INTERBENSIYON SA USAPING PANGKULTURA SA OKASYON NG PAGLULUNSAD NG HIMAGSIK (2004), LATHALA NG DE LA SALLE UNIVERSITY PRESS
Ni E. SAN JUAN, Jr.
Magandang hapon sa lahat.
Taos-pusong pasasalamat ang ipinaaabot ko sa patnugutan ng DLSU Press at ng Anvil Publishing sa kanilang suporta sa awtor at sa kulturang Pilipino. At salamat din sa lahat ng mga kasama’t kapanalig na katulong sa proyektong bumuo ng isang mapagpalayang panitikan.
Noong 1988, sariwa pa ang amoy ng pulbura at alingawngaw ng pag-aalsa sa EDSA, inilunsa dito rin sa bulwagang ito (king di ako namamali) ang akda kong Ruptures, Schisms, Interventions sa tulong nina kasamang Fanny Llego at Marjorie Evasco. Bahagi na ito ng kasaysayan.
Noon ding taong iyon lumabas ang kauna-unahang aklat ng mapanuring pag-aaral at kritika sa mga akda ng kayayaong National Artist, si Nick Joaquin. Ang librong tinutukoy ko ay ang aking Subversions of Desire na inilithala ng Ateneo U Press sa tangkilik ni Esther Pacheco. Tiyak na naubos na, matagal na, ang mga kopya ng dalawang libro. Ngunit bukod dito, isang mahigpit na katahimikan o tangkang paglimot, halos katumbas na rin sa isang sensura ng diktadurya, ang pumapaligid sa Subversions of Desire. Mula sa panig ng kaliwa, pagkutya kay Joaquin ang dahilan. Mula sa panig ng kanan, pilistinismo o takot at malalim na konserbatismo, reaksiyong bunga ng piyudal na pagsamba sa personalidad ng awtor sa halip na pagpapahalaga sa kathang-isip o likhang-sining. Sapagkat hindi positibong pagtampok kay Joaquin, ang puna ko ay anatema sa mga taga-hanga. Kaawa-awang artista ng bansa.
Subalit sa pagbaling sa katha, dapat din nating tandaan na may panganib na magayuma tayo sa petisismo sa sining, isang malubhang sakit na reaksiyon naman sa alyenasyon ng buhay sa lipunang nagumon sa konsumerismo. Sa kasaluyuan, naghahari ang komodi-petisismo sa kalakaran ng buhay sa panahon ng walang humpay na globalisasyon. Ang kapitalistang palengke ang saligan ng halaga, atitudo, panlasa, saloobin, pananaw sa mundo.
Sa krisis ng kapitalismo sa mundo, lantad ang pinakamalalang sintomas o katibayan nito,ang giyera laban sa terorismo—aka mga bansang tutol sa U.S. imperyalismo—na pinamumunuan ng E.U., dapat pagnilayan ang mapait na mungkahi ni Walter Benjamin, isang pilosopong Aleman-Hudyo:”Ang bawat likhang sining ay sabayang dokumento ng sibilisasyon at dokumento ng barbarismo.” Sibilisasyon kung tutukuyin ang matagumpay na pakikibaka laban sa nesesidad ng kalikasan, sampu ng karahasan ng namumunong uri sa bawat yugto ng kasaysayan ng lipunan hinati sa uri. Barbarismo naman, sapagkat ang panahon at lakas na ibinuhos sa pagyari ng tula o simponya—ang pagkain at panahong malaya sa paggawa--ay nagmumula sa pagsasamantala, pang-aalipin, panghuhuthot, at pagpigang dugo’t pawis sa katawan ng libu-libong manggagawa’t pesante—ang nakararaming taong walang pag-aari kundi ang kanilang lakas-sa-paggawa. Kasama na rito ang siyam o sampung milyong OFW na bubumubuo ng diyaspora ng Pilipino sa buong mundo. Ang barbarismo ay siyang pagkakait ng kalayaang malasap ang ganda at kaluwalhatiang bunga ng sakripisyo ng milon=milyong biktima na dominasyon ng imperyalismo at kolonyalismo simula pa noong paglalakbay ni Magellan at Columbus hanggang sa Cold War ng nakaraang siglo at giyera laban sa terorismo ngayon.
Halimbawa ng barbarismong partikular ang kolaborasyon ng mga intelektwal sa unibersidad, pintor, manunulta, mga artista sa pelikula,at ibang alagad ng sining sa kalupitan at korupsiyon ng rehimeng Marcos. Paano tayo makapaniniwala na ang panitikan at mapagpalaya o nakaangat mula sa kamyerdahan ng araw-araw na kalakaran kung ang mga National Artist natin ay naging mga bayarang alipores ng diktadurya? O patuloy na taga-suporta sa sistemang bulok? At paano maituturing ang pantayong pananaw na may kabuluhan kung ang “tayo” ay isang mistipikasyon lamang, o kaya ang”tayo” ay kinabibilangan ng mga ganid na minoryang nagsasamantala sa nakararami?
Hanggang ngayon, hindi pa nahuhusgahan ng bayan ang mga kawalang-hiwang pang-aabusong nagawa ng rehimeng Marcos. Wala pang tunay na “settling of accounts.” Ang mga biktima ay wala pang hustisya, patunay nga ng pelikulang Imelda ni Ramona Diaz. Naghahari pa rin ang mga dinastya ng mga trapo, kaakibat ng paghahari ng mga uring kakutsaba ng US imperyalismo—ang mga panginoong maylupa, burokrata-kapitalista, komprador, at mga militar na suhay ng neyokolonyal na sistemang umiiral.
Sa pangwakas, maitanong natin kung ang “tayo” ay maibubukod dahil ito’y gumagamit ng isang wika lamang. Itinanong ako kamakailan, sa isang panayam, kung ano ang wika ng Pilipino. Bagamat hindi pa nga natin alam kung paano maipapakahulugan ang “Pilipino,” susog ko ito.
Ang sagot, walang pasubali, ay wikang Pilipino. Hindi Ingles. Ngunit dapat idugtong kaagad: Tulad ng identidad ng Pilipino, alam natin, ang wikang binuo at nabubuoay bunga ng isang malawakang proseso ng pagbabago,
O sa mas egsaktong kataga, proyekto. Ang wika, tulad ng kalikasan ng subjectivity o kasinuhan ng Pilipino, ay hindi maikakabit lamang sa lugar o lupang sinilangan, rituwal, damit, pagkain, gawi, bagamat lahat iyan ay maituturing na simbolo o sagisag ng identidad. Sa aking palagay, ang wika ng nagsasariling bansa ay wikang ginagamit ng masa sa pakikibaka upang matamo ang dignidad, kalayaan, at tunay na kasarinlan. Sa ngayon, abse sa partikular na kontradiksiyon ng tunggalian ng mga uri, sa atin at sa buong daigdig, dapat gamitin ang lahat ng wika, kung kinakailangan—Ingles, Cebuano, Tausug, atbp, upang maisulong ang dalawang layon: masigasig na politikalisasyon at pag-organisa sa kamalayan, at malawak na mobilisasyon ng nakararami para maisakatuparan ang prinsipyo ating ipinaglalaban:
Ang pambansang demokrasya.
Dapat din tandaan na ang kalaban ay nangungusap din sa ating wika, Ingles man ito o Pilipino. Ang “tayo” ay hindi lamang matitiyak sa bisa ng wika, kundi sa proyektong pampulitika na ating itinataguyod. Ito ang panukat sa identidad.
Kung ito nga ang adhika ng kilusang pang-masa, mabisang makaaabot ang mensahenito sa lalung nakararami sa pamamagitan ng wikang maiintindihan ng nakararami. Ito ang dahilan sa pagpili ko ng Filipino bilang wika ng pakikipag-ugnay at pakikisangkot sa tunggalian sa teritoriyong neyokolonyal. Sa panahong ito ng giyera laban sa terorismo ng estado,terorismo ng imperyalismong Usatmga kakutsabang lokal, ang problema ng identidad, o ng tahanan—“home” sa “borderless world” nina Patricia Evangelista at mga postmodernismong alagad ng globalisasyong kapitalismo—ay nakasalalay hindi sa wika, o sa tangkang magbalik-bayan sampu ng mga Balikbayan Boxes, kundi sa proyekto ng bawat isa kung ano ang kinabukasang kanilang hinahangad at sinisikap-likhain. Saan ka man nanggalin, o paroroon, ito ang dapat maging saligan sa pagtaya sa iyong buhay.
Nawa’y magkaisa tayo sa pagsulong sa kolektibong proyektong maisakatuparan ang katarungang panlipunan, kasarinlan, at tunay na demokrasya’t pagkakapantay-pantay, sa paglinang sa wikang ginagamit ng sambayanan sa araw-araw na pakikibaka. Ito ang layunin ng dalawang librong inilulunsad sa hapong ito. Hindi wika ng mananakop ang sasambitin ko sa pangwakas—Tenk you beri mats—kundi maraming salamat, at mabuhay ang bayang naghihimagsik.
No comments:
Post a Comment