Tuesday, October 03, 2006

PUNTA SPARTIVENTO



“In the naked and outcast, seek love there.” –William Blake


Kamusmusa’y pinaglahuan, Mahal ko
Nahubdang kariktan ng lawa bundok ulap ang pinagpalang dulot sa atin ng kalikasan
Sa kabilang ibayo nagliliyab ang mga bulaklak--pula, dilaw, luntian---

mistulang bumukang-liwayway
Ngunit anong anino ng lumipas ang sumisingit
lumalambong sa ganda’t aliwalas ng ating pagtatagpo?
Bumibiyak sa pinagbuklod na pagnanais at humahati sa pinagtipan?

Nagugunita ang mga pinagtuosang “ininis sa hukay ng dusa’t pighati”….
Alaala ng kinabukasan—
anong malupit na pahatid ang naibulalas ng dumaragsang hangin?

Sa dalampasigan ng Punta Spartivento, kung saan nagtatagpo’t naghihiwalay ang alon—
sa kaliwa o sa kanan, hayun at naryan-- tila baga walang pagpapasiya,

itinutulak sa kaliwa o kinakabig sa kanan
pinaghahati ng tadhana o kapalaran--
O itinitulak ng pagkamuhi, kinakabig ng pagmimithi?

Anong layag ang pumalaot sa kabilang pampang—urong sulong pataas pababa?
Metalikong kuko ng mandaragit ang humahagupit ngayon--

Halos di madalumat ng manlalakbay ang krimeng naganap:
755 pinatay, 181 dinukot o “ininis sa hukay”

Nagugunita ang awit—“Buhay ma’y abuting magkalagot-lagut”—walang kailangan….
Dumurugtong ang pag-ibig ng mga hinagupit ng walang-katarungang orden,
nauugnay sa mga dukha’t ibinukod ng kabuktutan….

Agaw-dilim sa Punta Spartivento….
humahati’t bumibiyak sa agos ng panahon at karanasan….

Sa pangungulila, kumikintal sa gunita ang mga mandirigmang sumakabilang buhay
Nakaigpaw sa kuko’t pangil ng hangganang humahati’t naghihiwalay--

Mahal ko, sa iyong labi namilaylay ang pinakasasabikang biyayang ipinangako
Inilagak sa pagitan ng dalamhati’t luwalhati, ng kailangan at di-kailangan,
Ng walang halaga at may halaga, habang magkayapos, tiim ang bagang,
sumasagupa sa panganib ng dalampasigan….

Pinagpala ng panahon ang 755 pinuksa at 181 pinaglaho,
ang kahapong lumubog, ang kinabukasang pumapaimbulog

Pinagpala ang mga bayaning naghiwalay at humati, nagbukod at bumiyak

Makikilala din ang umiwas at ang dumulog, ang nakihamok at ang tumiwalag,
Magtatagpo ang lahat sa Punta Spartivento ng himagsikan.

No comments:

APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO

kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...