Sunday, September 09, 2012

AWIT   NG   ARMADONG  PARALUMAN



Mahal,
Nagliliyab ang lansangan ng Islang Puting Bato nang ikaw’y  lumisan
Sa iyong balintataw  nagtalik ang liwanag at dilim
Nagtipan ang luha’t ngiti sa hanggahan ng pangako’t alaala
Saang likong landas tayo naghiwalay, nakipagsapalaran?

Pumalaot ka sa lagim ng lungsod, napigtal sa diwa’t nakintal sa dibdib
Patnubay ang masang kumalinga, sabik sa paglaya’y naglakbay

Bagwis sa budhi’y pumailanlang  sa madugong larangan
Sa gilid ng bangin  naglamay, sa gubat ng gunita naghintay
    sa tukso ng  mapagkandiling bituin….


Sa bawat pintig ng iyong kaluluwa, sa bawat himaymay
Nagpupumiglas ang sinag ng kinabukasan—
Luningning ng pag-asa, halimuyak at alindog ng panaginip
         ng armadong diwatang  kusang   naghandog, kumalas, nagligtas—


Mahal,
Nilambungan ng usok at apoy ang gayuma ng iyong pilik-mata
Humagip ang bagwis ng guniguning lumipad   lumapag
Lumusong ka’t tinahak ang tulay sa nilunggating ligaya
Sa dusa’t aliw ng busabos, binalangkas mo ang hiwaga ng darating.

Saang dulo ng landas kaya tayo magtatagpo, abot-tanaw?
Binaybay mo ang ilog, dumaramay sa udyok ng mapagpaubayang    
     batis  sa lambak

Sa takipsilim gumapang ang sugatang katawan sa dalampasigan
Sinasalubong ang luwalhating biyaya, agos ng bukang-liwayway.


Sa bawat pintig ng iyong kaluluwa, sa bawat himaymay
Nagpupumiglas ang sinag ng kinabukasan—
Luningning ng pag-asa, halimuyak at alindog ng panaginip ng armadong    
    diwatang kusang naghandog, kumalas, nagligtas—

--E. SAN JUAN, Jr.

No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...