Monday, September 14, 2020

ILANG BAGONG TULA ni E. San Juan, Jr.

 MGA BAGONG TULA NI E. SAN JUAN, Jr.

________________________________________________________________






PAGBUBULAY-BULAY NG ISANG PETIBURGIS-INTELEKTWAL



Nang ika-10 gulang, nagnais akong matuto’t maging marunong


Nang ika-15 gulang, nabatid kong tama ang gurong Mang Andoy


Nang ika-21 gulang, natiyak ko na ang daan


Nang ika-30 gulang, nasulyapan ko na ang guhit-tagpuang abot-tanaw


Nang ika-36 gulang, nabilibid ako sa kasong pakikiapid (natiklo, ay malas!)


Nang ika-40 gulang, nagpasiya akong pwede nang makipag-sapalarang mag-isa


Nang ika-50 gulang, bayad na ako sa mga utang at butaw


Handa na akong umakyat sa bundok—


Napaglirip sa panahon ng paglalakbay hanggang dito, palipat-lipat ang diwa


Sa pagitan ng ibong makulay ang bagwis

nakatuon sa panaginip at pantasiya


At isdang nagtatampisaw sa putik, matimtimang dumaranas

ng udyok at simbuyo ng damdamin…

.

Hinahangad ko mula ngayon, sa kabila ng gulo’t panganib ng kapaligiran,


Sundin ang dragon ng isip, matimyas na pagnanais makahulagpos


Upang sa gayon makaigpaw sa bangin at makatawid


sa talampas at matarik na dalisdis ng bundok


Yapos ang ibong pumailanlang at isdang sumisid


sa pusod ng kaluluwa.

DATING

"Sufficient unto the day is the evil thereof"



Darating ang takdang araw sa dulo ng tulay


Dati rin ang pagdating


Tumatawid sa tulay na dapat tawirin ng nagdatingan


Dumating na ba?


Tumatawid na sa dating lugar


Dumarating ang itinadhanang oras


Lahat ay lumilipas


Pagdating ng itinakdang sandali


Darating pa


Magpasiya ka kung di pa batid ang datingan


Dumarating na

....habang tumatawid ng tulay lumilipas


Dumating na ba? Nakarating na?


Nadatnan sa gitna ng landas ng nakalipas


Sinong dinatingan


Nabitin sa dating daan di na marating


Baka hindi na makarating.... 


paratingin na lamang....



ALINGAWNGAW


Payapang lugar walang tili bulahaw hiyaw kulog dagundong

walang imik


Tahimik


Walang tinig taghoy halinghing sigaw saklolo tahol tugtog palakpak iyak


Walang bigkas atungal palahaw tanguyngoy usap ngalngal tagulaylay


Walang ingay ungol haginghing himutok irit hibik hagulgol angil


Payapa

walang ingay


Walang hikbi daldal haluyhoy lagaslas alingawngaw saklolo


Walang huni sipol pagaspas lawiswis halakhak agas-as


Walang siyap sutsot bulong alatiit kuliling kaluskos paswit


Tahimik

walang imik

walang kibo talagang naumid


Piping lahat--ngunit bakit may kumakatok humihingi ng saklolo


ugong sa sulok dumudulas


anasan tumatahip pumupulas bumubulong ...


bulong buntong-hininga— 


sa butas ng bungo…..sssssst—

Walang imik tahimik



AMBIL NG SALAWAHANG GUNI-GUNI




“Anong kamatayan ang nais mo?”

Tanong ng babae: “Isang pagkasirang tanso na nagbubukas 

Ng isang kumbento para sa puso; o kaya


Isang batas na pahintulot para sa isang higante, isang pinilakang pagpanaw;

O iyong uring dapat pagsikapang matamo;

Isang sakramento, isang paglisang ginintuan?”


Ay lintik, paano makapipili ang may pakay?

Lagi na lamang may sumisingasing na apoy--

Sa aking leeg gumagapang ang salamander!


Ngunit dito sa matatag na larangan,

Lupang kinabuwalan ng mga magiting na mandirigma,

Ang mga dwende’y umaawit ng isang tumbagang himnong handog sa iyo.


Subalit kung maaari lamang sana’y makalikha ako para sa sarili

Ng isang ulo ng higante, malayo sa pangungulila’t pag-iisa--

Oo, totoong aapaw ang tawa ng nimpa ng dagat


At malulunod ang aking pinilakang libingan. Sapagkat ito’y tadhana

Mula sa bangin, sa pagitan ng matatarik na bundok

Na nagdudulot sa atin ng bagwis na sadyang akma sa peregrinasyon.


At ikaw na sumasayaw tulad ng isang masanghayang anghel

Sa himapapawid ay ipinagkaitan, talagang dahop

Sa gintong katangian ng biyayang alindog


At kung sakaling ipagdarasal mo ako upang makamit ang

“Isang mainam at liblib na burol” na itinakda para sa aking

Pagpanaw, aking kamatayang tunay na ginto;


Nauukol sa iyo, tanging sa iyo lamang, iniaalay ko ang aking pangalan.

“O, ano ngayon, anong uring kamatayan ang ninanasa mo?”

Sabi ng babae: “Walang iba kundi ang iyong yapos.”






DISKARTENG  PAG-URIRAT SA COGITO-ERGO-SUM NI  DESCARTES 


Nagkamalay ako, samakatwid ako ay


Naghinala ako, samakatwid ako ay


Naghanggad  ako, samakatwid ako ay


Nagulat  ako, samakatwid ako ay


Natuliro ako, samakatwid ako ay


Nagmura ako, samakatwid ako ay


Nanaginip ako, samakatwid ako ay


Nalibugan ako, samakatwid ako ay


Nadaya ako, samakatwid ako ay


Nainggit  ako, samakatwid ako ay


Nagsinungaling ako, samakatwid ako ay


Nakipagdyugdyugan ako, samakatwid  ako ay


Kinilabutan ako, samakatwid ako ay


Nalamangan ako, samakatwid ako ay


Tumutol ako't nakibaka, samakatwid ako ay


Nakulam ako, samakatwid ako ay


Naghihingalo, samakatwid ako 


Humingi ng saklolo, samakatwid 


Wala nang hininga, sama  ka  

PARABULA NG BUTO NG MUSTASA



Nagalit si Malunkya Putta sa di-pagtugon ni Buda

sa sandamak na mga tanong

tungkol sa usaping metapisikal—


Halimbawa: Wala bang katapusan ang mundo?

Pagkalagot ng hininga, may libog pa ba ang kaluluwa?


Sinagot siya ni Siddhartha na tinaguriang Buda:


“Walang saysay ang mga usisa mo.


Hindi ba ibinuhos ko na ang panahon at lakas sa pagpapalliwanag

kung bakit tayo nagdurusa?


Itinuro ko paano natin mababawasan ang kahirapan.


Di ba itinuro ko kung paano malulunasan ang ugaling

nagbubunga ng sakit at pighati?


Bakit ka nahuhumaling sa mga kaabalahang walang saysay?


Sige, Malunkya Putta, hale ka na’t dalhan mo ako

ng isang dakot ng buto ng mustasa….


Manlimos ka sa mga tahanang walang namatayan.


Hayo ka na’t baka abutin ka nang gabing magayuma ang dilim


at tuloy maligaw ka sa daan.”

BAKAS:  Dalumat ng Gunita’t Hinagap, Memorya ng Kinabukasan


— ni  E. SAN JUAN, Jr.




 AVENIDA RIZAL, STA. CRUZ (1938-1944)



Buhay ay pakikipagsapalaran, lihis sa iyong pagnanais o pagnanasa

Pook na dinatnan ay hindi nakaguhit sa dibdib, balintunang hinala

Pook na binagwis ng alaala’t pag-aasam

Tumatawid sa agwat/puwang ng panahong gumugulong sa buhangin

Nakalingon habang dumudukwang sa agos ng alon—

anong kahulugan ng pagsubok at pangakong itinalaga ng panahon? 

Tayo ba ang umuugit sa daluyong ng kapalaran?



Lumilihis sa bawat liko, sa bawat sandali nag-iiwan ng bakas ang katawan

Sa bawat sulok, matatagpuan ang uling/alabok ng buong kasaysayan—

Bumabagtas sa bawa’t yugto ang tunggalian ng uri, saan kang panig makikisangkot, kaya kailangang magpasiya

Upang masunggaban ang sungay ng tadhana, ikawing ito 

sa ating adhika’t pangangailangan ng komunidad—


Tanong mo’y saan? Sagot ko’y kailan?  Bibingka ng hari, di mahati-hati….


Tuwing umaga’y nalalanghap ang anghot ng ihi’t dumi ng kabayo

     sa kuwadra ng San Lazaro tabi ng Oroquieta Ospital ang kinagisnan—

Agwat/puwang ng panahon, kaluluwang humibik

     sa pagitan ng Tayabas at Batangas, bininyagan sa Iglesiya Espiritu Santo


Kapagkwa’y tumawid at naipit sa riles ng Blumentritt at estero ng Dimasalang

malapit sa pugad ng pampang si Marina noong 1945….

—“dala-dala’y buslo…pagdating sa dulo”—

Sa mga eskinita lumalagos ang bango ng piniritong isda’t ginisang bawang sibuyas kamatis  luya

Sa bingguhan asaran biruan ng mga kamag-anak  


Amoy ng dura’t pawis masangsang na putik sa harap ng 2121 Avenida Rizal

    kung saan napanood ang prusisyon ng libing ni Manuel Quezon


Kakatwang estranghero ang sumaksi sa tahanang 

ginawang motel para sa ‘short-time” tipanan ng magtatalik—


Agwat ng umaga’t dapithapon sa naghihintay na musmos, binibilang ang patak ng ulan

Puwang ng paglalaro sa lansangan ng Tayuman at Bambang, inaabangan—


Sakaling wala ang ina’t ama, “buhok ni Adan hindi mabilang,” 

himutok ng ulilang musmos

Sagisag na walang lakas hubugin ang daloy ng karanasan, biktima ng pangyayaring

    matagal ang panahon ng pagkagulang, nabulabog sa bawat gulong ng trapik….


Gayunpaman, nabaluktot sa balisa’t di-pagkakapalagay, stigmata sa gunita:


Unti-unting nahuhulog kumpol-kumpol ang dilawang bulaklak ng punong-akasya

     sa harap ng dungawang tila masamyong dibdib ni Nena, nag-alagang katulong, mangyaring pagpalain  ng Inang Kalikasan 

ang kaniyang mairuging kaluluwa.




2.   MONTALBAN, RIZAL (1945-1950)



Bukal ang kinabukasan sa iyong gunita, sa tukso ng pag-asa

Sa guni-guni, tila huni ng ibon sa bulaos ng kalabaw tungo sa ilog Pasig

Bumubuhos sa Montalban, agos ng panahong sumusukat sa isip

Tinutugis ang kaganapang bulong at anasan ng mga nagdarasal

sa sementeryo ng La Loma…


Lalakarin daw ang haba ng dinulang, doon masusulyapan ang Irog

bago manampalok—Sinampal muna bago inalok?


Halinghing ng kabayo sa gubat  ungol ng baboy aso’t manukan

Pangarap ng paglalayag habang nakadukwang sa estero ng Reina Regente

gumagapang  gumagala sa Binondo San Nicolas Dibisorya


Takas, pumipiglas—

Pinaulanan ng bala ng gerilyang Huk ang PC istasyon sa munisipyo ng Montalban

—hindi lamang pito ang baril nila, di lamang siyam ang sundang—

Taginting ng salapi’y hungkag sa hinagap ng Boddhisatvang umakyat

sa lambak doon sa Wawa kung saan

nagkublli sina Andres Bonifacio’t at mga gerilyang Katipunan….


Umahon mula sa kabilang ibayo ang kamalayang sumasagap sa tinig ng panata

     hindi mula sa Benares o Herusalem kundi sa Sierra Madre

upang humabi ng sutrang kayumanggi mula sa tadhanang gumugulong….


Sunggaban ang suwag ng kapalarang naligaw sa rumaragasang unos

Malayo na sa kilabot ng mga Hapong umurong sa Wawa

Pinaligiran ng tropang Amerikano, sindak ng imperyalismong sumasabog…


Gumising doon sa bukang-liwayway ng Liberasyon at tuloy sa dagundong

   ng magulong Maynila, sunog sa Korea at Arayat

  mabilis pa sa alaskuwatrong tumungo sa sinehang Lotus at Noli

Kung saan narinig ang “Fascination” nina Dinah Shore at Belle Gonzales—


Bigkasin mo ang pangalan ng mga kolaboreytor at bayaning nagbuwis ng buhay….


Ngayon ay alingawngaw ng panahong 

Lumikha sa mga pangyayaring

Lihis sa iyong pangarap at panimdim

Kapwa ninais at pinilit

Kapwa tinaggap at tinanggihan: kailan? saan?

Sa pag-inog ng pakikipagsapalarang tila walang simula’t katapusan.





3.  BALINTAWAK, QUEZON CITY  (1951-54)



Pangangailangan  ang umuusig sa pagkikipagsapalaran, gumaganap ang bulag na simbuyo

Sa daluhong ng kasaysayan, hindi maiiwasan o maitatakwil

Kaya ang sumunod sa nesesidad ay malaya’t magpapalaya

sa kahinugan ng panahon, pahiwatig ng mga pantas….


Sumisingit sa baklad ng gunitang balintuwad:

Minsan tinapos ko ang Crime and Punishment ni Dostoevsky

isang hapong maalinsangan

Di ko malilimutan ito, gabi na ng ibaling ang paningin sa bintana

Lihim na pagkahumaling ko kay Esther Deniega (lumisan na) ay iburol sa balong

malalim, punong-puno ng patalim, balong hindi malingon

Tulad ng pagsasama namin nina Ernie at Pete Daroy

Sa limbo ng mga pagliliwaliw, sa impiyerno ng mga pag-aalinlangan at agam-agam



Mabuhay kayong mga itinapon,

Nakarating na kayo sa ipinangakong himpilan, ipinaginip na himlayan.

“Dalawang pipit, nagtitimbangan sa isang siit, sumusungit ng bituin”

Di nagluwat, sumabak sa pakikibaka laban sa US-Marcos diktadurya—


Minagaling ang basag kaysa baong walang lamat


Sapagkat sa kaibuturan ng aksidente, pagbabakasakali, namumutawi

ang siglang pagbubuhatan ng tagumpay ng ating minimithi,

Hindi salita kundi hibo’t hikayat ng panaginip at guniguni, matris ng himagsikan, 

ang lugar ng panahong nahinog sa yapos at aruga 

ng mga magulang at mga gurong nagmalasakit…


Huwang mong basahin ito

Tatak ng titik  titik ng tiktik

Huwag tingnan  huwag sipatin

Huwag silipin  huwag sulyapan

Tatak ng titik  titik ng tiktik

Huwag mong titigan  baka ka malikmata’t maalimpungatan….



Asul ang kulay ng langit sa parang at lambak ng Diliman—

Aso ko sa pantalan, lumukad ng pitong balon, humugos sa pitong gubat

bago natanaw ang dagat—


Walang katuturan ang panahon kung walang pangarap o pag-asa

Pagnanais ang matris ng pangyayari, pagnanasa ang ina ng katuparan

Kabiyak na niyog, magdamag na kinayod,

Naghasik ng mais, pagkaumaga ay palis—


Huli ng balintataw ang mailap na buntala ng iyong mithing talinghaga,

pangarap ng pithayang alumpihit pumaimbulog sa kawalan.




4.  CRAIG, SAMPALOC, MAYNILA (1955-60)



….Subalit ang kalayaang magpasiya’y nagkabisa 

Sa isang tiyak na pook at itinakdang pagkakataon

Bagamat limitado ang kapangyarihang umalsa’t bumalikwas

Walang pangyayaring magaganap kung wala ka,

Sintang itinapon sa gitna ng maburak na Pasig.


Bumagsak ang eruplano ni Magsaysay ngunit nkalimutan

na ang CiA ahenteng Lansdale, sa gayon

Neokolonyang teritoryo pa rin tayo hanggang ngayon….


Agos de pataranta sa Palomares at Gardeniang dinalaw ng mga GI

pagkatapos sumuko si Aguinaldo’t nawala si David Fagen


Magkabalikat kami nina Ernie at David Bunao sa bilyaran sa Quiapo

Di inalintana kung may hirap, hanapin ang ginhawa  

Aralin ng pakikipag-ugnayan sa Culi-Culi, Marikina, massage parlor sa Raon

Walang matimtimang birhen sa lagalag na kaluluwang naghuhunos

Di bumibilang ng bukas-makalawa upang paraanin ang nagparaan—


Walang matiyagang hayup sa magayumang kalapating sumasayad sa pampang….


Shantih   Shantih      Weiilala  leia        Wallala  leialala   


Bago umakyat sa Baguio, tumawid kami sa Tayug, Pangasinan, nina Mario Alcantara

at Pablo Ocampo, kumakampanya para kina Recto-Tanada

Hindi ko batid noon na malapit sa Binalonan, bayan ni Carlos Bulosan….

Noong 1972 ko na lang napag-alaman ito sa lilim ng Pulang Bandila


Lumangoy at lumutang sa usok sa Luneta’t daungan ng Manila Bay

Tudyo’t halakhak ng mga kaibigang nakausad mula sa Tundo hanggang Sta Cruz & Quiapo


Tatlong bundok ang tinibag bago dumating nang dagat


Walastik, para kina T.S. Eliot Joyce Nietzsche Sartre, tapos ang boksing sa Sarili

Walastik, naghalo ang balat at tinalupan sa turo ng pilosopong galing sa Popular Bookstore 


Di naglaon, tumubo ang sungay at tumindi ang pagnanasang makahulagpos

—“karga nang karga, kahit walang upa” ang islogan ng anarkista

bago sa engkuwentro kina Marx Engels Lenin Lukacs noong dekada 1965-72…



Pumalaot na mula sa daungan ng Subic Bay

Lupa’t tubig ang nakalunsad

Apog at asin sa lagusan

Tinalunton ang landas pabulaos mula sa Ilog Montalban

Halos magkandarapa  halos sumubsob

Hindi pa nakaraos

Hindi pa natutuklasan: kutob, ligamgam

Hangin at apoy ang bumuhos

Hindi pa yari ang proyektong idaraos

Pumalaot na sa hanggahang di-abot-tanaw

Humugos sa dalampasigan

Tubig  lupa   hangin   apoy   

Apoy  hangin  apoy



__________________________________________


Tuesday, September 08, 2020

ELEHIYANG NABUKING BINIGKAS NG BATANG TUBONG BLUMENTRITT

 ELEHIYANG NABUKING BINIGKAS NG BATANG 

TUBONG BLUMENTRITT [Pangatlong borador]


    Ni E. San Juan, Jr.




Oo, tapos na, di na tayo pupunta sa Tondo ng ating kamusmosan—

Kung saan sabi mo mahal mo ako, di malilimutan—Tapos na iyon!

Di na tayo babalik doon-- Oo, sa Bangkusay o Plaza Moriones—


Hindi ko na matandaan kung sa Tayuman o Bambang tayo unang nagkita

O baka sa tren sa Tutuban o sa loobang sanglaan sa Divisoria….

Oo, di na tayo babalik sa Tondo, doon sa lumundong dulo ng buhay—


…..Hindi ko na nga maalala kung saang liko sa Juan Luna ang daan….


Oo, tapos na, ngayong gabi nagpasiya kang tapos na ang pagsuyo—

Gabing kay lungkot, umaapaw hanggang sa estero ng Binondo

Hindi na tayo babalik doon tulad nang nakalipas— Ay, hindi na!


Hindi ko na magunita kung saang sulok sa Tondo tayo nagtapo 

Tapos na, hindi na tayo babalik sa Gagalangin—mundong kaylupit!

Kung saan ang sumpang binitiwan ay naligaw sa tulay ng Dimasalang


…..Hindi ko na nga matandaan kung saang liko sa Dapitan lumisan….


Oo, di na tayo babalik sa pook ng lambingang ngayo’y Smokey Mountain….

Di ko na nga maalala kung saan kita naiwan, saang lugar babalikan—

Kapus-palad na pag-ibig, ay, nasawi sa mundong nagsalabit sa pangako—


Ay tapos na, di ko na nga matandaan ang daang papunta sa Tondo—

Di ko na magunita ang tipanan sa Quiapo? Sa Mendiola ba o sa Luneta?

Oo, tapos na, di na tayo babalik sa tinding niyapos, ay, kumilig sa pag-sinta—


…Dito na lang tayo muna sa Blumentritt pagkagaling sa Culi-Culi, 

Nakalimutan ko na ang ruta papunta sa sementeryong La Loma—


Oo, hindi na tayo babalik, hindi na, tapos na, magpakailanman—

Pagkasiyahin ang pira-pirasong pulutang napanis sa gabi ng sumpaan….


###


ELEHIYANG NABUKING BINIGKAS NG BATANG BLUMENTRITT

[Unang borador]


Ni E. San Juan, Jr.





Oo, tapos na, di na tayo pupunta sa Tondo ng ating kabataan

Kung saan sabi mo mahal mo ako at di malilimutan—

Di na tayo babalik doon-- Oo, sa Plaza Moriones man o Bangkusay—


Hindi ko na matandaan kung sa Tayuman o Pritil tayo nagkita

O baka sa tren sa Tutuban o sa tindahan sa Divisoria….

Oo, di na tayo babalik doon sa Tondo, sa lumundong dulo ng buhay—


…..Hindi ko na nga maalala kung saang liko sa Juan Luna ang daan….


Oo, tapos na, ngayong gabi nagpasiya kang tapos na talaga

Gabing kay lungkot, umaapaw hanggang sa estero ng Binondo

Hindi na tayo babalik doon tulad nang nakalipas— Ay, hindi na!


Hindi ko na magunita kung saan sa Tondo ang tagpo ng aking pagsuyo

Tapos na, hindi na tayo babalik sa sulok ng Plaza Moriones—mundong kaylupit!

Kung saan ang sumpang binitiwan ay naligaw sa tulay ng Dimasalang


…..Hindi ko na nga matandaan kung saang liko sa Azcarraga ang daan….


Oo, tapos na, hindi na tayo babalik roon sa pook ng lambingan 

Di ko na nga magunita kung saan kita naiwan o saang lugar babalikan—

Kapus-palad na pag-ibig, ay, nasawi sa Tondo, sa mundong nagsalabit sa pangako—


Ay tapos na, di ko na matandaan ang daang papunta sa Tondo

Hindi ko na magunita kung ang tipanan ay sa Luneta o Mendiola—

Oo, tapos na, di na ako babalik sa gunitang niyapos ngunit kapos sa pag-sinta—


…Dito na lang tayo sa palengke ng Blumentritt umistambay,  

Tipunin ang pira-pirasong rekado ng ating napanis na gabi ng sumpaan….


###

Monday, August 17, 2020

HAMON SA MAPANURING EDUKASYON SA PILIPINAS

 HAMON AT HIMOK TUNGO SA MAPANURING EDUKASYON:

Ilang Panukala sa Okasyon ng Paglunsad ng libro ni Roland Simbulan, A Liberating Education for Filipinos (2018) sa U.P. Manila, 9 Marso 2019

--ni E. San Juan, Jr

Magandang umaga sa inyong lahat.

Matagal na rin kaming hindi nakabalik dito sa UP Padre Faura; magkasama kami sa isang klase sa Literary Criticism ni Prof. Leopoldo Yabes noong 1958 o 1959, panahon ng panghahasik ng binhi ng nasyonalismong inaruga’t pinagyaman nina Claro Recto at Lorenzo Tanada. Katatapos lamang ng debate tungkol sa Rizal Bill noon.

Kritikal ang panahong iyon, ang “Civil Rights struggles’ sa Estados Unidos, rebolusyon sa Cuba, Vietnam, Algeria at “Cultural Revolution sa Tsina, at oposisyon sa diktaduryang Marcos—ito ang milyu na kinagulangan ko.

Mahigit isang siglo na nang mag-aral dito ang mga magulang ko, noong circa 1931-32, kung saan klaeskwela nila ang mga manunulat ng dekada 1930—mga kasapi ng Philippine Writers League bago sumiklab ang Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Itinatag ng Estados Unidos ang Unibersidad ng Pilipinas noong 1908 pagkatapos mabitay si Hen. Sakay at

humupa ang armadong rebelyon. Layon ng bagong panginoon na hubugin ang diwa’t kaluluwa ng Filipino upang maging masunuring sabjek ng imperyo. Tawag doon ay “pacification.” Bukod sa wikang Ingles, ipinataw ang burgesiyang pananaw—indibidwalismo, utilitaryanismo, “white supremacy” o kahigitan ng rasang puti sa lahat.

Nalikha ang “hegemony” o lideratong “moral-intelektwal” ng Amerikanong administration at kawaksing oligarkiya. Bagamat nabawasan ng nasyonallistikong kilusan, nananaig pa rin ang hegemonyang ito. Nagsimula ang dinastiya nina Quezon, Osmena, Roxas, atbp. Patuloy pa rin ito sa neoliberalismong ideolohiyang sumusugpo sa ating pagsisikap matamo ang tunay na kasarinlan at pambansang demokrasya. Patuloy pa rin ang pagsasamantala ng pasista’t neokolonyalistang rehimeng kasabwat ng kapitalismong global.

Ang iskuwelahan, na nakasangkalan sa pamilyang patriyarko, ang pangunahing instrumento sa pagpapanatili ng ordeng neokolonyal. Mabisa pa rin ang iba’t ibang simbahan, lalo na ang iba’t ibang sekta ng Evangelical fundamentalism ng Amerika na ipinakalat dito noong rehimen nina Aquino at Ramos. Kung isasakonteksto ang sistemang pangedukasyon sa kasaysayan ng bayan, maiintindihan na pangunahing punksiyon o silbi nito ay iisa:
Suportahan at pulusugin ang umiiral na tagilid at tiwaling kaayusan— tagisan ng mga uri, sanhi sa di-pantay na dibisyon ng paggawang sosyal at distribusyon ng yamang panlipunan. Ito ang lohika ng imperyalismo at kolonyalismo. Ganyan pa rin ang ginagampanan ng lahat ng institusyong pang-edukasyon sa ating bansa ngayon.

Bawat panahon ay may sariling katangian, bukod sa paghuhunos o pag-inog ng klima ng lipunan sa bawat dekada, siglo at epoka ng kasaysaysan. Bagamat naglaho na ang “Cold War,” patuloy pa rin ang pag-uusig sa mga progresibong kilusan bilang terorista—bagong bansag sa sinumang nagtatanong o may angal sa kalabisan ng gobyerno.

Sintomas ito na ang liberalismong patakarang pinilit ipatupad ng mga institusyong itinayo ng mga Amerikano ay instrumento lamang ng paghahari ng mga pribilehiyong pangkat ng panginoong maylupa’t komprador-burokratikong saray. Halimbawa nito ang sistema ng eleksiyon. Buhat pa noong 1916 Asamblea nina Osmena & Quezon hanggang ngayon, ang mga dinastiya ang may hawak ng kapangyarihan.

Hindi katakataka. Bunga ito ng masugid na paghubog ng kaisipan, sensibilidad at ugali ng mamamayan sa bisa ng instrumentong pangideolohiya, lalo na ang edukasyon. Pangunahing aral na ikinintal ay halaw sa karanasan ng burgesya sa Kanluran: ang lipunan ay binubuo ng mga indibidwal na nagtataguyod ng makasariling interes, walang pakialam sa kapakanan ng lahat. Sa katunayan, ang lipunan ay binubuo ng mga uring nagtatagisan sanhi sa di-pantay na paghahati ng yamang likha ng buong pagsisikap ng lahat. Lumipas na ang “laissez-faire,” ang yugto ng neoliberalismong umiiral ngayon ay puspos ng mabangis na kompetisyon ng mga pangkat ng kapitalismong global.

Dahas ng Estado ang susi sa hegemonyang umiiral. Ang Estado ay sandata ng kapitalstang bansa na taglay ang “hegemony” ng kaisipang

ipokus ang isip sa paglaki ng tubo at pamamayani ng IMF-WB at sistemang pampinansiya na nakapako sa dolyar. Ipit na ipit ang mga bansang atrasado at neokolonyal, tulad ng Pilipinas, na walang industriya’t depende sa monopolyong pampinansiyal at ibang Kanlurang consortium ng mga bangko.

Bagamat lipas na ang “free market economics,” kompetisyon ng bawat pangkat, nariyan pa rin ang kaisipang liberalismong kinakasangkapan ng makapangyarihang sektor ng kapitalismong global upang mapangalagaan ang malaking tubong inaani mula sa maralitang anak-pawis ng buong mundo.

Mabuting itala na ang paglulunsad natin ng libro ni Prof Simbulan ay nangyayari sa gitna ng malalang gulo ng mundo. Naglalaban ang mga bansa sa pagkontrol sa hilaw na materyales (tulad ng langis, gas, mineral na kailangan sa mga kompyuter, atbp) at pagdikta sa sirkulasyon ng lakas- paggawa o human resources. Matingkad na kontradiksiyon sa pagitan ng Europa at Amerika, Rusya at Tsina. Mabagsik pa rin ang imperyalismong U.S. na nagbabantang ngayong lusubin at sakupin ang bansang Venezuela, tulad ng panghihimasok nila sa maraming bansa sa Timog Amerika, sa Middle East, sa Aprika, atbp. Sakop pa rin tayo bilang neokolonya ng U.S. na lubog sa isang malubhang krisis ng kapitalismong global. Matinding pagtatagisan ng mga kapitalistang poder—U.S., Tsina, Rusya at EU—ang siyang lumiligalig sa buong daigdig at sadyang sumisira sa ekolohiya ng buong planeta.

Nasa mapanganib na krisis rin ang ating bansa. Ang usapin ng edukasyon—anong mabuting uri ng edukasyon ang dapat nating paunlarin o palusugin?—ay hindi maihihiwalay sa sitwasyong pangekonomiya’t politika ng buong bansa sa gitna ng labanang internasyonal. Masigasig ang paggamit ng Estado at mga ahensiya nito (armi, pulisya, hukuman, Internet) upang itaguyod ang interes ng iilan—sa balat-kayo ng “war on drugs.” Dahas, bayolensiya ng Estado, ang namamayani. Konsumerismong hilig at pasibong saloobin ang ipinapalaganap. Tanggapin ang awtoridad ng Estado, huwag sawayin o punahin ang utos ng makapangyarihan, ipagpaubaya ang pangangasiwa ng iyong buhay sa naghaharing pangkat. Ginagawang hayup na kumakain at nagpapahingalay ang bawat mamamayan.

Sa lipunang malalim ang dibisyon ng mga uri, hiwahiwalay ang aktibidad ng tao, mabigat ang alyenasyon at pragmentasyon. Klasikong sintomas ng pangungulila, droga, karahasan, “mass shooting, krimen, atbp ang bumabalot sa kanlunsuran. Sa atin, ang kampanya laban sa droga, dagdag ang korapsyon ng burokrasya, ay tanda ng kabulukan ng ideolohiyang liberal. Ang di-umano’y demokrasya sa gobyerno ay kinulapulan ng piyudalistiko’t mapagsariling paniniwala’t praktika. Magkasanib ito sa pagsawata sa mga radikal at progresibong kaisipan na nagbubunyag ng katotohanan. Ano ang dapat gawin?

Ang sangay ng edukasyon—iskwela, lalo na ang pamantasan—ay hinirang ng sinaunang kabihasnan (klasikang Gresya, Renaissance, Kaliwanagan o Enlightenment) na magsaliksik at magturo ng paraang maisasaayos ang kakayahan at kagalingan ng sangkatauhan. Sa aralin sa

pamantasan, mapag-uusapan sa rasyonal na proseso, sa makatwirang sistema ng argumento at diskusyon, ang paraan ng pag-unlad ng kabatiran at ang paggamit nito sa ikabubuti ng tao at lipunan. Sa tradisyong humantong kay Thomas Aquinas (mula sa pilosopiya nina Aristotle at San Agustin) at sa kaisipang bunga ng rebolusyon sa Pransiya, sumilang ang burgesyang pananaw. Ang bersyon ng makatwirang pakikipagtalasan o panunuring rasyonnal ay hinasa sa unibersidad at pinagyaman sa disiplina ng agham pang-kalikasan.

Ang liberalismong edukasyong itinayo sa atin ay nakasalig din sa tradisyon ng Enlightenment (Rousseau, Voltaire, Kant, Locke). Iyon ang isinadibdib nina Rizal, Del Pilar, Bonifacio, Jacinto, Mabini, Isabelo de los Reyes, at mga unyonista. Nakaabot sina Hegel, Bakunin, Marx at Engels sa mga kasamang Isabelo de los Reyes, Lope K. Santos, Crisanto Evangelista at Pedro Abad Santos. Nagkaroon ng kaunting pagsasanay sa diyalektikong argumento. Sinikap ilapat at sanayin ang mga mag-aaral sa aksyoma ni Kant: “Magpunyaging mag-isip upang maging malaya at hindi maakay o sumangkalan sa iba.” Naisakatuparan ba ito ng ating sistema ng edukasyong neokolonyal, na kadalasan ay nakatugma sa gawaing pangnegosyo o pangkatesismo?

Malayo na rin ang narating ng progresibong kilusan sa edukasyon mula pa sa integrasyon ng paaralan sa komunidad na susog ni John Dewey hanggang sa praktika ni Paulo Freire at “critical pedagogy’ ng mga radikal na guro sa Kanluran. Dapat hindi na sundin ang “banking” metodo ng pag-aaral; bangkarote na ang empirisismong bulgar pagkaraan ng tuklas nina Thomas Kuhn at iba pang saliksik hinggil sa paradigm-shift at

istrukturalistang analisis ng dalumat at malay. Pinakamahalaga sa aralin ang pagbuo ng mga konsepto at diyalektikang paghinuha, deduksiyon at induksiyon, at hypothesis formation & pagsubok o pagsusulit sa ebidensiyang magpapatunay o magpapalso sa hypothesis.

Ayon kay MacIntyre, walang konsensus o kasunduan ang mga kasapi sa imbestigasyon tungkol sa halaga o kabutihang hinahangad. Walang kausunduan sa istandard o pamantayang maghahatol kung tama o mali ang mga argumentong sinusunod ng mga usaping moral. Sa kuro- kuro ni Alasdair MacIntyre, watak-watak ang mga paksang sinisiyasat at pinag-aaralan, at sabog ang layon o adhikaing gumagabay sa mga partisano ng sari-saring pananaw. Puna ni Mcintyre na hindi binibigyan ng sapat na pagkakataon sa mga pamantasan ang mga ibang paniniwala’t pangitain na sumasalungat sa establesidong pananaw, tulad ng “Thomistic tradition” at “Nietzschean genealogy,” sampu ng pagtatagisan ng mga ito. Halimbawa, ang paksa tungkol sa katotohanan at reyalidadl, ang pagkakaiba ng mga ideya tungkol sa sarili/identidad at posisyon nito sa komunidad at responsibilidad nito.

Pakiwari ko, may kunwaring pluralismo sa unibersidad sa Kanluran. Gayunpaman, nangingibabaw ang instrumentalismong pananaw na kalakip ng indibidwalismong sumusuhay sa komersiyo, lohika ng tubuan ng kapital, pagpapalitan ng produkto, atbp. Hanggang hindi lumalabag dito, pwede kayong umisip ng anuman—ipagbunyi sina Nietzsche, Bakunin, Lenin, Mao, Che Guevarra, atbp.

Dagdag ni MacIntyre sa kaniyang diskurso, Three Rival Versions of Moral Enquiry: “There are rival narratives of how the self acts either in recognizing its telos or in seeing through and discrediting any notion of telos; and inseparable from these three [topics referred to above] are rival conceptions of human goods and how and if they are ordered” (1990, 239). Nais ni McIntyre na paglimiin natin ang proposisyong ito: “the university as a place of constrained disagreement, of imposed participation in conflict, in which a central responsibility of higher education would be to initiate students in conflict” (230-31). Sa ibang salita, nais ni Mcintyre na ipasok ang debate ng mga nagkakatalong pananaw-sa-mundo—ang Encyclopedist, Genealogical, at Thomistic tradition—na minana sa pagsulong ng kabihasnang Judaeo-Romano sa Europa.

Ang sitwasyong inilarawan ni MacIntyre ay bunga ng kapitalismong globalisasyon di lamang sa Kanluran kundi sa buong mundo. Ang tinaguring “pluralism” ay katangian ng “free market of Ideas” na ideolohiya ng hegemonyang burgis, na ideyalistikong ilusyong tiwalag sa materyal na produksiyon at reproduksiyon ng lipunan.

Makatuturan bang ilapat ang mungkahi ni McIntyre sa ating kalagayan? Sa palagay ko, dapat isaalang-alang ang kolonisadong kasaysayan ng ating bayan at ang magiting na pagsisikap matamo ang kalayaan at kasarinlan upang maugitan ang pagsulong ng ating kabihasnan at pagkatao, Hindi pa makagpareho ang tatlong daluyan ng kaisipang dinaliri niya. Una, ang Thomistic tradisyon ay nakaangat pa rin sa Encyclopedist o siyentipikong bugso ng kaisipan na itinaguyod ni Dr. Ricardo Pascual at mga kapanalig na positibistikong pilosopo; at ang

Genealogical ay bihirang matagpuan—sino na, bukod sa makabagong dalubhasa sa sosyolohiya o antropolohiya, ang mga disipulo ni Nietzsche— sina Duterte at mga alipores? Baka sakali—“will to power” ang islogan nila kaya? Sa katunayan, si S.P. Lopez ang kauna-unahang Filipinong nagsulat ng disertasyon tungkol kay Nietzsche noong dekada 1930. Walang larangan sa publikong lunan na magkapantay ang nagbubungguang pananaw na dapat suriin at pagtalunan sa gitna ng karnabal ng mga haluhalong “lifestyles” o “performative acts.”

Sa tingin ko, ang kailangan ay isang historiko-materyalistikong paglagom sa ating karanasan bilang komunidad, isang kolektibong pwersa sa kasaysayan. Mula sa turo ni Marx sa “Theses on Feuerbach’ na konsiderahin ang praktikang maradamin (sensuous practice) ng indibidwal na pangunahing saligan ng anumang proyektong baguhin ang mundo. Dapat iwaksi ang makitid na empirisistikong dalumat at laging isakonteksto sa kasaysayan ang anumang kilos, gawa, o praktika. Ang sosyedad ay ugnayan ng mga uri o pangkat, hindi ng mga lumulutang na kaluluwa.

Binigyan ito ng kongkretong hugis ni Antonio Gramsci. Sa Gresya, ang panuntunan sa pilosopya ay “Know thyself” o “Pagkaalamin o tarukin mo ang iyong sarili.” Subalit ano itong konsepto ng sarili, tanong ni Gramsci. Hindi ba ito kalipunan ng sapin-saping kodigo at senyas kung saan ang susi ay nawaglit o nawala at dapat hanapin o gumawa ng panibagong susi: “The starting-point of critical elaboration is the consciousness of what one really is, so that “knowing thyself” is a product of the historical processes to date, which has deposited in you an infinity of traces, witthout leaving an inventory. Therefore it is imperative at the outset

to compile such an inventory.” Kung wala, lubog tayo sa “morbid symptoms” na katangian ng krisis, sa pagitan ng nagunaw na mundo at mundong sumisibol sa madugong kalakaran. Nakapuwesto tayo sa singit o puwang na ito.

Ang proseso ng pag-analisis kung anong mga pwersang historikal ang bumugso sa ating karakter, at sa ating sosyedad, ay tinawag ni Freire na “conscientisacion.” Ibig sabihin, ang pag-uugnay ng kamalayan at praktika, ng isip at gawa, sa kolektibong kilusan upang mabago ang ating kapaligiran.

Ito rin ang binansagang “Cultural Revolution” sa Tsina noong dekada 1960, kaalinsabay ng 1968 Paris uprising, at ang ating First Quarter Storm 1970. Sa mga postmodernistang akademiko, ang ideya ng “rebolusyong pangkultura” ay ibinasura. Pinalitan ng vogue ng “globalization,” na katumbas ng Disneyfication ng buong mundo. Globality raw ang uso, hindi na demokrasyang pambansa na sigaw ng masa. Kaululan iyon.

Ang kultura ay hindi isang tambak ng mga produkto—musika, libro, pintura, atbp, na maisasaulo at maaaring “regurgitate” upang pumasa sa eksam o interbyu para magtrabaho. Ang kultura , ayon kay Gramsci, ay hindi maalikabok na imbentaryo ng datos, petsa, impormasyong hango sa encyclopedia, Wikipedia, Google, o aklatan. Marami ang nagmamalaki na memoryado nila ang maraming detalya ng anumang bagay, mga pagsusuma o lagom na mapupulot sa Internet o encyyclopedia. Inimbento nina Diderot at Voltaire iyon upang lunasan ang kamuwangang ipinamarali ng Simbahan noong Medya Siglo hanggang Siglo 1700. Ito’y isa na

namang kabalastugang likha ng maka-bangkong sistema ng pag-aaral na kinondena ni Freire. Batay ito sa lohika ng pamilihan/palengke kung saan akumulasyon ng tubo ang nais ng negosyante.

Kaiba ang dalumat ni Gramsci sa kultura. Ang kultura ay organisasyon, disiplina ng saloobin, ang pagkasapul sa layon o direksiyong gumagabay o umuugit sa ating personalidad o pagkatao—isang matalas na kabatiran o pagkaalam ng ating halaga bilang tao sa kasaysayan, ang katungkulan natin sa buhay, pagkasipat sa ating karapatan at obligasyon. Sa buod, ang kultura ay pag-aruga at pagkalinga sa ating kamalayang pangkasaysayan —“historical awareness”—isang sensibilidad na sensitibo sa daloy ng mga pangyayari, hindi lamang ng aring sariing kamalayan kundi ng ating lugarr at partisipasyon sa tiyak na mga sagupaan sa ating lipunan. Magtataglay ang kabatirang ito sa mga naratibo ng ating paglalakbay na binabalangkas natin habang tayo’y lumalahok sa pakikibaka tungo sa pagtatamo ng hustisya at awtentikong soberanya.

Sa huling pagtutuos, ang rebolusyong pangkultura, na umiinog sa bawat sandali, ay saksi sa kagalingan o kakulangan ng ating edukasyon— ang paghugot (educere, sa Latin) mula sa ating likas na potensiyal, ang kapangyarihang bukal sa tao bilang hayup na may rason at imahinasyong magmapa ng mga bagong daigdig, bagong proyekto, mula sa nalikhang sibilisasyon ng sinaunang lipunan. Walang katapusan itong materyal na pakikipagsapalaran ng Espiritu ng sangkatauhan—habang ang planeta ay hindi pa nadudurog at nawawasak ng kapitalismong global.

Sa paglagom, ang nais kong ipahatid dito—bukod sa pagtangkilik ninyo ng libro ni Prof Simbulan at pagbasa nito sa isang kolektibong pag- aaral-- ay ito:

Tingnan natin ang sarili bilang produkto ng masalimuot na pwersa sa kasaysayan. Maraming bagay ang nagkasalok upang bumuo ng ating pagkatao, malay, dalumat, budhi. Upang mabatid kung sino tayo at saan tayo pupunta, kailangang bumalangkas ng imbentaryo o tala ng mga elemento at sangkap na, sa iba’t ibang kongkretong yugto ng ating buhay, ay siyang humugis at nagbigay-anyo o kahulugan sa ating pagkatao at kamalayan. Ito dapat ang layon ng edukasyon saan mang lugar, sa loob o labas ng pormal na institusyon ng pamantasan o iskwela.

Samakatwid, itaguyod ang rebolusyong kultural sa bawat sandali! Itaguyod ang kultural rebolusyon sa buong bansa!

Huling kataga: Tayo ay komunidad na may gunita at pananagutan, isang kolektibong ahensiyang sumasagot sa sangkatauhan. Sa turing ng mga dayuhan, tayo ay natatanging bansa sa Asya na taglay ang mahaba’t matibay na rebolusyonaryong tradisyon. Ipagkapuri natin ito sa paraan ng pag- sisiyasat sa posisyon natin sa lipunan, sa ating karapatan at tungkulin, at kung ano ang ating maihahandog bilang tulong sa pagkamit ng kalayaan, kasarinlan at kabutihan ng lahat. Simpleng habilin, kumplikadong —isang hamong hindi ka pababayaan.

Maraming salamat po sa inyong pakikinig.—##

page12image29197856
page13image6107328

National Sovereignty, Anti-Imperialism, and the Iranian Resistance: A Third World Marxist Defence of Iran's Right to Resist Imperialis...