ABUTIN MO ITONG SAYAW
(Unang burador ng salin ng tula ni Federico Garcia Lorca, "Pequeno Vals Vienes," pinalaganap ni Leonard Cohen sa kanyang bersiyon)
--ni E. San Juan, Jr.
I.
Sa Vienna naroon ang sampung dalagang marikit
Nakaabang ang balikat ng kamatayang tumatangis
Tunghayan ang gubat ng mga kalapating naluoy
Masdan ang kapirasong sintas na napigtal sa umaga
Naglambitin sa museo ng nagkristal na hamog
Nariyan ang bulwagang pinalibutan ng sanlaksang bintana
Ay ay ay ay!
Abutin itong sayaw, kunin itong balse
Hawakan itong sayaw ng bungangang binusalan
Munting balse, munting-munti, kapurit lamang,
Bumubunghalit ng alak at kamatayan
Dumadarag ang buntot na nalunod sa asin ng dagat
II
Gusto kita, gusto kita, nais kita,
Sampu ng butakang lulan ang librong inilibing
Bumagsak sa pasilyong umaapaw sa lungkot at panglaw
Naligaw sa madilim na yungib ng liryo
Bumangon sa himlayang babad sa pawis ng buwan
Lasing sa indayog ng panaginip ng pawikan
Ay ay ay ay!
Saluhin ang bali-baling tadyang ng sayaw na ito.
III.
Sa Vienna tanawin ang apat na salamin
Kung saan ang labi mo'y naglalaro sa luksang alingawngaw
Naghihingalo sa piyanong nagsaboy ng kulay asul
Sa mga lalaking tumahimik sa lumbay ng tugtog
Tumatagos sa mga pulubing nanlimos sa butas ng bubong
Kung saan umakyat ang nag-alay ng sariwang kwintas ng luha
Ay ay ay ay!
Sunggaban mo ang bayleng itong nakahandusay sa aking bisig
Ay ay ay ay!
Angkinin ang sayaw na itong ilan taon nang pumapanaw
IV.
Dahil nais kita, hangad kita, sa lilim ng iyong mga binti
Humikbi't umiyak sa silid ng mga batang tumatawa
Magsisiping tayo sa panaginip ng mga gulanit na parol ng Ungriya
Nakalutang sa ingay at alinsangan ng maghapon
Kapiling ang mga tupa at liryo ng yelong nalulusaw
Sa makulimlim na libingan ng iyong noo
Ay ay ay ay!
Kunin, angkinin mo na ang dansang itong nakabuntot sa paalam na "Iibigin kita magpakailanman"
V.
At magsasayaw tayo sa Vienna
Nakabalatkayo ng ilog at mailap na bulaklak sa iyong pampang
Ligaw na rosas ang nakasampay sa aking balikat
Ang bibig ko'y iiwan sa pagitan ng iyong mga hita
Naburol ang kaluluwa sa potograpo't lumot
Gumagapang sa matinik na alon ng iyong kilos at hakbang
Dadalhin mo ako sa hukay lawit sa pulsong umiindak
Mahal ko, mahal ko, kailangan ko nang iwan ang biyolin ng dibdib
ang naglambiting laso ng iyong katawan--
Hagkan mo itong sayaw, sa iyo na 'yan ngayon, iyan lamang
ang natira, wala na.
###
Others have given their lives, without doubt or heed...Scaffold or open plain, combat or martyrdom's plight, 'Tis ever the same, to serve our home and country's need. -- JOSE RIZAL, "My Last Farewell" // Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis Mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib... -- FRANCISCO BALAGTAS, "Florante at Laura" //
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY
SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...
-
PAGSUBO K SA ISANG MAPAGPALAYANG PAGKILALA'T PAGTAYA SA SINING NI JOSE CORAZON DE JESUS by E. SAN JUAN, Jr. Dahil sa ma...
-
KONTRA-MODERNIDAD: PAKIKIPAGSAPALARAN SA PAGTUKLAS NG SARILI NATING MAPAGPALAYANG KABIHASNAN Kung ang katotohanan ay matatagpu...
-
ULIRANG HALIMBAWA NI EFREN ABUEG: Tungo sa Mapagpalayang Sining ni E. San Juan, Jr. Kamakailan, bago ipinawalan ang “Morong 43” na biktima...
No comments:
Post a Comment