Tuesday, April 07, 2020

COMMENTARY ON FAUSTINO AGUILAR'S NOVEL: "SA NGALAN NG DIYOS"

Sa Ngalan ng Diyos / 1
SALAPI, DANGAL, PANINIWALA:Ang Komodipikasyon ng Kaluluwa sa Kathambuhay, Sa Ngalan ngDiyos, ni Faustino Aguilar Ni E. San Juan, Jr.


Religious suffering is, at one and the same time, the expression of real suffering and a protest against real suffering. Religion is the sigh of the oppressed creature, the heart of a heartless world, and the soul of soulless conditions. It is the opium of the people. The abolition of religion as the illusory happiness of the people is the demand for their real happiness. To call on them to give up their illusions about their condition is to call on them to give up a condition that requires illusions. The criticism of religion is, therefore, in embryo, the criticism of that vale of tears of which religion is the halo.
—KARL MARX, Contribution to the Critique of Hegel’s Philosophy of Right (1844)
[Ang mga fraile] ang nagsulong ng pagkastigo kina Burgos, Gomez at Zamora.... Subalit ang ganitong hayag na kawalang-katarungan ay hindi nagpunla ng tako kundi magkamuhi sa mga fraile...at pakikiramay at pagdaramdam para sa mga biktima...Pinag-isip ng mga Filipino, sa unang pagkakataon, hinggil sa kanilang kalagayan. Sa pagdaramdam, naramdaman nilang nabubuhay sila. Kaya itinanong nila kung paano sila nabubuhay....
—APOLINARIO MABINI, Ang Rebolusyong Filipino (1931)
Ngayong ang ating bayan ay nasa panahon ng lahat ng uri ng paghahanda, tayong mga manunulat ay dapat na maghunos-dili. Alalahanin natin na ang isang manunulat ay siyang bumabalangkas at siyang nagpapataba sa diwa at kaluluwa ng isang lahi; siyang gumuguhit at humuhubog sa ugali at hilig ng isang Bayan; siyang gumagawa at nagbibigay ng ilaw sa kuro at pag-iisip ng mamamayan.
—INIGO ED REGALADO, “Ang Pagkaunlad ng Nobelang Tagalog” (1938)

Matagal ding nakalimutan itong pangatlong kathambuhay ni Faustino Aguiliar, Sa Ngalan ng Diyos (natapos Disyembre 1910) na nailathala apat na taon pagkalabas ng obra maestrang Pinaglahuan (1907) na sinundan ng Busabos ng Palad (1909); tila nailimbig ito kasabay ng Nangalunod sa
Sa Ngalan ng Diyos / 2
Katihan (1911). Sa simula pa lamang, nais kong ihain ang kuro-kurong ipotesis na ang akdang Sa Ngalan ng Diyos (tumutunton sa yapak ng dalawang nobela ni Rizal) ang pinamatalisik at mapanghamong likhang- sning na nagtatanghal ng ulirang pagsisiyasat sa sikolohiya ng mga tao’t uring panlipunan sa yugtong transisyonal (mula 1898 hanggang 1910) ng ating kasaysayan. Pangunahing paksain dito ang tunggalian ng ideolohiyang “frailocracia” (taguri ni Marcelo del Pilar) at dangal ng lahing anak-pawis. Isang malaman at makabuluhang kontribusyon ito sa palihan ng makabaya’t progresibong diwa ng Pilipinas.
Dagdag pa, nais kong idiin na ang akda ni Aguilar ay isang matapang at mapangahas na kritika ng mapanggayuma’t dogmatikong relihiyon na umiral sa teokratikong orden ng kolonyalismong Espanyol. At hanggang ngayon, ang institusyong ito ay malaking balakid sa pagsulong ng demokrasya’t pagkakapantay sa buong sambayanan. Sisipatin ang moda ng produksiyon ng akda bilang ideolohikal na porma ng paglutas sa mga kontradiksiyong nakalatay sa dalumat at karanasan ng madla. Susubuking linangin ang mga proposisyong ito sa diskursong sumusunod mula sa historiko-materyalistikong perspektiba (katulad ng punto-de- bista sa San Juan, Lupang Hinirang).
Mapapansin agad na kakaiba nga ang tema ng Sa Ngalan: hindi pag- iimbot ng komprador-negosyante laban sa aristokratang angkan o suliranin ng makamundong pagnanais at pulitikang sekswal na pinaksa saPinaglahuan (1907)Ngayon, hinarap ni Aguilar ang suliranin ng
Sa Ngalan ng Diyos / 3
paniniwala o doktrinang ortodoksiya ng Kristiyanidad, sa malawakang pormulasyon, ang usapin ng ideolohiya’t praktika. Sa kasaysayan ng nobela sa Kanluran, ang usapin ng ideolohiya kaakibat sa praktikang senswal ay pinakabuod na problemang sumulpot pagkagunaw ng egemonya ng Simbahan. Kaalinsabay nito ang pagsibol ng burgesyang mentalidad at naturalistikong indibidwalismong lumaganap pagkatapos ng rebolusyong burgis sa Pransiya sa pagpihit ng Siglo 1700. Tinutukoy dito ang isang pinakamalubhang krisis ng sibilasasyon sa Europa: ang tadhana ng indibidwal sa daigdig na natuklasang walang diyos, walang nagbubuklod na iisang pangitain-sa-mundo.
Isang sulyap sandali sa banghay ng nobela: Pinaikot ito sa pithaya ng ordeng Heswita na makuha ang yaman ni Carmen, isang ulilang dalaga, sa pagpasok niya sa monasteryo. Nang dumulog ang Amerikanong Mister Roland, inutusan ng mga Heswita ang alagang Eladio Resurrecion na magmanman at magmasid. Di nagtagal, nagmongha si Carmen. Ipinatapon si Eladio sa lalawigan, nagkaroon ng kasintahan at malaguyong pangarap. Nang pauwiin siya upang maging alipin muli, umalpas at tinangkang maghiganti ngunit nabigo’t nabilanggo. Isang parikalang wakas—ang matapat na katulong ay ipinasok sa bilibid habang si Carmen ay ikinulong as kumbento. Sa isang matalinghagang ironya, naisakatuparan ang komodipikasyon ng mga kaluluwa: nasugpo ang anarkistang pagbabangon ng dangal ng anakpawis, nanaig ang komersiyanteng pita ng mga prayleng umunlad ang makamundong disposisyon nila, sampu ng materyal na katawan at kabuhayan, sa ngalan ng Diyos, kahiman ipagwalang-bahal ang moralidad nito.
Sa Ngalan ng Diyos / 4
Nakapananabik sundan ang pag-inog ng mga pangyayaring naibuod. Gayunman, hindi napigilan ni Soledad Reyes na punahin ang sa wari niya’y kakulangan ni Aguilar. Maputla ang nobela dahil “ang mga tauha’y nagmistulang sagisag ng mga abstraktong puwersa,” sapagkat hindi napag-ukulan ng pansin ang paglikha ng “mga kapani-paniwalang tauhan at sitwasyon” (46). Sukat nang babalaan ang mambabasa na hindi payak na salamin ng buhay o simpleng repleksiyon ang nobela, kundi alegorikong analisis at ebalwasyon ng mga motibasyon, simbuyo’t prinsipyong umuugit sa aksiyon, kaisipan at damdamin ng mga tipong tumuturol sa mga uri o sektor sa lipunan. Masalimuot ang sapin-saping dimensiyon ng kahulugang isinamong tarukin ng mambabasa.
Pasakalyeng Imbestigasyon
Sa pangkalahatan, realistiko ang estilo ni Aguilar, ayon kay Reyes, dulot ng impluwensiyang Kanluranin. Sa pakiwari ko, ang realismo ay hindi pagkopya o paggagad sa karanasan kundi pagdiyagrama ng mga tendensiya o lakas etikal-pulitikal na nagpapagalaw sa buhay. Masasalat na makinis at maingat ang pagbabalangkas ng mga pangyayaring inihanay sa nobela, sampu ng katugmang protagonistang gaganap ng papel na tumutugon sa mga puwersang nagbibigay-katuturan sa ugnayan ng tao’t kapaligirang panlipunan sa isang determinadong yugto ng kasaysayan. Mahalaga ang mga prinsipyong unibersal na nagtatagisan.
Sa Ngalan ng Diyos / 5
Ilatag natin ang parametro ng mga kalakarang umiinog sa likod ng mga pangyayari sa nobela. Naipaliwanag sa atin ni Benilda Santos ang personal na katayuan ni Aguilar noong panahong isinisulat ang nobela. Sa halalan noong 1907, na ibinunsod ng Cooper “Organic” Act ng 1902, naitatag ang Asamblea o Unang Kapulungang Pilipino noong Oktubre 1907 kung saan nakamayani ang Partido Nacionalista laban sa mga Federalista. Binuhay nina Quezon at mga kapanalig ang dating rebolusyonaryong digmaan sa pagkamit ng kalayaan mula sa Amerika. Samantala, habang kawani sa adwana at kahero sa Bazar La Union, patuloy na masugid naglingkod ang nobelista sa pahagayang La Patria at Muling Pagsilang. Ulat ni Santos: “Nang matalo, noong 1910, ang pahayagang Muling Pagsilang sa kaso nito sa korte dahil sa pangulong- tudlng na “Aves de Rapina” na bumatikos sa pagmamalabis ng mga Amerikano, naging Taliba ito; at si Aguilar ang hinirang na maging patnugot nito hanggang noong 1913, nang himukin siya ni Quezon at Osmena na manungkulan sa pamahalaan” (xi; tingnan rin ang tala ni Agoncillo 292-93). Lubos bang sumanib si Aguilar sa oligarkong pangkat o nanatiling tapat sa uring manggagawa’t magbubukid ng Katipunan na kanyang pinaglingkuran noong kabataan niya
Sa isang pag-unawa, ang nobelang ito ay alegorya ng pagtatagisan ng nasyonalistikong Filipino sa Asamblea (isang aspektong piyudal ay kinakatawan ng mga Heswita) at Amerikanong Commission. Sa malalim na pagdukal, isiniwalat ni Aguilar ang predikamento ng umuusbong na katutubong petiburgis (sa personaheng Eladio), mula sa pesanteng uring
Sa Ngalan ng Diyos / 6
ipinagkakapuri ang sariling dangal. Siya ay naghangad umakyat sa mataas na saray ngunit, sa huli, hinadlangan ng mapanlupig na istrukturang piyudal at awtokratiko (Simbahan) at mapaniil na gobyernong tagapagtanggol ng status quo. Sa nobela, gumanap si Carmen sa papel ng papel ng mariwasang Filipinong angkan (labi ng kolonyalismong Espanyol) na hindi makahulagpos sa minanang kostumbre. Namayani ang poder ng salapi at kalakalang pampinansiyal, kaya pinagbili agad ng mga Heswita ang lupain ni Carmen na pinangangasiwaan ni Eladio. Komodipikasyon ng lupain at katawan ni Carmen ang sumaksi. Samantala, tinanggihan ni Eladio na magbalik sa pagka-alila o alipin, pinili ang maging biktima/kriminal ng batas ng pamilihang kapitalista batay sa salapi at naipagbibiling pag-aari. Kongkretong sitwasyon ng bayan ang pinagmulan ng mga sangkap na bumuo sa temang sikolohikal at etikal ng nobela.
Samakatwid, hindi didaktiko o moralistikong payak ang paraan ng paghahabi ngmga pangyayari sa teatro ng nobela. Laging kalakip ang ideya o kategoryang etikal at pampulitika sa kilos, salita at damdamin ng mga tauhan. Sa madulang paghahanay ng mga insidente, pinapatunayan ang determinasyon ng bawat bagay ng kasaysayan. Sa madaling salita, ang historya ang siyang nakasasakit, siyang tumatanggi sa pagnanasa at kagustuhan ninuman. Hindi madaling igpawan ang nesesidad na nakapaloob sa ekonomyang pampulitika ng bansa. Ang pangkahalatang problema sa nobela ay kung paano naibunyag ang lihim ng mga tauhan, ang katotohanan at kabulaanan, batay sa historyang hindi matatakasan,
Sa Ngalan ng Diyos / 7
ang historikal na guhit-tagpuan ang produksiyon at reproduksiyon ng buhay. Ibinaling ang lente ng isip sa diyalektika ng intensiyon ng tao at nakapamayaning orden ng ekonomya at relasyong sosyal ng mga uring nagpapalligsahan.
Konteksong Pangkasaysayan at Panlipunan

Mabagsik ang pagtatagisan ng mga Filipino sa Asamblea laban sa Philippine Commission ng Amerika. Sinupil ng mga Amerikano ang susog ng mga Nasyonalista na ipawalang-bisa ang Sedition Law, Flag Law, at Bigandage Act; ang mga lumang batas tungkol sa pag-aari ng lupaing publiko at pribado; ang pagpapabuti ng awtonomiya ng mga lokal na pamahalaan; at ang pagsupil sa parusang kamatayan. Hindi humupa itong hidwaan hanggang sa Jones law ng 1916 nang palitan ng Senado ang Commission bilang mataas na palapag ng Lehislatura (Agoncillo 336). Subalit ang mas maigting na banggaan ng mga uri ay kasangkot sa pagbebenta ng mag lupain ng mga prayle. Inutusan ni President Roosevelt si Taft na bilhin ang mga lupain bagamat tutol ang Papa sa Vatican. Nakipagkasunduan si Taft sa mga korporasyong relihiyoso na bilhin ang 166,000 ektarya sa halagang pitong milyong dolyares. Ngunit nang ialok ito sa mga pesante, napakataas ng halagang ipinataw dahil sa mga buwis, interes, atbp. Kaya sa halip na makinabang ang mga inkilino, ang mga korporasyon ng mayayaman ang sumunggab sa San Jose Estate at lumala ang krisis ng kabukiran.
Sa Ngalan ng Diyos / 8
Ang mainit na baliktaktakan hinggil sa paghahati’t pag-aari ng lupain ay sintomas ng matinding tunggalian ng mga uri. Sintomas ito ng pagsasalungatan ng atitudo sa pananakop ng imperyong Amerika sa buong arkipelago. Pahiwatig din ng napipintong rebelyon ng mga Colorum at iba pang sektaryang kilusan. Sa imbestigasyon ni Renato Constantino, lumalantad ang korapsyon ng administrasyong dayuhan. Ang mga kamag-anak nina President Taft at Kalihim Root ang kasangkot sa anomalyang transaksiyon ng San Jose Estate. Sinusugan ni Gobernador Forbes ang Friar Lands Act upang alisin ang limitasyon sa pag-aari ng lupaing itinakda ng Organic Act ng 1902. Halimbawa ng tiwaling upahan: ang Isabela Estate na asyenda ng mga prayle ay nahawakan ng mga Amerikano. Isang pamangkin ni Dean Worcester, sekretaryo ng Interior, ay nakaupa ng 977 ektarya sa Nueva Ecija, samantalang si Frank Carpenter, isang kalihim ng Philippine Commission, ay nakaupa ng 13,000 ektarya ng Tala Estate. Yumaman ang mga kolonyalista at kasabwat na mga katutubong komprador at burokrata- kapitalista.
Humantong ito sa pagpasa ng batas sa Asamble na ipagbawal ang paggawad ng lupaing higit sa 16 ektarya sa isang tao at higit sa 1,024 ektarya sa korporasyon. Subalit walang bisa ito upang mabago ang San Jose Estate transaksyon (Constantino 298-99). Sa patakarang ito, pinalusog ang sistemang asyendang mana sa panahon ng Kastila at sinuportahan ng mga Amerikanong namumuno ang elitistang pangkat ng oligarkong katutubo na maiging kaalyado ng kolonyalismo. Lumala ang kalagayan ng mga inkilino at magsasakang walang lupa. Sa gitna ng
Sa Ngalan ng Diyos / 9
magulong sitwasyon, madaling ibinenta ng Heswita ang mga lupain ng Carmen, tuloy nawalan ng trabaho at nagsausok ang mga pangarap ni Eladio.
Sigalot sa “Perlas del Oriente”
Ang pag-aari ng lupain at iba pang kasangkapan ay naging dahilan sa masidhing kabuktutang sumalot sa mga prayleng misyonaryo, kabilang ang mga Dominikano, Augustiniano, Heswita, Rekoletos, atbp. Sa maraming dahilan, nakumbinse ni Bishop Domingo Salazar si Gobernador Dasmarinas noong Marso 1591 na pahintulutang makapag- ari ang mga prayle ng lupain (Constantino 67-67). Hinalinhan nila ang mga amo ng enkomyenda; noong 1888, pinalayas ng mga Dominikano ang mga nagsasaka sa kanilang lupain sa Calamba, kabilang na ang pamilya ni Rizal. Sapagkat walang paring sekular na mangangasiwa sa parokya, pumayag ang Papa na ipagpaliban ng mga prayle ang panuntunang umiiral sa monasteryo—karukhaan, kalinisan, abtp.—upang mapamahalaan ang parokya. Sa kakulangan ng administratibong upisyal ng gobyernong kolonyal, gumanap ng tungkuling sibil at sekular ang mga prayle, na nagdulot ng pagkakataong magkamal ng kayamanan at kapangyarihan. Batid ng monarkiya na ginagamit ng mga prayle ang katungkulan nila upang mapabuti ang sariling kapakanan, kaya ipinagbawal ng Hari na magmana sila ng anuman mula sa kanilang kinukumpisal o inaalagaang miyembro ng parokya. Tandisang nilabag ito ng mga Heswita gamit ang daya, pagkukunwari, kabulaanan.
Sa Ngalan ng Diyos / 10
Ang unang banggit sa historya tungkol sa Heswita bilang panginoong maylupa ay naganap noong 1603 nang bilhin nila ang lupang angkin ng ilang pinuno sa Quiapo, na tinutulan ng mga katutubo sa dahilang hindi pag-aari iyon ng ilang hepe. Pinalayas ang mga Heswita noong 1768 ngunit bumalik noong 1859 at muling umangkin sa kanilang mga parokya sa Mindanao, na dahilan ng pakikipag-away sa Rekoletos at iba pang pangkat. Pinaghati ng monarkiya ang mga lupain sa Luzon sa Augustiniano, Franciscano at Dominicano, at ang Visayas at Mindanao ay ibinigay sa mga Heswita at Rekoletos (de la Costa 27). Isang halimbawa ng tagumpay ng Heswita sa pagtuturo ay makikita sa misyon sa Tamontaka, Mindanao: nabinyagan ang mga paganong Tiruray na alipin ng mga Moro. Nabanggit ni Father de la Costa ang opinyon ni Alexander Dalrymple, isang Inglaterang manlalakbay, tungkol sa kostumbre ng mga Moro sa Sulu: “The feudal prejudices can only be removed by throwing a greater weight into the popular scale and by a spirit of commerce changing their attachments in a certain degree from a sensibility of honor to the acquisition and security of property” (201). Bagamat hindi Moro, sumisikdo pa rin kay Eladio ang “sensibility of honor” na hango sa pagsusuob sa puri ng mga magulang at ninuno.
Ano ang saysay ng mga impormasyong ito sa pagkilatis sa likhang- sining natin? Lumilitaw na ang nasyonalistikong simbuyong alingawngaw ng 1896 rebolusyon ay nakasentro pa rin sa relasyong piyudal na umiiral sa buong kapuluan, relasyong nakakawing pa rin sa humupa ngunit matibay na muog ng frailokrasyang tinuligsa ni del Pilar. Magkakatulong
Sa Ngalan ng Diyos / 11
ang administrasyong kolonyal ng Amerikano, ang mga katutubong oligarko, at Simbahang Katoliko sa pagpapanatili ng status quo. Hindi maiiwasang talakayin ang pagsasabwatan ng Amerikanong gobyerno at mga Pilipinong maka-Federalista (kaakibat ng relihiyosong elementong malapit sa mga asendero sa plantasyon ng asukal, tabako, abaka, niyog, atbp.). Sa halip na tuwirang puntiryahin ang “mapagkunwari at mapangamkam na mga alagad ng Diyos” (ayon kay Reyes), at ibandila ang anti-klerikalismo, inatupag ilarawan ni Aguilar ang tunggalian ng pangkat ng modernismong imperyalista (kinatawan ni Mr. Roland) at tradisyonal na pangitain (tuso, mapakana at mapanlinlang) ng piyudalistikong institusyon ng Compania ni Jesus, labi ng nabuwag na teokratikong sistema ng kolonyalistang Espanyol. Sa pagitan nila, sumingit si Eladio, sugo ng uring anak-pawis.
Dahil sa pagkasangkot ng mga Heswita sa larangan ng edukasyon, bukod sa magpagkawanggawang aktibidad, nagkaroon ng pagkakataon ang mga anak-dalita (tulad ni Eladio) na makapag-aral. Bagamat kinasangkapan sila, ang aral ng kumpisal (repleksiyon sa sarili) ay bumunsod sa ugaling mag-ulik-uilk bago magpasiya. Sumasamba sa mga ninuno, pagkasira ng dangal ang motibasyon ng higanti ni Eladio sa kaniyang pag-aalsa. Lumalagay si Carmen bilang sagisag ng sambayanang kontrolado pa rin ng tradisyon, bagamat pansamantalang nahatak o nabighani sa Amerikanong abenturero—simbolo ng alitan ng mga oligarkong Quezon-Osmena at Philippine Commission ng Amerika.
Sa Ngalan ng Diyos / 12
Hindi binigyan ng pagkakataon si Mister Roland upang maipamalas ang bisa ng kanyang pagka-Puti o indibidwalistang inisyatiba.
Ang bahagi ng sambayanang hawak pa rin ng ideolohiyang piyudal, si Eladio Resurrecion (na wala sa pitong kabanatang nauna), ay gumaganap ng papel ng Kamalayang nagsusumikap maabot ang Kamalayang-makasarili (Self-Consciousness) sa pagsunod, pag-aaral, at sa tuluyang paghihimagsik. Tigib ng ressentiment (konsultahin ang Genealogy of Morals ni Nietzsche)paghihiganti ng busabos ang kanyang alternatibong sangguni sa sakit ng kaluluwa.
Kung aalagatain ang tatlong hibla ng banghay (Heswita-Carmen, Heswita Eladio, Heswite-Mister Roland), nakatuon ang interpretasyon dito sa kwestiyon sino sa huling pagtutuos ang makapapanalo sa budhi’t pag- aari ni Carmen, at ano ang ibig ipahiwatig ng pagkasingit kay Eladio sa pagtatagisan ng Amerika at Simbahan? Ano ang katuturan ng rebelyon ni Eladio, ang pagkatapon niya sa hilaga at pagkasawi niya? Hindi ito mekanikal na paglapat ng mga datos pangkasaysan sa balangkas ng nobela, na kung realistiko may nagpipinta ng mga tipikal na sitwasyon at karakter. Hindi simpleng kopya ng hilaw na datos o estadistiko ang nobela. Binatikos ni Roberto Anonuevo ang di-umano’y direktong tumbasan ng kasaysayan at likhang-sining, na sa kaniya’y “paglulunoy sa kumunoy ng realismong panlipunang mahirap igpawan” na, sa turing ko, ay sadyang karikatura ng radikal na kritisismo (vi-vii). Metapisikang maulap ang resulta kung abstraksiyon ng likhang-sining lamang na bukod sa lipunan at kasaysayan ang bibigyan-pansin.
Sa Ngalan ng Diyos / 13
Walang dudang ang nobela’y nagtataglay ng natatanging diskurso at tekso iba sa diskurso ng mga historyador. Walang pagtatalo sa iba’t ibang katangian ng mga disiplina. Datapwat hindi maihihiwalay ang katuturan ng haraya sa nobela sa kondisyong sosyal at pangkasaysang konteksto sumusuhay doon. Kung hindi, labis na estesismong bulgar ang absolutong proklamasyon na may sariling kosmos o Platonikong esensiya ang likhang-sining na walang kinalaman sa buhay ng awtor at lipunang pinag-ugatan nito. Hindi rin tumpak ang ihulog sa indibidwalistikong signipikasyon ang bisa ng sining o batayan nito.
Ang tesis ko dito ay palasak na sa postmodernistang klima: nakapupukaw ang katha sa bisa ng “reality-effect,” kaalinsabay ng porma ng ideolohiyang nakapaloob rito—ang katotohanang hatid ng alegoriko’t matalinghagang pamamaraan. Ang ideolohiyang Ito ay nakakabit sa mga sapin-saping kontradiksiyong isinasabuhay ng mga tauhan at eksena sa nobela, na gumagalaw at sumusulong sa kasukdulang antas. Humahantong ang kombinasyon sa isang imahinaryong resolusyon o kalutasan ng mga kontradiksiyong nahinuha mula sa tunay na karanasan hindi lamang ng awtor kundi ng mga grupo o sektor, mga importanteng pwersa ng madlang nagtatagisan sa realidad Balibar & Macherey).
Ang pagresolba sa problemang pagkuha ng kayamanan ni Carmen (likas na kayamanan ng bansa) ay susi sa kapalaran ng ibang antagonistang pwersa (Eladio, Mister Roland) na may karapatang makinabang doon.
Sa Ngalan ng Diyos / 14
Diyalektikang Pagpapalitang-Kuro
Masalimuot ang paghabi ng mga ideyang nagsasalungatan sa kamalayan ng mga tauhan at sa kanilang pag-uusap. Masining ang paglalahad ni Aguilar sa exposisyon at sa pagsisiyasat sa motibasyon ng mga pagbubulay-bulay ng mga tauhan. Mag-umpisa tayo sa Kabanata 1-2 na nagbabalita na mayroong sagabal sa layon nina Padre Villamil at Padre Superyor na masaklot ang kayaman ni Carmen: si Mister Roland. Bukod sa malamuyot na paglalarawan sa gandang pisikal ng babae, nabunyag sa isip ni Padre Superyor ang mithiin sa pagsuyo sa dalaga: “...ang yaman ng mga magulang ay nasa kapamahalaan niyang lahat. Marami siyang paupahang bahay, may lupaing malalapad, at sa lahat ng ito’y nakapagsasampa sa buwan-buwan ng walong libong piso. Ang isang binibining ganito ay saan di puputaktihin ng mga bubuyog, bakit maganda naman, may pangangatawang nakahihili, at balat na sakdal nipis” (9). HIndi dapat mamangha ang mambabasa sa masinsing paglalarawan ng Heswita ang kaakit-akit na katawan ng dalaga—isang kamunduhang dapat itakwil, mapanuksong kamunduhang sakop ng impiyerno—sapagkat ang pakay ng pari ay maisulong ang kapakanan ng institusyon. Walang sagabal ito sa sa plano ng Heswita: “Kailangang buong-buo, walang pingas na mapasa kanilang kamay ang kayamanang tinutudla” (11).
Maisasaulo na ang kondisyon ng kaluluwa, ang espiritwal na pagkalinga sa buhay, ang pimaryang interes ng Heswita. Ngunit kakatwa
Sa Ngalan ng Diyos / 15
si Padre Superyor sa diyalektikong pag-inog ng diwa: “Pagkadaki-dakila ng katalagahan...Ang dagat na kanina’y naghihinugong at pinapaspas ng hangin, ngayon ay tahimik at payapang-payapa...Hindi nga kataka-taking ang mga tao’y mawili sa lupang ito na sagana sa mga bulaklak, sa simoy na pandugtong buhay. Ngunit ang kalupaan ay kalupaan, pawang alabok na lahat, nauuwi sa wala, sa hangin, sa aso, sa hiwaga, samantalang ang langit ay palagian....” (8). Mula empirikal na hagod sa kapiligiran, biglang lukso sa metapisikal na kaisipan. Nakakwadro ang nagsasalpukang pwersa sa ideya ng kaluwalhatian, na madaling natabunan ng ingay ng automobil (tanda ng kapitalismong modernismo) at magulong halakhakan nina Carmen at mga kaibigang nagliliwaliw.
Ang kaaway ng mga Heswita ay madaling bakahin, paliwanag ng Padre Superyor kay Padre Villamil, sa kasuwistikong tono: “Sa mabuting kapalaran natin, mali man o tama sa katotohanan, ang kayamanan din ng ng mga Amerikano ay siya nilang ikinapapahamak...Sa mga aklat at pahayagan, sa mga salitaang lihim at hindi, ang sabing sa Amerikano ay wala nang mahalaga kundi ang pagkabuhay totoong karaniwan” (3). Tinutudla ng Amerikano ang “supot” ni Carmen, hinala ng Heswita.
Walang ilusyon ang Heswita. Pakli ni Padre Villamil na ang “masagwang pag-iimbot ng pilak” ay hindi lamang gawi ng Amerikano kundi ng sinuman, Ingles o Kastila. Walang pakialam ito sa hangarin ng Padre Superyor na nagmatuwid na ang kanilang itinutungo ay hindi ang “supot” kundi “ipinagiging mabuti ng lahat ng paraan,” sampu ng
Sa Ngalan ng Diyos / 16
“lalang”—tunay na katapangan na madadaig ang malaki (12) kung maipapasok ito sa bakuran ng Simbahan, na siya ngang nangyari nang magkumpisal si Mister Roland kay Padre Villamil sa Kabanata 7. Ang komodipikasyon ng espiritu ay pinahihintulutan sa kaharian ni Cesar, na nakapailalim sa Lungsod ng Diyos (ayon kay San Agustin).
Ang Amerikanong Mister Roland ay hindi itinanghal na isang garapal o marahas na Yankee carpetbagger o mandarambong kundi musmos o walang-malay na romantikong nilalang. Gayunman, sinasalamin niya ang isang pilosopyang sekular o naturalistiko, tila hango kay Spinoza kung saan ang katalagahan (kalikasan) at diyos ay magkaisa o magkatumbas. Siyentipikong atitudo ito. Sa turing ni Carmen na ang katalagahan ay gawa ng kapangyarihan ng Diyos, sagot ni Mister Roland na may himig mapagbirong paghahalo ng mga pagkakaiba, na lohika ng kalakalan bilang pagtutumbas ng ibat-ibang komoditi sa salapi (unibersal na sukat ng halaga). Lahat ng bagay ay maibebenta kung may halagang mapapakinabangan ang sinumang nangangailangan. Maiging baybayin ang oryentasyon ng talatang ito:
Para sa Amerikano, ang katalagahang dakila, makapangyarihan sa kaniyang mga batas at may mga lihim na kapalakarang sinusunod na di matutulan ni ng lakas at katalinuhan ng tao, kung minsan, ay siya na ring Diyos. Sa ganang kaniya ang pag-awit sa kagandahan ng dagat, ang paghanga sa sariwang talulot ng mga sampaga,
Sa Ngalan ng Diyos / 17
ang pagtataka sa naglalakihang bundok ay pag- aawit, paghanga at pagtataka sa Diyos na rin. May mga sandaling ang Katalagahan ay naipalalagay niyang iba nga sa Diyos datapwat dahil sa madalas na pagkakaisa ng kanilang mga lakas sang-ayon sa napagkukuro ng tao, at dahil sa magkaparis nilang kabutihan sa maraming bagay ay nahuhulog siya sa paniwalang ang Diyos at Katalagahan ay iyon din, samakatwid baga ang isa’y nauuwi sa dalawa at ang dalawa ay nauuwi sa iisa (28).
Sa paglagom, ang pilosopiya ng Amerikano ay hugot sa kalikasan, naturalistiko, at sekular. Sa katunayan, hindi ito malayo sa tagubilin ni San Ignacio na ituring “ang lahat sa mundo bilang nilikha ng kabutihan ng Diyos na masisinag sa kapaligiran” (Armstrong 285). Tulad ng mga Puritanikong grupo, mga dalubhasang mananalisik ang mga Heswita. Hindi kaaway ang siyensiya (rason) at pananampalataya. Ayon kay Santo Tomas, hindi magkalaban ang agham at pananalig sa Diyos. Hindi nakamamangha na realistiko’t mapitagan ang lapit ni Padre Villamil, maingat sa pakikitungo, kaya nahikayat niyang magtapat si Mister Roland. Gayundin ang maniobra niya kay Carmen na naipit—tulad ng mga subalterno sa Asamblea—sa pagitan ng piyudal na orden at kapitalistang sistema ng pagtimbang sa lahat ng bagay ayon sa halagang-paggamit (use- value) na pwedeng tratuhin sa halagang-palitan (exchange-value), ang lohika ng negosyo o kalakalan (pag-angkat at pagluwas ng produkto).
Sa Ngalan ng Diyos / 18
Paghimay sa Katalagahan
Maitataya na ang sagupaan ng Heswitang estratehiya upang mapailalim ang kamunduhan sa Diyos at tukso/himok ng mariwasang kabuhayan sa patnubay ng imperyalismong Amerikano—kung paano ito maisasadula—ang unang preokupasyon ni Aguilar. Naipahayag ni Mister Roland ang kanyang pag-ibig; mahinhing tinugon iyon ni Carmen. Walang kinahantungan. Isang taon at kalahati ang lumipas; natuksong magkumpisal siya kay Padre Villamil. Ginamit ng pari ang paggalang ng Amerikano sa kostumbre ng katutubo: ipinalagay na hindi makapagpapasiya si Carmen dahil sa kanyang pagmamahal sa kanyang ale. Natupad ang balak ni Padre Superyor na matulak si Mister Roland sa kanilang bakuran upang magabayan iyon at maigiit ang kanilang gusto. Samakatwid, nailangkap ang pangitaing sekular/naturalistiko sa masaklaw na Heswitang ideolohiya ng pakikibaka sa panig ng Langit laban sa puwersa ng Impyerno. Maipapalagay na sintomas ito ng militaristiko’t awtokratikong konstitusyon ng Compania na siya ring katwirang isinusog upang ipagtanggol ang rebolusyon at pagpatay sa tirano kung kakailanganin ng simbahan (Bainton 279). Lahat ng paraan ay makatwiran kung ang adhika’y lalong maidakila ang Diyos—isang kalabisang nagahaka na kailangan pa ng makapangyarihang Grasya ang ambag ng makasalanang nilalang.
Ang matalisik na sikolohikong analisis ni Aguilar sa dalumat ni Padre Villamil ay katibayan na ang nobelang ito ay mapangahas na eksperimento sa pagpanday sa panitikang Tagalog. Iginuhit na malikhain at mabusisi ang proseso
Sa Ngalan ng Diyos / 19
ng damdaming sumalisi pagkahulog ni Mister Roland, tanda sa mediyasyon o rekonsilyasyon ng kontradiksiyong Amerikano-versus-Simbahan. Sa isang pagtatasa, si Eladio ay nagsisilbing mediyasyon din sa pagitan ng instrumentalistang makinasyon ng kapitalismo at animistikong estilo ng pamumuhay ng mga paganong tribu.
Bawat karakter ay nagsisilbing entablado ng nagsasalpukang pananaw o pangitain-sa-mundo. Napagsanib ang magkatunggaling pwersa sa daloy ng isip ng Heswita kung saan nakakintal ang pagsulong ng pagsasalaysay mula sa komprontasyon ng modernistang sibilisasyong pinapatnubayan ng monopolyo- kapitalismo at pragmatikong orden ng Heswita. Ito ay nagbubunsod tungo sa pakikihamok ng katutubong alila o katulong (Eladio) laban sa tradisyong piyudal na nagpanggap maging mapagkalingang pastol. Subaybayan ang dalumat ng pari sa nangyaring pagtanggap ng Amerikano sa kanyang alok:
Kay-laki ng awang dinaramdam noon ng kawal ni San Ignacio, sa binatang nahulog sa patibong nang walang kamalay-malay. Kaya hanggang sa makaalis ito ay pinag-isip- isip kung anong bagong suliranin iyon ng kaluluwa, na ninilit sa taong gumawa at kumilos nang di na muna nag-iisip.
Ngunit sa pagkaawa ay humalili ang kagalakan dahil sa di niya kinukusang pagkaalam mg maraming lihim na di-sasalang pakikinabangan sa lalong ikadadali ng pagkasilo sa dalaga. At ang ginawa ay agad nakipagkita sa padre superyor upang ibalita rito ang lahat (63).
Sa Ngalan ng Diyos / 20
Kaalaman ay naging puhunan sa lalong pagtubo nito. Napagkayarian ng dalawang kawal ng Compana ni Jesus na iakma ang estratehiya sa bagong katalagahan, na manmanan at subukan ang bawat galaw at kilos ng kanilang biktima, si Carmen. Kailangan ang isang makapagmamalas sa babae, taktikang ginampanan ni Eladio. Samantala, si Padre Superyor ang uugit sa gawi at hilig ng ale ni Carmen, pasisiglahin ang kaugaliang dapat sumunod sa magulang ang anak. Ito ay ideolohiyang piyudal na di sinansala ni Mister Roland, pagkat kasabwat at kaalyado ng kolonyalismong lakas ang mga katutubong oligarko na ginagabayan ng tradisyonal na hilig at kaugalian. Dito natin halungkatin at ibulatlat ang trato ng Heswita sa halaga ng espasyo/lugar, sa katuturan ng matalinong disposisyon at pag-aayos ng puwersa sa larangan ng digmaan upang maipaunlad ang proyektong Ad majorem Dei Gloriam, islogan ng orden, na nakasalig sa isang katamtamang pagkaunawa sa kakayahang moral ng bawat nilalang (Ferm 391). Iminungkahi ni San Ignacio (pundador ng Compania) na alagaan ang kalusugan, maging matiwasay at masaya sa tuwirang pagdanas sa Diyos sa pag-angkin ng rebelasyon upang maisulong ang mithiing sekular ng mga sundalo ng Diyos.
Ang Pagsasanay ni San Ignacio de Loyola
Ibaling natin sandali ang aralin sa pag-aayos ng tagpo sa nobela ayon sa plano ng Heswitang mahuli ang budhi/pagpapasiya ni Carmen. Konsensus ng lahat na ang Mga Espiritwal na Pagsasanay (Spiritual Exercises (1522-24) ni San Ignacio de Loyola ang pinakamakabuluhang
Sa Ngalan ng Diyos / 21
giya sa mga kasapi. Itinatag noong 1534 sa Paris ni San Ignacio, ang Compania ni Jesus, isang disciplinado at militanteng orden ng mga guro sa larangan ng edukasyon, iskolar, misyonaryong direktor ng kaluluwa, ay naging lider ng Kontra-Repormasyon. Katulong sa Inkisisyon, binatikos nila sa matinik na polemika and mga deista, organisasyon ng mga mason, sina Voltaire at mga kapanalig na Pranses sa Encyclopedia, hanggang isigaw ang kanilang adhikang busalan at ipatapon ang mga walang diyos at erehe. Sa kanilang militaristikong oryentasyon, kinatakutan sila ng marami at naging bantog sa bulag na pagsilbi sa poder ng Papa.
Sa kodigo ng Pagsasanay, na binubuo ng mga dasal, meditasyon, paglilitis sa konsiyensiya (examen de conscience), at pagninilay, sa loob ng 28-30 araw, sisikapin ng nagtitika na matanto ang kalooban ng Diyos, siyasatin ang sariling loob, upang mabatid kung ano ang mabuti at masama. Sa mataimtim na paglilitis at pagkilates sa budhi, sisikapin ng Kristyanong sanayin ang kakayahang mangatwiran upang mailinaw kung ano ang tama o mali, gamit din ang pakiramdam—tingin, amoy, dinig, lasa, hipo—sa pagsunod sa isang metodo ng etikal na pagtimbang. Tulad ng modelo ni Thomas a Kempis (Imitasyon ni Kristo [1441]), layon ng katekismo ni San Ignacio ang ibunsod ang nananampalataya na tumulad sa Panginoon upang lubusang mabago ang makasalanang buhay sa mundo. Sa ganitong aralin, idiniin ng mga Heswita ang mahalagang papel ng kumpisal upang masusing mapatnubayan ang direksiyon ng buhay, tulad ng pagpayo kay Carmen na laging sumunod sa ritwal at utos ni Padre Villamil.
Sa Ngalan ng Diyos / 22
Masasaksihan din sa Pagsasanay ang paglapat ng atensiyon sa espasyo/lunan ayon sa buhay ni Kristo. Maiging idinaliri ang daan ng peregrinasyon; itinuro ang matarik na daan, ang mapanligaw at pasikot- sikot na lambak, bangin, bundok, kung saan makapagpapahinga, gamit ang lahat ng sentido at natural na kakayahan sa paglalarawan at imahinasyon upang maipaghiwalay ang mabuti at masama, Kristo o Lucifer. Sa paglalangkap ng guniguni, kabatiran at pagnanasa, hindi sa paraang ekstatikang mistikal, makakamit ang kaganapan. Umaayon ito sa turo ng Heswitang Luis de Molina na magkatugma ang grasya at malayang pagpapasiya ng tao—hindi sagabal ang malayang pagpapasiya ng tao sa mabisa’t nauunang aksiyon ng grasya ng Diyos taglay ang scientia media (Rahner & Vorgrimler 290-91). Rasyonal kung gayon ang malayang pagpili ni Carmen habang pinapatnubayan ng Grasya. Ipinaglaban ng mga Heswita ang kalayaan ng tao laban sa doktrina ng predestinasyon ng mga Jansenista, Calvinist, at maka-San Agustin (Tillich 220-23). Kung walang malayang pagpili, wala ring hatol ng kapatawaran o parusa, manapa’y anong saysay ng awtoridad o soberanya?
Ang espasyo sa nobela ay nakatuon sa mga silid ng Padre Superyor, Carmen at Eladio. Ang publikong lugar ay simbahan, lansangan, sa looban at bulwagan ng bahay ni Carmen. Bagamat binabalaan na si Carmen ng Padre Superyor tungkol sa indibidwalistikong pangitain-sa- mundo ng Amerikano’’—“ang masidhing paglingap sa sarili, paris ng tinutuntong halimbawa ng pagdalangin sa ako ng mga Amerikano ay
Sa Ngalan ng Diyos / 23
nagwawalat ng pananampalataya” (24)—hindi nasuway si Carmen sa pagdulot ng panahong pagmuni-muniin ang dulog ni Mister Roland na nangyari nang magkaroon ng handaan (Kabanata 6).
Pakikipagsapalaran ng Birhen
Ordinaryong buhay ang nakagagambala. Napukaw na ang damdamin ni Carmen sa balitang pag-aasawa ng pinsang Dolores at Ventura. Matinding balisa ang sumaklot sa dibdib ni Carmen: “...Siya kaya ay makaisip mag-asawa?...Hindi niya matulusan kung alin ang mabuti sa gayong siya ay nag-iisa o sa may makatali ang kaniyang kapalaran” (33). Umawit ng “Pamamaalam ni Aida sa Kaniyang Bayan”—pahiwatig na maitataboy siya sa madlang burgis (hawak ang patubuang propriedad), habang damdam ng lahat ang “pagbulalas wari ng pighating kinukuyom sa dibdib” (49) na hindi lang sa kabukiran kundi kabayanan at dulaan mahirap makarinig noon. Tinig sa kagubatan ang naulinigan ng madla.
Nalusaw ang espasyo ng pagtitipon sa pagniniig ng dalawa (Carmen at Mister Roland), sa ngiti at titig ni Carmen na “nagbubulong sa kaluluwa ng Amerikano ng laksa-laksang pangako at mga sumpang pagtatapat habang buhay” (54). Natapos ang kainan at kasayahan; nakatalukbong sa wani ni Carmen ang isang bagabag: “,,,iniibig niya si Mister Roland ay kung bakit nag-aalangang buksan dito ang kaniyang puso....Kung sa araw ay palubog na nang magsabog ng liwanag, at kung sa bulaklak ay lanta na ang mga talulot nang hanapan ng bango” (55). Gayundin ang
Sa Ngalan ng Diyos / 24
nangyari sa kumpol ng bulaklak na bigay ni Dure kay Eladio sa paglisan nito.
Kumitid muli ang espasyo ng hardin at bulwagan sa eksena nang magtakbuhan ang mga automobil, sagisag ng modernidad. Sa pagdidili- dili ni Carmen, pinatunayang ang gawing pagbulatlat at paghimay sa karanasan tungo sa kumbersiyon (pagpasiyang maging mongha, asawa ni Jesus) ang siyang magbubunsod sa paghulog sa umang ng Heswita. Mapanganib sanayin ang isip sa ikauunlad ng kalayaan ng bawat tao sa pagpili ng dapat gawin, pagpili ng landas na tatahakin.
Samantala, sa Kabanata 7, natulak na rin si Mister Roland sa bakuran ng simbahan hindi dahil sa pagkamaginoo ni Padre Villamil kundi sa pagkaalam na kumpisor ito ng dalaga. Ang pitong kabanata sa gitna ng nobela (Kab. 8-14) ay mangyayari sa loob ng bahay ni Carmen, sa silid niya at ni Eladio. Ang espasyo mula Kabanata 14 ay lumipat mula sa lungsod tungo sa kanayunan, sa kabukiran, kung saan ang suyuan ni Dure at Eladio ay lumago, sumigla at naging negatibong imahen sa nabigong pagsasama nina Carmen at Mister Roland. Naputol ang magandang kinabukasan ng oligarkong katutubo at kolonyalistang Amerika sa aplikasyon ng turo ni San Ignacio—pagkumpisal, ulit-ulit na pagsulsol at paglamuyot sa konsiyensiya ng may kayamanan, at maagap na interbensiyon ng alila o instrumentong mauugitan tulad ni Eladio.
Etikang Problema at Pulitikang Pagkalas
Sa Ngalan ng Diyos / 25
Mula nang ipasok si Eladio sa Kabanata 8 hanggang sa wakas ng nobela, lumipat ang sentro ng pagsasalaysay sa analisis ng sikolohiya ng instrumento sa pagsilo sa minanang yaman, sa ibang salita, ang namamagitang pulutong ng katutubo, ang lakas-paggawa ng madlang walang pag-aari sa kagamitan ng produksyon. Nakatuon tayo sa tanong: sino ang makapamamahala sa teritoryo’t likas-yaman ng Pilipinas: ang imperyong Amerikano o mga trabahador sa bukid at pagawaan?
Ang huling bahagi ng nobela hinggil sa edukasyon ni Eladio, ng kaisipang walang muwang at mapagtiwala, ay proyektong paglantad sa limitasyon ng aksiyong personal laban sa makapangyarihan. Sa ibang salita, ang layon dito ay ipatalastas ang hanggahan ng maramdaming kritika na walang kolektibong lakas. Mapusok na anarkismo’y tulad ng reaksiyon ng hayup sa anumang panganib. Kung sa bagay, maaring ipalagay na si Eladio ay representatibo ng medya-klase o panggitnang uri, taglay ang indibidwalistikong sigla’t talino. Ngunit ang munakala niya— halimbawa, kaniyahin si Carmen—ay hinadlangan ng natutuhang pagsasaalang-alang sa dangal ng kababaihan, at sa puna ng magulang.
Sa pagdaralita, umasa si Eladio sa mga Heswita sa ambisyong maging manggagamot. Biktima siya ng tadhanang kinagisnan. Ngunit ginulo’t giniyagis ang kaniyang konsiyensiya nang matuklasan ang tahasang iniutos ni Padre Villami. Dagling sumungaw ang multo ng mga ninuno nang madiskubreng siya’y pinagsamantalahan:
Sa Ngalan ng Diyos / 26
Sa maliwanag at tuwirang pagsasabi ang ipinapagawa sa kaniya ay paniniktik, pakikialam sa buhay ng may buhay upang ipagbigay alam pagkatapos sa iba. Ano pa’t nauuwi sa nakahihiyang tungkol na magtaksil sa tapat na pakikisama, gamitin ang isip sa gawaing bagay lamang sa mga kaluluwang aba at may kaloobang pusali....sa gayong mapait na atas ay tumatanggi ang kaniyang malinis na budhi, parang ang ama niya at inang pinakamamahal ay nagbabangon sa kanilang kinabaunan upang siya ay isumpa...[Hindi naman maitakwil ni Eladio ang mga Heswitang “nagturo...na utang naman ang pagiging tao [na maling haka-haka, sa katunayan]. Sa kaunting araw niyang ikinatitira sa bahay na iyon ay natarok niya ang kagandahang-loob ng dalaga, [taglay ang] ganap na kabutihan...Umurong siya at sumulong ay walang nangyari, tila siya natutuntong sa guhit o nalalagay sa dulo ng sibat (75-76).
Tulad ni Padre Villamil, natutuhan ni Eladio ang maglihim, magkunwari, gamitin ang linlang at pandaraya. Sa pagsaliksik sa kontradiksiyong bumabalisa sa kaniya, alalaong baga’y naging Heswita rin si Eladio sa balak na iligtas ang sarili at tumawid sa krisis ng di nabawasan ang dangal at pagkatao. Masinsinang siko-analisis ang matagumpay na nahulma ni Aguilar, ebidensiya na ulirang pioneer ito sa tradisyon ng nobelang makabago’t mapanghawan ng bagong landas sa paggalugad at pagmapa sa kapaligiran. Kilatesin ang implikasyon ng dinamikong pagkukuro ni Eladio na tandisang examen de conscience:
Sa Ngalan ng Diyos / 27
Bukod sa dapat naman niyang timbanging mabuti kung ano ang marapat na gawin.
Ang kakalabani’y sakdal-liksi, matalino at malakas, kaya ang kailangan ay hindi ang pag-iingat lamang kundi ang buong talas at lakas ng loob.
Parang uling na pinahid sa kaniyang kalooban ang pagmamahal sa mga pinagkakautangan niya ng pagiging tao. At ang sanhi ay ang nadarama niya halos na kabulukan ng kanilang loob at karungisan ng kanilang budhi. Ang kanila palang budhi’y kasing-itim ng tina, kasingbaho ng pusali, kakulay ng burak. Nakaririmarim na mga taong sa ilallim ng damit ng pagpapakumbaba ay may natatagong matatalas na kuko ng halimaw. Hindi niya akalain!...
Pinag-iisip kung ano ang mabuti, bagaman sa sarili ay yari na ang tangkang ipagtanggol ang dalaga, laban sa kasakiman natay na sa kaniyang mga pag-asa sa pag-ibig ay nagtatangka pang pumatay sa kanyang pagkatao.
Naipalagay ni Eladiong ang Diyos na rin ang siyang nagtalaga ng lahat nang iyon upang siya na isang anak- bukid lamang ay makagawa ng isang bagay na maging karapat-dapat sa mata ng Makapangyarihang Lumikha (92).
Sa Ngalan ng Diyos / 28
Wangis Heswita ang asal ni Eladio sa puntong ito. Sa kabila ng ganitong pagsisiyasat sa kalooban, hindi nakuhang gahasain ni Eladio si Carmen sa bantang biguin ang mga Heswita. Sa halip, siya ang napahamak. Bilang testigo o saksi sa pakana ni Padre Villamil, ipinatapon si Eladio—tila mataginting na sumbat sa atin na huwag kalimutan ang napagsapit nina Mabini at mga bayaning ayaw tumanggap sa soberanya ng Amerika na nadestierro pagkasuko ni Aguinaldo: “Pagkatapos na siya ay paggampanin ng isang katungkulang nakalalait sa pagkatao ay iyon ang gantimpala sa kaniya ang ipagtabuyan sa isang lalawigang malayo” (106). Bagamat napahupa ang galit, tandaan ang imaheng nakapaloob dito: “Naglalamay na kinukuro ang kaniyang paghihiganti laban sa mga Heswita. Ang damdamin niya’y nag-aapoy, parang isang malaking siga sa loob ng dibdib na nagpapainit nang gayon na lamang sa kaniyang kalooban” (106). Naitampok na naman ang imahen ng apoy, sunog, na tila bunga ng kaniyang poot, ngitngit, pagngangalit sa aglahing di matiis, na magtutulak sa kanyang sunugin ang bahay ng mga Heswita sa huling kabanata.
Ang galit na iyon ay sumagitsit muli nang utusan siyang bumalik, ang himutok ng pag-iring niya “ay aapaw na parang tubig na kumukulo at sa pagdaraana’y walang ilalabing anuman kundi ang bakas lamang nga mga pagkasawing ibubunga” (145). Tila matiyagang estudyante ni San Ignacio si Eladio na sensitibo sa
Sa Ngalan ng Diyos / 29
bugso ng damdamin at mainam magmasid sa proseso ng pag- inog ng dalumat na siyang sintomas ng hatol ng Diyos o katalagahan. Gumising ang nahihimbing na ulirat, umisip ng paraan kung paano maiwawasto ang kamaliang di maipaubaya sa dating guro o kadaupang-palad.
Trahedya-komedya ng Pagbabanyuhay
Bago talakayin ang intensiyon ng dalawang huling kabanata ng nobela hinggil sa paghihiganti ni Eladio, balik-tanawin muli natin ang proyekto ni Aguilar. Sa krisis ng sambayanan sa unang dekada ng pananakop, pinag-aralan niya ang paghahanay ng mga sektor, lakas- panlipunan, ang alitan ng puwersang makaluma at puwersang makabago, at paano nagbubunga ito ng ideolohiya o paniniwalang gumabagay sa bawat mamamayan.
Kaugnay nito, paano malulutas o maikakalag ang mga buhol ng kontradiksiyong nakahalang sa buhay ng bawat uri sa lipunan, laluna ang di pagkakasundo ng pwersa ng produksyon (trabahador, intelihensiya, kababaihan, lumad) at walang-katarungang ugnayan ng tao at malupit na Estado ng makapangyarihang oligarkiya’t kolonyalismo..
Napag-alaman na natin ang nakalipas, ngayon naman usisain natin ang kinabukasan o hinaharap ng mga tauhan at grupo sa lipunan. Kung si Carmen ang kumakatawan sa kapalaran ng kababaihan at uring masunurin pa rin sa lumang orden, si Eladio ang personipikasyon ng
Sa Ngalan ng Diyos / 30
mapanganib na krisis ng panggitnang-uri, katutubong mamamayan na supling sa bukid at napadpad sa lungsod kung saan namamayani ang awtoridad ng simbahan at imperyalismong burokrasya (pulis, simbahan, atbp). Maitatanong: bakit nagwakas ang nobela sa pagkabigo ni Eladio at pagkahuli sa kanya? Bakit sumuko na lamang si Mister Roland sa pagkaalam—salamat kay Eladio—na siya ang naging biktima ng panlilinlang at pandaraya ni Padre Villamil?
Dumako muli tayo sa disenyo ng espasyo at panahon. Dalawang uri ng espasyo ang ginamit sa banghay ng nobela: ang saradong silid sa bahay ni Carmen, ang Simbahan, ay ang mga pribadong silid ng mga Heswita, na kapwa entablado o plataporma sa analisis ng isip at damdamin ng mga tauhan. Katumbalikan ang bukas na espasyo: hardin o looban ng bahay ni Carmen, at dagat at bukirin kung saan nailipat si Eladio nang hindi na siya kailangan sa paniniktik ni Padre Villamil. Pahiwatig ang dagat at kabukiran ng posibilidad na makatakas si Eladio at makapagsarili sa bagong buhay na kasama ang napusuang Dure, anak ng magsasaka’t tagabukid. Bapor at automobil ang sagisag ng nagmamadaling tako ng industriyalisadong sibilisasyon ng imperyalismo, ng monopolyo-kapitalismong maghahari sa buong daigdig sa Siglo 1900.
Sa unang nobela ni Aguilar, Pinaglahuan, ang pagsasalisi ng makulay na eksena sa publikong lunan at pribadong lugar ay sinadyang disenyo. Mas maraming tagpo ng mga pista, handaan, at sugalan kaysa sa pribadong ugnayan nina Danding at Luis, himatong na humihina ang
Sa Ngalan ng Diyos / 31
bigat ng humanistikong pakikipag-ugnayan kumpara sa kalakarang salapi o negosyo na pinagkakaabalahan ng madla. Madula ang sagupaan ng madla, ng komunidad, at ng ulilang pulubi o katulong sa lansangan.
Sa kabilang dako, ang maigting at nakapupukaw na pangyayari sa Sa Ngalan ng Diyos ay diyalogo ng dalawang personahe, halaw sa kumpisalan, o nag-iisang tauhan na nagninilay o naglalamay. Ang mga protagonista rito ay mga kaluluwang ginigiyagis ng di-mawatasang pwersa: ang lihim ng poder sa lipunan ay naikubli sa alyenasyon ng tao sa isa’t isa dahil sa kolonisasyon, at pagpapatuloy na alyenasyong espiritwal na tatak ng awtokratikong hirarkya ng ordeng piyudal. Napawi ang komunidad ng mga anak-dalita sa lansangan, pabrika at bukid; namagitan ang nag-uulik-ulik na nagpapautang, si Rojalde at ang nagkakautang, si Don Nicanor.
Indibidwalismong nakasalig sa salapi at negosyo ang namamayani sa publikong larangan. Ang dibisyon ng lungsod at nayon ay bunga ng dibisyon ng lakas-paggawa, ng lakas ng magsasaka na upahan ng panginoong maylupa at lakas ng pabrikang pag-aari ng kapitalista. Kawani o katiwala lamang si Eladio, ngunit ang milyu o kapaligiran niya ay tinitirahan ng mga pesante’t magbubukid na pinapatnubayan pa rin ng siklo at ritmo ng kalikasan. Sa pamumuhay nila matatagpuan pa rin ang paggalang sa kostumbre, matandang kaugalian, at pakikiramay ng pamilya’t angkan na hindi katulad ng parokya sapagkat walang minanang ari-arian ang kasangkot.
Sa Ngalan ng Diyos / 32
Masisinag ang uri ng pamahalaan at makapangyarihang pananaw sa ayos ng espasyong pisikal. Malayo ang nakararaming tao sa kampanaryo ng Simbahan, sa plaza mayor ng kolonyalismong Espanol, kung saan ang lunan na pantay at walang kaibahan ay hinati at pinagbukod-bukod ayon sa hirarkiya ng ciudad at pueblo, ng awtoridad ng gobyerno/simbahan at mga nagbubuwis (Lefebvre 51-52). Nagtamasa ng pansamantalang kasarinlan o awtonomiya si Eladio, at sagisag nito si Dure at kanilang pagmamahalan sa bukid, na tiwalag sa pag-inog ng industriyalisadong lupalop ng daigdig.
Isang kawili-wiling hulagway ng utopikong lunan ang naikintal ng tagapagsalaysay sa Kabanata 16, sa pagbabalik ni Eladio sa lungsod. Panahon, ang temporalidad ng paglisan sa pook ng kaligayahan, ang pumalit sa espasyong kinagisnan. Ipinahihiwatig dito ang di- matatalikdang pagsulong ng kolonya tungo sa kabihasnang modernidad, sa pamamayani ng salapi/kapital na mabilis ang sirkulasyon, tulad ng bilis ng bapor at bilis ng paglanta ng kumpol ng bulaklak na talinghaga ng naputol na ugnayan ng magkasuyo. Pansinin ang galaw ng tanawing nagbadya sa sensibilidad ni Eladio at reaksiyon ng nabiyak na personalidad sa bahagi ng katawan at sa bahagi ng diwa o ulirat:
Isang matunog na sipol ang umaalingawngaw sa karagatan at ang sasakya’y unti-unting kumilos.
Banayad muna ang mga unang sandali, bago unti-unting tumulin, hanggang sa naging mabilis ang paglayo sa pasigang
Sa Ngalan ng Diyos / 33
pinanggalingan. Si Eladio ay hindi tumitinag sa pagkakatayo, ang titig ay nakapako sa dalatan.
Sa mga kabukirang iyon, at doon sa likod na kakahuyang masaya na abot ng tingin ay naiwan ang kaniyang puso, ang ligaya ng kaniyang buhay, ang babaeng malinis suminta na hindi na makikita kailan man kung siya’y sawimpalad sa inaakala. Katawan lamang niya ang lumalayo, ngunit ang kaniyang kaluluwa ay naiwan sa piling ni Dure, upang ito’y dalanginan sa tuwi-tuwina at sambahin sa bawat sandali.
Ang kapighatian niya’y nag-ibayo nang mapakubli sa isang pulo ang sasakyan. Wala na siyang matanaw sa bayang pinanggalinan, kaya napatungo na lamang at sabay sa pagbubuntong-hiningang hinagkan nang buong kataimtiman ang kumpol ng kamuning na alaala sa kanya ni Dure (146-147).
Naikintal ni Aguilar ang anyo ng dalamhati o kapighatian ng lahing naduhagi ng imperyalismo, ng rebolusyong natigil. Larawan ito ng buong kaluluwa ng sambayanang naparalisa. Si Dure ang simbolo ng kinabukasang nawaglit dahil sa pagkaputol ng rebolusyonaryong paglalakbay. Hindi na nagunita ni Eladio si Dure nang makarating sa lungsod; nakapaghari ang balak na bawiin ang puri, ang kasarinlang nalasahan sandali, ang ilusyon ng kalayaang nalasap malayo sa kampanaryo ng San Ignacio. Ito kaya ang husga ni Aguilar sa kanyang mga kapanahong nakibaka laban sa Espanya at sa Amerika?
Sa Ngalan ng Diyos / 34
La Ultima Razon
Kahambing ni Crisostomo Ibarra/Simoun si Eladio—nilinlang, pinagnakawan ng sinta, pinagpugaran ng galit at nasang pagbayaran ang utang sa kaniya sa paghihiganti. Nang ibalita sa kaniyang naipagbili na ang pag-aaring lupain ni Carmen at makababalik na siya sa pagka-alila ng mga Heswita, sumabog ang ngitngit ni Eladio. Dito nahimay at napagsuma ang likaw-likaw na pangyayaring humantong sa kanyang paglalakbay sa hilagang lalawigan.
Imbestigasyon ng konsiyensiya ang ginawa, tila kumpisal sa Kamalayang Nakatago o Nakakubli—isang pagkilala sa sarili bilang aktor sa dulaang pinamamatnutgutan ng Diyos at panuntunan sa hinaharap. Nailuwal ang bagong insurektong magbubuhay sa napatdang paghihimagsik nina Bonifacio, Luna, Sakay:
Dati siyang tahimik at walang kaligaligan, ngunit ipinasok sa bahay ni Carmen upang gawing tiktik sa mga kilos nito kay Mister Roland. Nang naroon na’y nakilala ang tunay na layon ng mga Heswita, salamat sa pakana nilang nagbunga ng pagkasira ng mahigpit na pag- iibigan ng dalawa, at sa kaniyang pagkuha-kuha sa bangko ng salaping ibinibigay ng dalaga sa mababait na pari. Sa gayong kalagayan ay nilinlang siya ni Padre Villamil, pinapaniwala pang sapat na ang kaniyang nalalaman upang tanggapin lamang ang tungkuling
Sa Ngalan ng Diyos / 35
kaniyang tinutupad, at ang kadahilanan ng ganito’y maliwanag na dili iba’t ang nais na siya’y mapalayo at nang huwag maging saksi sa mga mangyayaring kasunod....
Saka ngayon, nang sinisimulan niya ang paglangoy nang sarili, sa loob ng katayuang nilikha ng mga lalang din ni Padre Villamil ay ito at hindi na iba ang siyang bumigo sa lahat niyang mga panukala.
Maliwanag na sa lahat ng iyon ang tinungkol ng mga Heswita ay pawang pagsira, paggiba, pagwarat hindi lamang ng kabuhayan ng mga taong napalapit sa kanila kundi pati sa kanilang mga pag-asa, sa kanilang kaligayahan at aliw (143-43).
Binihisan ni Eladio ng polemikang pagtatakwil ang buod ng kanyang paghatol sa huling kabanata, nang siya’y mabigo sa pagsunog sa bahay ng mga Heswita at pagkahuli. Ibinulalas niya ang bagong kabatiran niya batay sa kanyang sariling pagmumuni ayon sa nasusong pagkamatapatin sa angkan at sa mga aral na rin ng pakikipagkapwa-tao mula sa kulturang katutubo. Matingkad na ipinagtabi ang bulahaw ng sawimpalad at sagot ng tinatampalasan sa huling kabanata:
Ang talaga pong katotohanan, Padre Villamil. Sa ngalan ng inyong Diyos ay sinira ninyo ang pag-
Sa Ngalan ng Diyos / 36
iibigan ni Carmen at ni Mister Roland, sa ngalan ng inyong Diyos ay niluoy ninyo ang mga pag-asa ni Carmen hanggang sa siya’y maipasok sa monasteryo, sa ngalan ng inyong Diyos, ako ay inyong kinasangkapan sa mga lihim na pakana, at sa ngalan ng inyong Diyos ay pinaglaruan ninyo ang aking kapalaran. Kaya sa ngalan naman ng aking Diyos, ako ay gumanti.”
“A, sawimpalad, tampalasan.”
“Hindi po, Padre Villamil, hindi ako tampalasan.

Sa lilim ng ibang palakad sa pamumuhay, sa sinapupunan ng ibang ayos na pagsasamahan ng mga tao sa nangyayaring ito ay ako ang bayani at kayo ang salarin (157).
Tambad ang kontradiksiyong naitampok sa pagsasagutan nina Eladio at Padre Villamil. Nakapamayani ang awtoridad ng pulis sa kapakanan ng simbahan at pag-aari. Kaipala’y balewala ang husga ni Eladio na “Katauhan ay may sakit pa rin,” obserbasyong itinaguyod ng tagapag-salaysay na maalam sa komentaryong nakabuntot.
Ipinasok si Eladio Resurreccion sa bilangguan, “samantalang ang mga Heswita ay tumatanggap ng maraming pakikilugod dahil sa pagkaligtas nila sa isang malaking sakuna,salamat sa maawain at makapangyarihang Diyos” (157).
Sa Ngalan ng Diyos / 37
Parikalang komentaryo na nagsasaad ng ironikal na atitudo ng tagapag-salaysay, pahiwatig na ang Diyos ay mahiwaga. Di nakapagtataka na batid ng Diyos ng Heswita ang lihim ni Eladio kaya natiktikan at nadakip agad ng mga sekreta, tulad ng pakikipagsabwatan ni Rojalde sa mga sekretang humuli kay Luis sa salang pagnanakaw. Salamat sa maraming mata ng Diyos na mapagmasid at nanghihimasok sa lahat ng bagay.
Sukat nang alalahanin na ang lahat ng paraan sa pagsagip sa kaluluwa ni Carmen ay tama o nararapat sa ikadadakila ng Diyos, ayon sa islogan ng mga Heswita: “Ad majorem dei Gloriam.” Masugid na sinibak ng mga Heswita ang grupong Jansenista sa Pransiya sa ngalan ng rason at kalayaan sa loob ng absolutong awtoridad ng Papa, halimbawa na ang Compania ay tinaguriang modernistang alagad ng totalitaryang sybordinasyon ninuman sa poder ng Simbahang Romano- Katoliko (Tilllich 222).
Subalit hindi totoo na sang-ayon sila sa patakaran ni Machiavelli na lahat ng paraan, masama man o mabuti, ay maari sa ikagagaling ng Prinsipe. Bintang ni Pascal, ang tanyag na pilosopong Pranses, na turo na mga Heswita ang Makiyabelismong modus operandi na ang simbuyo ng pagnanasa, hindi bait o makatwirang dunong, ang nagtatakda ng moralidad ng aksiyon. Nasa ulat ng mga komentarista na
Sa Ngalan ng Diyos / 38
kinakasangkapan ng Compania ang sandata ng reservatio mentalis o sinadyang pagpapaisantabi, at amphibology o tinangkang ambiguwidad o ambil na pagsasabi (Fulop-Miller 154-55). Ang lohika nito ay nakasalalay sa katotohanang dapat iangkop ang anumang sasabihin sa kondisyon ng pagkakataon at sa kung sino ang kinakausap at angkop sa layon at intensiyon ng usapan. Alinsunod sa reglang ito, ang pagtrato ni Padre Villamil kay Eladio ay hindi masama o lihis sa katayuan ng isa’t isa; at gayundin sa pakikitungo ng mga Heswita kina Carmen at Mister Roland.
Autopsiya ng Corpus Delicti
Sa huling pagtutuos, ang intensiyon o adhika ang importante sa lahat, hindi ang resulta ng aksiyon o kilos na nakasalalay sa hindi mapipigilang bugso ng tadhana o nesesidad. King gayon, ang paghihiganti ni Eladio ay may katuturan, kahit man nabigo, tulad ng insureksiyon ng mga Colorum sa Tayug at ibang probinsiya at ng Sakdalista noong panahon ng Komonwelt.
Pakay ng nobela na ibilad ang sakit ng lumang sistema (gayundin ang pakay ni Rizal sa kanyang dalawang nobela), gawing kasuklam-suklam ang ipokrisya ng simbahan at ang kahangalan at karupukan ng mga masunuring mamamayang di
Sa Ngalan ng Diyos / 39
makaigpaw sa matandang kaugalian, at ang kahabag-habag na kasabwat sa gawaing panloloko’t pandaraya. Sa gitna ng malagim na sitwasyon ng bayan noong dekada 1899-1910, matapos mabitay si Heneral Sakay at magapos ang labing hukbo ng rebolusyonaryong Republika ng Malolos, sinikap buhayin muli ang espiritu ng paghihimagsik sa mikropolitika ng pangkariniwang buhay-buhay (kapwa ulila sa magulang sina Eladio at Carmen) na hapit ng ethos ng pamahiin, sindak sa mga espiritu, at gawing walang kamalayan sa sariling bait.
Inilagak sa personahe ni Eladio Resurreccion ang naratibo ng Filipinong nagbanyuhay sa interseksiyon ng lumang kolonyalismong merkantil at monopolyo kapitalismong sistema. Si Eladio ang simbolo ng lumalagong sektor ng gitnang-uri, puspos ng ambisyon, mapagkumbaba, murang isip, masigla, masipag, madaling mabuyo, maramdamin, at mapusok sa pagtatanggol sa karangalan. Dahil sa mababang antas ng produksiyong sosyal (pigil ang lakas-paggawa ng mga magsasaka dahil sa piyudalismong relasyon), naunsiyaming manupaktura, at atrasadong ayos ng edukasyon at komunikasyon, limitado ang kolektibong pagpupunyagi.Taglay ni Eladio ang positibong katangiang umaklas at lumaban sa kaapihan sa makasariling paraan, kakabit ng negatibong hilig sa indibidwalilstikong pagkilos na angkop sa pagtatag ng
Sa Ngalan ng Diyos / 40
kapirasong negosyo. Sintomas ang pagkabigo niyang angkinin si Carmen at lumawig sa piling ni Dure.
Hinangaan ni Resil Mojares ang rasyonalistikong panunuri ni Aguilar at simbolikong teknik, at paghalungkat sa tema ng layon-pamamaraan: “In his concern with the problem of ends and means is manifested what was a central dilemma for the socially-conscious intellectuall of his time” (240). Subalit si Eladio ay hindi gumaganap ng naturang papel; siya ang binatang pinaglaruan ng kapalaran, at sa udyok ng kodigo ng dangal (nakaangkla pa rin sa normatibong piyudal), napilitang magtanong at gumanti sa sekretong paraang hango sa asal ng mga Heswita. Nag-iisa siya at nakapako sa erotikang tanikala (namintuho kay Carmen, at pagkatapos kay Dure). Walang makalipunang kinabukasan, sa pagtingin ni Aguilar, ang ganitong paglutas sa malakihang problema ng paghihikahos at inhustisya sa larang ng sosyedad sibil. Hangga’t hindi kaugnay ng kolektibong kilusan ng proletaryo’t intelihensiya ng bayan, ang pag-aklas ni Eladio ay mananatiling retorikal na pagtutol at pagsuway sa mapagsamantalang estruktura ng kolonyalismo’t oligarkiyang pamumuno.
Nabanggit sa isang panayam ni Pablo Glorioso ang dalawang mithiin ni Aguilar sa pagsusulat, testimonyal ng kanyang konsepto ng responsibilidad ng manunulat. “una, ang
Sa Ngalan ng Diyos / 41
ikapaanyo ng kapalaran ng mga aba at mga sahol; at ikalawa, ang kalayaan ng isip ay huwag mapailallim sa bulag na pananampalataya” (315). Sa pormulasyong Ito na magkatambal ang adhikaing pampolitika na isakatuparan ang pagkapantay- pantay ng lahat sa isang makatarungang orden; at ang kategorikong etikal/moral na layunin ng Kaliwanagan—ang programa para sa transpormasyon ng bayan na itinaguyod ng mga bayaning Marcelo del Pilar, Rizal, Bonifacio, Jacinto, Mabini, Isabelo de los Reyes, at iba pa—walang pasubaling ang sining ni Aguilar ay mabisang sandata sa ipinapapatuloy na pakikibaka sa ngalan ng pambansang demokrasya at tunay na kasarinlan. Hindi ito sa pangalan lamang—sa ngalan ng pantastikong imahen ng Paraiso—kundi sa praktika ng transpormasyon ng buong kaayusang piyudal-kapitalista tungo sa isang mapagpalaya’t makataong sistema ng kabuhayan (San Juan, Kontra-Modernidad).
SANGGUNIAN
Agoncillo, Teodoro and Milagros Guerrero. History of the Filipino People. Manila: R. P. Garcia Publishing Co., 1970.
Aguilar, Faustino. Sa Ngalan ng Diyos. Quezon City: Ateneo de Manila UP, 2004.
Anonuevo, Roberto. “Introduksiyon” sa Sa Ngalan ng Diyos. Quezon City: Ateneo de Manila UP, 2004, pp. v-xxx.
Armstrong, Karen. A History of God. New York: Ballantine Books, 1993. Bainton, Roland H. Christianity. Boston: Houghton Mifflin, 1964. Balibar, Etienne & Pierre Macherey. “On Literature as an Ideological
Form.” Marxist Lliterary Theory, pat. Terry Eagleton & Drew Milne.
Oxford UK: Blackwell, 1996, pp. 275-95.
Constantino, Renato. 
The Philippines: A Past Revisited. Quezon City:
Tala Publishing Services, 1975.
De la Costa, Fr. Horacio. 
Readings in Philippine History. Manila:
Sa Ngalan ng Diyos / 42
Bookmark, 1965.
Ferm, Vergilius. 
Encyclopedia of Religion. Paterson, NJ: Littlefield,
Adams, & Co. 1959.
Fulop-Miller, Rene. 
The Jesuits. New York: Capricorn, 1956.
Glorioso, Pablo. “Si Faustino Aguilar sa Tradisyon ng Nobelang Tagalog.”

Philippine Studies, 19.2 (April 1971): 307-320.
Jameson, Fredric. 
The Political Unconscious. Ithaca, NY” Cornell UP,
1981.
Lefebre, Henri. 
The Production of Space. Oxford, UK; Blackwell, 1991. Mabini, Apolinario. Ang Rebolusyong Filipino. Salin ni Michael Coroza.
MetroManila: Aklat ng Bayan, 2015.
Marx, Karl. 
Critique of Hegel’s Philosphy of Right. Pinamatnugutan ni
Joseph O’Malley. Cambridge: University Press, 1970.
Mojares, Resil B. 
Origins and Rise of the Filipino Novel. Quezon CityL U
of Philippines P, 1983.
Nietzsche, Friedrich. 
The Birth of Tragedy and the Genealogy of Morals.
Salin ni Francis Golffing. New York: Doubleday Anchor Books, 1956. Regalado, Inigo Ed. “Ang Pagkaunlad ng Nobelang Tagalog.” Mga
Lektura sa Kasaysayan ng Panitikan, pinmatnugutan ni Galileo Zafra.
MetroManila: Aklat ng Bayan, 2013, pp. 157-77.
Reyes, Soledad. 
Nobelang Tagalog 1905-1975. Quezon City: Ateneo de
Manila UP, 1982.
San Juan, E. 
Lupang Hinirang, Lupang Tinubuan. Manila: De La Salle UP,
2017.
——-. 
Kontra-Modernidad. Quezon City: University of the Philippines P,
2018.
Santos, Benilda. “Introduksiyon” sa 
Pinaglahuan. Quezon City: Ateneo
de Manila UP, 1986, pp. vii-xxix.
Tillich, Paul. 
A History of Christian Thought. New York: Simon &
Schuster, 1968.—##

No comments:

review of MAELSTROM OVER THE KILLING FIELDS by E. San Juan, Jr;

A Book Review Maelstrom over the Killing Fields: Interventions in the Project
Of National-Democratic Liberation By E. San Juan, Jr. [Publi...