Sunday, December 12, 2010

MITSA




MITSA NG PARIKALANG UMUKLOS SA BITUKA

ni E. San Juan. Jr.



Nakaupo ka sa silong ng kawayan, kumakalabit sa gitara,
awit mo’y nanaginip kang ikaw ay isang paruparo
sumasalimbay sa hangin hanggang—saglit lang—namangha
di mawari kung ikaw ay paruparong nanaginip ng dalagang umaawit….

Walang galaw, ang puso ko’y nakadapo sa buhok mo’t di mapigtal….
Bakit kailangan ko pang managinip na ako’y paruparo o paraluman?
Bakit maghahangad pa ng ibang kapalit sa katiwasayang dinaranas?

Palagay ko’y walang nakamasid sa iyong anyong hinagkan ng karimlan
maliban sa buwang tumatanglaw mula sa sanga ng kawayan….

Sa gabing tag-lagas, akoy naglamay upang masulyapan ka muli….
Nanunubok sa ilalim na bitwing nakasalabid sa dahon ng kawayan.

Sa hungkag na burol, lumagpak ang kung anong bungang sukdulang hinog.
Gising ba o nagtutulug-tulogan? Hiblang lumipad? o lagas na talulot?

Nakakubli, sandaling tumigil, nakatitig sa anino ng mundong naglalaho….
Paruparo ka ba o guni-guni? Pumupungas-pungas, nangangalumata—

Inaku! mistulang bingi, pipi, bulag itong kaluluwang namalikmata
Nakaupo sa lilim ng balag, kinakapa ang gitarang nalikha sa kawalan.

No comments: