Others have given their lives, without doubt or heed...Scaffold or open plain, combat or martyrdom's plight, 'Tis ever the same, to serve our home and country's need. -- JOSE RIZAL, "My Last Farewell" // Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis Mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib... -- FRANCISCO BALAGTAS, "Florante at Laura" //
Sunday, July 14, 2024
APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO
kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL
Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mabini
E. San Juan, Jr.
ABSTRAK
Sa diskursong La Revolucion Filipina (LFR) ni Mabini, sumilang ang lahing kayumanggi sa larangan ng modernong heopolitika. Kilala ang akda ni Mabini bilang naratibo ng pakikipagsapalaran ng dunong at konsiyensiya ng isang protagonista sa rebolusyon laban sa dalawang imperyo (Espanya, U.S,) at pagkilatis niya sa mga tauhan at pangyayaring kasangkot. Sa diyalektika ng pagbabago ng labas at loob, nilikha ni Mabini ang kamalayang historikal ng bansa. Iniangkop ang klasikong konsepto ng batas-natural hango sa sibilisasyong Kanluran sa kongkretong sitwasyon ng pakikidigma ng aliping-may-kulay. Namumukod si Mabini sa pagsusuri ng rasismo ng Amerika at ang kontradiksiyon ng mga uri bunga ng karanasang limitado ng politika-ekonomya ng lipunan. Dignidad at karapatan ng mga inaping anakpawis ang itinampok ni Mabini sa teatro ng himagsikan. Maituturing na ang LFR ay isang dokumento ng bayang Filipinas na umalsa upang maipamalas ang natatanging birtud nito: ang mapagpalayang diwa ng lahi na bukal ng makataong dignidad at makatarungang dangal.
SUSING SALITA:
kasaysayan, rebolusyon, katwiran, batas natural, rasismo,kolonyalismo, birtud
Men make their own history, but they do not make it just as they please; they do not make it under circumstances chosen by themselves, but under circumstances directly encountered, given and transmitted from the past. The tradition of all the dead generations weighs like a nightmare on the brain of the living.
– Karl Marx, “The Eighteenth Brumaire of Louis Bonaparte”
…Nuestro humilde entender, tiena por unico objeto y termino final de sus aspiracines mantener viva y fulgurante, en la Oceania, la antorcha de la llibertad y civilizacion, para que, iluminando la noche tenebrosa en que hoy yace, envilecida y degradada la raza malaya, muestra a esta el camino de su emancipacion social…Nuestra revolucion…que puede constituir en dia no muy lejano el dique insuperable contra sus ambiciones desbordadas.” [Sa aming abang paghatol, ang singular na adhika ng himagsikan at ultimong pakay ng ating mithiin ay nakatutok sa pag-iral at pagpapatingkad sa Oceanya, ng sulo ng kalayaan at sibilisasyon, at sa gayon ang apoy na lumiliwanag sa gabing madilim ng ating pagkaalipusta bilang lahing Malayo, ay siyang maghahawan ng landas tungo sa liberasyong panlipunan. Ang ating rebolusyon ay puwedeng magsilbing tambak o pilapil laban sa kanilang mapanirang ambisyon.]
– Apolinario Mabini, “Cual es la verdadera mision de la revolucion filipina”
The American people, who set the world an example in waging a revolutionary war against feudal slavery, now find themselves in the latest, capitalist stage of wage-slavery to a handful of multimillionaires, and find themselves playing the role of hired thugs who, for the benefit of wealthy scoundrels, throttled the Philippines in 1898 on the pretext of “liberating” them, and are throttling the Russian Socialist Republic in 1918 on the pretext of “protecting” it from the Germans.
– V, I. Lenin, “Letter to American Workers”
Palasak na tawaging “Utak ng Rebolusyon” ang paralitikong bayani. Kilala si Apolinario Mabini na arkitekto ng Malolos Konstitusyon at taga-payo ni Heneral Emilio Aguinaldo simula Hunyo 12, 1898, nang siya’y dumating sa Kawit, Cavite, nakasakay sa duyan galing sa Los BaƱos, Laguna. Hiniling ni Aguinaldo ang kaniyang tulong sa pagtatag ng rebolusyonaryong pamahalaan noong Hunyo 23, 1898. Nilikha niya ang mga dekreto sa pagbuo ng gobyernong lokal sa probinsiya’t munisipyo. Ang unang borador ng Konstitusyon na pinag-usapan sa Kongreso sa Malolos ay nagbuhat sa kaniyang mga panukala sa Programa constitucional de la republica filipina at El verdadero decalogo.
Pangunahing protagonista si Mabini sa teatro ng rebolusyonaryong pamahalaan. Naglingkod siya bilang unang Ministro sa gabinete ni Aguinaldo at sekretaryo ng Kawanihang Panlabas hanggang Mayo 9, 1899. Sumingit ang hidwaan ng prinsipalya at anak-pawis; nagbitiw si Mabini sa gobyerno. Hinirang si Mabini na maging Punong Huwes ng Korte Suprema noong Agosto 23, 1899. Di naglaon, nadakip na siya ng mga Amerikano sa Cuyapo, Nueva Ecija noong Disyembre 10, 1899, isinuplong di umano ng mga kuhila. Nabilanggo sila (kasama ni Mabini ang mga kapatid) sa Calle Anda, Intramuros. Bagamat nakalaya sila noong Setyembre 23, 1900, sanhi sa masibasib na polemika niya laban sa administrasyong Amerikano, ipinatapon si Mabini sa Guam noong Enero 7, 1901. Sa panahong nakapiit siya sa Guam hanggang Pebrero 26, 1902, sinulat ni Mabini ang mahistralyang akda, La revolucion filipina (LRF, sa susunod).
Samantala, umiinog ang mundo. Sa panahong nakapiit si Mabini sa Guam, kasagsagan ang giyera ng grupong Boer laban sa Inglatera sa Timog Aprika, away ng mga taga-Europa na sumupil sa mga tribung Aprikano. At isang taong pagkapanaw niya, pumutok ang giyera ng Ruso at Hapon (1904–1905) na babala ng napipintong krisis ng lumang orden.
Konstelasyong Internasyonal
Walang ordeng pampulitika di nagmamaliw. Nagsimulang magunaw ang kolonyalismo mula rebelyon ni Tupac Amaru sa Peru (1780) hanggang pagtiwalag ng Haiti mula sa Pransiya (1804). Kumalat na rin ang mga tagumpay laban sa Espanya nina Miguel Hidalgo, Simon Bolivar, at San Martin. Ipinanganak si Mabini isang taon bago magtapos ang giyera sibil sa Estados Unidos (1865). Naunang napalaya ang mga busabos sa Rusya noong 1861 at mga Aprikano noong 1868. Nabuksan ang Suez Canal noong 1869 at nabuo ang Proletaryong Komuna ng Paris noong 1871 nang siya’y tinuturuan ni Padre Valerio Malabanan sa Lipa, Batangas. Sa loob ng panahong nag-aaral si Mabini sa Maynila (1881–1895), naging bansang nagsasarili ang Italya at Alemanya, habang sinakop ng Inglatera ang Ehipto noong 1882. Kahindik-hindik na masaker ng mga Indiyan sa Wounded Knee noong 1890, sumunod ang segregasyon sa U.S. paglapat ng Plessy v. Ferguson, at tuluyang nabigo ang Rekonstruksiyon. Tiyak na batid ito nina Mabini at ng mga Propagandista.
Maiging mauunawaan ang kaisipan ni Mabini kung sisiyasatin natin ang ugnayan ng tao at kapaligiran sa diskurso ng LRF. Sa panimula, nais kong ilahad ang ilang susubuking kuro-kuro. Pagmuniin natin ang tatlong pithaya ni Mabini: 1) Ibuod sa isang makabuluhang naratibo ang sapin-saping kapaligiran ng himagsikan laban sa kolonyalismong Espanyol; 2) Dulutan ng etiko-politikong dalumat ang naisakatuparan ng katutubong komunidad sa pakikibaka tungo sa liberasyon ng bagong bansa; at 3) Ipamukha sa bagong mananakop, ang Estados Unidos, na hindi masusugpo at malulupig ang diwa’t dignidad ng Filipinong lumaban sa dalawang puwersang nagtangkang patayin ang espiritu ng bayan.
Magkakaugnay ang mga balak o tangkang ito. Inalalayan ng isang pilosopiya ng kasaysayan na higit pang masaklaw at malalim kaysa sa kambal na komentaryo ni Rizal sa “Ang Katamaran ng mga Filipino” (1890) at “Filipinas sa Loob ng Isang Siglo” (1889–1890). Hindi natarok nina Rizal at Mabini ang pinakasentral na dinamiko ng ekonomyang industriyal: ang walang habas na akumulasyon ng kapital/tubo. Nagoyo sila sa pormalistikong padron ng “laissez-faire” komersiyo at karapatang bumili at ipagbili ang malayang lakas-paggawa. Umasa silang hindi magiging imperyalista ang Estados Unidos, bagamat tahasang imperyalista na ang Inglatera noon pa mang lupigin ang Irlandia at sakupin ang kontinente ng Norte Amerika.
Ekstra-ordinaryong Pagkakataon ng Kaisipan
Bago sa lahat, nais kong idiin ang sitwasyon ni Mabini nang kathain niya ang LRF na pinalalim ng ilang aspektong humubog sa balangkas ng diskurso.
Una, ang pagkatapon ni Mabini sa Guam ay parusa sa patuloy na pagtutol niya sa dahas ng Estados Unidos sa pagsugpo sa hangaring lumaya ng bayan, batay sa batas natural at jus gentium na laging batay sa dahas. Nailukob ang konsepto ng batas natural sa mas malawak na antas na naipaliwanag ng pilosopong si Jacques Maritain, kabilang ang ontolohikal, ideyal at gnoseolohikal aspekto, sa kaniyang librong Man and the State.* Nadulutan ng kontekstong historikal ang metapisikong konsepto ng likas na esensiya ng tao—ang rason o kakayahang mangatuwiran, karapatang mabuhay at lumaya, obligasyon, atbp.—na unang natutuhan ni Mabini sa iskolastikong edukasyon sa San Juan de Letran at Unibersidad ng Santo Tomas.
Pangalawa, ang LRF ay bungang matagumpay ng pagkatalo. Bagamat sumuko na si Heneral Aguinaldo, patuloy pa rin ang digmaan. Samantala, nakaipit si Mabini sa puwersang rebolusyonaryo (si Heneral Malvar ay lumaban hanggang Abril 16, 1902) at puwersang mananakop, kaya mahihinuha na ang LRF ay testimonyo ng isang mandirigmang aktibo sa gitna ng kabatirang nagapi ang rebolusyonaryong pamahalaan. Paralitiko man ang katawan, masigla ang diwa at guniguni. Sinikap ipahayag ni Mabini ang bagong konsepto ng soberanya (na naisusog sa diskurso ng mga humanistikong pantas, nina Montesquieu, Locke at Rousseau) na umuusbong sa pag-ibig sa kapuwa inaapi, hindi sa isang partido o pangkat. Inatasan si Mabini na bumuo ng gobyernong gagabay sa pag-aalsa, na naisakatuparan sa La Ordenanzas de la Revolucion at Programa Constitucional e la Republica Filipina na siyang lapat sa krisis, at wala pang tunay na representatibong lehislatura dahil sa imperatibong limitasyon ng giyera.
Pangatlo, masalimuot ang proyektong mapagpalaya sa ilalim ng ordeng merkantilista (Espanya) at monopolyo-kapitalista (U.S.). Sa konteksto ng tunggalian ng mga uring panlipunan, ang digmaang pang-maniobra ay katambal lagi ng digmaang pamposisyon, ayon kay Antonio Gramsci. Sa panig ni Mabini, nararapat nang gamitin ang posisyonal na estratehiya sanhi ng paglansag sa armadong lakas ng Republika, bukod pa sa taksil na oportunismo ng ilustrado at kamalian ng liderato. Ang kakayahang lagumin ang kasaysayan ng rebolusyon ay isang sandata ng politikang posisyonal o ligal—hindi laging tuwid ang landas ng pakikibaka, paliku-liko at di-sinasadyang galaw at pihit. Naikintal ang penomenong iyon sa LFR.
Muli, nais kong itampok muli ang paunawang ito. Ang mapanganib na klima ng panahong mula madakip si Mabini (Disyembre 10, 1899) at mapalaya mula sa Guam at mamatay (Mayo 13, 1903)—kulang sa apat na taon ng komprontasyon at repleksiyon—ang panaklong ng kuwadro ng interpretasyon ng LFR. Walang kahawig ang sitwasyon ni Mabini at ng rebolusyonaryong hukbo ni Aguinaldo sa kasaysayang pandaigdigan sapagkat tayo ang unang kolonyang lumaban sa dalawang imperyo, na siya ring nagsudlong sa anti-imperyalistang pagpupunyagi ng Katipunan at ng demokratiko-sosyalistang proyektong nagsilbing inspirasyon sa henerasyon ng mga Sakdalista, Huk, at Bagong Hukbong Bayan.
Sangandaan ng Pagbabanyuhay
Natuklasan ni Mabini na nakapuwesto siya sa pagitan ng dalawang epoka: sa isang panig, ang wakas ng imperyong Espanya sa Asya, at sa kabilang panig, ang umpisa ng imperyong U.S. sa Asya-Pasipikong rehiyon. Isang katangi-tanging pagkakataon. Si Mabini lamang—hindi si Rizal o iba pang ilustrado—ang nailagay ng tadhana sa puwang ng ito. Si Mabini ang naipit sa dalawang imperyong nagsalpukan sa tapat ng lagusan na humahati sa kasaysayan. Si Mabini ang saksi sa pag-ikot ng bayan mula sa baytang ng tatlong daang taon ng kadiliman tungo sa baytang ng modernidad, mula sa kabihasnang mediyebal tungo sa yugto ng kapitalismong monopolyo-pampinansiya.
Samakatwid, maisusog ang tesis na ito. Sa perspektibang historikal, ang LRF ay testimonya sa pagkamulat ng kolektibong sensibilidad sa partikular na tungkuling itinakda ng kasaysayan sa lahing Malayo na umaklas laban sa kapangyarihan ng Kanluran at nagdeklara ng kasarinlan noong Hunyo 12, 1898. Ang sumusunod ay elaborasyon ng proposisyong naihain dito.
Totoo na maraming digmaang inilunsad ng mga katutubo sa Tsina, Indonesya, Indya, at Indo-Tsina laban sa Portugesa, Espanya, Ulandes, Pransiya. Ngunit ang Pilipinas lamang ang nagtagumpay sa pagpupunyaging maitatag ang isang republikang nakatindig sa demokratiko’t mapagpalayang prinsipyo minana sa Kaliwanagan (Enlightenment) sa Europa. Hindi ito puro, hinaluan ng mga doktrina’t praktika na hango sa katutubong kultura/kostumbre ng mga sinaunang bayani, tulad nina Lapu-Lapu, Soliman, Lakandula, Tamblot, Dagohoy, Diego Silang, atbp. Isang sintesis o pagsasanib ng tradisyong Kanluran at Silangan ang nagawa ni Mabini. Bago suriin ang LRF bilang namumukod na testamento ng ating pagluwal bilang isang makabagong bansa, nais kong salungguhitan ang makabuluhang repleksiyon na naisakatuparan ni Mabini: ang pagtampok sa rasismo bilang pangitain-pananaw, sistematikong praktika ng mga institusyon. Ito ang katangian ng bagong panginoong banyaga.
Ang Digmaang Filipino–Amerikano (1899–1913) ay isang rasistang pakikipagtagisan. Magugunita na sa huling hati ng ika-19 na siglo, nangyari ang gyera sibil sa Amerika (1861–1865). Bagamat nanalo ang kapitalistang Hilaga at napalaya ang dating esklabong Aprikano, nakuhang maipamalagi ng mga panginoong piyudal ang segregasyon sa buong lipunan. Panahon din iyon ng pagsupil sa mga katutubong Amerikano, ang mga Indiyo. Ang estrukturang rasismo batay sa dugo at kulay ay naging bahagi ng institusyon hanggang dekada 1960 kung saan napayagang bumuto ang dating mga alipin, mga lahing-may-kulay. Naging biktima tayo ng rasistang makinarya ng sistemang herarkiya-kapitalista.
Hindi katakataka na maraming upisyal ng tropang Amerikano ay beterano sa pagsugpo sa tribung Indiyan. Maraming sundalong puti ang nagturing sa Filipino na “nigger” o barbarikong Indyo. Pinagtanggol ang pagsalakay sa kapuluan bilang isang mission civilizatrice ni McKinley para sa mga di-sibilisadong bayan. Paliwanag ni McKinley sa pagsakop ng kapuluan: “…we could not leave them [Filipino] to themselves—they were unfit for self-government…there was nothing else to do but to take them all, and to educate the Filipinos and uplift and civillize and Christianize them.” Umaalingawngaw ang apolohiya ng “White Man’s Burden” ni Rudyard Kipling.
Nang sumabog ang digmaan noong Pebrero 4, 1899, nagproklama si Presidente Aguinaldo ng mga damdamin at ideyang ipinasa ni Mabini bilang tagapayo. Tatlong tema ang maitatanghal natin na pundamental sa kaisipan ni Mabini. Una, ang pita ng bayan na itakwil ang pagka-alipin at ibandila ang dangal at pambansang integridad: Pangalawa, idiniin ang “measureless pride of the American government,” ang kawalan ng respeto sa kaaway na trinatong hayup. At pangatlo, ang tiwala sa Diyos/Kalikasan—ang magkatambal na konseptong hango kay Spinoza at mga turo ng mga pilosopo ng Renaissance at Enlightenment sa Europa—na siyang garantiya na hindi sayang ang sakripisyo ng taumbayan: “Providence always has means and reserve and prompt help for the weak in order that they may not be annihilated by the strong, that justice may be done and humanity progress…Nature has never despised generous sacrifices.”
Dagdag sa proposisyong nabanggit, iginiit ni Mabini na sa digmaan, kailangan laging sumunod sa katwiran, sa rason o intelihensiya, na sandigan ng pakikibaka: “But remember that in order…that our ends may be gained, it is indispensable that we adjust our actions to the rules of law and of right, learning to triumph over our enemies and to conquer our evil passions.” Taglay nito ang himig o tonong personal ni Mabini na masasalat din sa dalawang aksiyon o manipestasyon ng matalinong pagninilay sa mithiin at lunggati ng rebolusyon.
Pagbabangon ng Diwang Mapagpalaya
Rasyonalismong humanistiko-sekular ang tumatanglaw sa diwa ni Mabini. Ang unang patibay sa lohika ng paralitiko ay maaaninaw sa sagot niya kay Heneral Franklin Bell, ang Amerikanong naglunsad ng taktikang “reconcentrado” o hamletting sa Batangas, isang bersiyon ng “Injun War” nina Heneral Arthur McArthur at Adna Chafee. Malupit ang tugon nila sa gerilyang estratehiyang ginamit upang makadaig sa modernong teknolohiya ng kalaban. Pahayag ni Bell na dapat sumuko na ang mga Filipino dahil hindi sila mananalo. Sagot ni Mabini na kung dahas lamang ang masusunod, dapat burahin na ang walang-kamatayang prinsipyo ng moralidad at hustisya, at ibalik ang primitibong gawi ng sangkatauhan. Hindi makatuwiran at makatao ang tropang dayuhan, giit ni Mabini.
Sang-ayon dito ang maraming historyador, kabilang na sina Gabriel Kolko, Howard Zinn, Stuart Miller, Kramer, atbp., na kaipala’y elaborasyon lamang ng unang pansin ni Richard Sheridan noong 1900: ang kampanya ng U.S. ay “war of extermination” na sintomas ng “blood madness.” Sinipat ni Sheridan ang larangan: “The Americans in forty-eight hours slaughtered more defenceless people than did the Spaniards in two centuries.”
Dugtong ni Mabini sa sagot niya kay Bell, ang mga batas ng digmaan:
persuade the weak people to make use of the guerilla and ambush system, especially when it comes to defending their homes and their freedoms against an invasion…Those very laws implacably order the weak people to defend their threatened honor and natural rights under pain of being called uncivilized and incapable of understanding the responsibilities of a proper government…Force as the only factor used in the solution of all kinds of questions among rational beings is not only criminal itself but it is also the cause of all the miseries and ruin that have afflicted humanity.
Tumanggi si Mabini na matututong makapamahala ng gobyerno ang Filipino kung susunod sa utos ng mananakop. Baligho ang pangako ng Amerikano na maipagtatanggol ng Filipino ang dangal at hustisya sa bisa ng dahas. Sumbat niya: “The Filipinos would not have faith in the promises of the American authorities while the latter pin them down to the cruel alternative of dishonor or death.” Bakit matindi ang protesta ni Mabini?
Alalahanin natin na para kay Mabini, nagsimula ang digmaang mapagpalaya nang dumating ang kongkistador Legaspi–Urdaneta noong ika-16 na siglo. Walang patid ang rebelyon ng mga kolonisado hanggang 1898. Matatag na ang paninindigan ni Mabini na nagwagi na ang rebolusyon buhat nang ilunsad ang Republika noong Hunyo 1898. Ang maikli ngunit matimyas na danas ng kalayaan ay bahagi na ng kasaysayan, hindi na ito maikakatkat sa puso ng bawat Filipino sa harap ng buong daigdig. Ito ang pinakamatuturang mensahe ni Mabini hindi lamang sa tropang sumisikil kundi sa buong mundo. Nakapaghari ang Espanya sa loob ng tatlong dantaon dahil ang mga katutubo ay ignorante at namuhay sila ng walang “consciousness of national solidarity.” Subalit ngayon, deklara ni Mabini: “Today it is different; today the Filipinos share in the life of other nations and they have tasted, even if only for a short time and in an incomplete manner, the joys of an independent life.” Timbangin nating maigi ang bigat ng apirmasyong ito, sentro ng grabidad na mananalaytay sa argumento ng LRF, senyas ng mapagpalayang espiritu ng bayaning kumakatawan sa komunidad.
Pagpapasiyang Radikal
Ang pangalawang ebidensiya ng dinamikong perspetikba ni Mabini ay masusulyapan sa diskursong lumabas sa The North American Review, Enero 1900, sa wikang Ingles: “A Filipino Appeal to the People of the United States.” Unang nalathala ito sa La Independencia (Hulyo 21, 1899). Malagablab na ang putukan, walang habas ang “war of extermination” ng U.S. Nilikha ni Mabini ang madetalyeng naratibo kung paano ang pagkakaibigan nina Aguinaldo at Dewey, sa umpisa, ay natulak sa madugong patayan. Layon ni Mabini na sulsulan ang “feelings of humanity” ng madlang Amerikano upang wakasan ang “mutual destruction of two peoples who ought to make common cause in contributing to the consolidation of civilization and the progress of the world.” Magiting at bukas-palad ang tikas-disposisyon ni Mabini.
Walang bisa iyon. Malapastangan ang trato ng tropang Amerikano sa mga Filipino, sundalo man o sibilyan, ulat ni Mabini. Sa likod ng napagkasunduan, sumuko ang mga Kastila sa Amerikanong hukbo—isang pagtataksil. Mimetikong prologo ito sa pagtalikod ng mga ilustrado sa kanilang inakong responsibilidad sa bayan, isang peripeteia (pagbaligdtad) sa trahedya ng rebolusyon, na sinundan ng anagnorisis (pagkilala) sa kakulangan ng liderato. Sa pagbagsak ng tabing sa teatro, ang pathos o pagdadalamhati at pagluluksa ay iniluhog ni Mabini sa “Kongklusyon” ng LFR: pakikiramay sa mga nasawi at panimdim sa pangakong matutubos ang lahat sa posibilidad ng pagbubukang-liwayway.
Katotohanan ang nakataya. Kabulaanan ang sakdal na ang mga katutubo ang may kasalanan sa pagsabog ng away, paninindigan ni Mabini. Sapagkat natuto na ang bayan sa ilalim ng Espanya, nagbanyuhay ang kalooban: ”The Filipino people, educated by long sufferings during the protracted dominion of Spain, have learned to reflect and to judge things calmly, even in the midst of great excitement.” Hindi lahat ng tao sa Amerika ay masama kaya hindi niya kinokondena ang lahat. Naniniwala ang mga Filipino, pagsusuma ni Mabini, na “the popular Government of America will not sink to the level of the theocratic government of Spain, and that the spirit of justice, now obscured by ambition, will again shine in their firmament, as the civic virtues of their ancestors shine in their history and traditions.” Nasilip ni Mabini ang positibong aspekto sa negatibong lambong ng giyerang kakilakilabot—ang diyalektikang takbo ng mga kontradiksiyong nasakyan ng kaniyang intuwisyon at kabatiran.
Tulad ni Rizal sa kaniyang puna na ang republikanong tradisyon sa U.S. ay hindi magiging imperyalista. Magilas at maantig ang kumbiksyon ni Mabini na ang Bathala ay pumapatnubay sa katubusan ng bansa: “The Filipino people are struggling in defense of their liberties and independence with the same tenacity and perseverance as they have shown in their sufferings. They are animated by an unalterable faith in the justice of their cause and they know that if the American people will not grant them justice, there is a Providence which punishes the crimes of nations as well as of individuals.” Nasa masang nagtitiwala ang kaligtasan, pahiwatig ni Mabini—optimistikong talino, pesimistikong saloobin?
Pambungad sa Propetikong Naratibo
Mula’t sapul, bastos na ang trato sa Filipino ng mga Amerikanong upisyal. Obserbasyon ni Samuel Tan na nalason na ang relasyon ng dalawang pangkat dahil sa diskriminasyon at “prejudice” ng mga Amerikano tungo sa mga “insurgents”—hindi patas sapagkat panginoon na ang mga bagong salta. Napuntirya ito ni Mabini sa bukana ng pakikihamok. Masisilip din ang rasistang disposisyon ng mga Anglosahong heneral sa pagbalewala ni Heneral Arthur McArthur sa ideya ni Mabini na prayoridad ang kasarinlan. Walang tigil ang kritisismo ni Mabini sa bagong mananakop kaya ipinatapon siya (at kapanalig tulad ni Hen. Artemio Ricarte) sa Guam—isang teroristang estratehiyang kasuklam-suklam. Tandisang kontra si Mabini sa mga ilustradong oportunista (Paterno, Buencamino, Pardo de Tavera, Legarda, atbp.) na kagyat nagpaalipin sa kaaway sa gitna ng madugong labanan.
Nagulat nga si Mabini sa walang hiyang panghihimasok ng mga bagong panginoon. Naglabas ng manifesto ang Schurman Commission na hinirang ni McKinley pagkaraang mairatipika ang Tratado ng Paris. Walang pakundangang ipinagbili ng Espanya ang soberanya ng kolonya (di na nila hawak) sa halagang 20 milyong piso. Sinalungat ni Mabini ang lehitimasyon ng tratado: wala nang awtoridad ang Espanya sa teritoryong nabawi na ng mga katutubo. Liban sa Intramuros, wala nang kapangyarihan ang kolonisador upang lumagda sa tratado.
Dapat tandaan na sa pagkilatis ni Mabini, mula’t sapul sa pagdating nina Legaspi at Urdaneta, nasadlak na tayo sa walang patawad na digmaan—kongkistador laban sa mga indihenyo/katutubo. Saksi ang malimit na insureksiyon sa buong arkipelago. Tumingkad ito nang manghimasok ang U.S. Batas ng digmaan ang naghari sanhi sa paglabag ng mananakop sa sekularisadong batas-natural na nagtatakda ng pagkakapantay-pantay ng lahat ng nilalang. Tiyak na malaki ang impluwensiya ng masoneria at pagsuob sa prinsipyo ng fraternidad at mapagkawanggawa sa kaisipan ni Mabini. Susog na kwalipikasyon ito sa opinyon na kosmopolitan at transnasyonal si Mabini tulad ni Randolph Bourne. Tulad ng mga kasamang propagandista, talastas nila ang kilusang liberasyon sa Mehiko at Haiti, sampu ng mga tagumpay nina Bolivar at San Martin sa Timog Amerika—ekstra-teritoryal na pakikiisa kontra sa imperyong Espanyol at U.S.
Pakutyang pinagalitan ni Mabini ang sakim na administrasyon ni McKinley:
What a spectacle to see that at the end of the century called enlightened and civilized, a people who know how to love their sovereignty and proud of their sense of justice now would use their accumulated force to wrest from a weak people the very rights which in their case they believe to be inherent in natural law!
Alam ni Mabini ang motibong pangekonomiya ng kapitalismo: ang dominasyon sa pagmonopolyo ng industriya sa Filipinas at subordinasyon ng lahat; “thus reduce us to the category of tenants and laborers and to make serfs of us.” Talikdan itong kapalarang bunsod ng tunggalian ng mga uri, panawagan ni Mabini.
Interbensiyon ng Budhi
Binabalaan ni Mabini ang komunidad na huwag magpatukso sa mga pangako ng bagong panginoon. Maalab niyang binigyan-pansin at idiniin ang “race prejudice” ng U.S. na pinatunayan ng sistematikong paggamit ng “water cure” at kolektibong parusa sa “hamletting.” Masaklap ang mapasuko sa Amerikano:
We were equal with the Spaniards before the laws of Spain, but we never obtained justice in any part without resorting first to savage ways and without an interminable series of humiliation, for wherever we turn we are being pursued by race prejudice, which is deep, cruel, and implacable in the North American Anglo-Saxon…Annexation, whatever form it may take, will result in our eternal slavery by a people so different from us in manners and customs, a people who do not want to see a brown people beside them, and a people from whom we cannot separate without resorting to armed conflict.
Nais kong idako ang malay ng mambabasa sa napakaimportanteng mensahe ni Mabini. Matalab pa rin ang dating nito hanggang sa kasalukuyan, o lalo na sa gitna ng krisis ngayon. Sa bilang ng mga bayaning nakibaka, si Mabini lamang ang malinaw na nagpursiging itampok ang mabangis na ideolohiya ng “white supremacy” at mga institusyong kaakibat nito, halimbawa ang “U.S. counterinsurgency strategy” laban sa tinagurian nilang “terorismo.” Nagsilbing sandigan ito ng imperyalismong U.S. Naipataw at napalaganap ito sa “anti-terrorism law” ng mga rehimeng umiral sa atin at nagpapatuloy pa hanggang ngayon.
Walang humpay ang panawagan ni Mabini na ipagtanggol ang kalayaan at soberanya ng Filipinas—ang masidhing panata ng kaniyang buhay:
If we lay down our arms, our children will be in bondage…; they will inherit from us nothing but misery and struggle which they will be forced to suffer if we do not continue the present war. If you wallow in poverty, chained to slavery. And then you come to think of what your children will be, do you not think it is sweeter to die?
Alinsunod sa daloy ng kaniyang isip at damdamin, mahuhugot ang isang punto-de-bistang mapanuri sa mga kontradiksiyong pulitikal at ideolohikal na sinuri at pinahalagahan sa kadluang utak ng “dakilang paralitiko.”
May saysay o signipikasyon ba ang kasaysayan? Historyador ba o taga-salansan lamang ng anekdota at karanasang personal ang tungkulin ni Mabini sa LRF? Anong papel ang ginanap ng iba’t ibang tauhan sa dulang inilatag niya? May kahulugan ba ang buong akda? Masusubaybayan natin ito sa paghimay sa estruktura at balangkas ng mga leitmotif sa kaniyang obra maestra. Ungkatin natin bakit kailangang magkaroon ng suri at pagtatasa sa mga pangyayaring sangkot sa buhay ni Mabini. Hindi ba sapat na umasa na lamang sa empirikal na paglikom ng mga pangyayari sa isang kronolohikang katalogo? Bakit kailangan pang bulatlatin at kilatesin ang bawat insidente at mga protagonistang kalahok doon? Sa madaling salita, ano ang pangunahing adhika ni Mabini sa paghubog ng akdang nabanggit?
Balangkas ng Pagsisiyasat
Sa unang masid, sapantaha nating ito’y mga gunita o memorya ng isang dating upisyal sa gobyerno. Marahil, isang kronika ng mga pangyayari mula 1896 hanggang sumuko si Aguinaldo. Angkin ng awtor na karanasan niya ito, tala ng mga nangyari sa kaniyang buhay bilang protagonista sa naganap na himagsikan at isa sa natirang buhay. Sa panimulang pahayag, isiniwalat na ni Mabini ang lohika ng kaniyang testimonya bilang isa sa tinaguriang “irreconcilable” na tumangging sumumpa sa awtoridad ng Amerikano sa pakikisanib sa damdamin ng sambayanang lumalaban. Samakatwid, ang physiognomy ng karakter ni Mabini bilang makabayang intelektwal ay nakasandig sa malingap na pakikiisa sa kagustuhan ng bayan. Iyon ang bukal o batis ng talab ng kaniyang kaisipan bilang kinatawan ng bayang umaklas at tumindig sa sariling bait at konsiyensiya. Nang humupa ang digmaan at sumuko si Aguinaldo, umayon at umangkop din si Mabini sa daloy na pakikitalad ng sambayanan, sa paraang mapayapa.
Katotohanan, hindi personal na hangarin o hinuhang lunggati, ang primaryang gabay ng kaniyang budhi. Iginiit ni Mabini ang saligan ng kaniyang pulitikang programa: “…sa tingin ko hindi mga pansariling ambisyon kundi ang pagkabigo ng mga adhikain ng sambayanan ang sanhi kung bakit naganap ang Rebolusyon.” Dangal ng pagkataong taglay ang integridad ang ipinagpugayan niya bilang basehan ng birtud. Nais niyang magsilbing batayan iyon ng pagtitiwala ng taumbayan. Pagtatapat niya: “Tulad ng sinumang kapuwa ko tao, may pinananaligan akong mga katotohanan na gumagabay sa aking budhi o nagsisilbing pamantayan ng aking mga pagkilos…Ang panananampalatayang ito ang nagtuturo sa akin na sa bisa ng likas na kalakaran ng mga bagay, nasa sambayanan mismo ang lahat ng kapangyarihang nakasasaklaw rito.” Sa pakiwari ni Mabini, batay sa batas ng kalikasan (natural law), nasa sa masa/sambayanan ang awtoridad; sa orihinal, “toda autoridad sobre el pueblo reside en el pueblo mismo por ley natural.” Napagpasiyahan niyang salungatin o talikdan ang anumang obligasyon na “contraria a la ley natural”—labag sa batas ng kalikasan.
Hayag na alagad si Mabini ng mga simulain ng Kaliwanagan (Enlightenment) na nagmula sa Batas ni Cicero at mga pilosopong Stoiko. Tiwala siya na isinilang ang tao para sa katarungan, recta ratio, law as“the expression of right reason in action.” [Bowle, John, Western Political Thought (London, UK: Methuen, 1961, p. 88]. Kasaliw ng karapatan at kalayaan ang obligasyon at tungkulin, paliwanag ni Mabini sa “A mis compatriotas”:”…Freedom itself demands that we conform our conduct to the guiding light of reason and the commanding voice of justice. What freedom does mean is that we ought to obey not anyone but only and always that person whom we ourselves have chosen and acknowledged as the most capable of leading us; for in this way we are obeying our reason.”* (Sinipi ni Horacio de la Costa, Readings in Philippine History (Manila: Bookmark1965, p. 243). Kailangan ng tao ang dunong at makatwirang Diyalektikang dalumat ang ginawang kritika sa interaksiyon ng malay/rason at kapaligiran, kalayaan at tadhana, ng teorya at praktika.
Sa paniwala ni Mabini, ang karapatan ng taumbayan ang mabisang lakas na magagamit sa pagsulong at pag-unlad ng komunidad, sa kapakanan ng buong bansa. Subalit kailangan ang kalayaan at kasarinlan upang maisabuhay at maisapraktika ang mga karapatang demokratiko at karapatang-pantao na nakatala sa United Nations Declaration of Human Rights. Hindi pa naisasakatuparan ito hanggang ngayon. Lalo na sa panahon ng madugong pagtatagisang kinasangktuan ni Mabini at halos dalawang henerasyon.
Haraya at Realistikong Dalumat
Bukod dito, inamin ni Mabini na may pedagohikal at etikal na layunin ang akda. Bunsod ito na dapat buklurin ang teorya (katwiran at agham) at praktika ng pamamahala, na “iniangkop sa likas at di-nagbabagong kaayusan ng mga bagay at mga tiyak na pangangailangan ng mga pnamamahalaan”—ibig sabihin, mga kailangan sa buhay tulad ng pagkain, damit, pabahay, kalusugan, atbp. Karanasan, dunong, katwiran ang dapat buklurin at gamitin. Minungkahi ni Mabini na kailangang iwaksi ang “kamanmangan o simbuyo ng damdamin.” Pinaliwanag niya ang halaga ng Deklarasyon ng Kalayaan at Mga Karapatang Pantao ng rebolusyong Pranses, na sa pakiwari niya ay sinunod ng Estados Unidos—isang opinyon na angkin din ni Rizal. Iyon, paniwala ni Mabini, ang mga prinsipyo ng likas na batas na ikinintal ng mga rebolusyonaryo’t siyentipikong pantas/guro (tulad nina Rousseau, Voltaire, at Diderot) sa larang ng politika. Palaala niya: “Kung nasa pagtutugma ng katwiran at karanasan ang katotohanan, nasa pagtutugma ng teorya at praktika ang birtud”—tatsulok ang birtud, katwiran, katotohanan.
Pinakasentro ng akda ang mga susing konseptong ito: katotohanan, karanasan, katwiran, sampu ng birtud na bunga ng pagsalikop ng teorya (agham) at praktika (makatwirang aksiyon o gawain). Magkakaugnay iyon sa bawat paksang dinadalumat. Matutuklasan na ang disenyo ng LRF ay binubuo ng mga kabanata hinggil sa mga pangyayaring saklaw ng kategorya ng karanasan/praktika at mga kabanata na kaugnay ng mga ideya ng katwiran, siyensiya, at kaisipang naging matrix ng kapasiyahan at pagkilos. Hindi mekanikal na korespondensiya ng sangkalang materyal/pang-ekonomiya at ideolohiya/kamalayan ang iskema rito, kundi diyalektikal. Ibig sabihin, masalimuot at malikot na ugnayan ng mga palapag ng konjunktura, kapwa materyal at ideyal, ang nailatag ni Mabini.
Dobleng obligasyon ang hinarap ng masigasig na paralitiko. Sa pagsaliksik, matatarok na pinaglangkap ni Mabini ang mga ideyal ng Renaissance at Enlightenment sa Europa sa proseso ng paghamon sa piyudalistikong institusyon ng Simbahan at monarkiya, kaalinsabay sa paglaban sa imperyo ng kapitalismong pampinansiyal—ang imperyong U.S. Naturol na natin ito sa unahan: ang dalawang imperyong lumikha ng lagusan ng rebolusyong Filipino. Alegorya ito ng katawan ni Mabini, dalawang kondisyong magkakawing. Naisingkaw ng kasaysayan sa batok ni Mabini ang dalawang lunggati at pananagutan sa pagitan ng luma at bagong ordeng nagtutunggali sa ibabaw ng mundo, samantala mga halimaw ng libido/imahinasyon ang sintomas na umaaligid at sumisindak sa atin. Baka makatulong ang diyagramang itong hugot sa repleksiyong tinalakay at dinalumat natin:
Semiotikang burador ng tematikong kategorya sa LFR.
Sa paglilimi ko, ang krusyal na temang humahabi sa banghay ng LFR ay nakasilid sa Kabanata 7, ang isyu ng organisasyon. Magkatalik ang praktika at teorya sa plataporma’t agenda ng samahan. Natalakay na ni Mabini ang transisyon mula sa ebolusyong pagsulong tungo sa aktibidad ng rebolusyon sa Kabanata 1. Nailatag ang mga pangyayari sa pagbitay sa mga paring sekular (Gomes, Burgos, Zamora) at sa pagkawalang-bisa ng repormistang La Solidaridad, karugtong ng mas dramatikong polemika ng Noli at Fili. Mula sa posisyonal na laban, binuhos na ang sigla sa maniobra o armadong pakikihamok, mula ebolusyon tungo sa rebolusyon.
Sa aktwalidad nagyakap ang maari at di-maaari. Masinsing sinubaybayan ni Mabini ang napakaimportanteng resulta ng pagbubukas ng Suez Canal, sagisag ng tulay ng luma at bagong kabihasnan. Kahalintulad ito sa pagkamulat ni Ibarra sa katotohanan ng kaniyang tinubuang lupa nang umuwi mula sa Europa. Ang Suez Canal ay nagsilbing talinghaga o simbolo ng paglalakbay ng kamalayan mula sa inertia ng kolonisadong antas hanggang sa krises ng pagtuklas sa kilos at akto ng Katipunan. Sikaping ikintal ang proseso ng transisyon, isang sandali ng pagkaabala’t pagpapatuloy, bilang imperatibong paksang nililinang sa diskurso ng LFR.
Masasabing ang sintesis ng simulaing nagbunsod sa rebolusyon ay masisinag sa Konstitusyon ng Liga Filipina. Narito ang limang layunin ng organisasyong sinubukang itatag ni Rizal bago siya ipinatapon: 1) Pag-isahin ang arkipelago sa isang matining at masiglang kabuuan; 2) Resiprokal na pangangalaga sa bawat okasyon ng pangangailangan at ligalig; 3) Pagtatanggol laban sa bawat dahas at paglapastangan; 4) Paglinang sa edukasyon, agrikultura, at komersyo; at 5) Pag-aaral at implemtansyon ng reporma. Nahulma sa plataporma ng Liga ang pinakamahalagang katungkulan ng isang pamahalaang kumakatawan sa buong bayan. Hindi lubusang nagampanan iyon ng Espanya, bagkus natulak pa sa primitibong antas ang dating maunlad na lipunan ng mga datu at rajah bago dumating sina Magellan at Legaspi, kung isasaisip ang testimonya ni Antonio Morga, mga bakas ng sinaunang sibilisasyong Malayo na tinalunton ni Rizal.
Sariwang Balita Mula sa Bundok
Ano ang pahiwatig ng birtud sa LFR? Hindi na nakagagambalang palaisipan ito. Naitala na ni Mabini ang kodigo ng mga elemento ng birtud sa kaniyang “El verdadero decalogo.” Marahil naisulat ito circa unang bahagi ng 1898 kasabay ng “Ordenanzas de revolucion” at sa burador ng konstitusyon inihanda sa Malolos. Idinulog niya sa atin ang ideya na buhat pa nang masakop ang isla, nagsimula’t lumaganap na ang tunggalian ng Espanya at mga katutubo. Ibig sabihin, ang kondisyon ng giyera ay nag-umpisa sa paglukob sa mga komunidad ng mga katutubo. Dahil dito, hindi nagkaroon ng malawakang pagkakaisa ang madlang sinakop. Layon ng Decalogo na ipahayag ang moral-etikal na prinsipyong bumubuhay, sumusuhay, at nagpapasigasig sa pambansang komunidad.
Nag-umpisa ang Dekalogo sa proposisyong mala-relihiyoso: “Ibigin mo ang Diyos at iyong dangal sa ibabaw ng lahat….” Dapat alamin na ang katagang “Diyos” ay mula sa Stoiko/deistang konsepto na halos katumbas ng espiritung umuugit sa kalikasan—isang laganap na paniniwala sa Renaissance ng ika-16 na siglo. Sipiin natin ang ilang talata na nailathala sa Ingles noong 1922:
Fourth. Thou shalt love thy country after God and thy honor and more than thyself: for she is the only Paradise which God has given thee in this life, the only patrimony of thy race. The only inheritance of thy ancestors and the only hope of thy posterity; because of her, thou hast life, love and interests, happiness, honor and God.
Fifth, Thou shalt strive for the happiness of thy country before thy own, making of her the kingdom of reason, of justice and of labor…
Sixth. Thou shalt strive for the independence of thy country: for only thou canst have any real interest in her advancement and exaltation, because her independence constitutes thy own liberty; her advancement, thy perfection; and her exaltation, thy own glory and immortality.
Eighth, Thou shalt strive for a Republic and never for a monarchy in thy country: for the latter exalts one or several families and founds a dynasty; the former makes a people noble and worthy through reason, great through liberty, and prosperous and brilliant through labor.
Tenth. Thou shalt consider thy countryman more than thy neighbor; thou shalt see him thy friend, thy brother or at least thy comrade, with whom thou art bound by one fate, by the same joys and sorrows and by common aspirations and interests.
Therefore, as long as national frontiers subsist, raised and maintained by the selfishness of race and of family, with thy countryman along shalt thou unite in a perfect solidarity of purpose and interest, in order to have force, not only to resist the common enemy but also to attain all the aims of human life.
Naipunla na ni Mabini ang kredo ng ating nasyonalismong nakatindig sa aksiyomang unibersal ng hustisya at katwiran. Klasikong metanaratibo ito na anatema sa mga relatibistiko’t nominalistikong historyador. Tumalab ito sa mga intelektwal na sumibol sa panahon ng okupasyon—sina Lope K. Santos, Faustino Aguilar, Crisanto Evangelista, Rafael Palma, Claro Recto, Salvador Lopez, Renato Constantino, Amado V. Hernandez, Teodoro Agoncillo, atbp. Dahil neokolonyal pa rin ang oligarkong nakapangibabaw, at kolonisadong mentalidad ang umiiral, hindi pa laos ang LFR. Nasa pusod nito ang binhi ng kinabukasan. Wala halos memorya o pakialam ang maraming mamamayan ngayon sa mga naisakatuparan nina Rizal, Bonifacio, Mabini, sampu ng ilanlibong martir ng pambansang pakikibaka para sa dignidad at kasarinlan.
Nanaig pa rin ang imperyalistang dominasyon sa larang ng saliksik at pedagohiya. Ang karapatan ng bawa’t bansang matamo ang pansariling determinasyon ay tanggap na sa buong daidig, liban na lamang sa mga akademikong neoliberal, kunwari’y pluralista ngunit sugo ng Kanluraning hegemonya. Halimbawa ang pontipikasyon nina Greg Bankoff at Kathleen Weekly na ang ating makabayang kilusan ay instrumento lamang ng mga sukabang pulitiko. Tinalikdan daw ng mga nasyonalistang historyador (Veneracion, Tan) ang “normative conceit of objectivity and balance” upang itaguyod ang elitistang negosasyon ng identidad sa isang “post-national era” kung saan “redundant” na ang “nationalist project.” Puna nina Bankoff at Weekly:
…Most Pinoys find little in the past to identify with and care even less of their history…Most Filipinos, however, think more about expanding their fictive and kinship ties in the present than about commemorating a past redolent with injustice and exploitation…Perhaps the choice for this century is transnationalism or anarchy?
Sino ang nilalait ng dalawang puting eksperto sa kalagayan ng mga Filipino at mga subalternong kapatid sa laylayan?
Para sa Australyanong dalubhasa, hindi na kailangang intindihin o pahalagahan ang rebolusyonaryong arkibo nina Rizal, Mabini, atbp., pagkat laos na—natalo, “Luzon-centered,” at makauri. Baligho’t mapagkanulong predikamento ito. Ang historyograpiya nila ay salat sa kontekstwalisasyon. “Post-colonial” daw ang Pilipinas gayong kakutsaba ng Washington ang oligarkong gobyerno na payag sa dagdag na base militar (pinahintulot ng Visiting Forces Agreement at EDCA) ayon sa anti-Tsinang agenda ng Washington–Pentagon. Tangka nilang tumulong, ngunit may kalakip ng lasong presuposisyon ang kanilang ambag, lalong makamandag kaysa tuwirang agresyon o eksplotasyong madaya tulad ng patakaran ng labor-export. Inaaping migranteng proletaryo ng buong mundo ang identidad natin, hindi bihasa’t mapamaraang lahing dumadakila sa kalayaan at katarungan para sa lahat.
Bakit Tayo Bumalikwas
Bumalik tayo sa interpretasyon ng kahulugan at halaga ng LFR. Sa bandang huli ng “Prologo,” inulit ni Mabini ang simulaing nag-udyok sa kaniya na sumapi sa rebolusyonaryong kilusan—pagsuob sa rason at hustisya—na ngayon ay yumuko sa mas nakalalamang na puwersa. Tinutukoy dito ang pagsumpa ni Aguinaldo sa soberanya ng U.S. Upang manatiling buhay, hindi maiiwasang tanggapin ang nesesidad na utos ng makapangyarihang lakas. Hindi ito permanenteng sitwasyon. Gayunpaman, payo ni Mabini sa bayan “na huwag mawawalan ng pag-asa, at dapat siyang magtiwala sa kaniyang sarili, sa katagrungan, at sa hinaharap.”
Sinipat niya ang masukal na landas ng kaniyang pakikipagsalaparan. Tumulong siya kina Rizal at Del Pilar sa kilusang repormista—nabanggit na natin ang Cuerpo de Compromisarios na sinalihan ni Mabini—at nang walang bunga iyon, pumanig si Mabini sa Katipunan. Ito ang tinig ng bayan, saloob niya:
inihayag ko ang tungkulin kong tumalima rito at gabayan ang Rebolusyon upang sa pagkawasak ng matandang rehimen na sadyang bulok at inutil, makapagtatag ng bago at higit na makasasapat sa tunay na pangangailangan ng mga Filipino at makaangkop sa mga pagbabago o repormang hinihingi ng progresibo nitong sibilisasyon. Lumahok ako sa digmaan sa pagtalima sa tinig ng bayan.
Nakatalik pa rin ang kaluluwa ni Mabini sa simulain ng rebolusyon. Nag-iba lamang ang paraan sa pagtataguyod noon. Muling ipinandigan niya na mithiin ng bayan ang matamo’t makasangkapan ang kalayaan at mga karapatang kailangan upang mapagyaman ang kaban ng kultura at kapamuhayan. Inaasahan niyang maiintindihan ito ng mga taumbayan sa Amerika, na siya ngayong taga-hatol sa ating kapalaran. Yapos ng kahihiyan at masaklap na pighati, nais ni Mabini na bumalik sa katahimikan upang masabi niya na tumupad siya sa kaniyang tungkulin, inako ang pananagutan, na tanging balsamo “sa kirot ng buhay na tigib ng hinanakit.”
Nakumpisal ni Mabini sa “Pag-aalay” na panaginip ng ina niya na maging pari siya. Inihandog ang akda niya sa ina bilang “saserdote” ng rebolusyonaryong kilusan. Hindi lang “nakasuot ng abito ang tunay na alagad ng Diyos kundi ang lahat ng nagpapahayag ng kaniyang Kaluwalhatian sa mga gawaing mabuti at kapaki-pakinabang para sa lalong nakararaming nilikha niya.” Bilang sakripisyo, ang LRF ay isang sandata sa pagmulat sa kamalayan ng nilupig at armas sa paglikha ng konsiyensiya ng lahi.
Trayektorya ng Salaysay: Trahedya o Komedya?
Mahihinuha sa diyagramang naisingit sa itaas na tinanggal ni Mabini sa akda ang isyu ng personalidad. Ang mga pangyayaring naganap ay matatarok kung alam natin ang determinasyon nito, na matatagpuan sa mga prinsipyo at batayang motibo ng mga grupo o pangkat, hindi ng ilang piling indibidwal. Nabanggit na natin na para kay Mabini, ang kalayaan ay pagsunod sa utos ng rason at hustisya. Samakatuwid, dapat nating sundin ang grupo o partido na kinatawan ng katwiran at katarungan, alinsunod sa tambalang paghuhunos na masikhay niyang iginiit: “Our revolution must be not only external but internal.”
Kay Mabini, magkahugpong ang kalayaan, obligasyon at katungkulan:
Freedom does not mean that we are to obey no one, for itself demands that we conform our conduct to the guiding light of reason and the commanding voice of justice…. We must undertake a radical reform not only of our institutions but of our own ways of thinking and acting. Our revolution must be not only external but internal.
Singkronisado ang dalawang daluyan ng pagbabago, kapiling ang pagtatamasa ng dignidad at tungkuling magpasiya. Kailangan ang kalayaan upang mapalis ang di-pagkakapantay ng “la casta dominante y la poblacion indigena,” ang usaping tunggalian ng mga uring panlipunan. Muli, hindi maipaghihiwalay ang hinihinging pagkakapantay-pantay, karapatang pantao, hustisya, at kasarinlan.
Karaniwang ipalagay na ang pakay ni Mabini ay kritisismo ng kakulangan ni Aguinaldo, mga depektong pampersonal. Dapat mahulo na si Aguinaldo ay halimbawa lamang ng mga tipong marupok o mahina, walang kontrol sa pagpigil sa masimbuyong ambisyon. Masahol na katiwalian ang pagpapauna ng personal na hangarin sa halip na kolektibong kapakanan. Mahusay na naipaliwanag ang kontradiksiyon sa Kabanata 1. Batid ni Mabini ang prinsipyo ng Kaliwanagan (Enlightenment): “Isang pangangailangan at likas sa lahat ng nilalang, sa indibidwal o kolektibong paraan man, ang paglago o pagsulong.” Hindi hilig ng madla ang marahas na pagbabago, ang rebolusyon, sanhi sa “likas na preserbasyon ng sarili” dahil kadalasan nagtatagumpay ang isang uring maimpluwensiya na “nagsasamantala sa kamangmangan o katiwalian ng kanilang mga kababayan, at nanlilinlang para sa mga pansariling layunin.”
Masinop ang paglalarawan ni Mabini ng mga kontradiksiyon. Sa pagitan ng ebolusyon o unti-unting pagbagago at marahas na rebolusyon, kailangan ang prudensiya, maingat na kalkulasyon. Organikong proseso ang dapat alalahanin. Sa halip na umayon sa eskolastikong preskripsiyon na laging sumusunod sa awtoridad ng Simbahan o minanang kaugalian, lumihis si Mabini. Naging realistikong anggulo ang pagdalumat niya, ayon sa siyentipikong humanismo ng Renaissance. Humango sa kasaysayan ng kolonyalismong Espanyol ang naturalistikong pagsusuma ni Mabini, na sa katunayan ay babala sa Amerika na huwag tumulad sa imperyong Espanya. Hindi pa tapos ang laban, ang paligsahan sa pagtatamo ng hegemonya, ang lideratong moral-intelektwal ng proletaryo/masang inaapi.* [Antonio Gramsci, Selections from the Prison Notebooks of Antonio Gramsci, ed. .Quintin Hoare amd Geoffrey Nowell Smith (New York: International Publishers, 1971, pp. 162-63]
Ang buong akda ay maituturing na paunawa sa U.S. na huwag magpalalo at huwag suwayin ang batas ng kalikasan na kabuklod sa produktibong lakas ng sambayanan, sa masang lumilikha ng yaman ng lipunan. Babala rin ito sa kasalukuyang gobyernong mapagsamantala at mapaniil:
Ngunit hindi magaganap ang ebolusyon kung hindi inaayunan ng kaayusang panlipunan, tulad ng halamang hindi lumalago sa di-binabagayang lupa. Kung pagkabansot ng bayan ang tinutupad ng gobyerno alang-alang sa pansariling kapakanan o ng isang partikular na uring panlipunan o sa anupamang dahilan, hindi maiiwasan ang rebolusyon. Nararapat na umusbong at umunlad ang isang sambayanang hindi pa nakasasapit sa ganap na pamukadkad ng buhay, sapagkat kung hindi ay mapaparalisa ito, at kamatayan ang pagkaparalisa. Kung paanong di-likas ang isuko ng isang nilikha ang sarili sa pagkalipol, kailangang gawin ng bayan ang lahat upang maibagsak ang gobyernong humahadlang sa kaniyang pag-unlad. Kung mga anak ng bayan mismo ang nagtagtag ng gobyernong ito, kailangan itong maigupo.
Malinaw dito ang naturalistiko’t realistikong perspektiba na nagsusog sa pagkawatas ng “ley natural” o likas na batas, sa direksiyong sekular at naturalistiko. Hindi nakalimutan ni Mabini na ang porma ng gobyerno ay niyari ng pagkakataong historikal at isinaayos sa kalkulasyong kapakipakinabang. Nais ngayong ipakita ang ahensiya ng taumbayan sa pagyari ng ordeng pampulitika na tugma sa krisis at pangangailangan ng sirkumstansiya. Ikumpara ang tila reaksionaryong kumbiksiyon ni Leo Strauss na dahil sa historicism ng modernidad, nawalan ng bisa ang klasikong konsepto ng batas pangkalikasan na nakasalig sa pribadong pag-aari [Leo Strauss, Natural Right and History (Chicago: University of Chicago Press, 1953). Kontra dito si Ernst Bloch na nag-usig sa partisanong interes ng positibong batas pabor lamang sa mayaman at makapangyarihan, sa halip na nakatindig sa karapatan ng sambayanan (jus gentium), sa katarungang hinahangad ng mga maralitang nangangailangan ng dignidad. Argumento ni Bloch: “There can be no human dignity without the end of misery and need, but also no human happiness without the end of old and new forms of servitude” *[Bloch, Natural Law and Human Dignity (Cambridge: MIT Press, 1986, p. 208]
Transmutasyon/Paghuhunos
Sa katunayan, pumasok na si Mabini sa epoka ng Renaissance at humanistikong sibilisasyon. Tumalikod na siya sa piyudal/teokratikong ugali ng Espanya. Naging sekular ang batas ng kalikasan bilang basehan ng awtoridad pampulitika bunga ng Repormasyon sa panahon ng giyera ng mga relihiyon. Sa halip na ipagpatuloy ang abstraktong ideya ng batas ng kalikasan (hango sa Stoikong pilosopiya at teolohiyang natural ni Aristotel/Santo Tomas Aquino), sumalok siya sa bukal ng kaisipan ni Benedict Spinoza. Iminungkahi ni Spinoza na maisasakatuparan ng tao ang pag-unlad ng kaniyang rasyonal na kaluluwa, kalayaang espiritwal, sa loob ng lipunan. Ang pagsulong ng lakas ng pagkatao, ang marangal na kakayahan ng tao, ay mapapahinog sa loob ng maayos na komunidad. Bunsod ito ng pagtutulungan o kooperasyon, saligan ng kalayaan at katiwasayan, at ng gobyernong umaalalay dito: “The object of government is not to change men from rational beings into beasts or puppets, but to enable them to develop their minds and bodies in security and to employ their reason unshackled…In fact, the true aim of government is Liberty.”
Pinaligiran ang naratibo ng LFR ng diskurso ukol sa katarungan, kalayaan, batas natural, udyok ng pag-unlad, mula pagputok hanggang pagkagapi ng himagsikan. Paglilimi iyon sa mga kategoryang nakapaloob sa hibla ng mga pangyayaring inihanay. Pahiwatig ito na bagamat may kaloobang magnais ang bawat tao, limitado ito ng materyal na kondisyong sumasaklaw sa bawat nilalang. Tunghayan na lang ang kondisyon ng paralitiko, sintomas ng lagay ng kalusugan sa lipunan. At ang estigmang nakakabit dito, na ginawang paraan ng pagtungayaw at pag-alimura kay Mabini ng mariwasang pangkat sa Kongreso ng Malolos (Buencamino, Paterno, atbp.). Tutol siya sa mga pakana ng mga kasike ng prinsipalya. Tsismis na ang sakit niya ay galing sa sipilis at bisyong masama, kaya napilitang ipagbitiw siya ni Aguinaldo upang mapanatili ang konserbatibong hilig sa pamunuan.
Sa ano’t anoman, hindi trahedya ang wakas. Sumuko si Aguinaldo nang humina ang hukbo sa pagpatay kay Heneral Luna. Hubris at gawing balakyot ng karakter ang puminsala sa liderato, kapintasang supling ng makauring lipunan. Gayunpaman, nagpatuloy sina Heneral Sakay at mga awtentikong makabayan. Mataimtim ang pag-asam ni Mabini na sa kalauna’y maipapakilala ng bayan na taglay ang dignidad at katalinuhang maging karapat-dapat sa demokratikong karapatang ipinangako ng Amerika. Mala-komedya, kung ganoon, ang indayog ng Kongklusyon dahil marubdob ang pag-asa ni Mabini na makakamit ang kalayaan at kasarilinan sa bisa ng mga mabuting repormang naisakatuparan ng himagsikan, sa kabila ng pagkagapi ng kampon ni Aguinaldo. Ang proseso ng pag-unlad ay sumusugod sa paraan ng pag-atras, pagkagupo, pagkariwara—isang moda ng sintesis ng masalimuot na kontradiksiyon ng kasaysayang lokal at pandaigdigan.
Komadrona ng Bagong Salinlahi
Nilikha sa bisa ng birtud ni Mabini ang LRF, ang makasaysayang testamento ng pambihirang himagsikan. Binistay at pinaglapat ang klasikong dunong ng kabihasnang Griyego–Romano, teolohiyang natural ni Santo Tomas, at humanistikong agham nina Spinoza at mga pantas ng Kaliwanagan, kapagkwa’y nahubog ang pangitaing progresibo’t mapagpalaya ni Mabini. Naibunyag sa itaas ang sandigan ng etika-politikang pundasyon nito sa katotohanan—empirikal na kognitibong analisis ng karanasan—at pag-uugnay ng iba’t ibang salik sa kategoryang unibersal ng katuwiran at katarungan. Mahigpit na tumalima si Mabini sa realistikong pananaw nina Aristotel/Aquino salungat sa nominalistikong tendensiya nina Ockham, Erasmus, Grotius, Bacon, at Locke. Ito ang dahilan na nakaakma siya sa rebolusyonaryong tendensiya ng demokratiko-sosyalistang aktibidad sa Inglatera, Pransiya, at Haiti.
Isang daloy ng akda ang hindi pa napagtuunan ng masusing imbestigasyon. Kung ang konsepto ng batas-natural ang nagsusudlong sa batas eternal at positibong batas ng tao, ang ideya ng birtud (“la virtud”)—mediyasyon ng teorya (isip) at praktika (gawain)—ay patibay na sanay na si Mabini sa diyalektikang historikal/materyal nina Marx at Engels. Marahil, si Isabelo de los Reyes lamang sa mga Propagandista ang nakinabang sa pakikisalamuha niya sa mga anarkista-sosyalistang kilusan sa Europa. O baka nakasagap din si Mabini ng mga butil ng punla mula sa panitik nina Del Pilar, Lopez Jaena, Rizal, Jacinto, atbp. Bukod sa lohiya ng masoneria (kilala sa pangalang Katabay), kasapi si Mabini sa Liga ni Rizal at sa Cuerpo Compromisarios na humalili (nang maitapon si Rizal sa Dapitan) kung saan siya ay naglingkod bilang kalihim ng organisasyon.* [Constantino, A Past Revisited,154; Mabini, Al Pueblo y Congreso Norteamericanos, 9],
Hindi na kailangang mag-ibayong dagat ngayon. Dahil sa galing ni Mabini sa argumentasyon legal—malalim ang kasanayan niya sa pagtuturo at pagtrabaho sa opisina ng hukuman—sapat ang dunong niya sa paglalagom ng kumplikadong detalye sa isang unibersal na kategorya. Isang kategorya ang dangal o mabuting pagkatao. Nang matapos niya ang LFR, nakasumpa na si Aguinaldo na pailalim sa soberanya ng Amerika. Subalit pabirong hamon ni Mabini na mababawi niya ang dangal kung mag-aalay ng buhay si Aguinaldo sa pakikipaglaban. Kamatayan sa larangan ng pakikibaka ang makatutubos sa napinsalang prestihiyo ng dating pangulo ng Republika.
Palagay ko’y hindi biro iyon. Sakripisyo ng buhay ng maraming mandirigma ang pundasyon ng magandang kinabukasan ng bayan, dulog ni Mabini. Walang kalinangan at sapat na giting si Aguinaldo. Sinalungguhitan na naman ni Mabini ang halaga ng katotohanan sa sambayanang kaunlaran:
Nakakamit ang tunay na karangalan sa paglinang ng ating talino upang matutuhang kilalanin ang katotohanan at sa pagtuturo sa ating puso upang kasanayang mahalin ang katotohanan. Sa pagkabatid sa katotohanan, naarok natin ang ating mga katungkulan at ang katarungan…Huwag kalilimutan na nasa unang baitang tayo ng ating pambansang buhay, at pinaakyat tayo at makaaakyat lamang tayo kung birtud at kabayanihan ang tuntungan.
Dagdag pa niya na ang kaganapan ng pagkatao ay makakamit ng lahat sa patuloy na pagsulong ng bansa. Pakli niya sa mga ilustradong nagsabing hindi pa handa ang bayan sa pagsasarili, na sila mismo—ang mga Amerikanista—ang nagpapatunay ng kanilang haypotesis.
Muli, bumaling ang muni ng organikong intelektwal ng Tanawan, Batangas, sa paksa ng birtud—“la virtud y del heroismo” (2012, 101). Naungkat na ito sa “Panimulang Pahayag,” sa orihinal na pagsasawika: “Si en la armonia entre la razon y la experiencia esta la verdad, en la armonia entre la teoria y la practica se encuentra la virtud.” Malimit talakayin ng klasikong pilosopiya (Plato, Aristoteles, Cicero, Machiavelli, Montesquieu) ang paksang ito. Virtu, sa kultura ng Italyanong Renaissance, ay tatak ng kagalingan ng karakter, sintomas ng pinakabuod na katangian ng isang mamamayan. Sinasalamin ito ng ordeng pulitikal. Ang mga katangiang ito ng mamamayan—karunungan, katapangan, makatarungan, maingat maghatol, atbp.—ay magkakasanib sa isang disposisyon na sumusunod sa rason/katwiran. Ang katapangan, halimbawa, ay disposisyon sa pagkilos na kumokontrol sa simbuyong takot at kapangahasan. Ginagabayan ito ng prudensiya na bunsod ng dunong at pagkamakatarungan. Sa paglapat ng disposisyong angkop o tugma, makakamit ng bawat tao ang ligayang pinakasasabikan. Angkin ni Mabini, ayon kay Agoncillo, ang “katapangan ng konsiyensiya.”
Pahimakas at Pagbati sa Bukang-Liwayway
Naititik ni Mabini sa isang liham ang birtud ng pakikipagkapwa. Makikita ang pagsasanib ng kabatiran at intuwisyon sa tugon niya sa sulat ni Luisita Blanchard, isang Filpino-Amerikana sa Brooklyn, New York. Nobyembre 19, 1900 ang petsa ng liham. Sandaling pinakawalan si Mabini ng Amerikanong militar buhat nang mahuli siya sa Cuyapo, Nueva Ecija at nabilanggo, at bago ipatapon siya sa Guam. Ginamit ni Mabini ang wikang Ingles, verbatim na inilathala ni Ambeth Ocampo sa kaniyang tudling:
I am very much obliged to you for your deep sympathy and true friendship toward me as well as for your sorrow for my illness. Let me shake very friendly and warmly your hand across the seas, seeing that it is indiscreet to kiss it.
To correspond your familiarity I tell you that about thirty-five years ago I was born in a town of Batangas province at the south of Manila between Kabite and Laguna provinces and between the lake of Bay and the lake of Bombon or Taal. By my father and mother I am of pure native origin. Although my parents were poor I got some instructions and became a lawyer, thanks to persistive efforts. Since January 1896. I cannot stand because of a weakness in my waist and legs. I do not suffer any other ache and I look as if I were not sick. The physicians say that I will never recover my health; but I do not despair because I am still able to do something good for my country. Fortunately I have neither wife nor children, for this reason is more tolerable the sadness of my life, for I do not suffer in my loves except in that of my country. My father and mother are dead….
You are a true Filipina by heart and feelings and so I love and admire you…I appreciate the American women in their culture and independent habits which render them utterly helpful workers to the aggrandizement of womankind. You are a highest example. Your very thankful and affectionate friend, Ap Mabini.
Sa maikling talambuhay na luhog sa babaeng nagmalasakit, naisilid ni Mabini ang padron ng birtud/virtu na hinimay natin. Nakapupukaw ang maantig na balik-tanaw at dalumat ng pinagdaanang landas na naikintal dito. Matatanto ang disposisyong marangal, matapat, matapang, at magiliw na pag-angkin sa katutubong ugat at batis ng kaniyang pagka-Filipino. Sa komunikasyong ito, naipaabot ni Mabini ang lunggating magkadaupang-palad sa kalaunan ang lahing Filipino at Amerikano, isang nakalubog na motibasyon sa diskurso ng LFR. Alinsunod sa konsepto ng hegemonya, makakamit ito sa paraang kompromiso sa isang kasunduan upang maisulong ang pangkalahatang mithiin ng inaapi’t nagnanais ng dignidad. Sa ganitong pagtaya, ang huing kabanata ng LFR ay propetikong pagtanaw sa tagumpay ng rebolusyon sa hinaharap.
Sa ultimong pagtatasa, ang LFR ay representasyon ng rebolusyonaryong espiritu ng sambayanang umayaw sa koloniyalismo. Kapwa Kristiyano, Moro, Lumad, Igorot, atbp., na bumubuo ng mayoryang katutubo ang lumaban sa teokratikong Espanya at nagwagi. At pagkatapos, lumaban sa rasistang U.S. at natalo, at sa pagkatalo, nagbunga iyon ng kamalayan-sa-sarili o determinasyong makasarili. Tumayo at lumakad ang paralitiko—ito ang analohiyang maitatanghal sa pagsusulit. Pagbulay-bulayin natin ito bilang isang palaisipang ironya o kabalintunaan ng ating kasaysayan na patuloy na dumadaloy.
Maituturing din na isang epikong naratibo ng pagkakaisa ng mga tribu at komunidad sa kapuluan ang sinisikap ilahad ng LFR. Nakatahi sa hinabing naratibo ang alegorya ng diyalektika ng alipin at panginoon na unang isinadula ni Hegel sa Phenomenology of Spirit at naging paradigma sa manifesto nina Marx at Engels, Lenin, Gramsci, Lukacs, Fanon, Sartre, at iba pang agham-pantas. Sa dalawang yugto ng himagsikan na inilarawan ni Mabini, bago pa man nagkaroon ng pormal na independensiya noong Hulyo 4, 1946, napatunayan na umabante na kahit bahagya ang Pilipinas sa landas ng modernong kabihasnan. Totoo, hitik pa ito ng mga kontradiksiyon, subalit nakuha nang humakbang, umakyat, ang masang dati’y api’t nakalugmok sa ilusyon at kawalang pag-asa. Tumindig ang dating alipin, taglay ang dignidad at karapatan. Gumising na ang sambayanan, saksi ang testimongyong LFR ng dakilang lumpo. Si Mabini ang tribuno ng uring anakpawis, ng proletaryong namulat, ang taliba ng kasalukuyang pagbabanyuhay ng mga lahi’t liping kayumanggi, ng Filipino, taglay ang kaluluwang pinapanday sa apoy ng mobilisasyong sukdulang mapangahas, makatarungan, at mapagpalaya.
Sanggunian
Agoncillo, Teodoro, “Apolinario Mabini: The Courage of Conscience,” in Archipelago, 1 (December 1974).
Aguinaldo, Emilio, “To the Filipino People,” in The Philippine Reader, ed. by D.B. Schirmer and Stephen Shalom (Boston: South End Press, 1987).
Baker, Herschel, The Image of Man (New York: Harper and Row, 1947).
Bankoff, Greg and Kathleen Weekley, Post-Colonial National Identity in the Philippines (New York: Routledge, 2002).
Bloch, Ernst, Natural Law and Human Dignity (Cambridge: MIT Press, 1986).
Bowle, John, Western Political Thought (London: Methuen, 1947).
Brinton, Crane, A History of Western Morals (New York: Harcourt Brace, 1959).
Campomanes, Oscar, “La Revolucion Filipina in the Age of Empire,” in The Japanese Journal of American Studies, 18 (2007).
Constantino, Renato, A Past Revisited (Quezon City: Tala Publishing Services, 1975).
Cushner, Nicholas, Spain in the Philippines (Quezon City: Institute of Philippine Culture, 1971).
Fajardo, Reynaldo, “A Masonic Regime in the Philippines,” in Toward the First Asian Republic, ed. by Elmer Ordonez (Manila: Philippine Centennial Commission, 1998).
Forbes, W. Cameron, The Philippine Islands (Cambridge: Harvard University Press, 1945).
Graff, Henry, “American Imperialism,” in The Columbia History of the World, ed. by John Garraty and Peter Gay (New York: Harper and Row, 1972).
Gramsci, Antonio, Selections from the Prison Notebooks (New York: International Publishers, 1971).
Hegel, G.W.F., Phenomenology of Spirit, trans. by A.V. Miller (New York: Oxford University Press, 1977).
Hofstadter, Richard, The Paranoid Style in American Politics and Other Essays (New York: Vintage Books, 1967).
Kolko, Gabriel, Main Currents in Modern American History (New York: Pantheon Books, 1976).
Kramer, Paul, The Blood of Government (North Carolina: University of North Carolina Press, 2006).
Lenin, V. I, Selected Works (New York: International Publishers, 1971).
Linn, Brian McAllister, The Philippine War 1899–1902 (Lawrence: University Press of Kansas, 2000).
Mabini, Apolinario, “A Filipino Appeal to the People of the United States,” in The North American Review, 170 (January 1900).
__________, “A mis compatriotas,” in Readings in Philippine History, ed. by H. de la Costa, S.J. (Manila: Bookmark, 1965).
—————, Al Pueblo y Congreso Norteamericanos (Barcelona WWW.Linkgua.com, 2007)
__________, Ang Rebolusyong Filipino, trans. by Michael Coroza (Manila: Aklat ng Bayan, 2015).
__________, “Cual es la verdadera mision de la revolucion filipina?” in La revolucion filipina, con otros documentos de la epoca, ed. by Teodoro Kalaw (Manila, 1931).
__________, “In Response to General Bell,” in Philippine Literature: A History and an Anthology, ed. by Bienvenido Lumera and Cynthia Lumbera (Manila: National Book Store, 1982).
__________, “Mabini’s Decalogue for Filipinos,” pamphlet (Washington DC: Philippines Press Bureau, 1922).
__________, The Philippine Revolution, trans. by Leon Ma. Guerrero (Manila: National Historical Commission, 1969).
__________, “The Struggle for Freedom,” in Filipino Nationalism 1872–1970, ed. by Teodoro Agoncillo (Quezon City: R.P. Garcia Publishing Co., 1974).
Majul, Cesar A., Mabini and the Philippine Revolution (Quezon City: University of the Philippines Press, 1960).
Maritain, Jacques, Man and the State (Chicago: University of Chicago Press, 1951).
Marx, Karl, “The Eighteenth Brumaire of Louis Bonaparte,” in Selected Works by Karl Marx and Fredrick Engels (New York: International Publishers, 1968).
Miller, Stuart Creighton, “Benevolent Assimilation”: The American Conquest of the Philippines 1899–1903 (New Haven: Yale University Press, 1982).
Ocampo, Ambeth, Meaning and History (Quezon City: Anvil, 2011).
__________, “Mabini by Mabini,” in Philippine Daily Inquirer (12 November 2012), .
Reyno, Adriano C., The Political, Social, and Moral Philosophy of Apolinario Mabini (Manila: Catholic Trade School, 1964).
Rizal, Jose, Political and Historical Writings (Manila: National Historical Commission of the Philippines, 2011).
San Juan, E., “Apolinario Mabini: Paghamon sa Tadhana,” in Kontra-Modernidad (Quezon City: University of the Philippines Press, 2019).
__________, Maelstrom over the Killing Fields (Quezon City: Pantax, 2021).
Schirmer, D.B. and Stephen Shalom, The Philippines Reader (Boston: South End Press, 1987).
Scruton, Roger, “Virtue,” in A Dictionary of Political Thought (New York: Hill & Wang, 1982).
Sheridan, Richard Brinsley, The Filipino Martyrs (Quezon City: Malaya Books, 1970/1990).
Spinoza, Benedict de, A Theologico-Political Treatise and a Political Treatise (New York: Dover Publications, Inc., 1951).
Strauss, Leo, Natural Right and History (Chicago: University of Chicago Press, 1953).
Tan, Samuel K., The Filipino–American War, 1899–1913 (Quezon City: University of the Philippines Press, 2002).
Veneracion, Jaime, Agos ng Dugong Kayumanggi (Quezon City: Education Forum, 1987).
Zaide, Gregorio, “Apolinario Mabini,” in Great Filipinos in History (Manila: Verde Book Store, 1970).
Zinn, Howard, The Twentieth Century (New York: Harper & Row, 1984).
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY
SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...
-
PAGSUBO K SA ISANG MAPAGPALAYANG PAGKILALA'T PAGTAYA SA SINING NI JOSE CORAZON DE JESUS by E. SAN JUAN, Jr. Dahil sa ma...
-
KONTRA-MODERNIDAD: PAKIKIPAGSAPALARAN SA PAGTUKLAS NG SARILI NATING MAPAGPALAYANG KABIHASNAN Kung ang katotohanan ay matatagpu...
-
ULIRANG HALIMBAWA NI EFREN ABUEG: Tungo sa Mapagpalayang Sining ni E. San Juan, Jr. Kamakailan, bago ipinawalan ang “Morong 43” na biktima...
No comments:
Post a Comment