Wednesday, January 01, 2014

MENDIOLA MASAKER -- Parangal sa mga Nasawi


MENDIOLA MASAKER:  Labintatlong Katawang Bumabangon


--ni E. SAN JUAN, Jr.



LEOPOLDO  ALONZO

[22 Enero 1987: demonstrasyon ng mahigit 20,000 pesante't manggagawa
    sa harap ng  Malakanyang]

Ang kaisipan ay tandisang pagtutol sa kung anong katalahagan ang nakatambad sa harap natin...

Lupang makulimlim      di maabot-tanaw
ADELFA  ARIBE

[13 ang napatay,  105 ang nasugatan, nang paputukan sila ng pulis at militar ng rehimeng Cory Aquino]

Ang malalim na pagkabatid ay sumisibol sa pagpapakilala na ang mga nangyayari o mga  nadarama ay tumataliwas sa mga ideang ipinapataw ng rason o katuwiran.

Unti-unting nagkakahugis        labintatlong aninong naglalagalag

DANILO  ARJONA

[Wala kahit isa sa mga pumatay ang inaresto't ipiniit, o nilitis sa hukuman]

Magsimula tayo sa pagsalungat sa mga nangyayari, sa katalagahan.

Saksi sa pinaslang ay walumpung mamamayang sugatan

  DIONISIO  BAUTISTA

[Nobyembre 16, 2004: pitong mangagawang umaklas ang binaril ng militar at pulis sa isang piket sa Hacienda Luisita.  Utos iyon ng dating pangulong Gloria Arroyo, kasabwat ng angkang Cojuangco-Aquino]

Ang mga pangyayari sa ating karanasan ay mga baytang lamang ng isang
proseso o kalakaran na nagtatambal ng diwa at bagay, kamalayan at realidad

  ROBERTO  CAYLAO

[Oktubre 27, 2005: Nagpulong ang mga upisyal ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union sa Barangay Mapalacsiao. Pinag-usapan kung ano ang gagawin pagkatapas paslangin ang kanilang presidente, si Ricardo Ramos, 47 anos.]

Ano ang kamalayang lumilikha ng nadaramang daigdig?

Humihirit ang punglo    sumisingasing ang hininga ng kaluluwang nalugmok

 VICENTE  CAMPOMANES

[22 Enero 1987--araw ng kasuklam-suklam na krimen....]

Sa idealistang pananaw, tawag sa kamalayan  ay Kaisipan, Rason, Espiritu--mga katawagang tumutukoy sa diwa ng tao sa  iba't ibang anyo ng pakikipag-ugnayan sa buhay.

Katawan nina Ricardo Ramos at mga kasamang bumabagtas sa dagat ng mga kontinente ng Aprika, Asya, Norte at Timog Amerika...
.       
RONILO  DUMANICO

[22 Enero  1987: araw ng kahapon, ngayon at lumipas...]

Ang kaunlaran ngayon ay nasusukat sa bilang.  Nahahadlangan ang  pagsulong mula sa kabilangan (kantidad) tungo sa kaurian (kalidad)---tungo sa paglitaw  ng mga bagong uri ng kabuhayan at bayong ayos ng katwiran at kalayaan.

Sigwa't kidlat ng diwang napiit, ngayo'y nakaigpaw

 DANTE  EVANGELIO

[22 Enero 1987    Sumpa o dasal?]

 Sa kabuuan ng pag-uugnay ng diwa at kapaligiran, ng kamalayan at pangyayari, matatanto ang katotohanan.

Butil-butil na pawis at luhang dumadaloy
    ang bumubuhos na "demokratikong tsunaming" tinukoy ni Ka Crispin Beltran nang ipabilanggo siya ng "reyna ng kadiliman"

 ANGELITO  GUTIERREZ

[22 Enero  1987      Dasal o sumpa?]

Ang lahat ng bagay ay nagkakatawan sa taong nagsisikap maunawaan ito at ng taong gumagawa.

Payo mo'y mas mabuting magsindi ng kandila sa halip na isumpa
                        ang nakapanghihilakbot na dilim--
Itanong natin sa naksubsob na bangkay sa sinusong lupa

 RODRIGO  GRAMPAN

[22 Enero  1987       Dasal at sumpa kapwa?]

Ang lahat ng bagay ay siyang nagsasalin ng nakalipas sa panig ng kasalukuyan.

Mungkahi mo'y magparaya, patawarin ang nagbubulag-bulagan '
                           o nabubulagan--mga sundalong sinuhulan o binayaran--
Itanong natin kina Alice Omengan Claver  at Rafael Markus Bangit--
                Sinikap nilang ilawan ang landas ng mga naliligaw....


BERNABE  LAQUINDANUM

[22 Enero  1987    Sumpa muna bago dasal?]

Samakatwid, lahat ng bagay ay nag-aari ng kamalayan sa buong balangkas at kalamnan nito.

Panukala mong humagilap ng batong kiskisan upang
                makalikha ng titis na siyang magpapaliyab sa parang...

SONNY  BOY  PEREZ

[22 Enero  1987   Kailan pa ang pananagutan?  ang hustisya?]

Hanggang ngayon, walang pang tunay na paghahati ng lupaing binuwisan ng dugo ng mga magsasaka sa Hacienda....

Mula ngayon, ang lahat ng kaisipang hindi saksi sa kamalayan ng radikal na kabalintunaan ng lahat ng umiiral na porma ng buhay ay isang kaisipang sahol at mapanlinlang.  Sa harap ng mga kontradiksiyon, tumututol ang kaisipan sa ngalan ng katotohanan.

Itanong natin sa mga nasawi kung anong titis  anong kislap
    ang inagaw sa paghagilap ng katarungan
                    apoy sa lambong ng bayang biyaya'y  lagim


ROBERTO  YUMUL

[22 Enero  1987  Kailan pa?]

Negasyon o pagtutol ay siyang pinakasaligang kategorya ng diyalektika.

Sinong ipagdarasal sa tanglaw ng kandilang naupos ang mitsa?

Mungkahi ni Ricardo Ramos na mas mabuting isumpa ang mga kriminal
            sa halip na magsindi ng ilandaang kandila sa harap ng altar

Payo ni Eden Marcellana na mas mabuting isumpa
    ang kabuktutang naghahari
                 at ipukol ang batong kiskisan sa mga salarin
    upang mahuli ang nakasisilaw na ngiti nina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan,
             titis na inihagis sa pangil ng kadiliman--

Oo, mabuting magsindi ng kandila at isumpa ang kadiliman

Sa gayo'y maaaninaw natin ang galit sa sumabog na matang nakamulagat
    ng mga nasawi sa Mendiola--apoy na tutupok sa isinumpang kabuktutan.

Abot-tanaw na
            tumatagos sa karimlan ang hirit-ganti

Unti-unting abot-tanaw na natin
                            ng liwanag ng sumabog na utak
    at dugong dumanak sa larangan ng digmaan
           
        sa Mendiola,  sa bawat ika-22 ng mga Enerong walang salang darating....

No comments:

APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO

kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...