Monday, July 02, 2012

ISANG HIWA NG DANAS SA PALAWAN





ISANG  HIWA NG DANAS SA PALAWAN




Nagdudumilat ang bulag na detenidong nakabunggo natin
sa bilangong walang rehas habang gumagala
sa dating “model penal colony” ng Puerto Princesa.

Naglakbay tayo sa Isla Dos Palmas, laging nakatitig
sa iyong alindog, hinuhulaan kung may puwang o lusot
sa iyong dibdib, daungan ng lumulutang na panaginip.

Hinabol ka ng malikot na daliri ng alon at hanging
humipo’t yumapos, labas-masok, minasda’t minasid
habang ako’y nangangapa, sinasalat ang tarangkahan….

Naglayag tayo patungong ilog sa ilalim ng bundok,
sumuot sa yungib na pugad ng mga paniki’t ibong lagalag,
pumasok, hinugot ng hinalang may matutuklasan doon.

Nag-aapuhap sa kuweba ng mga espiritu, walang rehas o bakod--
umaapaw sa dilim ang dibdib ng lupang hinukay ng tubig
labas-masok ang kutob,  agam-agam, naglamay sa bukana….

Nakapikit, umiilag sa duming nahulog at nalaglag na sukal—
Sinon’g sumusubaybay? Anong anino ang yumakap sa iyo?
Nangalisag ang buhok ng nakabalatkayong dilag--

O diwata ng islang sinakop, patawarin ang paglagos
sa iyong santuwaryong niloob, ginahis—kami’y
bilanggong nakadilat, bulag sa nahubdang alindog.



--E. SAN JUAN, Jr.




No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...