INTERBYU KAY Prof. E. SAN JUAN, Jr., Polytechnic University of the Philippines
Hinggil sa Sitwasyon sa Mindanao & Buong Pilipinas
JVA:May masasabi po ba kayo sa pagpapataw ng gobyernong Duterte ng batas-militar sa Mindanao bilang huling paraan ng paglutas sa kaguluhan sa rehiyon dahil sa engkwentro sa pagitan ng militar at ng Maute sa Lungsod ng Marawi sa Lanao del Sur? Makakatulong po ba iyon sa paglutas sa mga problema sa Mindanao?
ESJ: Sa simula pa, ang saligang pananaw ni Pres. Duterte ay awtoritaryang pamumuno. Kahawig ito ng mga nagdaang estilo ng pangangasiwa. Gamitin ang dahas, AfP/PNP, upang mapanitili ang Estadong neokolonyal at ekonomyang mapagsamantala. Madalas niyang ulitin na ipapataw niya ang martial-law buhat nang ilunsad ang anti-drug war at iburol ang labi ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Bagamat mahigit 8-10,000 biktima na, patuloy pa rin ang masaker ng mga ordinaryong sibilyan.
Ang batas-militar ay sintomas ng lupaypay na neokolonyang orden, walang matinong suporta ang mamamayan, tulad ng diktadurya ni Pinochet, Duvalier, at mga heneral sa Brazil & Argentina. Bagamat mataas diumano ang poll rating ni Duterte, depende iyon sa publicity. Walang lehitimong katwiran ang Estado, kaya baril at bomba ang nalalabi upang sagipin ang istrukturang bumibiktima sa mayorya,laluna ang dinuhaging Bangsamoro. Sinamantala ng Maute/AbuSayaff ang daing at galit ng Moro laban sa komprador-kapitalistang rehimen. Hindi malulutas ng batas-militar ang problemang sosyal-pangkabuhayan. Sa halip, lalala ito.
· JVA: Batid po ng maraming Pilipino ang marubdob na kahandaan ni Presidente Duterte na sumunod sa yapak ni dating Presidente Ferdinand Marcos pagdating sa pagpapataw ng batas-militar sa Pilipinas. Nalutas po ba talaga ng pagpapataw ng batas-militar sa ilalim ng gobyernong Marcos ang kaguluhan sa Mindanao at sa buong bansang Pilipinas? Batid po ba kaya ng gobyernong Duterte ang masalimuot na aral ng kasaysayan hinggil sa batas-militar sa bansang Pilipino at sa mga epekto nito sa bawat aspeto ng buhay-Pilipino?
ESJ: Hindi, lalong lumaganap ang gulo. Naging “chief recruiter” ng NPA si Marcos. Idolo ni Duterte si Marcos, subalit di niya alintana ang libong sibilyang pinaslang at tinortyur ng martial-law. Bumulusok ang ekonomya sa buong panahon ng diktadurya; naging “basket-case” ang Pilipinas. Sumabog ang rebelyon ng MNLF sa Mindanaw at libong nasawi sa engkuwentro, hanggang sa 1976 Tripoli Agreement sa tulong ni Muamar Qadaffi ng Libya—na pinatay ng US-UK-Nato kamakailan.
Tumigil sandali. Walang pagbabago. Pinagpatuloy ng MILF at nang sumiklab ang 9/11 War on Terror, sinamantala ng ilan ang pagbuo ng Abu Sayyaf, kasabwat ang CIA at politikong lokal, upang magsilbing rason upang gawing base muli ng US Special Forces ang bansa pagkatapos patalsikin ang mga base noong 1992. Dahil sa VFA at EDCA, pinahintulutan sa kwadro ng 1947 Military Agreement na nagpundar ng JUSMAG, aktibo ang US SpecialForces sa atin—testigo ang P3 Orion surveillance plane na pinayagan ng gobyernong tumulong sa Marawi. Nagkalat din ang ahenteng CIA/FBI sa buong administrasyon.
Hindi lang mangmang tungkol sa epekto ng batas-militar ang rehimen, kundi tahasang sumusunod sa US Counter-Insurgency Guide ng 2009. Sa ilalim ng batas-militar, natural, ang mga opisyal ng AFP-PNP ang masusunod, hindi ang institusyong konstitusyonal. Hindi lang ang Peace Talks ng GRP-NDF ang nasugpo nito, pati iyong usapang ng gobyerno’t MILF. Kunsabagay, minamanipula ni Duterte ang lahat upang mapanatili ang estilo niya hanggang 2022.
Ang nakatulong sa bulagsak na rehimeng militar ni Marcos ay institusyon ng “overseas contract workers,” ang OFW ngayon, na hanggang ngayon ay siyang timbulan ng ekonomya—ilan bilyong dolyar ang remitans taun-taon, sapat na mabayaran ang utang-sa-labas ng gobyerno. Kapitalismong global ang naghahari hanggang ngayon. Kaya nariyan ang sandamakmak na konsumerismo sa megamall, maluhong life-style ng oligarkong dinastiya. Dekadensiya ng sistemang neokolonyal ang nangingibabaw sa kultura, Kongreso, korte, larangan ng pananampalataya, atbp.
· JVA; Alam po natin na ang engkwentro sa pagitan ng militar at ng Maute sa Lungsod ng Marawi ay naganap sa kasagsagan ng pagbisita ni Presidente Duterte sa Russia. Naniniwala po ba kayo na ang nagaganap na kaguluhan sa lungsod ay posibleng pakana ng mga US at mga kasapakat nito sa loob ng gobyernong Duterte para magkaroon ng katuwiran para sa pagpapataw ng batas-militar, sa matinding presensyang militar ng US sa Mindanao, sa panghihimasok nito sa mga panloob na usapin ng bansang Pilipino sa tabing ng pagpigil sa banta ng ISIS, at pagsasagka sa pakikipag-usap ng gobyerno sa NDFP, MILF, at MNLF? Ano-ano naman po kaya ang mga posibleng epekto ng US military presence para sa mga nasa Mindanao, lalong-lalo na iyong mga Moro at Lumad?
ESJ: Sa neokolonyang sitwasyon ng bansa, hindi mawawala ang US military presence. Lamang, gusto nilang nakakubli ito. Nais ng kapitalistang korporasyon, pati Washington, ang legal at konstitusyonal na gobyerno upang walang sagabal sa pagkamal ng tubo—ang surplus-value ng trabahador at pesante. Kahit man suportado ng CIA ang ISIS sa Syria, lokal na sirkontansya—ang walang hanap-buhay ng maraming Morong kabataan, ang miserableng kondisyon ng mga pesanteng Moro, ang bulok na Sultanate, atbp—ang pinagmumulan ng paglago ng Maute-AbuSayyaf. Gayundin ang problema ng droga. Walang pangkalahatang solusyon si Duterte, kundi dahas, tortyur, kidnaping, sindak at mura.
Nabunyag na walang preparasyon at kakayahan ang AFP/PNP sa engkuwentro nitong Hunyo 9 sa Mandaya—13 sundalong patay, 40 sugatan, sa 14 oras na sagupaan. Buhat pa noong Mayo 23 hanggang ngayon, hindi umobra ang AFP/PNP sapagkat wala silang suporta sa mga sibilyan sa Marawi, na halos lumisan na. Hindi nakatulong ang mga puno ng barangay, mga lideratong lokal, patibay na maraming simpatetikong elemento ang Maute at si Isnilon Hapilon. Hindi ba patibay ito na walang hegemonya, o lideratong moral-intelektuwal, ang rehimen sa Mindanaw buhat pa noong panahon ng diktaduryang Marcos, o bago pa naitatag ang Commonwealth nina Quezon at Osmena noong 1935?
· JVA: Ano po ang inyong pagsusuri sa kasalukuyang sitwasyon sa Mindanao? Maari po ba ninyong ilahad ang tunay na kalagayan ng mga taga-roon, lalong-lalo na iyong mga Moro at Lumad na naapektuhan ng mga operasyon ng mga big mining companies, logging corporations, at agri-business plantations sa rehiyon? Ano-ano po ang mga epekto ng mga nabanggit na operasyong iyon sa kanilang kalagayan?
ESJ: Halos batid na ng lahat na ang Mindanao ang siyang pinakamayamang lupain sa bansa. Ngunit masahol ang karalitaan at hairapan ng marami, laluna sa mga Lumad na biktima ng mga vigilante, ayon sa lahat ng Surveys. Maraming OFW ang mula dito.
Patuloy ang pandarambong ng mga korporasyong dayuhan sa trozo, minahan, at plantasyon doon. Malaking potensiyal ang Liguasan Marsh sa pag-ani ng natural gas at petrolyo, bukod pa sa likas na mineral sa Surigao, Cotabato, Davao, Bukidnon, Zamboanga, atbp. Ano ang epekto nito? Walang iba kundi malupit at mabangis na pag-abuso sa lahat ng populasyon. Hanggang hindi nabubuwag ang dependent ekonomya, minana pa sa kolonyang sitwasyon—taga-saplay ng hilaw na materyales, taga-angkat ng consumer goods; walang industriyalisasyong mabisa, murang produktong agrikultural, walang lupaing mapapagtamnan—patuloy ang paghihirap ng Bangsamoro, Lumad, at iba pang grupo sa Mindanao. Mikrokosmo ito ng buong bansa.
· JVA: Maari po ba ninyong ibuod ang mahabang kasaysayan ng kaguluhan sa Mindanao? Maari niyo rin pong ipaliwanag ang mga ugat-dahilan ng paglala ng kaguluhan sa rehiyon para malaman ng lahat na hindi iyon masosolusyunan ng kahit anong bihis ng panunupil at pandarahas ng estado, gaya ng batas-militar?
ESJ: Masalimuot ito, pero sa isang salita: walang kontrol ang karaniwang tao sa lupain at iba pang kasangkapan sa produksiyon ng pagkain at basikong pangangailangan sa buhay. Sa aking librong US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave 2007), nailagom ko ang kasaysayan ng political economy ng BangsaMoro. Reklamo nga nga na marami: biktima sila ng Manila kolonisasyon.
Bukod sa etniko-rasistang pagpapailalim ng grupong Moro, Lumad, at iba pang di-Kristyanong mamamayan, ang pundamental na ugat ay materyal-historikal: paghahati ng uri o klaseng panlipunan, monopolisasyon ng lupain at likas-kayamanan ng rehiyon ng mga oligarkong Kristiyano (kaunti lamang ang Morong komprador) at burokratikong upisyal (sibil, militar), kasabwat ang U.S. at dayuhang korporasyon. Ito ang susi ng walang kaunlaran at awtentikong demokrasya sa rehiyon, buhat pa noong pagsakop ng U.S. at pagpapanatili sa sistemang sultanate sa Sulu at Mindanao. Walang mabisang reporma ang ginawa ng Republika mula 1946 hanggang ngayon. Puro charity, philanthropy, at palabas na programang pansamantala, tulad ng EDCOR ni Magsaysay. Hindi kagulat-gulat na mangyari ang patayan sa Marawi, Basilan, Zamboanga, Davao, at kanugnog tulad ng Bohol.
· JVA: Tumuon po tayo sa pakikibakang Moro para sa pagtatamo ng karapatan sa pagpapasiya-sa-sarili bilang test case ng pakikibaka ng mga nasa Mindanao. Maari po ba ninyong ilahad ang kasalukuyang sitwasyon ng pakikibakang Moro? Ano po ang malalim na kaugnayan ng pakikibakang Moro sa nagpapatuloy na pakikibaka ng masang Pilipino para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya at ang paninindigan ng NDFP hinggil rito? Ano-ano po ang mga kalakasan at kahinaan/kakulangan ng pakikibakang Moro sa konteksto ng mga dati at kasalukuyang pangyayari?
ESJ: Tulad ng sambayanan, biktima ng kolonyalismong Espanyol at U.S. ang Bangsamoro. Minasaker sila sa Bud Dajo at Bud Bagsak nina Gen. Pershing at Wood. Nilupig din sila ng mga Hapon, at ng sumunod na Republika. Noong panahon ni Magsaysay, inilaan sa mga sumukong Huk ang malaking lupain sa Bukidnon at Cotabato. Kinamkam ng Dole, Del Monte at iba pang korporasyon ang mga plantasyon.
Samantala, ilang pribilehiyong Moro ang inilagay sa Kongreso upang mapatahimik ang mayorya. Sa kabuuan, ang Bangsamoro ay nakapaloob sa proletaryong uri, bagamat marami ang mangingisda, artisano, petiburgis, o pesante. Tulad ng karamihan, adhika nilang lumaya mula sa U.S. imperyalismo, kapitalismong dayuhan, at komprador-burokrata-kapitalista’t panginoong maylupa. Adhika nilang lumaya sa AFP/PNP ni Duterte o sinupamang oligarkong Kristiyano.
Bukod dito, ang usaping makauri ay pinaigting ng tsobinismong pangrelihiyon: ang Muslim ay nakapailalim sa Kristiyanong kultura/ideolohiya. Kaya kailangan nila ng kasarinlang kultural, na kaakibat ng kasarinlang pampulitika’t pang-ekonomya. Dapat sipatin ang kumplikadong ugnayan ng dalawang aspektong ito, bagamat ang ekonomya’t pulitikal na panig ay nakapamamayani, sa huling pagtutuos, sa aking perspektibo.
Paglimiin natin ang turo nina Marx & Engels, na sinunod nina Lenin at Mao: “Walang bansang magdaranas ng kalayaan kung inaapi o pinagsasamantalahan nito ang ibang bansa.” Pansin nila na hindi makalalaya ang proletaryong Ingles hanggang inaapi ng Inglatera ang Irlandya, o iba pang kolonya ng imperyo. Gayundi sa atin, bagamat virtual kolonya pa tayo ng U.S. Ang proletaryo’t pesanteng Bangsamoro—marahil, 8-10 milyon—ay nakapailalim sa oligarko’t komprador na uri, panginoong may-lupa, burokratikong aparato ng Estado. Kailangan nila ng kasarinlan—bilang isang bansa, o Estado. Sa Tripoli Agreement, nawaglit na ang “national self-determination.” Pumayag na sa autonomya, gayundin ang MILF sa MOA nila ni Gloria Macapagal-Arroyo. “Ancestral domain” ang taguri sa lugar/espasyo na sakop ng sibilyang orden ng MILF. Subalit maski ito, mahirap ibigay ng neokolonyang Estado.
Sa programa ng NDF, sa gunita ko, naroon pa rin ang prinsipyo ng “self-determination.” Paano ito isasakatuparan, ay siyang masalimuot na asignatura para sa natdem at progresibong kampo.
Ang kritika ko sa MILF ay ang praktika ng sektaryanismong dala ng lubos na pagsunod sa tradisyonal na gawi ng Islam, taglay ng pagtuon niyang solo sa etnikong panig ng pagkabusabos nila. Makitid na pananaw ito. Ang MNLF ay iba dahil mas matatag ang sekularismo nito dahil sa pagtangkilik ni Qadaffi; sa MILF naman, ang Wahabismo o mahigpit na Islamikong dogmatismo ay pinalakas ng pagtalima sa halimbawa ng Saudi Arabia, na siyang patron ng ISIS at Al-Qaeda. Sekondaryo lamang ang ideolohiya sa ekonomyang politikal, kung susuriin, subalit kung hindi ito titimbangin nang maigi, mekanistiko’t maling analisis ang resulta. Sa ibabaw, relihiyon ang imortante ngunit maskara lamang ito sa kompetisyon sa kontrol ng lupain, pabrika,atbp.
· JVA: Paano naman po ninyo susuriin ang mga pag-atake ng estado sa mga karapatan ng mga Moro, lalong-lalo iyong sa kanilang karapatan na magpasiya-sa-sarili sa gitna ng pagpapataw ng batas-militar sa Mindanao at ang mga epekto nito sa pakikipag-usap ng gobyerno sa MILF at MNLF na naglalayon pa po naman na itama ang mga historical injustices laban sa mga Moro?
ESJ: Nasabi ko na nga, estratehiya ito upang ialay sa dayuhang korporasyon at kasabwat nito ang kayamanan ng Mindanao. Walang mabuting bunga ang batas-militar kung katarungan at karapatan ng Bangsamoro ang itataguyod. Oligarko’t imperyalismong layunin ang isusulong ng rehimeng Duterte at mga heneral-trapo nito. Lalaganap ang historical injustices, darami ang EJKs at masisira lalo ang ekonomya ng buong bansa. Pomula sa armagedon ng Mindanaw.
· JVA: Maari niyo po bang ipaliwanag muli ang mahalagang papel ng Abu Sayyaf, at sa ngayon, ng Maute sa pagsasantabi at sa baluktot na paglalarawan sa pakikibakang Moro? Kaugnayan nito, paano naman nagagamit ng US at mga sagad-sa-butong kasapakat nito ang Abu Sayyaf, Maute, at ISIS para maging katanggap-tanggap sa mga tao ang US military presence sa Mindanao, panghihimasok sa mga internal na usapin ng bansang Pilipino, at maging ng pag-atake sa mga karapatan ng mga Moro?
ESJ: Nang pumanaw ang Cold War, kinailangan ng pangunahing kaaway ang imperyo. Naging tuwirang kultural o etniko-rasista ang paghahati sa mundo: Europa, US-Japan kapitalismo laban sa extremist Islam. Nangyari nga ang 9/11, demonisasyon ni Osama bin-Laden, okupasyon ng Iraq at Nato kampanya sa Aghanistan.
Kailangan ang Abu-Sayyaf na ikinabit sa Al-Qaeda (Saudi Arabia ang isponsor, na kaibigani ng US/Trump). Sumunod ang Maute. Kailangan na ni Duterte ang US-Pentagon at hindi na niya kayang murahin si Trump.Nakatulong din ang mariwasang Tsina, at ang impluwensiya ni Putin sa Rusya, na malapit kay Trump.
Hindi pa masyadong kumbinse ang marami na kinakalinga ng US (via Saudi) ang ISIS at al-Qaeda. Kailangan ikalat ito sa lahat. Sa kasalukuyan, dumaramay ang maraming maralita sa Maute, AbuS, sanhi sa dating daing: walang hanap-buhay o desperasyon, walang inaasahang magandang kinabukasan, inis sa korapsyon ng mga politiko, sinisismo’t kriminal na kilos ng mga gobyernong lokal. Lutasin ito, mawawalan ng kampon ang mga kriminal na organisasyon, pati mga druglords na militar at pulis. Ipagpatuloy ang palisi ni Duterte, dambuhalang rebelyon at insureksiyon ng buong bayan ang kahihinatnan. Pero hindi matuto ang mga berdugo hanggang kailangan sila ng mga naghaharing uri’t mga institusyon nito.
· JVA: Ano naman po ang inyong pagsususri sa baluktot na paglalarawan ng Philippine dominant media sa magulong sitwasyon sa Mindanao para maging katanggap-tanggap sa mga tao ang pag-atake ng estado sa nagpapatuloy na paghahangad ng mga Moro para sa pagtatamo ng karapatan na magpasiya-sa-sarili sa pamamagitan ng pagpapatampok sa Abu Sayyaf, Maute, ISIS, Islamic fundamentalism, terrorism, at Islamophobia?
ESJ: Una, malalim ang prehuwisyo ng marami laban sa Moro/Moslem sanhi sa ilang siglong brainwashing ng Simbahang Katoliko at maka-kanlurang oryentasyon.. Pangalawa, paniwala ng marami na dogmatiko’t sektaryan ang MILF at iba pang grupo. Siguro, kalat na ang larawan ng Abu-Sayaff na bandido ito, kaya hindi sila maikakabit sa MILF o MNLF. Gayunpaman, ginagamit ng Estado at mga berdugo ni Duterte ang prehuwisyo, at ang piyudal na mentalidad ng madlang walang mapanuring diwa.
Tulad ng mga naloko ni Marcos, akala nila ang peace & security ay matatamo sa baril/bomba/tortyur sa kamay ng mga sundalo’t pulis. Kunsabagay, maraming anakpawis sa maralitang barangay ang takot na sa pulis. Ilag na sa terorismo ng pulis. Marami sa milenyal ang walang karanasan sa terorismo ng mga sundalo sa panahon ng diktaduryang Marcos. Karamihan dito ay medya-klase, gitnang uri o petiburges, na sinusulsulan ng mga trapo, burokratang-kapitalista at mga private army at paramilitary gangs. Wala silang pakialam sa patayan sa Mindanaw. Kailangan ng malaganap na prop-agit laban sa propaganda na disiplina ng militar ang kailangan upang mapairal ang kapayapaan at seguridad.
Hinggil sa Patuloy na Pag-atake sa Karapatan ng Masang Pilipino
·
JVA: Nagpapatuloy pa rin po ang mga pag-atake ng estado sa mga karapatang sibil at pulitikal at mga karapatang sosyo-ekonomiko ng masang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa mga neoliberal na patakaran sa ekonomiya, sa kawalan ng katarungang panlipunan, at pagsandig sa panunupil at pandarahas ng estado bilang solusyon sa matinding krisis panlipunan sa ilalim ng gobyernong Duterte na nagbabandila ng pagdating pa naman ng tunay na pagbabago sa gitna ng paggunita ng Pilipinas sa ika-119 taong anibersaryo ng paghahayag ng kasarinlang pulitikal ng bansa. Samahan pa po iyan ng mga nagpapatuloy na pagdami ng mga kaso ng extra-judicial killings sa ngalan ng drug war ng gobyerno, pagkatapos pa po nito ay ang naging pagpataw ng batas-militar sa Mindanao dahil sa matinding kaguluhan sa Lungsod ng Marawi sa Lanao del Sur. Ano po ang ipinapahiwatig ng mistulang pagpapatuloy ng gobyernong Duterte sa mga nabanggit na bihis ng pag-atake sa mga karapatan ng masa, lalong-lalo na iyong panunupil at pandarahas ng estado na pinapatunayan ng mga extra-judicial killings na tumatarget sa mga aktibista at mga ‘adik’? Ano naman po ang ipinapahiwatig ng pagpapataw ng batas-militar sa Mindanao at ang balak ng gobyerno na ipataw iyon maging sa buong Pilipinas sa sandaling lumala ang banta ng ISIS?
ESJ: Nabanggit ko nga: sindak at takot ang layon ng pagpataw ng batas-militar. Ibig saibhin, kung hindi titigil ang BAYAN at iba pang legal na organisasyon sa kanilang kritika, lilipolin sila. Demonisasyon ng NPA/Komunista, kaakibat sa demonisasyon ng Moro at Lumad. Lubos-lubos ang pagdambana natin sa kulturang US-Europa.
Walang ibubunga ito kundi poot, kutya, galit ng maraming mamamayan sa pagyurak sa karapatang sibil. Wala ka nang makain, hindi ka pa makasigaw ng himutok at reklamo sa kung sinong nagmimiyerda sa iyo.
Ang pangulo lang ba ang pwedeng magmura? Mura nang mura si US ang Presidente, pero lumuhod naman upang humingi ng tulong sa US Special Forces para bakahin ang mga bandido sa Marawi? Walang kuwenta ang mura habang ikaw ay alila ng Washington at mga hepe sa Pentagon.
JAV:· Tumungo po tayo sa madugong drug war ni Presidente Duterte. Ipinangako po niya sa kanyang pag-upo sa estado poder ang pagsugpo ng kanyang gobyerno sa talamak na problema sa droga at kriminalidad sa Pilipinas sa kanyang panunungkulan bilang presidente. Ang pangakong ito ay lumikha ng kiliti sa maraming Pilipino na nagsawa sa kabiguan ng mga nakaraang gobyerno na malutas ang mga pangunahing problema ng bansang Pilipino, lalong-lalo na ang problema sa droga at kriminalidad. Lubos pa ngang sinusuportahan ng maraming Pilipino ang madugong ‘drug war’ ng gobyernong Duterte dahil pinapapababa nito ang antas ng kriminalidad sa bansa ngunit unti-unting nawawala iyon dahil lumilikha rin naman ang drug war ng sindak sa mga maralita at ng kondisyon para sa pagpapatingkad sa marumi at nakakahiyang kultura ng kawalang-pananagutan at korupsyon sa hanay ng pulisya. Samahan pa po ng masakit na katotohanan na tinatabunan lamang ng drug war ang mahahalagang isyu na kinahaharap ng masang Pilipino. Maari po ba ninyong ipaliwanag ang papel ng mga extra-judicial killings sa humihinang pagsuporta sa drug war ng gobyernong Duterte?Hanggang kalian pa po kaya magtatagal ang marubdob na pagsuporta ng maraming Pilipino sa drug war? Hanggang sa sumasampal na sa mukha ng gobyerno ang mga problemang nililikha nito ngayon at sa mabatid ng masang Pilipino na hindi mapupunang drug war ang kanilang kumakalam na mga sikmura?e D
ESJ: Kamakailan, bukod sa kritisimo ng Human Rights Watch, Amnesty International, US State Dept, at iba, 32 bansa ang bumatikos sa malisyang drug-war ni Duterte. Sa 35th session ng United Nations Human Rights Council, 32 bansa ang gumiit na tanggapon ni Duterte ang dalaw ni UN Rapporteur Agnes Callamard upang imbestigahin ang 7,000 biktima ng giyera lban sa drog. Idinagdag pa sa kanilang deklarasyon ang puna tungkol sa biro ni Duterte tungkol sa panggagahasa ng mga sundalo: “We further stress that sexual violence can never be tolerated and call on the government to strongly condemn the use of sexual violene in conflict” (inquirer.net/june 10,2017). Kung babalwalahin ng rehimen ito, magiging katibayan ito na pwedeng isakdal si Duterte sa International Criminal Court sa salang pagkitil sa maraming adik o pinaghihinalaang drug-sellers. Kamakailan, inilista ng KARAPATAN ang masahol na paglabag sa karapatan, pagkasawi ng marami sa walang diskiriminasyong pagbobomba, at pananakit ng militar sa mga lugar na malayo sa Marawi.
· JVA: Sa isang banda, magtatagumpay pa po ba ang drug war ng gobyernong Duterte kung ipagkakatiwala iyon sa militar dahil sa iskandalong idinulot ng mga extra-judicial killings, ng Tokhang-for-ransom racket, at ng pamamayani pa rin ng nakakahiyang kultura ng kawalang-pananagutan, korupsyon, at kabulukan sa hanay ng pambansang kapulisan? Ano po kaya ang makabuluhang aral ng mga bigong drug war sa US (na tinatangkang buhayin ng gobyerno ni President Donald Trump), Colombia, Mexico, at Thailand?
ESJ: Ang makabuluhang aral ay nakasaad sa pahayag ni Cesar Gaviria, dating presidente ng Colombia, na umusig ng matinding drug-war sa kanyang bayan. “There will always be drugs in the Philippines, whether the Philippines likes ir or not. The tragedy is that many more people are likely going to die as he learns this lesson” (TIME, May 1-8, 2017, p. 74).
Dahil ayaw makinig, walang leksiyong matutuhan ang Presidenteng umaangkin na siya ang gobyerno (alingawngaw ng sabi ni Haring Louis sa Pransiya: “L’Etat,c’est moi”). Hindi po, nakalagak sa sambayanan ang kapangyarihan. Tulala pa, pero kapag naggising, mag-ingat kayo, mga trapo’t alipores ng Malakanyang. Samantala, madaragdagan ang bilang ng mga inosenteng nasawi, hindi pa rin malulutas ang problema, bagkus lalawak. Kaululan at kapalaluan ang tatak-Duterte na ipamamana niya sa mga inulilang salin-lahi.
· JVA: Ano naman po ang kinalaman ng Oplan Bayanihan ng nakaraang gobyernong Noynoy at ang Oplan Kapayapaan ng gobyernong Duterte at maging ng presensya ng matataas na opisyal ng militar sa gobyerno sa nagpapatuloy na panunupil at pandarahas ng estado sagitna ng pag-atras ng gobyernong Duterte sa pakikipag-usap nito sa NDFP? Bakit po tumatagal sa pangkalahatan ang nagpapatuloy na pakikibaka ng masang Pilipino para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya sa kabila ng mga kaliwa’t kanang programang kontra-insurhensya ng mga gobyernong dumaan sa bansa at ng mga reaksyunaryo’t pasistang tendensya ng gobyernong Duterte?
ESJ: Hanggang may pang-aapi, may pagtutol at pagbabalikwas. Hindi mapipigil ang himagsikan hangga’t hindi napapawi ang paghahati ng lipunan sa uring mapang-api at sa mga uring binubusabos—ang mga anakpawis na lumilikha ng kayamanang panlipunan, ng tubo ng kapital at ng katunggalil, ang mga nagmamay-ari ng pabrika, lupain, atbp.. Bakit tumatagal? Walang sukat ang panahon ng pagbabago sa mundo. Patuloy ang sagupaan ng mga kontradiksiyon hanggang hindi napapallis ang pribadong pag-aari ng lupain, pabrika at mga mahahalagang gamit sa produksiyon. Ang tunay na kalayaan at kasarinlan ay makakamit sa sosyalismong program ng pagdurog sa kapangyarihan ng imperyalismo’t kaalyado nito sa bansa, ang paglutas as alyenasyon at awtokratikong pamumuno ng pribilehiyadong minoridad.
· JVA: Paano ninyo po ipapaliwanag ang paggamit sa drug war ng gobyernong Duterte bilang kasangkapan para maging katanggap-tanggap sa mga tao ang mga pag-atake sa mga karapatan ng masang Pilipino gaya na lamang po ng mga pagpatay sa mga aktibista at ang kriminalisasyon ng matinding karalitaan at ng aktibismong pampulitikal sa pamamagitan pa rin ng Oplan Bayanihan at Oplan Kapayapaan?
· Mayroon pa po bang natitirang puwang para sa masang Pilipino, lalong-lalo na iyong mga natitirang progresibo na nasa loob ng gobyernong Duterte upang ipahayag ang kanilang mga makabayan at demokratikong hangarin at paninindigan sa konteksto ng mga kasalukuyang pangyayari, ng kasalukuyang kalagayang pampulitika at panlipunan sa bansang Pilipino kung saan tumitindi ang polarisasyong pulitikal at tungggalian ng interes?
ESJ: Ginagamit ang drug-war upang maigiit ni Duterte na mabisa ang kanyang panunungkulan, o pagtupad ng pangakong lulutasin ang problema ng droga. Sa paraang ito, pinalalakas niya ang kontrol sa pulisya at AFP upang mapagtaw ng martial-law o awtoritaryanismong nakabatay sa AFP/PNP kung sakaling bumagsak ang ekonomya sa pagkaputol ng OFW sa Middle East.
Bakit walang digmaan laban sa karalitaan, tulad ng “War on Poverty” ni LB Johnson noong nakaraang siglo?
Tungkol sa mga progresibo sa gobhyero: Meron puwang hanggang pinapayagan, wala kung martial-law, censored ang media, at bawal ang organisasyong makabayan at radikal. Kung merong progresibo sa gobyerno pero walang impluwensiya o epekto sa madla, walang kabuluhan iyon. Tuso at marunong ang rehimen sa paggamit ng negosasyon/usapan/suhol bilang isa sa dual tactics sa pamamahala; ang pangalawang tactic ay dahas, pananakot, tortyur, masaker. Tandaan ang pigura ng centaur sa diskurso ng mga Romano: ang Estado ay hayup/tao, dalawang sandata nito ay gayumang mayumi at marahas na dagok. Ang neokolonyal na Estado ay pinaghalong kapitalismo-piyudalismo: sundalo’t trapo, baril at mura, ang pormula sa paggabay sa mga alagad nito.
· JAV: Gaano naman po katindi ang epekto ng mga neoliberal na patakaran sa ekonomiya at edukasyon sa mga karapatan ng masang Pilipino? Paano kaya umaalingawngaw ang mga patakarang iyon sa mga pag-atake sa karapatan ng mga Pilipino, lalong-lalo na sa kriminalisasyon ng karalitaan?
ESJ: Sa padrong neolliberal, ang tagumpay o kasaganaan ay bunga ng malayang pamilihian—di umano, malayang pagbebenta ng lakas-paggawa ng bawat indibidwal. Laganap ang indibidwalistikong punto-de-bista, kaya ginagatungan ang konsumerismo, kanya-kanyang kayod, kasakiman, kawalang-hiyaan. Kaya kung pulubi nga, sarili mo lamang ang makasasagot sa iyong katayuan, hindi ang orden ng lipunan.
Ang rehimeng Duterte ay instrumento ng bangkaroteng ideolohiya ng neoliberal “free market,” na susi ng sigalot at gulo sa buong mundo.Gaano man bualilng siya sa Tsina o Rusya, alipin pa rin siya ng neoliberalismong ordeng pampinansiyal, kung saan nangingibabaw ang imperyong U.S.
· JAV: Paano po ninyo ipapaliwanag ang mahahalagang papel ng US, ng mga bulok na pulitiko, at ng malalaking oligarko sa mga pag-atake sa mga karapatan masang Pilipino?
· Matagal na pong ipinabatid ng batikang istoryador na si Milagros C. Guerrero sa kanyang dissertation hinggil sa mga ugat-dahilan, kakulangan, at kontradiksyon ng Rebolusyong Pilipino na may pamagat na “Luzon at War: Contradictions in Philippine Society, 1898-1902” (na ginawang aklat ng Anvil Publishing noong 2015), na nagpatuloy ang paghahangad ng mga ordinaryong Pilipino, hindi lang para sa tunay na pambansang kalayaan, kundi sa tunay na demokrasya at katarungang panlipunan sa gitna ng pagtatamo ng bansang Pilipino ng kasarinlang pulitikal sa proteksyon ng ‘Dakila at Makataong Bansang Hilagang Amerikano’. Ang mga atas, pasiya, at desisyon ng gobyernong Aguinaldo noong mga panahong iyon ay tumataliwas sa mga makabayan at demokratikong hangarinng masang Pilipino habang ang pag-eenganyo sa mga oligarko/prinsipalya/kasike/ilustrado sa mga probinsya at bayan na makiisa sa Rebolusyon ay nangangahulugan ngpagsikil, panunupil, at pandarahas ng estado sa mga ispontanyo’t organisadong pagbangon ng masa laban sa mga kawalang-katarungan at laban sa imperyalismong US. Paano niyo po ipapaliwanag ang temang ito sa konteksto ng nagpapatuloy na pag-atake ng estado sa mga karapatan ng masang Pilipino? Paano niyo rin po ibubuod ang kasaysayan ng pagsandig ng mga gobyernong dumaan sa Pilipinas sa loob ng 119 taon, mula sa gobyernong Aguinaldo, hanggang sa kasalukuyang gobyernong Duterte, sa panunupil at pandarahas ng estado bilang solusyon sa makatarungang paglaban ng masang Pilipino?
ESJ: Madaling maipaliwanag ito. Sa mayabong na pag-aaral sa metodo ng kolonisasyon sa buong daigdig, mula pa noong panahon ng paghahati ng mundo sa imperyong Espanyol at imperyong Portugal, hanggang sa sumunod na imperyo ng Inglatera at U.S., laging ginagamit ng mananakop ang ilang bahagi ng kolonisadong lipunan upang pamahalaan ang buong bayan: halimbawa, mga kasikeng katutubo sa Mexico, o mga hepe ng mga tribu sa Aprika. Ang promula: “Divide and rule.”
Bukod sa mga kongkistador ngumapi kina Soliman at Lakandula, nirahuyo’t inampon ng mga Kastila ang mga katutubong pinuno upang gawing kasangkapan nila sa pangangalap ng buwis. Sa sistema ng edukasyon at pensionado, nakabuo ng mga Filipinong magpapatakbo ng aparato ng Estado—mula sa meyor hanggang kina Quezon, Osmena at Roxas—na isusulong ang interes ng imperyo. Laganap na ang kaalamang ito, sa palagay ko. Si Duterte at mga kabarkada niya sa gobyerno ang neokolonyang administrator na nagsimula kina Paterno, Buenamino, Legarda, at iba pang petiburgesyang upisyal na itinaguyod ng mga Amerikanong gobernador.
· JAV: Mayroon pong isasagawang pagkilos ang mga progresibong grupo gaya ng KARAPATAN at Rise Up for Life and For Rights sa Hunyo 12 laban sa mga dumaraming kaso ng extra-judicial killings at iba pang uri ng pag-atake sa mga karapatan ng mga ordinaryong Pilipino sa paggunita sa ika-119 taong anibersaryo ng paghahayag ng kasarinlang pulitikal ng bansang Pilipino. Paano niyo nga pala po ipapaliwanag ang kahalagahan at kabuluhan ng temang “Stop the Killings, Defend Human Rights!” bilang gabay sa mga aktibista sa kanilang pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos sa masang Pilipino hinggil sa mga pangunahing isyu ng mga pag-atake sa kanilang mga karapatan sa paggunita sa ika-119 taon ng paghahayag ng kasarinlang pulitikal ng Pilipinas? Maari pa po ba nilang baguhin ang tema ng aksyong masa batay sa mga nangyayari ngayon? Paano niyo po susuriin ngayon ang mga kaugnay na pangkalahatang hamon at hinaharap para sa paglaban ng mga ordinaryong Pilipino sa mga pag-atake sa kanilang mga karapatan sa malalim na kontektso ng nagpapatuloy na pakikibaka para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya?
ESJ: Sa pakiwari ko, tumpak ang pagtutol sa deklarasyon ng martial law, ang paglaban sa EJK, at pagsuporta sa Bangsamoro sa Marawi, at sa pagtigil sa kampanyang pumapatay sa mga adik ng droga. Lahat ng ito ay tumutukoy sa malubhang daing at matinding pangangailangan ng nakararami.
Kailangan magbuo ng maraming teach-ins o maliliit na grupo at sari-saring kampanya sa lahat ng komunidad upang pag-usapan kung paano maipagsasanib ang lahat upang gumawa ng iba’t ibang hakbang upang maisulong ang partikular na layon ng grupo. Doon na sa diskusyon at pag-aaral ilalangkap ang imperyalismo at neoliberal na programa, hindi sa pang-madlang islogan. Kailangan ang malawak na United Front, hindi sektaryanismong paghikayat sa pamumundok. Ang mobilisasyon ay politikal at pedagohikal, hindi militaristiko, dahil malubha ang kolonisadong mentalidad. Hanggang hindi natuturuan at naliliwanagan ang kamalayang kolektibo, hindi magtatagumpay ang anumang kilos ibuwal ang kasalukuyang rehimen sapagkat ang layon ay hindi lamang personal—sina Duterte, Trillanes, Robredo, Aquino, Arroyo, Estrada, Ramos ay kinatawan ng mga mapang-aping uri at imperyalismong Amerikano. Itong sistemang ito ang nais nating ibagsak: mga praktika, gawi, asal, ugali, hindi lamang ideyang pinaglalaruan sa akademya’t Facebook.
· JVA: Paano po ninyo susuriin ang mga kasalukuyang hinaharap para sa posibilidad ng matinding domestikong krisis, pakikibakang ligal, armadong rebolusyon, reaksyon, at negosasyong pangkapayapaan sa gitna ng mga kasalukuyang pangyayari? Ano-ano po ang mga nararapat na tugon ng kilusang masa, ng mga progresibong mambabatas at kasapi ng gobyerno, at maging ng mismong masang Pilipino sa mga kasalukuyang pangyayari?
ESJ: Maraming aralin ang mapupulot sa ating kasaysayan at karanasan ng ibang bansa. Makahahalaw tayo ng mga leksiyon sa himagsikan sa Tsina, Cuba, Algeria, Vietnam, at iba pang bansang kolonisado o neokolonisado. Dapat ilapat iyon sa kongkretong kondisyon ng bawat lugar o rehiyon sa atin. Sa pakiwari ko, at bunyag na ito sa mga aktibistang kontemporaryo ko, ang armadong pakikibaka ay isang taktika sa politikang pakikibaka na ang pinakaimportanteng layon ay matamo ang hegemonya ng makabayang grupo, binubuo ng nagkakaisang-hanay. Ang hegemonya (gahum) ng progresibong sambayanan ay moral-intelektuwal na liderato o pamumuno, hindi pamamayani ng baril o bayoneta.
Ilang dekadang pakikihamok ng mga anakpawis ang kinailangan sa Rusya upang makarating sa 1905 rebolusyon, at 12 taon pang masugid na pagtuturo’t pagmomobilisa bago sumukdol sa 1917 Bolshevik revolusyon. Patong-patong na sakripisyo, kung susumahin. Lalong mas matagal sa Tsina mula 1911 hanggang 1949. Sa dalawang pangyayaring ito namagitan, at naging manghihilot o komadrona, ang digmaang pandaigdigan. Kumpara sa dalawang ito, murang-mura at musmos pa ang himagsikan sa atin. Mula 1898 hanggang 1946, isang naratibo ng pagkatalo’t pag-urong. Mula dekada 1960 hanggang 1972, at mula 1986 hanggang 2018, maraming paglilitis at liko-likong pagsasanay ang nasaksihan na mailalakip sa naratibo ng malikot na pakikibaka. Isa na rito ang nangyayari sa Marawi City, samantalang inaantabayanan pa kung maipagpapatuloy ang NDFP-GRP at MILF-GRP Usapan. Martial-law ang isang taktika ni Duterte sa paglipol sa dalawang kalaban niya.
Sa interregnum na ito, kailang pasidhiin ang pedagohikal at agitprop na kilusan upang maitaas ang kamulatan—kakaunti pa ang talagang naabot ng araling natdem pagkaraan ng Pebrero 1986 People Power Revolt—at sa gayon maisalin ang kapangyarihan mula sa oligarkong uri tungo sa mga sona ng liberasyon. Bawat hakbang—sa himatong ni Salud Algabre, puno ng Sakdalistang rebelyon— ay tumpak na pagsulong sa walang pasubaling tagumpay ng rebolusyon.- (8-9 Hunyo 2017)
PAHABOL: Katatapos lamang ng interbyung ito, natanggap ang balitang lumaganap sa Internet. Sa report online sa GMA news (Hunyo 10, 2017), ipinatunayan ng US Embassy biting Hunyo 10 na kasangkot ang US Special Forces troop sa operation ng AFP sa labanan sa Marawi. Samakatwid, tuwirang nanghimasok ang imperyalista sa soberanya ng Pilipinas. Balewala na ang mga mura kay Obama; si Duterte pala ay tagahimod ng puwit ng Washington-Pentagon, samperang muta lang ang kunwari niyang siya'y
son-of-a-bittch sa Amerika. At di raw siya ang tumawag ng saklolo sa U.S., si Gen. Lorenzana raw. Pathological case ba ito? Sunod-sunuran si Presidente tulad nina Marcos, Ramos, Arroyo, Pnoy Aquino...Digong, itigil mo na ang pagmumura mo, Puro bongga at palabas lang iyan! Ipinagbili mo ang Pilipinas sa berdugong mananakop, kaya di na ang Maute o AbuS kundi ang sambayanan ang katunggali mo ngayon. —##
No comments:
Post a Comment