Wednesday, May 23, 2018

TUNGO SA PAGBABAGONG-BUHAY

"HINDI LAMANG IPAKAHULUGAN, KUNDI BAGUHIN DIN ANG MUNDO":
Proyekto tungo sa Paglunsad ng Rebolusyong Pangkultura
LEKTURA SA UPLB SIKLAB PROGRAM, Feb. 6, 2017

ni E. SAN JUAN, Jr.


Sa bisa ng likas na kalakaran ng mga bagay, nasa sambayanan mismo ang lahat ng kapangyarihang nakasasaklaw rito....Kung nasa pagtutugma ng katwiran at karanasan ang katotohanan, nasa pagtutugma ng teorya at praktika ang birtud.
--APOLINARIO  MABINI

It is no longer a matter of bringing death into play in the field of sovereignty, but of distributing the living in the domain of value and utility.  
--MICHEL FOUCAULT

The philosophers have only interpreted the world, in various ways; the point is to change it.
--KARL MARX



Nasaan na tayo? Galing saan at patungo saan? Umabot na tayo sa malubhang krisis ng planeta: pagharap ni Trump sa globalisadong krisis ng finance capitalism na pinalala ng giyera laban sa terorismo, at sa ating bakuran ang pag-lunsad ng giyera laban sa droga ni Presidente Duterte na umani ng mahigit 6,000 biktima. Bakit pinayagan ito?
Matindi't umiigting ang mga kontradiksiyon sa buong mundo.  At tumitining o umiigting ito sa neokolonyang bayan natin, na hanggang ngayon ay sakmal ng Estados Unidos at nakayukod sa kapangyarihan ng mga korporasyon at dayuhang kapital. Sa mga bansa sa Asya, kaipala'y tayo ay huli sa lahat, kumpara sa Indonesya't Thailand o Vietnam.
  Mahigit 103 milyong Filipino na tayo, pero mahigit kalahati ay pulubi't nagdaralita, "below the poverty threshold." Hindi na kailangang lagumin ang datos na mababasa sa IBON Webpage. Bakit nakasadlak pa rin ang buong sambayanan sa kahirapan, sa pagsasamantala ng dayuhang kapital, sa korapsyon at kawalang-katarungan, pagkaraan ng Pebrero 1986?
Mahigit 12 angaw na ang OFWs sa iba't ibang sulok ng daigdig, mga 3 libo ang nag-aabrod. Hindi pa naranasan ito hanggang ngayon. Di na ba nakasisindak? Haemorrhage ng body politic, anong triage ang makaliligtas?

Inihudyat ng bagong administrasyon ang islogan ng pagbabago. Manhid na ang marami sa ganitong pangako. Tuwing eleksiyon, ito ang mantra. Anong uri ng pagbabago? Pagpapalit ng personnel lamang? Paano ang mga patakaran, gawi ng pamamahala, layun ng mga palisi? Meron bang pangkalahatang bisyon o pangitain ng alternatibong kinabukasan?

Merong kaibahan. Kahanga-hanga ang pagtuligsa ni Presidente sa imperyalismong Amerikano. Siya lamang presidente, mula pa kina Roxas at Quirino, ang nakapagbitiw ng matinik na puna sa patuloy na dominasyon ng U.S. sa atin, laluna sa foreign policy at militar. Ngunit hanggang ngayon, puro salita. Nariyan pa rin ang JUSMAG, ang VFA at EDCA. Nariyan pa rin ang mga US Special Forces, at ang marahas na Oplan Bayanihan, ngayon binansagang Oplan Kapayapaan, tila parikalang biro. At kamakailan, nagbalita na malaking konstruksiyon ang ibubunsod ng Amerika sa mga base militar upang gamitin ng kanilang mga tropa. Para saan ito kundi counterinsurgency war, pasipikasyon ng masang tumututol at naghihimagsik laban sa korapsyon, dahas ng panginoong maylupa, komprador at burokrata-kapitalistang lumulustay ng kayamanan ng bansa?

Nagdiriwang ang iba sa diplomasya, hindi sa giyera. Katatapos lamang ng pangatlong sesyon ng "peace talks" sa Roma sa pagitan ng NDF at gobyerno. Mapupuri ang Presidente sa pagpapatuloy ng negosasyon na itinigil ng mga nakaraang rehimen. Maselan at masalimuot itong usapan, ngunit patuloy ang lumalalim na paghahati ng lipunan sa minoryang mayaman at nakararaming nagdaralita. Walang tigil ang karahasan ng sistemang ipinamana ng kolonyalismong Espanyol at Amerikano.

Bumabagsik ang class war, ang tunggalian ng mga uri at hidwaang sektor sa lipunan. Nahinto pansumandali ang sagupaan ng MILF at GRP, ngunit patuloy ang sindak sa Abu Sayyaf at iba pang elementong suportado ng ISIS o Al Qaeda. Nariyan pa rin ang mga sindikato ng droga sa loob mismo ng Estado. Nariyan pa rin ang JUSMAG, ahente ng CIA/FBI sa loob ng kampo ng AFP/PNP. Tahasang neokolonya pa rin tayo, kahit may nominal na independence, depende sa tulong na militar mula sa US.
Sa pangkalahatan, masidhi ang mga kontradiksiyong fundamental at istraktural, na nagbuhat pa sa karanasang hindi na magunita ng mga henerasyong millenials ngayon--hindi ko tinutukoy ang diktaduryang Marcos/martial law, kundi ang pagkawasak sa rebolusyonaryong republika natin sa Filipino-American War, 1899 hanggang 1913. Wala ito sa kolektibong memorya ng bayan. Nang ipaalala ni Pres. Duterte ang "howling wilderness" ni Gen. Jacob Smith bilang ganti sa Balangiga masaker, nagulat ang karamihan sa atin sapagkat wala tayong kamulatan tungkol sa ating kasaysayan, mahina o malabo ang ating memoryang publiko. Pagwariin natin ang pagkagumon ng madla sa konsumerismo sa mall, sa gayuma ng midya spectacle at comodifikasyon ng bawat salik ng pagkatao natin, hindi lang katawan kundi pati kaluluwa, panaginip, atbp. Tumagos sa ating loob ang modernismong kaakibat ng industriyalisadong sistema ng pamumuhay at teknolohiya kahit piyudal at kalakalan lamang ang ekonomiya natin. Bakit nagkaganito?

Maganda ang tema ng inyong 5th Anibersaryo, ng SIKLAB:"to showcase the power of culture and the arts as tools for social change."  Klasikong paksa ito na angkop sa ating sitwasyon bilang isang bansang naghahangad pa ng kasarinlan, tunay na kalayaan, pagkakapantay-pantay, demokrasyang pambansa. Dapat ngang maging instrumento sa pagbabago ang sining at kultura. Ngunit kadalasan, hindi. Naudlot ang pag-ahon sa kolonisadong kabuhayan nang lusubin at sakupin tayo ng Estados Unidos, at hanggang ngayon, hindi pa makahulagpos sa neokolonyang kagipitan, naghahangad pa tayo ng dignidad bilang bansang nagsasarili, malayang nakapagpapasiya sa pagbuo ng makataong lipunan at masaganang kinabukasan. Nagsisikap ngunit laging bigo. Sintomas ba ng malubhang sakit ng psyche?
Sa palagay ko, hindi lamang sikolohikal ito sa isang aspeto kundi, kung tutuusin, talagang mabigat na problemang panlipunan at pangkasaysayan. Nararapat ang kongkretong (multi-dimensiyonal) analisis ng kongkretong kondisyon sa perspektibong historikal-diyalektikal.
Pagbabagong panlipunan: ito ang mithiin natin. Anong klaseng pagbabago, paano at tungo saan? Dapat natin linawin ito upang magkasundo kung paano matatamo ang pagbabagong ninanais ng buong sambayanan. Inaadhikang umunlad mula sa tradisyonal na antas ng ekonomiya tungo sa isang modernong kaayusan, ngunit ang balangkas na sinusunod natin ay hango, gagad o ipinataw ng IMF-World Bank at mga teknokratikong tagapayo mula sa Estados Unidos at Europa.

Itampok natin ang alternatibong pananaw. Nais kong ihapag sa inyong dalumat ang ilang mungkahi, ilang proposisyon na marahil kontrobersyal sa marami, kaya iniklian ko ang panayam na ito upang dulutan ng malaking espasyo/panahon ang pagpapalitang-kuro at tanungan sa nalalabing panahon. Hindi upang maging moderno, kundi upang lumikha ng ating sariling landas sa pakikitungo sa kapwa sa gitna ng malalang krisis.

Totoong masaklaw at malalim ang lakas ng sining at kultura sa anumang binabalak na transpormasyon ng lipunan. Balik-tanawin na lamang ang mga makabagong pintor at iskultor ng Renaissance, at mga pilosopo't manunulat noong Enlightenment/Kaliwanagan ng siglo 18 sa Europa, na nagbunga ng Rebolusyong Pranses, sumunod ang tagumpay ng burgesiya at liberalismo sa buong Kanluran, at ang hantungan nito sa 1848 Communist Manifesto nina Marx & Engels. Hindi payapang ebolusyon ang masasaksihan, kundi mga pagluksong marahas, nakamamanghang pagpalit ng sitwasyon ng buong lipunan, pagsira na luma't pagyari ng bago.

Sa balik-tanaw sa kasaysayan, dagling mapapansin na ang kultura, ang nalikha ng mga alagad ng sining, ay bunga ng mga puwersang nagtatagisan sa larangan ng ekonomya at pulitika. Ibig sabihin, ang mga pangyayaring kultural ay resulta ng mga banggaan at salpukan ng mga puwersang materyal sa araw-araw na buhay, repleksiyon ng mga pangyayari sa kabuhayan at reaksyong kasangkot sa pagtulak o pagsagka't paghadlang sa daloy ng mga pangyayari. Nababago ang kaisipan dahil sa prosesong iyon, at sa bisa ng bagong kaisipan, napapabilis ang takbo ng mga pangyayari. Sina Dante,Shakespeare, Rousseau, Voltaire, Goethe, atbp. ay gumanap ng kanilang mga papel sa bisa ng mga institusyong kinasangkutan nila, institusyong politikal at pangkabuhayan. Sa kabilang banda, tumulong sila upang mapasigla ang tendensiyang progresibo at mapukaw ang madla sa pagbabagong tutugon sa kanilang pangangailangan na hindi na binibigyan-kasiyahan ng lumang orden. Mula sa ritwal ng lumang orden sumupling ang karnabal at pista ng taumbayang mapanlikha't masuyo sa inilaang biyaya ng kalikasan. Diyalektikal ang proseso ng pagbabagong luwal ng daloy ng mga kontradiksiyon sa mundo.

Bago natin makaligtaan, sa taong ito ipinagdiriwang ang ika-100 anibersaryo ng Bolshevik Rebolusyon na pinamunuan nina Lenin at mga kapanalig sa Rusya. Ito'y tuwirang naging masiglang inspirasyon sa sumunod na rebolusyon sa mga kolonya--sa Tsina, Biyetnam,Cuba, Algeria, Korea, atbp. Nasagap at tumagos sa diwa ng sambayanan ang alingawngaw ng pagbabagong ito sa atin sa pagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1938. Bagamat naibalik ang kapitalismo sa Rusya at Tsina noong nakaraang siglo, hindi ganap na mabubura ang naikintal sa kamalayan ng anak-pawis ng buong mundo ang ulirang pakikipagsaparalan ng proletaryado sa Rusya at Tsina, na hanggang ngayon ay naisasapraktika sa rebelyon ng mga inalipin at dinuhagi sa iba't-ibang lugar, halimbawa, sa NIcaragua,Venezuela, Palestina, Nepal, Korea, at sa ating bayan.

Sa gitna ng ganitong mga transisyon, hindi lahat pasulong kundi liku-liko't masalimuot, maitanong natin: Ano ang tungkulin ng mga nag-aaral tulad ninyo, o ng mga intelektuwal (na kabilang sa uring petiburgesya) upang maging kapaki-pakinabang sa transpormasyon ng bansa mula sa neokolonyalismong kapitalismo tungo sa isang demokratiko't nagsasariling lipunan? Anong klase ng partisipasyon sa pagbabagong pambansa ang mapipili o mararanasan ng intelihensiyang tulad natin? Sa malas, nariyan ang huwaran nina Rizal, Bonifacio, Mabini, Crisanto Evangelista, Amado V. Hernandez, Angel Baking, Emmanuel Lacaba, Maria Lorena Barros, at marami pang bayani ng katubusan.

Ang katungkulan ng intelektuwal sa midya't kultura, sa pakiwari ko, ay magsilbing organikong tagapamagitan sa mga uring bumubuo ng mayorya: manggagawa, pesante o magbubukid, kababaihan, propesyonal o negosyante, etnikong katutubo't iba pang sektor na inaapi. Ang grupong ito ay magsisikap bumuo ng isang progresibong bloc o nagkakaisang-hanay upang itaguyod ang programang mapagpalaya. Maaring magkaroon ng maraming partido o organisasyong magtataguyod ng programang napagkasunduan. Ang proyektong babalikatin ng magkasanib na mga partido/kalipunan ay makapagpalaganap ng isang hegemonya o gahum ng masang produktibo, ang pangingibaw ng lideratong moral-intelektuwal ng produktibong lakas, ng sambayanang lumilikha, sa pambansang kilusan.

Ang unang salik sa programang ito ay paglikha ng ahensiya o agency/subjectivity ng rebolusyonaryong puwersa ng masa. Sa palagay ko, ang pasimunong aralin sa pedagohiyang pagsisikap ay pagmulat sa bawat indibiduwal ng isang kamalayang historikal, isang dalumat pangkasaysayan. Sapagkat lubog tayo sa kulturang neokolonyal, kinalupulan ng gawi't saloobing piyudal at mapagsunurin, walang inisyatiba o awtonomiya ang normalisadong mamamayan (nakakulong sa kwadra ng ordeng namamayani) , kaya dapat pagsabayin ang isang pagbabagong kultural--isang rebolusyong kultural na paglalangkapin ang mga natamo sa burgesiyang kultura (siyensiya, sekularisasyon)--at ang radikalisadong pangitain na siyang tutugon sa malaking problema ng alyenasyon, reipikasyon, at komodipikasyong lohikang likas sa nabuwag na kapitalismong sistema. Ito ang tinaguriang permanente o walang-patid na rebolusyon.

Walang pasubali, unang imperatibo ang pawiin ang batayan ng komodipikasyon: ang pribadong pag-aari ng gamit sa produksiyon at pagbibili ng lakas-paggawa ng bawat tao. Mawawala na ang pagbebenta ng sarili upang mabuhay. Samakatwid, pagpawi sa eksplotasyon o pagsasamantala. Sa wakas, sa pagpanaw ng paghahari ng komoditi, halagang nakasalig sa palengke o pamilihan, na siyang nagdidikta kung ano ang pamantayan ng halaga. Pagpawi sa salapi, exchange-value, pagsukat ng halaga batay sa tubo/profit. Pagpawi sa tubo o surplus-value.  Ang ideolohiyang liberalismo, na nakaangkla sa inbiduwalistikong pananaw, ay mawawala kapag napalitan ang pagkilates sa halaga ng isang bagay batay sa kung ito'y mabibili sa pamilihan at makapagtutubo. Sa halip, iiral ang malayang pag-unlad ng bawat indibidwal na nakasalig sa malayang pagsulong ng lahat.

Marahil utopiko o pangarap lamang ito? Subukin natin. Bago matamo ang antas na ito, ang proseso ng himagsikan--ang malawakang mobilisasyong rumaragasa--ang siyang magbubunsod ng mga pagkakataong makagigising sa budhi't kamalayan ng bawat tao sa neokolonyang lipunan.  Ano ang hinahanap nating kahihinatnan sa mga pagkikipagsapalaran ng bawat tao sa proseso ng pagbabago?

Nais kong ilatag ang isang ideya ni Antonio Gramsci, fundador ng Partido Komunsta ng Italya. Karaniwan, kung tatalakayin ang paksa ng kultura, o kung sino ang taong sibilisado, taglay ang dunong at kaalamang naisilid sa memorya, paniwala tayo na "highly cultured" na iyon. Paniwala na ang kultura ay katumbas ng pagsasaulo ng encyclopedia, at ang edukasyon ay walang iba kundi pagsilid ng sambakol na datos at impormasyon sa utak. Kantidad, hindi diskriminasyon sa kalidad, ang mahalaga't magagamit sa paghahanap-buhay. Mabibilang ba ang kaalamang nakuha at mapapagtubuan--iyan ang mentalidad ng madla na kailangang baguhin na namana sa ekonomiya ng komodipikasyon.

Kasalungat nito ang pakahulugan ng kultura kay Gramsci, kung ano ang katuturan at kahihinatnan nito.  Pahayag ni Gramsci: "Culture...is an organization, discipline of one's inner self, a coming to terms with one's own personality. It is the attainment of a higher awareness, with the aid of which one succeeds in understanding one's own historical value, one's own function in life, one's own rights and obligations." 
Salin ko: "Ang kultura ay isang organisasyon/pagsasaayos, disiplina ng kalooban, isang pagtataya sa iyong pagkatao. Iyan ay pagkamit ng mas matingkad na kamalayan, at sa tulong nito matatarok natin ang halaga natin sa kasaysayan, ang ating papel na ginagampanan, ang ating karapatan at pananagutan." 
Nais kong igiit dito na ang buod ng sarili ay walang iba kundi ang ugnayan nito sa kapwa. Walang pagkatao ang isang inbidwal kapag hiwalay sa lipunang kinabibilangan niya. Samakatwid, ang kultura ay galing at kakayahang pagpasiyahan ang paghubog ng ating kapalaran sa buhay, ang pagkaunawa sa halagang pangkasaysayan ng ating natatangi o namumukod na partikular na pag-iral sa mundo sa isang tiyak na lugar at panahon. 

Kung pagninilayin ang naisaad kong imperatibo, ang pagkamit ng dalumat o kamalayang pangkasaysayan--"historical awareness"--hugot sa ating karanasan, edukasyon, pakikisalamuha, ay mahigpit na kaagapay ng pakikilahok sa proseso ng pagbabago. Sa larangan ng sining at midya, ito'y rebolusyong kultural. Ito'y pakikisangkot sa pakikibakang etikal at politikal upang mapamahalaan ang pag-unlad ng kalagayan ng nakararami--mga pesante, manggagawa, kababaihan, Lumad, atbp.--ang produktibong pwersa ng bayan. Mungkahi ni Walter Benjamin: "Sunggaban, pangasiwaan ang mga kagamitan sa produksyon upang makasangkapan sa kapakanan at kapakinabangan ng lahat."
Sa digmaang kontra-imperyalismo, ang mapagpalayang pananaw ng yumayari't lumilikhang masa ang siyang sandatang kakasangkapanin upang maigupo ang indibidwalistikong punto-de-bista ng kapitalistang ideolohiya't ugali. Ang pagbabago ng pagkatao ay hindi bukod, manapay matalik na katambal ng paglahok sa malalim at malawak na transpormasyon ng mga institusyong istraktural ng isang kaayusan sa isang tiyak na yugto ng kasaysayan. Ang teorya at praktika ay kasal sa napagkasunduang proyekto ng sambayanang umaalsa.

Ang tinutukoy rito ay ang neokolonyal na ayos o balangkas ng ating kasalukuyang lipunan, na lubog at lunod sa neoliberal na programa ng kapitalismong global. Paano tayo makauusad mula sa pagkalugmok sa barbarismong laganap ngayon sa krisis ng Estados Unidos at lahat ng ekonomyang nakapako sa tubo, komodipikasyon ng buhay, paghahari ng salapi at akumulasyon ng kapital? Paano tayo kakalas sa pagkabilanggo rito?

Ito nga ang hamon sa ating kolektibong lakas. Tungkulin at responsibilidad ng mga intelektwal tulad ninyo, tulad nating lahat, ang magpunla ng binhi ng kamalayang historikal, ang kaisipang malingap at mapanuri, at linangin ito sa paraang magiging mabisa ang mga ideya ng katarungan at kasarinlan sa bawat kilos at gawa. Kung paano ito maisasagawa, ay depende sa partikular na sirkonstansya ng bawat isa. Walang absoluto't monolitikong gabay sa pag-ugit ng mobilisasyon ng kolektibong lakas. Bawat pagkakataon ay humihingi ng bagong analisis, paghimay ng kongkretong pagsalabat ng sapin-saping determinasyon, at patakaran, estratehiya at taktika sa pagresolba ng mga kontradiksiyon. Bawat okasyon ay may sariling kontradiksiyong dapat masinop na suriin, timbangin, kalkulahin, at kilatesin upang mahagilap kung saan mabisang maisisingit ang interbensiyon ng nagkakaisang lakas ng produktibong masa, ang ahensiya/subhetibidad ng bansang ipinapanganak.

Masahol daw ang suliranin ng ating lipunan, ayon sa ilang dalubhasa. Ang dahilan daw ay ito: nakabilanggo tayo sa pribadong spero ng buhay, nakasentro sa pamilya, kabarkada, sa makitid na espasyo ng ating tahanan, nayon, rehiyon. Hindi ito nakasudlong sa publikong lugar. Samakatwid, mahina o wala tayong publikong diwa, "civil society," sanhi sa personalistikong daloy ng ating pakikipagkapuwa. Kaya atrasado ang bansa dahil sa "damaged culture," umiiral ang pagkakanya-kanya, kompetisyon ng mga dinastiya, oligarkong pangkat, atbp. Tumpak ba itong palasak na diyagnosis ng ating pangkalahatang problema? Lumang tugtugin ba ito na dapat isaisantabi na upang makaakyat sa mataas na baytang ng pagsulong?

Upang maliwanagan ang sitwasyong ito, sa palagay ko, kailangan ang imbentaryo ng bawat buhay, isang kolektibong pagkukuwenta. Una'y balik-tanawin ang ating kasaysayan, mula kina Legaspi at Sikatuna, Dagohoy at Hermano Pule, Burgos at Propagandista, hanggang sa panahon nina Duterte at NDF/NPA. Ano ang mga kontradiksiyong hindi nalutas, na sumukdol sa kasalukuyang krisis? Saan nakadisposisyon ang pwersang reaksyonaryo't pwersang progresibo? Anong bagong ahensiya o suhetibidad ang mabisang makakapag-iba ng obhetibong sitwasyon, ng itinakdang pag-aayos ng mga pwersang nangingibabaw at pwersang kontra-gahum? Ito ang mga katanungang dapat nating harapin--ang asignaturang kailangang bunuin upang maisakatuparan ang tungkulin ng sining at kultura sa transpormasyon ng buong lipunan. Handa na ba tayong suungin ang hamon ng kasaysayan? 
Narito ang mapanuksong repleksiyon ni Apolinario Mabini sa kanyang napakamakabuluhang akda, "Ang Rebolusyong Filipino": "Sumuong tayo sa digmaan sa paniniwalang atas ng tungkulin at dangal natin ang magsakripisyo sa pagtatanggol ng ating kalayaan hangga't makakaya natin sapagkat kung wala ito, sadyang hindi mangyayaring magkaroon ng panlipunang pagkakapantay-pantay sa pagitan ng naghaharing uri at ng katutubong mamamayan at hindi mapapasaatin ang tunay na katarungan....Sa bisa ng likas na kalakaran ng mga bagay, nasa sambayanan mismo ang lahat ng kapangyarihang nakasasaklaw rito....Kung nasa pagtutugma ng katwiran at karanasan ang katotohanan, nasa pagtutugma ng teorya at praktika ang birtud.."  
Pagmuniin natin ang proposisyon ng dakilang bayani bilang magkasudlong na interpretasyon at pagsubok baguhin ang ating kapaligiran--"not only interpret the world but change it."--###




Wednesday, May 16, 2018

7  KATHA 



PAGBUBULAY-BULAY NG ISANG PETIBURGIS-INTELEKTWAL


Nang ika-10 gulang, nagnais akong matuto’t maging marunong

Nang ika-15 gulang, nabatid kong tama ang gurong Mang Andoy

Nang ika-21 gulang, natiyak ko na ang daan

Nang ika-30 gulang, nasulyapan ko na ang guhit-tagpuang abot-tanaw

Nang ika-36 gulang, nabilibid ako sa kasong pakikiapid (natiklo, ay malas!)

Nang ika-40 gulang, nagpasiya akong pwede nang makipag-sapalarang mag-isa

Nang ika-50 gulang, bayad na ako sa mga utang at butaw

Handa na akong umakyat sa bundok—

Napaglirip sa panahon ng paglalakbay hanggang dito, palipat-lipat ang diwa

Sa pagitan ng ibong makulay ang bagwis
nakatuon sa panaginip at pantasiya

At isdang nagtatampisaw sa putik, matimtimang dumaranas
ng udyok at simbuyo ng damdamin…
.
Hinahangad ko mula ngayon, sa kabila ng gulo’t panganib ng kapaligiran,

Sundin ang dragon ng isip, matimyas na pagnanais makahulagpos

Upang sa gayon makaigpaw sa bangin at makatawid

sa talampas at matarik na dalisdis ng bundok

Yapos ang ibong pumailanlang at isdang sumisid

sa pusod ng kaluluwa.

DATING
"Sufficient unto the day is the evil thereof"


Darating ang takdang araw sa dulo ng tulay

Dati rin ang pagdating

Tumatawid sa tulay na dapat tawirin ng nagdatingan

Dumating na ba?

Tumatawid na sa dating lugar

Dumarating ang itinadhanang oras

Lahat ay lumilipas

Pagdating ng itinakdang sandali

Darating pa

Magpasiya ka kung di pa batid ang datingan

Dumarating na
....habang tumatawid ng tulay lumilipas

Dumating na ba? Nakarating na?

Nadatnan sa gitna ng landas ng nakalipas

Sinong dinatingan

Nabitin sa dating daan di na marating

Baka hindi na makarating.... 

paratingin na lamang....


ALINGAWNGAW

Payapang lugar walang tili bulahaw hiyaw kulog dagundong
walang imik

Tahimik

Walang tinig taghoy halinghing sigaw saklolo tahol tugtog palakpak iyak

Walang bigkas atungal palahaw tanguyngoy usap ngalngal tagulaylay

Walang ingay ungol haginghing himutok irit hibik hagulgol angil

Payapa
walang ingay

Walang hikbi daldal haluyhoy lagaslas alingawngaw saklolo

Walang huni sipol pagaspas lawiswis halakhak agas-as

Walang siyap sutsot bulong alatiit kuliling kaluskos paswit

Tahimik
walang imik
walang kibo talagang naumid

Piping lahat--ngunit bakit may kumakatok humihingi ng saklolo

ugong sa sulok dumudulas

anasan tumatahip pumupulas bumubulong ...

bulong buntong-hininga— 

sa butas ng bungo…..sssssst—
Walang imik tahimik


AMBIL NG SALAWAHANG GUNI-GUNI



“Anong kamatayan ang nais mo?”
Tanong ng babae: “Isang pagkasirang tanso na nagbubukas 
Ng isang kumbento para sa puso; o kaya

Isang batas na pahintulot para sa isang higante, isang pinilakang pagpanaw;
O iyong uring dapat pagsikapang matamo;
Isang sakramento, isang paglisang ginintuan?”

Ay lintik, paano makapipili ang may pakay?
Lagi na lamang may sumisingasing na apoy--
Sa aking leeg gumagapang ang salamander!

Ngunit dito sa matatag na larangan,
Lupang kinabuwalan ng mga magiting na mandirigma,
Ang mga dwende’y umaawit ng isang tumbagang himnong handog sa iyo.

Subalit kung maaari lamang sana’y makalikha ako para sa sarili
Ng isang ulo ng higante, malayo sa pangungulila’t pag-iisa--
Oo, totoong aapaw ang tawa ng nimpa ng dagat

At malulunod ang aking pinilakang libingan. Sapagkat ito’y tadhana
Mula sa bangin, sa pagitan ng matatarik na bundok
Na nagdudulot sa atin ng bagwis na sadyang akma sa peregrinasyon.

At ikaw na sumasayaw tulad ng isang masanghayang anghel
Sa himapapawid ay ipinagkaitan, talagang dahop
Sa gintong katangian ng biyayang alindog

At kung sakaling ipagdarasal mo ako upang makamit ang
“Isang mainam at liblib na burol” na itinakda para sa aking
Pagpanaw, aking kamatayang tunay na ginto;

Nauukol sa iyo, tanging sa iyo lamang, iniaalay ko ang aking pangalan.
“O, ano ngayon, anong uring kamatayan ang ninanasa mo?”
Sabi ng babae: “Walang iba kundi ang iyong yapos.”





DISKARTENG  PAG-URIRAT SA COGITO-ERGO-SUM NI  DESCARTES 

Nagkamalay ako, samakatwid ako ay

Naghinala ako, samakatwid ako ay

Naghanggad  ako, samakatwid ako ay

Nagulat  ako, samakatwid ako ay

Natuliro ako, samakatwid ako ay

Nagmura ako, samakatwid ako ay

Nanaginip ako, samakatwid ako ay

Nalibugan ako, samakatwid ako ay

Nadaya ako, samakatwid ako ay

Nainggit  ako, samakatwid ako ay

Nagsinungaling ako, samakatwid ako ay

Nakipagdyugdyugan ako, samakatwid  ako ay

Kinilabutan ako, samakatwid ako ay

Nalamangan ako, samakatwid ako ay

Tumutol ako't nakibaka, samakatwid ako ay

Nakulam ako, samakatwid ako ay

Naghihingalo, samakatwid ako 

Humingi ng saklolo, samakatwid 

Wala nang hininga, sama  ka  


PARABULA NG BUTO NG MUSTASA


Nagalit si Malunkya Putta sa di-pagtugon ni Buda
sa sandamak na mga tanong
tungkol sa usaping metapisikal—

Halimbawa: Wala bang katapusan ang mundo?
Pagkalagot ng hininga, may libog pa ba ang kaluluwa?

Sinagot siya ni Siddhartha na tinaguriang Buda:

“Walang saysay ang mga usisa mo.

Hindi ba ibinuhos ko na ang panahon at lakas sa pagpapalliwanag
kung bakit tayo nagdurusa?

Itinuro ko paano natin mababawasan ang kahirapan.

Di ba itinuro ko kung paano malulunasan ang ugaling
nagbubunga ng sakit at pighati?

Bakit ka nahuhumaling sa mga kaabalahang walang saysay?

Sige, Malunkya Putta, hale ka na’t dalhan mo ako
ng isang dakot ng buto ng mustasa….

Manlimos ka sa mga tahanang walang namatayan.

Hayo ka na’t baka abutin ka nang gabing magayuma ang dilim

at tuloy maligaw ka sa daan.”


BAKAS:  Dalumat ng Gunita’t Hinagap, Memorya ng Kinabukasan

— ni  E. SAN JUAN, Jr.



 AVENIDA RIZAL, STA. CRUZ (1938-1944)


Buhay ay pakikipagsapalaran, lihis sa iyong pagnanais o pagnanasa
Pook na dinatnan ay hindi nakaguhit sa dibdib, balintunang hinala
Pook na binagwis ng alaala’t pag-aasam
Tumatawid sa agwat/puwang ng panahong gumugulong sa buhangin
Nakalingon habang dumudukwang sa agos ng alon—
anong kahulugan ng pagsubok at pangakong itinalaga ng panahon? 
Tayo ba ang umuugit sa daluyong ng kapalaran?


Lumilihis sa bawat liko, sa bawat sandali nag-iiwan ng bakas ang katawan
Sa bawat sulok, matatagpuan ang uling/alabok ng buong kasaysayan—
Bumabagtas sa bawa’t yugto ang tunggalian ng uri, saan kang panig makikisangkot, kaya kailangang magpasiya
Upang masunggaban ang sungay ng tadhana, ikawing ito 
sa ating adhika’t pangangailangan ng komunidad—

Tanong mo’y saan? Sagot ko’y kailan?  Bibingka ng hari, di mahati-hati….

Tuwing umaga’y nalalanghap ang anghot ng ihi’t dumi ng kabayo
     sa kuwadra ng San Lazaro tabi ng Oroquieta Ospital ang kinagisnan—
Agwat/puwang ng panahon, kaluluwang humibik
     sa pagitan ng Tayabas at Batangas, bininyagan sa Iglesiya Espiritu Santo

Kapagkwa’y tumawid at naipit sa riles ng Blumentritt at estero ng Dimasalang
malapit sa pugad ng pampang si Marina noong 1945….
—“dala-dala’y buslo…pagdating sa dulo”—
Sa mga eskinita lumalagos ang bango ng piniritong isda’t ginisang bawang sibuyas kamatis  luya
Sa bingguhan asaran biruan ng mga kamag-anak  

Amoy ng dura’t pawis masangsang na putik sa harap ng 2121 Avenida Rizal
    kung saan napanood ang prusisyon ng libing ni Manuel Quezon

Kakatwang estranghero ang sumaksi sa tahanang 
ginawang motel para sa ‘short-time” tipanan ng magtatalik—

Agwat ng umaga’t dapithapon sa naghihintay na musmos, binibilang ang patak ng ulan
Puwang ng paglalaro sa lansangan ng Tayuman at Bambang, inaabangan—

Sakaling wala ang ina’t ama, “buhok ni Adan hindi mabilang,” 
himutok ng ulilang musmos
Sagisag na walang lakas hubugin ang daloy ng karanasan, biktima ng pangyayaring
    matagal ang panahon ng pagkagulang, nabulabog sa bawat gulong ng trapik….

Gayunpaman, nabaluktot sa balisa’t di-pagkakapalagay, stigmata sa gunita:

Unti-unting nahuhulog kumpol-kumpol ang dilawang bulaklak ng punong-akasya
     sa harap ng dungawang tila masamyong dibdib ni Nena, nag-alagang katulong, mangyaring pagpalain  ng Inang Kalikasan 
ang kaniyang mairuging kaluluwa.



2.   MONTALBAN, RIZAL (1945-1950)


Bukal ang kinabukasan sa iyong gunita, sa tukso ng pag-asa
Sa guni-guni, tila huni ng ibon sa bulaos ng kalabaw tungo sa ilog Pasig
Bumubuhos sa Montalban, agos ng panahong sumusukat sa isip
Tinutugis ang kaganapang bulong at anasan ng mga nagdarasal
sa sementeryo ng La Loma…

Lalakarin daw ang haba ng dinulang, doon masusulyapan ang Irog
bago manampalok—Sinampal muna bago inalok?

Halinghing ng kabayo sa gubat  ungol ng baboy aso’t manukan
Pangarap ng paglalayag habang nakadukwang sa estero ng Reina Regente
gumagapang  gumagala sa Binondo San Nicolas Dibisorya

Takas, pumipiglas—
Pinaulanan ng bala ng gerilyang Huk ang PC istasyon sa munisipyo ng Montalban
—hindi lamang pito ang baril nila, di lamang siyam ang sundang—
Taginting ng salapi’y hungkag sa hinagap ng Boddhisatvang umakyat
sa lambak doon sa Wawa kung saan
nagkublli sina Andres Bonifacio’t at mga gerilyang Katipunan….

Umahon mula sa kabilang ibayo ang kamalayang sumasagap sa tinig ng panata
     hindi mula sa Benares o Herusalem kundi sa Sierra Madre
upang humabi ng sutrang kayumanggi mula sa tadhanang gumugulong….

Sunggaban ang suwag ng kapalarang naligaw sa rumaragasang unos
Malayo na sa kilabot ng mga Hapong umurong sa Wawa
Pinaligiran ng tropang Amerikano, sindak ng imperyalismong sumasabog…

Gumising doon sa bukang-liwayway ng Liberasyon at tuloy sa dagundong
   ng magulong Maynila, sunog sa Korea at Arayat
  mabilis pa sa alaskuwatrong tumungo sa sinehang Lotus at Noli
Kung saan narinig ang “Fascination” nina Dinah Shore at Belle Gonzales—

Bigkasin mo ang pangalan ng mga kolaboreytor at bayaning nagbuwis ng buhay….

Ngayon ay alingawngaw ng panahong 
Lumikha sa mga pangyayaring
Lihis sa iyong pangarap at panimdim
Kapwa ninais at pinilit
Kapwa tinaggap at tinanggihan: kailan? saan?
Sa pag-inog ng pakikipagsapalarang tila walang simula’t katapusan.




3.  BALINTAWAK, QUEZON CITY  (1951-54)


Pangangailangan  ang umuusig sa pagkikipagsapalaran, gumaganap ang bulag na simbuyo
Sa daluhong ng kasaysayan, hindi maiiwasan o maitatakwil
Kaya ang sumunod sa nesesidad ay malaya’t magpapalaya
sa kahinugan ng panahon, pahiwatig ng mga pantas….

Sumisingit sa baklad ng gunitang balintuwad:
Minsan tinapos ko ang Crime and Punishment ni Dostoevsky
isang hapong maalinsangan
Di ko malilimutan ito, gabi na ng ibaling ang paningin sa bintana
Lihim na pagkahumaling ko kay Esther Deniega (lumisan na) ay iburol sa balong
malalim, punong-puno ng patalim, balong hindi malingon
Tulad ng pagsasama namin nina Ernie at Pete Daroy
Sa limbo ng mga pagliliwaliw, sa impiyerno ng mga pag-aalinlangan at agam-agam


Mabuhay kayong mga itinapon,
Nakarating na kayo sa ipinangakong himpilan, ipinaginip na himlayan.
“Dalawang pipit, nagtitimbangan sa isang siit, sumusungit ng bituin”
Di nagluwat, sumabak sa pakikibaka laban sa US-Marcos diktadurya—

Minagaling ang basag kaysa baong walang lamat

Sapagkat sa kaibuturan ng aksidente, pagbabakasakali, namumutawi
ang siglang pagbubuhatan ng tagumpay ng ating minimithi,
Hindi salita kundi hibo’t hikayat ng panaginip at guniguni, matris ng himagsikan, 
ang lugar ng panahong nahinog sa yapos at aruga 
ng mga magulang at mga gurong nagmalasakit…

Huwang mong basahin ito
Tatak ng titik  titik ng tiktik
Huwag tingnan  huwag sipatin
Huwag silipin  huwag sulyapan
Tatak ng titik  titik ng tiktik
Huwag mong titigan  baka ka malikmata’t maalimpungatan….


Asul ang kulay ng langit sa parang at lambak ng Diliman—
Aso ko sa pantalan, lumukad ng pitong balon, humugos sa pitong gubat
bago natanaw ang dagat—

Walang katuturan ang panahon kung walang pangarap o pag-asa
Pagnanais ang matris ng pangyayari, pagnanasa ang ina ng katuparan
Kabiyak na niyog, magdamag na kinayod,
Naghasik ng mais, pagkaumaga ay palis—

Huli ng balintataw ang mailap na buntala ng iyong mithing talinghaga,
pangarap ng pithayang alumpihit pumaimbulog sa kawalan.



4.  CRAIG, SAMPALOC, MAYNILA (1955-60)


….Subalit ang kalayaang magpasiya’y nagkabisa 
Sa isang tiyak na pook at itinakdang pagkakataon
Bagamat limitado ang kapangyarihang umalsa’t bumalikwas
Walang pangyayaring magaganap kung wala ka,
Sintang itinapon sa gitna ng maburak na Pasig.

Bumagsak ang eruplano ni Magsaysay ngunit nkalimutan
na ang CiA ahenteng Lansdale, sa gayon
Neokolonyang teritoryo pa rin tayo hanggang ngayon….

Agos de pataranta sa Palomares at Gardeniang dinalaw ng mga GI
pagkatapos sumuko si Aguinaldo’t nawala si David Fagen

Magkabalikat kami nina Ernie at David Bunao sa bilyaran sa Quiapo
Di inalintana kung may hirap, hanapin ang ginhawa  
Aralin ng pakikipag-ugnayan sa Culi-Culi, Marikina, massage parlor sa Raon
Walang matimtimang birhen sa lagalag na kaluluwang naghuhunos
Di bumibilang ng bukas-makalawa upang paraanin ang nagparaan—

Walang matiyagang hayup sa magayumang kalapating sumasayad sa pampang….

Shantih   Shantih      Weiilala  leia        Wallala  leialala   

Bago umakyat sa Baguio, tumawid kami sa Tayug, Pangasinan, nina Mario Alcantara
at Pablo Ocampo, kumakampanya para kina Recto-Tanada
Hindi ko batid noon na malapit sa Binalonan, bayan ni Carlos Bulosan….
Noong 1972 ko na lang napag-alaman ito sa lilim ng Pulang Bandila

Lumangoy at lumutang sa usok sa Luneta’t daungan ng Manila Bay
Tudyo’t halakhak ng mga kaibigang nakausad mula sa Tundo hanggang Sta Cruz & Quiapo

Tatlong bundok ang tinibag bago dumating nang dagat

Walastik, para kina T.S. Eliot Joyce Nietzsche Sartre, tapos ang boksing sa Sarili
Walastik, naghalo ang balat at tinalupan sa turo ng pilosopong galing sa Popular Bookstore 

Di naglaon, tumubo ang sungay at tumindi ang pagnanasang makahulagpos
—“karga nang karga, kahit walang upa” ang islogan ng anarkista
bago sa engkuwentro kina Marx Engels Lenin Lukacs noong dekada 1965-72…


Pumalaot na mula sa daungan ng Subic Bay
Lupa’t tubig ang nakalunsad
Apog at asin sa lagusan
Tinalunton ang landas pabulaos mula sa Ilog Montalban
Halos magkandarapa  halos sumubsob
Hindi pa nakaraos
Hindi pa natutuklasan: kutob, ligamgam
Hangin at apoy ang bumuhos
Hindi pa yari ang proyektong idaraos
Pumalaot na sa hanggahang di-abot-tanaw
Humugos sa dalampasigan
Tubig  lupa   hangin   apoy   
Apoy  hangin  apoy



__________________________________________

review of MAELSTROM OVER THE KILLING FIELDS by E. San Juan, Jr;

A Book Review Maelstrom over the Killing Fields: Interventions in the Project
Of National-Democratic Liberation By E. San Juan, Jr. [Publi...