Monday, July 22, 2019

FILIPINO O INGLES: ARGUMENTO HINGGIL SA WIKANG PAMBANSA


INTERBENSIYON SA USAPIN NG PAMBANSANG WIKA 

ni E. San Juan, Jr.
Emeritus Professor, Washington State University, USA; professorial lecturer, Polytechnic University of the Philippines


Sumabog kamakailan ang usaping pangwika nang isabatas ng CHED at Departamento ng Edukasyon ang bagong kurikulum ng K-13. Inalis ang araling Pilipino sa kolehiyo. Pumapatak na binalewala ang probisyon sa Konstitusyon na dapat paunlarin at payamanin ang wikang Filipino, bukod pa sa “gagawa ng hakbang ang Gobyerno upang simulan at itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang wika ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistema sa edukasyon” (Art. XIV, Sek. 6 & 7). Samakatwid, tahasang nilabag ng mga opisyal ang Konstitusyon.
Walang pagmamalasakit ang natukoy na mga opisyal sa pagsulong ng makabayang prinsipyo’t sakripisyo ng mga bayaning nagpundar sa Republika. Sa katunayan, nais nilang ipagpatuloy ang kolonyal na patakaran ng U.S. na panatilihin ang materyal at simbolikong kapangyarihan ng Ingles bilang wikang opisyal ng gobyerno’t komersiyo (hinggil sa simbolikong pwersa ng wika, konsultahin si Bourdieu 1991). Nais nilang panatilihing neokolonya ang bansa sa paghahari ng wika ng mananakop sa kolehiyo’t unibersidad na mabisang sumusuhay sa kolonisadong mentalldad ng libo-libong estudyante. Sinisikil ng patakarang burahin ang Filipino sa espasyo ng sopistikadong pananaliksik at pakikipagtalasan kung saan nabibigyan ng mas mahusay ng oportunidad sa hanap-buhay ang graduweyt ng pamantasan.
Ang malubhang siwasyon ng wika ay kaagapay ng prosesong historiko-politikong nagpalala sa ating mala-piyudal at atrasadong ekonomiya at konsumeristang kultura. Lumubha ito noong panahon ng diktadurang Marcos at sumidhi ang krisis sa pag-iral ng
San Juan/Interbensiyon
pasistang rehimen ni Duterte. Dapat ilugar at suriin ang pag-upasala sa Filipino ayon sa dikta ng programang neoliberalisasyong ipinataw ng imperyalistang bloke ng mga institusyong kontrolado ng Estados Unidos at Europa.
Ang usaping wika ay sadyang politikal-historikal, hindi lamang tungkol sa kurikulum o akademikong istandard. Mahigpit na kaugnay ito sa tunggalian ng mga uri sa lipunan, lalo na sa pakikibaka ng masang sambayanan para sa tunay na demokrasya, pagkakapantay-pantay, katarungang panlipunan, at epektibong kasarinlan. Bagamat ang sumusunod na mga talata ay hango sa panayam ko sa Ateneo de Manila University noong 2008, ilang proposisyong naisaad sa ibaba ay kritikal sa pagbuo ng mabisang paninindigan ng mga guro ng Filipino laban sa mapang- api’t maka-imperylistang palisi at lohika ng CHED at mga burokratikong pinuno ng Departamento ng Edukasyon.
______
1. Sa kasalukuyang matinding sigalot sa bansa, anumang talakayan hinggil sa wika ay tiyak na magbubunsod sa isang away o maingay na pagtatalo. Kahawig nito ang usapin ng kababaihan. Laging matinik ang isyu ng pambansang wika, isang sintomas ng pinaglikom na mga sakit ng body politic. Tila ito isang mitsang magpapasabog sa pinakabuod na mga kontradiksiyong bumubuo sa istruktura ng lipunang siyang nakatanghal na larangan ng digmaan ng mga uri at iba’t ibang sektor.
2. Lalong masahol siguro kung sabihin kong nasa panig ako ng mga nagsususog sa isang pambansang wikang tinaguriang “Filipino.” Tiyak na tututol ang mga Sebuano, Ilokano, Ilonggo, mga alagad ng Taglish, o Ingles, o Filipino-Ingles. Ngunit hindi ito maiiwasan, kaya tuloy na tayong makipagbuno sa usaping ito upang mailinaw ang linya ng paghahati’t paglilinaw, at sa gayo’y makarating sa antas ng pagtutuos.
3. Saan mang lugar, ang usapin ng pambansang wika ay kumakatawan sa pagtatalo tungkol sa mga mahalagang usapin sa pulitika at ekonomya. Buti naman, hindi pa tayo nagpapatayan sa ngalan ng wika, tulad ng nangyayari sa India at iba pang
!2
San Juan/Interbensiyon
bansa. Marahil, napapahinahon ang bawat isa kung Ingles, ang wika ng dating kolonisador, ang wika ng globalisasyon ngayon, ang ating gagamitin. Di ko lang tiyak kung maiging magkaunawaan ang lahat sapagkat ang pagsasalin o translation, kalimitan, ang siyang nagbubunga ng karagdagang gulo. Ngunit ang pagbaling sa Ingles ay pagsuko lamang sa dominasyon ng kapangyarihang global sa ilalim ng kasalukuyang hegemon, ang Estados Unidos. Ang makalulutas ng krisis, sa tingin ko, ay isang pakikisangkot sa nangyayaring labanang pampulitika at pang-ideolohya, laluna ang pakikibaka tungo sa tunay na kasarinlan at demokrasyang popular, sa gitna ng dominasyon ng mga mayayama’t makapangyarihang bansa sa Europa, Norte Amerika, Hapon, at iba pa.
4. Bagamat mula pa noong panahon ni Quezon hanggang sa ngayon, ang isyu ng “pambansang wika” ay naipaloob na sa Konstitusyon, bumangon ito muli na tila mga kaluluwang uhaw sa dugo. Maireresolba lang ang isyung ito kung may tunay na soberanya na tayo, at namamayani ang kapangyarihan ng nakararami, mga pesante’t manggagawa, at nabuwag na ang poder ng mga may-aring kakutsaba ng imperyalismo. Sa ngayon, walang kalutasan ito, sintomas ng bayang naghihirap, hanggang ang relasyong sosyal ay kontrolado ng naghaharing uri, laluna ng mga komprador at maylupang pabor sa Ingles, wikang may prestihiyo at kinagawiang wika sa pakikipag- ugnay sa kanilang mga patrong Amerikano, Hapon, Intsik at iba pa.
5. Sa halip na sipatin ang isyung ito sa kinagawiang empirical na lapit, tulad ng ginagamit ng mga postmodernistang iskolar, dapat ipataw ang isang materyalismo- istorikal na pananaw at ang diyalektikong paraan upang makalikha ng praktikang agenda na tutugon sa tanong kung ano ba ang wikang pambansang magsisilbing mabisang sandata sa mapagpalayang pakikipagsapalaran ng sambayanan.
6. Ang wika ay hindi isang bagay na may sariling halaga kundi bahagi ito ng kategorya ng kamalayang sosyal, isang kamalayang praktika—“practical consciousness,” ayon kay Marx, na gumaganap sa buhay bilang lakas ng produksiyon. “Hindi maibubukod ang mga ideya natin sa wika,” diin ni Marx sa Grundrisse (1973).
!3
San Juan/Interbensiyon
Sapagkat ang wika at kamalayan ay magkasanib, nakaugat sa produksion at reproduksiyon ng buhay ng lipunan, “ang wika [sulat at bigkas] ay nagsisilbing arena/ larana ng paghahamok ng mga uring panlipunan” (Voloshinov 1973).
Matutukoy lamang ang halaga ng wika sa gitna ng isang partikular na mode of production sa isang determinadong pormasyong sosyal. Hindi ito hiwalay sa pagtatagisang pang-ideolohiya. Kalahok ito sa pagbubuo ng integral state (konseptong galing kay Gramsci), tambalan ng lipunang sibil at lipunang pampulitika. Ang usapin ng wika ay di maihihiwalay sa yugto ng kasaysayan ng bayan, na laging komplikado at di- pantay ang pagsulong ng iba’t ibang bahagi---uneven and combined development.Samakatwid, sa ating sitwasyon, ang suliraning pang-wika ay di maihihiwalay sa programa tungo sa tunay na kasarinlan at kasaganaan, mula sa kasalukuyang neokolonyal o subordinadong paghihikahos ng sambayanan.
7. Sa ating bansa, ang lagay at papel na ginagampanan ng wika ay maipapaliwanag lamang sa pagsingit nito sa ugnayang panlipunan, sa kontradiksiyon ng sumusulong na puwersa ng produksyon at namamayaning balangkas na pumipigil sa pagsulong ng buong lipunan. Ang katayuan ng wika ay nakabatay sa kasaysayan ng bansa, sa kolonyal at neokolonyal na dominasyon ng Espanya, Amerika at Hapon, at sa himagsik ng sambayanan laban sa pang-aapi. Ang mga katagang “nasyonal-popular” o pambansa-makamasa—na iminungkahi ni Gramsci—ang dapat ilapat sa nakararami na nag-aadhikang makapagpahayag ng kanilang pagkatao sa iba’t ibang paraan, tigib ng kontradiksiyon na bunga ng di-pantay at pinagtambal na pagsulong ng iba’t ibang sangkap ng kabuuang estruktura ng lipunan. Ang wika ay nakalubog sa daloy ng mga kontradiksiyon sa lipunan.
8. Kailangang idiin ang prinsipyo ng nasyonal-popular, pambansa-makamasa, ang bansa na binubuo’t pinapatnubayan ng masang walang pag-aari—mga manggagawa, magsasaka, at gitnang sangay (mga propesyonal, petiburgesyang uri, mga minorya). Kung hindi, ang bansa ay mabibigyan-kahulugan ng mga naghaharing uri, ang iilan na nag-mamay-ari, ang oligarkong tuta ng imperyalismo, mga ahente ng global finance-
!4
San Juan/Interbensiyon
capital. Dapat isaisip lagi ang prosesong historikal—ang aktibidad ng talastasan o pag- uusap, tinaguariang speech-act (Williams 1977)—upang di mahulog sa ideyallistikong haka-haka ng Sikolohiyang Pilipino/sikolohiyang pantayo, gaano man mapangahas at mapanghimagsik ang analisis nina Virgilio Enriquez at mga disipulo (1992).
9. Ang bansang Pilipinas na may kasanrinlan at matipunong industriya ay isang proyektong di pa tapos, nagpapatuloy, laging iniimbento ngunit hindi sa anumang kondisyon. Ang pagiging Filipino ay isang proseso ng dekolonisasyon at demokratisasyong radikal, isang kaganapan na likha ng kolektibong pagpapasiya, hindi indibidwal na kagustuhan. Ang proyektong ito ay hinuhubog at niyayari ng maraming lakas, ng minanang ugali at sari-saring ideya at institusyong katutubo at hiram. Hindi ito nakatutok sa pagtatamo ng isang esensiya ng pagka-Pilipino, kundi makikilatis ito bilang isang masalimuot na pagbubuklod ng dinamikong pakikisamang pampulitika at mga komitment. Ito’y isa ring estetikong kalakaran sa kontra-gahum na paglikhang makasining.
10. Sa loob lamang ng pangitaing ito, sa proyekto ng pagsisikap makamit ang tunay na pambansang kasarinlan at demokrasyang radikal makatuturang mahihimay ang problema ng pangangailangan ng wikang pambansa, isang wikang mabisang makapag- iisa sa masa at mga komunidad sa teritoryo ng Pilipinas, at makapagdudulot ng mabisang partisipasyon sa pagbuo ng isang gahum o lideratong moral-intelektwal ng masang yumayari/lumilikha ng kayamanan ng bansa. Paano mabubuo at maipalalaganap ang mapagpalayang gahum kung walang pagkakaisang kinakatawan ng/kumakatawan sa sariling wika ng komunikasyon, diskurso, at malikhaing panulat?
11. Ang layon natin ay hindi lamang kultural na identidad, o kasiyaang pang- kalinangan. Sa gitna ng komodipikasyon ng lahat, sa gitna ng malaganap na konsumerismo at paghahari ng halagang-pamalit (fetisismo ng exchange-value), ang reipikasyon at alyenasyon ng ugnayan ng mga tao ay siyang nagpapalabo sa usapin ng wika. Fragmentasyon ng madla ang punto-de-bista ng CHED at burokrasya, samakatwid indibiduwalismong mapang-hamig.
!5
San Juan/Interbensiyon
Hindi malulutas ang mga tanong tungkol sa wika hanggang hindi nahaharap ang mistipikasyon ng pakikipagkapwa, na ngayo’y natatabingan at nalalambungan ng mga komoditi, bilihin, salapi, na tila siyang umuugit, nagpapagalaw, namamahala’t gumagabay sa lahat ng bagay. Ang mistipikasyong ito ay mawawala lamang kung mapapanaw ang paghahari ng global na kapital, ang patakaran na tubo/yaman muna bago kapakanan ng tao—na, sa ngayon, ay nagsasalita sa Ingles, ang wika ng kongkistador na pumalit sa mga Kastila. Kaakibat nito ang utilitaryanistikong indibiduwalismong batayan ng pamilihan, ng negosyo, kung saan ang pangunahing komoditi ay lakas-paggawa (katawan at kaluluwa) ng taong walang ari-arian kundi ang kakayahang magtrabaho, na ipinagbibili sa sinumang nais bumili.
12. Ang pagbuo’t pagpapayaman ng isang pambansang wika, Filipino, ay hindi nangangahulugan ng pagsasaisantabi o pagbabalewala sa ibang mga wikang ginagamit ng maraming komunidad. Ang pagpapalawig at pagsuporta sa mga wikang ito ay matutupad kung may basehan lamang: ang kasarinlan ng bansa batay sa pagpapalaya sa masa. Sa harap ng higanteng lakas ng kapitalismong global, maisusulong lamang ang proyektong nabanggit ko kung makikibaka tayo sa programa ng pagbabago tungo sa pamamayani, gahum, ng masang gumagawa. Ang wika ay maaaring maging mapagpalayang sandata kung ito’y binubuhay ng masa sa pang- araw-araw na kilos at gawa.
13. Ang wika ay isang larangan o arena ng tunggalian ng mga uri, isang tesis na naipanukala na ng maraming pantas na nabanggit natin. Naniniwala ako na ang usaping ito, kung ano talaga ang tadhana ng wikang pambansa, ay masasagot lamang sa loob ng proyektong pampulitika, tinimbang at sinipat sa isang materyalistiko- historikal na pananaw. Ang wika ay praktikang panlipunan, isang produktibong lakas ng sambayanan. Nakapanahon ngang maintindihan natin ito ngayon kung matagumpay na madalumat at mapahalagahann ang kolektibong saloobin ng sambayanan, na ngayon ay naisasatinig ng mga guro’t estudyante ng mga paaralan sa MetroManila at sa buong sangkapuluan. —##
!6
San Juan/Interbensiyon
SANGGUNIAN
Bourdieu, Pierre. 1991. Language and Symbolic Power. Cambridge,MA: Harvard University Press.
Enriquez, Virgilio. 1992. From Colonial to Liberation Psychology. Quezon City: University of the Philippines Press.
Marx, Karl. 1973. Grundrisse. Tr. Martin Nicolaus. New York: Penguin. Republika ng Pilipinas. 1987. Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas.
Manila: National Bookstore.
Volosinov, V. N. 1973. 
Marxism and the Philosophy of Language. New York: Seminar
Press.
Williams, Raymond. 1977. 
Marxism and Literature. New York: Oxford University
Press. ______________________________________________
TUNGKOL SA AWTOR
Kilalang kritiko, makata at progresibong intelektuwal sa buong daigdig, si E. San Juan, Jr. ay emeritus professor of English & Comparative Literature, Washington State University at University of Connecticut. Naging fellow siya ng W.E.B. Du Bois Instititute. Harvard University, at ng Rockefeller Foundation Study Center sa Bellagio, Italya.
Ang pinakahuling libro niya ay 
Lupang Hinirang, Lupang Tinubuan (De La Salle University Press), Learning from the Filipino Diaspora (UST Press), Kontra-Modernidad(U.P. Press), Bakas Alingawngaw (Ateneo U Press), at Carlos Bulosan: Revolutionary Fiipino Writer in the U.S. (Peter Lang).—##
!7

No comments: