Metakomentaryo sa Pagkakataon ng Kolokyum Ukol sa “The Places of E. San Juan, Jr.”
E. San Juan, Jr.
Polytechnic University of the Philippines
Abstract
In a provisional synthesis of his lifework, E. San Juan, Jr. surveys the issues and aporias that define his critical oeuvre. He warns at the outset against the narcissism of autobiographical acts, or what he calls the selfie mode. In locating himself, San Juan uses instead the historicizing lens. In this metacommentary, San Juan locates his life project between his birth in 1938, which saw the defeat of the Republican forces in Spain and the rise of fascism in Germany and Italy, and the new millennium marked by 9/11 and imperialist terrorism. He begins with the class background of his parents and moves on to discuss his years as an undergraduate at the University of the Philippines-Diliman; his graduate education at Harvard; his collaboration with Tagalog writers; his radicalization as a professor at the University of California-Davis, and at the University of Connecticut, Storrs, in the midst of the nationalist movements, the Vietnam War, and the Civil Rights era; and his late engagement with the question of racism. San Juan also names the sources of his radical politics as well as the aporias in his thinking, including his oversight of the historical genealogy of local cultures in Philippine vernacular literature, folklore, ecology, and mass media. He ends by reiterating the need to develop the discourse of critique in the hope of re-inscribing the ideal kingdom of the Categorical Imperative into the immanent adventure of humanity in its reflexive history.
Keywords
critical theory, cultural studies, E. San Juan, Jr., metacommentary, Philippine literature and criticism, race and ethnicity, radicalization
About the Author
Kilalang kritiko at manlilikha sa larangang internasyonal, si E. San Juan, Jr. kamakailan ay fellow ng Harry Ransom Center, University of Texas; at ng W.E.B. Du Bois Institute, Harvard University. Tubong Maynila at lalawigang Rizal, siya ay nag-aral sa Jose Abad Santos High School, Unibersidad ng Pilipinas, at Harvard University. Emeritus professor ng English, Comparative Literature at Ethnic Studies, siya ay nakapagturo sa maraming pamantasan, kabilang na ang University of the Philippines (Diliman), Ateneo de Manila University, Leuven University (Belgium), Tamkang University (Taiwan), University of Trento (Italy), University of Connecticut, Washington State University, Wesleyan University, at ngayon ay Professorial Lecturer sa Polytechnic University of the Philippines. Namuno sa U.P. Writers Club at lumahok sa pagbangon ng makabayang kilusang ibinandila nina Claro Recto at Lorenzo Tanada noong dekada 50–60, si San Juan ay naging katulong ni Amado V. Hernandez (sa Ang Masa) at ni Alejandro G. Abadilla (sa Panitikan) kung saan nailunsad ang modernistang diskurso’t panitikan kaagapay ng rebolusyong kultural sa buong mundo. Kabilang sa mga unang aklat niya ang Maliwalu, 1 Mayo at iba pang tula, Pagbabalikwas, at Kung Ikaw ay Inaapi, na nilagom sa koleksyong Alay sa Paglikha ng Bukang-Liwayway. Sumunod ang Himagsik: Tungo sa Mapagpalayang Kultura, Sapagkat Iniibig Kita, Salud Algabre at iba pang tula, Sutrang Kayumanggi, Bukas Luwalhating Kay Ganda, Ulikba, at Mendiola Masaker. Sa kasalukuyang kalipunan, Kundiman sa Gitna ng Karimlan, matatagpuan ang pinakaunang pagsubok sa tulang neokonseptuwal sa wikang Filipino. Bukod sa From Globalization to National Liberation, inilathala rin ng U.P. Press ang naunang mga libro niya: Carlos Bulosan and the Imagination of the Class Struggle, Toward a People’s Literature, Writing and National Liberation, Allegories of Resistance, at Between Empire and Insurgency: The Philippines in the New Millennium. Inilathala noong 2015 ng De La Salle Publishing House ang kanyang librong Lupang Hinirang, Lupang Tinubuan.
Labinlimang minutong kabantugan? Namangha ako nang unang banggitin ni Charlie Samuya Veric na may plano siyang magbuo ng isang forum tungkol sa akin—hindi pa ako patay o naghihingalo, sa pakiwari ko. Sabi nga ni Mark Twain: “The report of my death was an exaggeration.” Bagamat laktaw na ako sa hanggahang tradisyonal—ilan na bang kapanahon ang sumakabilang-buhay na (magugunita sina Pete Daroy at mga kapanahon, kamakailan lamang si Joe Endriga).
Bagamat labis na sa taning, magiliw na pasasalamat ang ipinaaabot ko sa mga katulong sa Kritika Kultura, bukod kay Charlie kina Ma. Luisa “Lulu” Torres-Reyes, Vincenz Serrano, Francis Sollano at iba pang kasama, sa kanilang walang sawang pagtangkilik. At sa lahat ng mga kolega’t kabalikat na gumanap sa pakikibahagi ng kanilang mga kuro-kuro’t hinuha tungkol sa ilang akdang nilagdaan ni “E. San Juan, Jr.”
Pasakalye
Sambit ni Heidegger, ang paborito ng mga teologo rito: “Ang tao ay nilikhang-pa-kamatayan,” laging balisa. Nagbibiro ba lamang tayo? Sa pasumalang ito, taglay pa rin natin ang pag-asam na makukumpleto ang ilang proyekto bago sumapit sa ika-walumpung taning. Deo volens, wika nga ng mga paganong Romano, tumitingala sa iba’t ibang musa, bathala o espiritu ng kalikasan. Sino nga ba itong awtor? Di ba patay na ang awtor, ayon kay Roland Barthes? Gayunman, tila nakasalamuha o nakabangga ng mga nagsalita ang aninong may ganoong etiketa o bansag, na kahawig ng pangalan ng santong buminyag sa Mesiyas, o iyong Ebanghelyo ng Bagong Tipan.
Patakara’t hilig kong umiwas sa anumang okasyong itatampok ang sarili sa makasariling kapakanan, tinaguring “pagbubuhat ng sariling bangko.” Ayaw ko nang modong selfie. O anumang makatatawag-pansin sa “Cogito” na unang nahinuha ni Rene Descartes at naging saligang prinsipyo ng Kaliwanagan (Enlightenment) at siyentipikong rebolusyon sa Kanluran noong Siglo Labing-Walo. Mahirap ipatotohanan na may “Cogito” ngang walang bahid ng walang-malay (unconscious) na siyang sumisira ng anumang afirmasyong maihahapag dito. Huwag nating kaligtaan ang matalas na sumbat ni Walter Benjamin sa kanyang sanaysay tungkol sa suryalismo: “Walang matapang na narkotikong ating sinisipsip kapag tayo’y sawi o malungkot kundi ang ating sarili mismo.” Kailangan ba natin ng opyong kawangki ng relihiyon o mas matindi pa roon?
Pangalawang babala kung bakit kalabisan o kabaliwan ang pumaksa sa sarili. Payo ni Charles Sanders Peirce, fundador ng pragmatisismo, tungkol sa ego/identidad: Iyon ay “error,” ilusyon, isang kamalian o kawalan, kahungkagan—anong senyas o tanda ang makatutukoy sa kamalayan sa sarili, sa ideolohiyang kaakibat nito? Kumbiksyon ko na ang “sarili” nga ay lunan/lugar ng kawalang-muwang, ignoransya, at pagkakamali. Samakatwid, puwedeng punan at wastuhin ng kapaligiran, ng kasaysayan, ng kolektibong pagsikhay at pagpupunyagi. Sanhi sa klasikong materyalismong minana sa tradisyon, sadyang hindi gaanong nasaliksik ang pormasyon ng subheto, o sabjek-posisyon, sa mga diskurso ko na nito lamang huling dekada nadulutan ng masinop na pagsisiyasat.
I-braket natin ito muna. Kung sakaling nailugar man ang awtor, makatutulong din sa mga susunod na imbestigador o mag-aaral ang pagmapa ng panahong sumaksi sa ebolusyon ng mga akdang natukoy. Payo nina Marx at Engels na ang mga kaisipan ay walang naratibo na hiwalay sa modo ng produksiyon ng lipunan—sa Zeitgeist ng ekonomiyang pampolitika nito. Kaya dapat isakonteksto sa kasaysayan ng taumbayan—“Always historicize!” Ang metodong ito’y dapat ilapat sa anumang ideya o paniniwala, tulad ng sumusunod, bagay na maiging naipunla sa internasyonalismong perspektiba ni Veric.
Bakas ng Paghahanap sa Landas
Sapagkat mahabang istorya iyon, ilang pangyayari’t tauhan lamang ang maiuulat ko rito. Bakit nga ba nakarating dito’t sa iba’t ibang lugar ang marungis na musmos mula sa Blumentritt, Sta. Cruz, Maynila? Di ko lubos maisip na nakaabot ang uhuging paslit sa sangandaang ito. Utang ito sa magkasalabit na takbo ng sirkumstansya at hangarin.
Tila pakikipagsapalaran ba lahat? Malamang. Hindi nasa bituin ang tadhana kundi sa kontradiksiyon ng saloobin at kasaysayan. Kaya dapat ilugar ang mga pangyayari sa tiyak na panahong 1938, na sinaksihan ng pagkagapi ng mga Republikanong puwersa sa Espanya at pagbulas ng rehimeng pasista sa Alemanya at Italya, hanggang sa epoka ng Cold War (1947–1989), sa diktaduryang U.S.-Marcos (1972–1986), at bagong milenyong pinasinayaan ng 9/11 at imperyalistang terorismo hanggang sa ngayon. Pinakamalalang krisis ito ng kapitalismong global sa loob at labas ng neokolonyang sistema sa Pilipinas.
Bago ko malimutan, nais kong banggitin ang unang pagsipat sa mga unang kritika ko ni Soledad Reyes noong 1972 sa isang artikulo sa Philippine Studies, at sa isang interbyu ni Maria Luisa Torres-Reyes sa Diliman Review noong 1987–88, nang aming inihahanda ang nabuking pagdalaw ni Fredric Jameson dito sa atin—isang interbensiyong sana’y nakapukaw sa mga postkolonyalista’t postmodernistang naligaw sa bayang sawi. Sayang at hindi nakasama sa publikasyon ang puna ni Tomas Talledo sa limitasyon ni Reyes at sa dinamikong saklaw ng mga tula ko noon.
Supling ako ng dalawang gurong graduweyt sa U.P. noong dekada 1930–35. Taga-Montalban, Rizal ang ama kong pesanteng uri ang pinagmulan; samakatwid, kabilang sa gitnang-saray, hindi ilustrado. Sandaling naging kalihim ang ama ko ni "Amang" Rodriguez, kilalang patnugot ng Partido Nasyonalista noong panahon ni Quezon. Kaklase ng mga magulang ko si Loreto Paras-Sulit sa U.P. at unang libro kong nabasa sa aklatan namin ay unang edisyon ng Footnote to Youth ni Jose Garcia Villa. Nang ako’y nasa Jose Abad Santos High School, nakilala ko sina Manuel Viray at Sylvia Camu, tanyag na mga dalubhasa, at nabasa ang mga awtor sa Philippine Collegian at Literary Apprentice—mabisang kakintalang nakaamuki sa landas na tinahak.
Naanod ng Sigwa sa Diliman
Ilang piling impresyon lang ang mababanggit ko rito. Ang unang guro ko sa Ingles sa U.P. (1954) ay si Dr. Elmer Ordoñez na unang gumabay sa amin sa masusing pagbasa’t pagkilatis sa panitikan. Sumunod sina Franz Arcellana at NVM Gonzalez. Si Franz ang siyang naghikayat sa aking sumulat ng isang rebyu ng Signatures, magasing pinamatnugutan nina Alex Hufana at Rony Diaz. Kamuntik na akong idemanda ni Oscar de Zuniga dahil doon.
Malaki ang utang-na-loob ko kay Franz, bagamat sa kanya ring tenure nasuspinde ako sa paggamit ng salitang “fuck” sa isang tula ko sa Collegian noong 1956 o 1957. Kumpisal sa akin ni Franz na siya raw ay naging biktima ng administratibong panggigipit. Kasapi sa mga taong kumondena sa pulubing estudyante ay sina Amador Daguio at Ramon Tapales; kalaunan, si Ricaredo Demetillo ang siyang umakusa sa Maoistang awtor sa magasing Solidarity ni F. Sionil Jose.
Dalawang pangyayari ang namumukod sa gunita ko noong estudyante ako. Minsan niyaya kami ni NVM na dumalo sa isang sesyon ng trial ni Estrella Alfon sa Manila City Hall dahil sa kuwentong “Fairy Tale of the City.” Doon ko namalas na kasangkot pala ang panulat sa mga debateng maapoy sa lipunan. Dumanas din kami ng madugong kontrobersya tungkol sa sektaryanismo-versus-sekularismo sa U.P. noon, sa usapin ng Rizal Bill, at nakilahok sa kampanya nina Recto at Tanada noong 1957–58 sa untag ni Mario Alcantara.
Ang pangalawang pangyayari ay kasangkot sa parangal kay Nick Joaquin na nanalo ng unang premyo ni Stonehill sa kanyang nobelang The Woman Who Had Two Navels. Sa okasyong iyon, una kong nakita si Ka Amado V. Hernandez na masiglang nanumbat kung bakit isinaisantabi ang mga manunulat sa Tagalog at katutubong wika at laging ginagantimpalaan ang mga nagsusulat sa Ingles. Humanga ako kay Ka Amado sa maikling talumpating binigkas niya noon.
Kakatwa na ang kritika kong Subversions of Desire (1987) tungkol kay Nick Joaquin ay binati ng batikos mula sa kaliwa at simangot mula sa kanan—marahil, hihintayin pa ang henerasyong susunod upang mabuksan muli ang usaping ito. Makabuluhan ang pagtunghay ni Ka Efren Abueg sa milyu ng mga estudyante sa Maynila noon, na oryentasyon sa ugat at tunguhin ng dalumat at danas ng mga henerasyon namin.
Nasa Cambridge, Massachusetts na ako nang magkasulatan kami ni Ka Amado noong 1960–65. Naging kontribyutor ako sa kanyang pinamatnugutang Ang Masa. Naisalin ko rin ang ilang tula niya mula sa Isang Dipang Langit, sa munting librong Rice Grains. Noong 1966–67, nagkakilala kami ni Alejandro Abadilla at tumulong ako sa paglalathala ng magasing Panitikan.
Noong panahon ding yaon nakausap ko ang maraming peryodista’t manunulat na nag-istambay sa Soler at Florentino Torres, sa Surian, at sa mga kolehiyo sa Azcarraga, Mendiola, Legarda, Morayta, at España. Marahil nakabunggo ko rin si Ka Efren sa tanggapan ng Liwayway kung saan nakilala ko sina Pedro Ricarte at iba pang alagad ng establisimiyentong iyon. Natukoy ko ito sa libro kong Lupang Hinirang, Lupang Tinubuan (2015) mula sa De La Salle University Publishing House na tila naligaw na karugtong nito ang mga aklat kong Ang Sining ng Tula (1971) at Preface to Pilipino Literature (1972).
Tagpuan sa Pagpapaubaya’t Pagpapasiya
Nais kong dumako sa engkuwentro ko sa panulat ni Bulosan na siyang tagapamansag ng orihinal na “pantayong pananaw” (sa pagtaya nina Michael Pante at Leo Angelo Nery). Una kong nabasa ang kuwentong “As Long As the Grass Shall Grow” ngunit mababaw ang dating. Nang ako’y magturo sa University of California sa Davis, nagkaroon ako ng pagkakataong makatagpo ang ilang “oldtimers” sa California; at tuloy nadiskubre ang mga libro ni Bulosan sa Bancroft Library ng UC Berkeley. Muntik nang madamay ang Carlos Bulosan and the Imagination of the Class Struggle na inilabas ng UP Press ilang araw bago ideklara ni Marcos ang “martial law.” Nakatulong ang suporta ni President Salvador Lopez, na ininterbyu ko noong 1987–88 nang ako’y magturo muli sa U.P. at Ateneo.
Masasabing ang pagtuklas at pagpapahalaga sa halimbawa ni Bulosan ng mga Filipino sa Amerika ng pangatlong henerasyon (mga anak ng beterano o bagong-saltang propesyonal) ay utang sa pagsibol ng kilusang makabayan doon noong 1969–1970. Bumugso ito sa gitna ng pakikibakang anti-Vietnam War at civil rights struggles noong dekada 1960, hanggang sa kilusang peminista’t kabataan at mga etnikong grupo noong dekada 1970. Sa kabila ng makatas na pagsubaybay nina Rachel Peterson at Joel Wendland sa alingawngaw ng mga pagsubok ko sa “cultural studies” at analisis ng ideolohiyang rasismo, lingid sa kanilang kaalaman ang pakikilahok ko sa kilusang anti-Marcos noong 1967–1986. Mahusay na nasuyod ito ni Michael Viola. Suwerte, nakasama rito ang masaklaw na komentaryo ni Dr. Kenneth Bauzon sa mga saliksik at pag-aaral ko tungkol sa etnisidad, rasismo, at kapitalismong global.
Sa huling dako ng siglong nakaraan naibuhos ko ang lakas at panahon sa analisis ng problema ng rasismo sa Amerika. Ang paksang ito’y hindi nabigyan ng karampatang pag-aaral at pagdalumat ng mga klasikong Marxista, kaya nito na lamang ilang huling dekada napagtuunan ng pansin ang sitwasyon ng Moro, mga kababaihan, at Lumad sa ating bayan. Kaakibat nito, sumigasig ang imbestigasyon ko sa teorya ng signos/senyal ni Peirce at lohika ng pagtatanong nina Dewey, Bakhtin, Gramsci, Lukacs, atbp. (Pasintabi: ang 1972 edisyon ko ng kritika ni Georg Lukacs, Marxism and Human Liberation, ay isang makasaysayang interbensiyon sa pakikibakang ideolohikal dito noong madugong panahong iyon.) Mababanggit din ang inspirasyon ng mga kasama sa CONTEND at Pingkian na laging aktibo sa usaping panlipunan at pagsulong ng demokrasyang pambansa.
Ang masa lamang ang tunay na bayani sa larangan ng progresibong pagsisikap. Sa huling pagtutuos, o marahil sa unang pagtimbang, ang inisyatiba ng isang indibidwal ay walang saysay kung hindi katugma o nakaangkop sa panahon at lugar na kanyang ginagalawan. Sa ibang salita, ang anumang katha o akda ninuman ay hindi produkto ng personal na pagpapasiya lamang kundi, sa malaking bahagdan, bunga ng mga sirkumstansyang humubog sa kapasiyahan ng indibidwal at nagbigay-kaganapan dito. Walang bisa ang indibidwal kung hindi nakatutok sa pagsalikop ng tiyak na panahon at lugar.
Gayunpaman, dapat idiin na ang bisa ng indibidwal ay katumbas ng totalidad ng relasyong panlipunan, alinsunod sa balangkas ng “combined and uneven development.” Ang pasumala ay kabilang mukha ng katiyakan. Kamangmangan at kamalian nga ang laman ng sarili kung di umaayon sa riyalidad. Maidadagdag pa na ang daloy ng mga pangyayari ay hindi diretso o linyado kundi maligoy at liko-liko, kaya kailangan ng diyalektikong pagkilates at pagtaya upang matanto’t masakyan ang trajektori ng kasaysayan sa ating buhay at ng kapwa.
Singularidad ng Pananagutan
Uminog ang daigdig, sinabi mo. Saan nagmula? Nasaan tayo ngayon? Saan tayo patutungo? Ano ang alam natin? Ano ang pinapangarap natin? Paano mag-iisip? Paano kikilos? Anong uri ng pamumuhay ang dapat ugitan at isakatuparan?
Walang pasubali, utang ko ang anumang ambag sa arkibo ng kaalamang progresibo sa kilusan ng sambayanan (laban sa diktaduryang Marcos at rehimeng humalili), sa ilang piling miyembro ng KM at SDK na nagpunla ng binhing Marxista sa U.S. na nagsilbing batayan ng anti-martial law koalisyon, KDP, Ugnayan at iba pang samahan sa Estados Unidos. Malaki rin ang tulong pang-edukasyon ng mga sinulat nina Claro Recto, Lorenzo Tanada, Renato Constantino, Amado Hernandez, Teodoro Agoncillo, Jose Diokno, Jose Maria Sison, Maria Lorena Barros, at lalo na ang mga aktibistang naghandog ng kanilang buhay sa ikatatagumpay ng katarungang sosyal, pambansang demokrasya, at awtentikong kasarinlan.
At utang naman ito sa paglago’t pagtindi ng feministang kilusan kaagapay ng anti-rasistang mobilisasyon ng mga Amerikano-Afrikanong rebolusyonaryo, ng mga Chicano’t Katutubong Amerikano, pati na rin ang impluwensiya ng rebolusyon sa Cuba, Algeria, Vietnam, Mozambique at, natural, sa Great Proletarian Cultural Revolution sa Tsina. Samakatwid, nagtataglay ng halaga ang anumang gawain o likhain kung ito’y ilulugar sa larangan ng pagtatagisan ng mga uri sa lipunan, ng kontradiksyon ng taumbayan (manggagawa, magbubukid) at hegemonya ng imperyalismo’t oligarkong kasabwat nito. At may tiyak na panahon at takdang hangganan ang pagsulong ng mga kontradiksyong lumulukob sa karanasan ng bawat tao sa lipunan.
Sa partikular, ang halaga ng anumang kaisipan o praktika ay nakasalalay sa masalimuot na lugar ng kasaysayan. Nakasalig ito lalo na sa kasaysayan ng ating pakikibaka tungo sa tunay na kasarinlan at pambansang demokrasya mula pa noong rebolusyong 1896 hanggang sa rebelyon ng Bangsamoro laban sa teroristang lakas ng Estados Unidos at mga kapitalismong global na patuloy na naghahari sa neokolonyang bansa. Sosyalismo o barbarismo—alin ang mananaig?
Kalkulahin natin ang burador ng pangarap at naisakatuparan. Dahil sa malaking panahong iniukol sa kilusan laban sa diktaduryang Marcos at sa paglaban sa rasismong salot na sumasagwil sa pansarariling determinasyon ng mga Filipino sa U.S., hindi ko naibuhos ang sapat na lakas sa pagsusuri’t pagsisiyasat ng kulturang katutubo, lalo na ang kritika sa panitikang Pilipino. Hindi rin nabigyan ng karampatang pansin ang poklor o katutubong ekspresyon ng mga Lumad, Moro, atbp; ang isyu ng kapaligiran, ang papel ng midyang pangmadla (pelikula, dula, musika), atbp.
Dahil sa pagkalubog ko sa literaturang Ingles at sa oryentasyong New Criticism at saliksik-tradisyonal na sinipsip sa mga guro sa UP English Dept at Harvard University, superpisyal ang interes ko noon sa panitikang vernacular, sa komiks o pelikulang tatak lokal. Kumpara sa Ingles at Kastila, ang panitikang Tagalog, Hiligaynon, Cebuano, atbp. ay maituturing na bahagi ng kulturang popular. Ang Liwayway at mga kamag-anak nito ay organo ng diskursong kultural popular, bago pa ang megmall at penomenang sinipat ni Roland Tolentino, na siyang pinaka-avantgarde na manunuri ngayon sa buong bansa. Nabanggit ko nga na noon lamang magkasulatan kami ni Ka Amado noong 1960-65 sumigla ang nasa kong ibaling ang panahon at lakas sa pag-aaral ng literatura't kulturang nakasulat sa Filipino. Malaki ang tulong sa akin noon nina Rogelio Mangahas, Ben Medina Jr,, Alejandro Abadilla, at Delfin Manlapaz sa hilig na ito.
Pundamental ang pagtaya ni Roland na pinakamahalaga ang world-view o paradigm na panukat sa anumang pag-aaral ng kultura. Ito ang turo ng "cultural studies" nina Raymond Williams at ni Stuart Hall sa UK na kapwa umamin ng mga ideyang hinango mula kay Antonio Gramsci. Nabatid ito ni Roland hindi sa pagpasok sa Bowling Green State University, sentro ng pagsusuri sa "popular culture" sa Estados Unidos, kundi sa paglagom ng kanyang mayamang karanasan bilang aktibista simula dekada 1980-1990 hanggang sa ngayon. Sa Bowling Green ko na lang siya nakatagpo, hindi ko na maalala ang pagkakataon sa Diliman na nabanggit niya. Ngunit hindi multo ako noong magkasama kaming dumalaw minsan kay Sanora Babb, matalik na kaibigan ni Carlos Bulosan, nang nag-aaral na si Roland sa University of Southern California sa Los Angeles. At hindi rin multo sa maraming pagkakataong makasali ako sa mga forum at lektura sa U.P. nitong dalawang dekada (1990-2010) kung saan si Roland ay mabisang gabay ng mga estudyante sa UP bilang Dekano ng College of Mass Communications. Tanggap na sopistikado na ang diskursong kultural popular sa akademya, ngunit (sa palagay ko) mahina pa't pasapyaw ang dating nito sa mass media sa TV, radyo, at peryodiko. At bagamat malaki na rin ang transpormasyon sa indy pelikula, kailangan pang kumita ng prestihiyo sina Brillante Mendoza, Lav Diaz, at iba pang direktor sa Europa upang mabigyan ng panibagong pagtingin sa atin. Sintomas ito ng maselang sitwasyon ng kritiko ng araling kultural, popular man o elitista, na hindi maibubukod sa dekadensiya ng naghaharing uri't dayuhang puwersa, laluna ang Estados Unidos at Europa, sa pagkontrol sa ekonomya't negosyong OFW ng bansa. Sintomas din kaya ito ng pagkabulok ng hegemonya nila? Hinihintay ng mobilisadong madla ang opinyon nina Roland at mga mataray na kapanalig na espesyalista sa diskursong kultura popular.
Nais kong ihandog ang nalalabing taon ko sa pagsisiyasat sa mga usaping ito kaugnay ng krisis ng globalisasyon. Kabilang na rito ang kalipunan ng mga bagong sanaysay ko sa nabanggit kong Lupang Hinirang, Lupang Tinubuan. Meron akong inihahandang pag-aaral sa klasikong nobela nina Faustino Aguilar, Lope K. Santos, Valeriano Hernandez Peña, Lazaro Francisco, Iñigo Ed. Regalado, hanggang kina Genoveva Edroza Matute't Liwayway Arceo. Nais ko rin sanang maipagpatuloy ang palitang-kuro namin ng nasirang Alex Remollino tungkol sa tula ko hinggil sa sitwasyon ni Rebelyn Pitao (kalakip sa koleksiyon kong Sutrang Kayumanggi) na sinensor ng Bulatlat nang paslangin ng pasistang Estado ang anak ni Kumander Parago circa 2010.
Pandayin ang Sandata ng Kaluluwa
Patuloy na nagbabago ang mundo, nag-iiba ang kapaligiran at kalakaran. Hindi mapipigil ito. Pinuputol at pinapatid ang repetisyon ng karaniwang araw sa paulit-ulit na krisis ng kapitalismong orden. Ikinukubli ng repetisyon sa araw-araw ang naratibo ng kasaysayang sinidlan ng pangarap, hinubog ng panaginip, at pinatingkad ng pag-aasam. Katungkulan nating palayain iyon, ang mga pagnanasang ibinaon, mga tinig na binusalan, sa mapagpasiya’t mapagligtas ng Ngayon na nagbubuklod ng Katotohanan at Kabutihan.
Ngayon ang pagtutuos, Ngayon ang pagsasakatuparan at kaganapan. Responsibilidad ito ng panaginip upang pukawin at mobilisahin ang diwang sinikil ng mga panginoong dayuhan at kakutsabang lokal. Ang lugar dito at sa abrod ng OFW ay larangan ng paglutas sa mga kontradisiyong salaghati sa ating buhay bilang bansang iniluluwal pa lamang. Kung hindi ngayon, kailan pa?
Mensaheng Ipinalaot sa Kawalan
Sinabi mo, nadinig ko. Sa pangwakas, nais kong sipiin ang makahulugang obserbasyon ni Benjamin tungkol sa temang naturol dito, ang halaga ng personal na pagsisikap laban sa batas ng tadhana o hatol ng kapalaran. Puna ni Benjamin: Ang anumang obrang kultural ay sabayang dokumento ng barbarismo’t dokumento ng sibilisasyon. Nawa’y magsilbing kasangkapan ito tungo sa bagong uri ng kabihasnan at hindi kagamitan upang mapanitili ang barbarismong nais nating supilin at wakasan. Sa okasyon ng bagong edisyong ito ng Kritika Kultura, muli nating ilunsad at pag-ibayuhin ang diskurso’t pagtatanong upang makapiling ang katotohanan sa nasugpong birtud ng sangkatauhan.
Maraming salamat sa lahat ng kolaboreytor at partisano sa itinaguyod na proyektong sinalihan nating lahat. Partikular na kilalanin ko rito ang tulong at payo ni Delia Aguilar, na kadalasa’y nagwasto’t nagpayaman sa mga ideyang nailahad dito. Sana’y magkatagpo muli tayo dito o sa kabilang pampang ng ilog. Mabuhay ang sakripisyo’t pakikipagsapalaran ng masang naghihimagsik! Ipagpatuloy ang laban!
7 Marso 2015, Ateneo de Manila University, Quezon City--
22 Disyembre 2015, Storrs, CT; 19 Pebrero 2016, Washington DC, USA
MALIGAYANG PAGBATI mula sa “sikmura ng halimaw”
[Sa okasyon ng paglunsad ng Kritika Kultura 26, 4/25/2016]
—E. San Juan, Jr.
Masilakbong pagbati sa lahat ng staff ng KK, kabilang sina Charlie Veric, Francis Sollano, Vinz Serrano, Lulu Torres-Reyes at marami pang kabalikat, sa pagkakataong naidaos sa pagpupulong ng ilang iskolar at manunulat sa symposium tungkol sa mga lugar ng awtor na may mapahiwatig na pangalan.
Isang munting paunawa. Ang lugar ni “E. San Juan” ay hindi pag-aari o angkin ng isang taong may ganoong pangalan. Ang regulasyon ng pagpapangalan sa partikular na indibidwal ay ipinasok sa Imperyong Romano dahil sa batas ng pagbubuwis at pagkontrol sa masa. Sa Bibliya, maraming Maria o John na ipinaghihiwalay lamang sa pagkabit ng kung saan sila unang kinilala—Hesus ng Nazareth, ang Samaritano, atbp. Ganoon din sina Zeno ng Elea o William ng Ockham. Kaugnay iyon ng ekonomyang pampulitikang umiiral noon. Tumawid tayo mula sa necesidad ng imperyong mapang-uri.
Gumawi tayo sa ibang dalampasigan. Ang paksain dito ay sari-saring pook o lunan ng mga ideya’t hiwatig sa gitna ng engkuwentro ng mga komunidad ng mga nag-uusap sa iba’t ibang lupalop, sa iba’t ibang panahon. Isang kolokyum o pagpapalitan/forum ang lugar natin. Walang pag-aangkin o pag-aari ng kaisipan, at iyon naman ay inilagom mula sa buhay ng ibat ibang wika at kultura ng samutsaring komunidad sa daigdig ng penomenang isinalin sa isip, dalumat, budhi, kamalayan—ang “noosphere” ni Padre Teilhard de Chardin.
Sa isang balik-tanaw, napulot lamang ang “Epifanio” sa kalendaryo, at ang pamilyang “San Juan” ay hiram din naman sa Talaan ng Buwis sa Espanya, kung saan pinagbasehan ang pagbibinyag sa mga Indyo noong panahon ng kolonyalismong nagdaan. Gayunpaman, nawa’y di maging “tinig sa kagubatan,” a “voice in the wilderness” ang isyu ng KK. Marahil, wala namang Salomeng magdedemanda ng ulo ng taga-binyag. Baka ang nangyaring “bomb threat” ay senyas ng sukdulang darating?
Di na dapat ulitin na ang pagsisikap ng KK ay napakahalaga sa pag-unlad at paglawak ng ating kultura, ng ating sining at panitikan, na ngayo’y nakadawit sa daloy ng globalisasyon. Kaugnay ang pagsisikap na ito sa hominization ng “noosphere” ni Padre de Chardin patungong Omega. Isang makabuluhang pagsisikap sapagkat—buksan na lang ang FACEBOOK at iba pang Website sa inyong I-pad o I-phone— nakalambong pa rin ang hegemonya ng Kanluraning kabihasnan, ang “consumerist lifetyle” na dominante sa globalizasyong nagaganap. Para sa mga kaibigan dito, siguro, Filipinization ng Internet ang kanilang maipangangakatwiran at hindi pag-gagad o imitasyon sa banyaga.
Naipaliwanag na nina Rizal, Fanon, Che Guevarra, Aime Cesaire, Cabral, atbp. na ang intelektuwal ng kilusang mapagpalaya sa sinakop na bansa ay kabilang sa mapagpasiyang hanay ng mobilisadong taumbayan, Mabisa ang mga guro’t estudyante—mga “iskolar ng bayan"— sa mapagpalayang kampanya ng bayang Pilipino sa harap ng malubhang krisis ng imperyalismo sa panahon ng “global war on terrorism.” Mungkahi kong subukan natin ang ganitong punto-de-bista para sa ating komunidad imbes na iyong galing sa World-Bank IMF, MLA, UN, o anupamang grupong internasyonal.
Salungat sa cliche, huwag akalaing nasa-ivory tower tayo—walang sulok na hindi kasangkot o kaugnay sa tunggalian ng ideolohiya, ng praktika ng paniniwala, ugali, damdamin, pangarap, sa ating neokolonya. {Natural, kung kayong nahihimbing at nananaginip, wala kayong pakialam sa ganitong palagay, at patuloy kayong humimlay.}
Laging mapangahas at mapanlikha, kayo’y mga bayani, “unaknowledged legislators,” sa lumang taguri. Nawa’y maipagpatuloy ang ulirang praktika ng KK sa paglinang ng katutubong kultura—aksyon sa paraan ng interpretasyon—na siyang ambag natin sa kumpleksipikasyon ng Omega ni de Chardin, o iyong singularidad/hacceitas ni Duns Scotus, na kailangang sangkap sa paghinog ng unibersalisyong adhikain ng santinakpan! Samakatwid, bukod sa isip, kasangkot ang pagnanais, paghahangad, mithiin ng bawat isa sa loob at labas ng komunidad.
Mabuhay ang pamumukadkad ng isanlibong bulaklak! Mabuhay kayong lahat na dumalo sa makasaysayang interbensyong ipinagdiriwang ngayon ng KK sa pagtangkilik ng Ateneo de Manila University!
—Sonny San Juan
Cathedral Heights,
Washington DC, 8 Abril 2016
No comments:
Post a Comment