PAGBUBULAY-BULAY NG ISANG PETIBURGIS NA INTELEKTWAL
Nang ika-10 gulang, nagnais akong matuto’t maging marunong
Nang ika-15 gulang, nabatid kong tama ang gurong Mang Andoy
Nang ika-21 gulang, natiyak ko na ang daan
Nang ika-30 gulang, nasulyapan ko na ang guhit-tagpuang abot-tanaw
Nang ika-36 gulang, nabilibid ako sa kasong pakikiapid (natiklo, ay malas!)
Nang ika-40 gulang, nagpasiya akong pwede nang makipag-sapalarang mag-isa
Nang ika-50 gulang, bayad na ako sa mga utang at butaw
Handa na akong umakyat sa bundok—
Napaglirip sa panahon ng paglalakbay hanggang dito, palipat-lipat ang diwa
Sa pagitan ng ibong makulay ang bagwis
nakatuon sa panaginip at pantasiya
At isdang nagtatampisaw sa putik, matimtimang dumaranas
ng udyok at simbuyo ng damdamin….
Hinahangad ko mula ngayon, sa kabila ng gulo’t panganib ng kapaligiran,
Sundin ang dragon ng isip, matimyas na pagnanais makahulagpos
Upang sa gayon makaigpaw sa bangin at makatawid
sa talampas at matarik na dalisdis ng bundok
Yapos ang ibong pumailanlang at isdang sumisid
sa pusod ng kaluluwa.
Makaabot pa kaya ako sa kasukdulang biyaya ni Maria Makiling nabighani sa salimbayan
ng mga kalapating dumaragit?
—ni E. SAN JUAN, Jr.
______________________________________________________________________________
Kilalang kritiko at manlilikha sa larangang internasyonal, si E. SAN JUAN, Jr. ay emeritus professor of English, Comparative Literature, and Ethnic Studies, University of Connecticut & Washington State University. Siya’y awtor ng maraming libro, kabilang na ang Balikbayang Sinta: An E. San Juan Reader (Ateneo University Press), Kontra-Modernidad (University of the Philippines Press), Tinik sa Kaluluwa; Rizal In Our Time (Anvil Publishing), Bakas Alingawngaw (Ateneo University Press), Salud Algabre (University of San Agustin Publishing House), at Ulikba at mga bagong tula; at Learning from the Filipino Diaspora (U.S.T. Publishing House).
Inilathala ng Lambert Academic Publishing Co., Saarbrucken, Germany, ang kaniyang Critical Interventions: From Joyce and Ibsen to Peirce and Kingston, kasunod ng In the Wake of Terror (Lexington), US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave), at Carlos Bulosan: Revolutionary Filipino Writer in the U.S. (Peter Lang).
Ilulunsad ng U.S.T. Press sa taong ito ang bagong libro niya: Faustino Aguilar: Kapangyarihan, Kamalayan, Kasaysayan, Isang Metakomentary sa mga Nobela ni F. Aguilar--pinakaunang libro ng makabagong panunuri sa mga akda ng isang rebolusyonaryong tagapagtatag ng panitikang Filipino.
Naglingkod siya bilang Fulbright professor of American Studies sa Katholieke Universiteit Leuven, Belgium; Fellow, Center for the Humanities, Wesleyan University; visiting professor of literature sa National Tsing Hua University, Hsinchu, Taiwan. Kamakailan, siya ay naging Residential Fellow ng Rockefeller Foundation Study & Conference Center sa Bellagio, Italya, at Fellow sa W.E.B. Institute, Harvard University. Siya ay kasalukuyang director ng Philippines Cultural Studies Center sa Washington, DC, USA, at katulong na patnugot ng maraming dyornal tulad ng Cultural Logic, Kultura Kritika, Unitas, at iba pa. Kasapi siya sa American Civil Liberties Union, Democratic Socialists of America, at Modern Language Association of America. Kamakailan, naging chair professor of Cultural Studies, Polytechnic University of the Philippines, at visiting professor of English, University of the Philippines.
No comments:
Post a Comment