Saturday, August 25, 2012

KAWANGGAWA SA PRAHA

KAWANGGAWA  SA TULAY NI IMPERADOR CARLOS IV SA PRAHA, CZECH REPUBLIKA

ni E. San Juan, Jr.

Balak naming maglakabay patungong Leitmeritz upang dalawin
ang dating tahanan ni Ferdinand Blumentritt sa Bohemia, dating bahagi
ng Imperyong Austro-Ungaria noong dantaong 1800

ngunit napadako sa tulay kung saan umakyat-pumanaog sina
Jose Rizal at Dr. Maximo Viola noong 1887 patungong Vienna
kung saan ang bayani
                            ay nakayapos ng kalapating mababa ang lipad....

Akala ko'y nadapa lamang sa mabatong kalye ang nalilimahid
-----nakatalukbong  nakalawit ang mga palad    nakasubsob ang mukha
Nabuwal sa gitna ng madlang nagliliwaliw  walang pakialam--

Patuloy ang buhos ng turistang nanonood, bumibili, kumakain, tumatae,
nabighani sa luho ng kapitalismong sumakop
                                                       sa dating "komunistang" bansa...

Nakadipang katawang alay sa kung anong diyos, nakainat ang mga daliri,
nakahiga sa bangketa sa paanan ni St Luitgarde, di pansin ng madlang umiinog--
kahit bagsakan siya ng limos ni San Vitus o San Juan Nepomuceno, para ke?
kahit ibigay ang ambag mula sa nakatanod na krus ng Taga-pagligtas--

Walang mukha, nakasubsob ang ulo sa kalye, kaluluwang sumasamo--
di alintana ng tubig ng ilog Vultava, dumadaloy sa musika ni Smetana....

Humihingi ng abuloy, sinong kusang maghahandog ng lingap?

May biyaya kayang ihuhulog ang Birheng Mariang dinumog ng mga kamera?
Anong ilalaglag ng langit sa mga monumento't turistang lagalag?
Hinugot mo ang ilang korunyi't inabot, bayad sana sa museo ni Copernicus--
Anong idudulot ng mga nagliparang kalapati kundi dumi sa ulo ng mga   
    istatwa?

Waring naging uwang o ipis na sumungaw sa guniguni ni Franz Kafka
ang nakadipang anino....

Di na tayo nakarating sa Leitmeritz, namalikmata
ng kaluluwang nakalatag sa tulay ng Imperador, sa lilim ng mga santo't anghel,
magayumang palasyo't simbahang kay lamig
                                                       ng lungsod Praha sa Bohemia.

No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...