Saturday, November 23, 2013

SAGOT SA SUMPA NG KAWAYAN


SAGOT NG KALULUWA NI RICHARD PULGA SA SUMPA NG KAWAYAN


ni E. SAN JUAN, Jr.



"....Iniluwa ko na ang galit sa pusong nagpupuyos
Nang putulin ang aking binti, ngunit di pa rin nakaligtas
Sa sumpa ng marahas na kalagayan-- O Yolanda!  Yolanda!

Walang kailangan, elastiko't "resilient" daw ako
Mapagbigay, pigil ang luha't tiis ang gutom--sino sila?
Sina Gabriela Silang, Gregoria de Jesus, Lorena Barros kaya iyon?

Di ko malilimutan, O Yolanda!  malanding Yolanda!
Ang kasakiman at kalupitan, di ko mapapahintulutang
Di sumpain ang walang katarungang rehimen ng mga oligarko--

Nawa'y di yumuko't umindayog lamang sa turista
Ang anak ko, tumigas siya tulad ng molabe't lawan sa gubat
Di makuhang ipaghampasan ng dayuhan--  O Haiyan!  O Haiyan!

Ayaw kong lumuhod sa Bibliya tulad ni Manny Pacquiao
Habang dumarating ang mga kasamang armado mula sa dagat--
Ayaw kong ipagpaumanhin ang walang-hiyang panginoon,

"Pork-barrel" tulisang busog sa 'ting dalamhati't pagluluksa--
Tigil na ang pagpapabaya, bumabangon ang sambayanan--
Haiyan, O Haiyan, walang-hiyang sigwa ng himagsikan...."

(Iyan ang iniluwang galit ng bangkay--O Yolanda! O Haiyan!--
na dating ari ni Richard Pulga, 27 anyos, taga-Tacloban, Leyte.)




[Namatay si Richard Pulga, 27 taon, sa Tacloban, Leyte, dahil
sa kakapusan ng tulong ng mediko; New York Times, 11/15/2013]


No comments:

APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO

kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...