PARANGAL KAY MAITA GOMEZ, BABAENG MANDIRIGMA
“No uprising fails… Each one is a step in the right direction.” –Salud Algabre
Anong kapangahasan Apoy ng kababaihan
Biruing ibulalas: “Walang sayang, hoy!
Bawat siklab ng pagbabalikwas ay pagsulong
sa wastong direksyon—”
Mula Cabiao, Nueva Ecija hanggang Sta. Rosa, Laguna, nauna na si Salud Algabre---
sumunod si Maria Lorena Barros, Cherith Dayrit, at ngayon si Ka Maita—
Ilang titis lamang, sumiklab ang rumaragasang sunog
lampas na sa hanggahang naigpawan, di nasayang
Anong kapangahasang lumagablab
tumutupok sa bawat sagwil ng pulis at militar ng diktadurya’t imperyo
Mapangahas na nagliliyab ang parang dagat lunsod
mula Bontoc hanggang Tawi-tawi, di nasayang
Sa pinagkiskis na buto’t laman ng ilanlibong inang nagdiringas dumadarang
Apoy ni Maita Gomez, armadong paraluman—
Alab ng ilanlibong babaing naghihimagsik
Gumigising sa mga nabuwal sa dilim ng pagkaduhagi’t pagkaamis
Bumabangon mula sa gabi ng pagkaalipin at pagdadalamhati
Binubulabog ang luksang bilanggo’t kuta ng mga salaring nasayang
Nagpupumiglas upang matamo ang luwalhati’t sayang pinapaginipan
“Walang sayang—”
Sa bawat kiskis
tumitilampon ang titis,
nagliliyab ang parang, salamat sa iyo, pinakasasabikan,
pinakamimithi—
No comments:
Post a Comment