Monday, April 23, 2018

PAMBUNGAD SA BAGONG LIBRO NG MGA TULA, BAKAS ALINGAWNGAW (2018)


PAMBUNGAD NA SALITA sa librong BAKAS  ALINGAWNGAW
ni E. San Juan, Jr.

Mukhang isang parikala ang bumungad sa gitna ng rumaragasang agos ng kasaysayan—mantakin natin, mga kasama-- upang matuklasan lamang na bumuntot lamang tayo sa daloy ng mga pangyayari. Kaunting pasensiya. Panahon ang nagbibigay-kahulugan sa lugar, sa bigat at lawak  ng distansiya. 

Naisaad nga ni Hegel na lumilipad lamang ang kuwago ni Minerba paglatag ng dapithapon. Tila bumabangon ang malay at diwa sa paglambong ng takipsilim, na siya namang ating uunawain na sagisag ng darating na bukang-liwayway. Umiinog ang panahon, umaandar ang makina ng kasaysayan at buhay ng lipunan. Balik-tanawin natin ang ilang muhon sa ating paglalakbay.

Naratibo ng Naglagalag

Iyan tila ang pahiwatig ng makatang nais subaybayan ang mga bakas ng manlalakbay. Sa pagtuntun sa baybayin, nais hulihin ang alingawngaw ng mga tumatawid sa ilog at parang. Matagal na rin tayong sumabak sa pakikihamok, sa gunita noon pang lumundo ang huling hati ng siglong lumipas. 
Naitipon sa antolohiyang Alay sa Paglikha ng Bukang-liwayway (limbag din ng Ateneo U Press) ang mga unang pagsubok sa pagbuo ng makabagong ars poetica ng wikang Filipino—anti-poetika, sa ultimong mithiin ng pakikipagsapalaran.  Tinangka roon sa unang paglaot ng abenturero na itakwil ang nakaugaliang pagbibilang ng pantig at paghahanay ng tugma na hiram sa kulturang Kanluran (Espanya). 

Tinaguriang “Balagtasismo” ang doktrinang iginiit nina Lope K. Santos, Inigo Ed Regalado, Julian Cruz Balmaseda, atbp. (Zafra). Nagbunga iyon ng kulinaryong putahe (tulad ng “Sa Tabi ng Dagat” ni Ildefonso Santos at mga kontemporaneong salamangkero ng salita (Devilles 122-23). Nagsilbi iyon bilang mga instrumento ng ideolohiyang piyudal at burgis na dapat itakwil upang mapalaya ang dinustang sambayanan. Subalit nag-uumpisa pa lamang ang pag-aalsa. Patuloy pa rin ang pagyari ng magayumang likhang-sining, komoditing makamandag na kinagigiliwan ng madlang konsumerista, marikit na produktong sandata ng mapaniil at mapagsamantalang hegemonyang imperyalismo na umiiral sa buong daigdig. 

Sa kontekstong ito, mungkahi ng kritikong Bienvenido Lumbera na dapat kilatisin ang “dating” ng likhang-sining upang matimbang ang galing nito na hugot sa katutubong kalinangan. Ngunit depende ito sa bawat okasyon. Tanggap natin na di lahat ng katutubo ay makapagsusulong sa rebolusyonaryong pagbabago. Madalas sagabal iyon sa makabayang proyekto. Humahantong ang ibang subersyon sa pagpapatiwakal, naisusog ni Sartre. Bakit kakatwa o paradoksikal ang bisa ng mga matandang pamantayan at alituntuning tinuligsa nina Alejandro Abadilla at Amado Hernandez, at mga kabataang humalili? Bakit tumutulong iyon sa pagpapalakas at pagpapatindi ng kolonisadong ugali, lasa, hilig at paniniwala na litaw sa mga gawain ng premyadong artista at pribilehiyadong intelektwal ng rehimeng neokolonyal? 

Mahihinuhang ito’y matinik at masalimuot na sulirarnin. Sinikap ko itong ipaliwanag sa ilang sanaysay ko sa Lupang HInirang Lupang Tinubuan at sa introduksiyon ko sa kalipunan ng mga tula ko, Kundiman sa Gitna ng Karimlan. Naibalangkas din ang dalumat sa krisis sa matalinghagang himatong ng diskurso sa huling aklat ko, Ambil

Bawat awtoridad ay tusong gumagamit ng dahas at rahuyo, amuki at dagok.  Sa paglalagom, maitatampok ko muli ang sagot ko sa problema ng ironikong kahulugan ng karaniwang danas. Sanhi sa di-singkronisadong paglalangkap ng samotsaring tendensiya sa sining/kultura sa produksiyong panlipunan, dapat himayin ang mga sangkap at salik ng minananag kultura at iangkop iyon sa maselang pangangailangan ng mssang nakikitunggali upang ibagsak ang malupit at walang katarungang orden. 

Perspektiba ang Mga Isinumpa

Sa historiko-materyalismong pananaw nina Marx at Engels, lahat ng sining ay dapat timbangin ayon sa kontribusyon nito sa  liberasyon ng sangkatauhan mula sa kapangyarihan ng kalikasan at nesesidad ng makauring lipunan. Hindi ito madali, sadyang mabusising pagsusuri’t mapanganib na pagpapasiya. Sa humanistikong sukatang ito, matatarok nga na (sa parirala ni Walter Benjamin) bawat tagumpay ng kabihasnan ay dokumento rin ng barbarismong kasanib doon. Mabuting tandaan na pansamantala lamang ang pagsasanib, permanente ang salungatan at oposisyon ng mga puwersang nagkatagpo sa isang yugto ng kasaysayan.

Simula pa sa paglago ng burgesyang kaayusang global na sinaksihan ng kolonisasyon ng mga bayan sa Aprika, Asya at Latino Amerika noong siglo 1600, mabalasik na ang labanan ng mga uri sa lipunan. Di kalaunan, naghari na ang komodipikasyon at reipikasyon sa modernong daigdig (Jameson). Lukob ng tubo/profit at ideolohiya ng rasismo’t patriyarkal na pagmamalabis ang karanasan ng mga taumbayan. Sa kasalukuyang daloy ng kasaysayan, mamamalas ang malubhang krisis ng kapitalismong neoliberal na inuugitan ng digmaan laban sa “terorismo” o extremismo, na ginagabayan ng mga liderato sa U.S., Europa, Rusya, Hapon, Tsina, atbp. 

Mapapansin na matindi ang eksplotasyon ng damdamin, isip, wika, kilos, pangarap, gana ng seksuwalidad, budhi, sa lahat ng lupalop sa kasalukuyang kalakaran. Walang ligtas sa sakit ng akumulasyon ng kapital  kaakibat ng barbarismong pamiminsala. Walang bahagi ng buhay na tiwalag sa kapangyarihan ng komodipikasyon. Paano tayo makaiiwas sa tadhanang ito, isang mapanlasong salot na lumalansag sa kaluluwa, budhi, damdamin ugali, at saloobin ng sangkatauhan?

Laro  ng Kontradiksiyon

Sa pagkakataong ito, maisusog rito ang suliranin hinggil sa responsibilidad ng awtor o manlilikha sa lipunan. Mahalaga ang tugon ng Philippine Writers League, nina Salvador Lopez at Arturo Rotor noong  dekada 1930, at ang impluwensiya nila sa proyekto ng PAKSA at PANULAT noong dekada 1970 at 1980. Dapat isaulo’t isadibdib ang adhika’t prinsipyo ng mga taga-hawan ng landas, na siyang pumapatnubay sa exksperimentasyong konseptuwal ng mga katha rito. Nakasalig ito sa kontradiksyong nagpapatakbo sa lahat ng lipunan, ang hidwaan o oposisyon ng  konsepto/ideya at inimbentong representasyon. 

Ipinahihiwatig dito ang antitesis ng diwang unibersal (Geist, puwersang espiritwal, sa bansag ni Hegel) at lakas ng negasyon ng kamalayang-sarili na nagtitiyak sa kongkretong aktibidad ng bawat nilalang. Nakasalalay dito ang dinamikong diyalektika ng proseso ng produksiyong sumisira sa lumang ugnayang sosyal. Sinasalamin ito sa di-magkatugmang konsepto ng imahinasyon (ang malikhaing diwa)  at laging nabalahong pagsasalin nito sa nadaramang imahen o simbolo, batis ng postkonseptuwalistang estetikang gumagabay sa librong ito.

Ating pag-aralan ang katumbalikang ito. Ungkatin natin ang isang halimbawa: ang materyalismong likas sa primitibong lipunan ng Ionya, Gresya, na sinaliksik at dinukal ng mga pilosopong kinatawan ng aristokratikong mangangalakal Samantala, ang mga pesante’t alipin na dinuhagi’t sinikil sa minahan ng mga panginoon ay sumampalataya sa mga hiwaga’t pamahiin ng misteryong ritwal ni Orpheus. Ito’y katibayan na sa gitna ng alyenasyon, maigting ang utopikong hangarin ng inaaping mayorya na matamo’t maranasan ang kaluwalhatiang hindi malasap sa ordinaryong kabuhayan (Klingender; Thomson). Maipagtitibay ang argumentong nailahad kung idaragdag ang masinsing analisis ni John Berger hinggil sa kumplikadong karera ni Pablo Picasso.

Sa gitna ng paghihikahos at pagkarawal, masagana pa rin sa inaasahang kinabukasan ang kolektibong hinagap at panagimpan (Bloch). Nakapanghimasok sa sensibilidad ang kontradiksiyong teoretikal ng dalumat/kapaligiran, diwa/maramdaming danas, na siyang nag-uudyok sa pagsulong ng lipunan upang humanap ng resolusyon sa iba’t ibang paraan, ayon sa kakayanan at kamulatan ng mga protagonistang gumaganap sa dulang ito. Ito ang lohika ng pagdulog sa makatwirang guniguni.

Estratehiya at Taktika ng Pagkilala

Sandaling talakayin ang ilang paraan ng konseptwalistang pagkilos. Ang pangitaing mapanghimagsik ay magkasabay na realistiko’t mapangarapin. Ito’y lapit at sagot sa mapanghamong kontradiksiyon ng neokolonyang buhay sa bayan natin, nakasadlak sa mabangis na paninibasib ng korporasyong dayuhan at nakalugmok sa pambubusabos ng mga oligarko’t burokratikong upisyal ng rehimeng gumiigipit sa nakararaming manggagawa, kababaihan, pesante, Lumad, at panggitnang saray ng lipunan. Sangkot dito ang politika at estetika ng pagsasanay sa  praktika ng kasarinlan. 

Sinisikap ng mga akda rito, sa iba’t ibang hugis, estilo, himig at ayos ng retorika, na bigyan ng artikulasyon ang alternatibong hibo ng pag-asa kaagapay ng satirikong paglalarawan sa tiwaling status quo.  
Sa usaping pag-uugnay ng katangiang pagka-realistiko’t pagka-popular, untagin natin ang mungkahi ni Bertolt Brecht na dapat ikawing ang akda sa pinakasulong na grupo ng sambayanang bukas sa pagtataas ng kamalayan. Hindi angkin ng popularidad ang katangiang progresibo. Hinggil naman sa paksa ng realistikong paglinang sa karanasan, kalakip ito sa masinop na pagbubunyag sa dinamikong estruktura ng lipunan kung saan ipinababatid ng akda ang lohika ng kadahilanan ng mga nangyayari upang maisiwalat ang katotohanang nakaluklok sa pusod ng kabulaanan at pagkukunwari sa sistemang kapitalista/imperyalista. 

      Layon ng awtor na ibunyag ang ilusyon ng sining, ang limitasyon ng panitik sa wari ng diwang nagtatakda ng katalagahan. Ang pagtatambal ng imahen ng kaputol o kabiyak mula sa iba’t ibang sulok ng tradisyon, memorya. pagmumuni, panagimpan, hinuha, hula, atbp. sa isang montage ay metodo ng konseptuwalistang sining na nais gumagap sa kilusang diyalektikal ng kasaysayan (Osborne). Kung ito’y maiging naisakatuparan o hindi, sa pihikang tumatangkilik ang ultimong paghatol. Sukat na ang ihain ang mga pira-pirasong bunga ng gawaing mapanuri’t mapanlikha sa mambabasang taglay ang pagmamalasakit sa kaligtasan at pagpapalaya sa inaaping komunidad.
Pahatid Mula sa Gubat

Sa kabuuan, ang talinghaga ng pagbabago ang layon ng makata, ang metamorposis na ibinunga ng paghiwatig ni Saul ng Tarsus na “ang mundong nadarama natin ay unti-unting pumapanaw…” (Virilio). Nais ditong itanghal ang paghulagpos, ang pag-igpaw ng kamalayan mula sa pagkabihag sa datos, factoid, pasumalang bagay-bagay na ipinataw ng kapalaran. Bawat sandali, bawat iglap ngayon, maaaring sumingit at lumagos ang pinakasasabikang interbensiyon ng “Mesiyas”—walang iba kundi ang masang naghihimagsik. 

Kumbaga sa apokaliptikong katuparan, ating pagliripin: Sinong makahuhula, sinong maghihinala na isang himalang sekular ang makasasagip sa atin? Gayumpaman, lahat ng pagsisikhay mapalitan ang sitwasyong walang katwiran, walang hustisya, walang kabutihan, ay maituturing na bakas at alingawngaw ng pagsasapraktika ng gana, dunong at dalubhasang galing ng sambayanan. Napapanahon na, sa pagitan ng balak sa isip at katuparan sa realidad, damayan natin at ipagbunyi ang paglunsad ng proyektong taglay ang tatak ng Mesiyas—gawaing bumabaligtad, kumokontra, bumibitiw, humihiwalay--upang yumari ng bagong makatarungang estruktura ng pamumuhay. Sa wakas, mahal na mga kolaboreytor sa panukalang ito, ating malugod na batiin at masayang ipagdiwang ang pagbabanyuhay na ito, maluwalhating balita ng pagdating ng pinakaaasam-asam na kaganapan at katubusan.  Sa dapit-hapong sumasalubong sa umagang unti-unting bumabangon, ating paigtingin at pasiglahin ang pakikibaka ng sambayanan tungo sa tagumpay ng pambansang demokrasya’t makataong kasarinlan.
\
SANGGUNIAN

Benjamin, Walter.  Illuminations.  New York: Schocken Books, 1969.
Berger, John.  The Success and Failure of Picasso.  New York: Pantheon Books, 1980.
Bloch, Ernst. “Marxism and Poetry.”  Nasa sa Marxist Literary Theory, pat., Terry Eagleton & Drew Milne.    Oxford, UK: Blackwell, 1996.
Brecht, Bertolt. Brecht on Theatre. Salin ni John Willett. New York: Hill and Wang, 1964.
Devilles, Gary, pat.  Pasakalye: Isang Paglalayag sa Kasaysayan ng Panitikan Filipino,  Quezon City: Blue Books, 2017.
Jameson, Fredric.  The Jameson Reader.  Oxford, UK: Blackwell, 2000.
Klingender, F. D.  Marxism and Modern Art.  London: Lawrence and Wishart, 1943.
Lumbera, Bienvenido.  Suri.  Quezon City: University of the Philippines Press, 2017.
Osborne, Peter.  Anywhere or Not at All: Philosophy of Contemporary Art.  New York: Verso.
San Juan, E.  Ambil.  Washington DC: Center for Philippine Studies, 2015.
---.  Alay sa Paglikha ng Bukang-liwayway.  Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2000.
-----.  Kundiman sa Gitna ng Karimlan.  Quezon City: University of the Philippines Press, 2014,
----.  Lupang Hinirang, Lupang Tinubuan.  Manila: De La Salle University Publishing House, 2016.
Sartre, Jean-Paul.  Between Existentialism and Marxism.  New York: William Morrow, 1974.
Thomson, George.  “After Aeschylus.”  Nasa sa Marxism and Art. Pat. Berel Lang & Forrest Williams.  New York: David McKay Co., 1972.
Virilio, Paul. The Aesthetics of Disappearance.  New York: 
Zafra, Galileo, pat.  Mga Lektura sa Kasaysayan ng Panitikan (MetroManila: Aklat ng Bayan, 2013).




No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...