Saturday, October 25, 2014

TRAJEKTORYA NG MASUYONG HAMPAS-LUPA

PAGSUBAYBAY  SA  TRAJEKTORYA NG MASUYONG HAMPAS-LUPA

Ngunit bakit ka nangahas na sa akin ay lumiyag
Di mo baga natalastas na ako’y may ibang hanap?
                    --Awit-Bayan


Dumarating sa gilid ng burol ang dayuhan

Pagkatapos ng dyugdyugan, anong mapapala?
Sinisingil ng mga balo’t ampon ang naglagalag
Bagamat ambil sa kanya’y taga-tuklas ng hiwaga
Walang takot sa kawalan—mundo'y lumilipas…..

Dumarating sa  kurba ng bangin ang banyaga

Habang humihinga, payo ng pantas, asikasuhin
At alagaan ang di-sakop ng bukadurang palpak—
Nalugmok sa sindak ang kaluluwang hubad
Kilala sa dilim ang katawang nakabalat-kayo.

Dumarating sa bagwis ng layag ang naligaw

Lahat ay pumapanaw, anong silbi ng awa o habag?
Gayunma’y kanlungin ang kasiping sa magdamag,
Yapusin ang kabiyak na nagtaksil sa tipanan
Lunukin ang apdo ng nagkanulong paraluman.

Dumarating sa dulo ng bahaghari ang isinumpa

Sa gabing dumausdos, tagulaylay ng bulalakaw--
Umaantak sa gunita ang kumalingang labi
Ginahasa ng panaginip, pangakong natimbuwang
Yakap ng dayuhang bunyag sa kislap ng buwan.


--E. SAN JUAN, Jr.

No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...