PAGSUBOK SA ISANG MAPAGPALAYANG PAGKILALA'T PAGTAYA SA SINING NI JOSE CORAZON DE JESUS
by E. SAN JUAN, Jr.
Dahil sa masidhing pagkagumon ng marami sa komersyalisadong aliwan--telenobela, pelikulang tatak-Hollywood, malling, kulto nina Bieber at iba pang dayuhang selebriti sa awitan at isports---pambihira na ang bumabasa o may interes sa panulat ni Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute), binansagang di-mapapantayang "Hari ng Balagtasan." Isa bang bagong aktor ito, "performance artist" o "clone" ni Manny Pacquiao sa midya? Pwede ring mapagkamalang "gimmick" ng Cultural Center o National Commission of Culture and the Arts, huwag ikagulat o ikamangha.
Anyaya Sa Panghihimasok
Maliban na lamang sa ilang guro't iskolar sa wikang Filipino, o mga beteranong apisyonado ng "balagtasan," na kadalasa'y dibersiyong panturista, wala nang masyadong interes pa kay Batute (kinagiliwang palayaw sa kanya). Bihira nang mabanggit siya sa mga pagpupulong pangkalinangan. Bakit tayo ngayon nag-aaksaya ng panahon? Sa ganang akin bilang tagasubaybay sa kulturang usapin, higit na mapapakinabangan pa ng mga "iskolar ng bayan" (alang-alang sa sakripisyo ni Kristel Tejada), ang pagbabalik-tanaw sa mga tula nina Lope K. Santos, Pedro Gatmaitan at Benigno Ramos, halimbawa, na bagama't kasapi sa Aklatang Bayan (1901-1916) ay kapanahon ni Batute; o sa panitik ng ibang kasapi sa Ilaw at Panitik (1916-1935) na kinabilangan ni Batute, tulad nina Cirio Panganiban, Deogracias Rosario, Amado V. Hernandez, atbp. Hanggang ngayon, wala pang matinong pagsusuri sa epikong Bayang Malaya ni Hernandez, sa kabila ng hitik na papuri.) Bakit mag-aambag ng pagod at panahon upang ungkatin muli ang naisulat ni Batute?
Agad ko nang ipanukala sa umpisa na tandisang makabuluhan ang naisakatuparan ni Batute sa paglinang ng wikang pambansa, ang sandigang wika nina Baltazar, Rizal, Bonifacio, Del Pilar, Sakay, Algabre at mga bayani ng rebolusyong nagpapatuloy. Di maikakaila ang representatibong lagda/signatura ni Batute bilang mapanghalinang makata. Sapantaha kong may nakatagong enerhiyang madudukot sa kanyang mga tula na mapapakinabangan sa kasalukuyang proyektong mapagpalaya. Pagliripin natin ito. Apat na libro ang kaharap ko ngayon, kasangguni sa maikling komentaryong ito hinggil sa estetika at lipunan. Bukod sa mga kalipunan nina Lumbera at Nograles-Lumbera, Isagani Cruz at Soledad Reyes, Ben S. Medina, Jr. at Parnasong Tagalog ni AGAbadilla (inedit ni Efren Abueg), ang pangunahing antolohiya ng mga tulang kinonsulta ay: Mga Tulang Ginto (1958), pinagmatnugutan ni Teo Gener; Halimuyak (1979), pinamagnutugan ni Antonio B. Valeriano; Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula (1984), pinamatnugutan ni Virgilio Almario; at Bayan Ko (1995), pinamatnugutan ni Monico Atiena.
Utang ng lahat kina Almario at Atienza ang matiyaga't masugid na pagsusuri't pagpapahalaga sa kabuluhan ng panitik ni Batute, sa kanilang iba't ibang lapit, hilig, diin at layunin. Mahigit 5000 tula, sa taya ni Batute mismo, ang naisulat niya; ngunit sapat na sigurong pagbatayan ang mga tulang nailikom sa nabanggit na antolohiya upang bumuo ng hatol at makatarungang pagtimbang sa naisakaturapan ni Batute, hindi lang ang naisulat kundi inadhika. Kung mayroon pang obra maestra niyang matutuklasan, tikyak na makapagpapalusog sa ilang dalumat at ipotesis dito, pagsubok sa pagbanghay ng batong-urian na magtatasa sa hiyas na ipinamana sa atin ng makata. Salamat kay Batute, nabigyan tayo ng okasyon sa balikatang pagpapaunlad ng mapagpalayang kultura sa pagpapalitang-kuro, argumentasyon, at mapanuring pagsasaliksik tungo sa kaliwanaga't kabutihang pangkomunidad.
Kung Bakit Di Kailangan ng Paumanhin
Sa di sinasadyang pagkakataon, ang munting gawa ay nagsusupling ng bungang mabigat at mapanganiba. Tila ang maikling puna ko tungkol sa isang tula ni Batute noong dekada 1960 (kalakip sa Ang Sining ng Tula, 1975) ang naging sangkalan ni Atienza upang batikusin ang walang hunos-diling husga ko hinggil sa sinaunang kumbensiyon sa panulaan. Pakiwari ni Atienza na ang kumbensiyon, sa halip na masakal ang diwa ng makata, ay nagdulot na paraan upang maibulalas ni Batute "ang mga pampulitikang pananaw at paninindigan, pagkamakabayan, pagmamahal sa kalayaan at iba pang uri ng pakikisangkot sa mga usaping panlipunan" (1995, 12). Susog ni Atienza na ang kanyang pananalisik sa esensya "ay tumunton sa paraang tekstuwal." Ngunit kung maingat na sisipatin, ang pangkalahatang pamantayan ni Atienza ay tematiko. Ibig sabihin, ibinukod niya ang mga tulang may hayag na paksang pampulitika at nakikisangkot, at sa talaksang ito hinugot ang hinuha na si Batute ay hindi lamang nag-ukol ng panahon sa pag-ibig, pamilya, kalikasan at iba pang tradisyonal na paksa kundi sumaklaw ang kanyang diwa sa mga usaping panlipunan at pampulitika.
Sanhi rin ng nasabing artikulo, pinula ako ni Almario sa pagkainis at pagkainip sa "sentimentalismo" ni Batute. Napag-initan ko raw si Batute dahil lumabag sa regla ng New Criticism: "Ano namang kakulangan ang ipinaghinagpis niya kay Batute?" (1992, 300; ikumpara ang dating ideolohiya niya, Almario 1971). Tumutukoy iyon sa nabusisi kong labis na pagsandal ni Batute sa "maramdaming panaghoy." Hindi tumpak ang intindi ni Almario sapagkat sa pormalistikong pananaw, ang sentimentalismo ay kontekstuwal--di pagkakatugunan ng mga salik sa isang akda--na, sa kaunting lipat ng anggulo, ay nagiging ironya, paradoha, laro ng bathos/pathos. Sa anu't anuman, iba rin ang denotasyon ng salitang "sentimental" sa "sentimentalismo"; kapwa nalurok sa nobela ni Flaubert na mapang-uyam sa burgesyang asal-kodigo. Ngunit hindi relatibo ang lahat, kaniya-kaniyang buhat ng interpretasyon sanhi sa nominalistikong pagturing sa salita. Bakit pa kailangang magpadalubhasa sa siyentipikong imbestigasyon kung ang katotohanan ay nasa iyong balintataw o sa sekretong sisidlan ng iyong barkada?
Maibalik kay Atienza: wala namang pagtatalo sa malawak na kakayahan ni Batute. Wala namang nagsabing si Batute ay nagtakdang maging makata ng pag-ibig o damdamin lamang, o nakulong sa makitid na espasyong ito. Kung di nga nasambit sa artikulo ko, di naman naipahiwatig na namalagi't naulol si Batute sa hardin ng pusong sawi. Walang namang pumintas na sumuko siya sa tukso ng luha, lumbay, mapanglaw na agunyas sa libingan, atbp. Kahit si Almario na siyang masusing naghalungkat sa mga tulang pandamdamin ay hindi nagsabing limitado si Batute sa kategoryang "romantiko" (bagama't makitid ang pagkatarok ni Almario sa romantisismo). Marahil, ibig lamang ilipat ni Atienza ang pokus at pakialam sa mga tulang tahasang pampulika o tuwirang pakikilahok sa tunggalian ng mga uri o tumutuligsa sa mga kabuktutan at kabulukan ng kolonyalistang institusyon at gawi, laluna ang panunupil ng imperyalistang Amerikano sa mga karapatan ng mga sinakop.
Bukod sa tagapagtaguyod ng "sentimentalismong" may katutubong tatak, ipinagtanggol din ni Almario na si Batute ay mabisang tagapagsalita ng madlang karanasan. Pasiya ni Almario na "ang sulak ng pambihirang imahinasyong namamahala dito ay kahanga-hanga at isang karanasang bihirang madama maging sa mga maharlika (obra maestra) nina Ildefonso Santos, Cirio Panganiban, Aniceto Silvestre, Inigo Ed. Regalado at iba pang kapanahon..." at sa ganitong "pag-alinsunod sa tuntuning pangkasaysayan," mayayari din ang "isang realista at praktikal na hakbang din pasulong" (1970, 322). Sang-ayon ako
sa lagom na ito, lamang ang "tuntuning pangkasaysayan" ay di maipagkakasya sa kuwadro ng talambuhay o mga datos na walang integral na ugnayan sa mga makatuturang pangyayari sa kasayaysan ng bansa, laluna ang pakikibaka sa kasarinlan at demokrasyang pambansa noong dalawang dekada ng pananakop ng Estados Unidos hanggang sa pagkamatay ni Batute noong 1932.
Sa kuro-kuro ko, walang mapapala sa dualistikong iskema na humihiwalay sa estetika at etika/politika. Walang sining na tiwalag sa pulitikang pamantayan, at walang pulitikang salat sa sining ng paghihikayat, pag-amuki o pag-akit. Mali ang nominalistikong Cartesian. Dala ito ng sinaunang paghahati sa katawan/kaluluwa, kalikasan/kalangitan, damdaming karnal/kaisipang ispiritwal. Umikot, gumulong na ang mga pangyayari. Nakaigpaw na tayo rito sa paglunsad ng dialektika't historikal na sintesis mula pa kina Herakleitos at Hegel hanggang kina Marx at Lenin at iba't ibang sosyalismong eksperimento, liban na lamang kung disipulo kayo nina Fukuyama at doktrinang neoliberal ng IMF/World Bank/Pentagon sa kanilang di-birong patalastas na tapos na ang kasaysayan, at di-umano'y nasa paraiso na tayo ng megamall, "global shopping"`sa cyberspace at komunikasyong virtuwal, malaya ang lahat na bumili at ipagbili ang sarili. Bakit pa magsisikap o mangagarap?
Ang Problema ng Komodipikasyon
Ang istoriko materyalistikong pananaw ay maraming antas o palapag.
Sa antas ng pagsisiyasat dito, nakatuon tayo sa problema ng paglalangkap ng teorya at praktika, laluna ang pagtalos sa kung sinong grupo ang ahensiyang gagabay o mangagasiwa sa takbo ng kasaysayan. Ano ang mga puwersang kasangkot, at saan tayo makagagawa ng interbensiyon?
Ang pinakamalalim at pundamental na suliraning dulot ng pagpihit ng kasaysayan ay ito: ang krisis ng suheto/sabjek o sarili, saligan ng katwiran, katarungan at kaayusan, sa pagkabuwag ng normatibong Kristyanidad. Napalitang kagyat ang humaliling pangitain ng Katipunan at 1896 rebolusyon--ang mga prinsipyo ng burgesyang rebolusyong Pranses--ng Amerikanong ideolohiya: abstraktong karapatan (limitado sa kolonya), karapatan sa pagbibili ng lakas-paggawa at produkto nito, halimbawa, mga tula, pagganap sa entablado o pelikula, atbp. Higit diyan, panghihina ng tradisyonal na ugnayan (sa pamilya, nayon, samahan) sa bisa ng indibidwalismong nakakapit sa kompetisyon sa palengke. Nag-iba ang katotohanan dahil nag-iba ang realidad o saligan ng katotohanan.
Mailalagom ang lahat ng ito sa malaganap na saplot/salot ng komodipikasyon na umiiral noon kaagapay ng piyudal na kaugalian. Tinuturol dito ang paghahari ng bilihin o palitan ng naipagbibili (commodity-exchange), pagkatapos gawing kalakal ang lahat para pagtubuan sa kolonyalistang orden, na siyang umuugit sa reipikasyong sumasaklaw sa lahat ng bagay. Kung ang sarili (budhi, rason) ay ilusyon lamang na pinagagalaw ng batas ng palitan-ng-komoditi at kapangyarihan ng palengke/pamilihan, paano na ang ideolohiya ng autonomya ng sining, ng artista o makatang may maling paniwala na ang guniguni/birtud-ng-kamalayan ay lumilikha ng orihinal na akda? Nabalewala na ang rasyonalidad ng umanistikong turo ng Kaliwanagan (Enlightenment) at Pagbabagong Buhay (Renaissance) sa Europa.
Umiiral na ang utos ng imperyalisang kapital at salapi sa likod ng "Benevolent Assimilation" ni McKinley, at programang "Filipinization" ni Taft. Sa paghahari ng komodipikasyon sa lipunan, walang tunay na pagbabago--repetisyon o pag-uulit-ulit ng pormang nabibili, na tumatabing sa gamit-halaga (use-value). Walang orihinal na likha, pulos duplikasyong walang patid, imitasyon o paggagad ng simulakra.
Gayun nga ang kinalabasan ng maraming tula ni Batute, na pagsasalisi ng talata, parirala, hulagway, na may magkamukhang tabas. Naging pabrika ng palasak na berso ang mga upisina ng Taliba (dalawang makina ang umaandar doon: "Buhay Maynila" at "Mga Lagot na Bagting ng Kudyapi), Liwayway, Ang Mithi, Bagong Lipang Kalabaw, at Sampagita. Naging negosyante ang makata, salamat sa modernong teknolohiya ng imprenta at distribusyon ng peryodiko't lingguhan, poyeto't libro. Naging pansumandaling libangan ang pagbabasa ng tula, o pakikinig sa balagtasan, kumpara sa walang patid na kainan, inuman, seks, sugal at iba pang aliwan. Mapanganib ang lagay ng manunulat na medyo nakaangat sa mga karaniwang trabahador sa imprenta. Minsan, sinuportahan si Batute ng pabliser sa isang sakdal ng Amerikanong guro; sa pangalawang kaso, tinanggal na siya nang hindi siya tumigil sa pagsulsol sa mga estudyante sa Manila North High School sa pagtutol sa panlalait ng mga Amerikano. Napag-alaman ba ito ni Batute at mga kapanahon? Ano ang kalutasan, kung mayroon, ang kanilang naisagawa?
Sa paglapat ng hinuhang ipinahiwatig sa itaas, tatlong lunan ang sasalisikin na may diyalektikal na interaksyon: una, ang kapisanang kinabilangan ni Batute; pangalawa, ang obhetibong katayuan ni Batute sa nagtatagisang saray sa lipunan; at pangatlo, ang dinamikong transaksyon ng literatura at ang pananagutan ng organikong intelektuwal sa panahon ng pagpataw ng matinding Amerikanisasyon ng bayan. Kasali na rito ang punsiyon ng balagtasan at ethos ng pamamahayag, sampu ng impak nito sa estilo ni Batute.
Ang masela't sentral na palaisipan ay hinggil sa ugnayan ng teorya at praktika, ng dama at kilos, malay at aksyon. Tanggaping radikal at makabayan ang saloobin ni Batute. Tanong natin ay kung paano naisakatawan iyon sa kanyang sulatin. Kung hindi, ano ang kakulangan o kabutihang masasaksihan sa kanyang pagtatangka? Anong aral ang mahuhugot sa krisis ng grupo ni Batute na maiuugnay sa pangangailangan ng kasalukuyang tunggalian? Batid ng lahat na pangmatagalang asikaso ito, kaya pasapyaw na sagot lamang ang maihahain dito, at sa susunod na ang mabusising elaborasyon ng mga tesis na naibungad dito.
Kagipitan ng Pantayong Pananaw
Talakayin muna natin ang katangian ng grupo ni Batute, pati na ang posisyon ng uring intelektuwal (kaagapay ng uring panlipunan) at pagkatapos ang nakapaligid na sitwasyon ng bansa bilang kolonya. Sisikaping iguhit ang burador na ito tungo sa pagsusuri sa mga puwersang humubog sa diwa't budhi ng makata; walang tangka ritong magdulot ng detalyadong analisis o explication du text ng mga tula. Sa huling yugto ng prosesong ito masusulyapan natin ang kumplikadong problema ng likhang-sining sa kamay ni Batute. Nakasentro ito sa medyasyon ng sining at ekonomya sa paraan ng ideolohiya, kung paano nadudulutan ng kongkreto't madaramang hugis anyo't ayos ang abstraktong ideya, paniniwala, haka-haka o prinsipyo sa ulirat. Paano nagkakaroon ng bisa ang tula sa madlang nakikinig o nagbabasa? Ano ang tagapamagitang banghay ng imahen at talinghaga sa imahinasyon ng artista at lipunan? Paano nagkakaroon ang sining ng kahulugan, katuturan at kabuluhan sa lipunan sa isang tiyak na yugto ng kasaysayang pandaigdigan?
Tunghayan muna natin ang pangkat ng "Ilaw at Panitik." Ang kinagawiang pagbabalangkas ng karera ni Batute ay makikita sa ulat pangkasaysayan nina Julian Cruz Balmaseda at Teodoro Agoncilo, dalawa sa mga kilalalang istoryador ng panitikan. Kay Balmaseda, si Batute ay nakaluklok sa ikatlong panahon ng panulaan, kasama nina Lope K Santos, Patricio Mariano at iba pa, sumunod sa henerasyon nina Balagtas, Rizal, Regalado, Valeriano Hernandez at iba pa (1974, 90). Tulad nina Santos, Regalado at Gatmaitan, si Batute ay "makata ng puso." Walang tiyak na kaibahan ang paksain at pamamaraan ni Batute, o nakaligtaang tugaygayan ito dahil ang inatupag hanapin ni Balmaseda (na gumagaya sa huwaran nina Rizal, Epifanio de los Santos at Lope K. Santos) ay mga permanenteng kataingan ng tulang Tagalog. Samakatwid, ang pinakabuod na sangkap at salik ng tula ang nais niyang maitala sa isang sistematikong arte poetica, alinsunod sa mga klasikong iskema nina Aristotle, Horace, Dante, Sidney, at iba pang sinusuob na paham.
Lumalabas sa pag-aaral ni Balmaseda na bukod sa ilang kaabalahan--sa papel na ginanap ng simbahan, ng sensura, ng iba't ibang lugar sa paggamit ng tula (sa tanghalan, kapistahan at mga pagdiriwang) ay ito: ang tulang Tagalog ay ispiritung bumabagtas sa samotsaring pagkakataon ng walang gaanong metamorposis o transpormasyon. Ang diwa ni Balagtas ay hango sa mga naunang manlilikha at ipinamamana sa mga susunod na lipi. Parang aksidente lamang ang pagkabanggit ni Balmaseda sa importanteng institusyon ng balagtasan na "isa sa mga buko ng panahong lumikha ng kanyang matatamis na sandali sa panahong kasalukuyan, bagaman ang maalimpuyong silakbo ng nasabing 'balagtasan' ay tila mamamatay nang walang kapahepahesus, gaya ng paghihingalo ng ating kahina-hinayang na dulaan" (1974,90). Di kaila na ang nakakubling intensiyon ni Balmaseda, na tila nahiyang ibunyag ay pagbubukod-bukod sa mga makata sa tradisyonal ng mga panahon ng ginto, pilak at tanso--isang arketipikal na pagtatasa sa yugto ng kasaysayan sa kabihasnang napulot sa Europa na sinala't sinalok mula sa sangkaterbang sermon, pasyon, at mga ulirang modelo ng mga prayle.
Sa panlasa naman ni Agoncillo, si Batute ay walang atubiling kasama nina Gener, Panganiban, Hernandez, Rosario, at iba pa sa kapisanang Ilaw at Panitik. Kumpara sa Aklatang Bayan, ang sagisag ng pangkat ay may hiwatig ng katungkulan ng makatang maghatid ng kamulatan sa madla. Kumpara sa sumunod na grupo, ang sumunod na Panitikan nina Alejandro Abadilla at Clodualdo del Mundo, ang pangkat ni Batute ay katangi-tangi sapagkat ang panulaan ay "nabihisan ng maririkit na hiyas na nagpaningning sa katutubong kayaman ng wika." Gaanong higit na karikit kaysa nasulat nina Santos, Regalado, Gatmaitan at Ramos? Hindi dinalirot ito o tiniyak sa kumparatibong paglalarawan.
Dagdag pa ni Agoncillo na ang mga tula nila ay kakikitaan ng ganitong pangkalahatang karakteristiko: "ang pagkakaroon ng malawak na guniguni,... ang paggamit ng iba't ibang sukat sa mga taludtod ng isang tula,.. ang pamamalasak ng mga tulang nauukol sa pag-ibig,...ang pagiging labis na sentimental ng mga tula, ang pagiging uso ng mga tulang lantarang nangangaral na lalong inilalantad sa pagkakabit ng mga salitang "Diwa," "Aral," at "Buod" sa dakong katapusan ng tula; at karamihan ay nasisiyahan na sa mga pangungusap na de cajon (1970, 238-239). Sa malas, ang dalawang huling katangian lamang ang maikakabit sa estilo ng grupong ito sapagkat ang iba'y matutuklasan din sa mga tula ng naunang pangkat. Halimbawa, sina Gatmaitan at Ramos ay kinilalang mapangahas sa pagpasok ng iba't ibang uri ng sukat at tugma, na itinuro na ni Balmaseda at maiging pinatunayan ni Lumbera (1987, 81-86) at ni Delfin Tolentino Jr. (1998).
Tulad ni Balmaseda, binanggit ni Agoncillo ang balagtasan ngunit hindi siniyasat kung ano ang impluwensiya nito sa anyo, hugis, retorika, hulagway at iba pang bisang pedagohikal ng tula. Kung ang pangkat ng "Ilaw at Panitik" ang siyang nagpasinaya't nagpayaman sa balagtasan, ano ang kontribusyon nito sa istruktura at tekstura ng tula? Lalaktawin ko ang sagot sa tanong na ito, na dapat imbestigahin. Ang institusyon ng "balagtasan," sa taya ko, ang siyang naging pagkakataon at paraan upang maipagpatuloy ng mga makabayang intelektuwal na maipaabot ang simulain ng Katipunan, na bumuhay sa pakikibaka mula sa himagsikan ng 1896 hanggang sa pagsupil sa Republika ni Sakay noong 1907, at sa mutasyon nito sa mesayanikong insureksiyon noong dekada 1920-1940.
Bagamat di nakatambad ang simulaing mapagpalaya sa kumbensiyonal na ritwal at pormulistikong ayos ng balagtasan, mababanaagan doon sa likod ng tema ng timpalak ang udyok ng nasyonalismo, laluna sa paggamit ng bernakular at wani ng komunidad. Wala sa partikular na tayutay, tugma o salita ang subersibong hibo kundi kasanib sa pagtangkilik at pagtataguyod ng asal at gawing popular, na nakaugat pa sa ritwal ng duplo, korido, alamat at parodya ng mga Propagandista. Haluan ang bukal ng balagtasan: mula sa nakaugaliang aliwan sa mga nayon hanggang sa pasyon, sa korido ni Balagtas at palabirong diskurso ng mga Propagandista, na ikinawing sa pamproblematikong taktika at didaktikong estratehiya ng Banaag at Sikat, Pinaglahuan, atbp. Layon ng sining ay mobilisasyon ng kolektibong kaluluwa ng bayang nilulupig noon.
Parametro ng Pagbabalikwas
Gunitain na ipinagbawal ang hayag na pagtataguyod ng rebolusyonaryong damdamin at adhikain sa pagpapairal ng Sedition Law ng 1901, Ley de Bandolerismo ng 1902, at Reconcentration Act noong 1903. Nasugpo ang mga dula nina Juan Abad, Aurelio Tolentino, Tomas Remigio at Juan Matapang Cruz. Mapanganib ang dalawang dekada (1900-1920) na kinasaksihan ng patuloy na gerilyang paglusob nina Heneral Luciano San Miguel, Faustino Guillermo, Sakay, at Ricarte. Sa Bikol, sumiklab ang pagbabalikwas nina Simeon Ola at Lazaro Toledo. Patuloy rin ang rebelyon ng mga relihiyosong pangkat tulad ng kilusan ni Ruperto Rios sa Tayabas, ni Felipe Salvador sa Bulacan at Pampanga, at ni Papa Isio (Dionisio Magbuelas) sa Negros. Di dapat kaligtaan ang Pulajanes sa Leyte noong 1902-1907), ang "Dios-dios" sa Samar, at ang mga Kolorum at Tangulan na sumukdol sa pag-aalsa sa Tayug, Pangasinan, noong 1931, isang taon bago pumanaw si Batute (Constantino 1975).
Naging isang katalyst ang balagtasan sa henerasyon ni Batute (kasama sina Florentino Collantes, Amado V. Hernandez, Emilio Mar Antonio, atbp.. Gumana iyon di lamang sa pagsustento sa komunikasyon ng makata sa sambayanan kundi pagsala't pagdalisay sa mapanlikha't mapagmalasakit na damdamin at kaisipan na nakabalot sa kolektibong gawaing pamproduksiyon. Ang mga nakatutuwa't mapagpaligayang aktibidad ay mahigpit na katulong sa reproduksiyon ng lakas-paggawa, ng pamilya at relasyong panlipunan. Tumutumbok na tayo sa kritikal na katayuan ng intelektuwal tulad ni Batute sa panahong lumaki siya't nagkamuwang, taglay ang kamalayang may hinahangad higit sa personal na kapakanan.
Sumiklab ang himagsikan ng taong isinilang si Batute noong 22 Nobyembre 1896. Sa mga paaralang kanyang pinasukan--Liceo de Manila (Bachiller en Artes, 1916) at Academia de Leyes (Bachiller en Leyes, 1920), maitatakdang nasa uring mariwasa kaya matiwasay ang pamilya niya. Ang pagkahirang sa kanyang amang mediko bilang Direktor ng Kawanihan ng Sanidad ay isang palatandaan na nakaaangat ang katayuan nila, bukod sa malapit sa Amerikanong administraor. Nakuhang ipasok siya sa tanyag na institusyong naghahanda ng mga kabataan para sa tungkulin sa gobyerno. Ngunit hindi na kumuha ng eksamen upang magpraktis--kumpisal ni Batute na nahilig siya sa pagsulat at naging empleyado ng Taliba noong 1918, at pagkatapos sa Pagkakaisa at Sampagita. Bukod sa pag-aaral ng abogasya, kumuha rin siya ng pag-awit kay Enrico Renieri, Italyanong direktor ng Opera Italyana, at nag-aral ng dibuho sa Bellas Artes ng Unibersidad ng Pilipinas (De Jesus, 1979, xvii). Testigo iyon sa saklaw ng kanyang potensiyalidad at pangarap.
Di pa nakahuhulagpos ang panitikan sa talukbong ng sining ng awitang pangkomunidad at pananalumpati. Ang pagkahilig ni Batute sa pagganap ng papel sa balagtasan, kaakibat ng kanyang paniniwala na may kakayahan din siya sa pag-awit at pagganap ng papel sa pelikula at politika (makalawang tumakbo siya sa halalan sa San Miguel, Bulacan), kaugnay ng pagsasanay niya sa publikong arena. Wari ni Batute na lagi siyang nagtatalumpati, nagdedebate (debateng patula ang duplo), kinakalkula ang bisa ng kanyang tinig sa tugon ng nakikinig (tingnan ang testigo ng kaibigang Teo Gener (Gener 1958, 84). Nais kong idiin dito na resiprokal ang ugnayan ng bibig at tainga: ang midya minsan ay siya na ring mensahe (naipanukala ni Marshall McLuhan [nilagom at sinuri ni Finkelstein 1968]).
Ang paglilitis sa hukuman ay isang tipo ng agon (katagang Griyego, kahulugan: paligsahan, na hango sa klasikong drama kung saan ang koro ay nahahati sa dalawa upang suhayan ang dalawang nagtatalong aktor. Bukod sa ritwal sa hukuman, masasaksihan ito sa sinaunang dulang bayan na may diwang mapandigma (Medina 1972, 23-25), itinatampok ang kunwaring away, alitan o larong paligsahan; at laluna sa duplo, ang padron ng balagtasan. Bukod sa biro, tudyo, bugtong, at dasal sa paggunita sa namatay, naipasok rin sa duplo ang samotsaring salik tulad ng kasabihan, salawikain, palaisipan, at paglilitis: "Kung ang layon sa karagatan ay pagsubok sa talino at tatag ng kalooban ng isang manliligaw, dito'y nililitis kung ang binintangan ay tunay na walang pagkakasala" (Abueg 1973, 21). Tiyak na nakawiwili ang duplong-naging-balagtasan sa estudyanteng inihanda ang diwa't katawan sa abogasya; sa halip na hukuman, tangahalan sa pagdiriwang ang pook ng kanyang pagpapatunay sa kanyang dunong at kasanayan sa pangangatwiran, sa paghimok at paghikayat sa madla upang mag-isip at kumilos sa isang tiyak na direksiyon.
Interpelasyon ng Kaakuhan Sa Bibig at Mata
Sa balagtasan natamo ni Batute ang pagnanais sa publikong pagpapakita ng kanyang galin bilang makata/mananalumpati. Pumalit ang okasyon ng balagtasan sa mga dulang sinensor. Batay sa makabagong teorya ng estetika ng pagtanggap (reception aesthetics), sinikap ni Galileo Zafra na kilatisin ang balagtasan bilang matalisik at maiging anyo ng panitikang-bayan na mabisang nakapaghatid ng nasyonalistikong programa. Sa pagdalumat ni Zafra sa pangkulturang kahulugan ng balagtasan batay sa analisis ng inilathalang teksto nina Julian Balmaseda, Benigno Ramos at Inigo Ed. Regalado (pansinin na kabilang sila sa Aklatang Bayang nagkamulat sa panahon ng Digmaang Filipino-Amerikano), lumitaw na "ang isip at budhi ay umiral sa konteksto ng pagtuligsa sa pananakop at pagtuklas sa paglaya" (2006, 279). Sa gayon, isipan at budhi ang kasangkot, bukod sa "aktibo ang bayan sa pagpapairal ng katwiran" sa kompetisyong naidaos sa magasing Sampagita noong 1926.
Kakatwa na sa timpalak na inilunsad ng Sampagita, ginamit ang nailathalang balagtasan, hindi pinakinggan. Samakatwid, nanaig ang nakalimbag na salita, lumayo na sa daidig ng mito at alamat. Ang karanasan ng pagbasa ay tiwalag sa karanasan ng pagpasok ng salita sa kaluluwa. Idiniin ni Walter Ong ang "interiorizing economy of sound as perceived by human beings" kumpara sa binasang titik: "The centering action of sound..affects man's sense of the cosmos. For oral cultures, the cosmos is an ongoing event with man as its center. Man is the umbilicus mundi, the navel of the world" (1982, 73). Sa pagwawagi ng kulturang limbag, namayani rin ang rehimen ng pamilihan, pagpapalitan ng halaga anuman iyon (pagkain, damit, katawan ng puta, hikaw, bahay, titulo, atbp). Naglaho ang mito ng banal na kaluluwa/budhi, sumalisi ang
masahol na alyenasyong nagpaurong sa makata mula sa lubusang pakikisanib sa proletaryadong masa upang bumalik sa kinaugaliang mundo ng walang pag-asang pag-ibig, idealismong may bahid ng relihiyon, panaginip at pangarap na buhay lamang kung may panunudyo, pagbibiro, pang-uuyam. Totoong bumalik sa pusod ng madla ang makata, ngunit ang pagkakabuklod na ito ay bahagi ng malaking Ispektakulo (Debord 1977), karnabal ng mata, tainga, ilong, dila, na puso ng patubuan ng monopolyo kapital. Kabalintunaan at ironikal ang kinahinatnan. Hindi rin nakatakas sa lambat ng imperyalistang proyektong isudlong ang lohika ng malayang pagpapalitan/bilihan (paglalako ng bawat mapapakinabangang lakas ng mamamayan; exchangeable labor power) sa piyudal na kaayusan at super-istrukturang oskurantistiko.
Mahalaga't mapagpahiwatig ang pag-aaral ni Zafra sa mga diskurso ng pagtatalong iyon, na patunay na hindi lamang pag-ibig ang paksa ng mga mambabalagtas. Ngunit hindi sapat ang isa lamang halimbawa sa pagpapatibay ng ipotesis niya; kailangan ang malawig at maingat na usisang empirikal-sosyolohikal. Sa palagay ko, bagamat primaryang eksibit ang teksto, kailangan ang pragmatikong demonstrasyon ng interaksyon ng makata at awdiyens sa pamamagitan ng potograpo o maraming salaysay ng nangyari sa bawat okasyon na siguradong makapagdagdag ng ibang katibayan sa naitampok na ebidensiyang tekstuwal.
Ang nakaligtaan ng mga iskolar ng balagtasan, buhat pa sa mga obserbasyon nina Balmaseda, Gener, Collantes, atbp., ay ang malaking epekto ng pagpasok ng limbag na panitikan, ang babasahin, ang gayuma ng nilathalang tula, nobela, dagli, kuwento at kathang anekdota/balita sa pahayagan. Bagamat hindi nakasugpo sa aliwang kuha sa entablado ng orador at tanghalan ng zarzuela, bodabil at pelikula, ang paglaho ng tula pasalita/pambigkas at paghalili ng binabasang katha ay tagumpay ng komodipikasyon. Isipin na lamang kung ilang milyong graduweyt sa edukasyong pangmasa ng kolonya ang bubuo ng bagong awdiyens ng mga sumusulat sa diyaryo, lingguhan at iba pang lathalain. Tagumpay ito ng kultura ng indibidwalismong hiwalay sa madla, indibdwalismong unti-unting naaawat sa pagsuso sa "bibig" ng orador ng partido, ng sermon sa simbahan, ng inimbitang taga-aliw, taliba o tribuno sa pagpupulong o pagdiriwang pambayan.
Ang paglipat sa kulturang Gutenberg mula sa kulturang pasalita't pakinig ay hudyat ng pagwawagi ng sistema ng replikasyon ng porma, pag-uulit-ulit ng anyo tiwalag sa kalamnan, na siyang dinamikong makinarya ng karanasan ng kumplikadong pakikipagsapalaran sa materyalistikong kabuhayan.
Sa ganitong pagbabago, maitanong natin: paano nailigtas ni Batute ang kalamnan ng minanang karanasan, ang dinamikong potensiyal na nakulong sa inulit-ulit na parirala/taludtod, tulad ng makikita sa pag-uulit ng motifs ng kamatayan, pagsusumamo ng damay sa palasintahang padron? Umiral ang estilong ito mula sa unang tulang "Pangungulila" hanggang popular na piyesang "Pag-ibig," "Hindi Man Lamang Nakita," "Kahit Saan," "Pamana," "Ang Huli Kong Alaala," "Poor Butterfly," at marahil 80% ng 4,800 tulang lumbas sa Taliba at sa iba pang lathalain. Lumawig ito sapagkat ito ang kinagiliwan at kinawilihan, laging hinihiling at inaasahan ng masa.
Ang pagsasalisi ng parirala, imahen tulad ng "puting panyo," luha, bituin, mga penomena sa kalikasan na salamin ng damdamin, at pagbalasa sa mga ito, ay nasubok na mabisang metodolohiya ng kulturang pasalita/pakinig. Ang kulturang ito ay nakagayak at gumaganyak patungo sa romantikong ideyal ng sining bilang musika ng Logos. Narito ang metapisika ng romantisisimo ni Batute at mga kapanalig. Sa kabila nito, maimumungkahi na sintomas din ito na nasaid na ang bukal ng orihinalidad, at nagkasya na lamang ihele ang madla sa malamyos na salimbay ng tinig hiwalay sa isip o budhi, sa katwiran at bisyong etikal-politikal. Sa malas, oo nga, ngunit sa muling sipat, makikitang resiprokal o diyalektikal ang ugnayan ng magkasalungat na panig (pagbasa, pakikinig) sa kasaysayan, at dapat isaalang-alang ito upang di masadlak sa kaliwa't kanang oportunismo.
Pinagbuhatan ng Organikong Intelektuwal
Ang minanang papel na ginagampanan ng intelektuwal sa Pilipinas ay nakaugat sa paghahari ng Simbahang Katoliko noong panahon ng kolonyalismong Espanol. Ang mga paring bumuo ng mga diksiyonaryo at pasyon (mula kay Gaspar Aquino de Belen) hanggang sa mga ladino (Fernando Bagongbanta, Tomas Pinpin) at Francisco Baltazar ay pawang kontrolado ng sensura (gobyerno, mga frayle). Sina Baltazar at Jose de la Cruz ay tila nakaiwas dahil sa patronaheng indibidwal o komersiyal. Sila'y tinaguriang tradisyonal na intelektuwal, alinsunod sa klasipikasyon ni Antonio Gramsci (1971). Salungat o lihis sa kanila, ang organikong intelektuwal ng taumbayan tulad nina Del Pilar, Jacinto at Bonifacio ay nakaugat sa mga pesante, magbubukid, o manggagawa, sanhi sa piyudal at teokratikang kaayusan ng ekonomiyang pampolitika.
Malapit o halos kaagapay ang ilang ilustrado tulad nina Rizal, Juan Luna at Antonio Luna, Apolinario Mabini, Isabelo de los Reyes, na malapit din sa inaapi't pinagsasamantalahang masa. Taliba at kinatawan sila ng nakararaming dinuhagi't inalipusta ng kapanyarihan ng Simbahan at burokrasyang Espanyol. Nang dumating at magtagumpay ang imperyalistang Amerikano, napailalim sila ng administrasyong Amerikano (bilang mga mababang kawani, guro, sundalo) at sa lumagong institusyon ng peryodismo, paaralan, atbp. Upang maakit ang dating partisano ng rebolusyon, pinayagan ang limitadong paglalathala ng peryodiko, lingguhan at iba pang babasahin upang masilo ang simpatiya ng mga edukadong hanay sa programa ng Amerikanisasyong idinaan sa maraming paraan, una na ang libreng edukasyon ng kabataan; pangalawa, ang sapilitang paggamit ng wikang Ingles; at pangatlo, ang pagbukas ng pwesto sa kawanihan ng pulis, sandatahang hukbo at mababang puwesto sa mga iba't ibang kawanihan. Ang pinakamapanuksong istratehiya ay inuulit na pangakong dudulutan tayo ng ganap na kasarinlan sa hinaharap--ang biglang himalang pagbaba ng Anghel ng Huling Paghuhukom!
Kung nagpatuloy si Batute sa abogasya, marahil ang mga kliyente niya ay mga mayayamang mestizo at mariwasang angkan. Sa kalaunan, ang kanyang pag-iisip, damdamin, hilig at pangarap ay mabibilanggo sa sirkulo ng petiburgesya o piyudal na paniwala, panindigan at ugali. Lubhang malalayo siya sa karaniwang mamamayan--mga nagbabatak ng butong trabahador sa palengke, mga manggagawa sa pabrika at daungan, magsasaka sa mga plantasyon ng tubo, tabako, abaka, at iba pang hilaw na materyales na pinagbubuhatan ng di-matingkalang tubo. Sa pagpasiya niyang mamalaging kolumnista sa peryodiko, naging malapit siya sa ordinaryong tao--sa masang walang kapangyarihan, laging binubusabos, biktima ng pamahiin at katusuhan ng mapag-imbot na dayuhan kasabwat ang malupit na panginoong maylupa.
Salig at hawa sa gawaing pamamahayag, ang mga tudling patula ni Batute ay lumalahok sa mga maapoy na usapin, pangunahin na ang isyu ng independensiya. Marubdob din ang pagdemanda niya ng katarungan para sa trabahador sa pabrika at sakahan, ang masahol na kawalan ng lupa o pagkakakitaan, pag-aabuso ng mga uring may pribilehiyo, at kasalatang pangkabuhayan ng nakararami. Sa ganitong pagbuno sa suliranin ng balana, pati na sa kanilang natatanging paraan ng paglalarawan o idyoma ng pagsisiwalat ng kalooban, natuto si Batute na mabilisang humubog ng tulang madaling maiintindihan ng madla at makaaantig sa damdamin, bagamat kinulapulan iyon ng magulo't malumot na haka-haka, hinagap, rahuyo at de-kahong palamuti. Tulad ng mga kilusang milenarya--ang Kolorum, Tanggulan, kulto nina Pedro Kabola, Apo Ipe, Papa Isio, atbp--ang sentido komun na masisinag sa mga panitikang pambayan ay kargado pa rin ng pananampalatayang pyudal at oskurantistiko, sampu ng pantastikong utopya, mirakulong Dangal ng Lahi, at mitolohiya ng maluwalhating katubusan. Maaring mangibabaw ito upang suportahan ang isang populistang liderato o pasistang partido. At maari ding maibaling sa isang progresibo bagamat repormistang direksiyon. Ang mabigat na layunin ay kung paano maipapanday ang malabo, sabog o haluhalong tendensiyang ito upang maging mabuting kagamitan o sandata sa rebolusyonaryong transpormasyon ng lipunan at buhay ng karaniwang tao.
Iyon ang matinik na hamon sa mga organikong intelektuwal ng gumigising na masa tulad ni Batute. Paano pag-iibayuhin ang masiglang mobilisasyon ng masa sa bisa ng pamamahayag, partikular sa bisa ng panulang tudling sa pang-araw-araw? Natural, hindi ito sumiksik sa ganitong anyo sa utak ni Batute. Subalit maitatanong kung ano ang layon ng kanyang pagsusulat? Iyon ba upang kumita ng salapi, umakit na maraming taga-hanga, o maging tuntungan upang makamit ang mas mataas na ambisyon? Sa anu't anuman, ang organikong intelektwal na kasangkot sa peryodismo, tulad nina Lope K Santos, Faustino Aguilar, Amado V. Hernandez at iba pa, ay natulak sa paggamit ng kanilang dunong, kahusayan sa pagsulat, at katalasan ng pagsusuri sa pagtarok ng mga nangyayari sa kabuhayan. Sinikap nilang makatulong sa kolektibong mithiing noo'y bumubulas sa pagbuo ng mga unyon, sa organisasyon ng aklasan, at iba pang hakbanging makamumulat sa nakararami upang makisangkot sa makatuturang pagbabago ng kanilang lipunan at kabuhayan. Ang kalayaan at kasarinlan, na kanilang ipinapakita sa kanilang salita sa pahayagan at balitaktakan, ay siyang adhikaing naisasakatuparan sa kanilang pakikilahok sa publikong pagsasanay ng kanilang karapatan at mapagmalay na pagkatao.
Masaklap na Kadluan ng Aliw
Pansamantalang ilagom natin ang naitalakay sa itaas. Una, ang pangkat ni Batute ay sumupling sa isang takdang yugto ng kasaysayan kung saan ang paraan ng tradisyonal na pagpapahayag ay napalitan ng makabagong gawi sa ilalim ng mapanlinlang na pamamahala ng kapitalismong kapangyarihan. Nakibagay sila. Kaunting nakaungos mula sa dominasyon ng Simbahan at piyudal na ugali, natuto at nasanay sila sa idyoma at pangitain ng Katipunan at ng mga Propagandista (laging ipinagbubunyi ni Batute sina Rizal, Plaridel, Luna atbp). Ipinagbunyi nila ang kabayanihan nina Sakay at alagad ng maraming pagbabalikwas noong dekada 1910 hanggang Komonwelt ng 1935. Gayunpaman, sinunggaban nila ang sumulpot na mga pagkakataong magamit ang katutubong wika upang manatiling kapiling ng sambayanang kadluan ng kanilang talino, guniguni, budhi at damdamin.
Ang uring pinagmulan ni Batute ay nagtamasa ng unang pagluluwag sa pagpasok sa burokrasya at sa pamamahayag. Iniwan ni Batute ang abogasya upang ibuhos ang lakas sa pamamahayag, kaalinsabay ng pakikisangkot sa institusyon ng balagtasan noong magsimula iyon noong 1924. Sa ganitong ebolusyon ng kanyang okupasyon, siya ay naging organikong intelektuwal ng masa (mahal din siya ng mga migranteng Filipino sa Hawaii). Naisatinig niya ang mga kontradiksiyong gumigiyagis sa kamalayan ng masa, at nabigyan niya ng kongkretong katawan at mukha ang masalimuot na katayuan nito. Pansumandaling nalutas ang hidwaan ang pangungulila at pakikipagkapwa-tao. Ang katanungang bumugso sa bukana ng paglilingkod ni Batute ay maipapahiwatig sa ganitong tanong: anong uri ng mediyasyon o metodo ng pagbubuklod ng loob at labas ang masasaksihan sa kanyang mga katha? Saan kinuha ang materyales sa pagbuo ng natatanging hugis, kulay, himig o estilo ng panulaan ni Batute? Iyon ba ang nakatulong sa pagmumulat sa madla o nakapagdulot lamang ng pansamantalang aliw? Ano ang masasabing pangmatagalang impak ng "romantikong" kaakuhang bukambibig ni Batute?
Sa isang masinop na pagsipat sa itineraryo ng panulaang Tagalog, nirepaso ni Efren Abueg ang dahilan ng mapinsalang romantisismong kumitil sa pagsulong ng pagbabagong inilunsad ng 1896 rebolusyon. Nang binusalan ng Batas ng Sedisyon ang mga patriyotang mandudulang natukoy na natin, dumagsa ang literaturang Kanluranin, laluna ang mga akda nina Wordsworth, Byron, Shelley at Keats (isama na sina Longfellow, Edgar Allan Poe, Washington Irving na pinabasa sa haiskul at kolehiyo). Lumaganap sa paaralan, tahanan, aklatan, at bumungad din sa publikong lunan (public sphere), puwang ng pagpapalitang-kuro tiwalag sa gobyerno't negosyo, tulad nga ng balagtasan, pribadong asosasyong pampropesyonal, pagpupulong sa mga nayon sa panahon ng pista, lamayan, koronasyon, at iba pang pagdiriwang.
Narito ang pagtatasa ni Abueg sa nakapipinsalang epekto ng Amerikanisasyon: "Sa unang labing-anim na taon ng pananakop ng mga Amerikano, ang mga makatang tulad nina Patricio Mariano, Lope K. Santos, Francisco Laxamana at Pedro at Carlos Gatmaitan ay hindi na nakapagpatuloy sa pagpapaalab sa diwa ng kilusang nasyonalismo...Bagama't sa ilang pagkakataon ay ipinaghimutok nila ang pagkakahadlang sa pagsasarili ng Pilipinas....ang karamihan sa kanilang pinaksa ay ukol sa buhay at pag-ibig, na buong lambing at indayog na inawit nila sa kanilang mga taludturan. Humantong ito sa pagkalikha ng ilusyon sa isip ng taumbayan na patungo sa pangakong 'kalayaan ang Pilipinas' " (1973, 30-31). Pagkuta ito sa sobrang pagkahumaling ng manunulat sa melodramatikong manerismong nanaig noon sa kadahilanang naturol: krisis ng pagkatao sa pagitan ng dalawang tipo ng kolonisasyon. Tulad ng mga kasapi sa partido Nacionalista at Democrata, nakagayuma sa kanila ang mga pangako ng kolonyalismo (mula kay Taft hanggang kay Wilson) na gagantimpalaan ng kasarinlan ang nasakop, at tuloy nabulid sa "eskapismo."
Marahas ba o karapat-dapat ang paghuhukom ni Abueg? Naidugtong pa niya na namayani ang mga "makata ng puso," na siya ring "makata ng buhay," hanggang 1935 nang magrebelde ang mga kabataang hinimok ni Alejandro Abadilla. Bagamat bumatikos at sumuri sina Batute, Hernandez (na tiyak na batid ang mapangahas na paglihis nina Benigno Ramos at Pedro Gatmaitan, ang huli sa mga tulang "Sa Tiyan ng Panahon" at "Pinaglahuan") sa mga pangyayaring nagaganap sa kanilang kapaligiran, hindi nila naiwasang makatulong sa pagkondisyon sa "kaisipang-Pilipino na tanggapin ang 'kapalaran' ng buhay, na mapagtitiisan naman sapagkat may aliwang tulad ng mga tulang punong-puno ng romansa, gayundin ng namalasak na balagtasan magmula ng 1923" (1973, 31). Pati "balagtasan" ay naging kolaboreytor sa pagtatalikod sa dakilang simulain ng rebolusyon. Subalit hindi rin nakaigpaw si Abueg sa pagturing ni Agoncillo na nadungisan at napahamak ang sining dahil sa labis na sentimentalismo at didaktisismo.
Halimbawang Nabuwang?
Kahit sa matimping pagkilatis ni Abueg, kondenado rin si Batute, maliban sa tulang "Isang Punongkahoy" na, ayon kay Pedro Ricarte, ay malalim na pagsusuri sa "kung ano ang buhay, ukol sa kung ano ang eksistensiya." Subalit dapat igiit na buhay at eksistensiya ay hindi singkahulugan, sa anumang pamantayan. Karapat-dapat nang pag-ukulan ngayon ng maiging pag-uusisa ang singularidad ng panulaan ni Batute na tila nag-tulak kay Virgilio Almario na humabi ng isang "ontolohikong pagbasa" sa kanyang mapaghawang libro, Ang Makata sa Panahon ng Makina. Dito na rin masasagot ang tanong kung anong kosmolohiya o pananaw-sa-daigdig (ideolohiya, sa payak na etiketa) ang nag-ugnay sa kamalayan ng makata at ng lipunan? Paano nayari ang sintesis ng karanasan at haraya, damdamin at ideya, ang mapanlikhang guniguni ng makata at makasalanang kalikasan--mga magkasalungat na elementong hulog ng Hudeo-Kristyanong kabihasnan. Sa isang salita, anong uri ng romantisismo--kung totoo nga--ang matatagpuan sa sining ni Batute?
Bukod sa "Ang Pagbabalik," "Ang Manok Kong Bulik," "Barong Tagalog," "Ang Bato" at "Pamana," "Isang Punong Kahoy" ang pinakapopular na tula ni Batute na lumabas noong Abril 15, 1932, ilang linggo bago siya pumanaw. (Almario 2006, 267). Sa unang malas, isang malumbay na dalit o elehiya sa sarili ang namumutawi sa bibig ng nangungusap, ang punong-kahoy, ang persona ng makata. Pinaksa ang maikling buhay at pagkamatay ng punong-kahoy. Ngunit sa muling pagtitig, may pailalim na tinig na magkahalong ngitngit at galit. Masasalat din na magulo't walang lohika ang pagkakabit-kabit ng hulagway. Halimbawa, sa unang saknong, "nakadipa" ang persona, tapos nakaluhod, tapos yumayapos sa paa ng Diyos. Isa pa: "Kahoy na nabuwal sa pagkakahiga"? Sa ika-anim na saknong masisipat ang dahilan ng tadhanang inilalarawan: "natuyo, namatay sa sariling aliw/Naging kurus ako ng pagsuyong laing." Kaipala'y pagsuyong lanta o kupas ang ibinurol sa tula. Ito kaya ay alusyon sa paglabag ni Batute sa lipunan nang iwan niya ang asawa't anak at tumakas sa Hong Kong, noong Marso 1926, kapiling ng kaulayaw na si "Bituin" ? Dito, ang "buwan" ay "tila nagdarasal,/ako'y binabati ng ngiting malamlam."
Lumalabas na ang tunay na paksa ay hindi ang paglipas ng panahon, ang pagtanda't panghihina ng isang halaman. Ang talagang tema ay ang pagbabaligtad ng kapalaran, ang tila di makatwiran o makatarungang nangyari. Bakit nagkaganito, tanong ng punong-kahoy. May rason ba sa tadhanang ipinataw ng lipunan? Kinasangkapan ng kabihasnan (korona, kurus) ang kalikasan (sanga, dahon)--palasak na romantikong daing at pagtutol. Madaling putulin ang pagninilay na ito sa hatol ni Almario, na ang tula ay tungkol sa "malagim na pangitain ng pagiging inutil at kawalang-katuturan ng buhay," ngunit di ito makababawi sa "kawalan ng tumpak na pananaw o punto de vista ng makata? (1972, 35, 40).
Isang intermisyong pangkasaysayan muna. Sa kasaysayan ng romantisismo sa Europa (1790-1830), ang pangunahing pagsisikap ng makata ay pagsasanib ng saloobing bisyon/wani at karanasan sa daigdig sa pamamagitan ng isang mapanlikhang lakas (imahinasyon, hibong ispiritwal). Ang rekonsilyasyon ng loob at labas, ng diwa at kalikasan, ay makakamit sa operasyong sintetika o mapagbuo ng guniguni. Nagbubunga ito ng isang sensibilidad kaakibat ng buhay na nag-uugnay sa tao at kalikasan sa harap ng isang diyos o puwersang transendental. Litaw na malaki ang impluwensiya ng Kristyanidad, ngunit sa daloy ng sekularisasyon sa panahon ng Rebolusyong Industrial, ang romantikong moda ay rebelyon laban sa awtoridad, dogmatismo, at pagsupil sa katawan at seksuwal/sensuwal na kakanyahan ng indibidwal. Damdamin, intuisyon, panaginip--ito'y nasugpo ng rasong institusyonal, kayat naging manhid o patay ang kalikasan. Upang buhayin ang daigdig, kailangang matuklasan muli ng bawat tao ang bukal na mapanlikhang pandama na siyang magkasasal sa mga bagay sa kalikasan at mapanlikhang guniguning humihinga sa kaluluwa ng bawat nilikha (Frye 1968). Ang simbolo ang siyang integral at matakatuturang pagtatalik ng mga kontradiksiyon o hidwaan sa buhay. Hangarin nito ang isang mapagbuklod o mapagtalik na bisyong naikatawan sa simbolo o sagisag na magtutubos sa "the weary weight of all this unintelligible world" (Wordsworth).
Dikskriminasyon ng Simbolo at Alegorya
Sa lantay na romantikong ulirat, ang Logos, Salita, o mapanlikhang imahinasyon ang kalutasan sa lahat ng problema sa buhay. Ito ba ang pinaksa ni Batute sa "Isang Punong Kahoy"? Sa lahat ng mga tulang gumagamit ng imaheng hango sa kalikasan--hangin, baging, bato, rosas, damo, ulan, ulap, uwak--o sa buhay sa lungsod, liban na ang mga tulang pasalaysay at realistiko, nangingibabaw ang tendensiyang isudlong ang mga bagay sa isang konsepto o ideya. Resulta nito ay estilong alegorikal, isang metodong magkaagapay ang abstraktong kaisipan at nadaramang larawan o tauhan.
Mga tanyag na halimbawa ng tipong alegorikal ang The Faerie Queen ni Spenser, Pilgrim's Progress ni Bunyan, 1984 ni Orwell, at ang tulang pasalaysay ni Batute, "Sa Dakong Silangan." Nakasalig ito sa matandang ermenyutikong diskurso sa pagpapakahulugan sa Bibliya, isang antas sa pagkaunawa sa Logos ng Lumikha. Sa pilosopiya ni Coleridge at mga kapanalig sa Alemanya, sa halip na piliin ang alegorikong ugali, isinaisantabi ito bilang mababa't walang saysay na paglilikom lamang ng mga produkto ng Fancy, hindi ng Imahinasyon. Simbolo o integral na sagisag, ang tanging makapag-uugnay sa Kalikasang panlabas at Imahinasyong panloob, na kagawig ng banal na Logos.
Sa pagsusulit ni Walter Benjamin (1977), ang romantikong Simbolo ay isang pagtalikod sa kabuhayan, sa kalikasan, upang sambahin at suubin ang egotistikong sarili (Jameson 1971; Eagleton 1990). Namayani rito ang indibidwalistikong kaligtasan, nakakubli sa mapagkunwaring kawang-gawa. Sa kanyang pag-aaral sa Trauerspiel o trahedyang baroque sa Alemanya sa panahon may pagkakahawig sa katayuan ng Pilipinas bilang kolonya't piyudal na bayan, ang alegorikong wani at sensibilidad ang siyang mabisang makapaglalarawan sa tunay na nagaganap sa modernidad. Kaya ang mortipikasyon, paghinto sa daloy ng kalakaran, ang tahasang itinatampok sa tanawin ng guho, pagkasira ng gusalli, pagkadurog at pagkawatak-watak ng niyaring istruktura o produkto, mga giba't lansag na gamit at kasangkapan. Sa halip na organikong totalidad ng simbolo, sinalungguhitan ng barokong alegorya ang natigil o nahintong kilos, pinatid o nilagot na proseso. Sa ganitong paraan, lahat ng bagay ay maaring baging senyal o signos sa pagtatambad ng puwang sa gitna ng gulong ng kasaysayan kung saan ang mapanuring isip ay makasisingit upang pasabugin ang status quo, ang normal na kaayusan at paulit-ulit na takbo ng mga pangyayaring ginagabayan ng imperyalistang kapital (Roberts 1983; Adorno 1967). Nakakintal dito ang rebolusyonaryong ganyak ng alegorikong istratehiya sa panulaan ni Batute.
Sa perspektibang ito, ang minanang mga ideya, saloobin, damdamin at nais mula sa piyudal-Kristyanong orden ay pinagdurug-durog sa samot-saring bahagi upang piliin ang ilang paksang-diwa at imahen na magagamit sa istruktura ng bagong alegorikong padron. Halimbawa, ang krus, organo at orasyon ay itinahi sa isang habing magusot upang magsaad ng artipisyal na kaisahan ng paysaheng naiguhit. Sa ganitong analisis, ang artipisyal na pagsudlong ng pagsuyong isinumpa at halamang tumanda ay demonstrasyon ng alegorikong proseso ng pananalinghaga.
Ang magulong impresyong napansin ay epekto ng biglang pag-iba ng punong-kahoy; hindi tumanda ang punong-kahoy sa paglipas ng panahon kundi pilit na pinaluoy at pinatay--tulad ng pagputol sa himagsikan sa paglusob ng imperyalistang Amerikano at pag-agaw sa tagumpay ng Republika laban sa kolonyolistang Espanyol. Sa di-umano'y mapayapang "Filipinization" pagkasupil sa kampon ni Sakay, nailunsad ang Philippine Assembly noong 1907, ang Harrison-Wilson palisi noong 1912 at Jones Law noong 1916 (na nakaagnas sa memorya ng marahas na paglupig sa bayan) at sunud-sunod na Misyong Pang-independensiya mula 1920 hanggang 1932. Nang mamatay si Batute, handa nang ipasa ang Hare Hawes Cutting Act na magtatakda ng ganap na kasarinlan, isa pang hakbang upang mabura ang kilabot ng pagkitil sa 1.4 milyong Pilipinong tumutol sa parusang iginiit ng Estados Unidos sa Pilipinas (Agoncillo 1967; Pomeroy 1992) .
Ang nasagkaang daloy ng kasaysayan at pagsungaw ng biyak o agwat (mula 1896 hanggang 1931 kung saan inaresto ang 400 kasapi sa Unang Kongreso ng Partido Komunista ng Pilipinas) sa Maynila, sa taya ko, ang pinakamasidhing motibasyon ng mga tula ni Batute, sa pangkahalatang turing. Walang pasubali iyon sa mga tulang parangal sa mga bayani (Rizal, Plaridel, Luna, Balagtas) at sa kanyang ina. Ang maternal o matriyarkal na paksang-diwa ay hiram sa mitolohiya ng Simbahan at naging palasak na ikonograpiya sa korido, pasyon, pinta, iskultura at arkitektura sa tatlong dantaon ng kolonyalismong Espanyol. Hinalaw ni Batute iyon, pati na ang ideolohiyang makinarya ng "courtly love" o maginoong palasintahan (sa wastong kataga, marangal na pakikiapid o tangkang pangangalunya) ng mga kortesano sa Europa (na may ugat sa kabihasnang Arabo). Dinamikong makinarya ito sa lahat ng mga tula sa babaing pinipintuho, sa tambalang epiko-alamat ng "Gloria," at sa "Ang Pagbabalik."
Agunyas sa Gubat ng Lungsod
Isang parentetikal na palaisipan ang nais kong ibulaga rito. Hindi bulag na alagad ng tradisyon o ng kulto ng romantikong palasintahan sa Batute na sanay sa negosyo ng balagtasan, peryodismo at politika (naging kasapi siya sa partido Nacionalista). Itinala na nagtanan sila ni Asuncion Lakdan noong 1918, bisperas ng Oktubreng rebolusyon sa Rusya, at bago siya natapos ng abogasya noong 1920. Dalawang taon na ang operasyon ng Philippine Assembly na itinakda ng 1916 Jones Law. Nalathala ang unang tula niya, "Pangungulila," sa Ang Mithi noong 1912 o 1913, nang siya'y estudyante pa sa Liceo de Manila. Pinagkapuri niya ang sagisag na "Makata ng Pag-ibig" sa isang halalan ng Ang Mithi noong 1916 (De Jesus, 1979, xviii). Dapat salungguhitan na ang pagpapasinaya ng balagtasan ay nangyari sa bulwagan ng Instituto de Mujeres noong Abril 6, 1924 (Agoncillo 1970, 239), lugar ng masikhay na pagbabandila ng dangal at birtud ng malayang kababaihang tumatalunton sa nahawang landas ng mga kababaing sa Malolos na pinukaw ni Rizal noong Pebrero 22, 1889.
Mababanggit pa ang pagkapanalo niya sa balagtasan sa Olympic Stadium noong Oktubre 18, 1925 laban kay Florentino Collantes, naging "Hari ng Balagtasan" si Batute. Ngunit hindi pa nasiyahan. Sumunod ang eskandalong malaki nang magkasabwat niya si "Bituin," isang kasintahang guro, na magtungong Hong Kong, noong Marso 1926 at pagkatapos ng dalawang buwan ng liwaliw at balisa, bumalik sa pamilya at humingi ng tawad sa asawa (Almario 1984, 23-25; Nemenzo 1993). Napagpaliban ang pagkariwara ng punong-kahoy.
Kaalinsabay ang masiglang pag-unlad ng organisasyong mapagpalaya. Samantala, noong 1924, lumago ang Kalipunang Pambansa sa mga Magbubukid sa Pilipinas na sumanib sa Partido Obrero de Filipinas, habang kumukulo ang aklasan ng mga pesanteng pinalayas sa kanilang sinasakang lupain sa Rizal, Laguna at Bataan. Nagawa rin ang Thompson Report noong 1926 na idineklara na hindi pa panahon upang mabigyan ng kasarinlan ang Pilipinas (Agoncillo & Alfonso 1967, 376). Dapat ding itala rito na ang pinakaunang unyon naitayo sa Pilipinas noong Hunyo 1901 ay ang Union de Impresores sa loob ng pabrika ng Manila Times, pag-aari ng Amerikano; nakasama ang mga impresores sa Union Obrera Democratica noong 1902 (pinamunuan ni Isabelo de los Reyes) nang lumawak ito (Guevarra 1992). Walang alinlangang malaki't malalim ang impluwensiya ng mga kasapi ng unyon sa Taliba sa mga peryodista doon, kabilang na si Batute.
Sa gitna ng bumubukong krisis sa magkabila-kabila, di nabahala ang makata. Ang determinasyon ng kortesano ay di masasagkaan. Administrasyon ni Leonard Wood pa noon kung saan nagbitaw ng posisyon ang lahat ng miyiembro ng Gabinete bilang protesta sa kalabisang abuso ni Wood. Kinasaksihan din noon ang mobilisasyon ng libu-libong pesante sa Nueva Ecija sa pamununo ni Pedro Kabola. Di pa natapos ang tatlong taon, bumagsak ang Wall Street at gumuho ang inakalang katatagan at higit na kagalingan ng monopolyo kapital. Nahihinog na ang binhi ng Tayug at Sakdalistang kilusan pagkatapos bumalik ang magkasintahan sa Maynila hanggang pagkamatay ni Batute noong Mayo 26, 1932.
Walang Destinasyong Balikbayan
Mapagmumuni na ang "Ang Pagbabalik," na kahawig ng unibersal na topoi sa literaturang pandaigdigan, ay antiklimatikong ensayo para sa eskandalo ng 1926. Marahuyong sinuri ni Almario ang porma nito sa isang mahabang kabanata ng Pag-unawa sa Ating Pagtula. Makulit na pagbusisi sa prosodya, sa pagsasalansan ng parirala, taludtod at tugma ang naisakatuparan ni Almario; tiyak na makatutulong ito sa pagbalangkas ng iba't ibang interpretasyon ayon sa nagbabagong lagay ng kritiko at mambabasa sa hinaharap. Sapantaha kong pinili ni Almario ang makahulugang Griyegong mitong basehan ng "Antaeus Syndrome" upang lumihis sa Kristiyanong kuwadro ng ikonograpiya, ngunit ang pagkakaibang ito'y hindi naitalakay sa akda.
Maaalala na minsa'y pinuwing si Marx dahil kaipala'y lumabag siya sa kanyang batas ng pagsulong: ang alindog ng sining ng mga Griyego at kahigtan nito sa burgesyang sining ay di angkop sa primitibong puwersa ng produksiyon noon. Ngunit ang kabalintunaang ito'y matagal nang naipaliwanag ni Max Raphael (1933) at iba pang iskolar. Nagkaroon ng di-pagkakatugma dahil ang mga paniniwalang namamagitan sa istruktura ng sining, ang mitolohiya sa epiko ni Homer, ay may relatibong autonomiya sa basehang pang-ekonomiya; at hindi mekanikal ang relasyon ng ideolohiya at saligang materyal. Gayundin ang masasabi tungkol sa agwat ng mga himutok at kabalintunaan sa tula ni Batute at ang materyal na kondisyon ng kanyang buhay sa isang tiyak na yugto ng kasaysayan. Samaktwid, diyalektikal din ang relasyon ng praktikang pang-ideolohiya at saligang pang-ekonomya, at hindi maisasaklob ang interaksyon ng mga ito lahat sa isang absolutong batas o pormula.
Ang eskandalo ng 1926 ay muhong palatandaan ng liku-liko, tigib ng parikala at kontradiksiyon, ang ugnayan ng sining at realidad. Totoo ngang di makaalpas ang ibon sa hawla ng ugali at tradisyon, bagamat mapusok ang mapanghimagsik na dibdib at utak. Walang sintesis o rekonsilyasyon o sinkretikong kasunduang matatagpuan. Magagagap lamang ang kasalimuotang ito sa paglapat ng oryentasyong materyalismong diyalektikal at sa pagtanggap na hindi ganap ang estetikong pagtimbang ng walang etikal-politikal na pagpapasiya ang kritiko upang madulutan ng panibagong buhay, ng resureksiyon, ang ibinaong lakas ng akda. Ano nga ba ang responsibilidad ng kritiko sa makata, sa bayan at sa sangkatauhan sa mapanganib na krisis ng buong planeta?
Sa harap ng kontekstong historikal-biograpikal, iginiit ni Almario na ang tula ay hindi tulad ng "Ang Kuwago" na may palasak na Gotikong atmospera: "Muli, ibig kong ipanukala, na higit na interesado si J.C. de Jesus sa kaganapan ng programang pang-estetika ng kaniyang tula kaysa maglirip sa sosyo-sikolohikong dimension ng siklong pag-alis/pagbabalik. Higit siyang preokupado sa pagsasadula sa alindog ng alingawngaw, sa salimuot na pormalista ng "ulit-ulit na pagbabalik" kaysa pag-igpaw lamang sa arketipo ng mga sawing mangingibig/bayani nina Balagtas at Rizal" (2006, 279). May pasaring at parunggit ito sa mga lumilihis sa kaniyang linyang panglinggwistika.
Nakatayo at Nakahiga
Sundan natin ang panuto ni Roman Jakobson (1987) na ginamit ni Almario. Kung tutuusin, ang padron ni Batute sa paglikha ng tula ay sumusunod sa paglinang sa paradigmatic axis ng wika, ang papapalit-palit ng salitang may kaparehong epekto na pormula sa metapora. Maigi ang demonstrasyon ni Almario sa pagsasalisi ng katagang magkapareho ang tungkulin. Sa kabilang dako, ang paghahabi ng pangungusap ay bunga ng paglinang sa syntagmatic axis
umuugit sa realistikong tulang pasalaysay, halimbawa, "Ang Manok kong Bulik." Sa gayon, ang pag-uulit-ulit ay teknikong paraan ng pagpapatibay ng masagana't mapamaraang kakayahan ng makata sa paglikha ng tayutay at talinghaga. Ngunit di ba ito, sa pormalistikong anggulo, ang natukoy na replikasyon ng porma ng bilihin, ng komoditi-petisismo? Ang pormularyo sa pagyari ng metapora ay nasunod nga. Balintunang kinalabasan kung nais umiwas ng makata sa komersiyanteng pagbibili ng kanyang dunong sa peryodikong pinagsisilbihan, ang institusyon ng salapi at sinasambang pag-aari. Sa kabilang dako, resulta ito na sa guho ng piyudal ng kosmos ng simbahan at kolonyalismo, mga labi ng mitolohiyang Romano-Griyego at asal-maginoo, na hindi matakasan dahil sa ito rin ang hilig at gawi ng madlang tumatangkilik ng kanyang panulaan.
Ang "Antaeus Syndrome" ay isang simbolo ng integrasyon sa historyang linyar at ng hirarkyang sistema ng urian ng mga pangkat sa lipunan. Ngunit humihiyaw ang hubad na katotohanang na hindi nga makababalik ang asawang umalis sa tahanan, na ang paglalakbay ay nauwi sa kabiguan, kaya kailangang tanungin kung bakit? Dahil ba sa batas ng kalikasan, o sa tadhana ng Maykapal?
Kung Diyos ang patnubay, may parikalang banta sa "Ang Bato": "Sa kamay ng Diyos, bato'y binabakbak, /Ang kisap ng mundo nama'y nagagasgas." O dahil sa karupukan ng budhi o kamangmangan? Anumang mahahagilap na sagot, di maitatawa na ang penomenolohiya ng pagputol, pagkalagot, paghinto o pagpaliban ng kaganapan, ang umaakit sa ating kuro-kuro. Pagputol, pagpatid, paghinto--ito ang tematikong motibasyon sa tula, katugma ng pangkasaysayang pagsira sa Republika at pagtigil sa pagsulong rebolusyonaryong sambayanan. Sa semiotika ni C.S. Peirce, ito ang pinakahuli't lohikal na Interpretant na bunga ng pag-uugnay ng triyadikong elemento ng senyal, obheto/pangyayari, at nagsusudlong na diwa ng Interpretant (Peirce 1991).
Sintomas ng kasagutan ang pagtatanghal ng lumbay sa wakas ng "Ang Pagbabalik." May ani, bunga at pag-asang dala ang naglakbay, ngunit sino ang lalasap ng ligaya doon? Napalis ang tatanggap, hungkag ang lugar ng taong hahandugan. Anong hantungan-kamatayan o malawig na tagulaylay sa balagtasan? Maimumungkahi rito: kailangang magbanyuhay ang protagonista, kailangang isagawa ang unang hakbang sa resureksiyon, sa muling pagsilang. Sambit ng naglakbay: "Oo, hindi magluluwat." May himatong ng alternatibong ruta ng pagbabalik sa dalawang lugar na tinutukoy dito: "Ako'y nag-araro, naglinang, nagtanim,/Nang magdi-Disyembre, tanim sa kaingin / ay ginapas ko na't sa irog dadalhin." Bakit sa kaingin? Walang tatanggap ng bunga ng pagod; nabitin ang tangka. Ito ang nakatatawag-pansin. Sa pagdating sa Ngayon o Kasaluyan, di na kailangan ang gunita, sapagkat sumulpot ang pagkakataon ng pagpapasiya't pagkilos. Naputol ang siklo ng mitolohiya, ang paggulong ng watak-watak na datos at danas; sumalisi ang saglit na dapat sunggaban. Natambad ang patlang, puwang, agwat para makapasok ang interbensiyon ng makata at mga kapanalig. Ang etikal at politikal na interbensiyon ang kailangan upang mapalitan ang dominasyon ng walang-pagbabagong sistema ng pakikipamuhay.
Patalastas ng "Ang Buhay ng Tao": "subalit kung di ka babago ng kilos,/sa hinukayan mo'y doon mahuhulog." Pagpanaw ng kagandahan, haharap tayo sa katotohanan: "Sa Tabor ay walang tuhod na di gasgas, / sa Glorya, anghel ma'y may sira ring pakpak" ("Marupok"). Naidiin na natin na ang alegorikong pamamaraan ay prinsipyong istruktural ng sining ni Batute. Bawat artipak ay walang kaganapan o kabuuan, nangangailangan ng kritikong magkukumpleto dito. Walang tiyak na pagpapantay ng konsepto at imahen.
Kahit sa naratibo ng "Ang Manok kong Bulik," ang alegorya ay hindi nakalagak sa "Diwa" na ikinabit sa huli, kundi sa pagkamangha at pagkagulat sa aksyon ng manok: "biro baga itong wala namang sugat / ay siyang tumakbo nang wala sa oras!" Wala sa loob ang gabay ng tadhana kundi sa labas, sa materyal na sitwasyon ng buhay. "Mamatay ng gutom o kaya'y magnakaw." Maiisip na ang balagtasan ay wangis sabungan, nilangkapan ng huego de-prenda, koronasyon at lamayan. Nakalakip dito ang mensaheng magpapasabog sa status quo: ang panganib sa krisis ng komunidad ay nagbababala na dumating na ang pagkakataong makaalpas, makahulagpos, tungo sa kaligtasan at panibagong-buhay.
Maipagninilay kung gayon na ang makatuturang pananagutan ng kritiko ang pagtatasa sa buod ng tula upang mahukay ang materyalidad ng wika doon, laging gumagalaw at kumikilos. Mahihinuha na inip na ang makata, siya na ang gaganap noon. Kaya sa "Pakikidigma" at "Pakpak," laluna sa "Malikmata," tuwirang naging guro at patnubay ang makata, nagpapayo na huwag madaya ng mahika ng bagay-bagay at penomena sa sigalot ng buhay. Kailangan ang talino, danas, at pagpapasiya sa tulong ng diyalektikang kabatiran at praktika.
Pagliripin ang tawag ni Batute: "Ikaw'y makidigma sa laot ng buhay/At walang bayaning nasindak sa laban;/Kung saan ka lalong mayrong kahinaan,/ Doon mo dukutin ang iyong tagumpay" ("Pakikidigma") at: "Hali-halili lang ang anyo ng bagay/At hali-halili ang tingkad ng kulay/Kay rami ng ating inapi't utusang/Sa paghihiganti--bukas sila naman" ("Malikmata"; Lumbera and Lumbera 1982, 215-217).
Multo o Maskara ng Proletaryadong Memorya
Sa wakas, hindi iyon ang pagpipiliang sitwasyong inalok ng sirkuntansiya sa buhay ni Batute. Tubo sa mariwasang pamilya, produkto ng sopistikadong edukasyon, at kupkop ng malingap at dalubhasang mga kapanalig sa "Ilaw at Panitik" at maraming pangasiwaan ng peryodiko't babasahin, pati na ang studio ng "Oriental Blood" kung saan gumanap siya ng papel (kasama si Atang de la Rama at Carmen Rosales) at nagkasakit, ang dilema ni Batute ay problema ng lahat ng organikong intelektuwal sa dating kolonya at ngayo'y neokolonya. Sa pagitan ng mga pesanteng rebelde sa Kolorum at mga sektang relihyoso, at burokratang kumprador at may-lupa, hininirang ni Batute na pumagitna sa larang ng nagdaralitang masa. Kapalaran iyon ng organikong intelektuwal ng bayan sa panahon ng kasukdulang krisis.
Bihasa sa pagbigkas, ang luwalhati't kaganapan ng kanyang talino ay natagpuan sa pakikisalamuha sa masa at paggamit ng kanyang tinig. Nasa pagitan pa si Batute ng sitwasyon nina Balagtas at nina Plaridel at Jaena; nakaungos sa proletaryo't pesanteng uri ngunit sabik na makitang may nakikinig at sumusuyo sa kanya (gumanap ang makata ng papel ng paralumang pinipintuho, ng mutyang ipinasasamo), si Batute ay alternatibong babae/lalaki, aktibo at pasibo. Tunay na si Batute ay produkto ng transisyonal na yugto sa ating kasaysayan--ang "Filipinization" na balat-kayo ng puspusang Amerikanisasyon na tinutugon ng di-masawant insureksiyon ng taumbayan.
Sa guho ng Simbahan at kolonyalistang kabihasnan, napulot ni Batute ang mitolohiya ng pagpuri sa dinadakilang Musa/Ina at ritwal ng kamatayan at muling pagkabuhay. Inilangkap ang buto't kalansay ng piyudal na ideolohiya sa Amerikanong doktrina ng indibidwalismo at "malayang pamilihan," ang manlalakbay at mangingibig, batbat ng kasalanan ngunit may tapang at dunong sa paglikha ng bagong proyekto, bagong kaayusan.
Samakatwid, hindi lang makata ng puso si Batute kundi makata ng anti-imperyalismo (naimuwestra na ito ni Atienza) at pakikibaka. Mas handa na siya kaysa kay Amado Hernandez na sumali sa kilusang mapagpalaya ng mga unyon at ng PKP--sulyapan ang mga tulang "Manggagawa," "Imperyalismo," "Black and White," "Ang Martilyo," atbp. At kung nagkaganoon, tuwirang makasasalok siya ng materyales mula sa kaban ng radikal na kaalaman at siyentipikong praktikang naisakatuparan sa Rebolusyong Bolshevik sa Rusya nang siya'y pumapasok sa Liceo de Manila (circa 1916) at bago nagtamo ng Bachiller de Leyes noong 1920 (taon din ito ng paglilimbag ng unang koleksiyon ng mga tula, Mga Dahong Ginto).
Sa maraming sangandaan ng ating kasaysayan, hindi lubos na naisanib si Batute sa daluyong ng proletaryadong masa. May pinag-aralan siya, tanyag sa pagsulat at pagbigkas--pambihirang talino at galing. Nakiramay siya, saksi ang sinkretikong alegorya ng kanyang panulaan: tumatangis habang itinataas ang kamao, lumuluha habang nagpupuyos ang galit sa dibdib. Gayunpaman, sa kabila ng mga limitasyon at kakulangan, naghunos ang alegorikong metodong minana, sintomas ng kawalan ng armonya o integrasyon ng mapanlikhang haraya at sitwasyong panlipunan, at napanday ang estilong "romantiko" at satiriko ni Batute, lakip ang etikal-politikal na pakikisangkot sa lipunan. Ang panitik ni Batute ay isang ulirang halimbawa ng matagumpay na pag-ugnay ng teorya at praktika sa kanyang panahon. Ito ay di-matutumbasang hiyas ng lahi na karapat-dapat arugain, suriin, pagyamanin at tularan ng lahat ng taong hangad makapag-ambag sa pakikibaka tungo sa liberasyon ng sangkatauhan at ng kalikasan mula sa dahas ng imperyalistikong barbarismo.
SANGGUNIAN
Abueg, Efren. "Ang Kasaysayan ng Panulaang Tagalog." Parnasong Tagalog ni A.G. Abadilla. Maynila: MCS Enterprises Inc., 1973.
Agoncillo, Teodoro. "Pasulyap na Tingin sa Panitikang Tagalog 1900-1950." Philippine Studies, 18.2 (April 1970): 229-251.
Agoncillo, Teodor and Oscar Alfonso. History of the Filipino People. Quezon City: Malaya Books, 1967.
Almario, Virgilio. "Ang Romantikong Imahinasyon ni Jose Corazon de Jesus," Philippine Studies, 18.2 (April 1970): 299-322.
-----. "Ang Makata, Masa, at Rebolusyong Pampanulaan," Surian ng Wikibng Pambansa, Lathala 34-02 (Pebrero 1971): 11-22.
------. 'Laki sa Luha: Isang Edukasyong Sentimental." Nasa sa Kritisismo, inedit ni Soledad S. Reyes. Manila: Anvil Publishing Co., 1992.
Adorno, Theodore. Prisms. London: Neville Spearman, 1967.
-----. Ang Makata sa Panahon ng Makina. Quezon City: University of the Philippines Press, 1972.
----. Pag-unawa Sa Ating Pagtula. MetroManila: Anvil Publishing, 2006.
Atienza, Monico. "Introduksiyon." Bayan Ko: Mga Tula ng Pakikisangkot ni Jose Corazon de Jesus. Quezon City: College of Arts and Letters Publication Office, University of the Philippines, 1995.
Balmaseda, Julian C. Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog. Maynila:Surian ng Wikang Pambansa, 1974.
Benjamin, Walter. The Origin of German Tragic Drama. London: Methuen, 1977.
Constantino, Renato. The Philippines: A Past Revisited. Quezon City: Tala Publishing Services, 1975.
De Jesus, Jose Corazon. "Talambuhay ng Kanyang Sarili." Nasa sa Halimuyak, inedit ni Antonio Valeriano. Malolos: Reyvil Bulakena Publishing Corp., 1979.
De Jesus, Jose Corazon. Mga Tulang Ginto. Manila: McCullough Printing Co., 1958.
Debord, Guy. Society of the Spectacle. Detroit: Black and Red, 1977.
Eagleton, Terry. Ideology of the Aesthetic. London: Basil Blackwell, 1990.
Finkelstein, Sidney. Sense and Nonsense of McLuhan. New York: International Publishers, 1968.
Frye, Northrop. A Study of English Romanticism. New York: Random House, 1968.
Gener, Teodoro. "Kaunti ukol kay Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute)." Nasa sa Mga Tulang Ginto ni Jose Corazon de Jesus. Manila: McCullough Printing Co., 1958.
Gramsci, Antonio. Selections from the Prison Notebooks. New York: International Publishers, 1971.
Guevarra, Dante G. Unyonismo sa Pilipinas. Maynila: Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, 1992.
Jakobson, Roman. Language in Literature. Cambridge, MA: Harvard University Press, 1987.
Jameson, Fredric. Marxism and Form. Princeton: Princeton University Press, 1971.
Lumbera, Bienvenido. Abot-Tanaw: Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan. Quezon City: Linangan ng Kamalayang Makabansa, 1987.
Lumbera, Bienvenido & Cynthia Nograles Lumbera. Philippine Literature: A History and Anthology. Manila: National Book Store, 1982.
Medina, B.S. Jr. Tatlong Panahon ng Panitikan. Mandaluyong, Rizal: National Bookstore, 1972.
Nemenzo, Gemma. "The Poet and the Women He Loved." Filipinas Magazine (February 1993). <http://positivelyfilipino.com/magazine/2013/2/the-poet-and-the-women-he-loved/>
Ong, Walter. Orality and Literacy: The Technologizing of the Word. New York: Methuen 1982.
Peirce, Charles Sanders. Peirce on Signs. Chapel Hill: University of North Carolina Press, 1991.
Pomeroy, William. The Philippines: Colonialism, Collaboration and Resistance!
Quezon City: International Publishers, 1992.
Raphael, Max. Proudhon Marx Picasso. London: Lawrence and Wishart, 1933.
Roberts, Julian. Walter Benjamin. Atlantic Highlands: Humanities Press, 1983.
San Juan, E. Ang Sining ng Tula. Quezon City: Alemars-Phoenix, 1975..
Tolentino, Delfin Jr., patnugot. Gumising Ka, Aking Bayan: Mga Piling Tula ni Benigno Ramos. Quezon City: Ateneo University Press.
Valeriano, Antonio B. Halimuyak: Katipunan ng Mga Piling Tula ni Jose Corazan de Jesus. Malolos: Reyvil Bulakena Publishing Corp., 1979.
Zafra, Galileo. "Ang Dalumat ng Katwiran sa Balagtasan." Nasa sa Kilates, ed. Rosario torres-Yu. Quezon City: University of the Philippines Press, 2006.
_____________
No comments:
Post a Comment