KAHULUGAN, KATOTOHANAN, KATWIRAN:
PAGPAPAKILALA SA SEMIOTIKA NI CHARLES
PEIRCE
Panayam ni E. San Juan, Jr.
Tanyag sa buong mundo si Charles Sanders Peirce, Amerikanong dalubhasa sa pilosopiya’t agham (1839-1914), bilang imbentor ng “pragmatismo,” isang metodong sumisiyasat sa proseso ng pagpapakahulugan. Bagamat pantas sa maraming agham, hindi siya nabigyan ng permanenteng posisyon sa akademya dahil sa labag-sa-kumbensiyonal na pamumuhay. Liban na sa maliit na pulutong ng mga kolega tulad nina William James at Josiah Royce, halos walang kumilala sa kanyang galing at dunong noong siya’y buhay. Ngayon na lamang tanggap na siya marahil ang pinakaimportanteng pilosopong nabuhay sa Amerika. Malaki ang impluwensiya niya sa mga modernistang paham tulad nina Bertrand Russell at Ludwig Wittgenstein, bukod sa makatas na ambag sa malawak na larangan ng lohika, astrophysics, lingguwistika at semiotika.
Halos di nababanggit sa talambuhay ang progresibong paninindigang pampulitika ni Peirce. Kalahok siya sa Anti-Imperialist League nina Mark Twain, Henry Adams, enry AdamHJames at iba pa na tumutol sa lapastangang paglukob sa Pilipinas noong Digmaang Filipino-Amerikano (1899-1913). Kakatwa, ang tinuturing na mga alagad niya ngayon ay siyang masugid na tagapamansag ng imperyalistang dominasyon ng Amerika sa buong daigdig. Hindi maipagtatanggol ng utak ni Peirce ang neoliberalismong pagmamalabis ng kapitalismong global.
Sa pamamagitan ng popularisasyon ni James ng ilang ideyang sinipi kay Peirce, naging kilala si Peirce sa pagbaluktot sa kanyang hinagap. Ngunit tumutol siya sa pangitain ni James, tinaguriang “pragmaticism” ang kanyang pananaw upang hindi ma-hijack. Sa kumbensiyonal na pagkilala, ang pragmatismo ni James at ni John Dewey ay may individwalistikong kapakinabangan. Nakabase iyon sa pagpapakatotohanan sa anumang teorya o ideya batay sa kabuluhan nito sa pagsasakatuparan ng anumang nais makapagpabuti sa iyong personal na sitwasyon. Sa gayon, ang kriterya ng truth-value o halaga-sa-katotohanan ng iyong haka-haka ay nasa bunga ng paggamit nito sa pag-unlad ng iyong sariling kabuhayan. Kung hindi tumutulong iyon sa iyong personal na ambisyon, hangad, pangagailangan, ibasura iyon sapagkat hindi totoo. Ang “cash-value” ng mga ideya ay maipagtitibay sa instrumentalismong kapakinabangan sa nagsisikap na indibidwal.
Sa kabilang dako, ang teorya ni Peirce ay nakapokus sa paglilinaw ng ating pag-iisip tungkol sa kahulugan/katuturan ng ating mga salita. At hindi lamang para sa isang tao kundi sa komunidad ng mga nagsusulit o nag-ieksamen ng mga sagot sa problemang kasangkot sa etika, estetika at epistemolohiya. Samakatwid, hindi pormula sa biglang-yaman ang tipo ng pragmatisismo ni Peirce.
Bago tayo dumako sa mga panukala ni Peirce tungkol sa “signs,” signos/senyas at pag-aaral nito, ang siyensiya ng semiotika—paggamit ng iba’t ibang tanda o sagisag—linawin natin muna ang pangkalahatang paningin niya sa bawat bagay. Isang mundong pagkakaiba ang saligang simulain ni Peirce kina James-Dewey at mga alagad tulad nina Sidney Hook, Richard Rorty, Stanley Fish, atbp. Gadaigdig ang pagkakaiba: karamihan sa mga ito, inspirado nina Nietzsche, Heidegger at iba pang irasyonalistikong tendensiya, ay nominalistiko sa halip na realistiko sa pagturing sa realidad. Tulad nina Berkeley, Locke at mga logical positivists (Bertrand Russell, Wittgenstein, atbp.), ang nominalismo ay pananaw na walang obhetibong daigdig o katalagahang namumukod kundi mga indibidwal na pangalan lamang, nadaramang datos, impresyong pampersonal. Samakatwid, walang “generality” o pagkakasunod-sunuran na mapagbabatayang pagkakaisa ang ating mga pala-palagay, haka-haka, opinyon. Suhetibismo’t ideyalismo ang resulta.
Isa Hinati sa Tatluhan
Sa umpisa, nominalistiko si Peirce ngunit nagbago siya sa tulong ng iskolastikong paglilimi ni Duns Scotus at mga pilosopong sina Immanuel Kant, Hegel, atbp. Ipinagtanggol niya ang realistikong pananaw sa dahilang hindi makabubuo ng siyentipikong hipotesis at masusubukan iyon kung walang kasunuran ang mga ideya ng maraming imbestigador. Kung walang kaalaman ng pag-uugnay ng penomena, walang siyensiya na batay sa pasumala, pagbabakasakali, na masusubok sa publikong paraan. Paano makararating sa kolektibong pagkakaisa kung walang mapagbabatayang lohika (tulad ng deduksiyon, induksiyon, at abduction, na pagbuo ng hipotesis o teoryang bukas sa pagpapabulaan nito sa pamamagitan ng eksperimentasyong sama-sama)? At kung walang napagkayariang prinsipyo tungkol sa metodo o pamamaraan ng pagpapatunay ng ating opinyon batay sa kinalabasan o bunga ng ating pagtimbang, pagtasa at paghatol sa mga haka-haka o assumption sa larangan ng panlipunang kabutihan, dakdakang walang saysay ang resulta.
Magsimula tayo sa mungkahi ng pragmatikong maxim ni Peirce: “the entire intellectual purport of any symbol consists in the total of all general modes of rational conduct that, conditionally, upon all the possible different circumstances and desires, would ensue upon the acceptance of the symbol.” Dalawang sangkap ang importante: rasyonal na kilos o asal, at pag-alang-alang sa konteksto ng kapaligiran at iba’t ibang lunggati. Ang buong katuturang intelektwal ng simbolo [ideya] ay binubuo ng lahat ng uri ng kilos na makatwiran na susunod kung tatanggapin ang simbolo depende sa kondisyon ng lahat na maaaring kalagayan at kagustuhan na pumapatnubay.” Ang kabuluhan nito ay panlipunang kaunlaran, hindi personal na kaginhawahan.
Sa ibang salita, ang kahulugan ng anumang ideya/teorya ay nakasalalay sa bunga o kinalabasan ng pagsasapraktika noon para sa komunidad ng mga nanunubok at naghahatol. Ang praktika ng kaisipan, laging konseptwal o pangkahalatan ang saklaw, ay kaagapay ng proseso ng produksiyon ng signos/senyas at walang patid na interpretasyon. Ang katuturan ay naroon sa potensyalidad ng pagpapakahulugan na nakaugat sa basehan ng signos/senyas.
Dapat idiin ito: Nakatuon ang pragmatic maxim ni Peirce sa komunidad ng mga nag-uusisa’t nananaliksik ng katotohan. Ang komunidad na nagpapalitan ng kuro-kuro, nag-uusap at nagkakaintindihan, ang siyang susi sa makabuluhang pilosopiyang siyentipiko at may katuturan sa buhay ng sangkatauhan. Opinyon ng ilang komentarista ay sosyalistang semiotika, hindi pang-negosyo, ang nabuo ni Peirce ayon sa kwadrong realistiko, hindi nominalistikong pamantayan (Apel; San Juan).
Bumaling ngayon tayo sa pinkapuso ng aral ni Peirce, ang tatluhang teorya ng signos/senyas. Ang signos ay anumang kumakatawan sa isang bagay (pangyayari, danas, o anuman) para sa kaninuman (interpretant). Kailangan ang tatlong sangkap o salik sa signos: tanda/signos (representamen), bagay, at nagbibigay-kahulugan—nagsisiwalat ng basehan o saligan ng pag-uugnay ng bagay at signos.
Pansinin na lubhang kaiba ito sa malaganap na teorya ni Saussure, ugat-paradigm ng istrukturalismo at mga kritiko nito (dekonstruksiyonistang disipulo nina Derrida, Nietzsche, Heidegger; postmodernistang tulad nina Lyotard, Deleuze, atbp.). Kay Saussure, dalawang salik lamang ang inaatupag: senyas (signifier) at ideya o konseptong nasa isip (signified). Ang koneksiyon ng dalawa ay arbitraryo, kombensiyonal, at sa gayon laging dumudulas, pumapalya, di lapat, walang katatagan. Ang wika ay sistema ng pagkakaiba-iba/differances (sa terminolohiyang Franses) na ibinadya sa kamalayan. Nawala ang bagay na tinutukoy, ang obhetibong penomena. Nawala ang realidad sa labas ng kung ano ang nasa isip o malay ng nagpapakahulugan. Kaya nominalistiko, ang realidad ay mga watak-watak na bagay, isa-sang tinutukoy; hindi nakasalig ang kaalaman sa ibat-ibang uri ng representasyon. Kaya ang katotohanan ay relatibo, walang katiyakan o katakdaan.
Hikayat sa Paniniwala
Bago tayo sumisid sa malalim at malawak na dagat ng teorya ni Peirce tungkol sa signos/senyas/tanda o lagda—mga sinonimo o kasingkahulugan ng “signs” na hindi lamang salita o titik kundi anumang nagpapahiwatig, naghuhudyat, nagpapaalam—nais kong rebyuhin muna ang layon ng pagtatanong o pag-uusisa (inquiry) para kay Peirce.
Bakit tayo nagsusuri, nagpapalitang-kuro, nagdidiskusyon tungkol sa paglutas sa isang problema o pagtugon sa mga tanong ukol sa katotohanan o katunayan? Bakit tayo nagbibigay ng panahon, pagod at sakripisyo sa gawaing intelektwal na pagsisiyasat?
Sagot ni Peirce: upang tiyakin o itakda ang paniniwala (fixation of belief).
Upang makarating sa isang pansamantala ngunit tauspusong kasunduan tungkol sa katotohanan, na pwedeng mapatunayang mali, huwad o hindi tama. Tawag dito’y fallibilism. Sa gayon, patuloy ang paghahanap ng kasunduan sa pangkat ng mga matiyagang nagsisiyasat, gumagalugad, nananaliksik, dumudukal, sumusuyod, nagpapaunlad—mga katagang lapat sa ebolusyonaryong pangitain ni Peirce tungkol sa pagsulong ng sangkatauhang kabihasnan.
May limang paraan o metodo sa pagtatamo ng matinong paniniwala, ang pag-aayos ng buto-buto, wika nga: a) ang pagkapit sa nakaugalian, b) pagsunod sa awtoridad, c) ang metodong apriori, d) ang pagtalima sa pangmadlang opinyon o haka-hakang pampubliko, e) at ang paraan ng imbestigasyon o masinop na pag-aaral.
Sulitin natin ang mga ito. Ang paraan ng pagkapit sa gawi o ugali ay simpleng hangad na maniwala sa anumang tama nang walang imbestigasyon. Ayon sa kostumbreng nakagawian, napagtibay na ito’y maginhawa, sulit sa pangagailangang pang-araw-araw sa isang magkakauring komunidad. Pwedeng manatili ito kung walang hamon ng naiiba o kabaligtarang pananalig; sakaling mabuksan ang komunidad sa ibang impluwensiya, dahas ang gagamitin upang masugpo ang pagbabago.
Tiwala at Pag-aalinlangan
Ganito rin ang nangyari sa paraan ng awtoridad. Ang paggalang o pagsunod sa institusyon (halimbawa) ng simbahan, ng Estado ng naghaharing uri o pangkat, ay pabor sa may kapangyarihan. Natural na gamitin ang pagkulong ng madla upang maiwasan ang impluwensiyang salungat sa orden, kaya mas marahas at barbaridad ang sistemang ito kaysa una dahil sa una, ang interes ay kaginhawan, seguridad at karaniwang kabuhayan; ang huli, sindak ang gamit upang makontrol ang isip/diwa ng madla at sa gayon mapanitili ang kapangyarihan ng maliit na pangkat sa lipunan. Diktadurya ng oligarko o mayaman ito, kahit nakabalatkayo sa karatula ng demokrasya o “free world” o neoliberalismong pamamalakad. Ngunit marupok, hindi matatag at hindi rin magtatagal. Mapapalitan iyon sa paghihimagsik ng nakararami, o sa pagbubukas ng kaayusan sa pagbabago, sa mapayapa o magulong paraan.
Ang pangatlong paraan sa pagkakaroon ng paniwala o kasunduan ay pagsunod sa opinyon ng madla o publiko. Umiiral ang paniwala hindi sa bisa ng pwersa o pananakot kundi sa pag-apela o paghahabol sa sariling kapakanan o banta ng takot at galit ng publiko. Matataya na hindi rin ito matatag sapagkat madaling nagbabago ang disposisyon at lagay ng kalooban ng madla, sampu ng mga pangyayari’t sirkunstansiyang nanghihimasok. Mahirap umasa sa pabagu-bagong takbo ng damdamin, sentimyento, at opinyon na apektado ng di mapipigil na daloy ng kasaysayan.
Ang pang-apat na paraan upang makamit ang paniniwala ay sa metodong apriori. Ibig sabihin, ang ugat ng yunibersal na paniniwala ay magbubuhat sa kakayahang mangatwiran ng bawat tao, ayon sa rasyonalistikong turo ni Descartes at Kant. Ngunit kung matamang pagwawariin, bagamat malayo ito sa kapritsong hilig at aksidente, maituturing na kahawig ito ng paraan ng pagsunod sa awtoridad at gawi. Ito’y “intellectual analogue” ng paniniwalang nakabase sa ugali at awtoridad, sapagkat hinuhugot ang anumang praktikang pangkultura—tulad ng pagsamba sa diyos, at iba pang pamahiin—at binibigyan ng kahulugang yunibersal at di matatanggihan. Samakatwid, bawat kultura ay may kanya-kanyang intwisyong walang isang batayan, watak-watak. Kaya ang istorya ng metapisika ay mayaman sa nagkakaibang paniniwala. Kung magkalaban ang dalawang intwisyon, mahirap magkasundo kung walang isang saligang masusubok at mahihimay.
Ang panglimang paraan ay siyang iminumungkahi ni Peirce: iniimbestiga pati mga intwisyong pundamental kung saan itinitindig ang mga intwisyon at simulain ng iba’t ibang sistema ng metapisika. Ang mapanuring lohika ni Pierce ay nagpapanukala na ang makatotohanang paniwala ay maitatayo sa walang patid na pagsisiyasat, pinapatnubayan ng paraan ng masusing pangangawtiran: abduction o pagsusog ng hipotesis/hinuha, deduction at induction. Nagdudulot ito ng mga praktikal na postulates o presuposisyon na masusubukan at maieksamen ng lahat. Wala nito ang mga naunang paraan. May posibilidad ng pagtuklas ng katotohanan, ng pagkakamali, at pagtanaw sa hinaharap na kaunlaran. Nakatindig ang mga posibilidad na ito sa pagkilala sa realidad (na hindi hinubog ng kalakaran o kombensyon ngunit apektado ang kaisipan), sa doktrina ng pagkakamali, at sa prinsipyo ng sinekismo at pagkakabit-kabit at pagpapatuloy ng pag-unlad ng kaalaman.
Talakayan sa Kabuuan ng Semiotika
Ngayon, dumako naman tayo sa larangan ng semiotika ni Peirce.
Bago sa lahat, dapat idiin na kay Peirce, namamayani ang intensiyon, layon o tangka ng komunidad sa anumang pagtatanong o pag-uusap. Anong nais o adhika ang makakamit sa pagtatanong?
Ang semiotika ay isang pormal at normatibong agham kasangkot sa paghahanap ng katotohanang maisisiwalat sa pamamagitan ng senyas/tanda/lagda/hudyat. Hinahanap nito ang mga esensiyal na kondisyon sa paggamit ng senyas. May tatlong sangay ito: gramatikang semiotika, na sumusuri sa kung paano naituturing ang anumang bagay bilang senyas; lohikang kritikal, na naglalahad ng pamantayan kung paano natutuklasan ang katotohanan sa hinuhang bunga ng senyas; at retorikang yunibersal hinggil sa pagtakda ng kondisyon sa komunikasyon at pag-unlad ng senyas.
Normatibong siyensiya ang semiotika dahil sa interesado ito sa truth-value, o katunayan-halaga. Nakatuon ito hindi lang sa paglalarawan sa katangian ng iba’t ibang tanda/marka/hudyat, kundi sa wastong paggamit ng senyas sa pagtatanong, pati na ang mga paraang kailangan upang mahikayat o mahimok ang tao at makaabot sa pagkakasundo.
Kinakasangkapan ng semiotika ang ordinaryong karanasan, sampu ng mga paraan ng hinuha, pangangatwiran, argumentong lohikal, na nakasanayan na. Depende ang semiotika sa mga prinsipyong hango sa matematika at penomenolohiya. Galing naman sa etika at estetika ang normatibong gabay. Tumutulong ang semiotika sa pagdalisay sa mga tuklas ng pagsubok at pagtikim sa mga karunungang nabanggit.
Lumilitaw na iba ang semiotika ni Peirce kaysa kay Saussure. Para kay Saussure, ang semiolohiya ay pag-aaral ng senyas bilang sikolohiyang bagay. Sapagkat ang pagsudlong ng senyas (signifier) at ideya (signified) ay kombensiyonal na praktika sa lipunan, nakahilig si Saussure sa sikolohiyang panlipunan, at sosyolohiya, hindi sa lohika. Kaiba kay Peirce, hindi saklaw ni Saussure ang mga senyas o hudyat na natural o di likha ng tao. Kay Peirce, ang semiotika ay isang organon o makinarya ng pagsusuri na mailalapat sa maraming disiplina na makapagdudulot ng mabisang prinsipyo sa pananaliksik sa anumang siyensiya. Hindi dapat paghaluin ang pormal o lohikal na semiotika ni Peirce sa empirikal na semiolohiya ni Saussure, upang makaiwas sa nominalismo at relatibismo na walang kahihitnatnan kundi mapagsariling pagsasapantaha.
Ang semiotika ay normatibong siyensiya na umuungkat sa relasyong pormal ng mga kaisipan, walang kinalaman kung saan ito nagmula o paano nayari. Sa ganitong perspektiba, ang senyas/tanda/hudyat ay hindi lamang penomena sa utak na itinakda ng lipunan o biolohikong proseso, kundi mga bagay na may obhektibong batas at istruktura na namamalas sa datos ng maraming disiplinang empirikal, mula soolohiya hanggang astronomiya. Lahat ng kaisipan natin ay dumaraan sa hinuha, pagmumuni sa namasid o naranasan, na matitimbang at mapapahalagahan ayon sa normatibong semiotika ni Peirce. Sa anu’t anuman, ang umuugit na layon ay pagkamit ng kasunduan ng mga nagsisiyasat hinggil sa nasubukang paliwanag sa problema o suliraning sinikap masakyan at malutas ng komunidad.
Kategorya ng Pagdalumat
Bumalik tayo sa semiotika ni Peirce. Ang triyadikong teorya ng senyas/tanda ay nailunsad upang ipaliwanag kung paano nakalilikha ng kahulugan. Ang susi ay hindi pag-iral ng mga bagay-bagay kundi ang uri at tungkulin ng representasyon, laluna ang basehan ng pamamansag. Ang karanasan ng pagkakaroon ng katwiran o dahilan ang lahat ay hindi nagmumula sa “signified” o ideya-sa-utak, kundi bunga ng aksiyon o pamamaraan ng pagpapakahulugan. At iyon naman ay hindi bunga ng senyas/signifier lamang kundi ng buong proseso ng pagpapakahulugan, ng interpretasyon. Iyon naman ay nilagom sa ugnayan ng senyas (tanda, marka) at bagay, at ang proposisyong nagbubuklod sa kamalayan at yumayari ng intindihan o pagkatarok sa realidad.
Lubhang masalimuot ang implikasyon ng triyadikong iskema ni Peirce. Bago natin imbestigahin ang silbi nito sa pag-susuri at kuro-kurong pampanitikan, dapat talakayin muna ang tatluhang paghahati ni Peirce sa batayan ng signos ayon sa kategorya ng Pangunahin/Firstness, Pangalawahin/Secondness, at Pangatluhin/Thirdness. Iyon ay kailangan upang mawatasan kung paano tayo nagkakaroon ng kaalaman tungkol sa paligid-ligid, at paano lumalago’t umuunlad ang kabatiran natin sa katotohanan. Ang pag-unawa ay natatamo sa pagsubaybay sa pagsubok sa ipotesis sa aspeto ng tatlong kategorya.
Ang Pangunahin ay tumutukoy sa larangan ng mga kalidad, ng posibilidad, ng nadarama ng sensibilidad. Ang uri ng signos ay Qualisign, mga Icon na kahawig ng bagay, tanda ng posibilidad/ pagkamaaari (Rheme). Ang Pangalawahin ay larangan ng aktuwalidad, ng interaksiyon sa kapaligiran o umiiral na bagay sa mundo kung saan nagkakalaman ang abstraktong kalidad. Ito ang lugar ng mga datos, pangyayari, anumang nagpipigil sa ating nais o hangad. Ang signos dito ay tinawag na Sinsign, katumbas ay Index, na may litaw na koneksiyon sa bagay na kinakatawan nito (usok ® apoy); ito ang tanda ng tunay na eksistensiya ng mga bagay sa mundo (Dicent). Saksi ito sa realidad. Ang Pangatluhan ay pangkalahatang huwaran, regulasyon o panuto na siyang nag-uugnay sa dalawang unang kategorya: damdamin/posibilidad at katalagahang humahadlang o sumasalungat. Tumutukoy ito sa batas, ugali, nakagawian, regularidad. Katumbas nito ang Legisign, simbolo o sagisag ng kombensiyonal na kilos. Ang interpretant nito ay tinaguriang Argument.
Lubhang komplikado ang iba pang paghahati ni Peirce. Halimbawa, may dalawang bagay para sa signos: dinamikong bagay na hindi bunyag, at yaong kagyat na kamalayan ng mga bagay. Mayroon namang tatlong uri ng interpretant: dinamiko na iyong epektong talagang nararanasan, hayag na interpretant, at pinakahuling lohikal na interpretant. Ang huli ay siyang resulta sa kamalayan ng signos pagkatapos madulugan ng sapat na pag-iisip. Nalilinang ito at umuunlad ang laman ng kahulugan.
Sa malas, mula sa 3 kategorya mahuhugot ang 10 klasipikasyon (66 uri, kung tutuusin) na hanggang ngayon ay mahirap sipatin kung may kapakinabangan sa pagsulong ng agham at humanistikong pagpupunyagi.
Paglilinaw sa ating diskurso o pananalita ang tangka ni Peirce. Bukod sa hangaring maiwasan ang ambiguidad o kalabuan sa pangangatwiran, nais ni Peirce na ilahad kung paano sumusunod ang isip/signos sa kondisyong nagpapatunay o nagpapabulaan sa anumang proposisyon. Ang interpretant ay gawi o ugali na gumagabay sa kasalukuyan at hinaharap na aksyon o kaisipan tungkol sa bagay na ating pinag-aaralan. Kung mali ito, hindi magiging matagumpay ang ating patakaran, panuntunan, o proyekto. Sapat at mabisang kaalaman ang layon. Sa gayon, ang triyadikong modelo ng tanda/lagda at mga kategoryang inilatag ni Peirce, ay gamit upang matuklasan ang mga kailangang kondisyon sa iba’t ibang uri ng representasyon, na siyang naglilipat ng kahulugan sa mga taong nagsisiyasat. Ito ay kaugnay ng agham sa pagkilatis at pagtarok sa katotohanan batay sa iba’t ibang paraan ng pangangatwiran (inferential reasoning).
Tatak ng Likhang-Sining
Pangwakas na obserbasyon bago sa maikling pagsasanay sa panunuring pampanitikan. Nakasentro ang realistikong semiotika ni Peirce sa pagpapalalim at pagpapalawak ng ating kabatiran, ng agham sa kaalaman sa realidad. Kailangan ang basehan o saligan ng relasyon ng signos (signifier) at bagay ng representasyon, na may penomenang hiwalay sa kamalayan—hindi lamang sa “signified” sa utak. Matitiyak ang katotohanan/tunay-na--kahulugan ng anuman kung ipapalagay natin na masusuri ang lahat ng interpretasyon. Makararating tayo sa pansamantalang konsensus o kasunduan sapagkat maaaring matiyak ng walang patid ang kahulugan ng tanda/lagda, isip o proposisyon na nakalakip sa walang patlang na pag-iral ng posibilidad. Ang pasumala (contingency) sa kinabukasang kalakaran ay salik sa determinasyon ng katotohanan na batay sa pagtuklas ng kamalian, kasinungalingan, o kawastuhan.
Anumang kalidad o sangkap ay matatarok sapagkat iyon ay matatagpuan sa anumang pangyayari, kaya maipapaliwanag ang anuman na totoo o huwad. Sa pananaw na ito, pagpapatuloy o “continuity” ay kailangan upang makabuo ng masusubukang ipotesis; kaakibat nito, may pagtiyak ng katotohanan dahil lumalaro din ang lakas ng aksidente o baka-sakaling pagkakataon. Ang kaisipan ay normatibo, nagbubunsod sa paniniwalang mapagkakasunduan, na may etikal at estetikang hantungan. Samakatwid, hindi nakabitin ang pagsisiyasat; may konklusyon o pagtatapos ang pagtatanong sapagkat ang anumang hipotesis ay masusubok sa praktika, sa eksperimentong pagsasanay angkin ang responsibilidad at pananagutan sa madlang nagtataguyod nito.
Sa semiotikang perspektiba ni Peirce, ang sining (halimbawa, panitikang malikhain) ay sinusuri bilang argumento o habi ng mga signos na nakalakip sa tunay na kontekstong historikal, di bukod sa praktika at mga bisa nito sa publiko. Binubuo ito ng mga titik, sintomas o palatandaan ng potensiyalidad. Damdamin ng hayag na kamalayan ang naghahari, hibo o instinkto ang umuugit sa danas, ipinagdiriwang ang posibilidad na masasalat sa umiiral. Makapangyarihan ang sakop ng ikon, persepsiyon, rhematikong aspeto ng salita, pati ang indeksikal na proposisyon; sa wakas, kapwa nagsasanib iyon sa simbolo, sa argumento ng likhang-sining.
Sa huling pagtutuos, ang argumento ay nagbubuhat sa pasiya o kagustuhan ng awtor, sa kanyang pananaw-sa-daigdig, na walang lohika kundi ang sitwasyong pangkasaysayan ng awtor (tinutukoy na “ground” na nag-bubuklod sa senyas/marka, semiotikong bagay, at interpretant) bilang kasapi ng isang takdang lipunan sa isang takdang panahon at lunan. Ang “ground” o sangkalan ng pagkakaugnay-ugnay ay relatibo sa sitwasyong naturan.
Sa pagsusuma, batay sa retorikang yunibersal ni Peirce, ang tatlong sangay na ito ang magagamit sa paglilinaw ng tatlong antas sa masinsing paghimay ng teksto: 1) ang sentido o dama (kaugnay ng kagyat na Interpretant); 2) ang kahulugan (dinamikong Interpretant, bisa ng marka sa mga ahensiyang nagsasalin; at 3) katuturan (lohika o ultimong makalayuning Interpretant, ang mahalagang bisa ng mga signos sa walang hintong proseso ng pagsasalin sa komunidad. Hindi kumpleto ang analisis kung hindi saklaw sa sistematikong paraan ang tatlong antas na ito, ang saligan ng triyadikong pagpapakahulugan.
Sintomas sa Modernistang Awit ni Cirio Panganiban
…Nobody can deny that words do produce such effects. Take for example, that sentence of Patrick Henry which, at the time of our revolution, was repeated by every man to his neighbor: “Three millions of people, armed in the holy cause of Liberty, and in such a country as we possess, are invincible against any force that the enemy can bring against us.”
Those words present this character of the general law of nature, that they might have produced effects indefinitely transcending any that circumstances allowed them to produce. It might, for example, have happened that some American schoolboy, sailing as a passenger in the Pacific Ocean, should have idly written down those words on a slip of paper. The paper might have been tossed overboard and might have been picked up by some Tagala on a beach of the island of Luzon; and if he had them translated to him they might easily have passed from mouth to mouth there as they did in this country, and with similar effect.
Words then do produce physical effects. It is madness to deny it. The very denial of it involves a belief in it; and nobody can consistently fail to acknowledge it until he sinks to a complete mental paresis (1998, 184).
Hindi alam ni Peirce na taglay ng ating kasaysayan at diwang kolektibo ang isang mayaman, matibay at malikhaing tradisyong rebolusyonaryo. Isang kronika ng pakikibaka na nakaugat sa di-mabilang na insureksiyong antikolonyal (mula pa kina Humabon at Soliman), batbat ng ulirang sakrispisyo ng mga bayaning sina Gabriela Silang, Balagtas, Del Pilar, Rizal, Sakay, Teresa Magbanua, Salud Algabre, Cherith Dayrit, Maria Lorena Barros, Kemberley Luna, at maraming pang nag-alay ng buhay para sa ikatatagumpay ng pambansang demokrasya. Hindi na natin kailangang basahin si Patrick Henry. Gayunpaman, dapat pahalagahan ang alyansiyang inihandog ni Peirce at iba pang aktibistang intelektuwal ng ibang bansa. Kailangan ito sa pagsasakatuparan ng simulain ng Nagkakaisang Hanay. Bukas-makalawa—sundan natin ang alegorya ni Peirce--mahahagilap din natin itong Tagalang ito sa madlang gumagala sa ating dalampasigan, naglalakbay sa iba’t ibang lupalop ng daigdig, kabilang sa mahigit na 10 milyong Pinay/Pinoy na gumagala sa buong planeta, pinagsalikop sa mapagkandiling abot-tanaw ng kaisipan ni Charles Sanders Peirce. Matatagpuan natin sila, makikipagtulungan at patuloy na makikipagtalikan. Mabuhay itong natatanging balikatang mapagpalaya’t makatarungan!