Others have given their lives, without doubt or heed...Scaffold or open plain, combat or martyrdom's plight, 'Tis ever the same, to serve our home and country's need. -- JOSE RIZAL, "My Last Farewell" // Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis Mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib... -- FRANCISCO BALAGTAS, "Florante at Laura" //
Thursday, December 05, 2013
INTRODUKSIYON SA KALIPUNAN NG MGA TULA, KUNDIMAN SA GITNA NG KARIMLAN--E, SAN JUAN, Jr.
INTRODUKSIYON sa KUNDIMAN SA GITNA NG KARIMLAN (U.P. Press, 2014)
ni E. SAN JUAN, Jr.
Mahigit 15 taon na pagkabagsak ng Unyon Sobyet at ang pangarap ng alternatibong kaayusang panlipunan--binansagang sosyalismo/komunismo na di angkop na inangkin ng USSR ngunit ginawang sagisag ng pagsulong ng Tsina ni Mao. Sa bagong milenyo, neoliberalismo ang nagtagumpay laban sa sosyal-demokratikong hanay pagkaraan ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig.
Bagamat nahumaling na ang mga intelektuwal sa Hilagang Global sa "Washington Consensus" na itinuring na wakas ng kasaysayan, di umano (ayon kay Fukuyama at mga ideologo ng IMF/World Bank/WTO), sumiklab naman ang pundamentalismong Islam, markado ng Setyembre 9/11 at giyera sa Iraq at Afghanistan ngayon. Umabot ito sa Mindanao at Sulu ng Abu Sayyaf, na siyang apolohiya sa interbensiyon ng US Special Forces at drones. Tulad ng pundamentalismong Kristiyano, bunga ito ng malubha't matinding krisis ng kapitalismong pandaigdigan. Samut-saring apokaliptikong kuro-kuro ang namamayani sanhi sa walang mahinuhang ipapalit sa kapitalismong kaayusan, liban na lamang sa pagsira't pagpanaw ng buhay sa planeta sa bisa ng ekolohiyang sakuna. Kung totoo ito, ano ang kahulugan at implikasyon nito sa larangan ng diwa, kaisipan at banghay ng damdamin?
Sa postmodernong yugtong ito, nagkalat ang mga labi ng dekonstruksiyon at post-istrakturalistang haka-haka (Derrida, Foucault, Lyotard, Deleuze) na bumuntot sa turo nina Heidegger at Nietzsche. Isang libingan ito na walang kuwago ni Minerbang nagliliwaliw. Wala ring maasahan ang inaliping taumbayan kina Negri at Frankfurt Critical Theory, o sa mga alagad ni Lacan (Zizek). Hanggang ngayon, pinupulot pa nina Badiou, Ranciere, Jameson, Eagleton, atbp., ang mga pamana ng 1968, ng Situwasiyonismo at nina Lukacs, Gramsci, Luxemburg, Benjamin, Lefebvre, Brecht, C,L.R. James, Fanon, at iba pang militanteng pantas. Sa paniwala ko, hanggang ang lakas-paggawa ang susi sa tubo ng kapital, wala pa ring kapalit sina Marx-Engels (puna ni Sartre noon pang nakalipas na dantaon)--ang historiko-materyalismong pananaw ang susi sa alyenasyon, komodipikasyon at imperyalismong patuloy na nagpapasasa sa pawis ng sangkatauan.
Ngunit may kaibahan: ang lumpong proletaryado ng industriyalisadong bansa ay hindi na nangungunang ahensiya sa pagbabago. Pumalit doon ang mga inaapi't inaaliping bansa, mga talagang dinuhagi't sinupil na nilalang sa bawat sulok ng planeta, laluna ang mga katutubo, mga taong makulay ang balat. Kasangkot na rito ang Pilipinas, ang nakararaming pesante o magbubukid, lumad, kababaihan, manggagawa, panggitnang uri, atbp. Ang unibersal na katangian ng tao, ang Negatibong Lakas na motor sa pag-inog ng kontradiksiyon, ay lumipat na sa subalternong masa ng mga kolonisado't sinisikil na bansa't masang nakararami sa buong planeta.
Oryentasyon ng Paghahanap
Sa ganitong kalagayan, ano ang tungkulin at pananagutan ng manunulat sa mahaba't matinding krisis ng bansa? Paano maisasagip ang naghihingalong katawan ng sambayanan? Paano madudulutan ng ibayong sigla ang lupasay na body politic sa kasalukuyang ligalig at kagipitan? Sa ibang salita, paano tayo makaaahon mula sa kinasadlakang neokolonyang malagim tungo sa tunay na historya ng lahi? Kay Teodoro Agoncillo, ang kasaysayan natin ay nagsimula lamang noong 1872--kalimutan na ba sina Dagohoy, Gabriela Silang at Apolinario de la Cruz? Ngunit alam ng lahat, pinatay si Andres Bonifacio ng ilustradong uri (kadugo ng kasalukuyang oligarkong naghahari) at ipinagkanulo sina Sakay hanggang Sakdalista at Huk ng mga kakutsaba ng imperyalismong Amerikano. Wala pa tayo sa taal at dalisay na umpisa ng kasaysayan natin, samakatwid.
Ang modernidad natin ay di pa nailuluwal, kaipala'y nabansot o naudlot sa pagtubo, bagamat maraming kasama ang nangahas tumula na sa cyberspace. Dapat dagling susugan na ang sitwasyong ito'y hindi usaping pang-teknolohiya lamang, manapa'y karamay dito ang konstelasyon ng mga saloobin at ugaling nakabase sa ekonomiyang pampulitika. Alyenadong gawain pa rin ang problema. Ang tradisyon ng kolonyalismo, ang pananalig sa pasyon at pananampalataya, ay sintomas lamang. Ang lumang istrukturang mapanlupig, mga bulok na institusyong kolonyal, ay di pa nabubuwag ng Kaliwanagan (Enlightenment), sapagkat ang ekonomiya ay piyudal kaakibat ng petiburgesya't komprador na patakarang nagwasak na sa matandang balangkas ng pamilya at pamumuhay ngunit di makapagpalaya sa kamulatang indibidwal, sa siyentipikong rason ng komunidad. Alyenasyon ng bawat isa, kaagapay ng tunggalian ng mga uring kasudlong sa angkan at disiplina ng patriyarkong rehimen, ang patuloy na umuuugit at nangingibabaw sa karaniwang buhay araw-araw.
Gayunpaman, lagpasan na natin ang indibidwalismo ng Renaissance at tumungo na tayo sa anti-imperyalismong baitang ng pakikibaka. Hinihingi ito ng diyalektikang paglalangkap ng mga panukala, metodo, layunin at destinasyon. Ngayon na mismo ang pagpapasiya hindi upang ibalik ang nakalipas kundi upang gawing bago ang kasalukuyan, palayain ang nasusugpo't napipigil na lakas ng kolektibong diwa. Ang modernidad/kolektibong kaunlaran ay nakasilid/nakapiit sa kasalukuyan. Ito ang dapat pakawalan ng organikong intelektwal ng masa, ng organikong artista o manlilikha. Ito ang pangunahing mithiin na kontra-gahum na kilusan ng masa.
Sa malalim na paglagom ng Kanluraning metapisika sa librong The Politics of Time: Modernity and Avantgarde, naimungkahi ni Peter Osborne na ang karaniwang buhay sa araw-araw, la vie quotidienne (sa kategorya ni Lefebvre), ang susi sa pagtuklas ng paraan sa rebolusyonaryong transpormasyon ng sining at panitikan.
Araw-araw, Magpakailanpaman
Palayain ang nasusugpong potensiyal ng pang-araw-araw na buhay ng bawat mamamayan--ito ang hinihingi ng himagsikan--upang maisakatuparan, ngayon din, ang pangako ng maluwalhating kinabukasan, ng katarungan at dignidad ng bawat nilikha. Hindi ito utopyang salamisim kundi pangangailangan sa araw-araw na buhay. Sinikap ng makata rito na tugunan ang pangangailangang ito.
Paano mailalapat ito sa ekonomiya ng migrante't diyasporikang Pinay/Pinoy, at sa marahas na neokolonyang orden ng mga panginoong may-lupa, komprador at burokrata-kapitalista sa kasalukuyan? Ano ang kondisyon ng karaniwang araw ng maralita, ng dinuduhaging anakpawis? Mayroon bang mga titis o binhi ng kasiglahan na nakakubli sa kadalasa'y nakababagot na ordinaryong ikot sa araw-araw, ulit-ullit na pagbabatak at pagsisikap? Kailangan ba ng gulat o sindak upang mabuksan ang nakabilanggong diwa't kamalayang pumipiglas sa loob ng arawang pagsilbi sa panginoong may-ari? Kung ang taktika ng avantgarde (halimbawa kamakailan, ang sensurang inilapat kay Mideo Cruz) ay sinisiil, ano ang dapat gawin? Ano ang aral na mahuhugot sa kasalukuyang paghihigpit, surveillance at pasistang terorismo ng Estado?
Litaw na ang ideolohiya ng kasalukuyang orden ay hindi magpapahintulot baguhin, o panghimasukan, ang palasak na karanasan ng karaniwang tao. Ang pang-araw-araw na buhay ay kontrolado nito. Bukod dito, masaklaw ang suliranin. Sanhi sa matinding kontrobersiya sa kasalukuyang sitwasyon ng sining, na kaagapay o di-sinkronikang katugma ng mga pangyayari sa pulitikang pang-ekonomya ng bansa sa gitna ng malubhang krisis ng kapitalismong pampinansiyal, napapanahon marahil ang ilang radikal na paglilirip tungkol sa panitikan, sa pagsuri sa panulaan at sining sa pangkahalatan. Ibig sabihin, ang kahirapan ng mayorya at kawalan ng kaunlaran ng bansa ay sintomas ng krisis ng buong orden ng imperyalismo. Ito ang dahilan sa mga kaisipang sumasalamin sa sitwasyong nakapaligid. Samakatwid, ang tiyak na panahon at lugar sa ngayon ang humihingi ng repleksiyon tungkol sa sining at pulitika sa arena ng tunggalian ng mga uri sa kasaysayan.
Diyalektiko ng Himagsikan
Nais kong igiit sa pambungad ang prinsipyo na unang nailahad ni Marx sa "Theses on Feuerbach": ang identidad ng indibidwal, ang pinakabuod ng kasiyaan o pagkatao ninuman, ay hindi isang abstraksiyong namumukod kundi tahasang kabuuan ng ugnayang panlipunan. Ang esensiya ng sinumang nilikha ay matatagpuan sa proseso ng relasyong panlipunang kinabibilangan ng bawat nilalang. Ang buhay sa lipunan ay praktika, maramdaming kilos at gawain ("sensuous as practical activity"), praktika ng pagbabago at transpormasyon ng kabuhayan sa daigdig.
Kailangang idiin ito sapagkat sa alyenasyong bunga ng palitan ng komoditi at pribadong pag-aari, kaakibat ng ideolohiyang namamayani sa kapitalismong orden, ang indibiduwalismo ang saligan ng kaisipan at pakikipagkapwa-tao sa lipunan. Di na kailangang balik-tanawin ang pilosopiya nina Thomas Hobbes at John Locke upang patunayan ito. Dahil dito, lahat ng nangyayari ay ikinakabit sa gawa o kilos ng indibidwal--mga hari, prinsipe, bayani, lider o heneral, atbp. Ang likhang-sining ay produkto ng isang henyo, isang malahimalang diwa o utak o kaluluwa. Sa ating panitikan, si Francisco Baltazar ang kinikilalang "ama" ng panulaang Tagalog batay sa obra maestrang Florante at Laura. Si Alejandro Abadilla naman ang pasimuno ng paghihimagsik laban sa tradisyong sinimulan di-umano ni Lope K. Santos (at mga kontemporaryo sa Aklatang Bayan) at pagkatapos ipinagpatuloy ng mga kapanalig ni Jose Corazon De Jesus sa Ilaw at Panitik. Ito ang nakagawiang pagsasalaysay at pagsusuma ng istorya ng panulaan hanggang ngayon.
Mapapansin na sa mga ulat nina Julian Cruz Balmaseda, Teodoro Agoncillo, Bienenido Lumbera at Ben S. Medina Jr., bawat manunulat ay kaakibat ng isang pulutong o henerasyon. Ang tatlong pangkat na laging binabanggit (Aklatang Bayan, Ilaw at Panitik, at Panitikan) ay mapagkunwaring kategorya na nagkukubli ng mga kaibahan at kasalimuotang taglay ng mga akdang nakapaloob sa bawat pangkat, kaya walang halaga ito sa pagkilatis ng mismong katha, manapa'y malabo at nakapanliligaw. Ang dapat tuunan ng mataming pagsisiyasat ay ang ideolohiya o pananaw ng bawa't manunulat, ang ugali o sistema ng praktika/aksiyon na sinusunod upang iugnay ang kaniyang diwa't karanasan sa lipunan at masalimuot na pangyayaring nagaganap. Walang tuwirang ugnayan o pagtatambal ang damdamin/isip ng manunulat at realidad, dahil sa alyenasyong laganap sa lipunan at komodipikasyon sa pulitika't kultura ng bansa. Kaya nararapat himaymayin ang sari-saring medyasyon at prosesong nakapamagitan na siyang naglalangkap sa buhay ng manunulat at malawak na konteksto ng lipunan at kasaysayan. Ito ang tagubilin ng historiko-materyalismong agham.
Ang kumplikadong medyasyong ito, ang mga uri at palapag ng pagkakawing-kawing ng isip, damdamin, at karanasang panlipunan sa likhang-sining ang paksa ng talakayang dapat ilunsad at paigtingin sa lahat ng dako. Layunin nito ay interpretasyon o pag-aaral sa kontradiksyon sa lipunan at kasaysayang sinasalamin ng likhang-sining, at kaalinsabay nito ang hangaring maiba o mabago ang daigdig--isang kolektibong proyekto.
Suriin, sipatin at kilatisin ang likhang-sining, hamon ng makabagong kritiko. Subalit sa pagpako ng pansin sa partikular na likhang-sining, ng kongkretong katha, ayon sa payo ng pluralismo't eklektisismong kinahuhumalingan sa neokolonyal na akademya ngayon, dapat din nating tandaan na may panganib na magayuma tayo ng fetishism sa sining, isang malubhang sakit na reaksiyon naman sa alyenasyon ng buhay sa lipunang nagumon sa konsumerismo. Sa kasaluyuan, naghahari ang komoditi-petisismo sa kalakaran ng buhay sa panahon ng walang humpay na globalisasyon. Ang kapitalistang palengke ang bukal ng halaga, atitudo, panlasa, saloobin, pananaw sa mundo, pati na ang libag at pawis sa singit ng kalululuwang banal.
Pag-unawa sa Kontradiksiyon
Sa krisis ng kapitalismo sa mundo, lantad ang pinakamalalang sintomas o katibayan nito: ang digmaan laban sa terorismo—ibig sabihin, mga pangkat o grupong tutol sa imperyalismong global—na pinamumunuan ng U.S., dapat pagnilayan ang mapait na mungkahi ni Walter Benjamin: "Ang bawat likhang-sining ay sabayang dokumento ng sibilisasyon at dokumento ng barbarismo.” Sibilisasyon kung tutukuyin ang matagumpay na pakikibaka laban sa nesesidad ng kalikasan, sampu ng karahasan ng namumunong uri sa bawat yugto ng kasaysayan ng lipunang hinati sa uri.
Barbarismo naman, sapagkat ang panahon at lakas na ibinuhos sa pagyari ng tula o simponya—ang pagkain at panahong malaya sa paggawa--ay nagmumula sa pagsasamantala, pang-aalipin, panghuhuthot, at pagpiga ng dugo’t pawis sa katawan ng libu-libong manggagawa’t pesante—ang nakararaming taong walang pag-aari kundi ang kanilang lakas-sa-paggawa. Kasama na rito ang mahigit sampung milyong OFW (Overseas Filipino Workers) na bubumubuo ng diyaspora ng Pilipino sa buong mundo. Ang barbarismo ay siyang pagkakait ng kalayaang malasap ang ganda at kaluwalhatiang bunga ng sakripisyo ng di-mabilang na biktima na dominasyon ng imperyalismo at kolonyalismo simula pa noong paglalakbay nina Magellan at Columbus hanggang sa Cold War ng nakaraang siglo at giyera laban sa terorismo ngayon.
Huwag nating kalimutan ang kabuktutang malapit. Halimbawa ng barbarismong partikular ang kolaborasyon ng mga intelektuwal sa unibersidad, pintor, manunulat, mga artista sa pelikula,at ibang alagad ng sining sa kalupitan ng diktaduryang US-Marcos. Paano tayo makapaniniwala na ang panitikan ay mapagpalaya sa dinudusta (sapagkat ito raw ay nakaangat mula sa kamyerdahan ng araw-araw na kalakaran) kung ang tinaguriang mga National Artist ay naging mga bayarang alipores ng diktadurya? O patuloy na taga-suporta sa sistemang bulok? At paano maituturing ang pantayong pananaw na may kabuluhan kung ang “tayo” ay isang mistipikasyon lamang, o kaya ang”tayo” ay kinabibilangan ng mga ganid na minoryang nagsasamantala sa nakararami?
Hanggang ngayon, hindi pa nahuhusgahan ng bayan ang mga kawalang-hiyang pang-aabusong naipataw sa bayan ng rehimeng Marcos. Wala pang tunay na “settling of accounts.” Ang mga biktima ay wala pang hustisya, patunay ang pagbabalik ng mga kriminal at salarin sa Batasan/Senado at gobyerno mula pa sa rehimeng Cory Aquino, Ramos, Estrada, Arroyo at kasalukuyang BS Aquino. Naghahari pa rin ang mga dinastiya ng mga trapong yumaman sa pork-barrel korupsiyon at iba pang anomalya, kaakibat ng paghahari ng mga uring kakutsaba ng US imperyalismo—ang mga panginoong maylupa, burokrata-kapitalista, komprador, at mga pulis-militar (sandatahang aparato ng dahas) na mapamilit na suhay ng neokolonyal na sistemang umiiral.
Tunggalian sa Larangan ng Wika
Sa pangwakas, maitanong natin kung ang “tayo” ay maibubukod dahil ito’y gumagamit ng isang wika lamang. Itinanong ako kamakailan, sa isang panayam, kung ano ang wika ng Pilipino. Bagamat hindi pa nga natin alam kung paano maipapakahulugan ang “Filipino,” panukala ko'y nakapaloob sa ganitong hinuha. Ang sagot, walang pasubali, ay wikang Filipino. Hindi Ingles. Ngunit dapat idugtong kaagad: Tulad ng identidad ng Pilipino, alam natin, ang wikang binuo at nabubuo ay bunga ng isang malawakang proseso ng pagbabago--ang programa't proyekto ng kilusan ng masa upang makamit ang tunay na kasarinlan, katarungan at pagkakapantay-pantay.
Ang wika, tulad ng kalikasan ng kasiyaan o kasinuhan ng Pilipino, ay hindi maikakawing lamang sa lugar o lupang sinilangan, ritwal, damit, pagkain, gawi, kostumbre, bagamat lahat iyan ay maituturing na senyas, tanda o sagisag ng identidad. Sa aking palagay, ang wika ng nagsasariling bansa ay wikang ginagamit ng masa sa pakikibaka upang matamo ang dignidad, kalayaan, at tunay na kasarinlan.
Sa ngayon, base sa partikular na kontradiksiyon ng tunggalian ng mga uri, sa atin at sa buong daigdig, dapat gamitin ang lahat ng wika, kung kinakailangan—Ingles, Cebuano, Tausug, atbp,--upang maisulong ang dalawang layon: masigasig na pagtaas ng kamalayang pulitikal at pag-organisa sa sensibilidad, at malawak na mobilisasyon ng nakararami para maisakatuparan ang prinsipyong ating ipinaglalaban: ang pambansang demokrasya't sosyalismo. Dapat ding tandaan na ang kalaban ay nangungusap din sa ating wika, Ingles man sila o kapwa Pilipino. Ang “tayo” ay hindi lamang matitiyak sa bisa ng wika, kundi sa proyektong pampulitika na ating itinataguyod. Ito ang panukat sa identidad.
Kung ito nga ang adhika ng kilusang pang-masa, mabisang makaaabot ang mensaheng ito sa lalung nakararami sa pamamagitan ng wikang maiintindihan ng nakararami. Sa panahong ito ng giyera laban sa terorismo ng Estado, kilabot ng imperyalismong US, ang problema ng identidad o ng tahanan—“home” sa “borderless world” ng mga postmodernismong alagad ng transnayonalismong hegemonya ng kapital—ay nakasalalay hindi sa wika o sa tangkang magbalik-bayan sampu ng mga sangkatutak na Balikbayan Box, kundi sa proyekto ng bawat isa kung ano ang kinabukasang kanilang hinahangad at sinisikap itindig. Saan ka man nanggaling, o saan ka man paroroon, ito ang dapat maging saligan sa pagtaya't paghatol sa iyong buhay.
Kung gayon, magkaisa tayo sa sama-samang pagtangkilik sa kolektibong proyektong maisakatuparan ang katarungang panlipunan, kasarinlan, at tunay na demokrasya’t pagkakapantay-pantay, sa paglinang sa wikang ginagamit ng sambayanan sa araw-araw na pakikibaka, sa gawain ngayon at sa hinaharap. --##
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY
SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...
-
KONTRA-MODERNIDAD: PAKIKIPAGSAPALARAN SA PAGTUKLAS NG SARILI NATING MAPAGPALAYANG KABIHASNAN Kung ang katotohanan ay matatagpu...
-
AMADO V. HERNANDEZ : AN INTRODUCTION By E. SAN JUAN, Jr. By general consensus, Amado V. Hernandez (1903-1970) is the most serviceable ...
-
ULIRANG HALIMBAWA NI EFREN ABUEG: Tungo sa Mapagpalayang Sining ni E. San Juan, Jr. Kamakailan, bago ipinawalan ang “Morong 43” na biktima...
No comments:
Post a Comment