Thursday, October 15, 2026

 BAGAMAT MAY DITUR, KAHIT SAAN   —ni E. San Juan, Jr.


🎆


Kung sa kalyeng nilikuan mo

Nasilip ang aninong sumisikad, bumubulong,

Sumumpang di na makukulong

Sa lupang tinubuang nasikil, nalukob—

Irog, iya’y ako.


Kung natagpuan ang busabos sa daan,

Nilapitan ka’t handog ay sandata,

Hinahamon ka sa dapit-hapong nagliliyab,

Sumali ka na sa himagsikang nalunsad,

Baka kaibigan ko iyan, Giliw.


Kung tumingala ka sa gabing maligalig,

Sa langit nilambungan ng iyak at gibik,

Dinggin mo ang awit ng paglaya’t pag-ibig

Alay sa iyo bago ka maidlip—

Iya’y ating kasama, Sinta.


Kung ikaw’y magising sa gitna ng digma,

Saksi sa maraming sugata’t nabuwal—

Nasindak ka sa mga katawang duguan, 

Masdan sa silangan ang silahis ng tagumpay—

Tagubilin sa atin iyan, Mahal.


Kung magdasal ka’t lumuhog sa madla

Upang iligtas pusong nasalanta,

Tunghayan ang mandirigmang gumagapang

Sa hagdan, sagisag ng lahing bumalikwas.

Iyan ang kaluluwa ko, Mutya.


Kung nais mong subukin ibang pagsuyo

Bagamat nagsikap imulat ang isip mo,

Di malayo ang tipanan ng sinumpang pangako—

Sige, tumawid ka sa pinagkrusan ng panibugho—

Nasa ibayo ako, makipagsapalaran tayo….  

Sunday, October 11, 2026

DALAW SA KOMUNISTANG NAYON SA TAMIL NADU, INDIA

BALITA MULA SA IBAYONG LUPALOP 

 “Dala ko’y hindi kapayapaan kundi balisong…”—mula sa Bagong Tipan 




  Nahinto sandali ang turista sa banyagang lugar— sa Vannivelampatti, nayon sa Tamil Nadu, India… 

agamat nakubli ng ulap ang buwan sa dapit-hapon Komunistang lipunan, walang panginoong-maylupa… 

Kolektibong industriya at agrikultura…… Walang kurakot ng mga burokrata’t komprador ng kolonyang sawi— 

Walang NTF-ELCAC, terorismo ng Estado’t imperyalismo! 

 Sabi ng nagpasinayang guro, si Kasamang Vembuli: 

 Nadurog ng taumbayan ang tampalasang sumpa ng piyudalismo— 

Napawi ang mapagsamantalang uri, naglaho ang kanilang amino sa lilim ng buwang sumusikat sa patnubay ni Vembulaiya… S

amantala, sa lupa ng araw, ng luwalhati’t pagsinta, naglalamay— mga ulilang pesante’y nakayukod sa nilambungang pilapil, sa “kabukirang walang kalungkutan…” 

 Hindi pa iniluluwal si Vembuli sa “perlas ng silangang” nalubog sa baha’t korapsyon. 

 —ni E. San Juan, Jr.

  BAGAMAT MAY DITUR, KAHIT SAAN   —ni E. San Juan, Jr. 🎆 Kung sa kalyeng nilikuan mo Nasilip ang aninong sumisikad, bumubulong, Sumumpa...