BALAGTAS: Proyekto Tungo sa Diyalektikong Analisis at Materyalismong Interpretasyon ng Florante at Laura
ni E. SAN JUAN, Jr.
Bakit balik-sisyasat na naman sa diskurso't larangan-sining ng Sisne ng Panginay? Payak na tugon: sapagkat nag-iiba ang panahon/kasaysayan, nagbabago ang sangkatauhan, kaya nararapat isalamin ang kabaguhan sa angkop na panunuri't masinop na pagsipat sa mga akda ni Francisco Balagtas (1788-1862).
Tiyak na sa harap ng di halos mabilang na nakalathalang pag-aaral at pananaliksik tungkol sa obra maestra ni Balagtas, na di lang hinirang na kanonikal na asignaturang dapat basahin kundi sakramentong pamana ng lahi, wala nang bagong matutuklasan tungkol sa halaga at katuturan ng akda. Mali ang akalang ito sapagkat ang panahon ay nagbabago. At sa bawat pagsulong ng kasaysayan ng ating lipunan at kaalinsabay na pagbabago, sa gitna ng mabilis na pag-inog ng relasyong internasyonal ng mga bansa, nag-iiba ang pananaw ng bumabasa, pati na ang milyung kinalalagyan ng likhang-sining. Bagamat may pagbabago, mayroon ding nananatili--hindi maihihiwalay ang diyalektikal na ugnayang ito. Lilitaw ang masalimuot na paglalangkap ng luma at bago, tradisyon at modernidad, sa takbo ng pagtalakay ko sa makabagong pagkilatis at pagkaunawa ng Florante sa paraang pagsasalin dito sa isang diskursong konseptuwal o dili kaya'y post-konseptual.
Sa umpisa, nais kung ipatalastas sa mambabasa na napag-ukulan ko ng masusing pagdalumat pampilosopiya ang akda ni Balagtas noong nakaraang dantaon. Lumabas ang aking sanaysay, Balagtas: Art and Revolution, noong 1969. Nailathala muli ito sa koleksiyong Himalay (1988), imprenta ng Cultural Center of the Philippines, pinamatnugutan nina Patricia Cruz at Apolonio Chua. Ang salin ko ng tula ay ipinalimbag ng Art Multiples Inc. noong 1978, kalakip ang mga dibuho ni Rod Paras-Perez, na siya ring namahala sa malikhaing pagyari ng edisyong ito. Sumunod ang isang kabanata hinggil kay Balagtas sa aking Toward A People's Literature (1984), kung saan nagmula ang kabanata 4, "Balagtas: Pagtatakwil sa Romansa," sa kalipunan kong Himagsik: Pakikibaka Tungo sa Mapagpalayang Kultura (2004). Nais ko ring banggitin ang ilang naunang hagod ko sa paksang ito sa Preface to Pilipino Literature (1972) at Introduction to Modern Pilipino Literature (1974).
Sa maikling lagom, ang sinikap kong ipaliwanag sa mga nabanggit na ensayo ay may tatlong aspekto o panig. Tinalakay ko, una, ang istorikal na pagtingin sa buhay at gawa ni Balagtas sa kanyang panahon; pangalawa, ang temang pilosopikal na pagdukal sa mga kontradiksiyon ng lipunan sa paraang alegorikal at palaisipan; at pangatlo, ang radikal na bisa at implikasyon ng pamamaraan sa Florante na umaayon sa mga simulain at adhikain ng pambansang demokrasyang kilusan sa kasalukuyang panahon. Maaaring hindi nahimay lahat ng detalye sa mabisang paraan, kaya pakay ko rito ang balik-tanawin ito at ipasok ang isang inobasyon: ang konseptuwalisasyon sa diwa ng awit sa pagtatanghal ng isang diskursong konseptuwal sa dakong huli. Marahil ito na ang ultimong katwiran sa muling pagdalaw sa panitik ni Balagtas.
Perspektibang Materyalismong Diyalektikal
Maididiin dito sa panimula na ang punto-de-bista ng sanaysay ay materyalismong istorikal sa tradisyon nina Marx at Engels. Salungat ang lapit ko kumpara sa ilang makabagong pagbasa sa tula na umaalinsunod sa estrukturalista o post-estrukturalistang teorya ng mga Kanluraning kritiko tulad nina Derrida, Iser, Foucault, atbp. Malinaw na hindi sapat iyon pang makatarungang matimbang ang kathang-sining. Sadyang makitid o dahop ang paniwalang teksto lamang, mito, wika, ang pinakaimportanteng batayan ng kahulugan at kahalagahan, tulad ng ipinanukala ni Loline Antillon sa kanyang "Florante at Laura: Dikonstraksyon ng Pinuno." Katibayan ito na patuloy pa rin ang pormalistang pamantayan sa makabagong damit, bagay na itinatakwil dito.
Sa katunayan, ang gayong pagsusuri ay ekletiko't nominalistiko. Tanda ito ng konserbatibong pagbalik sa ideyalistikang metapisika nina Descartes, Kant at Nietzsche. Mapinsala rin ang ideyalistikong semiolohiya ni Saussure. Sa iba't ibang anyo, ang lahat ng natukoy ay nagsisilbing ideolohiya ng imperyalistang monopolyo sa yugtong ito ng krisis ng kapitalismong global. Ang pagpapatayog ng wika, mito, at indibiwalistikong kamalayan ay saligan ng komodipikasyon ng lahat--lakas-paggawa, katawan, panaginip, kagamitan, kapaligiran--sa ngalan ng tubo, akumulasyan ng kapital, at dahas ng nagmamay-ari. Umiwas tayo sa salot ng alyenasyon/reipikasyong umiiral.
Tahasang kaiba ang pinakaunang masusing saliksik ni Bienvenido Lumbera, Tagalog Poetry 1570-1898 (1986). Si Lumbera ang unang naghimay ng mga salik ng tradisyon sa panulaang katutubo na naging sangkap sa awit ni Balagtas, kabilang na ang corrido, pasyon, at mga romansang may tipong caballerescos, moriscos at historicos. Mainam na naipaliwanag ni Lumbera ang impluwensiyang pampanitikan ng Europa sa pagbalangkas ng tula, laluna ang dulaan. Pinakatampok ang tema at motif ng palasintahang galante o maginoohin (courtly love), hindi ang wika o sistema ng tugmaan. Utang din kay Lumbera ang paglalantad sa layon ng balangkas ng tula (ang tema ng edukasyon o inisyasyon, ang estilo ng teatro, at mga klasikong alusyon at reperensiya). Sikapin nating humakbang mula sa baytang na ito.
Sa malas, kailangang mabatid ang tradisyong pangkulturang iyon upang mabigyan ng saysay ang teksto at retorika ng awit. Kung dahop sa konteksto, walang katuturan ang teksto, wika, salita. Nakaugat ang haraya o guniguni sa isang namamayaning konsepto o artistikang layon na uugit sa pamamaraan, banghay ng salaysay, talinghaga, atbp. Kung walang arkitektonikong bukal o matrix, walang silbi ang porma, hugis o estilo ng tula. Kung hindi matarok o masipat ito, malayong mawatasan ang tunay na adhikain ng makata. Kung walang makahistorikal na pagpapakahulugan, tandisang kulang ang anumang hatol o taya sa naisakatuparang akda.
Ano ang makapangyarihang konseptong nasa likod ng tula? Halos lahat ng iskolar ay nagkakaisa sa tesis na ang istandard na sinunod ni Balagtas ay mga romansa ng pag-iibigan, hinaluan ng eksenang moro-moro at relihiyosong pangangaral. Resultang naratibo ay may pangkomeyang wakas: nasagip ang mga biktima, nabawi ang kaharian, naparusahan ang mga may-sala, naging Kristiyano ang Muslim, at lumaganap ang kasaganaan at kapayapaan. Tila deus ex machina ang inilapat sa pagitan ng malimit na didaktikong pagtuldok sa bawat kurba ng daan.
Sa aking palagay, ang pinakasentral na konsepto sa awit ay ang pagtuklas sa mga kontradiksiyon sa buhay, sa lipunan, sa kasaysayan. Kaagapay nito, ang tema ng pagtataksil at paghahanap ng katotohanan at matwid ay tumutuhog sa mga pangyayari at tauhan. At kung may paglutas sa suliranin ng mga kontradiksiyon, tulad ng Kristiyanismo versus Islam, iyon ay bunga ng pagkakataon--hindi aksidente o pagbabakasakali kundi resulta ng paghahabi't pagdurugtong ng intensiyon ng tao, sirkumtansiya, institusyong minana, ideolohiyang nagtatagisan.
Kung tutuusin, ang Florante ay mala-realistikong parabula na "Kinuha sa madlang 'Cuadro Historico,' ayon sa pangalawang pamagat ng tula. Ito ay diskurso hinggil sa konsepto ng pagtuklas ng katotohanang supling sa interaksyon ng sitwasyon, karakter ng tao, at kaisipan. Naisiksik ni Balagtas ito sa bansag ng humanistikong ley natural sa saknong 150:
Moro ako'y lubos na taong may dibdib
at nasasaklaw rin ng utos ng Langit;
dini sa puso ko'y kusang natititik
natural na leing sa aba't mahapis.
Tila madaling sagot ang paliwanag na "batas natural" (natural law) ang sanhi ng ginawang pagkalinga ni Moro sa isang Kristiyano. Umaayon ito sa mahaba't malalim na tradisyong mapagpalaya--mula sa Stoikong pilosopong Grieygo-Romano hangggang Rousseau at St. Just sa Pransiya, Rizal at Bonifacio--na nakasalig sa kosmolohiya ng kalikasan. Iminungkahi ni Ernst Bloch (1986) na ang batas ng kalikasan ay napagkasunduang sandigan ng dignidad ng bawat tao sa Kanluraning pilosopiya.
Sa katunayan, ang kagandahang-loob ni Aladin ay bunga ng kanyang sitwasyon, na kahawig ng sitwasyon ni Florante (kapwa nasalanta sa pagtataksil/pagbabaligtad ng inaasahan). Hindi iyon esensiyal na katangian ng kanyang pisyolohia. Gayundin ang pagkakatulad ng karanasan nina Laura at Flerida, datapwat may maselang kaibahan: nagbalatkayong lalaki/gerero si Flerida upang makatakas at maging tagapagligtas ni Laura at taga-hatol sa sukab na Adolfo--di lang babae kund pagano/Muslim pa ang lakas na nagtulak sa masayang wakas. Sandaling napag-alinlangan ang katatatagan ng tinawag ni Ruth Mabanglo na "patriyarkal at maskulinong atityud ni Balagtas" (1992, 309), kaya "makitid ang pananaw na iniambil sa katauhang babae" sa tula. Tumpak ba itong opinyon ni Mabanglo kung si Florante mismo, bayaning kastrato o "nawalan ng bayag," ay nasadlak sa katayuang makababae-- malambot, palasuko, mapagbigay, mahinhin--halos kabiyak ng malingap na Aladdin? Fraternidad ba ito, kaakibat ng Liberte at Egalite? Pahiwatig ito na hindi simple ang oposisyon ng lalaki/babae, hayop/tao, gubat/sibilisasyon sa dinamikong kalakaran ng magkatunggaling pwersa sa awit.
Makahulugang pihit ito ng tadhana: ang babaeng inuusig ang siyang kinatawan o sugo ng "mahiganting langit" (13). Samakatwid, ang konsepto ng kaisahan o kaibahan ng banghay ng mga pangyayari, ang puno't dulo ng kilos ng mga gumaganap ng papel, ang pinagmulan at kahihinatnan, ang esensiyal sa kritikang kaalaman sa buhay, lipunan, tao, kasaysayan. Hindi ito naisingit sa isang talata, larawan o eksena, kundi nakabuklod sa pag-ikot ng mga pangyayari. Sa terminolohiya ni Hegel, ang "katusuhan ng Rason" (cunning of Reason) at ni Marx, "ang tunggalian ng mga uri sa lipunan," ang pumapatnubay at umuugit sa gulong ng kapalaran, sa pag-inog ng pangyayari, at tuluyang pagpapakilala sa lihim ng tadhana.
Yugto ng Paghuhunos at Pagbabanyuhay
Bago tayo bumungad sa antas ng pagkonseptuwalisyong metodo ng diskurso, pagtuunan natin ng pansin ang ilang bahagi sa talambuhay ni Balagtas na makukunan ng ilang dahilan upang magsusog ng ilang ipotesis.
Ang lawig ng buhay ni Balagtas ay sumasaklaw sa siglo ng Kaliwanagan (Enlightenment) o Rason sa Europa. Mula huling dako ng 17 dantaon hanggang unang dako ng 19 dantaon, nangibabaw ang kaisipan at turo nina Lessing, Goethe, Schiller, Kant, Voltaire, Rousseau, Lock, Hume at Adam Smith. Ang huling pantas ay simbolo ng paglaganap ng pamantayang "laissez-faire" modo ng kapitalismo. Nabuwag ang dinastiyang Bourbon, nagtagumpay ang burgesyang himagsikan. Naging imperador si Napoleon pagbagsak ng Republika; nasakop niya ang maraming bansa, kabilang na ang Espanya noong 1808-14 na tuwirang bumaba ang kapangyarihan noong Pitong Taong Giyera (Seven Years War, 1756-1763). Natambad ang biyak at lamat ng gumuguhong kuta ng imperyo.
Sa pagkatalo ng monarkiya, nahikayat ang mga dating sakop na lumaya sa mga digmaan sa pagsasarili (Wars of Independence) sa Timog Amerika: Mexico, Argentina, Peru, Venezuela, Bolivia. Pansamantalang napawi sa Espanya ang ideolohiyan ng Media Siglo sa masang kilusang lumaban kay Napoleon. Nakagawa ang mga liberal na Kastila ng 1812 Konstitusyon ng Cadiz, na nagbigay ng mga karapatan ng mamamayan sa mga bayang napailalim sa Espanya. Nang magapi si Napoleon, nagbalik sa trono si Ferdinand VII, sinira ang Konstitusyon ng Cadiz, at ipinataw muli ang mabagsik na despotismo't awtoritarynismo. Sa Pilipinas, walang pang isang taon nang iproklama ang Konstitusyon nang wasakin ito noong 1814. Akala ng mga katutubo na pantay na sila sa mga Kastila, ligtas na sa mapahamak na polo servicios, tributo at iba pang mapinsalang buwis. Hindi pala.
Sa harap ng kaunlaran sa Europa at Amerika, marami ring pagsulong sa Filipinas noon. Bago sumabog ang dalawang sigalot sa Ilocos (Basi rebelyon) at sa Tayabas-Laguna-Batangas (rebelyon ni Hermano Pule) na tumagos kaipala sa kamalayan ni Balagtas, balik-tanawin ang kondisyon ng kapuluan noong 17 dantaon. Malaking impluwensiya ang komersiyo ng Intsik at Ingles sa pag-unlad ng ekonomya. Nang sakupin ng Inglatera ang Maynila noong 1762-1764, lantad na ang karupukan ng kolonyalismong Espanyol. Inumpisahan at pinasigla ang paglinang ng asukal, tabako, indigo at abaka ng mga reporma nina Gobernador Simon de Anda Salazar at Jose Basco Vargas. Ang monopolyo sa tabako ay itinatag noong 1781, ang monopolyo sa alak noong 1786. Ang malayang pangangalakal, tatak ng sistemang kapitalismo kalulunsad, ang umiral sa panahong 1750-1850. Pagkaputol ng negosyong galleon noong 1813, bumulas ang sistemang angkat-luwas ng kalakal sa maraming bansa, kabilang na ang Tsina, Inglatera, Estados Unidos, atbp. Nabuwag nang kaunti ang lakas ng mga prayle, lumakas ang poder ng prinsipalya, laluna mga negosyanteng mestisong Intsik, sa pagtatayo ng bangko at pamamayani ng palitan sa salapi (cash economy).
Tuwirang nayanig ang mga institusyon ng buong kolonya.
Kinakitaan ng maraming pag-aalsa sa panahon bago sumilang si Balagtas noong 1788. Pinakatanyag at pinakamatibay ang rebelyon ni Dagohoy sa Bohol (1744-1829) na kinasapian ng mahigit 20,000 alagad (Agoncillo 1967). Sumunod ang himagsik nina Diego Silang at Gabriela Silang (1762-1763) kaalinsabay nang pagkasakop ng Inglatera sa Maynila. Tutol ang mga kampon ni Silang sa tributo, sapilitang abuloy ng serbisyo, at pang-aabuso ng mga alcaldes mayores sa indulto de comercio. Sa Pangasinan naman, ipinagpatuloy ni Juan de la Cruz Palaris ang mga pakikibaka ng mga taumbayan sa Pampanga (Andres Malong) at sa Ilokos (Pedro Almazan) nang pinamunuan niya ang masa sa Binalatongan, Dagupan, atbp. Napatay si Palaris noong Marso 1764.
Ngunit hindi tumigil ang reklamo't paghihimutok, pagbalak at pagkilos, ng taumbayang inaapi. Nang pumutok ang gulo sa Piddig at Sarrat, Ilokos, noong 1807, labingsiyam na taon si Balagtas sa Tondo, nag-aaral ng pilosopiya, teolohiya, Latin at mga batas sa Colegio de San Juan de Letran. Tatlumpu't limang taon si Balagtas, hinog na gulang na siya, nang umalsa si Kapitan Andres Novales, isang creole, na tumutol sa pribilehyo ng mga peninsulares sa hukbong sandatahan noong 1823. Nang sumikdo ang kilusan ni Hermano Pule sa Tayabas noong 1839-1841, matipunong 51-53 taon na si Balagtas, nakatira na sa Balanga, Bataan, empleyado sa hukumang nagsanay sa kanya para sa mga hinaharap na katungkulang teniente mayor at juez mayor de sementera (Cruz 1988; De los Santos 1988).
Produkto ng panahon ang kamalayan ng makata. Walang pasubali na nang nag-aaral siya't nagsasanay sa pagsulat noong unang bahagi ng ika-19 dantaon, nahubog ang diwa't hinagap, budhi at pagkatao, ni Balagtas ng alitan ng mga maralitang pesante't manggagawa laban sa prinsipalya't kolonyalistang poder. Laganap noon ang huntahan at bulung-bulongan tungkol sa mga ligalig at gulong nagaganap sa Ilokos, Bohol, mga lalawigang kanugnog ng Maynila, at mga kampanyang inilunsad ng mga Kastila laban sa Moro buhat pa noong magapi si Sulayman sa Maynila. Nabuksan ang Maynila sa mga dayuhang negosyante simula noong 1834. At noong nasa Pandakan si Balagtas, ang mobilisasyon ng Cofradia de San Jose ni Apolinario de la Cruz ay sumaklaw na sa lalawigang Tayabas, Batangas at Laguna. Wala nang hinahon at ginhawa bagkus puno ng hilahil at linggatong ang mamamayan sa kaharian ng "Albanya."
Bakas at Palatandaan sa Talambuhay
Alam ng lahat na tubo sa angkang manggagawa--maralitang panday ang kanyang ama sa Panginay, Bigaa, Bulacan, malapit sa uring magsasaka--si Balagtas. Ipinaganak siya noong Abril 2, 1788, isang taon bago sumiklab ang rebolusyon sa Pransiya. Nag-aral ng katon, kartilya at dasalan sa kumbento sa direksiyon ng maestrillo ng kura. Pagkatapos, ipinasok siyang alilang-kain (naglingkod sa maybahay) sa isang mariwasang pamilya Trinidad sa Tondo upang makapag-aral sa Colegio de San Jose at sa San Juan de Letran. Ang isang guro niya sa unang paaralan ay si Padre Mariano Pilapil, kilalang awtor ng Pasiong Mahal (1814). Samakatwid, edukasyong kombensyonal, oryentasyong ginabayan ng Simbahan, ang pumanday sa murang kamalayan ni Balagtas.
Ulat din ni Hermenegildo Cruz (1988) na natapos ni Balagtas ang pag-aaral sa gulang na 24 taon noong 1812. Sinasabing nabigo ang hangad niya na malapit kay Jose de la Cruz, ang bantog na makata at mandudula; balita'y wala kasi siyang sisiw upang ipagpalit sa turo at payo ng pantas. Noong taong din iyon nabigo si Imperador Napoleon sa pagsakop sa Rusya; at pumutok sin ang giyera ng Estados Unidos at Inglatera na siyang nagtakda ng hanggahan ng kanikanilang teritoryo. Noong 1830 nagsimula ang reporma sa Inglatera upang palawakin ang demokratikong representasyon ng mamayan sa Parlamento.
Malayong nakagiyagis ang mga ito sa paghahanap-buhay ng binatang noo'y naniningalang-pugad.
Noong 1835-38, lumipat si Balagtas sa Pandakan kung saan nakilala niya si Maria Asuncion Rivera, ang dinakilang Selya na pambungad sa awit. Sa kaligirang 47-50 taong gulang siya nang mapabilanggo sa pakana't sulsol ng kasikeng magulang ni Mariano Kapule, ang karibal niya. Kung bakit siya napiit ay hindi malinaw; may hinalang iyo'y resulta ng maniobra ni Nanong Kapule na malakas ang kapit sa gobyerno, upang mawala ang sagabal sa pagligaw sa kanyang napusuan. Ibinintang sa makata ang isang krimen na nakahadlang sa kanyang pagtugis kay Selya, ang musa ng kanyang bumabalong na guniguni. Haka ng marami na sinulat ni Balagtas ang Florante sa loob ng bilangguan; nailimbag iyon noong 1838, sa liberal na administrasyon ni Gobernador Andres Garcia Camba (Zaide 1970).
Malabo ang impormasyon tungkol sa inhustisyang ipinadanas kay Balagtas. Gayundin ang sakdal na pagputol niya ng buhok ng isang alilang babae ng isang pamilyang mayaman sa Udyong. Paratang na naging krimen at usaping nagdulot ng mapait na pagdarahop ng pamilya. Nabilanggo siya noong 1856 (sa Bataan at sa Bilibid sa Maynila) at pinakawalan noong 1860 dalawang taon bago siya pumanaw noong Pebrero 20, 1862, taon nang ipagbawal ang pagiging busabos (serf) sa Rusya at pangalawang taon ng Giyera Sibil sa Estados Unidos upang masugpo ang sistema ng pang-aalipin sa mga Aprikanong inangkat mula sa Aprika. Ang apat na taon sa piitan ay ginugol sa pagyari ng maraming dula, kabilang na siguro ang Orosman at Zafira, Rodolfo y Rosamundo, Nudo Gordiano, Abdal y Miserena at Bayaceto y Dorlisca--ang una lamang ang nasagip nang buo sa mga naturang katha (Cruz 1988; De los Santos 1988).
Pagkalabas niya sa bilangguan, lumipat si Balagtas sa Balanga, Bataan, noong 1840. Nagsimula ang pangalawang yugto sa buhay ng makata na sumukdol din sa pagkabilanggo sa Maynila na kanyang iniwan mahigit sampung taon na. Bilang katulong ng huwes sa Bataan, nakapaglibot siya at di naglaon ay nakilala si Juana Tiambeng, anak ng mayamang pamilya sa Udyong. Kinasal sila noong Hulyo 22, 1842 sa gitna ng mga bulong-bulungan. Sino ba naman si Balagtas? Isang taong di kilala, walang yaman, edad 54 taon samantalang si Juana ay 31 taong gulang. Masahol pa, hindi siya miyembro ng prinsipalya. Noong 1856-57, hinirang siyang taga-salin sa hukuman. Pinalitan din niya ang pangalan niya--naging Francisco Narvaez Baltazar--ayon sa dekreto ni Gobernador Narciso Claveria. Pito ang anak na nabuhay sa 11 na isinilang sa mag-asawa. Walang kababalaghan sa buhay niya liban sa pagkakakulong sa sumbong ng katulong na babae ng alferez Lucas (Sevilla y Tolentino 1922; Zaide 1970).
Sumiklab ang himagsikan ng 1848 sa Europa; naipahayag ang "Komunistang Manipesto" at lumago ang kilusang sosyalista. Samantala, kawaning taga-salin si Balagtas at naging teniente mayor at juez mayor de sementera---katungkulang hindi tumulong sa kaso niya; namulubi sila dahil sa gastos sa kasong baligho. Pinagibili ng asawa ang mga alahas at lupain. Anim na buwan siya sa piitan sa Balanga, Bataan, at ang nalabing panahon sa Bilibid sa Maynila. Sanhi ng masaklap na karanasahan, naibalita na pinagbilinan ang asawa na huwag payagang maging makata ang sinuman sa mga anak, mabuti pang putulan ng kamay upang huwag mapasubo sa marahuyong kaabalahan .
Engkwentro ng Ilang Kulay sa Bahag-hari
Malahimala ang katigasan ni Balagtas. Sa gitna ng mga kagipitan at kahirapang dulot ng pinagsalikop na buhos ng pangyayari, hindi siya sumuko at naging sinikal, suya o inis sa lihim o labas na pagtuligsa sa kabuktutan sa paligid. Angkin niya ang isang natatanging siyentipiko't mapanuring sensibilidad na sumusukat sa tunay na kalikasan ng bawa't tao at problema sa relasyong panlipunan.
Ayon kay Teodoro Agoncillo, si Balagtas ay dakila sa "paglalagay ng balatkayo sa kanyang mga mapanganib na kaisipan" (1992, 226). Mapanlinlang ang madalamhating payaso ng guniguni. Satiriko't mapagpatawa, matalas niyang binatikos ang mga rasistang prehuwisyong bumaluktot sa pag-iisip at lumason sa budhi ng balana. Naging konsiyensiya siya ng lahi at uring pinagsasamantalahan. Malinaw na katibayan dito ang saynete niyang "La India Elegante y El Negrito Amante" (Flores at Enriquez 1947). Ang tipo ng saynete noon ay komikong interludyo sa mga liturhikal na palabas o ritwal sa tanghalan, nanunudyo o nang-uuyam ng mga kaululan, bisyo at masagwang asal ng mga taong nanood o kasali sa mga pista ng mga banal na araw.
Napuna ng ilang kritiko (e.g., Almario 2006) na ito'y halimbawa ng masayahing diwa ni Balagtas. Mapagbiro ang tono, bukod sa hitik ng parikala, parunggit, at retorikang lihis sa malungkuting salamisim ng mga metrikong romansa. Ngunit ito'y hindi pangliwaliw lamang. Batbat ng matalas na hagupit sa mga kalokohan at pagmamalabis ng karaniwang tao at mga namumuno, ang satirikong talino ay nanghahamon. Magaspang at mahalay ang saya katugma sa pagtambal kina Tonyang taga-luto at queridang pinanambitan. Magkahalong ngiti at ngisi, mura at walang-hiyang hibo, ang tuwang inihahain. Halimbawa: nang sumabad si Menangge, ang babaeng sinusuyo ng itang Kapitan Toming, na di niya tatanggapin ang alok ng taga-bundok na may regalong "masamang ibong kuwago," sagot ng ita habang tumatawa: "Laki niring kamalian! / Isip ko'y di ka pihikan / iyo palang tinitingnan / ang balat, hindi ang laman."
Sadyang nakabibighani ang magkahalong siste at biro sa parodya ng eksena ng panunuyo. Ang konsepto ng kabaligtaran o salungatan ang nag-uugnay sa porma ng saynete. Taglay sa himig at banghay ng dula ang mga katangiang nakabuod sa salawikain, bugtong, tudyuhan at tuksuhan sa mga dupluhan, awiting-bayan at balitaktakang nakagawian. Ang diyalogo nina Uban at Toming sa simula ay malabisang pagkukunwa, tangkang kumiliti, humamon ng kantyaw o pumukaw ng halakhak. Gayunpaman, seryoso at taimtim ang pagpapahayag ng damdamin, tulad sa dalawang awit ni Toming at Menangge sa gitna ng saynete. Pagninilay ni Menangge sa madulas, kapritsoso't malikot na takbo ng damdamin:
Kung magabi nama't magkusang sumabog
sa masayang langit ang bituing tampok,
kung sa nakaraang maghapo'y umirog
parang asong biglang papanaw sa loob.
Ano pa't ang sinta'y hindi kumakapit
kundi nga sa balat lamang niring dibdib,
kung dini sa puso'y masok ang pag-ibig
letra ang kaparang sinulat sa tubig. (1947, 12)
Ang querida sa bundok ay ambil na himatong sa mga babaeng napusuan ng awtor. Sino kaya sa mga nakaraang paraluman ni Balagtas--sina Lucena at Bianang sa Tondo, o ang dalawang Selyang pinag-ukulan ng masuyong luhog, o si Juana Tiambeng, ang kabiyak--ang nagsilbing bukal ng maigting na pagdidiling naisingit sa nakalulugod na katapusan ng dula? Matining na alingawngaw ng dunong nina Flerida at Laura ang mapapansin sa tinig ni Menangge:
Kung nagkakataong sa hangi'y ibuhos
ang bagyo sa mundo'y madla ang lulukob,
ngunit kamunti ma'y hindi malulukot
sa bagyo ng sinta ang puso ko't loob.
Palibhasa aking tatap
aral ng sa mundo'y lakad
ang pagsinta't pagsusukab
mahigpit ang pagkalapat.
Kahabagan kita sa linungoy-lungoy
kahit kamunti man sa puso ko ngayon,
isipin ang puso kung sa sinta'y tukoy
di mananatiling magiging maghapon.
Ang pagsinta'y ang kamukha
ay pag-iisip ng bata
kung ngayo'y parang kandila
baluktot na maya-maya. (1947, 14)
Mailap na Katumbalikan
Nakagugulat ang pagmamasid na naisaad, isang mapangahas na tagubilin sa mga kabaro o sinumang dumaranas ng sakit na idinaing sa Florante. Tandaan na hindi naman peminista ang nagtatagubilin nito. Ang ironikong hagkis ng pananalita ay hindi pambihira bagkus nakabaon sa sensibilidad ng makata. Dahil nahirati ang maraming iskolar sa saloobing si Balagtas ay panatikong nagumon sa pagdurusang romantiko, patuloy ang paggamit sa "Labindalawang Sugat ng Puso" (hango sa komedyang "Abdal at Miserena" (1859). Bakit bulag ang mga tagahanga sa mga pasaring? Anupa't laging binibira ang "Sintang alibugha," "kasing lilo't alibugha," "lilong nagtataksil," at idiniin sa huli ng umaawit: "Huwag may maparis ng sinta sa akin;/Matakot ang lahat sa lilo'y gumiliw,/Pangilaga't lason ng sino ma't alin" (Medina 1972, 134). Kung tutuusin, tila ba ubod-masokista ang pagkabulag sa parikalang nakatampok dito. O ang pagluhog sa iniibig ay dakila kahit lilo, taksil, alibugha't malupit ang babaeng sinasamba, sakripisyong bumubuwag sa pagkamakasarili at nagpupugay sa sukab at palamarang traydor. Bakit kaya ganoon?
Sayang at hindi naalagaan ang ganitong mga akda. Ulat ng mga istoryador na natupok ang lahat ng naitagong katha ni Balagtas sa isang malaking baul noong sunog sa Udyong ng Mayo 5, 1892. Sino ang makapagsasabi kung may matuklasang manuskritong naisalba? Noong sumunod na buwan ng Hulyo, 1892, inorganisa ni Rizal ang Liga Filipina pagkabalik niya mula sa Europa, na dagli namang hinalinhan ng Katipunan sa pagkatapon ng bayani sa Dapitan apat na araw pagkatatag ng samahan. Naisangguni ni Rizal ang Florante sa kanyang paglalakbay at naipunla ang binhing hinabilin noon sa loob ng dalawang nobelang naging titis sa apoy ng himagsikan. Laban sa sunog, naikintal ni Apolinario Mabini sa memorya ang awit na isinatitik niya nang maitapon siya sa Guam noong 1901-02.
Maipagwawari na sa dalawang okasyon ng pagkabilanggo ng makata, ang una ang pinakamatinik sa damdamin, ang pangalawa ang pinakamapinsala sa kabuhayan ng pamilya. Ang una'y nagbunga ng tula, ang pangalawa ng maraming komedya kabilang na ang Orosman at Zafira. Wala pang imbestigasyon sa kung anong katuwiran ang pagkaparusa kay Balagtas sa pagputol ng buhok ng alila--inggitan kaya sa burokrasya, alitang personal, o sintomas ng pagtatagisan ng mga angkan at uring panlipunan. Kailangan ang pagsisiyasat sa rekord ng hukuman, balita sa pahayagan, at talaan sa Bilibid nang panahon ng sekularisasyon ng Simbahan, sa bisperas ng pag-aalsa sa Cavite ng 1872 at pagbitay kina Padre Burgos, Gomez at Zamora. Maraming katotohanang maisisiwalat kung magagalugad at masasala ang mga dokumentong nabanggit.
Silakbo ng Lahing Kayumanggi
Natukoy na natin ang monopolyo sa alak noong 1786. Sanhi sa kahirapang dulot ng mga kautusan at regulasyon, umalsa ang mga Ilokano sa Piddig sa pagbabawal ng paggawa ng basi. Ang tinaguriang "Basi Rebelyon" ay nakasakop ng mga bayang Laoag, Sarrat, Batac hanggang sa kanayunan ng Vigan. Ebidensiya ito na matapang at magiting ang mga katutubo sa pagtatanggol sa kanilang karapatan at kapakanan.
Nasugpo ang rebelyong Basi, ngunit sumunod naman ang himagsik sa Sarrat noong 1815 na nahikayat ng ulirang Konstitusyon ng Cadiz na ipinagwalang-bisa noong 1814. Itinuring ni Renato Constantino na sagisag iyon ng tumitinding hidwaan ng prinsipalya at mayorya sa unang antas ng kapitalismo sa kapuluan: "The Sarrat revolt was both an advance and a retreat in the history of the people's struggle" (1975, 134). Ang protesta ng cailianes sa Sarrat, tulad sa kabigatang ipinataw sa industriya ng basi sa Piddig, ay nagmula sa paghihigpit sa mga trabahador sa paghabi ng seda at algodon na pilitang ipinataw ng mga prinsipalya.
Samantala, ang paghihimagsik ni Hermano Pule ay nagbuhat sa pagpigil sa kanyang ambisyong maging prayle at hindi pagkilala ng simbahan sa kanyang naitatag na Cofradia. Bagamat personal ang motibasyon, maikakabit ito sa pinipigilang programa sa sekularisasyon ng mga parokya. Ginipit at ipinagbawal ang mga pagpupulong at aktibidad ng Cofradia hanggang lusubin at patayin ang gobernador sa Tayabas noong 1841. Sa sumunod na sagupaan, natalo't ibinitay si Apolinario de la Cruz at mga kapanalig, pinaghiwa-hiwalay ang kanilang katawan at ibinilad sa publiko sa mga munisipyo bilang babala.
Ang rebelyon sa Piddig, Sarrat at Tayabas (1807 hanggang 1841) ay madugong pangyayaring naikintal ng mga iskolar sa kolektibong kamalayan ng masa. Magkasabay iyon sa masalimuot na kasibulan ni Balagtas. Sinaksihan ito ng paglikha ng Florante, La India Elegante y el Negrito Amante at iba pang akda. Alangan na hindi nahawaan at naantig ang kamalayan ng makata kung isasakonteksto sa kasaysayan ang signipikasyon ng dalawang saknong na namutawi sa daing-sumbong na ito, laluna ang pagkaputol-putol ng katawan ng ama ni Florante at hindi pagkalibing nang maayos, tuwirang alusyon sa sinapit ni Hermano Pule at kapanalig.
Magkatambal na salamin at talinghaga ng pagdukal ni Balagtas sa dulang ng publikong karanasan. Komunidad, hindi sarili, ang inaatupag, kaya dumudulog sa larangan ng pangkalahatang kagalingan. Lubhang kasindak-sindak ang terorismo ng estado sa pagmasaker sa isanlibong babae, matanda, bata at walang armas ng taumbayan, isang kilabot na nagtulak sa isang rehimyentong taga-Tayabas na bumalikwas at gumanti. Sumigaw sila ng hudyat ng "Kasarinlan" o "Independensya"--pinakaunang pahayag sa buong Pilipinas (De la Costa 1965, 214-15). Timbangin ang bigat at lundo ng mga pariralang "ininis sa hukay," "ibinabaon," at "inililibing ng walang kabaong":
Sa loob at labas ng bayan kong sawi
Kaliluha'y siyang nangyayaring hari,
kagalinga't bait ay nalulugami
ininis sa hukay ng dusa't pighati.
Ang magandang asal ay ipinupukol
sa laot ng dagat ng kutya't linggatong;
balang magagaling ay ibinabaon
at inililibing ng walang kabaong.
Arkitektoniko ng Paghati at Pagsudlong
Naimungkahi ko na sa pagsipat sa kahulugan at katuturan ng awit, pinakamahalaga ang konseptong gumagabay sa imahinasyon ng makata. Ang konseptong ito ay maikukulong sa isang tanong: Paano maituturo ang katotohanan ng kontradiksiyon sa buhay? Hindi romansa kundi unawa at kaalaman ang layon ng awit. Sa gayon, paano naipahatid ang dalumat ng katotohanan? Naikatawan ang bisyon sa porma ng awit, retorika at imaheng nahango ni Balagtas sa tradisyong iniulat ni Lumbera, mga katutubong estilo sa pagtula, banyagang modelo ng romansa mula sa Kanluran. Haluan ang serye ng mga motif at pigura, akma sa transisyonal na paglalakbay ng pagkatao ni Balagtas sa panahong iyon.
Sa kabuuan, ang pagkabatid sa kontradiksiyon ay naipahatid sa paraan ng alegorya ng pagpihit ng mga pangyayari. Ang karakter o personalidad ng mga tauhan ay instrumento lamang sa pagbalangkas ng istruktura ng kaisipan. Nakasentro ito sa pagbubunyag na ang hidwaan ng Kristiyano at Moro ay paimbabaw lamang; ang pagtatagisan ng mga relihiyon ay nalutas sa aksiyon ng "ley natural," o pagpapatupad sa batas ng kalikasan. Sinagip ni Aladin si Florante, pinarusahan ni Flerida si Adolfo't hinango sa kinasadlakang hirap si Laura. Alinsunod ang proposisyong "ley natural" sa Stoikong prinsipyong tumingkad sa burgesyang rebolusyon sa Inglatera, Pransiya, at Filipinas sa dakong huli ng ikalabingsiyam na dantaon.
Ang konsepto ng pagpihit, pagbaling o pagbaligtad ng kapalaran ay dumaan sa pagpapalitan ng kuwento sa labas ng reyno (Albanya/Persya). Walang pasubaling importante and kahandaang makinig, makiramay, magmalasakit, na taliwas sa oligarkong mentalitad. Kailangan ding magpanibulos sa daing ng taong di-kadugo, dayuhan, estranghero, banyaga. "Loob" at "labas" ang magkasalungat ngunit pinag-isa sa mapaglingap na komunikasyon.
Sa loob ng gubat, tiwalag at hiwalay, nagkatagpo ang mga nabihag, itinapon, tumakas, at dudustain. Sa pakikinig sa ulat ng kanilang buhay, sa bibig at tainga, nagkakilala't nagkaugnayan ang mga dating taga-loob na pansamantalang nasa labas. Naisaloob ng bawat isa ang gunita, panimdim at pangarap ng bawat isa. Ang patriyarkong sukatan ay binalewala sa nakagapos na kabalyerong Florante, walang kakayahan, kabalyerong tila babaeng dapat adyahan at kadluin. Aksidente ang pagdating ni Aladin upang iligtas siya sa simbolo ng paganong kalikasan, ang maninilang leon. Nagsilbing ama-ina si Aladin sa martir, isang Kristong walang disipulo.
Samantala, nagkataong dumating ang nag-amazonang Flerida nang yuyurakan na ang dangal ni Laura. Nakabalatkayong lalaki, si Flerida ang negasyon ng patriarkong orden.Tinalikdan ang tiwaling lipunan, tumakas, suwail sa mapag-upasalang simbuyo ng Sultan. Nasa yugto pa tayo ng agrikulturang ekonomiya kaagapay ng pangangaso at artisanong gawain; piyudal at mala-barbarong gawi ng malakas/matapang ang nakapangyayari. Ang makahayup na ama ni Aladin, Sultan Ali-Adab, ay kakontra sa ama ni Florante, Duke Briseo; lumabag iyon sa kostumbre ng pagmamahal sa anak at paggalang sa kababaihan. Sumuway iyon sa kodigo ng aristokrasya, tulad ni Adolfo. Si Adolfo'y nagpanggap na mapagkakatiwalaan; ang Sultan ay naging despotiko't makahayop ngunit hindi nangamkam ng trono tulad ni Adolfo. Samakatwid, ang pinarusahan lamang ay si Adolfo, modelo ng kasamaan. Pagkabinyag sa dalawang Muslim, pinabayaan na lamang ang Sultan na tumanda't mamatay bago umakyat sa trono ang magkasintahan.
Sa pagsusuma, ang ahensiya ng katubusan ay hindi lang taga-labas bagkus kaaway. Masdan ang diyalektika ng loob/labas, Kristiyano/Muslim, babae/lalaki. Sanhi sa kahayupan ng Sultan, lumabas sa Persya sina Aladin at Flerida, pumasok sa "gubat," emblem ng pagano't makahayup na orden. Sa bisa ng tinig/boses at bahaginan sa hipo at salita, naging sibilisado ang "gubat" habang bumangis ang iniwang Albanya/Persya. Ang kaaway ay naging kapatid, saksi ang mataimtim na pagbubuklod nina Florante at Aladin sa harap ng isinuong na panganib, higit pa sa kapatirang handog ni Menandro. Ang hustisya'y iginawad ng kamay ni Flerida, ang babaeng nakabalatkayong
lalaki, pahiwatig sa posisyong ginagampanan ng teatro, ilusyon, maskara, pakiramdam, pagkukunwari, hinuwad na realidad. Kakabit din ang birtud ng memorya, pagtasa't pagbaybay sa bugso't tilamsik ng karanasan. Tumalab ang turo't payong ipinagkaloob ng mga guro sa Atenas.
Isaulo natin ang metapisikong punto-de-vista ni Balagtas. Hindi ang sistema kundi moralidad ng indibidwal ang dapat ireporma. Karangalan sa budhi ang susi sa problema ng lipunan. Narito ang limitasyon ng pananaw ng makatang ginabayan ng Kristiyanong pangitain. Gayunpaman, nangibabaw ang batas-natural (hango sa klasikong Griyego/Romanong pilosopiya nina Plato, Aristotel, Cicero, minana nina Voltaire, Locke, Rousseau, Jefferson, Rizal) o katutubong bait, dunong at katwiran ng Muslim, na siyang sekular na lunggati--kalayaan, dignidad, katarapatang pantao--na ibinandila ng awit. "Langit" ang talinghagang ginamit para sa katarungan, "langit" sa materyalismong sukatan.
Naglubid sa Bituka ng Haraya
Ang konseptong inihayag sa paglalagom ay nakatakdang pag-inog ng kontradiksiyon sa kasaysayan. Sa engkuwentro ng mga taong nakatuklas ng kaisahan sa harap ng problemang magkaugnay, nailipat ang ginunitang nakalipas at kasalukuyang sitwasyon sa bago't matining na antas, antas ng kinabukasang mas maunlad, sekular o makalupa. Ang relihiyon o pananampalataya ay nakaugat sa materyal na kondisyon sa buhay. Ibahin ang koektibong kondisyon, mababago rin ang ideolohiya o paniniwala. Sa tulong ng kritikang radikal at makatao, maisasakatuparan ang pangako ng kinabukasang nahihimbing sa siwang at biyak ng nakalipas, sa guho ng kabiguan at kawalang-pag-asa ng sinaunang karanasan. Mahihinuhang ito ang pinakabuod na mensahe ng awit.
Sandaling titigan ang konstelasyon ng mga puwersang nagtiyap sa istruktura ng salaysay. Naisakatawan ito sa paghahanay ng mga tauhang sumasagisag sa nagsasalpukang lakas, kaayusan o orden ng lipunan, normatibong pamantayan, ideolohiyang nagkukubli sa realidad, at mapanuring lakas na lumalantad dito. Ang mga ito'y nakalarawan sa panukalang dayagram na kusang umiinog sa pagsalisihan ng kategoryang iginuhit dito:
LUNGSOD: ALBANYA
(Sibilisasyon: Nakaraan at Hinaharap)
/ + \
+
FLORANTE/LAURA----- ATENAS [Batas Natural]-----ALADIN/FLERIDA (Kristiyanismo) [Biktima ng Lungsod] + (Islam) [Tagapag-ligtas]]
+
/ /
GUBAT: FILIPINAS
(Memorya,/Ugnayan ng Bihag at Dayuhan
Versus Nagsahayop: Adolfo, Sultan Ali-Adab)
Litaw dito ang proseso ng pagpapalit, transformasyon ng positibo at negatibo, sa pamamagitan ng kabaligtaran, ironya, paradoha. Ang kaaway ay naging kaibigan; ang kamag-anak/kadugo ay naging taksil na hayop. Sa metamorposis ng kaalaman via bahaginan sa salita/usapan, lumiwanag ang madilim na gubat (kamalayan). Pansamanatalang lumipat ang antas ng kamulatan at nag-sauli ang ordeng hinahangad sa kasalukyan na dati'y ginugunita lamang. Naisaayos ang politika ng panahon at pangyayari. Ito ang materyalismong dialektika naidaos sa matalinong panuto ng mapagpalayang ullirat ni Balagtas.
Laban sa Barbarismo sa Kaluluwa
Sa isang metodo ng paglagom, mailalahad ang konsepto ng kontradiksiyon sa analisis at paghahati sa grupo ng mga talatang nagsasaad ng pagpihit at pagbaligtad. Bago tukuyin iyon, nais kong itanghal muna ang mga puwersang nagsalabat bunga ng pagtatagisan ng mapanupil na kapangyarihang kolonyal at mga inaliping katutubo.
Naturol na ng ibang iskolar ang ginanap ng oposisyong ilusyon-katunayan (halimbawa, sa dramatikong pagsasanay na kinasangkapan ni Adolfo upang patayin si Florante sa Atenas; balatkayo ni Flerida, atbp.), at ng kakatwang paglalangkap ng maginoong asta o pakitang-tao at makahayop na hangarin. Sa pakiwari ko, ito ay sintomas ng krisis ng bayan noon. Sa paglipat mula sa artisano't pesanteng kalagayan noong ika-16 dantaon tungo sa agrikulturang pang-negosyo at kalakalang pandaigdig, biglang nayanig ang dating matatag na rutina ng ugali't kostumbreng ipinairal ng Simbahan. Nang matalo ang Espanya at masakop ang Maynila ng Inglatera, biglang natanto nina Silang, Palaris, Hermano Pule, at mga taumbayan sa Piddig, Sarrat at maraming lalawigan na pwedeng maigupo ang Estadong kolonyalista (Zaide 1967, 90-96) . Nabuksan ang kamalayang natuklasan ang potensiyalidad ng nakababagot na kalakaran.
Sa paghina ng monarkiya sa Espanya at pagkalas ng mga kolonya nito sa Timog Amerika, tumindi ang tunggalian ng konserbatismo't liberalismo. Ang pinakamapanganib na banta sa imperyo ay ang 1812 Konstitusyon ng Cadiz na siyang umuntag sa lahat na maaaring maisakatuparan ang prinsipyo ng libertad, praternidad at demokrasya ng rebolusyong Pranses sa paraan ng reporma ng tagibang na paghahati ng kayamanang sosyal at poder pampolitika. Inakala ng marami na binuwag na ang tributo, polos servicios at iba pang pagpapahirap sa mga Indio, kaya nang bumaba ang dekreto sa Valencia noong Marso 3, 1815, hindi makapaniwala ang mga cailianes (anak-pawis), kaya bumuhos ang dugo ng mga prinsipalya't upisyal sa munisipyo. Hindi anarkiya ito kundi umaapaw na galit sa pang-aabuso at ganting-banat sa kakutsabang alipores ng Espanya.
Sa obserbasyong pangkasaysayan, ang gubat ng Filipinas ay nagimbal sa paglusob ng Inglatera. Ang konsepto ng pagkasupil ng panginoong Kastila ay nasapol ng mga rebeldeng nag-adhikang iwasto ang mali, ibalik ang kalayaan at kasaganaan sa Albanya na winasak ni Adolfo sa makasariling ambisyon. "Langit," hindi Diyos ng teokrasyang Estado, ang pinagpugayan sa huli, na kaakibat sa "ley natural" na kinatuwiran ni Aladin. Nalutas ang bungguan ng ideolohiyang Islam/Kristyanismo nang magpabinyag sina Aladin at Flerida--litaw na kombsensiyonal na taktika ng pampalubag-loob sa madla.
Sa pagsupil kina Adolfo at kampon niya, natugunan ba nang lubos ang hiyaw ni Florante laban sa lilong sukab? Inusal ng bayani: "O taksil na pita sa yama't mataas! / O hangad sa puring hanging lumilipas!" Sa halip na umasa sa panghihimasok ng mahiwagang Anghel ng Maykapal, memoryang kritikal at pagkakaisa ang susi sa pagsasauli ng dating matiwasay na Albanya paglisan sa gubat ng marahas na Filipinas. Ngunit bakit hinirang ang dalawang Moro na siyang taga-tubos nina Florante at Laura? Sa negasyon ng Simbahan at pananampalatayang Kristiyano, sumulpot ang problema ng kung sino o saan magbubuhat ang pagbabagong-buhay, ang paglalakbay mula sa gubat hanggang makatarungang Albanya. Suliranin ito ng ahensiya o pananagutan ng subheto sa komunidad. Panukala ng dalubhasang pilosopo, si Georg Lukacs: "Ang pamamayani ng kategorya ng totalidad (kalahatan) ang nagdadala ng prinsipyo ng rebolusyon sa agham" (sinipi ni Callinicos 2009).
Interbensiyon ng Palabang Buwan
Sa halos lahat ng mahahagilap na komentaryo, walang nagtangkang bungkalin ang maselang paksa kung bakit pinili ni Balagtas si Aladin at Flerida ang maging tagapagligtas ng mga Kristiyanong maharlika. Hindi ba kakatwa o balintuwad ang pagpiling iyon? Bakit hindi si Menandro o binyagang katutubo ang hinirang sa gayong tungkulin? Sapantaha kong dahil hindi nagdarasal sa "Alah" sina Aladin at Flerida o nagsesermon mula sa Koran, payag nang ituring na di sila umaayaw na makisalamuha sa Kristiyano, dili kaya'y makipagkapwa sa kanila. Hindi sila kaaway kundi kasapakat o kaalyado. Dagdag pa, kailangan ng isang huwaran maitatanyag sa pagkalugmok ng pagano o erehe, sabay kumbersiyon at binyag ng mga nilikhang walang Diyos.
Ang pagbubuklod sa bisa ng dugo at relihiyong kinagisnan o minana, ay humina at nahalinhan ng pagsasanib sa ngalan ng simulain, katapatan at napagkasunduang mithiin. Sa Florante, kalikasan ang nakaungos sa damdamin. Kung susuriin ang komedyang Orosman at Zafira, mapapansin na ang tema'y nakatutok sa romansa nina Orosma at Zafira bilang panambil sa paglabag sa kinagawiang relasyon. Taglay nito ang payo na hindi makaaasa sa katapatan ng mga maginoong naghahari. Inagaw ni Boulasem ang trono ng Marruecos kay Sultan Mahamud, ama ni Zafira. Lumaban si Zafira kahit umiibig sa kanya ang dalawang anak ni Boulasem--sina Abdalap at Orosman. Sa wakas, nagtagumpay sina Zafira at kapanalig laban kay Abdalap.
Tunghayan natin ang konsepto ng krisis ng etika o moralidad dito. Sa isang maigting na eksena, pinapili ni Zafira si Orosman; napilitang itakwil ang kadugo (Abdalap) at hirangin si Zafira. Sa malas, ang bayani ay si Boulasem, ang ama, na kusang isinuko ang trono upang matigilan ang pagdanak ng dugo (Medina 1976). Sa kuro-kuro ni Soledad Reyes (1997), ang kolektibong lakas sambayanan (sinagisag nina Bugagas, Nubio, Dagulgol) ang siyang nagbigay-kabuluhan at katuturan sa maingay na salpukan ng mga protagonistang maharlika. Ngunit hanggang doon na lang ba sa panunudyo't pagpapatawa ang polemika ng mandudula?
Sapantaha na kinatha ni Balagtas ang Orosman at Zafira sa pagitan ng mga taon 1857 at 1860 habang nakakulong sa Bilibid. Ang panahong iyon ang natukoy ng historyador na si Cesar Majul (1999) na pang-anim na antas ng Digmaang Morong inilunsad ng Espanya simula 1851 laban sa Sultan ng Sulu (pasimuno ng kampanya si Gobernador Antonio de Urbiztondo) hanggang wakas ng kanilang pagsakop. Bago rito, talagang nakapipinsala ang piratang paglusob ng mga Samal mula sa Balangingi--balik-isipin ang kindat-tukoy sa "damit-morong Balangingi" sa sayneteng naglaro sa tuksuhan ng India Elegante at Negrito Amante.
Bumalik tayo sa nakadulog na usisang bakit ginawang Moro/Muslim ang tagatubos kina Florante at Laura? Una, ang imperyong Espanya mula pa nang masakop ang Granada noong 1492 ay nakatindig sa pagsugpo sa lakas ng Islam; kalakip dito ang raison d'etre ng kolonisasyon sa bisa ng Krus at Espada. Ang naratibo ng Rekongkista na siyang buod ng moro-morong palabas ay naulit muli sa paggapi kay Sulayman, puno ng komunidad ng mga Muslim, sa paligid ng look ng Maynila nang dumating si Legazpi noong 1571. May isang ulat na hiniling daw minsan ng isang gobernador kay Balagtas na isadula niya ang "La Conquista de Granada" at ang pagsuko ni Bobabil, ang prinsipeng Muslim (ayon kay Jacinto de Leon; Balagtas 1971, 191). Walang tiyak na datos kung napaunlakan iyong kahilingan.
Nang umalis ang Inglatera sa Maynila noong 1763, dinala nila si Sultan Alimud Din ng Sulu na bihag ni Gobernador Obando sa Manila. Ibinalik siya sa trono sa Sulu, at bilang gantimpala, ibinigay niya sa East India Company ng Inglatera ang Hilagang Borneo at mga pulong kanugnog ng Palawan (De la Costa 1965, 197-212). Di kapagdaka'y naging internasyonal na ang usaping Moro, simula sa walang awang pamumuksa ni Urbiztondo, na sinundan ng napakalagim na masaker nina Heneral John Pershing at Leonard Wood hanggang sa Abu Sayyaf sa kasalukuyang panahon ng imperyalismong terorismo.
Bagamat walang patid ang tangkang ipailalim ang katutubo, hindi nasakop ng mga Kastila ang lupain ng Moro sa Mindanao at Sulu hanggang lumisan sila noong 1898. Noong 1849, isang negosyante, si Oyanguren, ang nagwaging maabot ang Davao upang ipailalim ito sa kapangyarihan ni Governador Claveria na masugid ding hinangad na matigil ang pamiminsala ng mga piratang Moro sa ekonomiya ng bansa. Ang kahuli-huling sistematikong planong kolonisahin ang katimugan ay naganap sa rehimen ni Gobernador Urbiztondo na nagbunga ng kasunduan ng gobyerno at Sultan ng Jolo noong Abril 30, 1851 (Zafra 1967, 142-43). Alalahanin na isang nakakikilabot na masaker ang ipinataw ni Urbiztondo sa mga Moro sa Sipac, Balanguingui, noong 1848--sana'y di makalimutan ang kasuklam-suklam na pangyayaring ito, pati na yaong ginawa ng mga Amerikano, sa gunita ng sambayanan.
Sabayang Pagtanggi't Pagtanggap
Noong panahong nag-aaral si Balagtas hanggang lumipat siya sa Balanga, Bataan noong 1840, patuloy ang paglusob ng pirata sa Luzon at Bisaya. Hindi lang paghuli sa sinumang magagawang alipin kundi pagsamsam ng ani, pagkain, kalakal at iba pang produkto ang layon ng mga piratang Muslim. Ang mga bihag ay pinagpapalit sa bigas, salapi, baka, perlas, ginto at iba pang yaman ng Bengal at iba pang teritoryo ng Inglatera sa Asya.
Isang mabagsik na salakay ng mandarambong na Moro ay naganap noong 1770 sa Mariveles, ilang kilometrong layo sa Balanga at Udyong. Nakabase ang mga pirata sa Mindoro at iba pang pulong malayo sa kontrol ng Kastila. Alinsunod sa piyudal na sistema ng mga datu at sultan, ang lumang kodigo ng puri o dangal ng oligarko ay napalitan ng ginahawang dulot ng yaman at ari-ariang maipagmamalaki. Ang pananaw merkantil ay lumukob sa karaniwang buhay ng Moro't nagtulak sa pangangalakal din ng tao--mga Kristiyanong alipin--hanggang ito'y nahinto sa paggamit ng bapor at barkong de-motor na mas mabilis sa mga paraw ng pirata.
Kung ang Moro ang pinakamapanganib na kaaway sa loob ng kapuluan, hindi sina Silang, Palaris o Hermano Pule, may katwiran si Balagtas na bunuin ang problema't iangkop ito sa kanyang makademokratikong saloobin. Bagamat Muslim sina Aladin at Flerida, tumalab ang batas-natural sa kanilang isip at damdamin; napansin din ito ni Lope K. Santos . Inalisan ng lason ang nagbabantang Moro, naging respetableng taong makakausap at makakapagnegosyo. Kumikilala rin sila sa halaga ng puri o dangal ng pagkatao. Kung may kakulangan sila, may taglay rin namang kabutihan. Samakatwid, ang "moro-moro" ay naghunos sa bagong anyong pakakapatiran ng dating magkatunggali sa harap ng mas masahol na kabuktutan: pagtataksil, paglabag sa maginoong birtud ng pagkamatapat at makatotohanan, walang awa o paggalang sa hirarkya ng kaayusang piyudal na batayan ng kagandahan at pagkakaunawaan, ang ideyal na huwaran ng artista.
Marahil, ang paghirang kina Aladin at Flerida ay hindi katakataka. Katarungan ang hangad kaya mapapabigyan ang paraang panggulat. Kung kailangang gisingin ang madlang nakikinig upang mag-isip at magpasiya, ang mabangis na kaaway/banyaga/dayuhan ang dapat ipambungad. Marunong makinig, makipag-usap, handang makipag-unawaan. Ngunit hindi ito sinuman na tatanggap ng pananagutan.
Nais ko muling igiit ang nailatag na konsepto. Ang kagampanang taga-pagligtas ay bunga ng pagkakataon, ng mga nagtatagisang lakas sa lipunan, samakatwid kolektibong aksiyon ng pagsasanib ng lakas. Si Balagtas ang imbentor ng kolektibong bayani, timbulan ng lahi--Aladin/Flerida, Zafira/Orosman (laban kay Abdalap)--na nagpasidhi sa mga kontradiksiyon at kabatiran nito. Si Balagtas ang maestro/edukador ng subersiyon, nakatatak sa bansag ng babaeng mandirigma, si Zafira, na mapusok na nagpahayag: "Babae man ako ay makahahawak / ng kalis sa kamay at magpapahirap." Ito ang paradigma o matrix ng mapagpalayang konsepto na pumatnubay sa sining ni Balagtas: "Moro man ako ay...." "Kayumanggi man ako ay... "Inalipin man ako ay...."
Teorya ng Diskursong Konseptuwal
Simula pa noong kilusang avantgarde ng suryalismo, Dada, konstruktibismo, Fluxus, Oulipop ng nakalipas na siglo--mababanggit sina Duchamp, Beckett, Gertrude Stein, Joyce, Brecht, John Cage, atbp.--ang pagyari ng anti-ekspresibong akda ay di na bagong balita. Nawasak na ang lumang kategorya ng genre at dekorum sa estilo, pati na rin ang kaibahan ng mga midya o instrumento sa pagpapahayag (pinta, musika, salita) at malawakang komunikasyon sa buong planeta. Di mapanlikhang sulat ("uncreative writing") ang bunga. Sa sining, ang "Spiral Jetty" ni Robert Smithson. Ang pinakamahalaga ay ang konsepto o ideya na ugat ng "Spiral Jetty." Panukala ng pangunahing artista sa kilusang ito, si Sol Lewitt: "The idea or concept is the most important aspect of the work...The idea becomes a machine that makes the art" (1999, 12).
Supling ang kontemporanyong sining ngayon sa pag-angkin (appropriation), malayang pagpuslit, paghalaw, malikhaing paghiram, at pagtransporma ng anuman--ang konteksto/sitwasyon ang siyang dumidikta. Ito'y nakadiin sa proseso, at nakasalig sa konsepto o kaisipang umuugit o pumapatnubay sa paraan ng pagbuo, hindi sa produkto. Layon nito ay hindi lang pagbuwag sa pribadong pag-aari ("expropriate the expropriators," wika nga) kundi paghahain din sa lahat ng malawak at maluwag na larangan sa interpretasyon/kabatiran (ang komunismo ng all-round "free development," ayon sa Gotha Programme ni Karl Marx). Kung sira na ang bakurang humihiwalay sa sining at buhay, sa politika at ekonomya, bakit bulag pa rin tayo sa katotohanang nagbago't nagbago na ang mundo?
Wika ni Kenneth Goldsmith, isang dalubhasang konseptuwalistang guro: "The idea or concept is the most important aspect of the work...The idea becomes a machine that makes the text" ("Paragraphs on Conceptual Writing," sangguniin din ang Against Expression: An Anthology of Conceptual Writing, inedit nina Goldsmith at Craig Dworkin). Dagdag pa niya: Hindi kailangang basahin ang teksto. Kailangan lamang ay maintindihan ang konsepto, ang namamayaning proyektong inaadhika, ang paradigmatikong kaisipan, sa likod nito. Mahigpit na kaugnay nito ang teorya ng "abductive inference" ni Charles Sanders Peirce (1998). Ang konsepto ang nagsisilbing batayan ng porma, hugis, metodong operasyonal, anyo, kaayusan (sang-ayon din si Galvano Della Volpe, Critique of Taste). Sagot ito sa digital revolution ng kompyuter, sa pagsambulat ng impormasyon sa Internet na walang pasubaling naglilinkod sa barbarismo ng tubo/kapital at karahasan ng pagsasamantala. Tanong ko: pagkatapos ng kabatiran, ano ang dapat gawin?
Paano makalalaya sa kapangyarihan ng salapi, kapital, komodipikasyon? Upang lumaban sa industriyang pangkulturang kasangkapan ng kapitalismong global, pag-umit o pag-angkin (sa katunayan, ng kinumpiskang halaga/surplus value na likha ng mga manggagawa) at detournement (ayon kay Guy Debord) ang gawing estratehiya sa pagtutol. Mabisa ang taktika ng alegorya, ang metodo ng debalwasyon (sangguniin ang "Notes on Conceptualisms" nina Robert Fitterman at Vanessa Place sa Web).
Sino ang may kontrol sa mga kagamitan sa produksiyon at reproduksiyon ng lipunan? Paliwanag din ni Walter Benjamin na dapat hawakan at pangasiwaan ang paraan ng produksiyon upang matutulan ang laganap at malalim na komodipikasyon, reipikasyon, anomie/alyenasyong ipinapalaganap ng sistemang kapitalismong pampinansiyal sa buong daigdig. Samut-saring posibilidad ang nakabukas dahil sa teknolohiya. Laluna ang materyalidad ng wika at iba't ibang signos/senyal. Nasa gitna tayo ng rebolusyon sa sining. Pwede kayang maitransporma ang nakahandang-bagay (ready-made), mga nayari na o natagpuang bagay saanmang lugar, tulad ng mga salawikain, grapiti, anekdotang bukambibig, balita, atbp. (hanggang hindi pa ito napraybatays ng McDonald, Body Shop, S-M at Robinson Mall) upang makapukaw ng katumbalikang damdamin at isip?
Ang diskursong naisatitik dito sa larang ng kritisismo ay maituturing na ensayo sa post-konseptuwalismong modo ng pag-unawa at interpretasyon. Ayon kay Peter Osborne (Anywhere or Not at All), ang post-konseptuwalismong pananaw ang siyang mabisang paraan upang sagupain ang neoliberalismong salot na nagtuturing sa lahat na pwedeng mabili at pagtubuan--katawan, kaluluwa, panaginip, kinabukasan. Ang idea ng "horizon" o abot-tanaw na hanggahan ang maaaring bumalangkas ng praktikang experimental na negasyon/pagtakwil sa status quo na dudurog sa nakagawiang hilig, gawi, asal sa "free market" ng paniniwala't damdamin. Ito ang kauna-unahang pagsubok sa paglapat ng radikal na konseptuwalisasyon sa awit ni Balagtas.
Huwarang Matris ng Konsepto
Ang konseptuwalisasyon ng awit ay maibubuod at malalagom sa tulong ng labindalawang saknong na hinugot sa 399 talata. Ipinapalagay na naisaulo na ng mambabasa ang banghay ng tula. Kailangan na lamang ipokus sa mga antas ng pagpihit o pag-ikot na kamalayang kaagapay ng daloy ng mga pangyayari. Paglimiin kung paano o bakit ipinagtambal ang mga estropang ito, kung saan masisinag na siyang bumubuhol at nagtatahi ng iba pang hinabing hibla sa kuwadro ng buong tula.
A. Sa may gitna nitong mapanglaw na gubat
may punong higerang daho'y kulay-pupas
dito nagagapos ang kahabag-habag
isang pinag-usig ng masamang palad
B. "Mahiganting langit, bangis mo'y nasaan?
Ngayo'y naniniig sa pagkagulaylay
bago'y ang bandila ng lalong kasamaan
sa Reynong Albanya'y iniwawagayway"
C. Dito naghimutok nang kasindak-sindak
na umalingawngaw sa loob ng gubat
tinangay ang diwa't karamdamang hawak
ng buntunghininga't luhang lumagaslas
D. Nagkataong siyang pagdating sa gubat
ng isang gererong bayani ang tikas
putong na turbante ay kalingas-lingas
pananamit Moro sa Pers'yang siyudad
E. Sa tinaghuy-taghoy na kasindak-sindak
gerero'y hindi na napigil ang habag
tinunton ang boses at siyang hinanap
patalim ang siyang nagbukas ng landas
F. Nang magtagumpay na ang gererong bantog
sa nangakalabang mabangis na hayop
luha'y tumutulong kinalag ang gapos
ng kaawa-awang iniwan ng loob
G. "Ipinahahayag ng pananamit mo
taga-Albanya ka at ako'y Pers'yano
ikay ay kaaway ng baya't sekta ko
sa lagay mo ngayo't magkatoto tayo"
H. "Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis
mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib
lumaki sa tuwa'y walang pagtitiis
ano'ng ilalaban sa dahas ng sakit?"
I. Kaya pala gayo'y ang nawawagayway
sa kuta'y hindi na bandilang binyagan
kundi medyaluna't reyno nasalakay
ni Alading salot ng pasuking bayan.
J. "Magsama na kitang sa luha'y maagnas
yamang pinag-isa ng masamang palad
sa gubat na ito'y hintayin ang wakas
ng pagkabuhay tang nalipos ng hirap"
K. "Nang igagayak sa loob ng reyno
yaong pagkakasal na kamatayan ko
aking naakalang magdamit gerero
at kusang magtanan sa real palasyo"
L. Anupa nga't yaong gubat na malungkot
sa apat ay naging Paraiso't lugod
makailang hintong kanilang nalimot
na may hininga pang sukat na malagot
M. "Nang paghanapin ko'y ikaw ang nataos
pinipilit niyong taong balakiyot
hindi ko nabata't bininit sa busog
ang isang palasong sa lilo'y tumapos"
N. Sa pamamahala nitong bagong hari
sa kapayapaan ang reyno'y nauli
dito nakabangon ang nalulugami
at napasa-tuwa ang nagpipighati
Ipinagkaloob ng Proletaryong Musa
Sa paghugot ng mga saknong na ito, gumigitaw ang iskema ng konseptong bugso ng mga pangyayari o pagkakataon ang tahasang humuhubog sa kapalaran ng tao. Di kinusang matagpuan ni Aladin si Florante sa gubat at iligtas sa mga maninila, gayundin si Flerida. Nakiugma rin sa patriarkong pamantayan ng ugali: nagbalatkayo si Flerida upang makatakas at di umano'y patunayan ang likas na kakayahan ng kababaihan.
Sukat na lamang sumulpot si Adolfong ginagahasa si Laura upang maisakatuparan ang kunwaring pagkamandirigma ni Flerida. Kumilos sila ayon sa batas ng kalikasan--hindi ang batas ni Hobbes o Darwin: bawa't tao'y lobo sa kapwa. Hindi nakapanaig ang indibidwalismo ng kapitalismong merkantil. Nagsanib ang mga biktima ng kabuktutan upang ibalik ang katarungan sa ordeng piyudal. Di natin dapat kaligtaan na ang udyok ng pakikiramay, ang pagmamalasakit o solidaridad, ay inutil at walang saysay kung hindi binibigyan-bisa ng dinamikong aksiyon ng mga uri/grupo sa lipunan. Hndi biolohiya ang paliwanag kundi sitwasyon at kontradiksiyon ng samut-saring lakas. Nakaugat ang balangkas ng awit sa konseptong ito.
Sa paglagom, maisusog ang haka-hakang naibadya na sa umpisa. Natatarok ng nakabasa o nakarinig ng pagsasalaysay ng mga tauhan ang buong balangkas ng pinagsanib na buhay nila. Ngunit habang lumalangoy sa dagat, hindi batid ang lawak ng dagat. Sabi nga ng pilosopo: Ang kuwago ni Minerba'y lumilipad paglubog ng araw. Sumusunod ang kabatiran sa naganap na aktibidad ng mga uri't pangkat sa lipunan. Hindi watas ng mga kasangkot habang nakikibaka, inaakalang sila ang may kagagawan ng mga nangyari. Natatamo ang kabatiran sa mga masinsinang paghimaymay sa nakaraan, sa pagsusuri sa gunam-gunam tungkol sa kabalintunaan at kabalighuan ng karanasan, palibhasa'y natigil ang plano o napinsala sa di inaasahang buwelta at pagkabigo ng inaasam-asam. Kinakailangan ang teorya o konsepto ng praktika upang maaninaw at matanto ang totalidad/kabuuan ng buhay sa lupa.
Ang alegorya ng kabatiran o kaalaman ay nakatanghal sa bagong diskursong nayari, kaya hindi na kailangan basahin ang buong awit. Alam na ng lahat ang isinalaysay na buhay ng mga tauhan. Tampulan ng atensiyon ang mga buko ng dugtong o hugpuan, ang mga kasukasuan, kung baga sa armadura ng katawan. Iyon ang kuwadrong kinasisidlan ng konsepto. Tangka ng pagsubok na ito na buhayin ang puwersa ng sining ni Balagtas.
Maidudugtong, bago magwakas, ang nakamihasnang pagpaparangal sa himagsik ni Balagtas nina Cruz, Epifanio de los Santos, Agoncillo, Lope K Santos, at Lumbera. Halos lahat ay nagkaisa sa kahalagahan ng tema at paraan ng paglalarawan sa tula. Ituring na dagdag ito, tulad ng mga naunang akda ko, sa hermenyutikang pagpapaliwanag batay sa materyalismo-diyalektikang pagpapakahulugan sa kasaysayan. Problema na walang tiyak o takdang resulta ang anumang eksperimento o ipotesis, probabilidad lamang. Sa pagsasalin sa konseptual na diskurso ang buod ng Florante, maitatanong kung makatutulong kaya ito sa paghikayat na kolektibong tuklasin at isakatuparan ang konsepto ng pagbabago, konsepto ng pagbabalikwas at pagsulong tungo sa pambansang demokrasya't kasarinlan? Ating pagnilayin kung paano maibubuo ang taktika at estratehiya ng pagbabago sa tulong ng malikhai't sistematikong imahinasyon ni Balagtas.
SANGGUNIAN
Agoncillo, Teodoro. 1992. "Sa Isang Madilim: Si Balagtas at ang Kanyang Panahon." Kritisismo ni Soledad S. Reyes. Manila: Anvil.
---- & Oscar Alfonso. 1967. History of the Filipino People. Quezon City: Malaya Books.
Almario, Virgilio. 2006. Pag-unawa sa Ating Pagtula. MetroManila: Anvil.
Antillon, Loline. 2006. "Florante at Laura: Dikonstraksyon ng Pinuno." Kilates: Panunuring Pampanitikan ng Pilipinas. Ed. Rosario Torres-Yu. Quezon City: University of the Philippines Press.
Balagtas, Francisco. 1990. Orosman at Zafira. Ed. B.S. Medina Jr. Manila: De La Salle University Press.
----. 1950. Florante at Laura: Ang Dakilang Awit ni Balagtas. May Salin sa Ingles ni George St. Clair. Ed. Jacinto De Leon. Quezon City: Manlapaz. (1971 reprint)
----. 1949. Florante at Laura. Inihanda ni Florentina Hernandez. Manila: Inang Wika Publishing Co.
----. 1947. "La India Elegante y El Negrito Amante." Sampung Dulang Iisahing Yugto. Ed. S. Flores & P. Jacobo Enriquez. Manila: Philippine Book Company.
Bloch, Ernst. 1986. Natural Law and Human Dignity. Cambridge, MA: MIT Press.
Constantino, Renato. 1975. The Philippines: A Past Revisited. Quezon City: Tala Publishing Services.
Cruz, Hermenegildo. 1988. "Kung Sino ang Kumatha ng "Florante." Himalay. Patnugot: Patricia Melendrez-Cruz & Apolonio Gayani Chua. Manila: Cultural Center of the Philippines.
De la Costa, Horacio. 1965. Readings in Philippine History. Manila: Bookmark.
De los Santos, Epifanio. 1988. "Si Balagtas at ang Kanyang Florante." Himalay. Manila: Cultural Center of the Philippines.
Debord, Guy. 2003. Complete Cinematic Works. Oakland, CA: AK Press.
Flores, S. & P. Jacobo Enriquez, ed. 1947. Sampung Dulang Tig-Iisahing Yugto. Manila: Philippine Book Company.
Goldsmith, Kenneth. 2013. "Paragraphs on Conceptual Writing." Web. <http://epc.buffalo.edu/authors/goldsmith/conceptual-paragraphs.html>
----- and Craig Dworkin, eds. Against Expression: An Anthology of Conceptual Writing. Chicago, IL: Northwestern University Press.
LeWitt, Sol. 1999. "Paragraphs on Conceptual Art." Conceptual Art: A Critical Anthology. Ed. Alexander Alberro and Blake Stimson. Cambridge, MA: MIT Press.
Lumbera, Bienvenido. 1986. Tagalog Poetry: 1570-1898. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Mabanglo, Ruth Elynia. 1992. "Florante at Laura: Ilang Obserbasyong Feminista."
Kritisismo ni Soledad Reyes. Manila: Anvil Publishing Inc.
Majul, Cesar A. 1999. Muslims in the Philippines. Quezon City: University of the Philippines.
Medina, B.S., Jr. 1972. Tatlong Panahon ng Panitikan. Manila: National Book Store.
----. 1976. "Pagdurusa sa Dula ni Balagtas." Sagisag (Abril): 19-22.
----. 1990. "Subersiyon ng Romansa: Kamalayang Balagtas sa Teatro Popular sa Pilipinas." Orosman at Zafira ni Balagtas. Ed. B. S. Medina, Jr. Manila: De La Salle University Press.
Peirce, Charles Sanders. 1998. The Essential Peirce: Selected Philosophical Writings. Volume 2. Bloomington, IN: Indiana University Press.
Reyes, Soledad. 1977. Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular. Quezon City: Ateneo University Press.
Santos, Lope K. 1988. "Ang Apat na Himagsik ni Francisco Balagtas." Himalay. Patnugot: Patricia Melendrez-Cruz & Apolonio Bayani Chua. Manila: Cultural Center of the Philippines.
Sevilla y Tolentino, Jose N. 1922. Sa Langit ng Bayang Pilipinas: Mga Dakilang Pilipino. Maynila: Limbagan nina Sevilla at mga kapatid. Web.
<http://www.gutenberg.org/files/17786=h/17786=h.htm>
San Juan, E. 1969. Balagtas: Art and Revolution. Quezon City: Manlapaz.
----. 1972. Preface to Pilipino Literature. Quezon City: Phoenix.
----. 1974. Introduction to Modern Pilipino Literature. Boston: Twayne.
----. 1978. Balagtas: Florante/Laura. Translation into English. Manila: Art Multiples Inc.
----. 1984. Toward a People's Literature. Quezon City: University of the Philippines Press.
----. 2004. Himagsik: Pakikibaka Tungo sa Mapagpalayang Kultura. Manila: De La Salle University Press.
Zafra, Nicolas. 1967. Philippine History Through Selected Sources. Quezon City: Alemar-Phoenix Publishing House.
Zaide, Gregorio 1970. Great Filipinos in History. Manila: Verde Book Store.
Others have given their lives, without doubt or heed...Scaffold or open plain, combat or martyrdom's plight, 'Tis ever the same, to serve our home and country's need. -- JOSE RIZAL, "My Last Farewell" // Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis Mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib... -- FRANCISCO BALAGTAS, "Florante at Laura" //
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO
kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...
-
KONTRA-MODERNIDAD: PAKIKIPAGSAPALARAN SA PAGTUKLAS NG SARILI NATING MAPAGPALAYANG KABIHASNAN Kung ang katotohanan ay matatagpu...
-
AMADO V. HERNANDEZ : AN INTRODUCTION By E. SAN JUAN, Jr. By general consensus, Amado V. Hernandez (1903-1970) is the most serviceable ...
-
ULIRANG HALIMBAWA NI EFREN ABUEG: Tungo sa Mapagpalayang Sining ni E. San Juan, Jr. Kamakailan, bago ipinawalan ang “Morong 43” na biktima...
No comments:
Post a Comment