Sunday, May 04, 2014

ANG TAYA NG SUGALERO

BAGAMAT/DAHIL SA WALANG KATIYAKAN O KAHIHITNANAN, UMAASA PA RIN ANG SUGALERO....



Bigo, walang bathalang liligtas o sasagip sa iyo sukat na ipagsamo
Paltos, anong tadhanang nagbabanta sa pagliko ng daan

Mintis, sinong nag-aabang sa pagtawid mong walang inaasam-asam
Palyado, saan dadako, anong gagawin sa balighong pangyayari

Kulang-palad, saan patutungo na walang paralumang gagabay
Amis, patnubay mo ang anino't larawang nakapinta sa pader

Sawi, siguradong may wakas sa hangganan ng landas
Bagsak, bumukal ang pag-asa sa kawalan at sa paglisan

Talo na, di sinasadya'y tinutukso ka ng pagkakataon
Laos, nakuha pang lumingon upang mapagsino ang sumusunod

Gapi, huwag bumalik o lumihis sa tsansang ipinagkait
Narito, sa imaheng namasdan mo nakasilid ang iyong kapalaran

Bigo man, sige pa rin ang galaw ng imahinasyong nakatiwangwang
Narito, sa sinibak na kahoy galing ang dais na inihagkis ng makapangyarihan

Sandali, dumaplis  muntik na, walang suwerte walang tagumpay
Saglit, kapurit lamang, halos wala, masusulyapan mo sa pagitan ng rehas

Buwisit, kahit malas, sa bawat siwang sumisingit ang tagapag-ligtas
Ngayon, tunay nga, trabahong pagmamahal ang pagpusta sa pagbabagong-buhay


ni E. SAN JUAN, Jr.




No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...