Wednesday, August 05, 2015

BUGSO-BUGSONG BUGTONG IPINAGDUGTUNGAN

BUGSO-BUGSONG    BUGTONG   IPINADUGTUNGAN

Ni E. San Juan, Jr.



I. TUKSO


 Ako'y may tapat na irog saanman paroo'y kasunod-sunod;
 Mapatubig ay di nalulunod, mapaapoy ay di nasusunog.

 Mayroon akong alipin, sunod nang sunod sa akin.

Kung araw, yumao ka; kung gabi'y halika;
Sa araw ay nagtataboy, sa gabi ay nag-aampon.

Laging nakasakay ngunit di nagpapasyal.
Lumalakad ang bangka, ang piloto ay nakahiga.

Hindi hayop, hindi tao, walang gulong ay tumatakbo.
Takbo roon, takbo rito, hindi makaalis sa tayong ito.

Nang maalala'y naiwan, nadala nang malimutan.
Pasurot-surot, dala-dala ay gapos.

Dalawang magkaibigan, unahan nang unahan.
Dalawang batong itim, malayo ang nararating.

Maputing parang bulak, kalihim ko sa pagliyag.


II. GAYUMA



 Apat katao, iisa ang sombrero;  paa'y apat, hindi makalakad.

Ang bahay ni Pedrito, walang pinto, puro kuwarto.
Mayroon pitong bentanilya, tatlo lamang ang naisasara.

Isang bahay na bato, ang takip ay bilao.
Isang bakuran, sari-sari ang nagdaraan.

Kakalat-kalat, natitisod-tisod; kapagka tinipon, matibay na moog.

Nagbahay ang marunong, nasa ilalim ang bubong.
Limang magkakapatid, tig-iisa ang silid.

Bahay ni Santa Maria, naiinog ng sandata.
May bintana, walang bubungan; may pinto, walang hagdanan.

Bahay ni Ka Huli, haligi ay bali-bali, ang bubong ay kawali.
Bahay ng anluwagi, iisa ang haligi.
Maliit na bahay, puno ng mga patay.

Sarado roon, sarado rito; sarado hanggang dulo.


III. BITAG


Kung saan masikip, doon nagpipilit.
Isang butil ng palay  sakop ang buong bahay.

Kung gabi ay hinog, kung araw ay hilaw.
Nagbibihis araw-araw, nag-iiba ang pangalan.

Sa araw ay nakahimbing, sa gabi ay gising.
Lumuluha walang mata, lumalakad walang paa.

Kulay rosas ang pulseras ng reyna, pumuputok walang bala.
Walang ngipin, walang panga, mainit ang hininga.

Kung bayaan ay nabubuhay, kung himasin ay namamatay.
Kung ako'y mamamatay, pilit siyang madaramay.

May katawa'y walang mukha, walang mata'y lumuluha.
Kung kailan pinatay, saka humaba ang buhay.

Kung bayaan ay nabubuhay, kung himasin ay namamatay.
Kung kailan pa ako pinatay, saka nagtagal ang buhay.

Iisa na kinuha pa, ang natira ay dalawa.
Kapag ako'y minsang pinatay, buhay kong ingat lalong magtatagal.

Apat na kapapang kumot, di matakpan ang tuhod.
Isang butil ng trigo pinapagsikip ang buong mundo.





IV. PATIBONG



Isang reynang maraming mata, nasa gitna ng mga espada.
Nakayuko ang reyna, di malaglag ang korona.

Ang sombrero ni Bernabe sa bundok itinabi.

Maliit pa si kumpare, nakaakyat na sa tore.
Naunang umakyat, nahuli sa lahat.

Nakatindig walang paa, may tiya'y walang bituka
Naligo ang kapitan, hindi nabasa ang tiyan.

May likod walang tiyan, matulin sa karagatan.
Lumuluha'y walang mata, lumalakad walang paa.

May ulo walang tiyan, may leeg walang baywang.
Tag-ulan o tag-araw, hanggang tuhod ang salawal.

Mataas kung nakaupo, mababa kung nakatayo.
Ang ina'y gumagapang pa, ang anak ay umuupo na.
May dala, may bitbit, may sunong  may kilik.

Di matingkalang bundok, darak ay nakakamot.

Kay raming nakahiga, iilan lamang ang abot sa lupa.
Masarap na hantungan, ngunit iniiwasan ng tanan.


V. UMANG



Maputing dalaga nagtatalik sa lila.
Isang reynang maraming mata, nasa gitna ng mga espada.

Balahibong binalot ng balat, balahibong bumalot sa balat.
Pagsipot sa maliwanag, kulubot na ang balat.

Tubig na binalot sa papel, papel na binalot sa bato
    batong binalot sa balahibo.
Kawangis ay palu-palo, libot na libot ng ginto.

Nang wala ang ginto ay doon nagpalalo,
Nang magkagintu-ginto, doon na nga sumuko.

Gintong binalot sa pilak, pilak na binalot sa balat.
Tinakpan bago minulatan.

Itinapon ang laman, balat ang pinagyaman.
Abot na ng kamay, ipinagawa pa sa tulay.

Binalangkas ko't binalutan, saka ibinilad sa araw.
Kinalag ang balangkas, sumayaw nang ilagpak.


VI. LINLANG



May kawalang lumilipad, nakawalang kumikislap.
Bumbong kung maliwanag, kung gabi ay dagat.

Isda sa Kilaw-kilaw, di mahuli't may pataw.
Munting hayop na pangahas, aaligid-aligid sa ningas.

Hayan na, hayan na, hindi mo nakikita, buto't balat lumilipad.
Walang pakpak, mabilis lumipad.

Hawakan mo ang buntot ko, sisisid ako.
Munting tiririt, may baga sa puwit.

Ang ibabaw ay tawiran, ang ilalim ay lusutan.
Tubig na sakdal linaw, nadadala sa kamay.

Nakaluluto nang walang init, umaaso'y malamig.
Sa init ay sumasaya, sa lamig ay nalalanta.

Di man isda, di man itik, nakahuhuni kung ibig.
Maliit pa si Kumare, marunong nang humuni.

Nang munti pa'y may buntot, paglaki ay punggok.
Hanggang leeg kung mababaw, kung malalim hanggang baywang.

Nang umalis lumilipad, nang dumating umuusad.
Itinanim sa kinagabihan, inani sa kinaumagahan.





VII. SILO



Nakatalikod na ang prinsesa, mukha niya'y nakaharap pa.

Mukha ko'y totoong tinikin, ngunit busilak ang kalooban.
Aling mabuting litrato, kuhang-kuha sa mukha mo.

Isang panyong parisukat, kung buksa'y nakakausap.

Hindi pa natatalupan, nanganganinag na ang laman.
Binuksan ang kanyon, perdigones ang nakabaon.

Dalawang bolang sinulid, abot hanggang langit.
Kung manahi'y nagbabaging, dumudumi ng sinulid.

Binili ko nang mahal, isinabit ko lamang.

Mataas ay binitin, kaysa pinagbitinan.
Pusong bibitin-bitin, masarap kainin.

Kinain mo't naubos, nabubuo pang lubos.


VIII. BIHAG


 Nagpiging ang bayan, iisa ang hugasan.
Tubig na pinagpala, walang makakakuha kundi bata.

Nang bata ay nakasaya, naghubo nang maging dalaga.
Nang maliit pa'y nakabaro, nang lumaki'y naghubo.

Tatlong magkakapatid, sing-iitim ang dibdib.
Magkakapatid na prinsesa, lahat nama'y pawang negra.

Maitim na parang alkitran, pumuputi kahit di labhan.
Nagbibigay na, sinasakal pa.

Isang balong malalim, punong-puno ng patalim.
Tubig sa ining-ining, di mahipan ng hangin.

Dalawa kong kahon, buksan walang ugong.
Sa buhatan ay may silbi, sa igiban walang sinabi.

Dumaan ang hari, nagkagatan ang mga pari.
Hindi pari, hindi hari, nagdadamit ng sari-sari.

May binti walang hita, may tuktok walang mukha.
Sumususo ang anak habang lumilipad.


IX.  RAHUYO 



Punong layu-layo, dulo'y tagpu-tagpo.

Hinila ko ang baging, nag-iingay ang matsing.
Binatak ko ang baging, bumuka ay tikin.

Aling kahoy sa gubat ang nagsasanga'y walang ugat?
May puno, walang bunga; may dahon, walang sanga.

Bawat dahong binabaksak ay araw na lumilipas.

Limang punong niyog, iisa ang matayog.
Tinaga ko sa puno, sa dulo nagdugo.

Usbong nang usbong, hindi naman nagdadahon.
Sa araw ay bumbong, sa gabi ay dahon.

Tinaga ko sa gubat, sa bahay umiyak.
Halamang di nalalanta, kahit natabas na.

Bunga na, namunga pa.


X.  LIBOG

Munting tampipi, puno ng salapi.
Malalim kung bawasan, mababaw kung dagdagan.

Baboy ko sa Marungko, balahibo ay pako.
Baka ko sa palupandan, unga'y nakararating kung saan.

Baston ni Adan, hindi mabilang-bilang.
Tungkod ni Kurdapyo, hindi mahipo-hipo.

Tumakbo si Tarzan, bumuka ang daan.
Buka kung hapon, kung umaga ay lulon.

Isang matinik na tampipi, asim-tamis ang pinagsama
    sa maputing laman niya.
Malayo pa ang sibat, nganga na ang sugat.

Baka ko sa Maynila, abot diyan ang unga.
Bumubuka'y walang bibig, ngumingiti nang tahimik.

Naupo si Itim, sinulot ni Pula; heto na si Puti, bubuga-buga.
Iisa ang pinasukan, tatlo ang nilabasan.

Baboy ko sa Sorsogon, kung di sakya'y di lalamon.
Urong-sulong panay ang lamon, urong-sulong lumalamon.

Sa isang kalabit, may buhay na kapalit.
Pumutok ay di narinig, tumama'y di nakasakit.

Baboy ko sa kaingin, nataba'y walang pagkain.
Habang iyong kinakain, lalo kang gugutumin.

###








APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...