Saturday, June 02, 2012


ENGKUWENTRO SA PINAGTAPUNAN NG BAYANI


ni E. SAN JUAN, Jr.


Isang hapong umuwi akong mag-isa, Bella—limot mo na ito--
mula sa Andres Bonifacio Elementary School, napadako ako
sa palengke ng Blumentritt kung saan nasaksihan ang sakunang nangyari;

di sinasadya’y nasilip sa ilalim ng tren ang duguang bitukang
likaw-likaw ng kung sinong nadisgrasya, di alam kung bakit
sumagupa sa trapik na sinikap nating laging sabayan…..


Ilang taon pagkatapos, minsang pagliko sa nagkrus na daan
ng Dimasalang at Dapitan, nasulyapan kita at nahihiyang binati….
At sa kung anong dahilan, nagitla ako, Bella,

nang biglang pumitas ka ng pulang bulaklak sa gilid ng kanal
at iniabot sa akin bago tayo muling naghiwalay….
Nakamamangha, kasi’y namagitan na sa atin mula noon

ang likaw-likaw na pangyayaring humiwa’t nagbukod sa katawa’t kaluluwa…
At ngayong hapong sumisilong ako sa ilalim ng riles ng modernong LRT
na humati sa Avenida Rizal at sumaplot sa pusod ng aking kamusmusmusan

di mapilas, di mapigtal sa gunita ang talulot na kasing pula
ng iyong labi, Bella--bahid kaya iyon o damay ng aksidenteng nakasisindak?
Walang tangka, balak o bantang sariwain ang kahapong nakapagtataka,

habang tumatawid sa lansangang tigib ng panganib at pangamba,
kasabay ng dagundong ng gulong na bakal ng tren sa bubungan
nakatingala ako, gulilat, naipit sa pagitan ng kalye Tandang Sora’t Laong-Laan,

di kinukusa’y nasambit ko—sa harap ng rumaragasang trapik sa Blumentritt—
ang pangalan ni Josephine Bracken MacBride, dulce extranjera,
at ang pakikipagsapalaran sa mahiwagang kaharian ng Albanya.

###

No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...