Saturday, June 30, 2012

PARABOLA NG TADHANA




PAGBABALANGKAS  SA  PARABOLA NG TADHANA



Nabigo sa nais at nasa, umarteng kontrabida
Bumaling ang alibughang ulo ng artistant balakyot

Sa sikmurang nginatngat nagkamalay ang hayop
Tumutol kaya ikinulong, sa bugbog tumindi’t tumingkad

Naubos ang mitsa ng pagtitimpi’t pagtitiis
Inantig ang di matinag na budhing isinupil

Nabigo   di malunok ang pulotgatang singaw ng lagim
Tumikom ang palad   umaasa pa rin sa kahariang ipinangako

Sa bawat himaymay ng sugat nakintal ang pagkakanulo
Sumigid sa gunita ang ngiti ng palabirong katalik

Sumupling  namukadkad ang halimuyak ng nalusaw na buto
Upang magbunga’t umani ng biyayang pinakawalan

Tigil sa hagulgol, aking Musa, kusa kang lumagay
Sa yapak ng  mutya’t  humalik sa abo’t apog ng muling pagkabuhay.

 ---E. SAN JUAN


Sunday, June 10, 2012


LIWALIW  SA ILOG NG LOBOC, BOHOL




Ilang araw pagkatapos lumabas sa”yungib” ng Camp Crame
Sandaling dumalaw sa ilang bilanggong pulitikal, narito tayo ngayon
Sakay sa bangkang may pangakong magdudulot ng galak, lugod, saya—

Mahalinang awit ng ibon, kaakit-akit na bulaklak sa pampang ng ilog
Lulan ng modernong paraw—kargado’y turistang dayuhan at balikbayan—
Upang panoorin ang talon sa dulo ng pumupulupot na ilog…umiikot…

Habang sa gitna ng lakbay, hayun ang daungan— Ay, hindi,
Entablado o plataporma pala, tanghalan ng sayaw at katutubong kariktan—
Hanap-buhay iyon ng mga nakatira sa baranggay katabi ng ilog—

Aliw handog sa mga estrangherong naakit sa unggoy Tarsier,
Tsokolateng bundok, indayog ng mga lipi nina Dagohoy at rebelde sa Jagna.
Kawili-wiling tanawin, ilog na humahagos sa mapating na dagat….

Umaapaw ang tubig mula sa mabatong bundok at gubat, sagitsit ng alon—
Rumaragasang buhos--kay pusok, kay rahas ng daluyong!
Sandaling nalimutan sa pagbaling at pagpihit ng walang layag na paraw

Ang malaking bato sa bunganga ng yungib, bago umahon dito
At iangkla ang iginaod na panaginip ng dayang-dayang sa isla ng Tawi-Tawi—
Paano ililiko ang daluyong upang maitulak ang batong takip
At salubungin ang inabatang taga-ugit ng muling pagkabuhay?


Tuesday, June 05, 2012

LIWALIW SA LOBOC, BOHOL--ni E. SAN JUAN, Jr.


LIWALIW  SA ILOG NG LOBOC, BOHOL



Ilang araw pagkatapos lumabas sa”yungib” ng Camp Crame
Sandaling dumalaw sa ilang bilanggong pulitikal, narito tayo ngayon
Sakay sa bangkang may pangakong magdudulot ng galak, lugod, saya—

Mahalinang awit ng ibon, kaakit-akit na bulaklak sa pampang ng ilog
Lulan ng modernong paraw—kargado’y turistang dayuhan at balikbayan—
Upang panoorin ang talon sa dulo ng pumupulot na ilog…umiikot…

Habang sa gitna ng lakbay, hayun ang daungan— Ay, hindi,
Entablado o plataporma pala, tanghalan ng sayaw at katutubong kariktan—
Hanap-buhay iyon ng mga nakatira sa baranggay katabi ng ilog—

Aliw handog sa mga estrangherong naakit sa unggoy Tarsier,
Tsokolateng bundok, indayog ng mga lipi nina Dagohoy at rebelde sa Jagna.
Kawili-wiling tanawin, ilog na humahagos sa mapating na dagat….

Umaapaw ang tubig mula sa mabatong bundok at gubat, sagitsit ng alon—
Rumaragasang buhos--kay pusok, kay rahas ng daluyong!
Sandaling nalimutan sa pagbaling at pagpihit ng walang layag na paraw

Ang malaking bato sa bunganga ng yungib, bago umahon dito
At iangkla ang iginaod na panaginip ng dayang-dayang sa isla ng Tawi-Tawi—
Paano ililiko ang daluyong upang maitulak ang batong takip
At salubungin ang inabatang taga-ugit ng muling pagkabuhay?


--ni E. SAN JUAN, Jr.

Saturday, June 02, 2012


ENGKUWENTRO SA PINAGTAPUNAN NG BAYANI


ni E. SAN JUAN, Jr.


Isang hapong umuwi akong mag-isa, Bella—limot mo na ito--
mula sa Andres Bonifacio Elementary School, napadako ako
sa palengke ng Blumentritt kung saan nasaksihan ang sakunang nangyari;

di sinasadya’y nasilip sa ilalim ng tren ang duguang bitukang
likaw-likaw ng kung sinong nadisgrasya, di alam kung bakit
sumagupa sa trapik na sinikap nating laging sabayan…..


Ilang taon pagkatapos, minsang pagliko sa nagkrus na daan
ng Dimasalang at Dapitan, nasulyapan kita at nahihiyang binati….
At sa kung anong dahilan, nagitla ako, Bella,

nang biglang pumitas ka ng pulang bulaklak sa gilid ng kanal
at iniabot sa akin bago tayo muling naghiwalay….
Nakamamangha, kasi’y namagitan na sa atin mula noon

ang likaw-likaw na pangyayaring humiwa’t nagbukod sa katawa’t kaluluwa…
At ngayong hapong sumisilong ako sa ilalim ng riles ng modernong LRT
na humati sa Avenida Rizal at sumaplot sa pusod ng aking kamusmusmusan

di mapilas, di mapigtal sa gunita ang talulot na kasing pula
ng iyong labi, Bella--bahid kaya iyon o damay ng aksidenteng nakasisindak?
Walang tangka, balak o bantang sariwain ang kahapong nakapagtataka,

habang tumatawid sa lansangang tigib ng panganib at pangamba,
kasabay ng dagundong ng gulong na bakal ng tren sa bubungan
nakatingala ako, gulilat, naipit sa pagitan ng kalye Tandang Sora’t Laong-Laan,

di kinukusa’y nasambit ko—sa harap ng rumaragasang trapik sa Blumentritt—
ang pangalan ni Josephine Bracken MacBride, dulce extranjera,
at ang pakikipagsapalaran sa mahiwagang kaharian ng Albanya.

###

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...