Thursday, January 03, 2019

PINAGLAHUAN--Metakomentaryo sa Nobela ni Faustino Aguilar



OLIGARKIYA NG KUMPRADOR-PATRIYARKONG PIYUDALISMO  AT SIMBOLIKONG TRANSPORMASYON NG DIWA SA ILALIM NG  IMPERYALISMONG AMERIKANO

Mapagpalayang Sipat sa Nobelang PINAGLAHUAN ni Faustino Aguilar

ni E. SAN JUAN, Jr.



Men make their own history, but they do not make it just as they please; they do not make it under circumstances chosen by themselves, but under circumstances directly encountered, given and transmitted from the past.  The tradition of all the dead generations weighs like a nightmare on the brain of the living.
—Karl Marx, “The Eighteenth Bumaire,” Selected Works (94)

May mga [nbelang] natapos sa pagiging balutan sa tindahan ng Intsik, …sa mga tindahan ng magluluma, pagkat doon, kasama ng mga luma at kalawanging putol-putol na bakal, kahalo ng mga tornilyo at pako, ay may ilang salin ng mga nobelang ipinagbili na ng mga limbagan nang patapon pang huwag makasikip sa kanilang kinalalagyan… Pinakamataan nang kapalaran…ang maging bantay sa mga pinto ng simbahan kung may pagdiriwang na pintakasi, nangakalagay sa isang bilao na kung minsa’y kasama ng mga kalmen, at kuwintas, o ng kandila kaya, tainga, mata o katawang buo naman ng tao na yari sa pagkit… Ipinagtatapat kong kasama akona matagal-tagal ding naging bantay sa mga pinto ng simbahan, lalo pa sa Antipolo kung idinaraos doon ang sunod-sunod na pagsisiyam.
—-Faustino Aguilar, “Ang Nobelang Tagalog” (237)

      Bagama’t itinuturing na isang matipunong haligi ng panitikang 
Tagalog ang nobelistang Faustino Aguilar (1882-1955), pambihirang makatagpo ng anumang pagsusuring makabuluhan tungkol sa akda at sa manunulat. Bukod sa puna ni Soledad Reyes sa kanyang Nobelang Tagalog 1905-1975, at ilang sanaysay, wala pang malalim at masinop na interpretasyon at pagkilatis sa nobela sa perspektibo ng kasalukuyang problema ng lipunan at sa isang historiko-materyalismong pananaw.  Sisikapin dito ang maglahad ng isang banghay ng diyalektikang lapit sa estruktura at estilo ng likhang-sining na, bukod sa Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos at Madaling-Araw (1909) ni Inigo Ed. Regalado, ay maitatanging pinakamasining na paglalarawan ng sambayanan sa mapagpasiyang panahon ng transisyon mula sa kolonyaismong Espanyol tungo sa kolonyalismong Amerikano (Panganiban & Panganiban 204). 

Bagamat ipinalimbag muli ng Ateneo U Press ang nobela noong 1986, mahigit 32 taon na ang nakalipas, mahirap makitaan ito sa mga teksbuk ngayon. Sa dalawang antolohiyang gamit sa paaralan, tig-iisang kabanata ng nobela ang sinipi: Kabanata XX sa Tatlong Panahon ng Panitikan na inedit ni B.S. Medina Jr., at Kabanata VI sa Philipine Literature: A History and Anthology na pinamatnagutan nina Bienvenido Lumbera & Cynthia Lumbera. Sa pakiwari ko, bukod sa mga eksena ng pagtatatalik nina Luis at Danding, ang kagipitan ni Luis sa pagawaan, at ang pagkahulog niya sa pakana ni Rojalde, ang pinakasasabikang tagpo ay nakasudlong sa karanasan ni Luis sa bilangguan at panggipuspos ni Rojalde sa anak at asawa.  Nais kong itampok rito ang mga bahaging humihimay sa saloobin ni Rojalde kung nakikihalo siya sa mga kaibigan, at laluna sa problematikong pagkikipagsabwatan niya kay Pedro, isang katulong, na siyang naging tagapamagitan (mediation) sa diyalektika ng labas at loob, ng batas at krimen, sa balangkas ng talambuhay ng komprador at rebelde.

Ang ilang paksang tatalakayin dito ang mga sumusunod: 1) Ang yugto ng kasaysayang plataporma ng mga usapin ng mga tauhan sa nobela; 2) 
Ang politiko-ekonomikong kaayusan ng bansa sa unang dekada ng pananakop ng U.S. sa Pilipinas; 3) ang suliranin kung bakit si Rojalde ang pinakatampok na tauhan sa nobelang pumapanig sa mga anak-dalita; 4) ang tanong kung bakit sinakripisyo si Luis na dapat dakilain sa kanyang pagtatanggol sa humanistikong prinsipyo ng Kaliwanagan na inspirasyon ng rebolusyong 1989; 5) ang problema kung ano ang pahiwatig ng pagkamatay ni Luis, paghihingalo ni Danding, at malagim na klima ng dalumat sa wakas ng nobela? Isusuma sa wakas ang ilang hinuhang sagot sa mga paksang ito.

Pasakalye

Sa palagay ko, ang Pinaglahuan ang susi sa pagkabatid kung paano malulutas ang krisis ng neokolonyang orden. Sa pagkagapi nito sa bisa ng ideolohiyang kapitalistang ibinunsod ng lakas sandatahan ng imperyalismong U.S., hindi napawi ang ugali’t kaisipang piyudal at reaksyonaryo. Bagkus nasuhayan at napasigla iyon sa tulong ng mistipikasyon ng salapi, sa petisismong umiinog sa pamilihan. Nailipat ang hibong pagtutol sa ambigwidad ng kumprador, si Rojalde, na sagisag ng pangkat nina Osmena-Quezon-Roxas, na mamumuno sa makabayang kilusan tungo sa Komonwelt at Republika ng 1946. Samakatwid, ang nobelang ito’y salamin ng konsepto ng hindi-pantay at magkalangkap na pagsulong (uneven & combined development). Naitugma ang kaayusang piyudal na minana sa kolonyalismong Espanyol at sistemang komersiyal-industriyal ng monopolyo-kapitalismong Estadong sumakop sa isla. Napagtambal ang kasikismo’t awtoritaryanismong hango sa mahigit tatlong siglong paghahari ng Simbahan at monarkya, at ang burgesyang pagtingin sa bawa’t tao bilang may-ari ng lakas-paggawang mabibili.  Awtoritaryanismong patriyarkal laban sa inbidwalistikong may-ari ng tubo/kasangkapan sa produksyon—ito ang pangunahing kontradiksyong hinarap ni Aguilar sa kanyang nobela.

Kaugnay nito, maisasambit dito ang ilang importanteng temang pahapyaw na iimbestigahin: ang komodipikasyon ng ordinaryong pakikipagkapwa sa lipunan, ang sitwasyon ng pamilyang tradisyonal, ang kalagayan ng petiburgesyang mamamayan (tulad ni Luis Gat-Buhay), ang papel ng komprador o usurero (Rojalde), ang katungkulan ng Estado’t hukom kaakibat ng institusyon ng bilangguan, ang lungsod bilang arena o espasyo ng tunggalian ng uri versus nayon/kalikasan. Bukod dito, sisiyasatin ang ilang metapora o talinghagang nagpapahiwatig ng pagkilos at paggalaw ng iba’t ibang puwersang nagtatagisan, mga elementong magkakasalungat ngunit bumubuo ng isang sistemang maibabansagang kongkretong unibersal—ang likhang-sining mismo na nagbubuklod sa magkakaiba’t naghihiwalay na salik ng lipunan at yugto ng kasaysayan. Susubukan kung maghuhuli natin ang determinadong negasyon (determinate negation) na siyang magbubukas ng masalimuot ng kontradiksyon ng sosyedad sibil—ang Pilipinas sa epoka ng mabangis na paghahari ng Estados Unidos at monopolyo-kapitalismo sa bawat buhay ng Filipino.

Anggulo ng Interpretasyon

Ang metodong tradisyonal na kinagawian sa pagtuturo ay didaktikong pagkilates. Ayon kay Medina, si Aguilar ay “tagatampok na kabaitan.” Matatas at matahas sa pananagalog at matalas sa pagpuna sa kalakaran, si Aguilar ay “matibay na luminang sa tradisyong radikal, na tumututol sa di-pagkaunlad ng isip at kabuhayan ng bayan….Si Aguilar ay hindi nangiming maging tagalahad ng katotohanan at tagamungkahi ng kalutasan—sa mga aral na rin nga—sa mga sulilraning kinakaharap ng tao…nalangkapan ng damdaming binuhay ng paksang pagdurusa ng kaluluwa, na totoong nasinag sa nobelang Pinaglahuan” (269). Sa pagdukal sa problemang sosyo-politikal, nalinang niya ang tradisyong mapanuligsa’t mapagtutol sa mga kabulaanan, korapsyon at kasamaang umiiral. Ito ang aral na mapupulot sa pagbasa sa teksto ng nobela.

May katwiran ang pedagohikal na oryentasyong ito sa mismong opinyon ni Aguilar. Sabi niya sa lekturang binigkas noong Enero 1949 na ang nobela “ay dapat na maging sagisag ng kabaitan.  Sinasagot ng kumakatha ng nobela ang pagkatanim sa isip ng mambabasa ng mga aral na kaniyang ipinunla” (236)  Gagad ito sa antigong turo nina Horace at mga Romanong kritiko, pati ebanghelyong misyonaryong nagsalin ng pasyon sa Tagalog. Hindi lang luma na ang pagdulog na ito, kundi mapurol at hindi mabisa sa pagbunyag sa lason ng ideolohiyang mapaniil. Mahina itong igpawan ang mistipikasyon ng ugnayang panlipunang kinalapulan ng gayuma ng komoditi at salapi. Paano maibubunyag ang katotohanang nakakubli sa pagkukunwari at kasinungalingan? 

Paglimiin din ang kontra-didaktikong susog ni Aguilar sa lekturang nabanggit na pwedeng gabay sa analisis ng kanyang akda. Mungkahi niyang kailangan ng manunulat hindi lamang “ang malinis na kalooban at mabuting hangad kundi may talino pang maningning na hindi nasisilaw ng takot at maling pagpapakundangan sa mga kagalang-galang at talusaling,” bukod sa mahinahong tapang “sa paglalahad ng katotohanan upang mapalitaw ang katarungan.” Aking sasalungguhitan ang sumusunod na pangungusap niya: “Ang paglalahad ng mga kamalian ay dapat na maliwanag at tumpak sa katotohanan. Kailanma’y hindi dapat mangaral ang kumakatha ng nobela, hindi niya tungkulin ang lumagay sa pulpito, sukat na ang ilahad ang sama upang gisingin sa mga isip at kalooban ang pagnanais na gumawa ng magaling. Hindi kailangan ang gasgas nang pamamaraan na pagpalain ang mabait at parusahan ang masama: sukat ang pagandahin ang kabaitan upang siyang naising tularan, na anupa’t ang isang nobela ay dapat mag-ukilkil sa makababasa ng pagkakabuti” (237). Sa ibang salita, ilarawan o isadula, hindi pagbuburda ng diskursong argumento. 

Realistikong Alegorya

Sa gayon, malinaw na ang artista ay hindi guro o nagsesermong pari.  Hindi sa tuwirang pangagaral, pagdaliri sa ilang moralisadong payo, kundi sa dramatikong paglalahad ang mabisang paraan ng edukasyon. Tingnan, halimbawa, ang mga pangyayari sa Kabanata Vi. 

Ang punto-de-bista ni Luis, kaakibat ng bisyon ng nagsasalaysay, ang siyang kumokontrol sa daloy ng naratibo. Napakinggang di-sinasadya ni Luis ang usapan ng pulutong ng mga dukhang nanlilimahid, “mga kulang-palad na nagbibili ng lakas sa balang may ipabuhat, sa sino mang may utos kahit ano: sila ang mga kantanod sa saganang piging ng kapisanan, na sa tinayu-tayong iyo’y naghihintay na mahagisan, huwag na ng buto pagka’t ito’y may lasa kundi ng simi man lamang” (57).  Isa sa kanila’y nagwikang magsasanla siya ng bagay na walang kasinghalaga, ang “aking lakas na sarili, ng mgagawa ng aking mga bisig” na sinagot ng isang kasama: “…sa panahong ito, ang lakas ay walang halaga kung hindi rin lamang kailangan, nariyan ang mga makinang likha ng karunungan, isa pa ring umaapi sa paris nating mga dukha, na siyang kahalili ng lakas ng tao” (59) Kapalit ng lakas-paggawa ng tao ang makina, na mistipikasyon: patay na lakas-paggawa iyon, ngunit hindi batid ng mismong pinagmulan nito. 

          Buhat sa budhi’t  ulirat ni Luis, na isang kawaning may-edukasyon sa tanggapan ng Amerikanong Mr. Kilsberg, ang kaliwanagan ay nakasalig pa rin sa alyenasyon ng diwa, na nailakip sa relihiyon at maling paniniwala. Nagbakasakali si Luis: “At may Diyos, may pananampalataya, at may kapisanang dapat kumandili” (59). Kasabay ng hakang-hakang iyon ang paghabol ng pulis at pagparusa sa isang pulubing tumakbo mula sa isang lugar kung saan hindi siya nagbayad ng kinain sapagkat walang bumili ng kanyang inaalok na lakas. Tugon ng tekas sa babaing humandulong sa kanya: “Hindi ninyo ako pakakainin kung nagsabi ng tapat. Paanong di gayo’y kalakas kung tao? Marahil pa’y itinaboy ninyo nang taboy-hayop, gaya ng pagkataboy sa akin sa mga pintong tinawagan ko upang humingi ng gagawin” (60).

    Mahayap na refutasyon sa sentimyento ni Luis ang nangyaring pagdakip sa tekas, sawing-palad na obrerong makakatagpo niya mulli sa Bilibid sa Kabanata XIX. Nagsalikop ang kanilang kapalaran nang hindi sinasadya, patunay na ang aksidente sa huling pagtutuos ay integral na sangkap sa pagsasakatuparan ng tadhana.

Balangkas ng Digmaan ng mga Uri

Sapantaha ng marami na ang nobela ay umiinog sa pagmamahalan nina Danding at Luis. Tila melodramatikong kasaysayan ng sawimpalad na magkasintahan, isang romansang palasak sa mga sumunod na nobela tulad ng Sampagitang Walang Bango ni Regalado. Totoong nakapupukaw ang pag-iibigan nina Luis at Danding sa Kabanata III, tigib ng umaalimpuyong damdamdamin at pagnanais at simbuyong umaalimbukay. Walang katumbas ang matimyas at matining na kumpisalan at laguyo ng dalawa. Ngunit hindi ito ang nakasentrong aksyon kundi ang mga pakana’t plano ni Rojalde upang makamit ang pag-ibig ni Danding. Magkahalong tagumpay at pagkatalo ang karanasan ni Rojalde.

    Sa adhikaing iyon, lumilitaw na sa simula pa lamang ay paltos na ang balak at di na niya makakamit ang pinakamimithi. Dahil sa patriyarkong awtoridad ni Don Nicanor, at kasakiman ni Nora Titay sa salapi’t alahas, napilitang umayon si Danding. Siya ang komoditi o bagay na ipananakip sa pagkakautang na P10,000 ng ama. Si Rojalde ang bangkero/usurero.  Walang duda, batid ni Rojalde na dinahas lamang ang pagkakasal nila sa tulong ng ina’t amang mapag-imbot. 

       Dalawang pagsubok ang ginawa upang maigupo si Luis, kapwa tuso’t mapaglinlang na hakbang. Sinulsulan si Mr. Kilsberg, ang amo ni Luis, pinatalsik si Luis sa mga kabulaanang ibinigay ni Rojalde—na ang empleyado’y nag-aamuki sa mga kawaning umaklas laban sa maling pamamalakad, na hindi naman buong kasinungalingan. Bahagi imbento, bahagi realidad—ito ang pormularyo ng kumprador-kapitalista. Iyan ang praktika nina Quezon, Osmena, Roxas, Sumulong at iba pang burokrata-kapitalista’t kumprador na humihiling ng biyaya sa U.S. habang ginogoyo at nilalamuyot ang dalumat ng madla.

Dahil mariwasa at maraming taga-hanga, na siyang kultural o simbolikong puhunan niya, mapagkakatiwalaan si Rojalde.  Walang magulang o anumang paliwanag kung saan nanggaling ang kayamanan niya, hindi tulad ni Simoun (sa El Filibusterismo) na may hiwagang bukal ng kapangyarihan. Paano natin maimumungkahi na si Rojalde ang arketipo o alegorikong imahen ng kumprador bilang usurero, na kahawig ng mga nagpapautang sa mga pesante o inkilinong nauubusan ng pambayad kung may sakuna o kamalasan sa pagsasaka?

Parametro ng Kasaysayan

    Saglit balik-tanawin natin ang magulong sosyo-politikong milyu ng mga taong 1899-1907, bago mailathala ang nobela. Sanhi sa superyor na armas at teknolohiya ng Amerika, nagsugpo nito ang armadong oposisyon ng Republika. Bagamat tinanggap na ni  Hen. Emilio Aguinaldo ang soberanya ng Amerika noong Abril 1901, patuloy ang pakikibaka ng rebolusyonaryong hukbo sa Balangiga, Samar, hanggang sumuko si Hen. Vicente Lukban at Hen Miguel Malvar noong 1902. Ipinagpatuloy ito ni Hen. Macario Sakay hanggang mahuli siya’t bitayin noong Setyembre 1907. Mahigpit ang panunupil sa nasyonalistikong kilos ng bayan sa pamamagitan ng Brigandage Act (1902) at Reconcentration Act (1903), kaakibat ng Sedition Law (1902)—ang huli’y nagbawal ng malayang pagpapahayag o anumang isinulat o binigkas na sakdal laban sa gobyerno ng Estados Unidos. 

Gayunpaman, sa gitna ng karahasang ipinataw ng imperyo, nagpatuloy ang matapang na mandudulang sina Juan Abad, Aurelio Tolentino, at Juan Matapang Cruz sa pagbatikos at pagtutol sa paghahari ng kolonyalistang poder (Agoncillo 292-94).  Hindi natakot ang mga peryodista ng El Nuevo Dia, El Renacimiento, Muling Pagsilang—sina Rafael Palma, Jaime de Veyra, Martin Ocampo, Teodoro Kalaw—na ihayag ang korapsyon at kasinungalingan ng burokrasya, laluna ang pang-aabuso ng mga mapagsamantalang cacique at mapaniil na upisyal sa gobyerno, na humantong sa iskandalo ni Dean Worcester sa kasong “Aves de Rapina” ng El Renaciemiento noong 1908. Hindi rin natakot si Aguilar na puntiryahin ang gobyerno (pulis, hukom, Bilibid) at kapitalismong umuugit dito (sa persona ni Mr. Kilsberg, Malakanyang, at sistemang umiiral).

Nang makumpleto’t nailathala ang Pinaglahuan, natalo ng Partido Nacionalista ang mga maka-Amerikanong Federalista sa halalan ng Unang Kapulungang Pilipino o Asamblea noong 1907. Katibayan ito na ang prinsipyong ipinaglaban ni Aguilar nang siya’y kasapi ng Katipunan, at ng Republika, ay masigla’t mapusok sa pagdemanda ng kalayaan at kasarinlan.  Naimpluwensiyahan siya ng mga panitik nina Rizal, Bonifacio, Del Pilar, Mabini, tulad ng mga kabataang politikong lumahok sa mga partidong pinayagan ng administrasyong kolonyal. Nang matapos ang digmaan, nagtrabaho si Aguilar bilang kawani sa adwana at kahero sa Bazar La Union ng Maynila. Naging masugid na peryodista siya sa pahayagang La Patria at Muling Pagsilang noong 1902 (Santos x). Beinte anos na si Aguilar, kahalubilo ng mga pediburgesyang intelektwal mula sa gitnang saray—henerasyong nakapag-aral sa Ateneo at San Juan de Letran at iba pang kolehiyo, tulad nina Pascual Poblete, Cecilio Apostol, Domnador Gomez, at iba pang ilustradong nagtayo ng Partido Nacionalista. Bago rito, lumago rin ang petiburgesyang sumapi sa mga grupong itinaguyod ng Philippine Commission. Pagkapasa ng Philippine Bill of 1902, naglipana ang mga kandidato para sa Asambleang ipinasinaya noong ika-16 Oktubre 1907.

          Bukod sa mga panginoong maylupa, asendero o mayamang kasike, umunlad ang saray na pinagmulan ng uring burokrata-kapitalista at kumprador. Sila ang mga umani ng pribilehiyong nahamig nina Quexon, Osmena, Benito Legarda, at iba pang upisyal na naipunla ng patakarang “Filipinization” ni William Howard Taft.  Ang mga pamilyang karamay ng mga namunong sina Trinidad Pardo de Tavera, Pedro Paterno, Felipe Buencamino, Felipe Calderon, Teodoro Yangco, Gregorio Araneta, Victorino Mapa, at iba pang kasapi sa Federalista, ang naging pugad ng uring kumprador-burokrata, na siyang ugat ng lahi ni Victorino Rojalde at mga kaibigang Balani at Barrientos. Ayon kay Renato Constantino, sa 80 na nahalal na miyembro ng Asamblea, mayroon 48 abugado, 4 mediko, 2 peryodista, 6 propesor, 6 agrikulturista, 2 parmasyotiko, maraming mangangalakal, at malaking bahagda ang mga panginoong maylupa (316).

  Sumulpot na ang henerasyong magbubunga kina Roxas, Quirino, Garcia, Macapagal, Marcos, Macapagal at Aquino. 
Sina Quezon at Osmena ang padrino ng mga parasitikong petiburgesyang rentier na nakasandig sa minanang yaman o mga ari-ariang pinagtutubuan.  Ang napapanahong pangingibaw nito ay akmang-akma sa “Filipinization” na magsisilbing maskara sa kolonyalismong poder, na inihudyat nga sa unang pangyayaring nagbukas sa nobela: ang pag-urong ng may-ari ng dulaang (Teatro Zorilla) ipagamit ang lugar sa makabayang pulutong ay sagisag ng desisyong ipagpaliban ang pakikibaka tungo sa kasarinlan upang harapin ang hamon ng personal na paghahanap-buhay, na sadyang walang tatag, laging tumaas-bumaba, pagulong-gulong, tulad ng mga presyo’t tubo ng produktong inilalako ng mga naglalabang negosyante ng mga korporasyon. Sa patakarang laissez-faire, na ngayo’y neoliberalismong internasyonal, anarkiya ang namamayani—matira ang matibay, ayon sa doktrinang malaganap ng Social-Darwinism.


Anatomya ng Pagkatao ng Kumprador

       Naidiin na ang balangkas ng lipunang nakapaloob sa nobela ay magkahalo o hybrid. Malusog pa ang piyudal na gawi’t ugali sa mga utusan, sota at alila nina Don Nicanor at Rojalde, na tiyak nabahiran ng mga praktikang maharot ng mga pesante’t magbubukid na naggala sa Maynila. Ngunit mabuway na ang relihiyosong pananaw sa mga pamilyang nakikinabang sa salaping kuha sa pag-upa ng bahay, maliit na negosyo, sugal, atbp. Lumalakas ang maka-negosyanteng doktrina ng indibidwalismo, laluna sa mga kasangkot sa komersiyong pangluwas at pag-angkat ng sari-saring produkto. Si Rojalde (bukod kina Barrientos at Balani) ang kumakatawan sa uring komprador, habang si Mr. Kilsberg ang representatibo ng kapitalistang namamahala sa manupaktura.

Hindi maliwanag ang tiyak na pinagtutubuan ni Rojalde liban sa sugal at sa mga paglalakbay sa pinakamasiglang sentro ng komersiyo sa daigdig. Nag-honeymoon sila ni Danding sa Hapon kung saan marahil mayroong kontak na negosyante. Sa pinagawang magareng tsalet sa Santana, pinuno ito ni Rojalde ng mamahaling kasangkapan at kagamitan na magpapatunay na ungos ang kayamanan niya kaysa kay Don Nicanor, na ang bahay ay mistulang monasterio, “alangang simbahan.” Ang mga santo’t santa sa tahanan ng tusong patriyarko ay nagkakaroon ng mala-satirikong kaluluwa, nagkukutya, tumatawa, nakasimangot, kumikindat. Ang idolong luma ng Kristiyanidad ay tinutumbasan o nakikipagpaligsahan sa mga muwebles at palamuti sa makabagong ari-arian ni Rojalde, at sa mga hiyas na regalo niya. Halimbawa ito ng komoditi-petisismong siniyasat ni Marx sa unang kabanata ng obra-maestrang libro, Kapital.

Aywan kung kailangan pang isiwalat muli ang kapangyarihan ng komoditi o produktong itinitinda sa etika’t politika ng kolonyang Pilipinas. Sa paghahari ng burgesya, ang relasyong pantao ay sinalisihan ng relasyon ng mga produktong ipinagbibili, kaya kinukubli nito ang tunay na sitwasyon: ang trabahador na walang pag-aari kundi ang lakas-paggawa, at ang kapitalista/proprietor na may-ari ng kasangkapan na siyang bumibili ng taong walang taglay kundi kanyang lakas-paggawa. Samakatwid, ang puwersang ekonomiko ang nagtatago sa tunay na relasyon ng pagsasamantala, eksplotasyon: hindi kapital (salapi) ang pinagmumulan ng tubo kundi lakas-paggawa. Doon nakaangkla ang reipikasyon at alyenasyong laganap. Ikinukubli ng nakawiwiling tanawin o kapaligirang nakikita’t namamasid sa araw-araw na buhay ang sekreto’t tunay na kabuktutan, inhustisya, malupit na pagsikil at pagkaduhagi ng nakararaming mamayan sa mala-burgesyang lipunan.

Dahil sa hilig sa sugal, na isang paghamon o pakikipaglaro sa Diyosa Fortuna, sa tadhana, nagkautang si Don Nicanor. Walang ibang pag-aaring maipapalit sa utang kundi ang bugtong na anak, na siyang komoditi o pinagbiling produkto ng pamilyang napailalim sa poder ng kumprador.
SI Danding ay naging bagay (sekswal; inang magluluwal ng taga-pagmana ng yaman) na binigyan ng halagang-pampalit (exchange-value), ngunit may halagang-panggamit (use-value) na hindi maangkin ni Rojalde: ang kanyang pag-ibig. Ito’y hindi bagay na maisisilid sa isang kahong-bakal sapagkat ito’y ugnayang panlipunan, relasyong sosyal ng damdamin at kamalayan. Sapagkat hindi mabibili, walang ibang tugon sa suliraning ito kundi panibugho, pagseselos, galit, pagngingitngit, poot,
 pagdaramdam.  Lubhang pinasidhi ang panibugho sa kuwento ni Vagues tungkol sa ugnayan nina Clementina ni Esctillon at Perez na pinakinggan ni Rojalde habang nangyayri ang nakawan sa bahay niya. Isang parabulang mapaghiwatig ng daya at biruang sumisira sa mabuting pagkikipagkapwa-tao. 

Sa pangkalahatan, ang karakter ni Rojalde ay nabalot ng inggit, sama ng loob, hinanakit. Isa lamang ang hantungan nito: higanti laban sa taong kakompitensya, si Luis, pulubing inalis sa trabaho, na umangkin ng puso ng asawang si Danding. Ipakulong man ang pobreng Luis sa sugal ng pag-ibig, dahil sa nakatali pa rin si Rojalde sa piyudal na kostumbreng dapat siguraduhin ang kadalisayan ng dugo ng magmamanang anak, walang kalutasan ang suliranin ng pagiging patriyarkong hindi kontrolado ang buong sitwasyon.Sa diskursong “The Power of Money in Bourgeois Society,” (Manuscripts 165-69), isiniwalat ni Marx ang erotiko’t marahuyong lakas ng salapi na,tulad ng komoditi o produktong tinitinda, ay kumakaway at nanunukso sa mga nais bumili, na tanda ng masahol na salot ng konsumerismo sa burgesyang lipunan. Sa gayon, iisa ang henealohiya ng salapi at katawan ni Danding: kapwa erotikong bagay, ang ibinaon o nawalang bagay na matris ng galak, kasarapan, ligaya, kasukdulang tamis, kaluwalhatian.  


Diyalektika ng Partikular at Unibersal

Nabanggit na ang tagumpay ng unang paghihiganti ni Rojalde nang makapiling niya si Mr. Kilsberg sa isang piging sa Malakanyang, simbolo ng U.S. imperyallismo at ng kakutsabang katutubong alipores. Sa pag-amin pa rin ni Danding na hindi mabibili ni Rojalde ang kanyang pag-ibig, binalak ni Rojalde na suhulan ang dating sota, si Pedro, upang isangkot si Luis sa isang pagnanakaw—lapat na aksyong nagsisiwalat ng pagnakaw ni Rojalde sa kayamanang likha ng di-mabilang na obrero sa mundo. Nasilo sa pagkukunwari ni Pedro at sa makapagkalingang saloobin, nadakip si Luis at nabilanggo sa salang pagnanakaw, na hindi niya maipaglabang kabulaanan.

Ano ang sitwasyon ng uring kumprador sa lipunan?  Masisinag ito sa eksenang nagmumuni-muni si Rojalde habang hinihintay si Pedro sa Kabanata XVI, isang harding nagmistulang libingan (ang Bilibid sa huling bahagi ng nobela ay isang libingan din ng mga biktima ng makapangyarihang pulutong). Nagunita niya ang mga pamahiin tungkol sa duwende, nuno at tikbalang noong kamusmusan niya. Tigib ng pag-aalinlangan na hindi masawata ng salapi, taglay pa ng komersiyante ang imahinasyong makipagdebate sa sarili, sa isang interior monologue:

               “Kung may tikbalang kaya ngayong biglang lumitaw rito,” ang usisa sa sarili ni Rojalde.”Marahil nama’y di mangangahas sa akin; nalalaman na niyang ang musmos na nagpipikit ng mata kahapon, masabi lamang ang tikbalang, ngayo’y isa nang binatang may matitipunong bisig at pangangatawang timbang na timbang na di na niya mabibigla nang gano-ganoon. At kakausapin ko pa siya’t ipagpaparangalan ang sari-saring bunga ng isipan ng tao; ipatatalastas kong ngayo’y nauutusan pati ng lintik, nahahalughog pati kayamanang natatago sa ilalim ng lupa…[P]ati pagsasalitaan ngayo’y nagagawa sa pamamagitan ng kawad,…ang paglalakbay na kasalukuya’y mabilis na mabilis hindi gaya ng dating masagwil at puno pa ng kapanganiban…[Kung may tikbalang na ayaw siyang paraanin]…sapilitang mahihikayat ko…Isa-isa kong paliiwanag sa kanila ang mga kalwagan ng pamumuhay ngayon, ang mga kagalingan at ginhawa sa panahong ito salamat sa walang higlaw na pagsisikap ng puhunan. ‘Ngunit hintay ka muna, Rojalde,’ ang naibulong, ‘ang mga bata’t matatandang gusgusi’y malurit makipag-usap, mausisang totoo at palatanong ng kung anu-anong bagay: kung usisain nila sa iyo kung gaano naman ang ikinasulong ng tao sa pamamahala at pagpapsumunod sa bayan ng mga pamahalaang natatayo at ano ang iyong isasagot? (193-95)

Tiyak na si Rojalde ang tagapamansag ng modernismong dala ng U.S imperyalismo, ng makabagong teknolohiya’t siyentipikong pangangasiwa sa gobyerno’t komersiyo. Ngunit saklot din siya ng duda at walang pagtitiwala sa takbo ng buhay, sa malihim na operasyon ng monopolyo kapitalismo, ng mga nagbubungguang interes ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Masalimuot at magulo ang kalakarang nakabatay sa sirkulasyon ng salapi at produktong inilalako. Hinala rin iyan ni Rojalde, napisil niya ang isasagot ng tikbalang: “pawang paimbabaw lamang ang mga kinang na iyang nagpapaganda sa lahat ng bagay, at mga palamuting ginagamit ng tao upang matakban nang kaunti ang kalagayan niyang busabos pa rin hangga nayon.” Pinag-ukulan ito ng pansin ni Benilda Santos, ang editor ng muling pagkalimbag ng nobela: “Kaagapay ng ganitong pagsusuri ng mapagkunwaring ispirituwalidad, sinuri rin ni Aguilar ang pagdating ng ipinangalandakang pag-unlad na tatak Amerikano…May balatkayo at natatagong pandaraya ang ‘kaunlaran.’ Sa likod ng manipis na modernisasyon ng lungsod, madaling natutukoy ni Aguilar ang mga kupas na pangarap at bigong pag-asa ng mga Pilipino” xviii-xix).
Nakakaakit ang romansa sa nobela—walang masamang babae ritong “may ginintuang puso”— ngunit panglansi o patibong lang iyon. Nakasentro ang naratibo sa suliranin ng kumprador na sa simula’y tila giya o patnubay sa takbo ng mga pangyayari. Hindi pala, malikmata lamang iyon. Sa pusod ni Rojalde nagliliyab ang mga maigting na kontradiksiyong tumatalab sa bawat kilos, salita, damdamin at pangarap ng tauhan sa nobela. Siya ang intersekyon ng digmaan ng mga uri, isang larangan ng pakikihamok ng kolonisadong bayan at imperyalismo, ng piyudalismo at kapitalismo.

Isang aspekto ng diyalektikang pamamaraan ni Aguilar ay matatarok sa usapan nina Rojalde at Pedro. Nabatid ni Rojalde na sa pakikisalamuha ng utusan kay Luis, nagkaroon ng kabatiran at malasakit si Pedro, at ang pagkatuklas na ito ang determinadong negasyon ng pakana ni Rojalde na bilhin ang buong pagkatao ni Pedro. Naging kaibigan siya ni Luis: “Pinakapuri ito, sinabing may magandang puso at saka totoong kaibigan ng mga dukha, walang una-unang kasalanang kinikilala sa mahihirap kundi ang kanilang karalitaang bunga ng masasamang palakad ngayon” (198). Sa bintang na tatalikod siya sa pangako, tumugon si Pedro na hindi na may pasubali: “Ngunit ako’y nangilabot tuwing magugunita ang aking gagawin sa isang mabuting tao na paris ni Luis” (198). Samakatwid, hindi pa lubos naging mabangis na hayup ang utusan. Tumupad si Pedro, nahuli’t napiit sila ni Luis, at sa kalauna’y napatay si Pedro nang magtangkang tumakas sa bilangguan.

Sa paglalagom, ang pagkatao ng kumprador na kumakatawan sa malaking bahagi ng oligarkiyang nasa poder ang pinakamakahulugang ambag ng nobela. Bagamat mababansagang peti-burgesya, hindi ito kahawig ng intelihensiya sa Europa na matipid, may panlasang pilistino’t bulgar o malisyoso (Ossowska 154-82). Wala rin itong hilig na gumagad sa ugali ng nobilidad na magpakatanyag sa isang marangal na pagpupunyagi. Nais ni Rojaldeng maparangalan sa kanyang paghahandog ng piging at pista, sa kanyang pangangaibigan at pag-unlak sa mga kasiyahan, sa pag-angkin sa magandang dalagang si Danding. Sa kabilang dako, walang kapanatagan ang kaniyang buhay, hatak at tulak ng mga along pulitikal at pang-ekonomya. Ito nga ang predikamento ng oligarkiya na naging alipin ng Amerikano, at pagkatapos naging alila ng mga Hapon, at kapagkwa’y bumallik sa pagsunod sa dating amo—estilong kumprador na laging nalalamangan, laging dehado.

Paghahanap sa Bayaning Naglaho

Dumako tayo sa hiwaga kung ano, sino, saan ang pinaglahuan. Panimulang hinuha ko: ang naglaho’y panahon at pagkakataon ng kabayanihan. Maaring ang sambayanan o ilang pamilya’t indibidwal ang pinaglahuan ng lakas, sentido, dangal, atbp., at hindi na nakuhang ipaglaban ang dignidad at sariling puri. Kung matatanggap na pangunang pakay ni Aguilar ang daliriin ang predikamento ng kumprador-burgesiya, na sumasagisag sa personal na kalayaan ninuman na magsumikap maging malusog at maligaya, kundi man mariwasa, ano ang papel na ginanap ni Luis Gat-buhay bukod sa biktima at sawimpalad na kasintahan ni Danding? 

Pinarangalan ni Efren Abueg si Aguilar bilang tagapunla ng semilya ng ideolohiyang sosyalista sa panitikan. Nagpahiwatig ang Pinaglahuan ng pangangailangan ng pagkakaisa ng mga api upang marating ang utopya ng pagkakapantay-pantay. Deklara ni Abueg: “Ngunit ang kanyang kolektibismo ay hindi hatid ng mahinahong pag-iisip, kundi ng sigabo ng naaaping damdamin. [Sinipi ang bulalas ni Luis] “Sapagkat sa ikatatagumpay ng alin mang layon, sa ikabibihis ng katauhang dinudusta, at sa ikapagwawagi ng katwiran laban sa Lakas ay kailangan ang dugo, kailangan ang buhay…luha…at apoy na panunog.  Maggiba muna saka magbuo pagkatapos: nariyan ang tungo ng aking pangarap” (96). Gayunman, hatol ni Abueg na walang malayong pananaw si Aguilar tulad ni Lope K. Santos sa Banaag at Sikat.  Kung tutuusin, mas malayo ang pananaw ni Aguilar dahil sa analisis ng diyalektika ng luma’t bagong kaayusan, ang krisis ng kumprador-burokrata na naipit sa pagitan ng proletaryong naghihimagsik at dekadenteng oligarkong ahente ng U.S> imperyalismo.


Nabanggit na sa unahan ang pasibong tayo ni Luis sa harap ng mga dinuhaging maralita sa lunsod. Bukod sa pag harang sa karwahe ni Don Nicanor sa unang kabanata, at pagbulalas ng simpatiya sa mga pulubi, walang makahulugang aktibidad sa unyonismo ang ipinakita sa nobela. Ipinakita ang masugid na paghahanap ng bagong trabaho pagkatalsik sa kaniya ni Mr. Kilsberg, at pagkaraan, ang pakikihalubilo niya sa mga kasama sa Bilibid. Hindi nahihiwalay si Luis sa mga edukadong ka-henerasyon na dinulutan ng kaunting kaalaman upang magsilbi sa mababang palapag ng burokrasya at pagawaan. Isaisip din natin na ang mga unang liderato ng unyonismo sa Maynila ay sina Isabelo de los Reyes, na nagtatag ng Union de Litografos e Impresores de Filipinas noong Enero 1902, at si Dominador Gomez, abugadong kulaboraytor na tumulong sa pagkasuko ni Macario Sakay. Maski ang maka-kaliwang Crisanto Evangelista, Domingo Ponce, at Cirilo Bognot na nagbuo ng Partido Obrero de Filipinas ay mga alagad ng Partido Nacionalista ni Quezon. Kaugnay sila ng kilusang nasyonalistang hango sa hanay ng progresibong paksyon ng uring kumprador at burokrata-kapitalista.

Kabilang sa tinaguriang intelihensiya, ang mga makabayang aktibistang ito ay kalahi ni Luis na nagkapalad mabilang sa empleyado ng gobyerno. Si Aguilar ay naging kawani sa Tanggapan ng Kalihim Pandigma, at sa Tanggapan ng Kalihim Panloob ng Republika sa Malolos. Pagkatapos ng giyera, naglingkod siya sa mga pahayagan, naging editor ng Taliba (1910-13) at kapagkwa’y nahirang empleyado sa pamahalaan nina Quezon at Osmena. Ang tungkulin ni Luis sa akdang ito ay maging behikulo ng awtor, at personipikasyon ng mga biktima ng sistema. Nagdulot siya ng pagkakataong makasilip tayo sa looban ng Bilibid, ang institusyong simbolo ng paghahati ng lipunan sa api at panginoon, sa mga may pag-aari at sa madlang inalipin at dinusta.  Narito ang lagom ng kanyang karanasan sa bilangguan sa loob ng pitong buwan:

Maraming mga kabuhayang sawi ang kanyang napagdirinig sa loob ng kulungan at ang mga hubad na katotohanang iyon ng kasalanan at pagkabulok ng mga palakad na sinusunod pa ng katauhan ay lalong nagpapalungkot sa kanyang isip, lalong nagpapalamlam sa kulan ng ano mang bagay na kanyang tingnan at suriin.  Isa-isang napaukit sa kanyang puso, tulad sa sadyang inukit sa buhay na bato, ang masasaklap na katotohanang napagdarama sa loob ng Bilibid, at bagaman nakapagtitiis, ay maminsan-minsan ding tumututol sa ngalan ng mga api na walang ibang sala at nagawang kamalian kundi ang kanila lamang pagkamahina (253).

Lubhang litaw ang pasipistang atitudo, ang tiyaga sa pagtitiis, ang minsan-minsang hinaing, at pagpapasasa—himatong nating pagkatuwa sa dalamhati’t pighati ng isang masokistang tao—sa lugaming kalagayan. Isang kandidato sa pagka-Kristo ba si Luis? Hindi maikakailang ang kanyang pagkamakaawa, ang kahandaang dumamay sa kasawian ng iba (tulad ng kaniyang maling pagdamay sa kasawian ni Pedro), ay nakatataba sa puso. Subalit ito’y pagkukulang din, pagkatamad magtanong, bumulatlat, sumiyasat, sumuri sa katiwalian at ipokrisya ng marami. Tumining at tumibay ang paniniwala niya, pagkasaksi sa isang bilanggong nakabitin at pinahihirapan, na “sa bilanggua’ydi naparusahan ang isang pagkakasala o kaya’y napagsisihan ang katampalasang nagawa.”  Ang pagkatao ni Luis ay haraya ng pagpapakasakit, sagisag ng kakayahan ng taong magbata’t magtiis, hindi kakayahang umaklas at maghimagsik.

Pahatid mula sa Sepulkro

Sa wakas ng nobela, pinagtambal ang eksena ng sunog at ang kalunos-lunos na kalagayan ni Danding at kalituhan ni Rojalde. Taglay ang paglinang sa isang propetikong hibong hango sa Bibliya at sa banta ni Simoun sa El Filibusterismo na pasabugin ang sistema upang malinis ang kabulukan, ikinawing ni Aguilar ang pagpuri ni Luis sa sunog na tumutupok sa makasalanang lungsod, at ang panghihinayang at pagkabigo ni Rojalde. Mapanghulang bisyon ang saad ni Luis hinggil sa tumutupok na apoy sa sanlibutan: “Ganyan ang buhawing aking pinapangarap, ang araw ng singilang aking ninanais na ipagkakapantay-pantay ng madla at iguguho ng masasamang palakad sa mga baya’t kapisanan. Mistulang larawan ang sunog na iyan ng pagtutuos ng darating bukas, iyang bagong araw na minimithing masilayan ng mga api’t nagtitiis, ng mga dinuduhagi’t inaalipin” (299). 

Sa halip bumigkas ng pagdamay sa maralitang napinsala rin, kaagapay ng mayamang pag-aari ni Rojalde, isang pangkahalatang sumpa ang nasambit ni Luis. Walang analisis kung saan nagbuhat ang sunog, na kalimitan ay penomenong pumipinsala sa mga pawid na tahanan ng mahihirap na obrero sa mga pagawaan ng tabako, sapatos, at iba pang pangkaraniwang produkto. 

          Sa kabilang dako, umaapaw ang ngitngit ni Rojalde. Taglay na makisig at mariwasang kumprador “ang panibughong di ikatahimik at nagtatanong kung bakit iginalang pa ng apoy ang babayi at sanggol na kapwa naglalarawan ng kanyang kasawiang-palad. Sa harap ng mga abo at uling na nagbabaga ay minumuni-muni ang kanyang higanti…” (301). Ito ang antipode ng maselang kontradiksiyong humantong sa kongkretong unibersal na naisakatuparan sa limang huling pahina ng nobela. Kaipala’y nakabitin ang kapalaran ni Danding, “kawalan ng pag-asa, o kaya’y isang hatol na di na matututulan.”  Malikhain ang guniguni ng nobelista, ayaw niyang magwakas sa isang doblekarang imahen o parikalang may dalawang kahulugan, kaya itinala ang pagsalikop ng prusisyon ng mga bilanggo at kulay ng tanawing nagbabadya ng maluwalhating kinabuksan:

Nang mga sandaling iyo’y isang mahabang hanay ng mga bilanggo na galing sa paggawa ang ipinapasok sa maluwang na pinto ng Bilibid. Sa mga mukha nila’y makakita ng kinalarawanan ng pagkasawi, Nga mga naghihiwatig ng kapoota’t pagngingitngit na kumakamandag sa kanilang puso….
Nagwawagi naman ang araw sa kalunsuran. Isang sinag niya ang nakapunit samakapal na panginoring nag-anyong tao muna bago nagkadalawang bisig pagkatapos, saka nagtila isang malaking Kristong nakadipa tulad sa bagong Kristo ng Katauhang araw-araw ay ipinapako ng Katauhan din (302).

Isang ilusyon tila ang iniluhog ni Aguilar sa madlang mambabasa: itinanghal ang abstraktong “Katauhan” at hindi ang partikular na grupo o pangkat na sinisikil at ipinapako sa krus. Kinukuro kong dahilan ito kung bakit nalihis ang komentaryo ni Soledad Reyes nang iulat niya: “Nagwakas ang nobela sa pag-aagaw ng dilim at liwanag, sa larawan ng sugatang Luis habang minamasdan ng nanlalabong mga mata nito ang malaking sunog na tumutupol sa isang bahagi ng Maynila” (45). Wala pang sugat si Luis nang masdan niya ang sunog; at kung si Luis nga ang bagong Kristo, walang habas na eksaherasyon ito. Ikinumpara ni Reyes ang estilo ng panunuya at panunuligsa ni Aguilar sa mga nobela ni Rizal at mga rebolusyonaryong tula nina Bonifacio at del Pilar. Dagdag pa niya na ang realismong sosyal ni Aguilar ay “masusi, masinop at masaklaw” sa paglalarawan ng pag-uugnayan ng mga puwersang mapaniil at mga biktima nila. Patunay ito sa diyalektikang paghubog ng naratibo, kung saan ang isang panig o sektor, ang porma at laman nito, ay hindi maihihiwalay sa kabuuan o totalidad ng relasyong sosyal. Salungat ito sa maka-indibidwalistikong sensibilidad ni Luis, na limitado kumpara sa replexibong kamalayan ni Rojalde batay sa komersiyanteng mentalidad nito na sinuri ni Georg Simmel sa kanyang “Pilosopiya ng Salapi” (216-232). Bagamat dalumat nito ang kumplikadong katayuan niya, hindi masakyan ni Rojalde ang limitasyon ng kanyang kayamanan, na kung tutuusin ay nakasalalay sa ilusyon, hiwaga, gayuma o mistipikasyon.

 Sa pagsusuma, ang Pinaglahuan ay pagdalumat sa potensiyal at posibilidad ng pagbabago sa Pilipinas noong unang dekada ng siglo 1900. Asimetrikal at maligoy ang pagsulong ng lipunan, may tendensiyang bumabalik at tendensiyang sumusugod. Tumatalab ang mga kontradiksiyong naiulat na sa una. Nakatali ang mga tendensiyang iyon sa uri ng patriyarkong pamilya ni Don Nicanor ( ang orihinal na kahulugan ng pamilya sa Latin ay kawan ng mga esklabo) na nakaugat sa piyudal na rehimen. Samantala, si Rojalde ang sugo ng uring kumprador na bihag ng kontradiksiyon ayon sa umiikot na siklo ng salapi/halagang-pallitan sa palengke o pamilihang pandaigdig. Si Danding at Luis ang palasintahang sindroma ng mga pantasya’t pangarap, panimdim at sindak, na malalasap sa karanasan ng mga taong sumisigaw ng saklolo sa ngalan ng damdamin, kalikasan at espiritu. 

Sa maikling pagsusuma, nais kong dukalin ang inungkat na mga tanong sa pambungad hinggil sa kapalaran nina Luis, Danding, at Rojalde. Pinagtuunan ng pansin ng tagapag-salaysay si Rojalde bilang representatibo ng panggitnang-uri, namamagitan sa mayoryang anak-pawis at minoryang mariwasa (walang malaking asendero dito dahil rentier-kapitalismo, paupahang pag-aari ang inasikasong ilarawan). Siya ang kumakatawan sa nalalabing pwersa ng nasyonalismong ibinandila nina Sakay at Malvar sa huling yugto ng giyera laban sa U.S. Sakmal ng balisa’t pag-aalanganin, si Rojalde ang sintomas ng kawalan ng matipunong liderato ng nasyonalistikong bloke (liban na kina Quezon, Osmena, atbp.) Si Luis, na dapat sanang naging masugid na puno ng proletaryo sa pabrika ni Mr. Kilsberg, ay mabilis na nailigpit—tulad ng grupo nina Lope K. Santos, Isabelo de los Reyes, Dominador Gomez, atbp. Dagling naihiwalay sa dalagang anak ng matandaing oligarko, si Luis ay naging sakripisyong scapegoat na singaw ng milenaryong sektang tumitingala pa rin sa propetikong mensahe ng Bibliya (na ginawang sekular o pandaigdig ni Aguilar). Si Danding ay wangis birheng nabuntis ng Banal na Espiritung pumanaw—ang naglalahong memorya ng Katipunan, ng insureksiyon laban sa Espanya at laban sa Estados Unidos—at di matanto ng mga kapanahon ni Rojalde kung ano ang gagawin sa bagong silang, sanhi sa malabong ugat o pinanggalingan at mamanahin. 

Maimumungkahi na ang tahasang kalatas o pahatid ng nobela ay isang mapanghamong tanong sa mambabasa: Sino ang tatangkilik o bubuhay sa naglahong tradisyon ng rebolusyon, ang anak ni Danding at Luis, na nakataya’t naglalambitin sa desisyon ng mga taong tulad ni Rojalde? Paano madudulutan ng karampatang pagpapahalaga ang kahapon (nina Luis at Danding) ng mga kasalukuyang Pilipino upang makabuo ng masagana, malaya’t makataong pamumuhay sa hinaharap? Ang malaman at mabigat na tanong na ito ang sagot din sa mga katanungang nasambit sa panimula.

Sa paghabi ng kumplikasyon ng mga ugnayan ng mga tauhan sa naitalang tema, mapapanood ang diyalektikong pagsasalisi ng partikular na pagnanais at ng unibersal na hugos ng metabolikong pagtatalik ng tao at kalikasan. Ito ang diyalektika ng nesesidad at kalayaan sa pagpili.  Ang Pilipinas ay lugar na pinaglahuan ng sindromang romantiko, ngunit doon din matutuklasan ang sibol ng makabagong pagkatao, na masasalamin sa mukha nina Rojalde, Pedro, Luis at Danding. Ang anak nila ay simbolo ng pinaglahuang maaaring makasasagip at makatutubos sa sambayanang patuloy na nakikibaka tungo sa kalayaan at kasarinlan.  Naisakatuparan sa realistikong alegorya ng nobela ni Aguilar ang aral ni Marx sa “Theses hinggil kay Feuerbach” (28-29) hinggil sa pag-unawa sa konsepto ng indibidwal at sosyedad: na ang esensya ng indibidwal ay nakabuod sa relasyong panlipunang umiiral; at ang pagsasabayan ng pagbago ng kongkretong kalagayan ng lipunan at ng aktibidad ng tao ay mainam na maipapakahulugan sa konsepto ng praktikang rebolusyonaryo. Ang praktika ng pagbasa’t pagsuri sa nobela ay siya ring pagsasapraktika ng mga tema’t ideyang nakapaloob sa likhang-sining. Wala nang napakahalagang responsibilidad kundi ang masinop na pagtupad nito ng makabayang alagad ng sining (San Juan 2017).


_____

SANGGUNIAN

Abueg, Efren.  “Ang Sosyalismo sa Nobelang Tagalog.” Sampaksaan ng      mga Nobelistang Tagalog.  Ang Aklatan ng Unibersidad ng Pilipinas,        1974, pp. 95-100.  Print.

Agoncillo, Teodoro & Milagros Guerrero.  History of the Filipino        People.  R. P. Garcia Publishing Co., 1970.  Print.

Aguilar, Faustino.  Pinaglahuan.  Ateneo UP, 1986.   Print.

——.  “Ang Nobelang Tagalog—Kahapon, Ngayon, at Bukas.” Mga    
Lektura sa Kasaysayan ng Panitikan, inedit ni Galileo Zafra.  Aklat ng Bayan, 2013, pp.229-40.  Print.

Constantino, Renato.  The Philippines: A Past Revisited. Tala        Publishing Co., 1975.  Print.

Lumbera. Bienvenido & Cynthia Lumbera, ed.  Philippine Literature: A History & Anthology.  National Book Store, 1982.  Print.

Marx, Karl.  The Economic and Philosophic Manuscripts of 1844.      International Publishers, 1964. Print.

——- and Frederick Engels.  Selected Works. International   Publishers, 1968.  Print.

Medina, B.S.Jr., ed.  Tatlong Panahon ng Panitikan.  National Book Store, 1972.  Print.

Ossowska, Maria.  Social Determinants of Moral Ideas.  U of Pennsylvania P, 1970.  Print.

Panganiban, J. Villa & Consuelo Torres Panganiban.  Panitikan ng   Pilipinas. Bede’s Publishing House, 1954.   Print.

Reyes, Soledad.  Nobelang Tagalog 1905-1975. Ateneo UP, 1982. Print.

San Juan, E.  Lupang Hinirang, Lupang Tinubuan. De La Salle   
University Publishing House, 2017.  Print.

Santos, Benilda.  “Introduksiyon,” Pinaglahuan ni Faustino Aguilar.  Ateneo U P, 1986.  Print.


Simmel, Georg.  Essays on Sociology, Philosophy and Aesthetics.  Harper Torchbooks, 1959.  Print.

No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...