Friday, April 03, 2015

DISKURSO SA POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES, Feb & Mar 2015.

ANO ANG DAPAT GAWIN?

BALANGKAS SA PAGBUO NG MAPAGPALAYANG KRITIKA NG NEOKOLONYALISTANG ORDEN


-ni E. San Juan, Jr.
Professorial Lecturer, Polytechnic University of the Philippines




    I.  DISKURSO TUNGKOL SA POLITIKA NG KASAYSAYAN

Panimulang Hagod ng Kamalayan


    Sa malas, ang kasaysayan ng Pilipinas ay isang mahaba't masalimuot na proseso ng pagbabago, buhat noong sakupin tayo ng Espanya hanggang sa pagbabalik ng U.S. sa kasunduang VFA (Visiting Forces Agreement)  at EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement). Hindi tuwid ang lakad ng mga pangyayari. Neokolonya pa rin tayo sa kabila ng pagiging Republikang formal noong 1946, kahiman ilang "Bayang Magiliw" ang kantahin sa bawat simula ng programa't pelikula saanmang sulok ng bayan.

    Sipatin ang matinding kontradiksyon ng mga pwersa sa lipunan sa daloy ng historya. Bagamat pasulong ang direksiyon ng pakikibaka laban sa imperyalismo, bunga ng paghinog ng mga sapin-saping kontradiksiyon, hindi magkalapat ang kamalayan at realidad. Laging may agwat, palya, o di-makatugmang interaksyon ng teorya at praktika sa kolektibong karanasan. Kaya paurong ang kinalabasan ng 1896 rebolusyon sa gabay ng ilustradong pamumuno. Gayundin ang pagpupunyagi ng mga unyon, insureksiyon ng magbubukid sa Colorum, Sakdal at kilusang Huk--hindi natamo ang gahum o hegemonyang kailangan upang mabagong ganap ang mapaniil na sistema ng lipunan. Taglay noon ang obhetibo't suhetibong dahilan.

    Sa kabilang dako, higit na radikal at malaganap ang kilusang makabayan ngayon kumpara sa unang dekada ng Republika at kalakaran ng "Cold War." Ang pagbagsak ng diktaduryang Marcos ay sintomas ng maselang krisis ng kapitalismong global, ngunit muling nakabangon ang oligarkong uri sanhi ng pagkakamali't pagkakataon. 

    Kailangang ang diyalektikang analisis. Ang problema ng interbensiyon ng masang mulat sa transpormasyon ng kabuhayan at pulitika, kung paano susunggaban ang pagkakataon sa pag-sudlong ng teorya & praktika, ay nananatili pa rin.  Kailangang himayin ang masalimuot na suliraning ito. Susuriin sa ibaba ang ilang aspekto ng liku-likung landas sa pagbabago upang matarok ang mabisang perspektib upang mapalaya ang nasusugpong lakas ng masa at makamit ang pinakamimithing katarungan at kalayaan ng pinagsasamantalahang mayorya, pati na ang ganap na kasarinlan  at kasaganaan ng bansa. Hindi nga tuwid ang daan ng mapagpalayang pagpupunyagi ngunit, sa tulong na kolektibong pag-aaral at paghuhusga, makatitipid ng buhay na isasakripisyo't mabibigyan ng halaga at kahulugan ang bawat hakbang tungo sa ikatatagumpay ng pambansang paglalakbay tungo sa kalayaan at kasaganaan.

    Ilang nota muna bago usigin ang paraan ang analisis. Sapagkat ang tangka rito ay diyalogo, hindi monologo, maikli lamang ang paglalatag dito ng puntodebistang radikal. Ilang prinsipyo ang papatnubay sa rebyu ng ilang importanteng pangyayari sa naratibo ng pakikibaka. Dapat maging gabay ito sa ating pagsusuri ng mga problemang bumabagabag sa pambansang konisyensiya o kolektibong budhi, na ipinapanukalang sungkitin sa bisa ng diskursong sumusunod.

Iskema ng Kritikang Panlipunan

    Malimit tayong mag-umpisa sa puntodebista ng indibidwal sa
anumang repleksyon tungkol sa sosyedad.  Problema na kaagad ito. Sino
at ano ang taong nag-iisa? 

    Ilang paliwanag.  Una, ang sosyedad ay hindi pulutong ng mga
indibidwal kundi pagbubuklod ng mga relasyon o ugnayan ng pangkat.
Ang indibidwal ay kabilang sa relasyong iyon. Ang indibidwal ay walang
permanenteng buod kundi ang kabuuan ng mga ugnayang panlipunan
na kinabibilangan niya. Hindi namumukod na abstraksyon ang
personalidad.  Iyon ay kalipunan o bungkos ng mga relasyong sosyal.

    Pangalawa, ang buhay sa lipunan ay praktikal, o gawaing
konkreto't mabisa sa pagbabago ng kapaligiran. Alinsunod dito, nagiging
sabjek o suhetong taglay ang ahensiya o kakayahang umakto ang bawat
indibidwal.  Nakapaloob sa mapanuri't praktikal na kilos ng tao sa lipunan
ang "revolutionizing practice" (tinukoy ni Marx sa "Theses on Feuerbach)"--
hindi lamang interpretasyon kundi transpormasyon ng mundo (Fischer).

    Pangatlo, sa interpelasyon ng nagtatagisang uri sa lipunan nabubuo
ang sabjek na may pagpapasiya (Althusser). Nagkakamalay siya tungkol sa mga
kontradiksyong lumulukob sa kanya.  Sa diyalektikang pananaw, ang
pagsulong ng lipunan ay bunga ng samut-saring kontradiksyon, nag-iiba
sa iba't ibang antas at yugto ng partikular na kasaysayan ng bawat
lipunan.

    Pagkain muna bago awit at sayaw--ito'y katotohanang palasak.
Bagamat sa materyalistikong pananaw, ang produksiyon ng mga
pangagailangan sa buhay ay saligan ng lahat, tahasang mapagpasiya
ang kolektibong diwa, isip, damdamin at dalumat sa pagsulong ng
lipunan. Mapagpasiya ito sa reproduksiyon ng ordeng pulitikal-
ideolohikal. Samakatwid, dapat pagtuunan ng pansin ang totalidad ng
mga determinasyong nagsasanib sa paglilinaw ng bawat konkretong
sitwasyon sa lipunan. Diwa/Isip at praktika, kamalayan at aksyon, ay
magkabuklod.

    Sa panayam na ito't ng susunod, inilalagay sa kontekstong historikal
ang indibidwalistikong kiling na siyang umiiral na perhuwisyo. Sa halip,
itinatampok ang punto-de-bista ng kolektibo o komunidad. Nais nating
tuklasin kung paano makatutulong ang teorya sa transpormasyon ng
lipunan. Sambit ng islogan: "Ang masa lamang ang tagalikha o lumilikha
ng kasaysayan," hindi mga bayani o tanyag na mga bida/kontrabida (Mao).
Makahulugan lamang ang ginampanang papel ng indibidwal bilang
kinatawan ng uri o grupo. Ang kalayaan ay resulta ng pagkilala sa
nesesidad, sa puwersa ng reyalidad (Engels).

Mapa ng Pagsisiyasat

    Sa mapaglagom na taya, ang kasaysayan ng ating bansa ay isang
panorama ng paghihimagsik laban sa kolonyalismo't imperyalismo (San Juan, US Imperialism). Matatag, matibay at malusog ang ating tradisyon ng pag-aalsa't
pagbabalikwas. Ipinagpapatuloy ito sa pagtutol sa neokolonyalismong
orden ngayon, sa krisis ng kapitalismong global at terorismong militar ng
Estados Unidos.

    Ungkatin natin: Bakit ganap na umaasa tayo sa US--nariyan ang
VFA at EDCA at patuloy na operasyon ng US militar/sandatahang puwersa
sa buong sangkapuluan--at hindi makatindig na nagsasarili?  Sa loob ng
mahigit kalahating siglo ng pag-iral ng Republika, bakit hindi tayo
umuunlad at nahuhuli sa pagtugon sa minimal na pangagailangan--
pagkain, pamahay, pagkalingang medikal, edukasyon, atbp? Bakit wala
tayong awtentikong soberanya?

    Maitanong muli: Bakit palaging nabibigo ang mga mapagpalayang
pagpupunyaging makamit ang tunay na kasarinlan, demokrasyang kasali
ang lahat, at kasagaanan? Bakit kontrolado pa rin tayo ng US, ng World
Bank/IMF, patibay na ang mahigit 12 milyong OFW na walang makitang
mabuting trabaho sa loob ng ating bansa (Ellao)? Patibay rin ang konsumeristang kulturang depende sa korporasyong transnasyonal, sa pagdambana sa komoditi o mapanlinlang na pangako ng ligaya sa pag-aari ng anumang mabibili (konsultahin ang teksbuk nina Tolentino at Santos). 

    Pagnilayin ito: Sobrang 6,000 Pilipino ang umaalis bawat araw, 2/3
bahagdan sa 39 milyong manggagawa ang nangibang-bayan na, 12
milyon ang walang trabaho (Velez), Walang solusyon ang rehimeng
Aquino, bagkus pinalalala pa nga sa matinding korapsyon sa pork-barrel,
gastos sa Oplan Bayanihan, at iba pang masahol na katiwalian.

    Batid kong alam ninyo na ang tugon diyan. Napagdulutan na ang
problemang ito ng masusi't masinsinang diskusyon, analisis, komentaryo.
Kaipala, kulang lamang ang kolektibong pagsikhay sa isang programang
nasyonalistiko't popular, na nasimulan ng Katipunan at mga progresibong
unyon at organisasyon mula 1899 hanggang ngayon. Kulang ba sa
pagtupad ng programa o kulang sa malalim at tumpak na pagsipat sa
konkretong kondisyon kung saan matutuklasan ang susi sa matagumpay
na interbensiyon ng partido ng mayorya? Bakit hati-hati pa ang masa at
makapangyarihan pa ang oligarkong umuugit sa istrukturang
pampulitika't mapamilit? Kung handa na ang suhetibong puwersa sa
pagbabago, marupok na ba't tumitiwalag na ang mga uring may hawak
ng poder?

Tuwid na Daan o Malikhaing Paglalakbay

    Bago talakayin ang ilang dimensiyon nito, nais kong idako ang inyong
pansin sa ilang usaping historyograpiko. Importante ito sa wastong
paglilinaw at pagbalangkas sa naratibo ng ating kasaysayan.

    Aralin natin ang mga kasaysayang isinateksbuk nina Teodoro
Agoncillo, Renato Constantino, Jaime Veneracion, atbp, mga
nasyonalistikong pantas. Ang sintesis nila ay mapipisil sa Philippine Society
and Revolution ni Amado Guerrero. Hindi raw wasto ang linyadong
pagbanghay sa takbo ng ating kasaysayan na matatagpuan sa mga
nabanggit, puna ni Reynaldo Ileto. Kilala si Ileto sa opinyong ang mga
lumang pasyon at awit ay siyang gumabay sa himagsikan ng Katipunan
at iba pang gulo't sigalot kontra Estado.

    Sa sipat ni Ileto, natabunan o natakpan ng linyadong historya ang
iba pang mareklamong tauhan o kilos. Mula sa pagsibol ng nasyonalismo
noong 1872 o 1896 hanggang ngayon, ikialigtaan ng paradigmatikong
ideya ang iba pang mga pangyayari o akto ng pagtutol. Binalewala ng
awtorisadong naratibo ang sinupil na kaalaman--"subjugated
knowledges" (katagang kuha kay Foucault) na nakabalatkayo sa "body
of functional and systematizing theory" ("Outlines," 99). Halimbawa niya
ang mga katutubong mediko na tumalimuwang sa awtoridad ng mga
Amerikano noong kolera epidemik noong 1902-03. Sumalungat ang
taumbayan sa disiplina ng burokrasya at armi ng Estadong sumasakop.

    Pribilehiyado kay Ileto ang mga nanggugulo, lumalabag sa batas,
lumilihis. Iyong lumalabag sa batas o anumang kaiba sa status quo ang
gumagayuma sa isip.  Sila ang kontra sa rasyonalidad ng pueblo at
modernidad, di-matiyak (undecidable) na oposisyon sa pagbabago,
pagsulong, pag-unlad. Bilang pangunahing halimbawa sa mga Etsa-
pwerang taga-labas ang mga tinaguriang "bandido," isang kategoryang
inilapat din ng mga Amerikano sa mga anti-imperyalistang gerilya ni Hen.
Macario Sakay. Bumukal ang mga samahan o cofradiang di-legal mula
sa mga kilusang milenaryo tulad na Pulajan, Dios Dios, Colorum, Tres
Cristos, atbp. (Sturtevant).
   
    Ayon kay Ileto, ang naratibo ng mga ito'y naliliman o nabura ng
ilustradong "emplotment" o pag-aayos ng kasaysayan batay sa
progresibong pagsulong ng Kaliwanagan/Enlightenment ("Outlines," 121).
Nawala sina Felipe Salvador at Santa Iglesia, si Papa Isio, atbp., tumiwalag
sa unang Republika ni Aguinaldo at nanatiling subersibo sa paghatol ng
dominanteng kalakaran.

    Nabanggit ko na tutol si Ileto sa historyang "developmentalist" na
kumakaligta sa "popular mentalities" (Filipinos 207). Walang diretsong landas.
Susog ni Ileto na dapat bigyan ng karampatang lugar ang "interruptions,
repetitions, and reversals, uncovering the subjugations, confrontations,
power struggles and resistances that linear history tends to conceal" ("Outlines,"
126). Higit na mahalaga kay Ileto ang mga aksiyon, kilos, gawa laban sa
anumang uri ng dominasyon o panunupil.

    Kaakit-akit marahil ang larawang iginuhit ni Ileto para sa
anarkistang sensibilidad. Bagamat historyador si Ileto, ang tingin niya sa
Estado ay isang monolitiko't abstraktong makina na nagbuhat pa mula sa
mga haring tirano o despotikong imperador sa Ehipto, Gresya, Roma o sa
Indya at Tsina noong sinaunang panahon. Tulad ng lahat ng institusyong
yari ng tao, nagbabago ang Estado, ang istruktura at punksyion nito. Ang
mala-teokratikong Estado ng kolonyalistang Espanya, at ang instrumento
nito sa Pilipiinas, ay umiinog sa Simbahan, sadyang iba sa Estado ng
kapitalistang Estados Unidos.

    Lumilitaw na ang trato sa mga rebolusyonaryong gerilya, bagamat
may kahawigan, ay di-magkatumbas. Una, ang basehan ng US ay pag-
unlad ng pamilihan, isang ekonomyang nakasalig sa malayang pagbibili
ng lakas-paggawa, sa tubong galing sa pagpapalitan ng komoditi, kaya
hindi sagabal ang kaibahan sa paniniwala, istatus, atbp. Dahas muna ang
ginamit sa pasipikasyon ng bayan, ngunit kalaunan, ideolohikal na
paraan ang umiral (edukasyon, paggamit ng Ingles, atbp). Sa Estadong
Espanyol, ang disiplinang pang-relihiyon at dahas ay mahigpit na
magkalangkap at hindi "developmental" tulad ng Amerika. Gayunpaman,
ang "modernisasyon" ng kolonyalismong US ay hindi paglinang sa
rasyonalidad maliban na sa kung lalaki ang tubo sa anarkiyang
paggulong ng pamilihan (Schirmer and Shalom; Pomeroy).

Pag-unawa sa Landas ng Pakikibaka

       Pangalawang pansin: ang naratibo ng progresibong takbo ng
kasaysayan na iniangkop ng mga ilustrado--mula kina Rizal hanggang
Agoncillo, Constantino at Guerrero--ay hindi nilinyado sa walang patid na
pagsulong. Nakatutok iyon sa kontradiksyon ng taumbayan at
mananakop, sa tunggalian ng mga may-ari at mayoryang anak-pawis.

    Una, lahat ng natukoy na teksto ay puno ng detalye tungkol sa mga
Etsa-puwera, mga sumalungat sa ordeng kolonyalista, bagamat
nakasentro sa mga presidente, mambabatas, atbp. Pangalawa, itinanghal
nila ang maraming pagliko sa daan ng mapagpalayang pagsisikap--
halimbawa, pagpatay kina Bonifacio at Antonio Luna, pagsuko ni Hen.
Sakay sa bisa ng panlilinlang ng mga unyonista; pagsupil sa Colorum sa
Tayug, ng Sakdalista at iba pang insureksiyon hanggang sa pagkagapi ng
Huk noong panahon ng Cold War. Sa halip na diretsong martsa tungo sa
rasyonalidad at kaunlaran, hitik ang landas sa aksidente, kabalintunaan,
ironya, kabalighuan at di-inaasanang kinahinatnan.

    Ilang halimbawa ang dapat banggitin.  Kalahok sa naratibo ni
Constantino ang sensibilidad, talino, dunong at damdamin ng mga
anakpawis at etsa-puwerang lakas. Mahaba ang ulat niya tungkol kina
Felipe Salvador at Papa Isio. Anya hinggil sa una: "The cult of Apo Ipe was
so durable that as late as 1924, Colorum leaders in Tarlac could still attract
many followers by claiming that they had eaten and talked with Jose Rizal
and Felipe Salvador (270). Umaagapay sa kronolohikong daloy ng
mga pangyayari ang salaysay ni Constantino ngunit hindi linyado, sa
paratang ni Ileto. Pasikot-sikot, lumulukso, umaatras, ang pagsubaybay sa
daloy ng kasaysayan, kaakibat ng masalimuot na pagsasalisi ng mga
pangyayari.

    Inilagom ni Constantino ang kanyang naratibo sa isang
diyalektikong pakiwari: "The history of the people's movements through the
centuries has been characterized by a groping for consciousness. The
development of a higher level of political consciousness has had its leaps
and retreats…When there is an attempt to understand society not in terms
of myths and theories but in terms of the concrete experience and
sufferings of the people, history acquires practical significance" (396).

    Nararapat idiin, sa palagay ko, na ang kasayayan ni Constantino ay
hindi pag-uullit ng mga nangyari kundi interpretasyon ng mga nangyari, at
hindi linyado o iskematikong paghahanay ang pagtaya sa pakikibaka ng
taumbayan para sa kasarinlan at kalayaan. Kay Constantino, layon ng
pagsusuri sa kasaysayan ang humugot ng dunong at aral na
makatutulong upang makamit ang isang rasyonal, makatarungan at
mapagkalingang lipunan.

Metapisikang Sosyolohiya

    Dalawang magkatunggaling lapit ba ang kaharap natin? Sa
katunayan, ang paniniwala ni Ileto tungkol sa linyadong ayos ng
kasaysayan ay hango sa sosyolohiya ni Max Weber (1864-1920) at
doktrinang neoKantian nito. Metapisikang idealismo't transendental ang kuadrong kinasasadlakan nito. Reaksyonaryong implikasyon lamang ang maihuhugot sa pangitaing ito patungo kina Heidegger at iba pang maka-pasista't nilihistikong alagad.

    Sa teorya ni Weber, ang pagsulong ng makabagong lipunan ay
patungo sa matingkad na rasyonalisasyon ng ating kilos o gawa. Sa
gayon, lumilipas ang engkanto o hiwaga ng karanasan sa paglaganap ng
burokratisasyon. Hindi maiiwasan ito sapagkat ang tao ay namumuhay sa
paraan ng makahuluga't makatwirang aksyon na ating sinusuri at
pinahahalagahan sa agham panlipunan (Marshall). Nakalapat sa
diskurso ni Ileto ang paniwalang ito, na binaligtad ni Foucault (batay sa
turo ni Nietzsche) sa pagbilad ng negatibong katambal ng rasyonalidad,
ang itinagong ligalig o gulo, ang ipinagbabawal, ang subteranikong hibo't
udyok ng pagnanasa.

    Bukod sa deterministikong lapit ni Weber, implikasyon din nito ang
ideyang teknolohiya ang susi sa pagbabago ng lipunan (Wood).
Kontra kina Marx at Engels, panukala ni Weber na hindi ang tunggalian ng
mga uri kundi siyentipikong dunong ang mabisa't tumatalab sa
karaniwang takbo ng buhay sa lungsod. Rason laban sa gulo o gusot--ito
ang kuwadrong itinakda ni Weber upang mahimay ang gulong ng
kasaysayan.

    Tigil muna't maglirip tayo. Anong pakinabang dito kung ang
magkakambal na gulo/orden ay isang esensiyal na katangian? Isang
doktrina itong katumbas ng Pinakaunang Kasalanan ni Adan at Eba,
walang takas dito, tila itinadhana ng kalikasan ng tao--reaksyonaryong
linyang nagpapatawad sa anomalya't kalabisang umiiral.

Anong Saysay ng Katotohanan?

    Maimumungkahi sa puntong ito na bawat kasaysayan ay may
kinikilingan at sa gayo'y hindi makatotohanan. Maaring sabihin na si
Agoncillo ay lubhang maka-Pilipino--hindi maka-ilustrado--dahil sa unang
edisyon ng kanyang libro, minaliit niya ang panahon ng kolonisasyon ng
Kastila. "Lost history" ang bansag niya sa yugto ng kasaysayan bago 1872.
Subalit hindi linya ni Weber o Foucault ang pamantayan ng historyador
kundi ang punto-de-bista ng dinuduhaging katutubo. Kaya malaking
puwang ang ibinigay niya sa Kilusang Aglipayano, na "subjugated
knowledge" para kay Ileto. Paliwanag niya:

This does not mean that the authors distorted or twisted the
facts in order to be nationalistic. Nationalism is not involved
here. It is a travesty to call a historian "nationalistic" simply
because he adopts a Filipino point of view, for nationalism
implies "country first and last." History is concerned with the
truth first and last. What is meant here is that where the facts
warrant two or more interpretations the authors naturally took
the Filipino viewpoint (Agoncillo & Alfonso,vii).

    Sa pangalawang edisyon nina Agoncillo & Guerrero, dinulutan ng mas malaking espasyo ang "The Spanish Period," panahon ng pananakop ng Espanya. Ngunit hindi rasyonalidad o progreso ang hantungan kundi "The Continuing Crisis"  (Kabanata 27). Malaman ang pag-uulat nina Agoncillo at Guerrero tungkol sa bandolerismo, ang pakikibaka ni Sakay at mga Sakdalista
hanggang sa rebelyon ng Huk. Pinagtuunan din ng pansin ang dalawang
masaker na naganap sa panahon ng rehimeng Marcos: ang Culatingan
masaker (Hunyo 13, 1966) at pagpaslang sa 32 alagad ni Valentin de los
Santos (May 21, 1967). Ebidensiya iyon ng karupukan o kabulukan ng
sistemang neokolonyal, kung saan nasa ilalim tayo sa dikta ng
Washington, sa diktadurya ng monopolyo't globalisadong kapital, sa
atuloy na pag-iral ng mga base militar at mahigpit na kontrol ng
ekonomiyang pampulitika ng bansa.

    Upang matarok ang anumang pangyayari, dapat isakonteksto ito
sa isang tiyak na yugto ng kasaysayan ng lipunang kinasasangkutan nito.
Ganito ang isinakatuparan ni Eric Hobsbawm sa pag-sasaliksik sa mga
milenaryong kilusan at mga rebeldeng di-pangkaraniwan (1959). Ganoon
din ang metodo ni Agoncillo. Tulad ng mga milenaryong pag-aalsa noong
nakaraang dalawang siglo nina Felipe Salvador, Papa Isio, ang Lapiang
Malay ni Valentin de los Santos ay sintomas ng malubhang sakit ng
lipunan na nakaugat sa kawalan ng hanapbuhay, pagsasamantalang
piyudal sa kanayunan, korapsyon at pang-aabuso ng mga may-ari,
kumprador, panginoong maylupa, atbp.

    Tinuligsa nina Agoncillo & Guerrero ang pagwawalang-bahala ng gobyerno sa paghihirap at pagdaralita ng masa. Sinalungguhitan niya ang
karismatikong birtud ng lider ng Lapiang Malaya, na umakit ng ilanlibong
kasapi, ng paggalang at pagdakila mula sa mamamayan sa iba't ibang
probinsya( Agoncillo and Guerrero, 567-68). Samakawid, hindi
kinaligtaan ng naratibo ni Agoncillo ang mga etsa-pwera, ang kontra-
ilustradong tendensiya.

Pagdukal sa Katalagahan

    Maibalik natin sa problema na pagsasanib ng teorya at praktika.
Anumang imbestigayon natin sa balangkas ng kasaysayan ng
taumbayan ay dapat patnubayan ng kolektibong adhikain. Bakit wala pa
tayong kasarinlan, kasaganaan, at kaganapan bilang bansa? Sanhi sa
impluwensiya ng tradisyon ng piyudal na gawi't pag-iisip, kakawing ng
burgesya't indibidwalistikong paniwala) na nakaugat sa karanasan ng
bayan, malabo't mababaw ang pagdukal sa konkretong sitwasyon.

    Mali ang analisis dahil labis na hiwalay sa materyal na kondisyon ng
buhay at dinamikong komplikasyon ng suhetibo't obhetibong lakas.
Mayroong katiyakan ang penomena sa kalikasan na masusukat ng
siyensiya. Ngunit ang agham-panlipunan ay hindi kasing-tiyak dahil nga
sa sagabal ng namanang ideya't ugali, na pumipigil sa pagbabago ng
kapaligiran.  Konserbatibong ideolohiya ng mga naghahari na ang
sumasagka sa patuloy na pag-inog ng mga kontradiksyon, na siyang
umuugit sa pagsulong ng lipunan.

    Batay sa paghupa ng kilusang mapagpalaya (circa 2000-2014), sapantaha kong hindi pa maiging nagagamit ang diyalektikang pagsusuri sa
praktikang karanasan upang mapag-isa ang nakararaming inaapi't
mawasak ang lumang estruktura. Marahil nakaigpaw nang kaunti nang lumabas ang "Specific Characteristics of People's War" noong dekada 1980. Nais ng buong tradisyon ng pagbabagong radikal ang makapagtayo ng angkop na sistemang makatao't makapagkalinga. Isang kaayusang ang produksiyon ay
nakalaan para sa kagalingan ng bawat tao, hindi upang mapalago ang kita at
tubo sa pamilihan. Nilalambungan pa tayo ng gayuma ng salapi, tubo,
konsumerismong bumulwak sa matinding alyenasyon.

    Naisiwalat na kung paano namamayani pa rin ang pagka-alipiin ng
oligarko sa US at ideolohiya ng malayang palengke. HIndi pa laganap
ang radikal na kritika ng eksplotasyon, ng pribadong pag-aari sa gamit sa
produksiyon. Hindi pa nasanay ang mga mulat na pangkat sa paglapat
ng materyalismong historikal, at paghubog ng mapanlikhang instrumento
upang magapi ang hegemonya ng komprador, panginoong maylupa't
komprador, sampu ng mga sandatahang galamay nito sa Estado.
Mabuway pa rin ang United Front o Nagkakaisang Hanay.

    Sa madaling sabi, hindi pa natatamo ang antas ng hegemonya o
gahum ng lahat ng puwersang maisasagupa sa Estadong neokolonyal.
    Sa susunod na lektura tatalakayin ko ang konsepto ng hegemonya,
ang pamumunong moral-intelektuwal na unang ipinanukala ni Antonio
Gramsci na imperatibo sa pagtatagumpay ng subalternong masa (1971).
Sapat na dito na ikintal ang ilang katangian ng ating pakikipagsapalaran
sa larangan ng digmaan ng mga uri.

Iginuhit ng Tadhana o Piniling Kapalaran?

    Sa susunod na bahagi, tatalakayin ko ang paksa ng hegemonya at
usapin ng rebolusyong pangkultura (tingnan sa San Juan, Between Empire). Sa
pangwakas, ilang mabilis na pagsusuma sa trajektorya ng kasaysayan ng
sambayanan.

    Una, sa panahon ng kolonyalismo, walang dekada na walang pag-
aaklas sa bawat rehiyon. Ngunit nakasentro sa magkakahiwalay na
nayon at lungsod. Nito na lamang pagtatag ng Hukbalahap at ang
rebelyon ng HMB (Hukbong Mapagpalaya ng Bayan) nagkaroon ng
malawak na pag-uugnay ng kolektibong pagsisikap mapataob ang
Estadong neokolonyal. Pangalawa, sa tatlong krisis na nagsiwalat ng
karupukan ng buong orden, hindi pa ganap na handa ang masang
wasakin ang neokolonyang Estado at palitan ng bago. Nasa murang baytang pa lamang ang pagsulong ng blokeng bumubuo ng transpormasyong magbubunsod sa malawaka't malalim na pagbabago.

    Ang danas at dalumat ng di-matakasang krisis ay siyang tatak ng
ating naratibo. Palala ito, malamang na umabot sa kasukdulang antas ng
marahas na pasistang orden, hindi lang "constitutional authoritarianism."
Ang tatlong krisis na hindi maiging nasakyan ay masasaksihan: 1) sa
pagtatapos ng WWII, kung kailan binati pa ng mga antikolonyalista ang
pagbalik ni MacArthur, at hindi mapanlikhang nasunggaban ang
pagkakataon ng alitan ng oligarko upang ilunsad ang isang pambansang
edukasyon at mobilisasyon; 2) ang EDSA Pebrero 1986 pagbabalikwas, na
sadyang hindi nakuhang buwagin lahat ng institusyon ng diktadura; at 3)
ang EDSA II, isang conjuncture na nawala dahil taglay ang ilusyon na may
maaasahan pa sa ilang trapong nagtataglay ng kahit kaunting
nasyonalistikong bahid sa kanilang nakalipas.

    Wala pang sapat na preparasyong palitan ang lumang orden sa
panig ng nakararami. Umaasa pa sa mandarayang eleksyon, hindi
madala-dala. Mamamalas ito sa kasalukuyang kampanya laban sa
porkbarrel, korapsyon, kalupitan at karahasan ng "culture of impunity."
Marami ang umaasa pa rin na mayroong papalit na matapat at malinis na
pulitiko o liderato. Eleksyon pa rin ang solusyon. Dalawa pa lamang ang
pagpipilian: armadong paglusob o repormistang hakbang? Bakit hindi masinop na pinaglangkap ang dalawang hakbang sa diyalektikong maniobra? Sa
kasaysayan natin, kapuwa palpak at walang napala kundi maraming
martir at kasinraming kabiguan.

    Ano ang dapat matutunan sa baku-bako't liku-likong landas ng
ating historya, sa repetisyon ng krisis at sakripisyo, at sa madugong
karanasan ng buong sambayanan?  Bakit hindi nagtatagumpay ang
proyekto ng pagbabago't pagbuo ng malaya't maunlad na lipunan?
Tadhana bang ipinataw ito ng mga bathala o kapalarang bunga ng ating
di pa sapat na magkatugmang aksyon at kaisipan?





II.  DISKURSO TUNGKOL SA POLITIKA NG KALINANGAN

Proyekto tungo sa Pagbabagong-Buhay

    Sa umpisa, tinalakay ko ang pangangailangan ng makasaysayang  pagkilates sa mga pangyayari sa naratibo ng ating proyektong maipanday ang pambansang identidad. Sinubok nating himayin ang diyalektika ng obhetibo't subhetibong lakas, ng pagpapasiya at kapaligiran, ng pasumala at katalagahan.
Muling salungguhitan ang pananaw natin: Lahat ng gawa't isip ay hinulma sa loob ng isang tiyak na sistema ng produksiyon ng materyal na mga kailangan, na siyang saligan ng ayos ng lipunan. Sa katumbalikan, hinuhubog ng isip ang ekonomiya at mga institusyong minana upang maiangkop sa nagbabagong sitwasyon ng kabuhayan. Magkatuwang ang kamalayan at kabagayan.

    Ngayon naman, dukalin natin ang larangan ng kultura. Importante ito sa pag-unawa sa hegemonya o gahum ng naghaharing uri. Sa pilosopiya ni Antonio Gramsci, ang hegemonya ay pamumunong moral at intelektuwal ng isang grupong taglay ang poder ng estado.  Hindi lamang dahas ang sangkap ng kapangyarihan ng burgesya, halimbawa, kundi konsensus o kusang pagsunod ng mga grupo sa pamumuno nito. Nangyayari iyon sa larangan ng kultura at sistema ng paniniwala, halaga, saloobin, o ugali ng pamumuhay.    

    Paano maaagaw ng nakararaming mamamayan ang hegemonya ng naghaharing oligarko upang mapawi ang paghahati ng bansa sa nagsasamantala at pinagsasamantalahan? Sa dagling untag, paano matatamo ang tunay na demokrasya't pagkakapantay-pantay?

Sakyan ang Mga Kontradiksyon

    Makulay ang napanood nating kasaysayan ng bansa, masalimuot at hitik ng sapin-saping kontradiksyon. Pangunahin ang tunggalian ng mga uri, testimonya sa maigting na tensiyon ng mga lakas sa produksiyon at relasyong sosyal na malimit naiiwan at nagsisilbing balakid sa paglinang sa likas na kakayahan at potensiyalidad ng tao.

    Nabatid natin na ang takbo ng kasaysayan ay hindi diretso kundi paliko-liko, urong-sulong, gumagapang ngayon, kapagkuwa'y lumulukso. Ang pagpapalaya sa potensiyal ng sangkatauhan ay hindi nakalakip na telos, o siguradong tadhana, kundi kaalinsabay ng mismong araw-araw na kilos, gawa, damdamin, isip at pakikipamuhay ng tao sa mundo. Pakikipagsapalaran itong walang takdang umpisa o wakas (kaiba sa turo ni Arnold Toynbee, halimbawa; Dray).

    Nakasilid tayo ngayon sa kuwadro ng kapitalismong global. Ngunit tayo'y hindi pa nakaabot sa antas ng kapitalismong industriyal. Nasa yugto tayo ng transisyonal na modo ng produksiyon, magkahalo ang piyudalismo't kolonisadong mga praktika at institusyon. Ang lakas-paggawa ng pesante't magbubukid ay nakahihigit sa lakas-pagyari ng mga manggagawa sa mga sangay ng korporasyong transnasyonal. Makapangyarihan pa rin ang mga panginoong maylupa na malimit pumapapel din bilang burokrata-kapitalista't komprador. Sa kasalukuyan, ang ekonomya'y nabubuhay sa remitans ng mahigit 12 milyong OFWs; samakatwid, saplayer ng murang katulong at trabahador ang Pilipinas sa dibisyong internasyonal ng trabaho. Lumalabas na tributaryong pormasyon ang Pilipinas: tambakan ng hilaw na materyales at kural ng mga taong nagbebenta ng murang lakas-paggawa sa buong mundo.

    Sa diyalektikong pananaw, ang lakas-paggawa ang bukal ng halaga at katuturan sa metabolikang engkuwentro sa kalikasan. Sa paglunsad ng lipunang makauri, partikular ang kapitalismo, na determinado ng pamilihan ng komoditi (una dito ang lakas-paggawang binibili), sumulpot ang alyenasyon ng bawat tao, reipikasyon ng relasyong sosyal, sumukdol sa mistipikasyon ng buong kapiligiran. Pati ang kalikasan ay niluluray ng kasakiman sa tubo.

    Nailipat ang enerhiya't diwa ng tao sa mga komoditi o ipinagbibiling bagay, naging alipin siya ng mga produktong kumatawan sa espiritu at tuloy sinamba't sinuob bilang idolo. Salapi, petisismo ng komoditi, ang pumapatnubay sa daloy ng bawa't araw sa lipunan ng bilihan ng kalakal. Dominante ng salapi't bilihin ang mga mamamayan.

Katotohanan O Ideolohiya

    Paano nananatili ang kapahamakang ito? Upang ikubli ang pagsasamantala ng minoryang may-ari sa marami, piinalaganap ang ideolohiya ng dominanteng pangkat. Ang ideolohiya ng indibidwalismong mapanghamig ang itinuturong modelo ng ordinaryong pakikisalamuha. Ugaling masunurin sa mga batas ang ikinakalat na etika habang mabangis ang kompitensiya sa lahat ng sulok. Kailangan suriin ang ideolohiya--batas, relihiyon, sining, pilosopiya--sa loob ng istrukturang pinag-uugatan nito, habang binibigyan-katuturan ito.

    Nasambit na ang elemento ng hegemonya. Ang namumunong pangkat sa lipunan ay gumagamit na dahas kinalupulan ng konsensus o pagkakasundong sumunod sa liderato ng naghaharing pangkat sapagkat mabuti ito sa lahat. Hindi pilit ang paniniwalang iyon. Kusang dulot ng mga grupong may interes sa paghahari ng burgesya o ng oligarko; ang kapangyarihan ng mga may-ari ay nakasalalay sa kasunduang natanggap, kaakibat na dahas na ginagamit kung mahina o hindi magkabisa ang nakamihasnang paniniwala.

    Nais kong idiin na ang kamalayan ay laging itinakda't hinuhubog ng panlipunang katalagahan. Nakakuwadro sa modo ng produksiyon ng bawat lipunan ang diwa, isip at damdamin ng mga nilalang. Batid ko na hindi tanggap ang mga aksyomang ito ng llahat. Kung tutuusin, lubhang kaiba ang inyong kaisipan, sapagkat kung hindi, napanalo na ang transpormasyong radikal matagal na.

    Ang larangan ng ideolohiya ay siyang masaklaw na larangan ng kultura, ng paniniwala, normatibong halaga, ugali, saloobin. Ang naratibo ng kultura ay nakalakip sa modo ng produksiyong panlipunan. Masasalamin sa kultura (sining, midya, palakasan, relihiyon) ang kontradiksyong umiinog sa pagitan ng tradisyong nagpapairal sa ordeng mapanghamig at lakas-taumbayan na pinipigil at sinasakal. Larangan ng tunggalian ng uri ang gawaing pangkultura.

    Ang mabigat na hamon sa kulturang pampolitika ay kasangkot sa paghahanap ng mabisang paraan sa transpormasyong radikal. Paano natin mababago ang pag-iisip at gawi ng mga taong nahirati sa luma't konserbatibong asal, gawi, pag-iisip? Kung ang mga ito'y tumubo sa modo ng proudksiyon, hindi ba dapat palitan muna iyon? Bakit hindi sabayan?

    Pero paano mapapalitan iyon kung ang mismong mga alipin ay magtatanggol dito sa paniwalang para sa kanilang kabutihan iyon? Samakatwid, paano maitutuwid ang baluktot na kaisipan, ang mapanlasong doktrina ng pribadong pag-aari, halimbawa, o ang pagkanatural ng sistemang nambubusabos? Sawi man, dahop o gutom,ang aliping kumbinsido sa pagkanatural ng kanyang kalagayan--mahirap hikayatain silang magsakripisyo upang baguhin ang kondisyong nasanay na nilang tiisin. Hindi ito usapin lamang ng kaalaman kundi ng gawi, praktika, ugali, estilo ng pakikipagkapwa.

    Kaya kritikal ang kamalayan sa pag-unawa sa lipunan at pagbabago nito. At kritikal din ang organsiadong kamalayan ng mga intelektwal na nakapagsuri at handang lumahok sa kolektibong transpormasyon ng lipunan. Kailangan ang samahan ng mga progresibong intelektuwal sa pagtatamo ng hegemonya--ng  moral-intelektuwal na pamamahala't gabay--ng masa laban sa oligarkong Estado. Pagtaguyod at pagtangkilik sa katotohanan sa panig ng masa ang kailangang atupagin.

Anggulo ng Pagsisiyasat

    Lahat ng pagpapakahulugan sa kasayaysan ay nakasalalay sa punto-de-bista ng uri--uring mapanlupig o uring mapagpalaya. Kadalasan, wala tayong hnala na suklob tayo ng ideoohiyang kontra sa ating interes. Iyon nga ang natambad sa pagkiling ni Ileto sa anarkistang doktrina nina Foucault at Nietsche, partikular si Weber. Hindi idiosynkratiko si Ileto. Ang tanyag na manunulat na si Nick Joaquin ay masugid na propagandista sa proposisyon na ang dynamikong kalamnan ng kultura ay depende sa teknolohiya, utang sa "wheel and plow,...print and paper,..masonry and painting" (2). Teknokratikong pagsusuma ang lapit ni Joaquin sa kultura't kasaysayan.

    Sa kanyang pagdakila sa kanyang Kristiyanong "tribu," pinuri ni Joaquin ang hibong "Faustian" ng Filipino na gumala't lumibot na sa buong mundo, inangkop ang lahat ng dulot ng Kanlurang Kristiyano. Nakapagpapataba ng budhi ang argumento ni Joaquin na ang Filipino, di umano, ay mahusay gumagad o kumopya ng anumang inangkat sa dayuhan, taktika ng makabayang Filipino. Wala tayong angal dito. Lamang, di natukoy ni Joaquin ang uri ng gobyerno, ekonomiya, korapsyon sa politika, at iba't ibang anyo ng rasismo't seksismo na ipinataw ng kolonyalismong Amerikano.

    Kahawig ng diskurso ni Ileto, nakaangat ang kultura ni Joaquin, tiwalag sa modo ng produksyon at ugnayang sosyal. Kung baga may esensiyal na katangian, "Faustian," ang karakter natin. Tulad ni Ileto, batid ni Joaquin ang iba't ibang antas ng kaayusang sosyal (mula sa mapang-alipin hanggang piyudal at kapitalistang orden), ngunit hindi naisakonteksto ang kulturang inilarawan sa bigat at impluwensiya ng nagsasalpukang puwersa sa lipunan.

    Sumulat si Joaquin noong panahon ng matinding pagbatikos sa konserbatibong Simbahan. Ang institusyong ito ay laging kakampi ng Estadong neokolonyal at petiburgesyang propesyonal na malapit sa uring komprador at burokrata-kapitalista. Nasindak sila sa armadong protesta ng mga pesante't trabahador. Iyon ay panahon ng pagkilala sa kontribusyon ng Moro at Lumad (Igorot) na palaging kinakaligtaan. Nasagi ang sensitibong bumbunan ni Joaquin; pumalag at ipinagsanib ang pagka-Kristiyano't pagka-Filipino sa isang bansag.

    Bagamat may malasakit si Joaquin sa sitwasyon ng nakararami, nakasentro pa rin sa indibidwalismong metodohikal na pugad ng espiritung "Faustian." Malalim ang pagkagumon sa paniwalang nasa loob ng kaluluwa ang bukal ng birtud o galing ng kakanyahan. Makikita ito sa tuligsa ni I.P. Soliongco, isang kapanahong peryodista ni Joaquin, sa kababawan o kagaspangan ng panitikan sa Ingles o Tagalog noong dekada 1920 at 1930: 'There was very little if any social criticism, very little if any of that absolutely necessary turning into the inward self for the accumulation of those truths which, in the final analysis, are the only worthy material for the creative effort" (217).

    Walang duda, tumalikod na si Soliongco sa di-maiiwasang pagkasangkot ng manunulat sa kanyang lipunan.  Tulad nina Villa at mga kontemporaryo, humanap ng saklolo si Soliongco sa isang romantikong metapisika na sintomas ng alyenasyong sakit ng petiburgesyang intelektuwal na alaga ng mga negosyanteng taga-imprenta ng magasin at peryodiko sa panahon ng dispensasyong Amerikano. Tila hindi pa nalulunasan ang sakit na ito na nakaugat sa punksyonal na pagkatali ng panggitnang saray sa komprador-burokratang upisyal na bumibili ng kanilang serbisyo. Ginawang komoditi ang dunong at kasanayan ng mga manunulat, guro, at iba pang propesyonal.

Nilambungan ng Anarkistang Gayuma

    Sa kaso ni Ileto, bagamat produkto ng Katolikong edukasyon, tumiwalag na siya sa tradisyong kinagisnan at sumilong sa karatula ng mga subalternong historyador sa India. Malakas ang impluwensiya sa kanila nina Foucault at dekonstruksyonistang kapanalig na tinangkilik ng US akademya sa rehimen nina Reagan at Thatcher, ang panahon ng neoconserbatibong pagsira't pagpawi sa  Welfare State. Kasagsagan pa iyon ng Cold War at indibidwalismong mapanila. Ang klima noon ay pabor sa metapisika ng teknokrat at reaksyonaryong patakaran kontra sa sosyalismo at mga Pangatlong Mundong aktibista tulad nina Che Guevara, Fanon, Amilcar Cabral, Ho Chi Minh, atbp.

    Panukala ko rito ang pagkalkula sa konkretong pinagmulan ng mga ideya, haka-haka, proposisyong tumuturol sa katangian ng tao o sibilisyasyon. Tila malaking kamalig na ang mga pag-aaral sa karakter o sikolohiya ng Pilipino. Tanyag na ang sikolohiyang Pilipino na tatak nina Virgilio Enriquez at mga disipulo, sampu ng pantayong pananaw. Nakahimok ito sa mapanghamong saliksik ni Dr. Melba Maggay tungkol sa katutubong pamamaraan ng komunikasyon, Pahiwatig.  Nais kong sipiin dito ang isang obserbasyon ni Dr. Maggay hinggil sa pagtrato sa panahon.

Bukal ng Pantayong Pananaw?

    Nasuri ko na ang akusasyon ni Ileto na may pagkiling na "linear" o "developmental" ang mga teksbuk nina Agoncillo, Constantino, at Amado Guerrero. Kakatwa na ito'y di nakaugma sa pagtrato sa panahon, taglay ang "akmang pakikiayon sa daloy ng buhay," sa mga pangyayari, nakikibagay sa ritmo ng kalikasan (161), Polychronic at flexible tayo, di umano, ayon kay Dr Maggay, nakatuon palagi sa kasalukuyan at "hindi tayo nagugulat at nababalisa kung may di inaasahang pangyayari na gugulo o aantala sa mga nakasalang nang programa." Dagdag pa niya:

    Dahil sanay ang ating isipan sa paghihintay doon sa puwang na nasa pagitan ng pagsisimula at pagtatapos--pag-aantabay at pag-asam na ipinapahiwatig sa pamamagitan ng katagang pag mahaba ang pisi sa pagkakabitin ng pangyayari.  Di gaya ng ibang kultura na di mapakali sa kawalan ng pagtatapos, tayo'y maaaring umatubang sa mahabang panahong pagkakahinog ng ating nilalayon at pinagbubuhusan ng pagod.  Nagagawa ito sa pamamagitan ng pagtalima sa ibang bagay na samantala'y nasa kahinugan na at tinatawag ang ating pansin.  Kung sisipatin mula sa labas ng kultura, maaari ngang basahin ito na isang pagpapaliban o pagpapabukas. Kung mauunawaan ang kulturang pumapaloob dito, masasabing ito'y bunga lamang ng pag-aantabay sa pamumukadkad ng mga ipinunlang binhi.  Isang paghihintay sa kaganapan na samantala ay pinupuno ng iba pang pinagkakaabalahan....  Inaantabayanan natin ang mga pangyayari at inaagapan ang mga pagkakataon samantalang maya't maya'y huli sa mga nakatakdang gawain alinsunod sa orasan (165-66, 204).

    Nakapupukaw na obserbasyon ito, base sa kostumbre't idyomang sinuri't kinilatis upang masalat ang paghawak sa panahon at sa espasyo sa pakikipag-ugnayan. Ngunit esensiyal at permanenteng katangian ba ito? Mapapagkamalan nga kung hindi lilinawin ang tiyak na yugto ng kasaysayang kinalalagyan nito, pati ang modo ng produksyon, paghahanapbuhay, alitan, libangan, kapaligiran, atbp. Walang pasubali na ang mga masamang hilig ng mayorya sa dula at pelikula na itinala ni Nicanor Tiongson ay bunga ng determinadong taktika ng kapitalistang midya. Nilagom sa ilang pormula ang namamayaning sukat ng kahalagahan: "Maganda ang maputi; masaya ang may palabas; mabuti ang inaapi; at maganda pa ang daigdig" (335). Sinusunod pa kaya ito ngayon?

Pagkakawing at Liberasyon ng Diwa

    Alam natin na hindi tahas na kapitalismong industriyal ang antas ng ekonomya natin. Hanggang assembly plant lamang tayo; wala tayong pabrikang yumayari ng malalaking makina, makinarya sa pabrika ng eruplano o tren o kompyuter. Apektado ang isip, damdamin at kilos natin. Sa unang malas, partikular ang mga gawing itinala sa isang piyudal at agraryong ekonomya, isang pesanteng milyu. Nagpatuloy ang mga gawi o "habitus" (kataga ni Bourdieu) sa isang transisyonal na modo ng produksyon at reproduksyon sa mala-pyudal na sitwasyon, bagamat tinablan na ng modernisasyon at nagkabisa na ang chronarchy sa mga nakatira sa kalunsuran. Kadalasan, ang modernisasyon ay katumbas ng paglaganap ng Amerikanisadong estilo ng pamumuhay.

    Sa ibang salita, limitado ang mga katangiang empirikal na itinuturing na wagas na buod ng diwa o sensibilidad ng Filipino. Magugunita na kamakailan lamang, itinuring ang hiya kompleks at utang-na-loob syndrome na istereotipikal na katangian ng mga Filipino sa kapatagan. Maraming halimbawang ganito ang mapupulot sa mga tourist guidebooks, sa mga teksbuk sa antropolohiya at sosyolohiya, sa mga cookbooks, sa mga palatuntunan sa radyo at TV, pelikula, at balitaktakan sa Internet, Facebook, atbp.

    Ang ideolohiya ng nakararami ay nakasalig pa rin sa di-pantay at litong takbo ng ekonomiya. Sanhi ito sa pinaghalong piyudal na kaayusan (laluna sa mga hacienda't plantasyon), kapitalistang pabrika, at komersiyong inuugitan ng korporasyang transnasyonal at kompyuterisadong transaksyon ng negosyo. Iba na ang disiplina ng upisina sa Makati kaysa araw-araw na gawain sa bukid o sa dagat ng mga maliliit na mangingisda. Mahigpit pa rin ang pagsasalisi at polarisasyon ng kanayunan at kanlunsuran sa ating kasaysayan, isang leitmotif na masasaksihan sa maraming pintura, awit, at pelikula, halimbawa, sa pinagpugayang Norte ni Lav Diaz. Magaling ngunit anong halimbawang maisasapraktika ng masa sa anarkistang indibidwalismo ni Diaz?

Anatomya ng Paglilipat

    Masinop na naimbentaryo na ni Eqbal Ahmad ang mga gawi't saloobin ng transisyonal na lipunan sa kanyang sanaysay, "The Contemporary Crisis of the Third World."  Mababanggit ang pamamayani ng "generalized logic of caution," puspos ng pag-aantabay. Maingat at matalas iyon sa pagmamasid sa takbo ng mga pangyayari, laging handa sa pagsunggab sa anumang pagkakataong susulpot--samakatwid, oportunista sa pagkakawang-gawa't pakikiramay.

    Karaniwang paksa na ang paglulusaw ng pagkakaiba ng pribado at publikong larangan. Trato ng pulitiko o upisyal sa kanilang posisyon na iyo'y paraan upang pagsilbihan ang pamilya't kamag-anak. Patuloy ang dinastiya ng mga pamilya sa pulitika, walang tunay na programang pambansa ang mga partidong ginagamit upang isulong ang kapakanan ng kadugo o katribu o karehiyon. Dahil sinugpo ng Amerikanong mananakop ang nasyonalistikong diskurso, lumala ang guwang na humahati sa pribado at publikong espasyo.

    Obserbasyon ni Niels Mulder, antropolohistang iskolar: "Philippine society has no tradition of a legitimate, a morally-backed state, and that the public sphere has not evolved into a moral order" (64). Hindi totoo. Taglay ng rehimeng hinirang ng Amerika ang isang tipo ng moralidad. Masisilip iyon sa pagkakabit ng Estado sa pagtataguyod ng pansariling kapakanan ng iilang parasitikong pamilya o angkan ng oligarkiyang kumikilos bilang bloke ng mga komprador, mga panginoong may-lupa, mga burokrata-kapitalista.

     Ang Estadong neokolonyal ay kontrolado ng oigarko at suportado ng U.S. Kung may maibubukod na "public sphere" at "civil society," ito'y nalilikha ng mga kilos at sikap ng pangmasang program ng mga organisasyong tutol sa US imperyalismo. Sapagkat walang soberanya sa pulitiko (susog ni Sen. Jose Diokno [1984]), ang oligarkong uri ay hindi puwedeng pumanday ng isang programang makabayan sa pagbuo ng ekonomyang makapagdudulot ng trabaho at kasaganaan sa nakararami. Walang lehitimo ang poder o lakas, walang awtoridad na dulot ng pagpayag o pagsang-ayon ng masa.

    Lumalabas na marupok ang pundasyon (materyal at ideolohikal) ng oligarkiya sapagkat umaasa sila sa kliyente-patrong pakikitungo na retorikal lamang. Pansin ni Barrington Moore Jr. tungkol sa obligasyong resiprokal: "In practice, violations of reciprocity are commonplace at all levels of civilization" (507). Sa dagling pisil, ang motor ng lipunan ay umaandar sa pamamagitan ng dahas, pandaraya at panunuhol, sinuhayan ng manaka-nakang pagsang-ayon at kaipala'y patalistikong pagpapaubaya ng madla.

    Pagnilayin natin ang pagsusumang ito sa kasaysayan ng maraming sibilisasyon. Kamukha ito nina Toynbee at Weber--may telos o sadyang pupuntahan ang takbo ng sibilisasyon. Lubhang pesimistiko't makitid na pakiwari ang opinyon ni Moore, na may pagkakaiba sa mga sikolohistang Filipino na may tiwala pa sa hiya kompleks at teorya ng pakikipagkapwang madulas (tinaguriang "smooth interpersonal relations" ng mga dalubhasa sa maka-Establisimyentong agham-panlipunan).

Pasiglahin ang Mapanuring Sensibilidad

    Tungkulin natin ang masinop at matiyagang pagsubaybay sa mga pangyayari sa ating kapaligiran. Subalit hindi sapat ang makitid at palasukong empirisistang pag-uusisa. Kailangang bulatlatin at tistisin ang koneksiyon integral ng bawat elemento o salik, ang dinamikong metamorposes ng mga ito sa isang nagbabagong totalidad. Pagkatapos, atupagin ang paglapat ng etika o paghahatol sa halaga ng bawat nangyari--sino ang napinsala? sino ang nakapagwagi't nagkaroon ng bentaha?  Imbentaryo't paghuhusga ang nararapat
tuparin upang makabuluhan ang pag-aaral ng direksiyon ng kasaysayan.

    Kalahok nito, dapat pahalagahan natin ang mga hangarin at mithiin ng taumbayan sa harap ng mapanganib at marahas na kapaligiran. Iyon ay protesta sa tadhana sapagkat nagsisiwalat ng katotohanan. Iyon ay pagtanggap din sa realidad, sa pangangailan, sapagkat nagpapaliwanag ng kung ano ang maari at kung ano ang hindi maaari sa sitwasyong namana, na ating sinasala't pinagaayaw-ayaw upang mapabuti ang kasalukuyang kalagayan (Barthes). Huwag nating kalimutan ang turo ni Engels na ang kolektibong kalayaan ay hugot sa pagkilala sa nesesidad, sa kung ano ang maari at di-maari sa situwasyong kinagisnan.

    Nakasentro ang ganitong pagtatasa sa transisyonal na proseso ng ating kabuhayan. Nakasingit tayo sa pesanteng lohika ng pag-iingat at sa proletaryong lohika ng matapang at mapangahas na pagsubok. Naipit tayo sa dalawang nagbabanggaang guhit ng hanggahan, ang matanda at bata: "haunted by the past, fevered with dreams of the future" (Ahmad). Maipagugunita ang untag ni Walter Benjamin: "There is no document of culture which is not at the same time a document of barbarism."  Samakatwid, magkapiling ang barbarismo at kabihasnan, ang paurong at pasugod, ang ideolohiya at utopya, sa alegorya ng balikatang pambansa (tungkol sa alegoryang nasyonal, tingnan si Jameson). Damay ang lahat. Dapat himayin ang kinahinatnang ito sa konkretong pagkakasilid sa bawat yugtong partikular ng karanasang pangkalahatan.

    Napakaselan ang imbestigasyong ito tungkol sa mga pwersang nagtatagisan sa bawat tiyak na arena ng pulitika. Sa ganitong panukala, dapat hatiin ang panahon sa tatlong parte: ang pangmatagalan o epokal, ang yugtong maikli o pang-dekada, at ang pang-araw-araw o conjunctural. May masasalat ding kagyat o agarang tempo, sa pagdalumat ni Marx (Bensaid, 69-94).

    Lumugar na tayo sa proseso ng diyalektikang pagsisiyasat. Sa pagdurugtong at pagtimbang sa mga pangyayaring dulot ng bawat antas o baytang ng kasaysayan, haharapin natin ang mga pagkakataong maaring kumakapa-kapa ng puwang sa daloy ng pangyayari, puwang kung saan mahuhuli at malilinang ang pagkakataong mabisa sa pagbabago ng sitwasyon. Dapat sanayin ang pulutong ng organikong intelektuwal ng pambansang demokrasya sa taktika ng giyera ng posisyon at sa estratehiya ng giyera ng maniobra (mga konseptong hiram mula sa diskurso ni Gramsci), kapwa hinihingi ng iba't ibang klima, kondisyon at kaigtingan ng pakikibaka.
   
Wala pang Senyal ng Pagsabog ng Pinyata

    Sa pangkalahatan, mahihinuha na nasa yugto pa tayo nina Rizal at Del Pilar, hindi pa sa kahinugan nina Bonifacio at Crisanto Evangelista. Iba't ibang antas ng kamalayan ang dapat ihanay at hasain nang mahusay upang maging handa sa mabilisang mobilisasyon. Pahintulutan ang lahat ng eksperimentasyon sa paglikha ng iba't ibang porma o hugis ng sining, ng paglalahad, sapagkat kailangang ilantad na ang namamayaning hugis ng kapaligiran, partikular ang mabighaning ilusyon, pagbabalat-kayo at mapagkunwaring imahen sa mass media.

    Tinutukoy ko rito ang kapangyarihan ng komoditi-petisismo. Mapapansin ito sa advertising at karatula, sa TV at Internet, knulapulan ng mga larawang/penomenang nagpapanggap na natural o makatao. Masidhi ang dating at impak nito sa lipunang neokolonyal na pinalibutan ng gahiganteng mall, tindahan ng pangako't panaginip ng kasayahan at kaluwalhatian. Sa katunayan, iyo'y magarbong bilangguan ng delusyon at mapanghumaling na pagwawala't pagpapatiwakal.

    Sa kabilang banda, dagdag na halimbawa ito ng ideyang mapanlinlang. Pag-isipan ang payak na saad sa isang aralin tungkol sa unyonismo na madalas matagpuan sa babasahing pampaaralan o pangmadla. Suliraning nakababagabag ito: "Ang interes ng mga manggagawa ay matumbasan ng wastong halaga ang lakas paggawang naiambag nila sa mga produktong kanilang nalilikha" (EILER). Puwede bang maibigay ng kapitalista ang "wastong halaga"? Sino ang may kapangyarihang magpasiya? Interes ba ito ng lahat, sa kabuuan, sa kolektibong pagtaya? Maaaring ibunyag ang konteksto nito, haimbawa, sa paglalayong pansining (aesthetic distance) o sa alienation-effekt na sinubok ni Bertolt Brecht. O sa mga samut-saring pamamaraan sa makabagong sinemang independiente.

    Mungkahi kong dapat itakwil ang dogmatiko at sektaryanistikong hilig ng ating palasintahing guniguni. Bukod sa realismong kritikal na iminungkahi nina Lukacs at Engels, magagamit ang taktika ng photomontage, halimbawa, at iba pang estratehiya't taktikang imbento ng mga konstruktibistang Ruso o ng mga suryalistikong artista tulad nina Cesar Vallejo at Pablo Neruda, pati na ang alegoryang pantasya nina Lu Hsun, Luis Bunuel, Kidlat Tahimik, atbp.

    Sa pedagohikal na situwasyon, magagamit kahit na ang mga tula nina Jose Corazon de Jesus o Benigno Ramos sapagkat kalakip ng kanilang tradisyonal na estilo ang sigla at kislap-diwang sumusuway sa malupit na paghahari ng imperyalismo't alipores nito. Adhikain nating pagtibayin ang nagkakaisang hanay, ang blokeng historikal ng progresibong kilusan. Reponsibilidad natin ang palusugin ang ganitong diyalektikang metodo't pananaw sa lahat ng penomenong kultural sa komplikadong proseso ng ating pakikibaka.

    Sa trabahong ito, wika ay napakakritikal na instrumento, mithiin at tampulan ng pagsikhay. Tungkulin ng aktibistang liderato ang tipunin, salain at pag-ugnayin sa integral na pananaw ang watak-watak na sentido ng ordinaryong mamamayan, laban sa alyenasyon at mahikang panlilinlang ng burgesyang aparato. Wika ang gumapi sa ating kasarinlan, wika rin ang kasangkapan sa paghuhunos at pagmumulat. Alalahanin natin ang leksiyon sa pangitaing inihayag ni Salvador Lopez, awtor ng makasaysayang libro, Literature and Society: "...Our national language, Filipino, is destined to grow and spread because it is necessary for the promotion of national unity and integration as well as for the education of a truly literate and progressive people" (65).

Pansamantalang Pahimakas

          Sa paglalagom, maigigiit na ang larangan ng kultura ay larangan ng pagtatagisan ng ideolohiya. Sa daloy ng tunggalian ng mga uri sa kasaysayan, naglalaban ang mga puwersa ng kaisipan, ugali, damdamin, saloobin, adhikain, na repleksiyon ng lugar ng mga grupo sa produksiyon.  Ang ugnayang sosyal na batay sa moda ng pagyari sa bawat yugto ng kasaysayan ay kaagapay o nakakawin sa ideolohiya (pananaw sa mundo), sa spero ng kultura.

    Taglay ng bawat pangkat ang pangitain-sa-mundo o ideolohiya na rason, manapa'y rasyonalisasyon, ng kanilang posisyon sa lipunan. Taglay ng oligarko ang kanilang tradisyonal na pamantayan. Taglay naman ng uring trabahador at gitnang saray ng lipunan na lumilikha ng halaga, ng mga gamit sa kabuhayan, ang kanilang organikong ideolohiya na nilagom sa pilosopiya ng materyalismong diyalektika't historikal na nakaugat sa buhay at gawa ng mga bayaning Rizal, Bonifacio, Mabini, Crisanto Evangelista, atbp. Magkakontra ang dalawang pananaw na ito nakasalig sa sistema ng produksyon at reproduksyon ng kongkretong buhay sa lipunan.

    Sa ordeng neokolonyal, ang naghaharing ideolohiya ay kagamitan ng mga nagmamay-ari. Nakasentro ito sa komoditi-petisismo, sa pag-samba sa salapi/bilihin.  Itinuturing ng burgesyang mentalidad, ng indibidwalistikong kaisipan, na ang mga bagay sa kapaligiran ay gumagalaw, nag-uutos, nag-uudyok, at pumatnubay sa araw-araw na buhay. Sa gayon, laganap ang alyenasyon kung saan ang tao/indibidwal ay waring instrumento ng mga produktong yari ng kolektibong lakas. Naging makapangyarihan din ang mga institusyong humiwalay sa kontrol ng tao, pati mga istrukturang gumagabay sa lipunan na likha ng kolektibo. Paano malulunasan ang alyenasyon, kaakibat ng inhustisya at pagmamalabis, na kinakatawan ng naghaharing kultura't marahas na aparato ng Estado?

    Sinikap ditong maihapag ang isang borador ng kagyat na pagsipat sa problema ng neokolonyang kulturang imiiral. Sa ilang halimbawa, sinikap suriin ang ideolohiyang sumusuhay sa bulok na relasyong piyudal at patriyarkal na minana natin sa tradisyon ng pananampalataya at pamahiing dumidisiplina sa buhay ng maraming maralita. Panimulang pagsubok lamang ito, hindi kongklusyon. Ang buod ng tesis dito ay nakalakip sa ilang tanong: Anong mga palatandaan ang makikita sa mga kilos, gawa at kolektibong pagsisikap ng nakararami na dapat linangin, palusugin at paunlarin upang makabuo ng siyentipiko, popular, makabayan at mapagpalayang kabihasnang tumutugon sa pangangailangan ng nakararaming Filipino sa modernong yugto ng kasaysayan?  Paano natin makakamit ang dignidad at kabutihang sangkap ng humanidad sa buong mundo?  Ano ang dapat buwagin, panalitihin, at likhain? Kolektibong proyektong ito kaalinsabay sa politikang kilusan ng mayorya tungo sa pagtatamo ng kasarinlan at pambansang demokrasya.

    Sa muni ko, dapat gamitin ang diyalektikal na sukat sa pagsusuri sa baligho't balintunang kalakaran. Mapasisigla natin ang grupo ng organikong intelektwal ng masa kung sisikapin nating tuklasin at tarukin muli ang ispesipikong mekanismo ng mga ugali, kaisipan, saloobin, sa isang tiyak na sitwasyon. Pagkatapos, maiging himayin natin ang negatibong bahagi o puwersa na nagpapanatili sa kasamaan at kahirapan, at ang positibong bahagi na sumasalungat doon--ang tendensiyang utopiko o mapangarap, na pinagmumulan ng mapanlikhang pagbabago.

    Sa wakas, sikapin nating paglangkapin ang magkasalungat na salik/sangkap ng ating lipunan sa pulitika ng blokeng historikal ng makabayang partido ng mga anak-pawis, ng nakararaming mamamayan. Layon natin ang maisapraktika ang demokrasyang popular, ang partisipasyon ng lahat, sa pagbuo ng isang bansang makatarungan, masagana, at nagtatamasa ng tunay na kasarinlan.  Sa mga komentaryo sa kultura, sa mga pangyayaring may kinalaman sa batayang prinsipyo't paninindigan, ilapat natin ang dalawang hakbang na naipanukala ko rito. Sa gayon, mabibigyan natin ng matatag na oryentasyon ang plataporma ng masa tungo sa pagbagagong-buhay.


SANGGUNIAN

Agoncillo, Teodoro and Oscar Alfonso.  History of the Filipino People. 
    Queen City: Malaya Books, 1967. Nakalimbag.
Agoncillo, Teodoro and Milagros Guerrero.  1970.  History of the Filipino People. 
    Quezon City: R.P. Garcia Publishing Co, 1970.  Nakalimbag.
Ahmad, Eqbal.    "The Contemporary Crisis of the Third World."  Monthly Review (1981) 32.10: 1-12. Reprinted in Third World Studies Dependency Papers. Series No. 34 (June 1981): 1-11.  Nakalimbag.
Althusser, Louis.  Lenin and Philosophy and Other Essays.  London:; NLB, 1971.       Nakalimbag.
Barthes, Roland.  1996.  "The Tasks of Brechtian Criticism."  In Marxist Literary     Theory: A Reader, ed. Terry Eagleton and Drew Milne, 136-40.  New     York:     Blackwell, 1996.  Nakalimbag.
Benjamin, Walter.  1977.  "Reply." In Aesthetics and Politics, tr. ed., Ronald     Taylor, 134-41.  New York: New Left Books, 1977.  Nakalimbag.
Bensaid, Daniel.  Marx For Our Times.  New York: Verso, 2002.   Nakalimbag.
Constantino, Renato.   The Philippines: A Past Revisited.  Queen City: Tala
    Publishing Services, 1975.  Nakalimbag.
De Manila, Quijano [Nick Joaquin].  1983.  Discourses of the Devil's Advocate.      Manila: Cacho Hermanos Inc, 1983.  Nakalimbag.
Diokno,Jose W.  Anti-Americanism: Twenty-four Questions About Filipino     Nationalism.  Manila: Kaakbay Primer Series No. 2, 1984.      Nakalimbag.
Dray, William H.  Philosophy of History.  Englewood Cliffs, NJ: Prentice Hall, 1964.  Nakalimbag.
EILER.  Pambungad na Araling Mangggawa.  Manila: Ecumenical Institute for Labor Education and Research, 1984. Nakalimbag.
Ellao, Janess Ann & Dee Ayroso.  "20 years after Flor Contemplacion, Filipino migrants suffer same exploitative conditions."  Bulatlat (March 17, 2015).
    <http://bulatlat.com/main/2015/03/17/20-years-after-flor> Web.
Engels, Fredrick.  Anti-Duhring.  New York: International Publishers, 1939.  Nakalimbag.
Fischer, Ernst.   How To Read Karl Marx.  New York: Monthly Review Press,     1996.  Nakalimbag.
Foucault, Michel.  Language, counter-memory, practice.  Ithaca, NY: Cornell     University Press.  Nakalimbag.
Gramsci, Antonio.  Selections from the Prison Notebooks.  New York:
    International Publishers, 1971.  Nakalimbag.
Guerrero, Amado.  Philippine Society and Revolution.  Manila: Pulang Tala,     1971.  Nakalimbag.
Hobsbawm, E.J..  Primitive Rebels.  New York: W.W. Norton, 1959.     Nakalimbag.
Ileto, Reynaldo.   "Outlines of a Non-Linear Emplotment of Philippine
    History."  In The Politics of Culture in Global Capital, ed. Lisa Lowe and
    David Lloyd, 99-131.  Durham NC: Duke University Press, 1992.      Nakalimbag.
-----.   Filipinos and Their Revolution.  Quezon City: Cambridge University
    Press, 1998.  Nakalimbag.
Jameson, Fredric.  The Jameson Reader.  Malden, MA: Blackwell, 2000.  Nakalimbag.
Lopez, Salvador.   "Literature and Freedom."  Asia ang Pacific Quarterly xi. 3 (Autumn): 65-70, 1979.  Nakalimbag.
Maggay, Melba Padilla.   Pahiwatig: Kagawiang Pangkomunikasyon ng Filipino,     Quezon City:  Ateneo de Manila University Press, 2002.   Nakalimbag.
Mandel, Ernest.  Introduction to Marxism.  London:  Inks Links, 1998.      Nakalimbag.
Mao Tsetung  Selected Works of Mao Tsetung.  Peking: Foreign Languages     Press, 1977.  Nakalimbag.
Marshall, Gordon,ed.  A Dictionary of Sociology.  New York: Oxford
    University Press, 1998.  Nakalimbag.
Marx, Karl & Frederick Engels.  Selected Works.  New York: International     ggPublishers, 1968.  Nakalimbag.
Moore, Barrington, Jr.  Injustice: The Social Bases of Obedience and Revolt.      White     Plains, NY: M.E. Sharpe Inc, 1978.  Nakalimbag.
Mulder, Niels.  Inside Philippine Society: Interpretations of Everyday Life.      Quezon City: New Day Press, 1997.  Nakalimbag.
Pomeroy, William.  The Philippines: Colonialism, collaboration and resistance!      New York: International Publishers, 1992.  Nakalimbag.
San Juan, E.   US Imperialism and Revolution in the Philippines.  New York:     Palgrave, 2010.  Nakalimbag.
-----.  Between Empire and Insurgency: The Philippines in the New Millennium.      Quezon City: University of the Philippines Press, 2015.  Nakalimbag.
Schirmer, Daniel and Stephen R. Shalom.  The Philippines Reader. Boston:       South End Press, 1987.  Nakalimbag.
Soliongco, I.P.  "On American Literature and Filipino Society."  In     Rediscovery,     ed. Cynthia Nograles Lumbera and Teresita Gimenez     Maceda, 209-218.  Metro Manila:National Book Store, 1983.  Nakalimbag.
Sturtevant, David.  Popular Uprisings in the Philippines, 1840-1940.  Ithaca: Cornell University Press, 1976. Nakalimbag.
Tiongson, Nicanor.  "Four Values in Filipino Drama and Film."  In Affirming the Filipino, ed. Ma. Teresa Martinez-Sicat and Naida Rivera, 335-352.  Quezon City: Dept of English, University of the Philippines, 204.
Tolentino, Rolando & Josefina Santos, eds.  Media at Lipunan.  Quezon City: University of the Philippines Press. 2014.  Nakalimbag.
Velez, Tyrone.  "Jobs Fair enforcing brain drain, says labor group."      Bulatlat (June 10, 2014).
           <bulatlat.bcom/main/2014/06/10/jobs-fair-group>  Web.
Veneracion, Jaime.  Agos ng Dugong Kayumanggi.  Quezon City: Education     Forum, 1987.  Nakalimbag.
Wood, Ellen Meiksins.   Democracy Against Capitalism.. New York:
    Cambridge University Press 1995.  Nakalimbag.   ###


No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...