KONTRA-MODERNIDAD:
PAKIKIPAGSAPALARAN SA PAGTUKLAS NG SARILI NATING MAPAGPALAYANG KABIHASNAN
Kung ang katotohanan ay matatagpuan sa pagtutugma ng katuwiran at karanasan, ang kabutihan ay matatamo sa pagtutugma ng teorya at praktika.
--APOLINARIO MABINI, La Revolucion Filipina
ni E. SAN JUAN, Jr.
Bakit naging problema ang modernidad ng Pilipinas? Kasi 12 milyong OFWs ang kumalat sa buong mundo? Di tulad ng maunlad na bansa sa Europa, Hapon, atbp? Nangangahulugang di pa tayo umabot sa modernidad ng mga industriyalisadong bansang siyang modelong halimbawa ng modernidad? Kaya nga naging laboratoryo tayo ng mga dalubhasa sa programang modernization tatak U.S. noong dekada 1960 batay sa paradigm nina Talcott Parsons, W.W. Rostow, atbp.
Ayon sa teoryang modernisasyon, walang “structural differentiation” sa lipunan natin. Teknolohiya ang humuhubog sa halagahan (values), ang iskema ng paniniwala, saloobin, diwa ng karamihan. Ang tipong pampersonal ay naisillid sa de-kahong “smooth interpersonal relations” (SIR) ni Fr. Frank Lynch, habang ang karakter pambansa ay nakakategorya sa kuwadrong oryentasyong Amerikano. Sa pagsusuma ng mga eksperstong sina Frederick Wernstedt at Joseph Spencer sa kanilang teksbuk, The Philippine Island World (1967): ang Pilipinas “is a unique country, of the ancient Orient, but more wholly integrated into the world of the Occident than is any other Asian country? (1967, 135).
Pinuri nito ang pagpasok ng Ingles bilang “lingua franca,” na tahasang kumulong sa kultura sa ilalim ng Amerikanisasyon. Bagamat umunlad raw ang ekonomya base sa tradisyong Malay na sadyang Hispanicized at Americanized, inamin ng mga geographers na nagpatingkad ito ng “internal pressures in such problem zones as agrarian tenancy, capital control, political structure, and social custom” (1967, 297)—ibig sabihin, tumindi’t lumala ang pagtatagisan ng mga uri sa lipunan, ng grupong makapangyarihan at mariwasa laban sa maraming pulubing pinagsasamantalahan. Samakatuwid, litaw ang “structural differentiation” sa posisyon at ginaganap na papel ng mga pangkatin sa lipunan, pati ideolohiyang kinakasangpan nila.
Sinkretikong Akda
Pinaghalong balat at inalupan, o buto’t laman? Lumilitaw na ang sukatan ng modernidad ay hango sa Kanluran, sa hegemonya ng burgesyang namumuno sa industriyalisadong lipunan. Sa pagtagumpay ng uring kapitalista, nalusaw ang ordeng piyudal at Kristyanong ideolohiyang kaakibat nito. Ito ang base materyal ng modernidad, na naging imperyalistang sandatang “modernisasyon” noong panahon ng Cold War. Laganap ang krisis ng lumang daigdig, saklot ng pragmentasyon at introbersiyon sanhi sa dominasyon ng indibidwalistikong interes. Bukod sa sopistikadong teknolohiyang nasaksihan sa WW1, ang produksyong pangmasa (assembly line), namayani’t sumidhi sa larangang publiko o sosyedad sibil ang mga teorya ng relativity (Einstein), seksuwalid & “unconscious” (Freud), kritika nina Marx & Engels, sampu ng pagdiin ni Nietzsche sa drama ng kamalayang artista na lumilikha ng realidad tiwali sa matandang realismo noong epoka ni Reyna Victoria—sining ang siyang lumilikha ng buhay, ang realisasyon ng sarili—naging pinakaimportanteng katangian ito ng modernidad bilang pluralisasyon ng pangitain-sa-mundo, ng Weltanschaung.
Nailunsad na ito ng mga Propagandista—Rizal, del Pilar, Jaena—hanggang kina Mabini, Isabelo de los Reyes, Lope K. Santos, atbp.—ang pangangailangang mabuwag ang monolitikong orden ng kolonyalismong Espanyol. Isinakatawan ito sa Katipunan at rebolusyong armado laban sa Estados Unidos hanggang binitay si Hen. Macario Sakay (1906) at rebelyon ng Moro noong 1913. Ngunit napatda, naputol ang kilusang yumari ng katutubong modernidad. Humalili ang Amerikanisasyong ng kolonya. Nugnit hindi ito pagkakataong historikal na tunay na magbabago ng relasyon ng mga tao at personalidad. Ito’y tugon sa problema kung paano pangangasiwaan ang isang kolonyang puno ng taong-may-kulay, hindi puti o Europeo, sa gayon mababang uri, hindi sibilisado, kailangang pasunurin at sanayin.
Paano pamamahalaan at kokontrolin ang katutubong populasyon? Sa halip na todong paghahari ng liberal o utilitaryang gawi, saloobin at halaga, nalimitado ito sa edukadong minorya na dinisiplina upang magsilbi sa burokrasya at institusyon ng adminitratibong kolonyal. Sinanay ang ilang pensionado, guro, abogado’t teknikal na katulong upang patakbuhin ang aparato ng gobyerno, militar, pulisya, korte, bangko, komunikasyon, transportasyon, atbp. Pinatili ang sistemang piyudal, ang pribadong pag-aari ng asyenda’t plantasyon ng asukal, niyog, abaka, at iba pang produktong pang-eksport. Kaya nang ipatupad ang Jones Law noong 1916, nahirang sa lehislatura ang mga miyembro ng mga dinastiyang siyang ugat ng kasalukuyang naghaharing oligarkiya.
Ugat at Usbong ng Pagbabanyuhay
Sa nabuong balangkas ng sosyedad buhat 1898 hanggang 1935 Komonwelt at pagsuko ng Bataan at Corregidor noong 1942, anong klase ng modernidad ang matatagpuan? Banggitin dito ang estilong modernista sa kultura: punksyonalismo sa arkitektura, musikang atonal, manerismo o abstraksyon sa sining biswal, stream of consciousness sa nobela, vers libre, sopistikadong paggamit ng teknikal na metodo, introbersiyon o matinding pagdududa’t pagtatanong sa sarili salungat sa romantisismong barokong masisilip sa El Filibusterismo o sa Spoliarium ni Juan Luna, na bunga ng ideya’t sentimyentong nasagap nila sa Europa noong panahon ng mga anarkista’t simbolistang makata.
Sa pangkalahatan, hindi tayo dumaan sa landas ng mga bansang Europa. O maski sa bansang Hapon ng isinabalikat nito ang modernisasyon simula 1873. Bakit wala itong masilakbong suhetibismo sa atin? Bakit mahinang pitlag ng reflexibidad lamang ang masasalat sa mga unang pagsubok nina Jose Garcia Villa at Galo Ocampo? Bakit iba o nagsasarili ang kilatis ng “modernidad” na bumulas sa panahong nagsusumikap makalaya ang sambayanan sa pamatok ng kolonyalismong Amerikano at mga kakutsabang subalterno nito? Retorikal na tanong ito; simpleng sagot ay iba ang daloy ng kolonisadong lipunan batay sa paghahati’t tunggalian ng mga ibat ibang uri, sektor, pangkat at sa magkahalo’t di-singkronisadong moda ng produksyon at reproduksiyon. Hihimayin natin ang masalimuot na habi ng kulturang ito.
Interbensiyon ng mga Dinusta
Sandaling unawain natin ang mapanuring optik sa modernidad ng Latino Amerika sa personahe ni Enrique Dussel. Ang konsepto ng modernidad bilang pangangasiwa ng Planetang Sentralidad, binubuo ng nasa gitna (core) at yaong nasa gilid (peripheral), ay lumipat mula sa pagtuon sa Amerindia (sa ilalim ng Espanya) tungo sa Anglo-Alemanya/Europa. Dahil mas importante dito ang quantum (bilang) kaysa sa qualitas (kalidad), sapilitang pinaging payak ang masalimuot: "This simplification of complexity encompassed the totality of the "life world" (Lebenswelt), the relationship with nature (a new technological and ecological position, which is no longer teleological) subjectivity itself (a new self-understanding of subjectivity), and community (a new intersubjective and political relation; as a synthesis, a new economic attitude would establish itself (capital's practical-productive position)" (2013, 34). Argumento ni Dussel na ang Eurosentrikong modernidad ay sumapit lamang dahil sa kanilang pagyurak, pagsakop, pang-aalipin, at pandarambong sa katutubong Indyo sa kontinente ng Amerika (Timog & Hilaga). Sa extrapolasyon, ang modernidad ng Pilipinas ay nailuwal sa paggapi sa rebolusyonaryong bansang supling ng 1896 rebolusyon, na bunga naman ng piling kaisipang makabago na hinango o minana sa kolonyalistang Espanya. At itong ahensiya/subhetong umalsa, sakmal ngayon ng krisis ng EuroAmerikanong uri ng modernidad, ay pumipiglas upang makabuo ng kanyang sariling identidad batay sa kanyang kakayahan at pangangailangan. Samakatwid, nakasalang pa sa pandayan ng kasaysayan ang anyo, hugis, kulay at buod ng kontemporaryong kabihasnan ng Filipinas.
Paghimay sa Buhol ng Panahon/Lugar
Sinumang mangagahas mag-ulat tungkol sa sitwasyon ng mabilis na pagbabago sa ating lipunan ay sadyang nakikipagsapalaran. Nakatindig siya sa gitna ng agos ng mga pangyayaring dumarating habang nagsisikap ilarawan ang kanyang nakaraan. Produkto ng panahon at lunan, ang kamalayan niya’y nakasalalay sa sapin-saping dagsa ng mga aksyon, diskurso, tunggalian ng iba’t ibang lakas. Kaya anumang bunga ng pagmamasid, pagkukuro’t paghuhusga, ay pang-sumandali’t bukas sa pag-iiba’t pagbabago. Sa gayon, ang kaisipan hinggil sa modernidad ng ating bansa ay nakasalang sa masalimuot na naratibo ng ating kasaysayan bilang bansang namumukod sa ibang bansa, taglay ang sariling katangiang katutubo’t sariling tadhana.
Ngunit mayroon na ba tayong napagkasunduang naratibo ng ating pagsasarili? Mayroon ba tayong sariling pagtaya’t gahum tungkol sa uri ng ating kolektibong karanasan ngayon, noong nakalipas na mga siglo, at pangitain ng kinabukasan? Hiram lang ba sa Kanluran—sa Espanya at Estados Unidos—ang ating pananaw o sensibilidad tungkol sa ating pagkatao bilang bayang may natatanging nakalipas at natatanging paroroonan? Sa tingin ko, ang kulturang modernidad ng Pilipinas ay hindi isang paralisadong ideya kundi isang proseso, isang nililikhang gawain na nakaangkla sa nakalipas na karanasan na siyang ugat at binhi ng niyayaring istruktura ng bagong mapagpalayang kaayusan. Hindi utopya kundi relasyong panlipunang kung saan ang kaganapan ng isang indibidwal ay nakasalig sa kasaganaan at kalayaan ng lahat.
Mahihinuha na ang tema ng modernidad ay sadyang istorikal at may oryentasyong pangmadla. Salungat sa indibidwalistikong saloobing umuugit sa ordeng liberal/neoliberal ng kapitalismong global, ang modernidad ng isang bayang nagsisikap makahulagpos sa minanang kolonisadong mentalidad at praktika ay katambal ng proyektong liberasyong pambansa, ng nasyonalista’t demokratikong pag-aalsa laban sa kolonyalismo’t imperyalismong negasyon ng ating sariling pagkatao’t dignidad.
Maisasaloob na dalawang pagsipat sa panahon ang naisusog ng mga bayani. Isa, sa “Kung Anong Dapat Mabatid” ni Andres Bonifacio. Ipinagunit niya na sa kagandahang-loob ng mga katutubo, pinakain at kinalinga ang mga kongkistador hanggang umabuso’t sinamsam ang ating kayamanan, at hindi na nakuhang magpasalamat at suklian ang pagkamapagbigay ng ating mga ninuno. Samakatwid, himagsikan ang makapagdudulot ng katuturan sa agwat ng panahong nakalipas at ngayon. Kilos at gawa ng mga anak-ng-bayan ang makahihilom sa kakulangan ng naratibo, ang mga puwang o siwang na hindi pagkilala ng pakikitungo natin sa dayuhan. Sa panig ni Rizal, sa kanyang anotasyon sa historya ni Morga at dalawang akda tungkol sa indolensiya ng mga Pilipino at paghula sa lagay ng bayan makaraan ang isang siglo, hinagap ni Rizal na sa balikatang pagsisikap maibabalik ang mala-utopikong lipunan bago dumating ang Espanya (Agoncillo 1974). Samakatwid, sa kolektibong proyekto madudulutan ng kahulugan ang kawing ng mga pangyayari, at maibabalik ang pagtutugma ng sarili at mundo.
Kapwa nakatuon sina Bonifacio at Rizal sa karanasan ngayon, sa buhay ngayon, hindi noong nakaraan. Kapwa natuto sa mga turo ng pilosopiya ng Kaliwanagan (Enlightenment) at rebolusyong Pranses, ang importante ay kamalayang humaharap sa kasaysayan, ang pakikisangkot ng karakter sa nangyayari, at pagsusuri kung lihis o lapat ang dalumat sa kalikasan ng mga nagaganap. Ang retorika ng modernidad nila ay dinamikong pagtitimbang sa halaga ng kostumbre’t tradisyon ngunit hindi konserbatibong kumakapit doon bilang transendental na katotohanang dapat laging sundin. Bagkus lumilingon doon upang mahugot ang binhi ng kinabukasan, pinipiga’t ginagamit ang salik noon upang buuin ang makabagong yugto ng kasaysayan. Sumisira upang lumikha—ito ang buod ng rebolusyong ipinanukala. Nakalubog sa kamalayang indibidwal ngunit hindi narisistikong obsesyon ang dumurog sa lahat, tulad ng mga nihilistang ideolohiya na binabalewala ang materyales na nakapaligid upang isuob iyon sa absolutong mithi. Taglay ng modernistang kritika ng ating rebolusyon ang maingat na pagkilatis sa tradisyon upang mapili ang mabuti sa salubungan ng mga kontradiksiyon at maiangat ang katayuan ng lahat sa mas masagana at mabisang antas ng kabuhayan.
Matris ng Mga Kontradiksyon
Pangunahing suliranin ang hinarap ng intelihensiyang katutubo ng masugpo ang armi ng Republika sa pagsuko ni Hen. Aguinaldo. Paano maipagpapatuloy ang rebolusyonaryong adhikain nina Rizal, Bonifacio, Mabini at Sakay sa panahon ng okupasyon/pasipikasyon? Paano maimumulat at maimomobilisa ang sambayanan upang maigupo ang dayuhang sumakop at itindig ang isang nagsasariling gobyerno, demokratikong ekonomya at humanistikong kultura? Paano malilikha ang hegemonya ng isang diwa’t kamalayang mapagpalaya sa gitna ng piyudal at kumprador-indibidwalistikong pundasyon?
Tatlong lapit sa pagtugon sa palaisipang ang mailalahad dito, sa panimula: Una, ang alegorikong pagtatanghal sa sitwasyon ng bayan. Pangalawa, ang realistiko’t didaktikong paraan, sampu ng paggamit sa kulturang pabigkas, o pistang pangkultura ng balagtasan. Pangatlo, ang diskursong pedagohikal-agitprop ng United Front ng Philippine Writers League, at sosyalistang pagsubok ni Amado V. Hernandez. Kalakip dito ang paglulunsad na malalimang diskurso hinggil sa layon ng sining, ang etiko-politikong prinsipyo ng mapagpalayang estetika, na sinimulan ni Salvador P. Lopez sa kanyang librong Literature and Society at ipinagyaman ni Carlos Bulosan sa kanyang mga sanaysay at katha. Sa lohikang mahihinuha sa ibat ibang paraan ng paglutas sa krisis ng bansa, mailalarawan natin ang buod ng singular na mapagpalayang modernidad na may tatak Filipino.
Paano maimumulat at maimomobilisa ang bayan sa gitna na pagsuko ng Republikang pinamunuan ni Hen. Aguinaldo? Paano makayayari ng panibagong hegemonya o gahum, ibig sabihin, ang lideratong moral at intelektuwal ng masang produktibo (manggagawa’t magsasaka) sa isang nagkakaisang hanay?
Ipinatapon sa Guam ang mga ilustradong irreconcilables na sina Mabini,Artemio Ricarte, Pablo Ocampo, atbp, Dahil sa mabagsik na Anti-Sedition Law ng Nob. 4, 1901, at Brigandage Act ng Nob. 12, 1902, na ipinataw laban sa mga gerilya ni Hen. Macario Sakay na pinaratangang “tulisan,” samakawid walang makatwirang rason upang tumutol sa soberanyang Amerikano (Agoncillo & Guerrero 1970, 284-95). Sa istriktong sensura, napilitang ipasok sa alegoryang paraan ang publikong protesta ng mga mandudulang sina Juan Abad, Aurelio Tolentino, Juan Matapang Cruz, atbp. Nabilanggo’t pinagmulta sina Abad at Tolentino, gayundin ang may-ari’t editor ng El Renacimiento. Pinakatanyag ang dulang Kahapon, Ngayon at Bukas.
Malinaw ang impluwensiya ng sensibilidad pangkasaysayan ni Rizal sa sarsuwelang ito, na nilapatan ng mga eksenang may pagbabalat-kayo’t panaginip na hiram sa aparatong teknikal ng sainete, opera, bodabil, moro-moro, atbp. Tulad ng paglilihim ng tunay na identidad ni Simoun sa El Filibusterismo’t mahiwagang pagbababalik ng kaluluwa ng mga biktimang pinaslang ng kolonyalismo, ginamit ni Tolentino di-tuwirang pagbabangon ng sambayanan, sa pamumuno ni Taga-ilog upang maligtas ang Ynang Bayan sa huli. Natulak si Malaynatin, ang kasalukuyan, na sumang-ayon sa hiling ng madlang kaluluwang bumangon sa kanyang panaginip, pati na si Haring Kamatayan, upang tigilan ang paglalaban ng madla upang mapalaya ang Ynang Bayan sa mananakop (Medina 1972, 211-16).
Sa alegoriya, ang tunay na problemang inasinta ay ang tunggalian ng mga nasyonalistang puwersa laban sa mga ilustradong umayon sa kapangyarihan ng Estados Unidos: sina Pardo de Tavera, Pedro Paterno, Felipe Buencamino, Benito Legarda, at iba pang dating kasapi sa Republikang Malolos. Walang kolektibong pagpapasiya kung hati ang intelihensiya at ipinag-aaway-away ng Amerika ang mga katutubo. Lubhang masahol na kasalanan ang pagtataksil, ang pagkatraydor, na tila masisinag sa ginawang linlang ni Dr. Dominador Gomez sa kampon ni Sakay, kahalintulad nina Paterno’t Buencamino.
Puna ni Doreen Fernandez na ang teknik, pamaraan at estilo ng mga dula ay hango sa kumbensyonal na gawi sa teatro noon. Ngunit ang modernista ay nakalakip sa "their concern--national in dimension, political in character, with persuasion and action as goals. Unlike indigenous drama, they were not limited to regional or community boundaries" (1996, 102) dahil ang pakay nila ay magpasiklab ng damdamin/diwang humihingi ng kalayaan at kasarinlan. Nadulutan ng perspektibong makabago ang sensibilidad ng Filipino hinggil sa espasyo/lunan at panahon ng kapamuhayan na lihis sa kinagisnan. Sa paghahalu-halong ito ng iba't ibang tipo o genre, masisilip ang isang tanda ng modernismo.
Sa sarsuwelang Bagong Kristo matagumpay na naisusog ni Tolentino ang proletaryong prinsipyo ng pag-aklas sa kapitalistang mananakop, bagamat alegoriyang hango sa pasyon, senakulo’t pagbasa ng nakalipas na siglo. Masalimuot ang pahiwatig ng alegoriya, kung isasaisip ang paunawa ni Walter Benjamin na siyang metodo ng paglalahad sa isang mundong tinggagalan ng kahulugan, inalisan ng espirit at wagas na kanbuhayang makatao (Jameson 1971, 70-71). Sapilitang sekularisasyon ang mahihinuha sa pag-iral ng alegoriyang estilo. Kung sa bagay, ang modang ito kaakibat ng didaktiko’y mapanturong moda’y laganap na sa gawaing ebanghelyo ng mga misyonaryong Dominikano, Francisco, Hesuwita, atbp. Laganap ang pangangaral sa sermon at edukasyong umiiral mula pa dumating sina Fr. Urdaneta kasama nina Legaspi’t Martin de Goiti. Gayunpaman, mamamalas sa Bagong Kristo na dumudulog na ang awtor sa pag-alsa’t paglago ng proletaryong uri.
Ang “drama socialista” ni Tolentino noong 1907 ay maituturing na bugtong- anak ng Banaag at Sikat ni Lope K. Santos. Pakinggan ang tila talumpating politikal ni Jesus Gatbiaya sa wakas ng dula:
Mabuhay ang mga obrero sa sanglibutan!….
Ang araw na ito, unang araw ng Mayo, ay araw na pinipintakasi ng lahat ng obrero sa sanglibutan. Sa mga sandaling ito hindi tayo lamang ang nagsasaya. Akalain ninyong nagsasaya ngayon ang lahat ng mahirap sa balat ng lupa. At ano ang ipinagsasaya? Walang iba kundi ang pagkakaisang-loob, at pagkakaisang-layon ng lahat ng obrero sa sangsinukuban….Huwag tayong magpahuli, tayo’y umanib at sumabay sa kanila upang tayo’y lumusog at maging katawan din ng nasabing sangkataohang hari…..
Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ang alin mang bayan, kapag nagkadalawang balak, na ang isa’y pawang mga poon, at ang isa nama’y pawang mga alila, ang bayang iyan ay maasahang patay na, bangkay na mistula at wala nang ibang mahihintay kung di na lamang ang mapanglaw na araw ng libing. (1975, 218).
Binalangkas ng Kathambuhay
Sanhi sa pagsikil sa teatro at iba pang palabas, nawalan ng awdiyens at tagapanood ang dulang akmang-agitprop. Maselan ang mga pagpupulong sa sperong pampubliko hanggang tuluyang pagkadakip at pagbitay kina Hen. Sakay at kapanalig. Ang 1907 batas sa pagbabawal ng pagladlad ng bandilang Katipuna ay hindi binawi hanggang 1919. Sa buong unang dekada hanggang pagtatag ng Asamblea noong Oktubre 16, 1907, ang mga lathalain ang humalili sa tulang pabigkas o pasalita, at dulang itinatanghal bilang instrumento ng kamalayang mapagpalaya. Bagamat may paghihigpit, kumalat ang mga peryodiko’t magasin na kinagiliwan—pagsambulat ng pagnanasang maibulalas ang tinitimping damdamin, sentimyento’t pagnanasang makapagsalita’t makipagbalitaa’t makipagtalastasan sa kapwa tungkol sa matinding pagdurusa’t paghangad ng ginahawa’t ligayang ipinagkait ng mga Kastila sa mahigit tatlong dantaong pananakop at pagpapahirap sa buong sambayanan.
Maipagninilay na ang pamumulaklak ng nobela mula sa halimbawa ng Noli & Fili ay utang sa ilang hakbang ng kaunlaran. Bukod sa pagrami ng palimbagan at libreria ng mg librong inangkat mula sa Europa at ibang bansa, nawala na ang sensura ng gobyernong teokratiko. Nahikayat din ang mga manunulat, sa tangkilik ng Republika, na ibuhos ang kanilang imahinasyon at dalumat sa pagsusuri’y paglalarawan ng mabilis na mga pangyayari sa kapaligiran na tiwalag sa romantikong daigdig ng corrido, pasyon, duplo. Lumabas ang mga unang nobela Tagalog nina Gabriel Beato Francisco, Lope K. Santos, at Valeriano Hernandez Pena sa lingguhang Ang Kapatid ng Bayan noong 1899-1901, at iba pang lathalain. Sabay ring bumulas ang mga nobela sa ibang wika (Pampango, Ilokano, Cebuano, Hiligaynon). Nakatulong na mahigit ang libreng edukasyong pampubliko na lumago mula 177,000 estudyante noong 1897 hanggang 530,000 noong 1913; nagdoble ang mga taong marunong bumasa sa pagitan ng taong 1903 hanggang 1918.
Nagsilbing laboratoryong eksperimental sa pagbuo ng makabansang gahum ang nobelang Banaag at Sikat (1904) ni Lope K. Santos at Pinaglahuan (1907) ni Faustino Aguilar. Makulay ang buhay at gawa ni Santos: naging unang pangulo ng Union del Trabajo de Filipinas UTF) at patnugot ng peryodikong Muling Pagsilang na naglathala ng maraming akda tungkol sa unyonismo mula sa Europa. Bagamat napaghinalaang nasulsulan siya American Federation of Labor, si Santos ay sinuporta nina Isabelo de los Reyes at Dominador Gomez. Kasapi si Santos sa rebolusyonaryong tropa sa Laguna at Batangas—hindi ilustradong nagbabad sa Espanya—at nangasiwa (katulong ang beteranong Hermenegildo Cruz) ng isang “Paaralan ng Sosyalism” (itinuro roon ang mga aralin nina Marx, Zola, Reclus, Gorki, pati na si Karl Kautsky) noong unang dekada.
Itinampok ni Santos sa nobela ang mga ideyang inani sa mga nabanggit na awtor sa pakikipagtalastasan nina Delfin, peryodistang makasosyalista, at Felipe, isang anarkista. Kapwa nakasilid at nakasadlak ang dalawa sa masalimuot na usaping palasintahan, na siyang pain o panghalina sa madlang mambabasang nahirati sa mga romantikong pakikipagsapalarang hilig. Sila ang mga “bayani ng katubusan,” ng pagbabagong-buhay. Ngunit hindi ito tahasang nailarawan sapagkat ang tiyakang hinimay at sinuri ay ang patriyarkong ugali at pamantayan ng pamilya at ang kostumbre sa pagmamana ng ari-arian, sa panig ng mayamang Meni at amang Don Ramon. Tumpak ang puna ni Jim Richardson na kahawig ng isip ni De Los Reyes, ang sosyalismo ay walang iba kundi ang prinsipyong ligal ng pagkakapantay-pantay, sa pangitain ng liberalismong moralidad ng Kaliwanagan (2011, 22). Kaya sa palagay ni Delfin, ang Konstitusyon ng Estados Unidos ay umaapaw sa mga sosyalistang mithiin,” at ang gobyernong Amerikano ay tuwirang nakasalig sa mga prinsipyong sosyalista” na higit pa sa bansang nagpapanggap na sosyalista. Ito ang isang dahilan na halos walang matipunong kritika sa manaakop ang nobela.
Diyalektika ng Indibiduwal at Madla
Napatunayang mabisa ang Banaag at Sikat sa pagkalat ng mga kaisipang anti-kapitalista—3,000 kopya ang nabili sa ilang linggo lamang pagkalabas ng nobela. Marahil, mas makahulugan ang pagmuniin na ang sirkulo ng mga peryodista, manunulat, impresores, at unyonista’y kabilang sina Crisanto Evangelista, Domingo Ponce at Cirilo Bognot, mga tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong sumunod na dalawang dekada (Saulo 1990, 6-9). Bago pa man dumating sina Tan Malaka at James Allen (Sol Auerbach), malusog at mayaman na ang kaalamang mapagpalaya ng uring mangagawa’t artisano sa kalunsuran ng Pilipinas sa yugtong ito ng kasayayan.
Ang makatuturang naitanghal ni Santos sa nobela yaong wala roon o naipahiwatig lamang: ang pagkakalapat ng teorya at praktika. Ano ang nararapat pag-ukulan ng matamang pagkukuro sa mabuting pagkakatugma ng kamalayan at kapaligiran, ng simulain at pagkilos? Sa kabanatang “Dilim at Kaliwanagan,” nasaling ang pagkakaiba ng rebolusyong sosyal sa rebolusyong pampulitika sa diskusyon ng magkaibigan. Sambit ni Felipe, “panahon na ngayon ng ating Rebolusyong sosyal, sapagkat sa akala ko’y puno na sa pagtitiis ang ating ma maralita.” Sagot ni Delfin: ‘Hindi pa marahil , sapagkat hindi pa nagsisikilos nang kusa; hindi pa sumsigaw sa kanila ring bibig. Nangangailan pa ng mga taong hirang, ng mga bayaning tagaakay, tagasulsol at uliranin.” Samakatwid, wala pang integral na dalumat upang palayain ang sarili.
Maingat si Delfin sa pagtaya sa antas ng mobilisasyon ng masa; tinitimbang niya kung may saloobin o pagnanais na magbago ng buhay ang masa kaagapay ng kanilang dinaramdam. Kailangan pa ang edukasyon, disiplina, kabatiran sa transpormasyon ng pamumuhay. Sa panig ni Felipe, kailangang buwagin ang anumang poder o “kapangyarihang makagagambala sa pagkaganap ng tunay at katutubong kalayaan ng tao,” alalaong baga’y ibalik ang likas na pakikipamuhay ng walang estado o institusyong mamumuno o mangangasiwa. Alisin man ang pribagong pag-aari, nariyan pa rin ang kapangyarihan “ng iba sa iba/“ Sa anarkistang pag-iisip ni Felipe, “Ang sarili lamang ang dapat makapangyari sa sarili….” Sumasang-ayon si Delfin sa ultimong adhika ni Felipe, ngunit hindi pa napapanahon, sa tingin niya, at isinaad ang isang tanawing kasintunog ng ebolusyonaryong iskema ni Auguste Comte o ng mga alagad nina Herbert Spencer at mga ebolusyonaryong repormista :
…hindi pa araw ito ng ganap na Rebolusyon. Ang buhay ng mga lahi, ang lakad ng mga bayan, ay nagdaraan sa tatlong baitang ng panahon: una, ang panahong lahat ay iniaasa at iniuukol ng tao sa Maylikha.” Pangalawa, ang epoka ng mga bayani, at pangatlo, ang lahat ay galing sa lahat at mauuwi sa lahat—epoka ng komunismo. Payo ni Delfin: “Iangkap mo sa ating lahi at bayan ang tatlong baitan na iyan, at makikita mong iisa pa ang ating nalalampasan. Kasalukuyan pa tayong nagtutungtong sa pangalawa ng iisang paa, habang di pa naaangat ang isa sa una (1960, 538-39).
Ang naturol na baitang-baitang na pagsulong ay halaw sa linyadong pagsukat ng kasaysayan ng kahayupan nagmula sa mga imbestigasyon ni Charles Darwin. Subalit hindi angkop ito sa kasaysayan ng lipunan na batay sa kontradiksyon ng mga uri buhay maihiwalay ang nagmamay-ari ng mga gamit sa prodyksyon at ang mga walang-pag-aaring mangagawa. Kailangan ang isang diyalektikag paraan ng pagsusuri upang maiitindihan ang problema ng modernidad sa atin. Sa puntong ito, ang ambag ng nobelang Pinaglahuan ni Aguilar ay natatangi.
Maidadagdag na parikalang interpretasyon ang mahuhugot kung isasaisip na ang anarkista’t sindikalistang ideolohiyang pinag-uusapan ng dalawang magkaibigan ay kapwa lihis o salungat sa alitan ng magulang at anak, at lumulutang sa itaas o ibaba ng kalakarang palasintahan. Balighong pagbubuhol ng dalawang hibla ng naratibo kundi babasahin na sinadyang pag-aayos ito. Ibig ipahatid na malaki ang agwat ng mga kaisipan nina Delfin at Felipe sa kapaligiran, sa daloy ng kalakaran.
Kasukdulan, Tapos Kakalasan?
Kakaiba ang lapit ni Aguilar sa suliraning kontra-egemonya. Bagamat tinalakay pa rin sa banghay ng nobela ang hidwaan ng magulang at anak, tumambad ang tandisang tema ng makabagong nobela ni tinurol ni Lukacs: ang problema ng indibiduwal sa mundong walang tiyak na kahulugan o halagang pumapatnubay sa lahat, walang bathala o diyos o anumang batayan nagdudulot katwiran o katuturan sa lahat. Kung sa alegoriya ng mga sarsuwelang rebelde nagkawatak-watak ang mga nadaramang bagay at kahulugan nito, sa nobela naligaw ang tao sa isang mundong kakatwa’t banyaga, hindi mahulo kung saan nanggaling at saan patutungo.
Sinikap ng nobelistang makatugon sa krisis ng lipunang naitulak sa makabagong panahon. Ang problema ng bayaning nangungulila’t giniyagis ng pagkabahala’t pag-aalanganin, ay masisilip sa katayuan ng protagonistang mayamang si Rojalde. Litaw na kinasangkapan din ang pag-iibigan nina Danding, ang mayamang kasintahan, at Luis Gat-buhay, ang pulubing organisador ng unyon sa isang kalakal na pag-aari ng isang Amerikano, at inilarawang maigi ang maalab na sintahan ng dalawa, binigyan ni Aguilar ng malaking puwang ang realistiko’t sikolohikong analisis sa malikot at mapusok na damdamin ng kumprador-usurerong Rojalde na, bagamat matagumpay sa pagsuyo sa mga magulang ni Danding, ay bigo naman sa pagtamo ng kaganapan: ang anak ni Danding ay anak nila ni Luis, ang nabilanggo’t namatay na katipan.
Masinop ang pagtatagni-tagni ng mga pangyayari, dramatiko’t kapana-panabik ang pagsunud-sunod ng mga tagpo sa dalawang banghay ng pag-iibigan nina Danding at Luis, kaalinsabay ng maniobra ng tusong Rojalde upang masagkaan ni Rojalde ang kanilang pag-iisang-dibdib. Kasakiman at patriyarkong kalupitan ang sumugpo sa marangal at busilak na pagmamahalan ng dalawang biktima ng sistemang sumusuob sa salapi’t makahayup na pagmamalabis. Mala-Kristo ang pagkasawi ni Luis, himatong na sakripisyo lamang ang mga bayani ng kaligtasan ng uring inaalipin ng dayuhang kapitalista. Sa malas, wala pang kolektibong kapasiyahan at lakas ang mga bisig na yumayari ng produktong nagpapayaman sa kapitalista-kolonisador, bagamat inaangkin pa rin nila ang katapangan, katatagan, at makataong paninindigan na siyang tutubos sa dinuhaging lipunan sa kinabukasan.
Senyal na dalisay na pagnanais ng kalayaan ang anak ni Danding at Luis, sagisag ng minimithing pagbabago. Nang manalo ang Partido Nacionalista (PN) nina Quezon at Osmena, sa bisa ng islogang “kagyat, ganap at buong kasarinlan,” patunay na matindi’t malaganap pa rin, mula 1907 hanggang 1922, ang nasyonalistikong simbuyo ng masa. Isang paraan ito upang malinlang ang sambayanan. Ang Asambleyang Pilipino na pinamunuan ng mga NP politiko, ang bagong prinsipalya na nagsilbing instrumento sa madaling pangongolekta ng buwis upang mapondohan ang administrasyon kolonyal. Patuloy na namayani ang uring panginoong maylupa. malaking burgesiyang komprador, at burokrata-kapitalistang pangkat nina Quezon, Osmena at Roxas hanggang sumabog ang Pangalawang Digmaang Pandaigdig.
Namulaklak ang nobela sa kabila ng mga batas kontra-Sedisyon at Bandolerismo, at kasong nagparusa sa pabliser at editor ng El Renacimiento noong 1908. Naging komersiyalisado ang sarsuwela’t humina na rin ang pamimili ng nobela. Ang Filipinisasyong inilunsad ni Taft ay humantong sa pagdami ng mga Filipino sa burokrasya (laluna sa administrasyon ni Francis Burton Harrison, 1913-21).Nang ipasa ang Jones Law ng 1916, nagkaroon ng limitadong awtonomiya—palsipikado, sa tingin ng iba, sapagkat sa bisa ng “malayang kalakalang” ipinataw ng Payne-Aldrich Act noong 1909, sinagip ang bulok na sistemang agrikulturang piyudal na pumigil sa anumang industriyalisasyon, ugat ng katayuang dependienteng lipunan hanggang ngayon.
Sintomas marahil ng mga ilusyon hinggil sa pagkahuwaran ng U.S. bilang demokrasya ang “Ang Beterano” ni Lazaro Francisco. Paniwala ang ilang awtor sa ideyang kung makikilala lamang ang katapangan at kadakilaan ng Pilipinong marunong magsakripisyo para sa uliraning halimbawa ng Estados Unidos, bibigyan ng kasarinlan ang Pilipinas. Tandisang indibiduwalismo ito: ang usaping panlipunan ay malulutas sa panloob na moralidad ng bawat indibiduwal, laluna kung matalino’t taglay ang dugong maharlika sa panig ng Amerikanang si Bertha Carvel, at pagkamasunurin sa Punong Puti ni Arcadio Pulintan. Tugon ng binibini: “Ibibigay ko ang buo kung buhay sa ikapagiging dapat ko sa mga dakila ninyong pagtuturing” (1998, 156).
Bago naitatag ang Komonwelt noong 1935, madugong pakikibaka ang yumanig sa buong bansa. Nagpakita ang mga manggagawa sa Maynila at mga magsasaka sa Gitnang Luzon, Timog Luzon, Bisaya at Mindanaw ng espontanyong karahasan, kaalinsabay ng rebelyon ng mga Colorum sa Mindanao at sa Pangasinan noong 1923-24, 1931; sa mga pabrika ng asukal sa Negros Oriental, Negros Occidental, at Iloilo. Noong Mayo 2-3, pumutok ang insureksyon ng mga Sakdalista sa Laguna, Rizal, Kabite, Tayabas at Bulacan, na kasangkot ang maraming pesante, magsasaka’t trabahador. Dito lumantad ang isang tipo ng pagkakawing ng sining at pulitika sa katauhan ni Benigno Ramos, tagapundar ng Partido Sakdalista.
Pananagutan ng Sining
Kung babalik-tanawin, ang arte poetikang sinusunod ng henerasyon nina Lope K. Santos, Inigo Ed. Regalado at mga kapanahon. ay hango sa tradisyong inilatag ng mga Griyego’t Romonang pantas. Ayon kay Julian Cruz Balmaseda, “Ang tula ay isang kaisipang naglalarawan ng kagandahan, ng kariktan, ng kadakilaan,” na kailangang magtipon-tipon sa isang kaisipan (2013, 58). Abstraksyong walang laman ito kung hindi isasakonteksto sa isang tiyak na panahon/lugar. Sa pagtalakay sa paksa ng anong uri ng modernidad mayroon tayo, naimungkahi ko na ito’y isang dulo ng kontradiksiyon, kasanib sa naratibo ng imperyalismo/monopolyo kapitalismo. Walang modernidad o kamalayan-sa-sarili ang kolonisadong lipunan kundi yaong hiram o dulot ng Kanlurang sibilisasyon. Samaktuwid, ang mapagpalayang kilusang lilikha sa modernidad ng mga taong sinakop ay magtataglay ng dalawang katangiang bubuo sa pangkasalukuyang kultura: realistiko’t popular.
Madaling matarok ang dimensiyong pagka-popular: naiintindihan ng masa, ginagamit ang anyo ng kanilang komunikasyon, ipinahahayag ang buod ng kanilang paninindigan. Sa dimensiyong reaistiko, madaling mawatasan ang aspeto ng pagka-realistiko: kongkreto sa kalawakan ng detalyeng nailarawan, ibinubunyag ang sanhi ng mga pangyayari, ipinapakita ang dominanteng pagtingin na angkin ng mga naghahari. Nasipat natin itong naibadya ng mga nobelang natukoy sa una. Ang mga kaibuturang katangian ng radikal na sining ay hindi pa ganap na naisisiwalat sa nobela nina Santos o Aguilar, at utopikong pahiwatig pa lamang sa mga alegorikong dulang nabanggit.
Bukod sa paglagom sa aktuwalidad,kailangan kapain din ang potensiyalidad sa hinaharap. Ang mga elementong kailangan pang linangin ay: pagsusuri sa punto-de-bista ng uring taglay ang pinakamasaklaw na kalutasan sa mga masidhing suliraning humahamon sa bayan, ipagdiinan ang dinamikong pagsulong ng lipunan, pagpupunyaging igiit ang pinakaprogresibong paninindigan upang makamit nito ang pamunuan, iangkop ang tradisyon sa kasalukuyan na maiintindihan ng lahat, paglipat ng mga naisakatuparang kagalingan sa mga pangkat na nakikibakang makagabay sa buong bansa—sa madaling salita, ilipat ang liderato ng lipunan sa uring proletaryo/manggagawang siyang susi sa kaunlaran at tunay na kasarinlan (Brecht 1975). Paano naisagawa ito nina Jose Corazon de Jesus, tawag nating “Batute” rito (1896-1932), at Benigno Ramos (1892-1945)?
Puso’t Kaluluwang Nagsandata
Pinakatanyag sa timpalak-balagtasan (circa 1924) noon, si Batute ay abogado’t peryodista na kadalasa’y lumahok sa mainit na usaping pampulitika sa tuwiran o paambil. Nakalubog din siya sa kapitalistang milyu ng kalunsuran.
Sa panahon ng mass produksyon ng anumang maipagbibiling bagay, gumaya rin si Batute sa pagsasalisi ng talata, parirala, hulagway, na may magkamukhang tabas. Naging pabrika ng palasak na berso ang mga upisina ng Taliba (dalawang makina sa pagtabas ng taludturan ang umaandar doon: "Buhay Maynila" at "Mga Lagot na Bagting ng Kudyapi), Liwayway, Ang Mithi, Bagong Lipang Kalabaw, at Sampagita. Naging negosyante ang makata, salamat sa modernong teknolohiya ng imprenta at distribusyon ng peryodiko't lingguhan, polyeto't libro. Naging pansumandaling libangan ang pagbabasa ng tula, o pakikinig sa balagtasan na nagdulot-aliw sa madlang dumadalo sa mga pista.
Mapanganib ang lagay ng manunulat na medyo nakaangat sa mga karaniwang obrero sa imprenta ngunit madaling maalis sa trabaho. Minsan, sinuportahan si Batute ng pabliser sa isang sakdal ng Amerikanong guro; sa pangalawang kaso, tinanggal na siya nang hindi siya tumigil sa pagsulsol sa mga estudyante sa Manila North High School sa pagtutol sa panlalait ng mga Amerikano (San Juan 2015, 178). Bago pa rito, naisakdal at pinagmulta si Batute dahil sa pagtuligsa niya kay Mrs. J.F. Oliver, isang guro noong Marso 2, 1921. Sa tulang “Black and White,” at maraming tulang itinipon ni Monico Atienza (1995), masasalat ang popular at realistikong aspeto na nailahat ko. Tunghayan ang ilang taludtod mula sa “Dugo” at ‘Pakikidigma,” lathala noong 1929, halimbawa: “Ikaw’y makidigma sa laot ng buhay / At walang bayaning nasindak sa laban; / Kung saan ka lalong mayroong kahinaan, doon mo dukutin ang iyong tagumpay” (Lumbera & Lumbera 1982, 215-217). Mas mapusok at mapangahas ang himig ng boses sa “Malikmata,” kung saan ang tema ng dinamiko’t kongkretong kapaligiran ang paksa: “Hali-halili lang ang anyo ng bagay / At hali-halili ang tingkad ng kulay; / Kay rami ng ating inapi’t utusang / Sa paghihiganti—bukas, sila naman” (hinggil sa paksang-diwa ng mga sinipi, konsultahin si Atienza 2006).
Lubos na bantog si Batute sa kanyang tulang “Ang Bayan Ko” (1928), nilapatan ng musika ni Constancio de Guzman, at idinagdag sa tanyag na sarsuwelang “Walang Sugat” (1902) ni Severino Reyes. Kalayaan ay birtud ng kalikasan: “Ibon mang may layang lumipad /Kulungin mo at umiiyak /Bayan pa kayang sakdal dilag /Ang di magnasang makaalpas..” (kalakip sa Cruz & Reyes 1984, 142). Hindi lamang makata ng palasintahang paksain si Batute, kundi manlilikhang masaklaw ang dalumat pangkasaysayan, litaw sa epikong tulang Sa Dakong Silangan (1928). Dalawang taon bago pumanaw si Batute noong 1932, naisulat ni Amado V. Hernandez ang kanyang “Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan” (Cruz & Reyes 146-47), na siyang naging pampasiglang sigaw ng mga demonstrador ng “First Quarter Storm” sa bisperas ng batas-militar ng diktadurang Marcos. Sinamantalang sumakay sina Batute at Hernandez sa namamayaning hilig sa sining-pabigkas hanggang hindi pa ito pinapalis ng pagkagumon sa bodabil, radyo at pelikula sa panahong bago pasinayaan ang Komonwelt.
Paglilitis ng Tadhana
Isang pagwawasto sa ginagawiang haka-haka ang dapat isingit dito. Hindi si Batute o Hernandez ang kumatawan ng kontra-gahum na pakikibaka noong dekada ika-1930-40, kundi si Benigno Ramos. Lumahok si Ramos sa balagtasan noong 1926 sa kanyang “Balagtasan ng Kalayaan” (Zafra 2006, 274). Bago pa naging empleyado sa Senado bilang tagaslin noong 1917, naisulat na niya ang Pancho Villa: Maikling Kasaysayan ng Bantog at Kilabot na Taong Ito sa Mehiko. Taglay na ni Ramos ang istoriko-materyalistang pananaw na masisinag sa mga akda niya sa peryodikong Ang Bayang Filipino noong 1913 hanggang 1917. Pagkatapos magbitiw sa burokrasya noong 1930 sa kanyang pagtutol kay Presidente Quezon sa usapin ng Amerikanong pamamahala at karapatan ng mga Filipinong estudyante sa Manila High School, ibinuhos ni Ramos ang kalooban sa lingguhang pahayagang Sakdal na matapang na taliba ng sambayanan laban sa oligarkiya at kolonyalismong Amerikano.
Noong Oktubre 1933, itinatag niya ang Lapiang Sakdalista na sumalungat sa panukala ng naghaharing Partido Nacionalista hinggil sa usapin ng pambansang kasarinlan at katarungang panlipunan. Nang sila’y sikilin at pigilin, naglunsad ng armadong aklasan ang masa noong Mayo 2-3, 1935 sa labing-apat na bayan ng Gitnang Luzon. Bagamat naging maka-Hapon o kolaboraytor si Ramos pagkaraang mabilanggo noong Disyembre 1939, hindi mapapasubalian ang kanyang pananalig sa nasyonalistikong demokrasya para sa nakararaming anak-pawis (Tolentino 1998).
Bukod sa matalinong pagkukuro sa pagbabago ng anyo ng sining sa mga unang tula niya, si Ramos ay likas na mapanghimagsik at mapagsubok sa pagtatambal ng kamalayan at kapaligiran. Pinagpugayan siyang “poeta revolucionario” dahil sa eksperimentasyon at pagkamakabago. Matayog at mabisang nakapupukaw ang mga tulang “Gumising Ka, Aking Bayan,” “Panulat,” “Asyenda,” “Katas-Diwa,” at iba pa, makikilates sa “Mga Agam-Agam” (inilathala sa El Renacimiento, 28 Abril 1911) ang katangiang realistiko’t popular na sangkap sa paghikayat sa masang magkuro, sumuri, at maghinuha ng kinakailangang kilos sa pagsira ng di-rasyonal na institusyon at pagtutugma ng katwiran at ayos ng relasyong panlipunan. Ang aral o turo na naibigkis dito ay kasingkaw ng imahen o kakintalang maramdamin:
Ang taong kumita sa tulo ng pawis,
sa mga paggawa at banat ng bisig
ay taong marapat sa mga pag-ibig
at sa pagkilala ng bawa’t may isip.
Ang mga mahirap ang pinanggalingan
ng salaping hari ng nangabubuhay,
sa kanilang palad ito namuhatan
at sa tuyong bulsa’y siyang nagpayaman.
Ang bawat may milay ay nagmula muna
sa buhay-hikahos ngayong nakikita.
Humigit-kumulang ay nangagtamasa
ng sa mahihirap na taglay na dusa.
Ang bawa’t hangingging ng mga pagbulyaw
sa mga mahirap ay isa rin namang
hukay na sa ganid na paglilibinga’t
sasaksi sa kanyang waka na mapanglaw.
Ang palad ay walang palagiang banig
ni isang uupang sukat na makamit.
Pagkagiring pula! Siya’t magtitindig
ng api’t mamamatay sa mga malupit.
Hindi nasisilip agad ang ligaya
kung hindi magwagi sa pakikibaka.
Ang mga mahirap na nananandata
kung api ma’y busog sa mga pag-asa.
Tubig na malinis ang nakakatulad
ng pusong bayani ng isang mahirap,
kahi’t tampisawin ng paang may burak
ay hindi malabo: di mapapaglusak.
Ang pigil ng sama’y nasa dakong huli,
at kung sa gayon ma’y laging nagwawagi
asahan at bukas nama’y mga api
ang magtatagumpay at hindi ang imbi. (Ramos 1998, 13-14)
Dalawampung taon pa ang magdaraan bago pumutok ang masigabong martsa ng bayan sa Kaarawan ng Paggawa na idinakila ni Ramos sa kanyang tula. Binuo at pinamunuan ng Partido Komunista ang aksyon, na winasak ng papet na konstabularya ni Quezon sa utos ng imperyalistang Amerikano. Maraming inaresto’t ibinalanggo. Ulat ni Amado Guerrero: “Ang Partido ay ipinagbawal ng papet na Korte Suprema at ang mga lider ay sinintensiyahang mabilanggo [noong 1932]. Gayunman, sa kabila ng pagbabawal sa Partido, sumiklab ang mga espontanyong pagbabangon ng mga magsasaka tulad ng naganap sa Tayug, Pangasinan, noong 1931 at ng ibinunsod ng mga Sakdal” (1970, 52-53) noong 1935, na naibadya na sa unahan.
Aklasan: Pagsalungat sa Kapalaran
Inihudyat ng mga pagbabalikwas ng nakararaming mamamayan na nakahulagpos na sa antas ng rebolusyong Pranses ang modernong kabihasnan at humhangos na sa yugto Komunidad sa Paris ng 1871. Magkatalik na ang uring magbubukid, manggagawa’t intelektuwal sa kalunsuran sa nagkakaisang pagsalakay sa kapangyarihang piyudal, kumprador at kolonyalistang dayuhan. Unti-unting nayayari ang lideratong moral-intelektuwal ng makabayang pangkat. Masasalamin ito sa imahen ng aklasan. Mabalasik na naihatid ito sa tulang “Aklasan” ni Hernandez, na kasama sa kanyang librong Kayumanggi (1940). Nakalutang sa isang argumento na kung hindi napapalitan ang mali o masamang pamamalakad, iigpaw ang udyok ng himagsikan. Narito ang huling talugtod ng pagbabanta’t pagbabala:
Ngunit habang may pasunod
na ang tao’y parang hayop
samantalang may pasahod
na anaki’y isang limos….
at may batas na baluktot
na sa ila’y tagakupkop,
ang aklasan ay sisipot
at magsasabog ng poot,
ang aklasa’y walang lagot,
unos, apoy, kidlat, kulog,
mag-uusig, manghahamok
na parang talim ng gulok,
hihingi ng pagtutuos
hanggang lubusang matampok,
kilalani’t mabantayog
ang katwirang inaapop,
hanggang ganap na matubos
ang Paggawang bagong Hesus
na ipinako sa kurus. (Medina 1972, 345)
Pansinin na ang harayang Hesukristo ang ikinabit sa “Paggawa” ay nagpapagunita sa atin ng imahen sa huling tagpo sa nobelang Pinaglahuan, wari bagang ang sakripisyo ng sambayanan ay nagpapangako ng di-mahahadlangang katubusan sa wakas. Maaaring hinagapin na sagisag ito ng nakaugat na tradisyong milenaryo ng mga Colorum, sektaryang pangkat tulad ng Cofradia ni Hermano Pule, atbp. Sa kabilang dako, isinaalang-alang ng makata’t nobelista ang gawi, ugali, hilig ng madla na inilubog sa Kristiyanong ritwal ng cenaculo at pagbasa sa Pasyon.
Montage: Sintomas ng Kinabukasan
Ang aklasan ay nailarawan naman sa mas realistikong paraan sa kuwento ni Brigido Batungbakal, “Aklasan.” Maantig at maudyok ang ritmo ng mga pangungusap sa naratibo, katugma ng daloy ng pagbabalita sa radyo, isang teknolohiyang lumaganap na noong Komonwelt. Mas makapangyarihan ang impluwensiya ng pelikulang may tinig noong dekada 1930 (Lumbera 1998, 397-98), kung saan ang metodo ng montage ang kontra-egemonyang lakas na dumurog sa katahimikan, sa kunwaring-rasyonalidad ng kapaligiran. Maihahalimbawa na ang maikli’t putol-putol
na taludtod sa unang bahagi ng “Aklasan” ni Hernandez. Sindak sa sigalot ang hiwatig ng puta-putaking detalye sa “snapshots.” Sa kuwento, hindi lang maramdaming paglalarawan ang kinasangkapan ng nag-uulat na reporter, kundi ang pagtatagning parataktika ng eksena ang mabisang representasyon ng gulo, paglalaban ng hinagap at kalakaran—sa malao’t madali, ang sindak ng krisis sa montage ang nakasiwalat ng katotohanang binaluktot ng inilimbag na ulat ng pahayagang Katarungan. Subaybayan ang indayog ng mga pariralang nakapaloob sa talatang ito:
Muling nagsalita si Andres Santos sa kanyang mga kasamahan. Sinabi niyang ingatan ang pagsakit sa mga taong hindi kasang-ayon ng kanilang simulain. Umugong ang hiyawan. Tumututol ang marami sa kanyang ibig mangyari. Hindi maaari ang ganyan. Kailangang patayin ang sinomang mag-eskirol. Walang itatangi. Isang babae ang tumindig. Nagsalita. Kailangang ipagtanggol ang karapatan ng mga nagsisi-aklas. Kailangang ipagtagumpay ang simulain natin sa kabuhayan. Umugong ang sigawan ng mga sumang-ayon. Pamaya-maya, isang trak ang huminto. Saka naghiyawan ng Mabuhay. Makikiramay sa atin ang mga taga-La Insular. Hindi tayo pababayaan ng mga taga-La Yebana. Tigas ng loob laman ang kailangan natin upang tayo’y magtagumpay (1982, 227-28).
Kung aalagatain ang mabagal at mabigat na paglalatag ng mga pangyayari upang makabuo ng kapanabikan sa sinaunang kuwento nina Cirio Panganiban, “Bunga ng Kasalanan,” o ni Deogracias Rosario sa “Walang Panginoon,” malaki ang kaibahan ng paraan ng pagsasalaysay (Abadilla, Sebastian & Mariano 1954, 84-112). Pwedeng banggitin din ang sopistikadong pagsasalaysay ni Narciso Reyes sa “Lupang Tinubuan,” na pinagsusudlong ng pagtuklas ng nasyonalistikong saloobin sa pagkilala sa gunitang nagbubuklod sa salinlahi sa isang angkan sa isang tiyak na lugar. Dugo at lupa ang batayan ng pag-ibig sa bansa, hindi ang pakikibaka para sa kasarinlan at kalayaan ng mamamayan. Namumukod ang “Aklasan.”
Walang pasubaling kinagiliwan ang mga kuwentong nabanggit, naging popular; ngunit nakatuon ang pagmamasid ng naratibo sa inbididuwalistikong sikolohiya ng mga tauhan. Nalulutas ang tensiyon at suliranin sa moralistiko’t sikolohiyang pagkakalas ng mga komplikasyon. Sa akda ni Batungbakal, ang pag-inog ng mga pangyayari ay nagmumula sa igting ng relasyong sosyal, popular at realistiko sapagkat idinidiin ang dinamikong sagupaan at salpukan ng makabuluhang lakas sa lipunan at ibinubunyag ang pagkakaugnay ng mga puwersang siyang nagpapagalaw sa bawat sulong ng mga pangyayari sa kasaysayan. Ito’y ambag sa kabatiran ng masa at sagot sa kung paano mababago ang buhay sa kolektibong pagtutulungan.
Naitulak na naman tayo sa asignaturang ipinukol sa atin ng pilosopong Enrique Dussel nang isinakdal niya ang kapalaluan ng tinaguriang modernidad ng kapitalistang "world-system." Ipinagtanggol niya ang etika ng liberasyon sa panahon ng krisis ng makapangyarihang kabihasnan ng Kanluran, ng kapitalismong global. Ipinataw at ipinilit sa atin ito. Ang mapanghamong tanong: tatanggapin ba natin ito? babaguhin ba, o tuwirang itatapon kung pwede? Sa kabilang banda, posible bang magsimula sa wala? Posible bang lumikha ng talagang bago, burahin ang nakasulat sa borador at mag-umpisa sa blangkong papel?
Paglalakbay sa Sangandaan ng mga Barikada
Paano nakaabot sa antas na ito ang mga manlilikha? Paano naisiyasat at naikintal sa mabalasik na artikulasyon ang pag-uugnay ng nag-iisang kamalayan/isip at ang masalimuot na pakikisalamuha sa obhetibong realidad?
Nagbago ang klima ng opinyon sa larangan ng komunikasyon at diskusyon pampubliko noong dekada ika-1930 hanggang 1942. Sumidhi ang digmaan ng mga uring panlipunan. Bukod sa pagkayanig sa status quo ng insureksiyon ng Sakdalista, at mabulas na demonstrasyon ng mga alagad ng Partido Komunista ni Crisanto Evangelista at Partido Socialista ni Pedro Abad Santos, na humantong sa pagkakasanib ng dalawang kilusang ito, naitatag ang Philippine Writers Leaguenoong 1939. Pinamunuan nina Federico Mangahas, Teodoro Agoncillo, Salvador Lopez, Manuel Arguilla, Arturo Rotor, at iba pang intelektuwal, nagkaroon ng kolektibong kamalayan at plataporma ang nakakaraming manunulat.
Ibinuod ang pagtugon ng mga manlilikha sa maselang problema ng bansa sa analitikong sanaysay ni Lopez sa librong Panitikan at Lipunan (1940). Maituturing na si Lopez ang pangunahing kritiko-intelektuwal ng modernidad bilang pag-uugnay ng pandaigdigang bisyon ng sosyalismo at kulturang katutubo. Subalit sa usapin ng wika, hindi pa rin nakahulagpos ang League sa pagdakila sa wikang Ingles: walang nobela sa Tagalog ang nagkamit ng primera premyo sa timpalak nila noong 1940. Depende pa rin sila sa "benevolent rule" ng Estados Unidos (Mojares 1983, 306-08).
Naigiit ko na sa bungad ang dalawang katangiang pagkapopular at pagkarealistiko na kailangan upang makabuo ng hegemonya ng uring manggagawa. Nakasalalay ito sa pamumunong moral/espiritwal ng mga organikong intelektuwal ng masa. Utang sa pananalig ng uring manggagawa’t magbubukid, sa kanilang pagtutol at pagkilos laban sa pang-aapi ng imperyalismo’t kakutsaba nito, namulaklak ang damdaming mapagpalaya sa kaisipang nailahad ni Lopez sa kanyang akda. Nahati ang pangkat ng mga manunulat sa dalawang bahagi: una, ang mga aesthete na naniniwala sa primaryang aksyoma ng sining-para-sa-kapakanan ng sining” at, pangalawa, ang naniniwala na ang pinaimportanteng layon nila ang “pagpapaunlad ng kagayan ng tao at sa pagtatanggol sa kanyang karapatan.” Nag-panukala na “makikilala lamang ng tao ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagkilala sa iba,” masinop na nilagom ni Lopez ang sitwasyon ng alagad-ng-sining sa katanungang ito: “Tutugtog ba sila ng biyolin habang nagliliyab ang Roma? …O nang hindi nakakalimutan na ang sining ay dapat manawagan sa tao sa pamamagitan ng ganda’t kapangyarihan, gagampanan ba nila ang kanilang tungkulin sa daigdig ng mga tao, hihingahin ba ang hanging hinihinga natin, pag-iisipan ba ang mga problemang lumilito sa atin, ipapahiram ba ang pananaw at pagkahenyong ipinagkaloob sa kanila upang ganap na malutas ang mga ito?” (1984, 255).
Nasambit ang tugtog ng biyolin habang naglalagablab ang lunsod. Walang puwang rito upang dumulog nang maigi sa masagana't masinop na pag-aaral ni Teresita Gimenez Maceda, Mga Tinig mula Sa Ibaba (1996). Sa Kabanata 3 ng kanyang libro, sinikap ni Maceda na talakayin ang pagsasanib ng tradisyong katutubo at radikalismo ng Partido Sosialista ni Pedro Abad Santos. Ang tendensiyang popular ng magbubukid, ang damdamin at hinagap na nilalaman ng mga awit, ay binihisan ng nasyonalistikong porma sa halimbawa ng Sakdalista ni Benigno Ramos (Maceda 1996, 61). Ang nasyonalistikong anyo ay nasidlan ng simulaing unibersal ng sosyalistang plataporma, nakasentro sa hangarin ng proletaryong uri na matamo ang katubusan ng buong sangkatauhan sa pagpapalaya niya mula sa tirano ng kapital. Sumalupa ang utopikong panaginip, nagkatawang-lupa ang pangarap at pag-asam sa maluwalhating kinabukasan. Patunay na ang metodong diyalektikal ay siyang tahasang bumalangkas at umugit sa mga likhang-sining na taglay ang makabago't siyentipikong kamalayan sa pagkakaposisyon ng bayan sa ekonomiyang pampulitika ng kapitalismong global, sa daluyan ng monopolyo-kapitalismo o imperyalismo.
Isang Nagbunga ng Dalawang May Pangatlo
Sa matalas na komprontasyon ng dalawang ideolohiyang natukoy, ang isa nakaugat sa burgesya/kapitalismong orden, at ang kasalungat na nakaugat sa uring pinagsasamantalahan, sumipot ang malinaw na kontradiksiyong hinaharap ng sambayanan. Ito ang kontradiksiyon ng mga gumagawa o yumayari ng kayamanang panlipunan, at ang mga makapanyarihang sumasamsam sa kayamanang iyon at nagpapalaganap ng kahirapan at kasamaan. Hustisya sosyal ang programa ni pangulong Quezon upang malutas ang kontradiksiyon.
Samantala, sa panig ng mga organikong intelektuwal ng sambayanan, ang tugon sa krisis ng demokrasyang liberal na nakasalig sa kapitalismo ay rebolusyong sosyal at pulitikal—ang pag-alis ng pribadong pag-aari ng gamit sa produksiyon, pati lupaing sinasaka, kasabay ng pagtaboy sa mananakop, sa kolonyalismong Estados Unidos. Ang modernidad ng Kanlurang sibilisasyon ay barbarismo, samantalang ang modernidad na sumisibol at lumalago sa Pilipinas ay nagmumula sa kawalan o kabiguang nasa pusod ng Kanlurang sibilisasyon: ang kalayaan at kasarinlan ng inaalipin, inaapi, pinagsasamantalahan.
Sa mga akda ni Carlos Bulosan, ang manunulat na tumungo sa U.S. noong 1930 upang makipagsapalaran kasama ang ilang libong Filipinong kinontrata ng mga pabrika’t plantasyon doon, natugunan ang hinihinging pakikipagbalitak ni Lopez at mga kapanalig sa Philippine Writers League. Naging kaibigan niya si Amado Hernandez at tumulong sa pagpapalathala ng Born of the People, talambuhay ni Luis Taruc. Nakilala rin niya sina Mangahas, Lopez, Rotor, at iba pang kababayang nakilahok sa kilusang makakaliwa (San Juan 1995). Noong 1946 lumabas ang kanyang tala ng mga karanasan niya at madlang kalahi: America Is in the Heart. Tumulong nang matagal sa pag-organisa ng mga unyon at pagtaliba ng mga simulain ng kilusang progresibo’t sosyalista, naitanghal ni Bulosan ang pagsasanib ng digmaan laban sa kapitalismo sa U.S. at ang anti-imperyalistang pakikibaka ng masang Filipino sa kanyang nobelang The Cry and the Dedication.
Ang modernidad ng bansang bumabalikwas, nagsisikap tumakas sa pagkaduhagi, nagtataguyod ng mapagpalayang diwa’t damdamin, ay makikita sa mga akda ni Bulosan. Isang testimonyo nito ang tulang “If You Want to Know What We Are,” na kalakip sa Literature Under the Commonwealth, na pinamatnugutan nina Manuel Arguilla atbp. Sinisipi ko ang bahaging sumasaksi sa panahon ng pagkamakabago na katambal ng mapanlikhang bayanihan ng mga anak-pawis bilang pangwakas sa aking diskurso:
Kami ang mga nagpapakasakit na nagdurusa para sa likas na pagmamahal
ng tao sa kapwa, na gumugunita sa pagkatao
ng bawat nilalang; kami ang mga manggagawang nagpapagod
upang ang tigang na sangkapulua’y maging isang pook ng kasaganaan,
na nagpapabagong-anyo sa kasaganaan upang maging halimuyak na walang kamatayan.
Kami ang pita ng mga di-kilalang tao kahit saan,
na nagpupunla ng yaman sa kaningningan ng malawak na daigdig
kami ang bagong diwa
at ang bagong saligan, ang bagong pagsasaluntian ng kaisipan;
kami ang bagong pag-asa bagong kagalakan kahit saan.
Kami ang pangarap at ang bituin, ang nagpapahupa ng dusa;
kami ang hangganan ng pagsisiyasat, ang simula
ng bagong kilusan; kami ang lihim ng landas
ng pagdurusa; kami ang mithiin ng kadakilaan;
kami ang buhay ng katibayan ng isang sumisibol na lipi.
Kung nais ninyong mabatid kung sino kami—
KAMI ANG REBOLUSYON!
SANGGUNIAN
Abadilla, A.G., F. B. Sebastian and A.D.G. Mariano. 1954. Ang Maikling Kathang Tagalog. Quezon City: Bede’s Publishing House Inc.
Agoncillo, Teodoro 1974. Filipino Nationalism: 1872-1970. Manila: R. P. Garcia Publishing Co.
——-& Milagros Guerrero. 1970. History of the Filipino People. Manila: R.P. Garcia.
Atienza, Monico. 2006. “Mg Tula ng Pulitika at Pakikisangkot ni Jose Corazon de Jesus.” Nasa sa Kilates. Ed. Rosario Torres-Yu. Quezon City: University of the Philippines Press.
Balmaseda, Julian Cruz. 2013 (1938). “Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog.” Mga Lektura sa Kasaysayan ng Panitikan. Ed. Galileo Zafra. MetroManila: Aklat ng Bayan.
Batungbakal, Brigido. 1982 (1935). “Aklasan.” Nasa sa Philippine Literature: A History and Anthology. Eds. Bienvenido Lumbera and Cynthia Nograles-Lumbera. Manila: National Book Store.
Brecht, Bertolt. 1975. "The Popular and the Realistic." Nasa sa Marxists on Literature: An Anthology. Ed. David Craig. Baltimore: Penguin Books.
Bulosan, Carlos. 1984 (1940). “Kung Nais Ninyong Mabatid Kung Sino Kami.” Salin mula sa Ingles nina Lilia Antonio, H. Beltran Jr., at Richie Valencia. Nasa sa Ang Ating Panitikan. Eds. Isagani Cruz & Soledad Reyes. Manila: Goodwill Trading Co.
Cruz, Isagani & Soledad Reyes. 1984. Ang Ating Panitikan. Manila: Goodwill Trading Co.
Dussel, Enrique. 2013. Ethics of Liberation. Durham, NC: Duke University Press.
Fernandez, Doreen G. 1996. Palabas: Essays on Philippine Theater. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Francisco, Lazaro. 1998. “Ang Beterano.” 50 Kuwentong Ginto ng 50 Batikang Kwentista. Ed. Pedrito Reyes. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Guerrero, Amado. 1971. Lipunan at Rebolusyong Pilipino. Maynila: Lathalaang Pulang Tala.
Jameson, Fredric. 1971. Marxism and Form. Princeton, NJ: Princeton University Press.
Lopez, Salvador. 1984 (1940). “Panitikan at Lipunan.” Nasa sa Ang Ating Panitikan. Eds. Isagani Cruz & Soledad Reyes. Manila: Goodwill Trading Co.
Lukacs, Georg. 1971 (1920). The Theory of the Novel. Tr. Anna Bostok. Cambridge, MA: MIT Press.
Lumbera, Bienvenio & Cynthis Nograles Lumbera, eds. 1982. Philippine Literature: A History & Anthology. Manila: National Bookstore.
Maceda, Teresita Gimenez. 1996. Mga Tinig Mula Sa Ibaba. Quezon City: University of the Philippines Press.
Medina, Ben S. 1972. Tatlong Panahon ng Panitikan. Manila: National Book Store.
Mojares, Resil B. 1983. Origins and Rise of the Filipino Novel. Quezon City: University of the Philippines Press.
Ramos, Benigno. 1998. Gumising Ka, Aking Bayan. Ed. Delfin Tolentino, Jr.. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Reyes, Soledad. 1982. Nobelang Tagalog 1905-1975. Quezon City: Ateneo University Press.
Richardson, Jim. 2011. Komunista. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
San Juan, E. 1995. On Becoming Filipino: Selected Writings of Carlos Bulosan. Philadelphia: Temple University Press.
Santos, Lope K. 1960 (1906). Banaag at Sikat. Quezon City: Manlapaz Publishing Co.
Saulo, Alfredo B. 1990. Communism in the Philippines. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Tolentino, Aurelio. 1975. Selected Writings. Ed. Edna Zapanta-Manlapaz. Quezon City: University of the Philippines Library.
Tolentino, Delfin Jr. 1998. “Paunang Salita.” Nasa sa Gumising Ka, Aking Bayan: Mga Piling Tula ni Benigno Ramos. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Wernsted, Frederick L. & Joseph Spencer. 1967. The Philippine Island World. Berkeley: U of California Press.
Zafra, Galileo. 2006. “Ang Dalumat ng Katwiran sa Balagtasan Bilang Salik ni Estetikang Pampanitikan.” Nasa sa Kilates. Ed. Rosario Torres-Yu. Quezon City: University of the Philippines Press.
No comments:
Post a Comment