Wednesday, April 27, 2011


PAALAM MAHAL HANGGANG SA MULING PAGTATAGPO




Hintay lang, sandali—

At sa sulok bumulong ang matiisi’t matiyagang kasama:
“Higit na mabuti
ang magsindi ng kandila kaysa isumpa ang dilim…”

Ngunit tanglaw ng bulalakaw sa iyong sulyap, kumaladkad sa ‘king katawan
hanggang sa pampang, hilahod, yapos ko, Mariel,
ang lamang sumabog, lakas ng diwa’t pusong
uminog sa karnabal ng araw bituwin buwan ng ating buhay….

Hintay, sandali, anong ganda—

Apoy sa mata mo’y sulong pumatnubay, pinagtalik ang dilim at liwanag
sa lamang nagnanais,
nagpupuyos sa bawat himaymay ng gunita--

Sa gabing pusikit, kumikislap ang elektrisidad ng iyong hininga—

Sa kabilang pampang ng ilog doon tayo magtatagpo
malayo sa barikada, sa puntod ng Alamogordo at Fukushima—

Bulong ko’y walang kandilang naghihintay, sumpain nawa ako
sa pagbati ng iyong sumbat, Mariel –
Ay, “pasensiya na po….”

Hintay, tila may naiwan—
Walang tiis o tiyagang kailangan, ngunit di ko matandaan kung ano….

Kung anumang natuklasang nakalimutan, puwede ba--

Ipaalam lamang, hindi paalam, Mahal ko, kundi padayon!



--E. SAN JUAN, Jr.

No comments: