HAMON AT HIMOK TUNGO SA MAPANURING EDUKASYON:
Ilang Panukala sa Okasyon ng Paglunsad ng libro ni Roland Simbulan, A Liberating Education for Filipinos (2018) sa U.P. Manila, 9 Marso 2019
--ni E. San Juan, Jr
Magandang umaga sa inyong lahat.
Matagal na rin kaming hindi nakabalik dito sa UP Padre Faura; magkasama kami sa isang klase sa Literary Criticism ni Prof. Leopoldo Yabes noong 1958 o 1959, panahon ng panghahasik ng binhi ng nasyonalismong inaruga’t pinagyaman nina Claro Recto at Lorenzo Tanada. Katatapos lamang ng debate tungkol sa Rizal Bill noon.
Kritikal ang panahong iyon, ang “Civil Rights struggles’ sa Estados Unidos, rebolusyon sa Cuba, Vietnam, Algeria at “Cultural Revolution sa Tsina, at oposisyon sa diktaduryang Marcos—ito ang milyu na kinagulangan ko.
Mahigit isang siglo na nang mag-aral dito ang mga magulang ko, noong circa 1931-32, kung saan klaeskwela nila ang mga manunulat ng dekada 1930—mga kasapi ng Philippine Writers League bago sumiklab ang Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Itinatag ng Estados Unidos ang Unibersidad ng Pilipinas noong 1908 pagkatapos mabitay si Hen. Sakay at
humupa ang armadong rebelyon. Layon ng bagong panginoon na hubugin ang diwa’t kaluluwa ng Filipino upang maging masunuring sabjek ng imperyo. Tawag doon ay “pacification.” Bukod sa wikang Ingles, ipinataw ang burgesiyang pananaw—indibidwalismo, utilitaryanismo, “white supremacy” o kahigitan ng rasang puti sa lahat.
Nalikha ang “hegemony” o lideratong “moral-intelektwal” ng Amerikanong administration at kawaksing oligarkiya. Bagamat nabawasan ng nasyonallistikong kilusan, nananaig pa rin ang hegemonyang ito. Nagsimula ang dinastiya nina Quezon, Osmena, Roxas, atbp. Patuloy pa rin ito sa neoliberalismong ideolohiyang sumusugpo sa ating pagsisikap matamo ang tunay na kasarinlan at pambansang demokrasya. Patuloy pa rin ang pagsasamantala ng pasista’t neokolonyalistang rehimeng kasabwat ng kapitalismong global.
Ang iskuwelahan, na nakasangkalan sa pamilyang patriyarko, ang pangunahing instrumento sa pagpapanatili ng ordeng neokolonyal. Mabisa pa rin ang iba’t ibang simbahan, lalo na ang iba’t ibang sekta ng Evangelical fundamentalism ng Amerika na ipinakalat dito noong rehimen nina Aquino at Ramos. Kung isasakonteksto ang sistemang pangedukasyon sa kasaysayan ng bayan, maiintindihan na pangunahing punksiyon o silbi nito ay iisa:
Suportahan at pulusugin ang umiiral na tagilid at tiwaling kaayusan— tagisan ng mga uri, sanhi sa di-pantay na dibisyon ng paggawang sosyal at distribusyon ng yamang panlipunan. Ito ang lohika ng imperyalismo at kolonyalismo. Ganyan pa rin ang ginagampanan ng lahat ng institusyong pang-edukasyon sa ating bansa ngayon.
Bawat panahon ay may sariling katangian, bukod sa paghuhunos o pag-inog ng klima ng lipunan sa bawat dekada, siglo at epoka ng kasaysaysan. Bagamat naglaho na ang “Cold War,” patuloy pa rin ang pag-uusig sa mga progresibong kilusan bilang terorista—bagong bansag sa sinumang nagtatanong o may angal sa kalabisan ng gobyerno.
Sintomas ito na ang liberalismong patakarang pinilit ipatupad ng mga institusyong itinayo ng mga Amerikano ay instrumento lamang ng paghahari ng mga pribilehiyong pangkat ng panginoong maylupa’t komprador-burokratikong saray. Halimbawa nito ang sistema ng eleksiyon. Buhat pa noong 1916 Asamblea nina Osmena & Quezon hanggang ngayon, ang mga dinastiya ang may hawak ng kapangyarihan.
Hindi katakataka. Bunga ito ng masugid na paghubog ng kaisipan, sensibilidad at ugali ng mamamayan sa bisa ng instrumentong pangideolohiya, lalo na ang edukasyon. Pangunahing aral na ikinintal ay halaw sa karanasan ng burgesya sa Kanluran: ang lipunan ay binubuo ng mga indibidwal na nagtataguyod ng makasariling interes, walang pakialam sa kapakanan ng lahat. Sa katunayan, ang lipunan ay binubuo ng mga uring nagtatagisan sanhi sa di-pantay na paghahati ng yamang likha ng buong pagsisikap ng lahat. Lumipas na ang “laissez-faire,” ang yugto ng neoliberalismong umiiral ngayon ay puspos ng mabangis na kompetisyon ng mga pangkat ng kapitalismong global.
Dahas ng Estado ang susi sa hegemonyang umiiral. Ang Estado ay sandata ng kapitalstang bansa na taglay ang “hegemony” ng kaisipang
ipokus ang isip sa paglaki ng tubo at pamamayani ng IMF-WB at sistemang pampinansiya na nakapako sa dolyar. Ipit na ipit ang mga bansang atrasado at neokolonyal, tulad ng Pilipinas, na walang industriya’t depende sa monopolyong pampinansiyal at ibang Kanlurang consortium ng mga bangko.
Bagamat lipas na ang “free market economics,” kompetisyon ng bawat pangkat, nariyan pa rin ang kaisipang liberalismong kinakasangkapan ng makapangyarihang sektor ng kapitalismong global upang mapangalagaan ang malaking tubong inaani mula sa maralitang anak-pawis ng buong mundo.
Mabuting itala na ang paglulunsad natin ng libro ni Prof Simbulan ay nangyayari sa gitna ng malalang gulo ng mundo. Naglalaban ang mga bansa sa pagkontrol sa hilaw na materyales (tulad ng langis, gas, mineral na kailangan sa mga kompyuter, atbp) at pagdikta sa sirkulasyon ng lakas- paggawa o human resources. Matingkad na kontradiksiyon sa pagitan ng Europa at Amerika, Rusya at Tsina. Mabagsik pa rin ang imperyalismong U.S. na nagbabantang ngayong lusubin at sakupin ang bansang Venezuela, tulad ng panghihimasok nila sa maraming bansa sa Timog Amerika, sa Middle East, sa Aprika, atbp. Sakop pa rin tayo bilang neokolonya ng U.S. na lubog sa isang malubhang krisis ng kapitalismong global. Matinding pagtatagisan ng mga kapitalistang poder—U.S., Tsina, Rusya at EU—ang siyang lumiligalig sa buong daigdig at sadyang sumisira sa ekolohiya ng buong planeta.
Nasa mapanganib na krisis rin ang ating bansa. Ang usapin ng edukasyon—anong mabuting uri ng edukasyon ang dapat nating paunlarin o palusugin?—ay hindi maihihiwalay sa sitwasyong pangekonomiya’t politika ng buong bansa sa gitna ng labanang internasyonal. Masigasig ang paggamit ng Estado at mga ahensiya nito (armi, pulisya, hukuman, Internet) upang itaguyod ang interes ng iilan—sa balat-kayo ng “war on drugs.” Dahas, bayolensiya ng Estado, ang namamayani. Konsumerismong hilig at pasibong saloobin ang ipinapalaganap. Tanggapin ang awtoridad ng Estado, huwag sawayin o punahin ang utos ng makapangyarihan, ipagpaubaya ang pangangasiwa ng iyong buhay sa naghaharing pangkat. Ginagawang hayup na kumakain at nagpapahingalay ang bawat mamamayan.
Sa lipunang malalim ang dibisyon ng mga uri, hiwahiwalay ang aktibidad ng tao, mabigat ang alyenasyon at pragmentasyon. Klasikong sintomas ng pangungulila, droga, karahasan, “mass shooting, krimen, atbp ang bumabalot sa kanlunsuran. Sa atin, ang kampanya laban sa droga, dagdag ang korapsyon ng burokrasya, ay tanda ng kabulukan ng ideolohiyang liberal. Ang di-umano’y demokrasya sa gobyerno ay kinulapulan ng piyudalistiko’t mapagsariling paniniwala’t praktika. Magkasanib ito sa pagsawata sa mga radikal at progresibong kaisipan na nagbubunyag ng katotohanan. Ano ang dapat gawin?
Ang sangay ng edukasyon—iskwela, lalo na ang pamantasan—ay hinirang ng sinaunang kabihasnan (klasikang Gresya, Renaissance, Kaliwanagan o Enlightenment) na magsaliksik at magturo ng paraang maisasaayos ang kakayahan at kagalingan ng sangkatauhan. Sa aralin sa
pamantasan, mapag-uusapan sa rasyonal na proseso, sa makatwirang sistema ng argumento at diskusyon, ang paraan ng pag-unlad ng kabatiran at ang paggamit nito sa ikabubuti ng tao at lipunan. Sa tradisyong humantong kay Thomas Aquinas (mula sa pilosopiya nina Aristotle at San Agustin) at sa kaisipang bunga ng rebolusyon sa Pransiya, sumilang ang burgesyang pananaw. Ang bersyon ng makatwirang pakikipagtalasan o panunuring rasyonnal ay hinasa sa unibersidad at pinagyaman sa disiplina ng agham pang-kalikasan.
Ang liberalismong edukasyong itinayo sa atin ay nakasalig din sa tradisyon ng Enlightenment (Rousseau, Voltaire, Kant, Locke). Iyon ang isinadibdib nina Rizal, Del Pilar, Bonifacio, Jacinto, Mabini, Isabelo de los Reyes, at mga unyonista. Nakaabot sina Hegel, Bakunin, Marx at Engels sa mga kasamang Isabelo de los Reyes, Lope K. Santos, Crisanto Evangelista at Pedro Abad Santos. Nagkaroon ng kaunting pagsasanay sa diyalektikong argumento. Sinikap ilapat at sanayin ang mga mag-aaral sa aksyoma ni Kant: “Magpunyaging mag-isip upang maging malaya at hindi maakay o sumangkalan sa iba.” Naisakatuparan ba ito ng ating sistema ng edukasyong neokolonyal, na kadalasan ay nakatugma sa gawaing pangnegosyo o pangkatesismo?
Malayo na rin ang narating ng progresibong kilusan sa edukasyon mula pa sa integrasyon ng paaralan sa komunidad na susog ni John Dewey hanggang sa praktika ni Paulo Freire at “critical pedagogy’ ng mga radikal na guro sa Kanluran. Dapat hindi na sundin ang “banking” metodo ng pag-aaral; bangkarote na ang empirisismong bulgar pagkaraan ng tuklas nina Thomas Kuhn at iba pang saliksik hinggil sa paradigm-shift at
istrukturalistang analisis ng dalumat at malay. Pinakamahalaga sa aralin ang pagbuo ng mga konsepto at diyalektikang paghinuha, deduksiyon at induksiyon, at hypothesis formation & pagsubok o pagsusulit sa ebidensiyang magpapatunay o magpapalso sa hypothesis.
Ayon kay MacIntyre, walang konsensus o kasunduan ang mga kasapi sa imbestigasyon tungkol sa halaga o kabutihang hinahangad. Walang kausunduan sa istandard o pamantayang maghahatol kung tama o mali ang mga argumentong sinusunod ng mga usaping moral. Sa kuro- kuro ni Alasdair MacIntyre, watak-watak ang mga paksang sinisiyasat at pinag-aaralan, at sabog ang layon o adhikaing gumagabay sa mga partisano ng sari-saring pananaw. Puna ni Mcintyre na hindi binibigyan ng sapat na pagkakataon sa mga pamantasan ang mga ibang paniniwala’t pangitain na sumasalungat sa establesidong pananaw, tulad ng “Thomistic tradition” at “Nietzschean genealogy,” sampu ng pagtatagisan ng mga ito. Halimbawa, ang paksa tungkol sa katotohanan at reyalidadl, ang pagkakaiba ng mga ideya tungkol sa sarili/identidad at posisyon nito sa komunidad at responsibilidad nito.
Pakiwari ko, may kunwaring pluralismo sa unibersidad sa Kanluran. Gayunpaman, nangingibabaw ang instrumentalismong pananaw na kalakip ng indibidwalismong sumusuhay sa komersiyo, lohika ng tubuan ng kapital, pagpapalitan ng produkto, atbp. Hanggang hindi lumalabag dito, pwede kayong umisip ng anuman—ipagbunyi sina Nietzsche, Bakunin, Lenin, Mao, Che Guevarra, atbp.
Dagdag ni MacIntyre sa kaniyang diskurso, Three Rival Versions of Moral Enquiry: “There are rival narratives of how the self acts either in recognizing its telos or in seeing through and discrediting any notion of telos; and inseparable from these three [topics referred to above] are rival conceptions of human goods and how and if they are ordered” (1990, 239). Nais ni McIntyre na paglimiin natin ang proposisyong ito: “the university as a place of constrained disagreement, of imposed participation in conflict, in which a central responsibility of higher education would be to initiate students in conflict” (230-31). Sa ibang salita, nais ni Mcintyre na ipasok ang debate ng mga nagkakatalong pananaw-sa-mundo—ang Encyclopedist, Genealogical, at Thomistic tradition—na minana sa pagsulong ng kabihasnang Judaeo-Romano sa Europa.
Ang sitwasyong inilarawan ni MacIntyre ay bunga ng kapitalismong globalisasyon di lamang sa Kanluran kundi sa buong mundo. Ang tinaguring “pluralism” ay katangian ng “free market of Ideas” na ideolohiya ng hegemonyang burgis, na ideyalistikong ilusyong tiwalag sa materyal na produksiyon at reproduksiyon ng lipunan.
Makatuturan bang ilapat ang mungkahi ni McIntyre sa ating kalagayan? Sa palagay ko, dapat isaalang-alang ang kolonisadong kasaysayan ng ating bayan at ang magiting na pagsisikap matamo ang kalayaan at kasarinlan upang maugitan ang pagsulong ng ating kabihasnan at pagkatao, Hindi pa makagpareho ang tatlong daluyan ng kaisipang dinaliri niya. Una, ang Thomistic tradisyon ay nakaangat pa rin sa Encyclopedist o siyentipikong bugso ng kaisipan na itinaguyod ni Dr. Ricardo Pascual at mga kapanalig na positibistikong pilosopo; at ang
Genealogical ay bihirang matagpuan—sino na, bukod sa makabagong dalubhasa sa sosyolohiya o antropolohiya, ang mga disipulo ni Nietzsche— sina Duterte at mga alipores? Baka sakali—“will to power” ang islogan nila kaya? Sa katunayan, si S.P. Lopez ang kauna-unahang Filipinong nagsulat ng disertasyon tungkol kay Nietzsche noong dekada 1930. Walang larangan sa publikong lunan na magkapantay ang nagbubungguang pananaw na dapat suriin at pagtalunan sa gitna ng karnabal ng mga haluhalong “lifestyles” o “performative acts.”
Sa tingin ko, ang kailangan ay isang historiko-materyalistikong paglagom sa ating karanasan bilang komunidad, isang kolektibong pwersa sa kasaysayan. Mula sa turo ni Marx sa “Theses on Feuerbach’ na konsiderahin ang praktikang maradamin (sensuous practice) ng indibidwal na pangunahing saligan ng anumang proyektong baguhin ang mundo. Dapat iwaksi ang makitid na empirisistikong dalumat at laging isakonteksto sa kasaysayan ang anumang kilos, gawa, o praktika. Ang sosyedad ay ugnayan ng mga uri o pangkat, hindi ng mga lumulutang na kaluluwa.
Binigyan ito ng kongkretong hugis ni Antonio Gramsci. Sa Gresya, ang panuntunan sa pilosopya ay “Know thyself” o “Pagkaalamin o tarukin mo ang iyong sarili.” Subalit ano itong konsepto ng sarili, tanong ni Gramsci. Hindi ba ito kalipunan ng sapin-saping kodigo at senyas kung saan ang susi ay nawaglit o nawala at dapat hanapin o gumawa ng panibagong susi: “The starting-point of critical elaboration is the consciousness of what one really is, so that “knowing thyself” is a product of the historical processes to date, which has deposited in you an infinity of traces, witthout leaving an inventory. Therefore it is imperative at the outset
to compile such an inventory.” Kung wala, lubog tayo sa “morbid symptoms” na katangian ng krisis, sa pagitan ng nagunaw na mundo at mundong sumisibol sa madugong kalakaran. Nakapuwesto tayo sa singit o puwang na ito.
Ang proseso ng pag-analisis kung anong mga pwersang historikal ang bumugso sa ating karakter, at sa ating sosyedad, ay tinawag ni Freire na “conscientisacion.” Ibig sabihin, ang pag-uugnay ng kamalayan at praktika, ng isip at gawa, sa kolektibong kilusan upang mabago ang ating kapaligiran.
Ito rin ang binansagang “Cultural Revolution” sa Tsina noong dekada 1960, kaalinsabay ng 1968 Paris uprising, at ang ating First Quarter Storm 1970. Sa mga postmodernistang akademiko, ang ideya ng “rebolusyong pangkultura” ay ibinasura. Pinalitan ng vogue ng “globalization,” na katumbas ng Disneyfication ng buong mundo. Globality raw ang uso, hindi na demokrasyang pambansa na sigaw ng masa. Kaululan iyon.
Ang kultura ay hindi isang tambak ng mga produkto—musika, libro, pintura, atbp, na maisasaulo at maaaring “regurgitate” upang pumasa sa eksam o interbyu para magtrabaho. Ang kultura , ayon kay Gramsci, ay hindi maalikabok na imbentaryo ng datos, petsa, impormasyong hango sa encyclopedia, Wikipedia, Google, o aklatan. Marami ang nagmamalaki na memoryado nila ang maraming detalya ng anumang bagay, mga pagsusuma o lagom na mapupulot sa Internet o encyyclopedia. Inimbento nina Diderot at Voltaire iyon upang lunasan ang kamuwangang ipinamarali ng Simbahan noong Medya Siglo hanggang Siglo 1700. Ito’y isa na
namang kabalastugang likha ng maka-bangkong sistema ng pag-aaral na kinondena ni Freire. Batay ito sa lohika ng pamilihan/palengke kung saan akumulasyon ng tubo ang nais ng negosyante.
Kaiba ang dalumat ni Gramsci sa kultura. Ang kultura ay organisasyon, disiplina ng saloobin, ang pagkasapul sa layon o direksiyong gumagabay o umuugit sa ating personalidad o pagkatao—isang matalas na kabatiran o pagkaalam ng ating halaga bilang tao sa kasaysayan, ang katungkulan natin sa buhay, pagkasipat sa ating karapatan at obligasyon. Sa buod, ang kultura ay pag-aruga at pagkalinga sa ating kamalayang pangkasaysayan —“historical awareness”—isang sensibilidad na sensitibo sa daloy ng mga pangyayari, hindi lamang ng aring sariing kamalayan kundi ng ating lugarr at partisipasyon sa tiyak na mga sagupaan sa ating lipunan. Magtataglay ang kabatirang ito sa mga naratibo ng ating paglalakbay na binabalangkas natin habang tayo’y lumalahok sa pakikibaka tungo sa pagtatamo ng hustisya at awtentikong soberanya.
Sa huling pagtutuos, ang rebolusyong pangkultura, na umiinog sa bawat sandali, ay saksi sa kagalingan o kakulangan ng ating edukasyon— ang paghugot (educere, sa Latin) mula sa ating likas na potensiyal, ang kapangyarihang bukal sa tao bilang hayup na may rason at imahinasyong magmapa ng mga bagong daigdig, bagong proyekto, mula sa nalikhang sibilisasyon ng sinaunang lipunan. Walang katapusan itong materyal na pakikipagsapalaran ng Espiritu ng sangkatauhan—habang ang planeta ay hindi pa nadudurog at nawawasak ng kapitalismong global.
Sa paglagom, ang nais kong ipahatid dito—bukod sa pagtangkilik ninyo ng libro ni Prof Simbulan at pagbasa nito sa isang kolektibong pag- aaral-- ay ito:
Tingnan natin ang sarili bilang produkto ng masalimuot na pwersa sa kasaysayan. Maraming bagay ang nagkasalok upang bumuo ng ating pagkatao, malay, dalumat, budhi. Upang mabatid kung sino tayo at saan tayo pupunta, kailangang bumalangkas ng imbentaryo o tala ng mga elemento at sangkap na, sa iba’t ibang kongkretong yugto ng ating buhay, ay siyang humugis at nagbigay-anyo o kahulugan sa ating pagkatao at kamalayan. Ito dapat ang layon ng edukasyon saan mang lugar, sa loob o labas ng pormal na institusyon ng pamantasan o iskwela.
Samakatwid, itaguyod ang rebolusyong kultural sa bawat sandali! Itaguyod ang kultural rebolusyon sa buong bansa!
Huling kataga: Tayo ay komunidad na may gunita at pananagutan, isang kolektibong ahensiyang sumasagot sa sangkatauhan. Sa turing ng mga dayuhan, tayo ay natatanging bansa sa Asya na taglay ang mahaba’t matibay na rebolusyonaryong tradisyon. Ipagkapuri natin ito sa paraan ng pag- sisiyasat sa posisyon natin sa lipunan, sa ating karapatan at tungkulin, at kung ano ang ating maihahandog bilang tulong sa pagkamit ng kalayaan, kasarinlan at kabutihan ng lahat. Simpleng habilin, kumplikadong —isang hamong hindi ka pababayaan.
Maraming salamat po sa inyong pakikinig.—##