Saturday, September 07, 2013

ANDRES BONIFACIO, BAYANI NG SAMBAYANANG PILIPINAS

PAGTUKLAS SA HIMAGSIKAN:  KATAKSILAN, KABULAANAN, KAKULANGAN

Alay kay Andres Bonifacio, Bayani ng Bayang Pilipinas


 --ni E. SAN JUAN, Jr.


    Marahil nadinig na ang kasabihang "Ang katotohanan ay magpapalaya sa iyo?" Ngunit naitanong ng sugo ng Imperyo: "Ano ang katotohanan?" Hindi nakuha ng isinakdal noon na gumuhit sa buhangin upang tumugon; may usisa pa ba sa kasukdulan ng naratibong iyon?

    Samantala, sa pagbabalik-tanaw sa ating pambansang kasaysayan, ang kuwento tungkol sa Supremo (Gat. Andres Bonifacio) ay nalalambungan pa rin ng samot-saring haka-haka, sumbong, chika, suplong at hinala. Marami pa ring kakutsaba ng mga kasike't mananakop. Noong undergrad pa ako sa U.P., nailathala ang The Revolt of the Masses (1956)  ni Teodoro Agoncillo. Bagamat sagana sa datos at humahanga sa KKK at Supremo, bukod sa taglay ang makabayang perspektiba sa kabuuan, sadyang lumabo ang nangyari sa sikolohikal at pang-Zeitgeist ("regionalism" at klima ng krisis noon) na lenteng itinuon ni Agoncillo sa mga karakter ng lumahok sa Tejeros, tungo sa pagabsuwelto kina Hen. Aguinaldo at mga kasapakat (p. 293-99). Ang sikolohiya ng Supremo ang siya mismong dahilan sa kanyang pagkapatay, lagom ng historyador. Ito ay prehuwisyong ibinurda ni Nick Joaquin sa kaipala'y masahol na muling pagpaslang sa Supremo sa A Question of Heroes (1977).

    Mula noon, marami nang sumalungat (tulad nina Renato Constantino, Milagros Guerrero, atbp.) sa mapagkunwaring pagpupugay nina Agoncillo at Joaquin sa binansagang "Dakilang Plebeyo." Katugma nila ang walang patawad na hatol ni Apolinario Mabini sa La Revolucion Filipina: "Ang pangkahalatang opinion sa ginawa ni Aguinaldo ay wala siyang katwiran o paumanhin....Palibhasa'y paglabag ang ginawa ni Aguinaldo sa panuto ng Katipunan na kinasapian niya,...ang motibo sa asasinasyon ay walang iba kundi mga hinanakit at mga kapasiyahang sumira sa dangal ng Heneral; sa anu't anuman, ang krimeng naganap ay siyang unang tagumpay ng ambisyong personal laban sa wagas na patriyotismo" (The Philippine Revolution, 1969, p. 48).

    Paksa ko rito sa maikling interbensiyon ay ang napansin kong aporia sa mga iskolar na sumuri at sumipat sa diwa ng Supremong nailahad sa kanyang "Katapusang Hibik" at "Dapat Mabatid." Impluwensiyal si Reynaldo Ileto sa paglapat ng banghay ng Bernardo Carpio (tulad ng Pasyon) sa panitik ng rebolusyon. Subalit pumalya ang interpretasyon at binaluktot ang katuturan ng mga akda. Naging "bunso" ang taumbayan; "layaw" at "utang" sa halip na katwiran at kabatiran at mabudhing pagpipigil sa sarili ang naging paliwanag sa masalimuot na sigalot at krisis. Dagdag pa: "...assuming [Bonifacio] was aware of [previous revolts], he would not have found them relevant to the drama of separation from Spain that he helped portray; the 'national drama for him begins after 1872" (p. 25, The Filipinos and Their Revolution, 1998). Diyata't makitid ang kaalaman ng Supremo sa mismong kasaysayan ng kapaligiran? Sa ideyalistikong pagtaya sa organisadong mobilisasyon, pilitang ipinataw ang ilang piling ideya (layaw, damay, atbp) at sikolohiyang panukat na walang saligan sa kongkretong totalidad ng mga puwersang nagtatagisan sa isang takdang yugto ng kasaysayan.

    Tila hindi rin matibay ang paninindigan ng mga kritiko. Sa pagbasa naman ni Virgilio Almario ng "Katapusang Hibik," ang tangkang subukan ang "pagtanaw na historikal" ay lumubog sa kakatwang lagom: sa retorika ni Bonifacio ay "masisinag ang pananagisag na Kristiyano bilang bukal ng kapangyarihan ng wika ni Balagtas" (p. 202, Pag-unawa sa Ating Pagtula, 2006). Kahawig ng antikwaryong diin ni Ileto, mahigpit na paniwala ni Almario na hindi pa rin makahulagpos ang porma't sining ng Supremo sa kwadro ng Pasyon, huwaran at aral ng relihiyong dulot ng kolonyalismong Espanyol. 

    Sa kabilang banda, agama't maingat at modernista ang paraan ng pagkilates ni Soledad Reyes, hindi pa rin naiwasan ang pormalistikong pagkiling sa makapangyarihang birtud ng sining na di-umano'y lumilikha ng sariling daigdig. Alingawngaw ito ng romantiko't pormalistikong pamantayan ng konserbatibong ilustrado. Batay sa ganitong metapisika, humantong sa isang anarkista't suhetibismong sipat: "ang daigdig na diskurso ng rebolusyon ay isang mundong wala nang orden at batas, pinamamayanihan ng anarkiya...." (p. 128, Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular, 1997), sa gitna ng paggigiit ng Katipunan sa halaga ng intelihenteng disiplina at kolektibong pangangasiwa't pangagalaga sa bawat aksyon ng mandirigma.

    Matiyaga't minsa'y matino ang pagsasaliksik ng nabanggit na mga iskolar. Gayunpaman, ang katotohanang nakatambad na sa kanilang titig at pagmamatyag ay nakalusot pa rin. Paglimiin, halimbawa, ang gamit ng retorika ng dilim at liwanag na halos arketipong estilo na sa mga dokumento ng Katipunan, laluna sa "Liwanag at Dilim" ni Emilio Jacinto. Ang duwalistikong tunggalian ng dilim at liwanag ang bumabalangkas sa sanaysay ng Supremo "Ang Dapat Mabatid" at sa ritwal ng inisyasyon ng Katipunan. Kung tutuusin, ang tema ng "liwanag ng katotohanan" na nakabaon sa liturhiya ng Kristiyanismo ay hango sa tradisyong Gnostisismo, isang paganong kilusang nag-ugat sa Manikiyanismo (alagad si San Agustin bago binyag), neo-Platonismo at Pythagoreanismo, at tumalab sa Kristiyanismo ng ika-2-3 dantaon.

    Pangunahing turo nito ay walang katubusan kung walang kabatiran sa Diyos (ibinunyag lamang sa initiates) at tadhana ng sangkatauhan. Ang Diyos (Ispiritu o banal na Kaalaman, Sophia) ay halos katumbas ng kalikasan (deus sive natura, sa tahasang sekular na kaisipan ni Spinoza). Ang relihiyon ng Taga-ligtas (Saviour) ay kumalat sa krisis ng imperyong Roma, kaakibat ng Mithraismo at Kristiyanismo (Gilbert Murray, Humanist Essays 1964, p. 130-31). Kinondena ito ng Simbahang Katoliko (sa pagmasaker sa mga ereheng Albigensian sa Pransiya noong ika-13 dantaon). Litaw ito sa lahat ng programang may rebolusyonaryong adhikaing nakasalalay sa rason/katwiran, budhi/bait, at sariling pagsisikap na makamit ang hinahangad na pansariling pagdadalisay (purification) at kaganapan.

      Hindi lamang katutubong danas ang pinagmulan ng Katipunan kundi paglagom sa diwang ipinagkaloob ng Solidaridad at nobela ni Rizal. Bukod sa daloy ng Gnostisismo sa kaisipan ng mga pilosopo ng Kaliwanagan sa Europa (na sinala ng Freemasonry at naiulat sa mga librong binasa ng Supremo, "Les Miserables," Ruins of Palmyra, atbp), masaklaw at malalim ang impluwensiya ng Stoisismo sa mga Propagandista, laluna sa mga makasosyalistang Isabelo de los Reyes, Hermenegildo Cruz, atbp. Ito rin ang bukal ng materyalismong historikal ng tradisyong nagmula sa mga philosophes (Voltaire, Diderot, Saint Simon) hanggang kina Marx-Engels, Plekhanov, Gramsci, atbp.

    Ang batas ng kalikasan (ley natural, sa awit ni Balagtas) ay kumakatawan sa logos o prinsipyo ng rason/katwiran, na siyang saligan ng katarungan, demokrasya o pagkakapantay-pantay, kalayaan at kasarinlan. Ang mapagpalayang kapasiyahan ng masa ang kapalaran o tadhana--sa wika ni Engels, "Ang kalayaan ay kamalayan ng pangangailangan (Necessity)."  Ang pangangailangan ay matatarok sa kaliwanagan tungkol sa nakalipas at posibilidad ng kinabukasan, sampu ng diyalektikong pagpapasiyang maisakatuparan ang pangarap at mithiin ng kasalukyan. Ito ang pinakabuod na simulain ng Katipunan at republikang isinilang sa Pugad-Lawin ng Agosto 23, 1896.

     Pangwakas na obserbasyon. Bukod sa bisa ng Gnostisismo at Stoisismo sa pilosopiya ng Katipunan at Propagandista (na bihirang masiyasat hanggang ngayon), ang pananaw sa kababaihan ng kilusang mapagpalaya ay larangang hindi pa nabibigyan ng masusing analisis.
Ang pigura ng ina, sumasagisag sa bayan, ginhawa o kaluwalhating inaadhika, maaliwalas na kinabukasan, kaligayahan, atbp., ay laging isteryotipikal ang pagpapakahulugan.

    Nasilip ni Soledad Reyes ang kabaligtarang mukha ng ina--"hindi siya Mater Dolorosa kundi Medusa" (p. 127), ngunit marami pang implikasyong hindi natatatalakay. Halimbawa, ang posisyon ng Ina bilang Sophia (Katwiran/Wisdom). Katwiran at Kapangyarihan ay magkatambal; nabura ang kababaihan sa mga Konsehong makapatriaryakal ng Simbahan. Ayon kay Marina Warner: "The spirit of God, the shekinah, was feminine in Hebrew, neuter in the Greek  pneuma, feminine as sophia (wisdom), invariably feminine in Syriac, but in Latin it became incontrovertibly masculine: spiritus sanctus" (p. 39, Alone of All Her Sex 1976). Gayunpaman, paalala ni Regis Debray: "While other denominations tends towards the univocal, the Catholic fantasy has as its mainspring a divided vision of the feminine, torn between angel and whore, saint and sorceress" (p. 176, God: An Itinerary, 2004).

    Payo ng Supremo: "Itinuturo ng katwiran ang tayo'y umasa sa ating sarili at huwag hintayin sa iba ang ating kabuhayan."  Sophia, ang kababaihang aspekto ng kaliwanagan, ay matatagpuan sa Muling Pagkabuhay sa dulo ng ritwal ng inisyasyon ng Katipunan at sa diwa ng "Dekalogo." Samakatwid, ang "Ina" ay siyang birtud ng kaliwanagan, na inspirasyon at bukal ng pag-aalsang mapagpalaya. Para sa organikong intelektwal ng uring anak-pawis, ang Sophia ay muling pagbangon--ang hinihinging paglingap handog sa "naghihingalong Yna,", ang sinuyong "tinubuang lupa" na espasyong materyal at batayang lugar ng panahon, inarugang larangan ng kasaysayan--walang lihim sa tanod nito, ayon kay Gregoria de Jesus:

    Ang nanga karaang panahun ng aliw
ang inaasahan araw na darating
ng pagkatimawa ng mga alipin
liban pa sa bayan saan tatanghalin? 
       
(mula sa "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan," B.S. Medina Jr., Tatlong Panahon ng Panitikan, 1972, 186)

    Sa kabilang banda, ang pagtakwil sa Espanya ng "Panghuling Hibik" ay umaayon sa bisyon ng Katipunan bilang boluntaryong samahan, solidaridad o kapatirang hinirang, isang ekklesiang subersibo't sekular. Kapasiyahang mulat, hindi henealohiya (tali sa pusod), ang kailangan. Tugon ito sa puna ni Rizal na sa Filipinas, indibidwalismo ang umiiral, hindi damayan. Ang Katipunan ay pagtitipun ng mga anak ng Kaliwanagan laban sa mga anak ng Kadiliman--isang tema ng grupong Essenes na salungat sa imperyong Romano. Sa kalaunan, naging komunidad ng mga matapat (hindi taksil o mapaglilo), akma sa oryentasyon ng pag-asa (kinabukasan), hindi lamang sa bunsod ng memorya o gunita (nakalipas), ang proyektong etikal/politikal ng Katipunan.

    Ang pagtalikda sa inang utusan ng Imperyo't Simbahan ay umaayon sa himatong ng tugon ni Kristo sa ina: "Babae, ano ang relasyon mo sa akin? (John 2:3; sa ibang pagkakataon na dudukalin ang suliraning ito). Sa pamamagitan ng malayang pagsanib, hindi batay sa dugo, kasarian, pamilya o angkan, ang Katipunan ay bukas sa sinumang nais makiisa sa pambansang digmaan laban sa kolonyalismo, makulinismong awtoritaryanismo ng Simbahan, sampu ng ideolohiya, praktika, institusyon at normatibong ugaling pinagpilitang ipasunod sa nilupig at inaliping Indya/Indyo. Ang gahum pampolitika ay bunga ng estratehiyang ito.
   
    Sa pakiwari ko, ang akdang "Dapat Mabatid" ang pinakauna't pinakatampok na diskurso ng modernidad sa Pilipinas.

     Kalakip ng mga tula ng Supremo, ito ang manipestong nag-ugnay sa yugto ng nakalipas, kasalukuyan, at hinaharap sa isang kahulugan: ang paglikha ng kalayaan/kapasyahan sa Filipino. Samakatwid, nilagom nito ang pilosopiyang materyalismo-historikal ng mahigit 200 rebelyon sa kapuluan hanggang sa Kilusang Pampropaganda nina Del Pilar, Jaena at Rizal. Sa susunod na akda, tatalakayin ko ang paksang ito. Sa ngayon, idiin natin dito ang aral ng Supremo: dapat isakatuparan ang isip sa gawa, at sa gayon maipagsanib ang kamalayan at reyalidad sa bagong sistema ng lipunan--makatarungan, nagsasarili, masagana't  mapagpalaya sa daigdig at sa buong sangkatauhan.

    Sa huling pagtutuos, radikal ang naitatag na bangguwardyang liderato ng himagsikan na lumampas sa hanggahang itinakda ng sinaunang kabihasnan at ng kolonyalismong Espanyol. Radikal din ang pinagsamang paraan ng edukasyon at aktibong pakikibakang (higit sa repormistang taktika nina Rizal at ka-ilustrado) tinalunton ng mga alagad hanggang kina Malvar, Sakay at mga bayani ng Balangiga, Samar. Utang natin sa Supremo at 1.4 milyong mamamayang nagbuwis ng buhay (laban sa imperyong Espanya at Estados Unidos) ang dunong, danas at pagkakataon ngayon upang magpatuloy sa pagsisikap matamo ang tunay na pambansang demokrasya at kasarinlan sa harap ng malagim na terorismo ng hegemonyang lakas ng kapitalismong global.--##

No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...