PANITIKAN SA GILID NG BANGIN: Diskurso sa TABOAN, 2014 --
ni E. SAN JUAN, Jr.
Polytechnic University of the Philippines
1. Kung sa anong dahilan, inatasan akong ilarawan ang situwasyon ng literatura--mas tumpak, ng awtor-- sa bingit o gilid...Ngunit bakit natulak dito? Hindi maihihiwalay ang gilid sa gitna; kapwa pook ng relasyon o ugnayan. May saysay pa ang mag-usisa kung ano ang diyalektikang proseso nito, ang pinagmulan at kahihitnan. Paano babansagan ang bawat hati ng panahon upang makatiyak sa ating pinanggalingan at patutunguhan? Nasaan tayo sa temporalisasyon ng kasaysayan?
2. Siyasatin natin ang mapa ng panahunan. Tanggap ng lahat na pagkatapos ng krisis noong 1970, minarkahan ng pagkatalo ng U.S. sa IndoTsina, nagbago ang mundo sa pag-urong ng Unyon Sobyet sa antas ng "booty capitalism." Sumunod ang Tsina at Biyetnam, ngayo'y mahigpit na kasangkot sa pandaigdigang ikot ng akumulasyon ng tubo. Pumasok tayo sa panibagong yugto pagkaraan ng 9/11, ang pagwasak sa Twin Towers, New York; at paglunsad ng digmaan laban sa tinaguriang "teroristang" Al-Qaeda sa Iraq, Afghanistan, Pakistan, Yemen. Nasa bingit tayo ng giyera laban sa Rusya at Tsina, sa gitna ng away sa Syria, sa dagat Tsina, kasangkot ang Spratley at mga isla sa pagitan ng Hapon at South Korea.
3. Samantala, maalingasngas ang usapin ng NSA surveillance, ng isyung nuklear ng Iran, pagpaslang ng sibilyan sa pamamagitan ng drone, atbp. Talagang tumitingkad ang krisis ng kalikasan, sampu ng paglusaw ng yelo sa Timog at Hilaga. Penomenal ang Yolanda, baha, lindol, bagyo sa Mindanao, at iba pang sintomas ng epekto ng kabihasnang pinaiinog ng exchange-value, salapi, tubo. Tanda ba ito ng bagong epoka, o pag-uulit lamang ng nauna at walang progresyon.
Para kay Martin Heidegger, repetisyon ng tradisyon at mito ng lahi ang dulo ng pagpapasiyang umiral sa harap ng takdang kamatayan. Para kay Walter Benjamin, ang kasukdulan ng panahon ay pagputol sa repetisyon--sa opresyon at kahirapan--sa katuparan ng Ngayon, pagpapalaya sa pwersang sinupil o sinugpo sa araw-araw upang maligtas ang lahat.
4. Isang tugon sa giyerang pinamunuan ng USA ang riff ng yumaong Amiri Baraka, "Someone Blew Up Amerika" Kung may cybercrime law, tiyak na hinuli na ang makata. Matinding binatikos si Baraka, ngunit hindi natinag ito. Malago't matatag na ang tradisyon ng rebelyon ng grupong ito mula pa itinda ang nahuling katawan ng mga Aprikano sa pamilihan ng mga negosyante ng mga esklabos, ang simula ng kapitalismong global.
Ang barikada ng pagtatanggol ng karapatang magpahayag ay binabalikat ng mga manunulat sa larangang sinakop--Palestina, Iraq, Afghanistan, Libya, Yemen--at bansang patuloy na pinagnanakawan ng likas-yaman, tulad ng Pilipinas, Mexico, Columbia, at maraming bansa sa Aprika at Timog Amerika.
5. Nakapagitna ang taumbayan dito, hindi nasa gilid, bagamat ang sining/panitikan na may ambisyong tumiwalag sa gulo't kagipitan ng karaniwang tao ay naging luxury item. "Tubo ko'y sa sariling pagod," sabat ni Balagtas. At karamihan sa may mapanlikhang kakayahan ay napilitan o malugod na sumanib sa korporasyon at burokratang institusyong kumalinga't gumamit sa kanila. Nireplika ang sinaunang tungkulin ng mang-aawit ng tribung purihin ang hari at pagsilbihan ang makapangyarihang dinastiya o angkan.
Lumang tugtugin na ito buhat ng ihudyat nina Flaubert at Baudelaire ang pagkabagot at pagkasuka nila sa kamyerdahan ng kanilang burgesyang lipunan. Posible lang iyon sa artisanong may kasarinlan sanhi sa pag-unlad ng pamilihan. Iyon ang ugat ng modernismong kilusan na di umano'y hinalinhan ng postmodernista't postkolonyalistang pananaw sa huling dekada ng siglo 20. May sariling pinagkukunan na ba ang postmodernistang artista? Sino ang awdiyens niya, paano siya nabubuhay?
6. Sa umpisa ng bagong milenyo, postmodernistang pastiche at pinaghalong genre/sangkap pa ba ang gawi? Hindi ba nagbago na ang pangitain, hilig, panlasa ng publiko sa matinding dekonstruksion at demistipikasyon nina Marx, Freud, Nietzsche? At pantay-pantay ba lahat ng tendensiya sa sining?
Sa tingin ko--tema ng pagsisikap ng avant-garde programa ng suryalismo, sitwasyonista, konseptualista, atbp.--ay talakayin ang problema: paano matatamo ang liberasyon ng pang-araw-araw na buhay, ang ordinaryong karanasan, sa komodipikasyon nito, sa isang banda, at sa pag-uulit-ulit nito upang manatili ang paghahari ng ilang nagmamay-ari. Paano mabubuwag ang bakod na humahati sa sining at lipunan, sa artista at karaniwang mamamayan?
7. Bumalik tayo sa ilan temang nakakawing sa problemang napasadahan na. Saan man mauwi ang kabihasnan, sa barbarismo o sosyalismo (ayon kay Rosa Luxemburg), kuro-kuro ng iba, magpapatuloy ang panitikan hanggang may wika o diskurso, kahit wala nang awtor. Di ba laos na ang awtor, ayon kina Barthes at Foucault, ngunit nariyan pa rin ang ecriture, sulatin, senyas/tanda o marka.
Sa bisa ng artikulasyon ng mga senyas nabubuo ang kahulugan, ang diyalogo ng awtor at mambabasa. Marahil, ang opinyong ito ay ebidensiya ng sakit ng optimistikong utak at pesimistikong damdamin.
8. Totoo ngang malubha ang lagay ng kalikasan ngayon, lubhang napinsala ng mapanirang sistema ng kapitalismong industriyal mula pa isilang ito noong 16 dantaon. Ginahasa ang kalikasan sa walang humpay na pagmimina at inalipin ng mga konkistador ang mga katutubo upang hakutin ang likas-yaman sa mga kolonya't gawing kapital sa akumulasyon ng tubong walang lohika o katwiran kundi kasakiman sa kapangyarihan. Kaya nga, mariing kinundena ni Dante sa Divina Commedia ang mga usurero at mga negosyante ng mapagkunwari o mandarayang gawa.
Isinangla nga ni Doktor Faustus ang kaluluwa upang maging diyos habang hinahabol ang magayumang kariktan ni Helena, ang ideyal ng kagandahan.
9. Sumunod ba ang artista, ang manunulat, sa landas na hinawan ni Doktor Faustus at nagkamal ng dunong at dangal sa kanyang panitik? Sinubaybayan ni Thomas Mann ang papel na ginampanan ng manunulat bilang nabighaning alagad ng pasistang lakas sa Europa noong krisis ng imperyalismo noong dekada 20-30 ng nakaraang siglo. Sa kabilang dako, inihayag naman ni James Joyce ang radikal na vocation ng artista bilang tagapanday ng konsiyensiya't budhi ng kanyang lahi. Si Joyce ay tubo sa Irlanda, kolonya ng Inglatera, na may mahaba't mayamang tradisyon ng himagsikan laban sa mananakop.
Naisusog na ilang historyador na ang panitikang Ingles, English Literature, ay imbensiyon ng mga kolonisadong sabjek tulad nina Joyce, Yeats, Shaw, O'Casey, Beckett, at iba pang nakaluklok sa gilid ng imperyo.
10. Sa imperyalistang bansa, ang perspektiba nina Mann, Andre Gide, Malraux, at nina TS Eliot, Ezra Pound, Virginia Woolf, atbp ang namayani. Samantalang sa bayang sinakop, ang prinsipyong tumututol at gumagala ni Joyce at Kafka ang nakanaig, simbolikong pagsalungat sa alyenasyon at mabangis na digmaang nagparusa sa daigdig noong unang bahagi ng ika-20 siglo. Sumunod sa kanilang yapak ang postkolonyalistang manununulat tulad nina Gabriel Garcia Marquez, Chinua Achebe, Salman Rushdie, Wole Soyinka, atbp.
11. Palasak nang itanong sa mga akademikong kumbersasyon: Lumipas na ba ang krisis ng modernismong estetika sa tagumpay ng Estados Unidos at mga kaalyado sa WW2 at nahalinhan na ba ng postmodernismong pananaw, estilo at paraan ng pagkilatis at pagpapahalaga sa sining? Ano ang hinaharap ng makabagong awtor sa panahon ng kapitalismong global, na inuugitan ng neoliberalismong ideolohiya, sa gitna ng giyera laban sa terorismong tutol sa hegemonya ng Kanlurang bansa? Nasa bingit ba ng kung anong sakuna o kapansanan ang manunulat?
12. Bukod sa lugar, anong yugto o antas ng panahon ng kasaysayan ang lagay natin? Ito ang pinakaimportanteng paksang dapat pag-aralan at saliksikin upang matuklasan kung ano ang kinabukasan ng literatura, partikular sa Pilipinas bilang neokolonyal na pormasyong natatangi sa Asyang maunlad at industriyalisado. Pwede ring magkibit-balikat at sabihing walang mapapala sa ganitong pagmumuni, mabuti pang sumulat ayon sa dikta ng puso at hilig ng sensibilidad. Ok lang....
13. Ating balik-tanawin ang predikamento ng mga awtor sa ating kasaysayan. Noong panahon ng krisis ng kapitalismong monopolyo noong dekada 1930-40, nahati ang pulutong ng petiburgis na intelihensiya sa dalawa: ang taga-suporta ng "art for art's sake," sina Jose Garcia Villa, A.E. Litiatco, atbp, laban sa progresibong grupo nina Salvador Lopez, Federico Mangahas, Arturo Rotor, at Teodoro Agoncillo. Ang dibisyong ito ay repleksiyon lamang ng paghahanay ng iba't ibang saray ng lipunan sa ilalim ng kolonyalistang rehimeng Komonwelt.
Sa kabuuan, ang manunulat sa wikang bernakular ay kapanalig ng mga progresibong lakas ng anak-pawis at intelihensiyang nakaugat sa masa. Hanggang ngayon, ang wika ay larangan ng pagtatagisan ng samut-saring sektor sa lipunan.
14. Nakaayon ang situwasyon ng awtor sa institusyonal na aparatong pang-ideolohiya: lathalaing pangmadla, iskwelahan, burokrasya, atbp. Bagamat sunuran lamang ang rehimeng Quezon at mga oligarko sa utos ng Amerikanong amo, populista at makabayan ang dating ng kanilang mobiisasyon. Sinupil ni Quezon ang mga komunista. Ngunit nang lumaking panganib ang pasismo sa Europa at Hapon, napilitang humingi ng tulong si Quezon sa mga organisadong lakas ng manggagawa't magbubukid. Napilitang itaguyod o kaya'y akitin ang mga kasapi ng Philippine Writers League na nakikiramay sa pakikibaka ng mga anak-pawis. Sa paglalagom, hindi Doktor Faustus kundi Stephen Dedalus, o kaya mga karakter nina Turgenev at Gorki ang prototipo ng mga awtor noon.
15. Kung sa bagay, sumasalamin lamang ito sa matibay na pagsanib ng intelektwal (ilustrado) sa mobilisasyon ng taumbayan, tulad ng inasal nina Rizal, Del Pilar at mga Propagandista, hanggang kina Lope K Santos, Faustino Aguilar, Jose Corazon de Jesus, at Benigno Ramos. Samakatwid, kung nakabungad sa krisis, nakasandal o nakasalig ang kapalaran ng awtor sa kalagayan ng madlang tumatangkilik sa kanyang akda.
Sanhi sa di-pantay at masalimuot na pagsulong ng ekonomiyang pampulitika, sa aking palagay, hindi malalim o maselan ang agwat ng awtor sa mga institusyong publiko na naglilingkod sa madla--liban na lamang sa mga akademikong milieu nina Villa, Arcellana, atbp. Gayunpaman, salungat din ang estetikong pormalismo nina Villa at mga kapanalig sa instrumentalismong kultura ng korporasyon at materyalistikong konsumerismo ng metropole.
16. Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, halos lahat ng manunulat ay kalahok sa pakikibaka laban sa pananakop ng mga tropang Hapon. Noong liberasyon, ang dalawang arketipo ng awtor ay kinatawan nina Amado Hernandez, peryodista at unyonista, at Alejandro Abadilla, huwaran ng indibidwalistikong manlilikha ngunit partisano ng wikang pambansa.
Batay sa karanasan ni Abadilla sa Amerika noong dekada 20 at sa bukod-tanging okupasyon niyang maliit na negosyante, humiwalay si AGA sa kalakarang pakikisangkot at tumambuli ng kanyang personal na pagtingin sa tradisyong itinuring na makaluma, konserbatibo, de-kahon o nahuhuli sa takbo ng panahon. Ito ang padron ng avant-garde: gawing bago ang akda, tumalikod sa nakaugalian, baklasin ang lumang regulasyon at panuntunan, gibain ang bakurang humihiwalay sa sining at madla.
Ang temporalisasyon ng kasaysayan ay pag-uulit ng nakaraang karanasan. Ngunit sino ang sumusukat o tumitimbang sa agos ng panahon at paano ito nababansagan na makaluma o makabago?
Makatatakas ba tayo sa rutang siklikal? Makaiiwas ba tayo sa bingit o gilid sa ibang konseptuwalisasyon ng makabago, ng modernidad, ng kontemporaneo?
17. Ito ang dapat talakaying maigi--ang temporalisasyon ng historya at uri ng modernidad na nadalumat at isinakatuparang isatitik o isatinig--upang maipaliwanag ang kinabukasan ng awtor sa gitna ng krisis ng buong lipunan. At ang krisis na ito ay di pansamantala lamang kundi permanente, batay sa buod ng sistemang kapitalista: ang walang hintong pagbabago ng paraan o mekanismo ng produksiyon, ang walang tigil na pagsulong ng imbensiyon ng mga gamit sa produksiyon, ng teknolohiya, at mga produktong ipinagbibili sa pamilihang pandaigdig. Ito ang saligan ng modernidad, ng mabilis na pag-iiba at transpormasyon ng mga bagay-bagay at kapaligiran.
18. Dumating na tayo sa epokang digital at mabilisang komunikasyon. Sa yugtong ito ng kapitalismong nakasalig sa teknolohiya ng kompyuter at dagling impormasyon, nasaan ang posisyon ng awtor? Kahit man tumutol sina Arundati Roy o Harold Pinter sa imperyalistang karahasan sa Iraq, Afghanistan, Yemen, o sa bilangguan sa Abu Ghraib at Guantanamo, ginawa na bang instrumento lamang ang salita, wika, diskurso, sa program ng World Bank/IMF at WTO? Saan nakapuwesto ang awtor sa malalang krisis ng neoliberalismong mapang-usig? —##
Lektyur sa TABOAN, Subic Freeport Zone, Zambales, Feb. 24-26, 2014
No comments:
Post a Comment