Friday, July 26, 2013

POSTKONSEPTUWAL NA TULA, KONSEPTUWALISTANG DISKURSO AT SINING


SINALANG SALAWIKAIN NG SALARING NAGKASALA
Sa Labintatlong Maniobra sa Larangan ng Pakikipagsapalaran

[Pagsubok sa Paglikha ng Post-Konseptuwal na Diskurso]


 [Sinangla, binalasa't nilustay bago umagpang ang salarin ng wika sa paglinlang at pagdispalko sa kasaysayan, ayon sa tagubilin ni Felix Razon:"Ilang hagkis o pukol ng dais ay hindi makawawalis sa istratehiya ng pagbabakasakali....”]

ni E. SAN JUAN, Jr.
_____________________________________________________________

PAUNAWA TUNGKOL SA KONSEPTUWAL NA SINING/PANITIKANG                 POST-KONSEPTUWAL

    Simula pa noong kilusang avantgarde ng suryalismo, Dada, konstruktibismo, Fluxus, Oulipop ng nakalipas na siglo--mababanggit sina  Duchamp, Beckett, Gertrude Stein, Joyce, Brecht, John Cage, atbp.--ang pagyari ng anti-ekspresibong akda ay di na bagong balita. Nawasak na ang lumang kategorya ng genre at dekorum sa estilo, pati na rin ang kaibahan ng mga midya o instrumento sa pagpapahayag (pinta, musika, salita). Di mapanlikhang sulat ("uncreative writing") ang bunga. Sa sining, ang "Spiral Jetty" ni Robert Smithson.  Ang pinakamahalaga ay ang konsepto o ideya na ugat ng "Spiral Jetty."
   
     Supling ang kontemporaneong sining ngayon sa pag-angkin (appropriation), malayang pagnakaw, patikim at pagtransporma ng anuman--ang konteksto/sitwasyon ang siyang dumidikta. Ito'y nakadiin sa proseso, at nakasalig sa konsepto o kaisipang umuugit o gumagabay sa pagbuo--hindi sa produkto.  Layon nito ay hindi lang pagbuwag sa pribadong pag-aari ("expropriate the expropriators," wika nga) kundi paghahain din sa lahat ng malawak at maluwag na larangan sa interpretasyon/kabatiran (ang komunismo ng all-round "free development," ayon sa Gotha Programme).  Kung sira na ang bakurang humihiwalay sa sining at buhay, sa pulitika at ekonomya, bakit bulag pa rin tayo sa katotohanang nagbago't nagbago na ang mundo?

    Wika ni Kenneth Goldsmith, isang dalubhasang konseptuwalistang guro: "The idea or concept is the most important aspect of the work...The idea becomes a machine that makes the text" ("Paragraphs on Conceptual Writing," sangguniin din ang Against Expression: An Anthology of Conceptual Writing, inedit ni Goldsmith at Craig Dworkin).  Dagdag pa niya: Hindi kailangang basahin ang teksto. Kailangan lamang ay maintindihan ang konsepto, ang namamayaning proyektong inaadhika, sa likod nito. Ang konsepto ang batayan ng porma, hugis, anyo (sang-ayon din si Galvano Della Volpe, Critique of Taste).  Sagot ito sa digital revolution ng kompyuter, sa pagsambulat ng impormasyon sa Internet na walang pasubaling naglilinkod sa barbarismo ng tubo/kapital at karahasan ng pagsasamantala. Tanong ko: pagkatapos ng kabatiran, ano ang dapat gawin?

    Paano makalalaya sa kapangyarihan ng salapi, kapital, komodipikasyon?  Upang lumaban sa industriyang pangkulturang kasangkapan ng kapitalismong global, pag-umit o pag-angkin (sa katunayan, ng kinumpiskang halaga/surplus value na likha ng mga manggagawa) at detournement (ayon kay Guy Debord) ang gawing istratehiya sa pagtutol. Mabisa ang taktika ng alegorya, ang metodo ng debalwasyon (tingnan "Notes on Conceptualisms" nina Robert Fitterman at Vanessa Place sa Web). 

    Sino ang may kontrol sa mga kagamitan sa produksiyon at reproduksiyon ng lipunan?  Paliwanag din ni Walter Benjamin na dapat hawakan at pangasiwaan ang paraan ng produksiyon upang matutulan ang laganap at malalim na komodipikasyon, reipikasyon, anomie/alyenasyon sa buong planeta. Samut-saring posibilidad ang nakabukas dahil sa teknolohiya. Laluna ang materyalidad ng wika at iba't ibang signos/senyal. Nasa gitna tayo ng rebolusyon sa sining. Pwede kayang maitransporma ang nakahandang-bagay (ready-made) na salawikain (hanggang hindi pa ito napraybatays ng McDonald, Body Shop, S-M at Robinson Mall) upang makapukaw ng katumbalikang damdamin at isip?

    Ang diskursong narito, na siguro'y pinakaunang halimbawa ng konseptuwalistang pagsubok sa Filipino, ay ensayo sa post-konseptuwalismong modo ng pag-angkin at pagbaligtad. Ayon kay Peter Osborne (Anywhere or Not at All), ang post-konseptuwalismong pananaw ang siyang mabisang paraan upang sagupain ang neoliberalismong salot na nagtuturing sa lahat na pwedeng mabili at pagtubuan--katawan, kaluluwa, panaginip, kinabukasan. Ang idea ng "horizon" o abot-tanaw na hanggahan ang maaaring bumalangkas ng praktikang experimental na negasyon/pagtakwil sa status quo na dudurog sa nakagawiang hilig, gawi, asal sa "free market" ng paniniwala't damdamin.

    Kung ukol, di bubukol? Problema na walang tiyak na resulta ang anumang eksperimento o ipotesis, probabilidad lamang. Sa pagreprodyus sa tradisyonal na bukambibig na payo o kaalaman sa kwadro ng mapagbirong laro, makatutulong kaya ito sa paghikayat na kolektibong tuklasin at isakatuparan ang konsepto ng pagbabago, konsepto ng pagbabalikwas at pagsulong tungo sa pambansang demokrasya't kasarinlan?  Sinong pupusta sa sugal ng pagbabakasakali't pakikipagsapalaran? Nasa sa inyo, mambabasa, ang kapasiyahan.--ESJ
7/25/2013

_____________________________________________________________
LARO 1


Ang kapalaran di mo man hanapin, dudulog
    at lalapit kung talagang atin

Nasa kaluluwa ang awa, nasa katawan ang gawa

Taong di makuhang sumangguni, may dunong ma'y namamali

Ang lubid ay nalalagot kung saang dako marupok

Sa kapipili-kapipili, katagpu-tagpo ay bungi

Anumang iyong gawin, makapito mong isipin

Isa man at sampak, daig ang makaapat

Anumang tibay ng piling abaka ay walang silbi kapag nag-iisa

Mabigat ay gumagaan kung ating pinagtutulung-tulongan

Ang mabuting gawa kahit walang bathala, kinalulugdan ng     madla


LARO 2



Ang manamit ng hiram, sa daan hinuhubaran

Daang patungo sa langit, masagabal at maliklik

Malapit ma't di lalakarin, kailan ma'y di mararating

Kung di ka lumingon sa pinanggalingan, di ka makararating sa     paruroonan

Huli man at magaling, kahit hubo't hubad maihahabol din

Pagkahabahaba man ng prusisyon, sementeryo din ang tuloy

Ang sa panghihiram mawili, nakalilimot sa sarili

Walang unang sisi na di sa huli nangyari

Kung ano ang tugtog, mangahas huwag isayaw

Buntot mo, hila mo













LARO  3



Ang di magsapalaran, hindi matatawid ang karagatan

Kung ang tubig ay tahimik, lipdin mo ma'y di malirip

Kaya maligo ka sa linaw, sa labo magbanlaw

Pag ang tubig ay di matining, may pasubaling balon ay     malalim

Walang mahirap gisingin gaya ng nagtutulog-tulugan

Ang hipong tulog, tinatangay ng agos

Putik din lamang at putik, tapatan na nang malapit

Matutuyo man ang sapa, hindi ang balita

Kapag ang ilog ay maingay, asahan mong may sumasablay

Buhay alamang, paglukso'y patay











LARO 4



Kapag ukol, pwedeng hindi bumukol

Hindi pa ipinaglilihi, di biro'y  ipinapanganak na

Wala pang itlog ang inahin, di na mabilang ang sisiw

Kung sino ang unang pumutak, di biro'y siyang nangitlog

Sala sa lamig, sala sa init, sumasalang buwisit

Kung sino ang minamahal, siyang pinahihirapan

Kung may hirap, may ginhawa ba

Ang panalo ay sakali, ang pagkatalo'y palagi

Iba na ang hawak sa palad kaysa lumilipad

Biru-biro kung sanglan, totoo kung tamaan













LARO 5


Kapag may isinuksok, may madudukot

Kung bukas ang kaban, nagkakasala sinuman

Nakikita ang butas ng karayom, hindi ang butas ng palakol

Kung sino pa ang mangangaso ay siyang walang palaso

Huwag kang maglaro ng sundang kung ayaw mong     masugatan

Kung minsan kaliwang kamay tinataga rin ang kanan

Walang sumisira sa bakal kundi ang sarili niyang kalawang

Nawawala ang ari  ngunit ang uri ay hindi

Di lahat ng kumikinang ay tunay na gintong lantay

Gayunpaman ang taong nagigipit, sa patalim kakapit














LARO 6


Ang pangako ay utang, huwag kalilimutan

Ang lumalakad nang matulin, kung matinik ay malalim

Ibon sa hawla'y  ikinulong nang mahigpit, kapag nakawala'y     hindi na babalik

Humahabol ang nahuli sa unang nagsisisi

Ang matalinong mamaraan, magugulangan din pagtawid sa        sangandaan

Kahit matapang sa singilan, duwag naman sa utangan

Sa pakitang loob at tapat na damay ay walang salaping sukat     matimbang

Kung gaano kataas ang lipad, gayon din ang lagapak

Walang pagod magtipon, walang hinayang magtapon

Kung saan narapa, doon magbangon












LARO  7



Ubus-ubos biyaya, maya-maya ay nakatunganga

Nangilag sa baga, sa ningas nasugba

Naghangad ng katugma, isang salop ang nawala

Batong-buhay ka man na sakdal tigas, unti-unting patak     tuluyang maaagnas

Mga biyayang apoy at habagat, bato man ay pinalalambot

Walang matimtimang birhen sa matiyagang manalangin

Tikatik man kung panay ang ulan, malalim mang ilog ay     aapaw

Ang nagtatanim ng hangin, may bagyong aanihin

Hangga't makitid ang kumot, magtiis mamaluktot

Magkupkop ka rito ng kaawa-awa, langit ang iyong     gantimpala










LARO  8


Ang binigyan ng buhay, bibigyan din ng ikabubuhay

Kung nasaan ang asukal, naroon ang langgam

Walang palayok na di may kasukat na tuntong

Iyang ampalayang kahit anong pait, sa nagkakagusto'y     walang kasintamis

Pagkalaki-laki man ng palayok, may kasukat na saklob

Walang tutong sa burokratang nagugutom

Walang tumaban ng palayok na hindi naulingan

Bago  mo batiin ang dungis ng ibang tao, ang dungis mo     muna ang tugunan mo

Ang iyong kakainin, sa iyong pawis manggagaling

Bulaga!   Ako ang nagbayo, nagsaing, nagluto ngunit iba ang     kumain













LARO 9



Ang pagsasabi ng tapat ay pagsasamang maluwat

Gayunpaman, sa lahat ng gubat, nakaluklok ang ahas

Ang asong matatahulin ay hindi makakagatin

Ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot

Labis sa kahol at salita, kulang sa sagpang at gawa

Ang butong tinangay ng aso, walang salang nalawayan mo

Nasa tuldik ang awa, nasa punto ang gawa

Itinutulak ng bibig, kinakabig ng dibdib

Ang isda'y sa kanyang bibig nahuhuli, ang tao nama'y sa     salita't sabi

Sa langit lumura, sa mukha tumama












LARO  10




Ang maghanap sa wala, ulol ang kamukha

Kahoy na babad sa tubig sa apoy huwag ilapit

Pag nadarang mag-iinit, sapilitang magdirikit

Matuyo man ang sapa, hindi ang balita

Ang taong naglalaro sa apoy ay napapaso

Di man makita ang ningas, apoy ang magpapahayag

Hinahanap-hanap ang nawala, nang makita ay isinumpa

Kung hirap ay masasal na, bisperas na ng ginhawa

Ang taong mainggitin, lumigaya man ay sawi rin

Totoo kayang madaling maging tao't mahirap magpakatao













LARO  11


Kung ano ang taguri, ay siyang pagkalungi

Damit na hiram, kung hindi masikip ay maluwang

Ang sakit ng kalingkingan, damdam ng buong katawan

Sa marunong umunawa, di sukat ang mahiwagang talinghaga

Talastasang pagbasa, sabaw na malasa

Ang gawa sa pagkabata, dala hanggang sa pagkamatanda

Ang maikli ay dugtungan, ang mabaha ay putulan

Sa panahon ng kagipitan, makikilala ang di kaibigan

Tuso man ang matsing, napaglalalangan din

Walang nasayang na buhay sa rebolusyonaryong muling     pagkabuhay














LARO  12


Kaning biglang isusubo, iluluwa kung mapaso

Kung magbibigay ma't mahirap sa loob, ang pinakakain ay di     mabubusog

Pag ang pagkakita ay bigla, bigla rin ang pagkawala

Walang masamang kanya, walang mabuti sa iba

Bagamat  isinusubo mo, nalalaglag pa ang mumo

Kahit apaw na ang salop, nawawala ang kalos

Kaya hindi lahat ng maagap maagang nakalulutas

Hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay

Ang anumang kasulatan, dapat lagdaan kung kinakailangan

Aanhin pa ang pulot-gata kung patay na ang kabayo














LARO  13


Kung hiwaga ang itinanim, libong himala ang aanihin

Madaling pumitas ng bunga kung dadaan ka sa sanga

Ang kawayan kung tumubo, langit na matayog ang itinuturo

Kung may isinuksok, may titingalain

Kung masunod na ang anyo, sa lupa rin ang yuko

Ang bungang hinog sa sanga, matamis ang lasa

Ang bungang hinog sa pilit kung kainin ay mapait

Magsisi ka man at huli, wala nang mangyayari

May tainga ang lupa, may pakpak ang balita, ngunit bingi't     makupad ang makata

Nasa taong matapat ang huling halakhak

No comments: