Sunday, June 10, 2012


LIWALIW  SA ILOG NG LOBOC, BOHOL




Ilang araw pagkatapos lumabas sa”yungib” ng Camp Crame
Sandaling dumalaw sa ilang bilanggong pulitikal, narito tayo ngayon
Sakay sa bangkang may pangakong magdudulot ng galak, lugod, saya—

Mahalinang awit ng ibon, kaakit-akit na bulaklak sa pampang ng ilog
Lulan ng modernong paraw—kargado’y turistang dayuhan at balikbayan—
Upang panoorin ang talon sa dulo ng pumupulupot na ilog…umiikot…

Habang sa gitna ng lakbay, hayun ang daungan— Ay, hindi,
Entablado o plataporma pala, tanghalan ng sayaw at katutubong kariktan—
Hanap-buhay iyon ng mga nakatira sa baranggay katabi ng ilog—

Aliw handog sa mga estrangherong naakit sa unggoy Tarsier,
Tsokolateng bundok, indayog ng mga lipi nina Dagohoy at rebelde sa Jagna.
Kawili-wiling tanawin, ilog na humahagos sa mapating na dagat….

Umaapaw ang tubig mula sa mabatong bundok at gubat, sagitsit ng alon—
Rumaragasang buhos--kay pusok, kay rahas ng daluyong!
Sandaling nalimutan sa pagbaling at pagpihit ng walang layag na paraw

Ang malaking bato sa bunganga ng yungib, bago umahon dito
At iangkla ang iginaod na panaginip ng dayang-dayang sa isla ng Tawi-Tawi—
Paano ililiko ang daluyong upang maitulak ang batong takip
At salubungin ang inabatang taga-ugit ng muling pagkabuhay?


No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...