pag-asang lumagos sa pader
Utak mo’y tumalab sa hapdi ng pangungulila
Humupa ang kirot, kamao’y bumuka’t bumigay

Dumagsa ang sintang kagila-gilalas—
Sumasaatin ang pusong umiigkas—
Umaapaw ang tadhanang tagapagligtas—


3.

Tumikom ang labing bumati sa nagtanang panaginip
Tigil na ang luha-- Gumising ang bangkay sa ating pagdamay
Tigil na ang lumbay-- Dumulog sa kaluluwang bumabangon
Nakaumang ang dibdib sa pagsubok ng umaga

Dumagit ang diwatang kagila-gilalas—
Sumasalahat ang pusong umiigkas—
Umaapaw ang masang tagapagligtas—



/>