Thursday, March 21, 2013

BIKTIMA NG IMPERYALISMO: MORO, FILIPINO, ESKRIMADOR

KUHA, NAKUNAN, KUHILA: LARAWAN NG MGA BIKTIMA NG IMPERYALISMO

(Ilang Huling Kuro-kuro Hinggil sa Problematik ng Potograpiya)

--ni E. SAN JUAN, Jr.


            Ito ang pangwakas na obserbasyon ko hinggil sa gamit at bisa ng kamera. Tinalakay ng mga naunang artikulo ang luwag o kipot ng espasyong inilalaan ng bawat foto, ang posibleng subersibong artikulasyon nito lampas sa pormalistiko-estetikong pamantayan, ang dominasyon ng komodipikadong imahen at hulagway sa kapitalismong global na kinabibilangan natin, at kung ano ang dapat isakatuparan, hugot sa implikasyon ng aparatong ideolohikal na ito at mga institusyong nakaugat sa daloy ng kasaysayan. Sa madaling sabi, magkatambal ang usaping teoretikal (argumento sa diskurso) at praktikal (aktibong interpretasyon, kolektibong agenda).

Paghuli  sa  Modernidad

    "Pagkakita, dagling paniwala." Buhat nang maibento ni Fox Talbot ang kamera noong 1839, naipalagay na ang mga kapaligirang nakuha nito ay tuwirang tumutukoy sa realidad.  Hinuha na ang foto ay tahasang testimonyo ng katotohanan. Naging mabisang kasangkapan ang kamera sa propaganda nang matuklasan na ang teknolohiya para sa murang reproduksion ng negatibo. Bukod sa medya klase o petiburgesya, kapwa negosyo at gobyerno ang masugid na tumangkilik dito. Hindi na ito sining kundi publikong kagamitan at komoditi, bukas sa instrumentalisyon ninuman, laluna yaong may salapi/pag-aari. Pwede nang ipagbili ang nakunan at makukunan.

    Gayunpaman, nagkaroon ng demokratikong aplikasyon ito tulad sa praktika ng pagkuha ng kapaligiran nina Dorothea Lange, Paul Strand, Walker Evans, at iba pa. Sa isang panig, nabihag ang karanasan, naangkin ng kamalayan ang danas sa repleks ng modernong sensibilidad. Sa kabilang panig, naisudlong ang sarili/ego, mas tumpak: ilusyon ng kasarinlan o pamumukod, sa gahum (egemonya) ng ideolohiya't politikang burges na kumukubabaw sa lahat.

    Di nagtagal, ang lohika ng kaunlarang materyal ang umiral at nasunod. Ang pagkamakatotohanan ng foto, o pagkukunwari nito, ay naging kasangkapan ng komersiyo (advertisement) at gobyerno (propaganda at surveillance). Upang manipulahin ang kaisipan, atitudo o saloobin ng madla, pinili ng negosyante at burokrata ang imahe at kakintalang makapupukaw sa damdamin at makahihikayat sa isang tiyak na direksiyon. Naitampok ng mga larawan sa midya ang digmaan sa Crimea sa mga kuha ni Roger Fenton noong 1855, at ang Giyera Sibil sa Estados Unidos sa foto ni Matthew Brady. Naging tanyag si Robert Capa sa "war reportage," sumunod sina Margaret Bourke-White, Carl Mydans, Gordon Parks,  Larry Burrows, W. Eugene Smith, atbp.  Nailatag ang kumbensyon ng pagpapakita ng tanawin sa digmaan: dapat malapit ang kamera sa sabjek, itim at puting film ang hirang, may lalim ang focus, atbp. Samakatwid, hindi natural ang nasa foto, inayos at inareglo iyan ayon sa hangarin, layunin, lunggati, o kadahilanang iba sa paksa ng foto (National Geographic 2009).

    Ating idiin muli ang prinsipyo ng sintomatikong panunuri rito tutok sa paniniwala na makatotohanan ang mga riyalistikong potograpiya ng digmaan o mismong foto ng ordinaryong sitwasyon. Walang niyutral na likha sa lipunan. Ang kamera ay isang teknolohiyang inuugitan o pinangangasiwaan ng grupong gumagamit dito. Ang produksiyon ng foto at pagpapakahulugan dito ay ginagabayan ng mga kodigong base sa ideolohiya ng mga makapangyarihan sa lipunan--ang tendensiyang salungat ay nakapaloob doon. Diyalektikal ang pagbubuklod at paghihimay ng mga salik sa foto.  Isang teatro o tanghalan ang anumang artipak sa pagbuo ng pansamantalang gahum ng naghaharing uri.

    Ang foto ay lunan kung saan maraming kodigo ang nakasangkot, inaayos ang lugar kung saan ang tumitingin ay nagiging sabjek ng ideolohiyang naghahari at pinasusunod sa normal na kalagayan, na isang pakana, lalang, daya, linlang. Sa lipunang hati sa magkakatunggaling uri, ang humuhulma't humuhubog sa artifak ng foto ay ang dominanteng ideolohiya ng naghahari uri, ang gahum ng nagmamay-ari, bagamat maaring gamitin (depende sa partikular na sirkunstansya) ang foto sa pagbubunyag sa katotohanang nakakubli sa kunwaring normal o tanggap na kalagayan (Nichols 1981). Sinikap usisain ang iskema ng ganitong pagtingin sa foto sa akdang ito.

Multo  ni Goya, Damay ng Guernica

    Narito ang isang ispesimen ng maraming foto ng mga nasawing Filipino sa labanan sa Luzon noong Digmaang Filipino-Amerikano (1899-1913):

[]

    Kumpara sa 1896 himagsikan, mas malawak ang pagbabalita dito sa  internasyonal mass midya sanhi sa pagsibol ng "yellow journalism."  Narito ang impresyon ng mga bangkay ng mga sundalong napatay sa hinukay na kuta o "trenches" na ginamit sa klasikong komprontasyon ng mga tropa, bago pa ipinasya ng rebolusyonaryong liderato na palitan iyon ng gerilyang taktika. Walang Amerikanong nakapaloob sa kuwadro, nakasentro sa nakapilang bangkay na tila simula ng mahabang burol, ayon sa normalisadong perspektibang hango pa sa humanistikong Renaissance.

    Ang dinamikong Interpretant ni Peirce ay tiniyak na sa ipinasiyang balangkas ng anino't dilim sa foto. Kaya lumalabas na pangkaraniwan ang realidad sa litrato at kontrolado ng tumitingin, subalit alam natin na ang regulasyon ng kwadro at pagposisyon ng punto-de-vista ay sinadya ng kumbensyon ng potograpiya (Burgin 1982). Walang dapat ikabahala, ganyak ng foto, ordinaryo lang ito sa giyera.  nasilo tayo sa itinalagang disenyo ng trintsera, ang hukay na kinaburulan ng mga biktima ng kung anong kalamidad, himatong dito.

    Kaiba sa foto ng Jolo masaker, hindi ito nakaantig ng reklamo dahil walang kasamang babae o batang patay, bukod sa tila pangkaraniwang tagpo na ito, manhid o sawa na ang awdiyens sa ganitong ispektakulo. Ito nga ang tadhana ng potograpiya sa kamay ng negosyante at burokrasya. Ang realidad ay sumabog, hiwa-hiwalay ang bahagi nito, bawat sandaling nakintal ay walang kinalaman sa iba, naging mahiwaga o misteryosong bakas ng tao o pangyayari. Ngunit ano ang kahulugan nito, ano ang katuturan nito? Bakit tayo mag-aabala rito? Ano ang kinalaman nito sa ating araw-araw na pangangailangan, o sa sumasaklaw na krisis ng pangkabuhayan?

    Sumunod ang malawak at maraming kuha ng mga eksena sa Una at Pangalawang Digmaang Pandaigdig, laluna ng paysahe ng katayan sa Biyetnam. Sa kalaunan, ang kilabot ng malupit na kapinsalaan sa kapwa sundalo at sibilyan ang nakayanig sa konsiyensiya at umantig sa maraming taong tumutol sa karahasan ng imperyalistang pagbobomba't pagpatay sa mga sibilyan. Hindi nakapanatag ang epekto ng kamera, tila ang sindak ng dugong umaapaw ay nakasupil sa disiplina ng tradisyonal na kumbensyon. Tulad ng nangyari sa mga foto sa Abu Ghraib sa Iraq, ang foto ng MyLai masaker ay ginamit sa pagsasakdal kina presidente Nixon at mga heneral bilang "War Criminals" nina Bertrand Russell, Jean-Paul Sartre, atbp sa People's Tribunal. Kakatwa, di nagamit ang Mendiola Masaker upang isakdal ang mga kriminal na alipuris ni Cory Aquino noong panahon ng "Total War" niya laban sa pwersang makamasa.

  Huramentadong Misyonaryo?

    Katulad ng nangyari sa Biyetnam, ang Digmaang Filipino-Amerika ay mabagsik din--unang pagsasanay ng U.S. genocide na inihasik sa Biyetnam. Kalkula ng mga istoryador na 1.4 milyong Filipino ang nasawi. Sa parte ng mga Moro, humigit-kumulang sa 100,000 ang namatay.  Mahigit isandaang himagsik na ang nailunsad ng Bangsamoro buhat ng sakupin ng Estados Unidos ang kanilang teritoryo. Di na kailangang ulitin dito na hindi sila nasugpo ng imperyong Espana o ng Amerika. Maraming rebelyon at sari-saring pag-aalsa ang naganap mula pa noong 1903 hanggang ngayon (Abreu 2008).

    Labas sa normatibong istandard pangmoral ng Kanluran ang mga katutubo. Katibayan na tiwalag ang sambayanang Muslim sa Espanya ay ang nangyaring pagbibilad sa ilang "ispesimen" ng barbarong infieles sa Parque del Retiro, Madrid, noong 1887.  Sumunod ang pag-eksibit sa ilang piling halimbawa sa Louisiana Purchase Exposition sa Estados Unidos noong 1904.

    Ngunit sa harap ng nagbabantay na madlang mulat sa Europa at Asya, kailangan pa ang paliwanag. Nagtangka si David Barrows, Amerikanong puno ng Bureau of Non-Christian Tribes, na siyasatin ang "Moro Problem,"  Sinisi niya si Heneral Wood sa hindi paggalang sa tradisyonal na awtoridad ng mga sultan at datu. Kaya maraming Morong namatay. Sayang. Tulad ng ibang imperyalista, ipinalagay niyang pantay ang dalawang magkalaban, magkatimbang daw--isang balighong premise: "There was little understanding on both sides...While the losses from these wars were severe among the Moros and resulted in the death of their most turbulent leaders and fighting men, the resisting spirit of the race was unbroken" (Tan 2002, 176). Baka ito rin ang nasa isip ni presidente Aquino nang madinig ang balitang maraming Morong ang napuksa ng tropa ng Malaysia.

    Lumipat tayo sa kasalukuyang gulo. Bagamat di na maikakaila ang katuwiran ng pakikibaka para sa kasarinlan ng Bangsamoro--patunay ang kasunduan ng Moro National Liberation Front at gobyerno noong 1996, bukod sa kasalukuyang usapan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at gobyerno--kargada pa rin ng mayoryang Kristyano ang prehuwisyo laban sa mga kabayayang Muslim. Patotoo iyon nang tumutol ang marami sa "Memorandum of Agreement" ng MILF at dating president Arroyo noong 2008. Sa gitna ng walang pagpapahalaga ng madla sa di masusukat na kontribusyon ng Bangsamoro sa kabihasnang Filipino (ayaw nga ng ilang Muslim ang kategoryang "Filipino"), pumutok ang alitan sa Sabah.

Ebidensiyang Naghahanap ng Krimen

    Kamakailan, lumantad na naman ang instrumentalisadong bisa ng kamera sa midya nitong Marso 2013. Pagkatapos ng ilang sagupaan ng mga kawal  ni Sultan Jamalul Kiram III at sundalong Malaysian sa Lahad Datu, Sabah, malimit ipakita ng Defense Ministeer Zaid Hamidi ng Malaysia ang litrato ng mga napatay na Moro (Reuters, 6 Marso 2013). May isang kuha ng 13 bangkay na patunay, ayon kay Ismail Omar, hepe ng pulis, na hindi makaliligtas ang mga alagad ni Sultan Kiram. Pananakot ang gamit sa foto. Lumilitaw ang  patotoo sa proposisyong naihain: ang Interpretant na tagapamagitan sa balita at kamalayan ng publiko ay hindi salamin o representasyon ng nangyayari.  Iyon ay pagsasalin at pagsasakonteksto ng imahen sa diskursong pampulitika at institusyong kaakibat nito. Samakatwid, ang foto at caption ay niyari, ginawa, ng gumagamit doon, bagamat may obhetibong referens iyon. Hindi lahat ay relatibo sa paningin ninuman.
 
    Ang teritoryo ng Sabah ay pag-aari ng mga Sultan ng Sulu at Tawi-tawi na ipinaalkila sa isang kompanya ng Inglatera noong 1870. Wala nang pagtatalo rito. Nang humiwalay ang Malaysia sa Inglatera noong 1963, inangkin ng Malaysia ang pag-aari ng Sultan, samantalang patuloy ang pagbabayad di umano ng token na buwis. Samakatwid, ipinakita lamang ng Sultan na may karapatan silang dumalaw doon sa kanilang lupain--lamang, ipinagpaliban ang diplomatikang protokol.  Sa gitna ng napipintong kasunduan ng MILF at gobyerno, na di kasali ang Sultan, minarapat ng Sultan na ipagunita sa administrasyon ni Aquino na sila ay may papel na dapat gampanan sa paglutas ng problema ng lahat ng Moro sa katimugan. Binalewala ito ng maraming komentaristang nakasubsob sa status quo.

          Alam ng lahat na walang malasakit ang gobyerno. Kahit lampas na sa 61 Filipinong mamayan ang napuksa, patuloy ang paggiit ni Aquino na sumuko na ang mga kawal ng Sultan. Ipaliban na ang isyu ng Sabah. Walang kuwenta ang mga litrato o balita sa TV at Internet ng mga Filipinong nasawi. Sa tingin ng administrasyon, sila ang may kasalanan. Walang pananagutan ang gobyerno.
Hanggang ngayon, batay sa huling komunikasyon, walang Filipinong reporter ang nakakuha ng foto ng sagupaan o paghuli't pagkulong sa mga sibilyang Filipinong naninirahan sa Sabah.

Saan Isisingit ang Kaluluwa?

    Marahil ganoon din ang trato sa mga biktima ng pananakop ng Estados Unidos sa mga tahanan ng Moro noong unang dekada ng nakaraang siglo. Maraming okasyon at pamamaraan ang ginawang pagtatanggol ng Bangsamoro laban sa Yangki interbensiyon (San Juan 2007).

     Dalawang engkuwentro ang nagkaroon ng katakut-takot na biktimang Moro, sampu ng maraming babae at kabataan. Isa, noong Marso 5-6, 1906 sa Bud Dajo, hilagang Jolo, Sulu, mahigit 600 Moro ang pinaslang ng tropa ni Heneral Leonard Wood (Tan 2002, 176). Bakit nagkaganoon? Dahilan niya sa Washington:  "A considerable  number of women and children were killed in the fight" [because Moro women] wore trousers and were dressed and armed much like the men and charged with them [while children] had been used by the men as shields" (sinipi sa Kramer 2006, 220).  Sa kagitingan ng mga mamatay-tao, pinarangalan sila ni Presidente Theodore Roosevelt sa kanilang pagtaas sa "honor of the American flag." Sa ganitong interpretant, kinailangan ng 600-1000 bangkay ng Moro upang itindig ang dangal ng bandilang Amerikano. 

    Nakasalig ang lohika ng imperyalismo sa dahas, hindi sa batas o katuwiran, sa ultimong analisis. Pero ang dahas ay hindi gahum o awtoridad moral/etikal ng mananakop. Upang mapakinabangan ang lakas-paggawa ng mga sinakop--saan manggagaling ang tubo?-- kailangang makontrol ang diwa't damdamin ng mga nasukol sa paraan ng edukasyon, paghubog sa diwa't damdamin.  Hindi lubusang binalak ng imperyalismo ang lubusang kumbersyon ng Muslim sa Kristyanidad kung sang-ayon naman sa pag-iral ng "malayang pamilihan" at pagbebenta-pamimili ng lakas-paggawa. Pinakaimportante ang tubo/profit at pananaig ng sibilisasyong Euro-Amerikano.

    Gayunpaman, pinawalang-halaga ng Amerika ang Bates Treaty na nilagdaan nila at ng Sultan noong Agosto 20, 1899, na tumanggap lamang sa nakaungos na lakas militar ng dayuhan habang idiniin ang soberanya ng Sultan sa pamumuhay sa kapuluan ng Sulu at Tawi-tawi. Sa patatanggol ng kanilang karapatan sa Bud Bagsak, Sulu, noong Hunyo 11, 1913, 8,000 hanggang 10,000 Moro, pati mga babae't bata, ang nasawi sa modernisadong logistics ni Heneral John Pershing (Tan 2002, 177). Walang awa ang mga kanyon at riple ng demokratikong misyunero.

       Ang pagtrato sa mga Moro, ayon kay Thomas McKenna, ay magkahalong "paternalism" at "brutal pacification operations"  (1998, 88). Paternalismo, dahil hindi Kristyano at walang kabihasnan; ngunit dahil din sa kanilang mabangis at makahayop na karakter, kailangan ang pagpataw ng walang pakundangang dahas. Amok at huramentado ang istereotipikal na imahen ng Moro.  Sa balita ng walang habas na pagkitil sa mga inosenteng kabataan, na pinamunuan ng doktor na si Leonard Wood--ang propesyon niya bilang sundalo ay pumatay, naglahad ng mahayap na batikos ang bantog na awtor, si Mark Twain.  Dahil 15 Amerikanong lamang ang nasawi at 600 kaaway (bata, babae, lalaking Moro) ang napuksa, sarkastikong puri niya: "This is incomparably the greatest victory that was ever achieved by the Christian soldiers of the United States" (1992, 172). Dapat basahin ng lahat ang komentaryo ni Twain na isinulat noong Marso 12 at 14, 1906, tatlong araw pagkaraan ng masaker.

         Sa isang pahayagan, ang Johnstown Weekly Democrat (Enero 25, 1907), lumabas ang isang foto ng resulta ng labanan. Hindi binanggit ang kumuha, ngunit naisama ang print sa libro ni Oswald Garrison Villard, Fighting Years: Memoirs of a Liberal Editor, na limbag ng Harcourt Brace, New York, noong 1939. Panahon iyon ng pakikibaka ng mga unyon laban sa dekadenteng kapitalismo at sa pasismo, na laganap sa Alemanya, Italya at Espanya. Panahon din ng pagsibol ng pakikibaka ng mga Aprikano-Amerikano at trabahador sa pabrika't agrikulturang negosyo. 

    Nang sumabog ang digmaan noong 1899 sa Pilipinas, maraming tumutol sa agresyon ng Amerika. Umaalingawngaw ang sumbat ni Moorfield Storey, presidente ng Anti-Imperialist League, nakapaloob sa kanyang akda, The Moro Massacre, Boston, 1906: "The spirit which slaughters brown men in Jolo is the spirit which lynches black men in the south" (sinipi sa Twain 1992, 168). Pambihira ang mga kuha ng barbarismo noon sa Mindanao at Sulu. Marahil hindi nakalagpas sa sensura ng militar. Narito ang natatanging foto ng masaker, inilathala sampung buwang matapos ang pangyayari :

            []

    Paano nayari ang Interpretant? Walang klasikong perspektiba rito; ngunit ang anggulo ng kamera at hilera ng mga sundalo ang nagbigay ng kaunting lalim sa eksena. Pantay ang mata natin sa mga katawan ng sundalo, hindi sa mga bangkay. Mapapansin na may dalawang sundalong nakapamaywang, kampante sa pananagumpay ; ang ilan ay tila nakaluhod, ang iba'y matamang nagmamasid o nanonood sa ispektakulo ng mga labi, na nakabunton sa kanilang harap o tabi.  Walang sinumang may luha sa mata, o may anyong nakikiramay--isang tableau kumakatawan sa gawing pagmamatyag, repleksiyon ng kanlurang istandard ng tanggap na pakikipagkapwang pagkilos.

    Walang pasubali, inayos ang foto upang magmukhang natural. "Business as usual." May kalabuan ang litrato. Tila kung anong dumi o yagit o sukal ang nasa harap nila: mga patong-patong na bangkay, nakatihaya o nakahandusay-- hindi matiyak kung babae o lalaki o bata ang ilang bangkay, tabi-tabi. May dalawa yatang nakanganga--ano kayang hibik o taghoy o sigaw ang huling nakatakas doon?

    Bagamat katibayan ito ng matagumpay na lakas ng Amerika, nakapukaw ito sa madla upang ireklamo ang walang awang pagpatay sa mga taong ipinangako ni William McKinley na gagawing Kristyano sa paraang "Benevolent Assimilation." Ang kodigo ng kumbensyonal na war reportage ay hindi nakapigil sa silakbo ng galit o balisa sa mga nakasulyap sa litrato. Kaipala,  ang Kanlurang budhi ay naitindig muli upang magpatuloy sa tutelage ng mga katutubong nakatira sa gubat at bundok. Mabisang lehitimasyon ng kolonisasyon ng kapuluan, bukod sa bilihan ng Espanya at Estados Unidos sa Treaty of Paris 1898, etsa-pwera ang mahigit sampung milyong Filipino.

                Salamangka ng Penomena

    Paano tayo makatutugon sa pagbabantay at paniniktik ng mapagsamantala?  Mungkahi ni John Berger (2001) na buhayin muli natin ang gunita, ang kolektibong memorya. Hindi natin mauunawaan ang mga fotong nasulyapan kung hindi ilalakip sa konteks ang mga iyon, sa gitna ng isang naratibo o kasaysayang kasangkot tayo. Ang foto sa kapitalismong sosyedad ay naging ispektakulong binibili, winarak sa kabuuang daloy ng karanasan, kaya walang kahapon o hinaharap--walang kahulugan o halagang makikilala at mapagbabatayan ng isang hatol, taya, kilates, pagpapasiyang etikal at moral batay sa mapagpalayang dunong at pakikiramay.

    Ang lohika ng huling Interpretant, sa semiotika ni Peirce, ay ugali o asal na makatwiran at siyentipiko.   Huwag nating kalimutan na walang hilaw na datos o penomena na basehan ng kaalaman, kontra sa turo ng empirisismong positibismo.  Bawat persepsiyon ay hatol, bunga ng proseso ng diskriminasyon sa kamalayan.  Taglay ng bawat persepsiyon ang husgang dalumat, kuyom ang etikal/moral na pulso ng buong pagkatao, na nakasalang naman sa kinagisnang sosyedad. Ang indibidwalidad (aral mula sa "Theses on Feuerbach") ay katumbas ng totalidad ng relasyong panlipunan. Gayundin ang persepsiyon.

    Tumbalik ang akala sa burgesyang pananaw, kaya pira-piraso o "fragmented" ang danas. Bawat foto ay nag-iisang pulo o isla, walang kaugnayan sa isa't isa. Malalim at malubhang alyenasyon ang resulta, na pangkalahatang katangian/salot ng lahat ng bayan/bansa ngayon (liban na sa aborihinal na tribung di pa nadadalaw ni Col. Sanders o ni Ronald McDonald).  Upang mailigtas ang katotohanan ng foto, dapat buksan ang mga landas na magsusudlong dito sa lipunan, politika, ekonomya, kultura, at iba't ibang praktika sa buhay. Kailangang dulutan ng kasaysayan ang imahen o kakintalan sa potograpiya, ng panahong nakalipas at panahong darating upang makalikha ng panibago't naiibang kinabukasan. Dapat isingit ang retrato/foto sa naratibo ng pagsulong ng makauring lipunan upang matamo ang kolektibong adhikain: isang mapagpalaya't matulunging pamumuhay sang-ayon sa batas ng kalikasan.

    Narito ang isang eksperiment na dapat nating subukin.  Naimungkahi ni Rosalind Krauss (1993), batay sa repleksiyon ni Walter Benjamin, na ungkatin natin ang "optical unconscious" sa ilalim o likod ng foto. Susog ni Krauss na pwedeng makaigpaw sa kumbensyong biswal sapagkat (kung tutuusin) hindi makapangyarihan ang kamera o bisyon dahil hindi ito katugma ng buong pagkatao, ng katuwiran at kolektibong relasyon na bukal ng identidad ng bawat tao.  Hanapin natin, sa gayon, ang "optical unconscious" sa artikulasyon ng icon, indeks at simbolo sa tekstura at istruktura ng larawang nakatambad:

[]

    Sa tulak ng mapangahas na hamong ito, paano natin kaya masasagip ang halaga o kabuluhan ng litratong ito sa pamamagitan ng "optical unconscious"?  Nasaan ang posisyon ng nanunood at mambabasa? Sino ang biktima, si Carlito Dimahilig, ang salarin sa itinanghal na palabas rito (tahasang madayang laro o panlilinlang ito) o ang madlang nabighani't nagayuma sa ritwal ng ispektakulo? Subaybayan ang pelikula ng insidente, isang di-kusang "performance art," sa YOUTUBE na humantong sa foto ng "eskrimador" na nagtangkang kumitil sa Pangunang Ginang? Dama ng lahat na di lang kailangan ang rason sa batas militar, kailangan din ang simpatiya para sa "Iron Butterfly" at sa pamlyang Marcos.

    Galing ang foto sa isang kliping mula sa isang pahayagan (di pa matiyak) na petsang Disyembre 7, 1972.  Close-up, matingkad ang duguang mukhang pinagbabaril, nakatampok ang binulatlat na damit ng napatay na wala pang identipikasyon sa balita, liban na sa detalyeng 27 taong gulang, 5 talampakan, 2 pulgada. Mayroon bang lugar sa loob ng foto ang nagmamasid? Walang dignidad dito, mga sapatos ng seguridad ang nakapaligid sa bangkay.  Kailan nangyari ito? Tumpak ang sabi ni Susan Sontag, malaganap ang nagawang "corruption of sight" (sinipi ni Richard  2010, 34) sa paggamit ng kamera, kung hindi natin iwawasto at pangangalagaan ang bisa nito bilang sandata sa tunggalian ng mga uri't sektor ng lipunan.

    Naganap ang tangkang pagpatay/panlilinlang noong Disyembre 1972, unang taon ng madugong epoka ng batas-militar ng diktaduryang Marcos, suportado ng gobyernong Amerikano. Nasaksihan sa kalaunan ang di-matingakalang masaker, tortyur, panggahasa sa di mabilang na babaeng dinakip, at walang habas na pagyurak ng karapatang pantao ng libulibong mamamayan. Karumal-dumal na yugto sa ating kasaysayan, na nagpapatuloy pa hanggang ngayon. Sa kolektibong amnesya, at sa paghahari ng dinastiyang Marcos hanggang ngayon, malaki ang responsibilidad ng mga nag-iisip na mamamayan na buhayin si Carlito Dimahilig, kasabay ng mga minasaker sa Mendiola, Luisita Hacienda, maraming kampo militar, atpb., at isingit ang kakintalang ito sa makatas at maigting na naratibo ng pakikibaka ng buong sambayanan laban sa uring nambubusabos at mapanupil. 

Saliksikin at Bistayin

    Di maikakailang pang-ideolohikang larangan ang potograpiya kung saan nagtatagisan ang mga kontradiksyong nakasalang sa krisis ng neokolonyang orden. Sa posmodernistang pagtanaw, walang patid ang gawaing dikonstraksiyon ng diskurso hanggang kasukdulang magting fetish ang proseso ng demistipikasyon. Para ke? Pedagohiya ba ito ng akademikong eksperto para sa sariling kapakanan o ng alyenadong institusyon?

    Paano na ang inaasam nating pagkakawing ng teorya at praktika? Bagamat anti-tradisyonal ang ambag nina Patrick Flores at Cecelia Sta. Maria De La Paz sa kanilang makabagong Sining at Lipunan, madali't laging nahahalaw at nakakasangkapan ng mapanilang poder ang tekstuwalistikong interpretasyong walang tiyak na paroroonan. Mimicry ba ito ng anarkistang kaayusan? Nasambit nga ng ilang kasapi sa OCCUPY Movement dito sa New York: "Ano ang naisakatuparan nina Derrida, Foucault, Lyotard, Deleuze, Adorno, Zizek, Negri at iba pang pantas-awtoridad upang pigilin ang malupit na panlulupig na ginawa't ginagawa ng Europa/NATO, Estados Unidos, Hapon, at korporasyong global sa iba't ibang lupalop ng daigdig?" 

    Gayundin ang maitatanong tungkol kina Berger, Sontag, at iba pang progresibong intelektwal. Pagkatapos idekonstrak paulit-ulit sina Amorsolo at ibang kanonikal na artipak/sining, ano ang napala ng kilusang nagdedemanda ng hustisya para kina Burgos, Cadapan, Empeno, at marami pang biktima ng teroristang palisi ng gobyerno kasabwat ng dayuhang pwersa, mula pa kina Marcos at Cory Aquino hanggang ngayon?  Nakatulong ba itong poskolonyal dikonstrasyon sa mga pinahirapa't ibinilanggong OFW sa Saudi at iba pang bansa kung saan mahigit 10 milyong Pinay/Pinoy ay tumungo upang takasan ang gutom at padaralita sa "lupang tinubuan"?

    Oo nga't kalabisan nang asahan sa mga akademiko't tradisyonal na iskolar ang gawang magdulot di lamang ng radikal na interpretasyon kundi kongkretong hakbang sa kilusang mapagpalaya. Baka mapahamak lamang tayo kung lumulutang sa alapaap ang ihahandog. May paghahati sa gawain, wika nga, at iba't ibang kakayahan at kapasidad ang di tuwirang kasangkot sa barikada. Mas masahol pang problema ang dapat atupagin. Hindi pa rin mabuting naisasaloob ng mayorya ang tiyak na banghay at sustansiya ng lipunang nais nating ipalit sa bulok na sistema. Bukod sa tutol pa sa sosyalismo o demokrasyang pambansa, karamihan ay tagasunod pa rin sa panuto't programa ng indibidwalismo't mapagsariling kompitensiya sa ilalim ng oligarko't patriyarkong pamahalaan/disiplina.

    Gayunpaman, bawat oposisyonal na hakbang pangreporma, gaano man kabaliwag (pwedeng magdebate rito), ay may kontribusyon sa pangkahalahatang pagsulong. (Mabuting may gulo/gusot, kundi'y tulog lahat.) Bawat isa'y may maitutulong sa pagpupunyagi ng Nagkakaisang Hanay na maiugnay ang teorya at praktika ng kritika sa daloy ng kolektibong pagsisikap. Kung gayon, magkatuwang na palayain ang realidad na nakukulong sa litrato! Pakawalan ang imaheng nabihag ng tusong kamera! Tulad ng dalawang fotong nauna, matutuklasan na nasa sa ating matalas na pagsipat, masinop na pagsusuri at maingat na pagkilates ng saysay at kabuluhan nito, batay sa ating magkakabuklod na gunita, pangarap at pag-asa, ang makatuturang destinasyon ng artipak na ito sampu ng lahat ng mahuhugot sa teknolohiya ng potograpiya. Halina't dulutan natin ng karampatang sikhay at dunong ang pag-aaral na ito upang matubos ang napapagmasdang masalimuot at masaganang kapaligiran ng ating mundo--sagisag ng maluwalhating kinabukasang ating ipinaglalaban--na naitala ng kahima-himalang galaw ng kamera.

MGA SANGGUNIAN

Abreu, Lualhati.  "Colonialism and Resistance: A Historical Perspective."  Nasa     sa The Moro Reader, ed. Bobby Tuazon.  Quezon City: CENPEG, 2008.
Berger, John.  Selected Essays, ed. Geoff Dyer.  New York Vintage Books, 2001.
Burgin, Victor, ed.  Thinking Photography.  New York: Macmillan, 1982.
Flores, Patrick D. & Cecilia Sta. Maria de la Paz.  Sining at Lipunan.  Quezon     City: Sentro ng Wikang Filipino, U.P., 1997.
Gernsheim, Helmut and Alison Gernsheim.  A Concise History of Photography.       New York: Grosset & Dunlap, 1965.
Kramer, Paul A.  The Blood of Government.  Durham, NC: U of North Carolina     P, 2006.
Krauss, Rosalind E.  The Optical Unconscious.  Cambridge, MA: MIT P, 1993.
McKenna, Thomas M. Muslim Rulers and Rebels.   Berkeley: U of California P,     1998.
National Geographic.  Ultimate Field Guide to Photography.  Washington DC:     National Geographic, 2009.
Nichols, Bill.  Ideology and the Image.  Bloomington, IN: Indiana U Press, 1982.
Richard, Frances.  "The Thin Artifact." [Review of The Cruel Radiance by Susie     Linfield]  The Nation (13 December 2010): 31-39.
San Juan, E.  U.S. Imperialism and Revolution in the Philippines.  New York:     Palgrave, 2007.
Tan, Samuel K.  The Filipino-American War, 1899-1913.  Quezon City: U of the     Philippines P, 2002.
Twain, Mark.  Mark Twain's Weapons of Satire, ed. Jim Zwick. Syracuse: Syracuse     UP, 1992.

No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...