Tuesday, September 08, 2020

ELEHIYANG NABUKING BINIGKAS NG BATANG TUBONG BLUMENTRITT

 ELEHIYANG NABUKING BINIGKAS NG BATANG 

TUBONG BLUMENTRITT [Pangatlong borador]


    Ni E. San Juan, Jr.




Oo, tapos na, di na tayo pupunta sa Tondo ng ating kamusmosan—

Kung saan sabi mo mahal mo ako, di malilimutan—Tapos na iyon!

Di na tayo babalik doon-- Oo, sa Bangkusay o Plaza Moriones—


Hindi ko na matandaan kung sa Tayuman o Bambang tayo unang nagkita

O baka sa tren sa Tutuban o sa loobang sanglaan sa Divisoria….

Oo, di na tayo babalik sa Tondo, doon sa lumundong dulo ng buhay—


…..Hindi ko na nga maalala kung saang liko sa Juan Luna ang daan….


Oo, tapos na, ngayong gabi nagpasiya kang tapos na ang pagsuyo—

Gabing kay lungkot, umaapaw hanggang sa estero ng Binondo

Hindi na tayo babalik doon tulad nang nakalipas— Ay, hindi na!


Hindi ko na magunita kung saang sulok sa Tondo tayo nagtapo 

Tapos na, hindi na tayo babalik sa Gagalangin—mundong kaylupit!

Kung saan ang sumpang binitiwan ay naligaw sa tulay ng Dimasalang


…..Hindi ko na nga matandaan kung saang liko sa Dapitan lumisan….


Oo, di na tayo babalik sa pook ng lambingang ngayo’y Smokey Mountain….

Di ko na nga maalala kung saan kita naiwan, saang lugar babalikan—

Kapus-palad na pag-ibig, ay, nasawi sa mundong nagsalabit sa pangako—


Ay tapos na, di ko na nga matandaan ang daang papunta sa Tondo—

Di ko na magunita ang tipanan sa Quiapo? Sa Mendiola ba o sa Luneta?

Oo, tapos na, di na tayo babalik sa tinding niyapos, ay, kumilig sa pag-sinta—


…Dito na lang tayo muna sa Blumentritt pagkagaling sa Culi-Culi, 

Nakalimutan ko na ang ruta papunta sa sementeryong La Loma—


Oo, hindi na tayo babalik, hindi na, tapos na, magpakailanman—

Pagkasiyahin ang pira-pirasong pulutang napanis sa gabi ng sumpaan….


###


ELEHIYANG NABUKING BINIGKAS NG BATANG BLUMENTRITT

[Unang borador]


Ni E. San Juan, Jr.





Oo, tapos na, di na tayo pupunta sa Tondo ng ating kabataan

Kung saan sabi mo mahal mo ako at di malilimutan—

Di na tayo babalik doon-- Oo, sa Plaza Moriones man o Bangkusay—


Hindi ko na matandaan kung sa Tayuman o Pritil tayo nagkita

O baka sa tren sa Tutuban o sa tindahan sa Divisoria….

Oo, di na tayo babalik doon sa Tondo, sa lumundong dulo ng buhay—


…..Hindi ko na nga maalala kung saang liko sa Juan Luna ang daan….


Oo, tapos na, ngayong gabi nagpasiya kang tapos na talaga

Gabing kay lungkot, umaapaw hanggang sa estero ng Binondo

Hindi na tayo babalik doon tulad nang nakalipas— Ay, hindi na!


Hindi ko na magunita kung saan sa Tondo ang tagpo ng aking pagsuyo

Tapos na, hindi na tayo babalik sa sulok ng Plaza Moriones—mundong kaylupit!

Kung saan ang sumpang binitiwan ay naligaw sa tulay ng Dimasalang


…..Hindi ko na nga matandaan kung saang liko sa Azcarraga ang daan….


Oo, tapos na, hindi na tayo babalik roon sa pook ng lambingan 

Di ko na nga magunita kung saan kita naiwan o saang lugar babalikan—

Kapus-palad na pag-ibig, ay, nasawi sa Tondo, sa mundong nagsalabit sa pangako—


Ay tapos na, di ko na matandaan ang daang papunta sa Tondo

Hindi ko na magunita kung ang tipanan ay sa Luneta o Mendiola—

Oo, tapos na, di na ako babalik sa gunitang niyapos ngunit kapos sa pag-sinta—


…Dito na lang tayo sa palengke ng Blumentritt umistambay,  

Tipunin ang pira-pirasong rekado ng ating napanis na gabi ng sumpaan….


###

No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...