
KAYUMANGGING MANLALAKBAY SA PANAHON NG AKWARYUS
ni E. San Juan, Jr.
Naputol ang paglalakbay nang walang pagsabi samantalang
Lumalapag ang eruplanong nanggaling sa kung saang lupalop
Naghihintay ka nahubdan ng pagkukunwari
Magdamag balisa wala ka bagamat naroon din
Sa kabilang panig ng mundong niligalig ng digmaang terorista
Di malaman kung saan napadako’t napadpad
Habang ako’y sumisilong dito sa paliparan ng Detroit
Umaakyat ang diwa sa bawa’t paglisan lumulukso’t lumilipat
Lumulutang sa sayaw ng ulap at pag-inog ng buntala
Hanging bumubugso sa kutob ng ilanlibong pakikisalamuha
Saan kaya tumakas ang nabulabog na panaginip
Saan hihimpil ang kamalayang napalaot walang timbulan
Kumakaba ang pusong di maapuhap sa kintal ng buwan
Masisinag ang biyaya ng bumubukang pakpak sa himpapawid
Pumaimbulog ang ulirat di batid kung saan hahantong
Nagbabala ang bagwis nag-aabang sa nagkrus na daan
Habang sa langit gumuguhit ang kaluluwang naglagalag
Walang tiyak na tipanan ang haliparot na metalikong ibon
Bayan ng aking pagyao nawa’y laging luntian ang dugo mo
Sa kabilang ibayo bumabalik ang banyagang walang gurlis sa mukha
Tanggapin mo ang katawang naanod sa ulilang daungan
Naligaw sa awit ng sirena bagamat gapos sa layag ng guniguni
Paglalakbay na walang tiyak na destinasyon o hangganan
Gaano man tugisin ang mga lagda sa matris ng talaba
Gaano man masapol ang ikot ng motor anong kahihinatnan
Samantalang sa isip ko’y nagpunta ka sa dalampasigan
Kinikiliti ang talampakan ng buhanging sinuyod binaybay
Pira-pirasong labi ng suso’t kabibi ang tumutusok sa iyong paa
Di mo pansin sinusundan ang lunday ng hangin indayog ng alon
Los Angeles Roma Hong Kong Riyadh—sinong makasasagip?
Kaakbay ang mujaheding inabutan ng tabsing sa dagat
Umaalingawngaw pa rin “Silanga’y pupula sa timyas ng paglaya”
Magkapiling pa rin tayo kahit hulog ng langit o hinugot sa tagiliran
No comments:
Post a Comment