KALIGRAMATIKANG SINING:
Daluyang Hinabi sa Pasumalang Damdamin at Dalumat
1. Makulimlim sa Perlas ng Silangan abot-tanaw ng bulag na Lumad nagulat sa pagsabog ng agilang misil kidlat ng bituin guhit ng kulog
2. Pagputok ng buwitreng drone paano ipaliliwanag sa nagdilim na utak nina Burgos Cadapan Empeno Olalia Alejandro Kumander Posa
Itulad sa bathalang nagbitiw ng lubid ng pangakong bumibigti
3. Sinikangan ng baril ang panga ng bilanggo bago buhusan ang nakasaplot na mukha ng binansagang terorista Anong ibinabadya ng masalimuot na bugtong ng kasaysayan?
4. Mula sa usok ng masaker sa Mendiola 22 Enero 1987 nagkahugis ang mga kaluluwang nabitag ng kapalarang naligwak
5. Salamisim mula sa duguang alkitran sa harap ng Malakanyan multo ng lumipas lumuksong kamandag sa sayaw ni Salome gunam-gunam ng pugot na ulo ng propetang dinukot at pinaslang
6. Di na daklot sa kamao ang tapyas na anting-anting tumikom-bumuka taktika’t istratehiya ng pagkakataon di masusubok ang bisa ng
baka- sakaling hakbang sa isang pukol ng dais
7. Sinampal sinuntok sinipa tinadyakan di na latigo kundi batutang bakal bugbog makina de koryente walang tigil ang bulahaw nakatutulig
8. Gumagapang sa singit ng budhi ng Buda ang hinuhang may batas habeas corpus ngunit nasaan ang bangkay ng mga desaparesidos
9. Humihirit ang mga punglo sa Hacienda Luisita sumisingasing sa Bondoc at Basilan na-salvaged na makatindig-balahibong guniguni palpak
10. Inakbayan natin ang dakilang paralitiko sa pag-akyat sa Makiling ngunit di nasubukan ang mutya lumpo pa rin ang diwa ng mga kolonisado
11. Ipinagbibili ang kalikasan bilhin mo na ang mga pulong ito lunod sa polusyon krimen lubog na sa kahayupan ng kumprador at burokratang nakatuwad sa hukay talinghagang ipinukol ni Andres Bonifacio sa gabi ng himagsikan
12. Hinampas ang binti tiyan pinalo ng baril ang balikat ulo naluray ang laman nalinsad ang buto sugatang katawang ipinako nahulog ang anong kahulugan?
13. Pahiwatig na tumatagos sa pader ng bartolina humihiwa sa takip kortina harang pinto tarangkahang sumagip mula sa bingit ng “hukay ng luwalhati’t pighati”
14. Untagin ang bulag at bingi kung saan dating gumagala ang mga tamaraw may hinagap ang mga naligaw na sinikap bumagtas lumikha ng landas
15. ibinaon ang na-salvaged sa kung saang lugar upang pukawin sa mahiwagang kaharian ang nagayumang Prinsesa ng mga anarkistang duling
16. Maging sa kahayupan kalupitan kabuktutan pwedeng malikhain ang imperyalistang negosyanteng masugid kumiliti ng kilikili ng madlang kapus- palad na naligaw
17. Naglakbay sa Bohol upang tanawin ang teritoryo ng mga Tarsier sinakop na rin sila ihambing ang tao’t hayop sa praktika ng pagkukunwari’t pagdaraya walang muwang ang mga animal
18. Dumako sa Ilog ng Loboc kung saan lasing na lumangoy sina Legaspi at Sikatuna mula sa kanilang sandugong pag-uulayaw aksidente o sadyang dinaya?
19. Mamulat kaya ang mga natutulog na matsing upang mahuli ang tumakas na heneral pakawalan ang unggoy Ikulong ang pasistang militar at mga kakutsabang trapo
20. Nakatiwarik nakatihaya lugmok kung ano ang bukambibig siya rin ang laman ng nilaslas na dibdib dasalin ang “Bangon sa pagkakabusabos”
21. Katawan ay nakahulagpos ngunit kaluluwa’y nakapiit pa rin bihag ng gawi’t ugaling minana sa magulang ninuno tradisyong sinapupunan ng makiring hulagway
22. Gagambang humihiwa sa utak ni Abu Sayyaf humahabi ng luningning silaw kislap apoy iwangki sa sinag ng drone misil
23. Kariktang di matarok o masuyod habang natutunaw ang yelong bundok at lambak sa Arctic at Antartica di masugpo ang uhaw sa sindak na bumukal bumuhos
24. Nakaligtaan nating dumalaw sa Bilar sikaping matuto sa halimbawa ng mga alitaptap unti-unting tulala sa usok ng trapik baka masulyapan sa kanilang paglipad ang kamaong naghagis ng dais at malanghap ang bango ng apoy ng iyong buntong-hininga
25. Apokalipsis ng lahing kaymanggi tugisin ang bathalang nagwala sa baybaying di maabot ng mga babaylan at diwatang ginahis ng drone
agila buwitreng mandaragit sa lupang hinirang
26. Paglimiin ang ritwal ng basbas dait hipo kanti halik ng pag-asa yapos ng busilak na pangarap pagbubulay-bulay bumibitay sa baliw na makata
27. Buksan ang mata ilong tainga umalsa bumalikwas sa hulmahang utak baklasin ang rehas ipagdiwang ang buntis na birhen ng Bicutan at Muntinlupa
28. Bumabangon ang nagliliyab na anghel ng mga anak-pawis bagwis ng salamisim Inihagis ang perlas sa ulbo upang pukawin ang bayang lubog sa pangako’t sa panaginip Ipukol muli
29. Itaas hawiin ang tabing kurtina belo takip balatkayo Itulak ang hadlang bakod harang balakid busal sa nguso walang himalang bato sa bunganga ng yungib
No comments:
Post a Comment