Saturday, March 08, 2014

MODERNIDAD & GLOBALISASYON /Modernity & Globalization

MODERNIDAD AT GLOBALISASYON: Diyalektika ng Panahon at Lugar

ni E. San Juan, Jr.

Prologo

    Tila kabalintunaan ang nangyayari ngayon.  Singkahulugan ng modernidad ang katwiran at pagkamakatao, sagisag ng pagsulong ng kabihasnan.  Sa malas, batay sa krisis sa Ukraine, Syria, patuloy na digmaan sa Afghanistan, Mindanao, at hidwaan tungkol sa China Sea, umuurong na tayo mula sa modernidad tungo sa barbaridad, mula globalisasyon tungo sa kumprontasyon ng mga makasariling bansang nagpipilit ng kanilang natatanging etnisidad na namumukod sa iba.  Kabaligtaran nga.

    Ibungad natin ang problemang bumabagabag sa atin: Anong uri ng modernidad ang taglay ng Pilipinas? Kaugnay nito, paano mapapalaya ang potensyal ng ordinaryong araw-araw na buhay ng bawat mamamayan?
   
    Isang anekdotang may masusing pahiwatig ang ibabahagi ko muna. Kamakailan, sa isang workshop ng mga manunulat sa TABOAN 2014 (pagtitipon ng mga manunulat sa Subic Free Port, Zambales) tungkol sa pagsasalin, naitanong ko sa panel: "Pare-pareho ba o magkakapantay ang lahat ng wika na magagamit sa pagsasalin?" Di umano, isang inosenteng tanong. Tugon sa akin ng dalawang kasali roon: "Oo, pare-pareho, walang wikang nakahihigit sa iba. "Ibig sabihin, Ingles, Cebuano, Pranses, Intsik, Ruso, Aleman, lahat iyan ay magkakapantay-pantay...

    Saan ba tayo nakatira? Anong petsa ba, saang lugar? Nakakalito nga. Tingnan ninyo: bagamat ang Subic ay isinauli na sa Filipinas, patuloy pa rin ang paggamit noon ng Kano sa taun-taong Balikatan Exercises, pati Clark at iba pang base sa buong sangkapuluan. Gayunpaman, una munang pinagkaabalahan ng mga nagpupulong ang PX goods at aliwang karaoke sa Olongapo, hindi ang VFA at patuloy na interbensiyon ng US sa ating soberanya. Kaya patas ba ang neokolonya at bansang nagdidikta ng kondisyon ng VFA (Visiting Forces Agreement) sa gobyerno ni Presidente Aquino?

    Himayin natin ang sitwasyon. Sa perspektiba ng lingguwistika, tama, bawat wika ay nagsisilbing sapat sa pangangailangan ng grupong gumagamit nito. O sa layon ng partikular na pagsasalin. Ngunit ang wika, anumang senyas na may kargadang kahulugan, ay hindi nakalutang sa himpapawid o sa pantasiya; nakaugat ito sa espasyong may tiyak na lugar at panahon. Sa globalisasyon ng mundo sa ilalim ng IMF/WB at mga higanteng korporasyon, walang pasubaling global Ingles ang namamayani. Hindi lengguwaheng Intsik, Ruso, Hapon, Pranses, Aleman, Espanyol, o Filipino.... Bakit nagkaganito?

Punto de Vista sa Pagsasaliksik

    Dalawang mungkahi.  Una, palagay ko'y hindi natin masasagot iyong tanong kung hindi susundin ang ilang gabay o paalala.

    Una, ilagay sa konkretong konteksto ng kasaysayan ng lipunan ang wika o anumang usaping pangkultura.  Pangalawa, hindi uubra ang indibidwalistikong pananaw (methological individualism) kung nais natin ang malawakang kontekstuwalisasyon at praktikang paghuhusga. Bakit? Sapagkat ang lipunan ay hindi koleksiyon ng hiwa-hiwalay na atomistikong indibidwal. Binubuo ito ng artikulasyon ng ugnayang panlipunan na may kasaysayan, may lumipas at kinabukasan.

    Sa madaling salita, kontekstuwalisasyon sa isang tiyak na yugto ng kasaysayan at pagtutok sa proseso ng panlipunang relasyon ang dalawang bagay na dapat idiin sa ating pag-aaral ng modernidad. Kung hindi, arbitraryong hatol ng metapisikang pag-iisip ang maghahari.
   


Pagtugis sa  Kasalukuyan

    Makasaysayang pagkakataon ito upang pag-isipan natin ang sitwasyon ng Filipinas, ang katayuan ng lipunan at kultura nito, sa panahon ng globalisasyon. Panahon din ito ng malubha't lumalalang krisis ng imperyalismong sumasakop sa buong planeta. Bagamat global ang pananaw, isang sipat na bumabagtas sa bakuran ng mga bansa, lokal pa rin ang pokus ng analitikong pagsusuri ng ispesipikong buklod ng mga pangyayari at tauhan. Nakaangkla sa praktikang dalumat ng mga kolektibong lakas.

    Panahon din ito ng paglantad sa "total surveillance" at "drone warfare" na isinasagawa ng US habang patuloy na pinatitingkad ang giyera laban sa "terorismo"--ibig sabihin, ang interbensyong paglusob at paglupig sa mga bayan at grupong kontra sa imperyalismo ng mga higanteng korporasyong nakabase sa US, Europa, Hapon--ang Global North at mga kaalyado nito. Nakapanig pa rin ang Filipinas sa Global South, nakapailalim pa rin sa mga industriyalisado't mayamang bansa.

    Sa okasyong ito, ilang tesis lamang ang ilalahad ko upang ganap na talakayin natin sa pagpapalitang-kuro hinggil sa usapin ng suliranin ng modernidad.

        Nasaan tayo sa hirarkiyang internasyonal? Bagamat kunwaring may kasarinlang republika buhat pa noong 1946, ang Pilipinas, sa katunayan, ay isang neokolonya ng US. Lantad ito sa pagdepende ng oligarkong gobyerno sa poder militar ng US, at sa mapagpasiyang kapangyarihan nito sa WB /IMF, WTO, G-7, UN, at konsortiya ng mga bangko't nagpapautang na mga ahensiya.

    Sa pandaigdigang situwasyong ito, nakalukob tayo sa panahon ng malubhang krisis ng kapitalismong pampinansiyal. Ebidensiya ang pagbagsak ng Wall Street, pangalawa sa nakaraang siglo, noong 2008. Mas maselan ito kaysa noong 1929. Napipinto pa raw ang isang mas mapanira't katastropikong pagbulusok sa hinaharap na makapagbabago sa kultura't ideolohiyang pumapatnubay sa kasalukuyang modernidad. Dito nakalakip ang modernidad ng lahat ng bansa.

 Akumulasyong Walang Ginagalang

     Maingay ang konsumerismong namamalas na pangunahing aktibidad sa lipunan---laluna sa mga siyudad sa atin na siksikan na ang malls, trapik, gusaling "call centers--kaya tila nakalimutan na ang basehan nito. Paglago ng tubo ang siyang lohika pa rin ng lipunan.

    Bagamat iba't ibang porma't paraan ang akumulasyon ng kapital, ng tubo, dahil sa makabagong teknolohiya ng komunikasyon at transportasyon, sa tulong ng kompyuter at Internet, nakasentro pa rin ang sistemang global sa pagkamal ng kapitalista sa surplus-value na nagmumula sa di-binayarang trabaho ng karamihan. Iyon ang bukal ng tubo/profit. Kasama na rito ang "service workers," OFW--mahigit 12 milyong Pilipinong empleyado sa Saudi, Hong Kong, at saanmang lupalop, pati sa mga barkong nagdadala ng langis at mga produktong ipinagbibili (kabilang na ang armas, bomba, tear gas, atbp).

    Sa patuloy na lumalaking remitans nakasandig ang ekonomya ng bansa--dagdag ang "call centers" at iba pang "business outsourcing." Walang matibay o malusog na produksiyon ng makina, ng malaking kagamitan sa industriya, sa atin kundi mga mall, ispekulasyon sa real estate, at "service industry" ng turismo, atbp.

    Sa ibang salita, ang tubo o kapital ng uring kumukontrol sa malalaking gamit/paraan ng produksiyon, ay hinuhugot pa rin sa lakas-paggawa ng mayorya, ang mga anakpawis, magbubukid, at mga propesyonal na bumubuo sa panggitnang saray, ang petiburgesya. Dito nakasalalay ang modernidad ng ordeng internasyonal.

Buod ng Modernidad

      Ang pinakaimportanteng katangian ng kapitalismo, ayon kay Marx, na siyang birtud na nagtutulak sa tinaguriang "modernization" at "development," at humuhubog ng kultura, lifestyle, at araw-araw na pamumuhay ay walang iba kundi ito: walang tigil na transpormasyon ng modo ng produksiyon, walang patid na pagbabago ng kagamitan at proseso ng produksiyon ng lahat ng bagay, at reproduksiyon ng relasyong panlipunan/ugnayan ng mga tao.  Nakasalalay dito ang pagsulong ng lipunan, ang paghahati ng panahon.

    Sa maikling salita: "Everything solid melts into air...." proklamasyon ng Communist Manifesto. Pangkalahatang pagbabago, pag-iiba.

    Nais kong salungguhitan ang katotohanang naipaliwanag na nina Marx, Engels, at sinaunang pantas tulad nina David Ricardo, Saint-Simon, at iba pa. Materyalistikong diyalektika ang nagsisiwalat sa rebolusyong nagpapasulong sa kasaysayan ng mundo. Ang rebolusyong ito ng "mode of production" (na umuugit sa kompitensiya ng iba't ibang paksyon o grupo ng burgesya) ang saligan ng modernidad sa estilo ng buhay, ng kultura, ng sensibilidad at mentalidad ng bawat lipunan.

    Sintomas ng pagbabago ay masisilip at makakapa sa larangan ng ideolohiya--relihiyon, pulitika, sining, mass midya, atbp.--kung saan nakikita, nararamdaman, natutuklasan ang pagtatagisan ng ibat ibang pwersa sa lipunan sa bawat yugto ng kasaysayan. Ang modernidad ng globalisasyon ay nagkakatawan sa tekstura't istraktura ng ideolohiya.

Metamorphosis ng Kapaligiran

    Bumalik tayo sa tema ng lugar at panahon. Pwedeng ituring na alam natin kung nasaan tayo. Kung di ninyo alam, konsultahin ang GPS, o inyong cellphone. Kung sa bagay, nagtatalo pa rin ang mga akademiko hinggil sa diyalektika ng "place" (lugar) at "space" (espasyo) sa isyu ng globalisasyon. Dahil nga sa kompyuterisasyon, nakompress ang espasyo--ayon kay David Harvey sa kanyang librong The Condition of Postmodernity--kaya panahon, bilis ng pagkitid ng espasyo, dagliang transaksyon--ang makatuturang problemang kinakaharap natin ngayon, ang "politics of time."

    Ginawang larangan ng pagsukat at pagtimbang ang bawat bahagi ng kasaysayan, ang pagkilala sa bahagdan ng kasaysayan. Paano babansagan ang bawat hati ng panahon upang makatiyak sa ating pinanggalingan at patutunguhan? Nasaan tayo sa temporalisasyon ng kasaysayan? Bakit importante na nasa unahan tayo at hindi sa huli? Paano ang pagkilala sa huli at una? Ano ang bentaha nito, ano ang implikasyon?

       Siyasatin natin ang mapa ng panahunan. Tanggap ng lahat na pagkatapos ng krisis noong 1970, minarkahan ng pagkatalo ng U.S. sa IndoTsina, nagbago ang mundo sa pag-urong ng Unyon Sobyet sa antas ng "booty capitalism." Sumunod ang Tsina at Biyetnam, ngayo'y mahigpit na kasangkot sa pandaigdigang ikot ng akumulasyon ng tubo. Pumasok tayo sa panibagong yugto pagkaraan ng 9/11; at paglunsad ng digmaan laban sa tinaguriang "teroristang" extremists--giyera sa Syria, Palestina-Israel, at laban sa Iran ukol sa langis, petroleo, na pangunahing enerhiya pa rin sa pabrika.

    Sa ngayon, nasa bingit tayo ng giyera laban sa Rusya at Tsina--sintomas lahat ito na patuloy na kompetisyon ng mga paksyon ng kapitalismong global hinggil sa pamilihan ng komoditi, kung saan ipagbibili ang yaring produkto, at kung saan kukuha ng hilaw na materyales sa produksiyon. Sa kontekstong ito, mabilis ang pagbabago ng kagamitan sa produksiyon at pagsasakatuparan sa paghango ng tubo/profit. Mabilis din ang buhos at agos ng penomenang kaakibat nito sa anyo ng kultura ng araw-araw na kabuhayan.

Digmaan sa Arena ng Kultura

     Samantala, maalingasngas ang usapin ng NSA (National Security Administration ng U.S.), espiya o surveillance, tortyur, at kagyat na asasinasyon o pagpaslang ng sibilyan sa pamamagitan ng drone, atbp. Talagang tumitingkad ang krisis ng kalikasan, sampu ng paglusaw ng Artika at Antartika. Penomenal ang Yolanda, baha, lindol, bagyo sa Mindanao, at iba pang sintomas ng epekto ng kabihasnang pinaiinog ng exchange-value, salapi, tubo.

    Tanda ba ito ng bagong epoka, o pag-uulit lamang ng nauna at walang progresyong pag-inog na kasaysayan?

    Walang tigil na pag-uulit ng araw-araw na buhay o pagbabago--alin ang ating oryentasyon? Saan tumutungo ang takbo ng panahon, ang gulong ng kasaysayan? Para sa konserbatibong modernista (tulad ni Martin Heidegger), repetisyon ng tradisyon at mito ng lahi ang dulo ng pagpapasiyang umiral sa harap ng takdang kamatayan. Ito ang solusyon sa eksistensiyalistang kilabot. Ang mito ng Volk ay siyang kalutasan sa angst ng tiyak na pagsapit ng itinakdang kamatayan. Nalutas ang indibidwal na kapalaran sa mistipikasyon ng dugo't lupa ng Volk. Ito ang doktrina ng Nazi sa Alemanya noong nakaraang siglo.

       Maraming kategorya rin ng transpormasyong titigil sa repetisyon ng araw-araw na buhay.  Para sa radikal na modernista (tulad ni Walter Benjamin), ang kasukdulan ng panahon ay pagputol sa repetisyon--sa opresyon at kahirapan--sa katuparan ng Ngayon, pagpapalaya sa pwersang sinupil o sinugpo sa araw-araw upang maligtas ang lahat. Rebolusyong radikal ang kailangan.

    Maraming paraan ng liberasyon ng araw-araw na buhay, na makikita sa avant-garde na kilusan ng suryalismo, futurismo, situwasyonismo, sining konseptuwal, atbp. Kaalinsabay nito ang mga rebolusyonaryong proyektong pampulitika ng mga anarkista, sindikalista, at sosyalistang nilagom nina Marx, Lenin, Gramsci, Luxemburg, Mao, atbp.

Karnabal  ng Pakikipagsapalaran

          Anong yugto ng kasaysayan tayo ngayon? Saang dako ng proseso ng modernidad (hindi modernisasyon) nakahinto ang bansang Pilipinas?

    Ang temporalisasyon ng kasaysayan ay pag-uulit ng nakaraang karanasan. Ngunit sino ang sumusukat o tumitimbang sa agos ng panahon at paano ito natatarok na makaluma o makabago? Makatatakas ba tayo sa rutang siklikal na krisis ng kapitalismo o imperyalismo? Makaiiwas ba tayo sa kalamidad sa pagbuo ng ibang hugis o uri ng makabago, ng modernidad, ng kontemporaneo nang hindi pinapalitan ang lohika ng kapitalismo?

    Bihag pa rin tayo ng indibidwalistikong pananaw, ng "methodological individualism" ng burgesyang sosyolohiya at sikolohiya. Suhetibismo't relatibismong kabatiran ang resulta. Nakakulong pa rin tayo sa atomistikong pagtingin, tiwalag sa konkretong konteksto ng kasaysayan. Nakatago pa rin ang tunay na kawalan ng katarungan sa alyenasyong namamayani sanhi sa reipikasyon ng ugnayang panlipunan. Ang ugnayan ng bawat tao ay nilalason o nilalambungan ng petisismo ng komoditi, ang pagsamba sa salapi, tubo, mga produktong mas mahalaga pa kaysa buhay ng mga taong yumari o lumikha nito.

    Ang mga problemang ito ang dapat talakaying maigi--ang temporalisasyon ng historya at uri ng modernidad sa araw-araw na kabuhayan--upang maipaliwanag ang kinabukasan ng bansa sa gitna ng krisis ng kapitalismong global. At upang mapalaya ang nasugpo't nasisikil na enerhiya ng taumbayan, ang kinabukasan ng diwa't budhi ng bawat nilalang.

    Maidagdag pa na ang krisis na ito ay di pansamantala lamang kundi permanente, batay sa mabangis na rasyonalidad ng sistemang kapitalista: ang walang hintong pagbabago ng paraan o mekanismo ng produksiyon, ang walang tigil na pagsulong ng imbensiyon ng mga gamit sa produksiyon, ng teknolohiya, at mga produktong ipinagbibili sa pamilihang pandaigdig. Naidiin ko na: ito ang saligan ng modernidad, ng mabilis na pag-iiba at transpormasyon ng mga bagay-bagay at kapaligiran, hanggang sa epokang digital at mabilisang komunikasyon. Kalakip nito ang susi ng modernidad at globalisasyong sumisira sa kalikasan at pinagmumulan ng giyera at pagdurusa ng nakararami.

Alyenasyon at Reipikasyon

    Sa lipunang pinatatakbo ng tubo, salapi at komoditi ang namamagitan sa bawat tao. Alyenasyon ang bunga nito. Reipikasyon o pagtiwalag sa maramdaming buhay ang resulta nito. Kontrolado ng komoditi ang lahat, ginawang bagay na walang buhay ang tao, sinipsip ng mga bampira ang dugo ng bawat nilalang.

    Sapagkat sa ordinaryong karanasan, ang tunay na pagtatagisan ng mga uri at sektor sa lipunan ay nakatago o natatabingan ng petisismo sa komoditi--ang buong mundo ng salapi, negosyo, pagpapalitan ng binili-ipinagbili--sampu ng mistipikasyon ng reyalidad dulot ng relihiyong institusyonal, pyudal na gawi't paniniwala (halimbawa, ang doxa na demokrasya raw ang sistemang pampulitika natin)--katungkulan ng mapagpalayang kritiko/intelektwal pampubliko ang wasakin ang tabing na nagtatago sa katotohanan: ang paghahati ng lipunan sa ilang mayamang nagsasamantala at karamihang aping binubusabos. Ibunyag ang pagtatagisan sa likod ng tinaguriang normalidad ng pagkakaisa o natural na pamumuhay araw-araw.

    Nasaan tayo ngayon? Ano ang dapat gawin? Sa harap ng mistipikasyon ng komersiyanteng kultura at araw-araw na komodipikasyon ng karanasan, dapat sikapin ng makabayang intelektwal ang pagbubunyag sa katotohanan ng neokolonya, ang patuloy na pagsunod ng oligarkong namumuno sa utos ng USA (sa tulong ng mga kakutsabang elite) at pagpapailalalim ng kapakanan ng taumbayan sa interes ng tubo ng korporasyong global. Pagwasak ng mga ilusyon at kababalaghang pumapalamuti sa mandaraya't  mapanlinlang na burgesyang orden ang dapat adhikain ng mapagpalayang sensibilidad at mapanuring kamalayan.

Sa Wika Nakataya ang Katubusan

       Maibalik ko ang usapan sa wika o lengguwaheng sinasalita at isinusulat.

    Ang wika ng kumbersasyon, midya, paaralan, kultura, atbp., ay madugong larangan din ng pagtatagisan ng mga uri, ng burgesyang gamit ang Ingles--o baryasyon nito na mga "englishes'-- bilang sandatang ideolohikal sa pagsuhay sa buong sistema ng palsipikadong soberanya at walang hustisyang demokrasya. Sa gusto o ayaw mo, wika ay sandata o kagamitan sa ideolohiyang pagtatagisan ng mga uri. Samakatwid, pinipili ka ng wika upang magpasiya laban sa interes ng iyong kolektibo o magsumikap itaguyod ang kapakanan nito.

    Paglimiin natin ang nangyayari sa milieu na lunang sosyo-politikal na ating ginagalawan. Araw-araw, sa TV, Internet, pelikula, radyo, at iba pang midya, ang wikang ginagamit--na nakakabit sa mga imahen, dramatikong eksena, performance art, awit, at komplikadong salik ng pelikula-- ang wika ay siyang sangkap na makapangyarihang umuugit ng mensahe na siyang nagtutulak sa ating kumilos, magsalita't gumanap ng isang tiyak na papel sa lipunan, partikular na ang maging konsumer at masunuring mamamayan. Isang subalternong alagad ng imperyo.

    Mapang-akit at mapang-gayuma ang nangingibabaw na kakintalan, ang kagyat na impresyon ng kapaligirin, na nakasaplot sa katotohanan. Nakabubulag ito at nakaliligaw. Upang makaligtas sa alyenasyon at reipikasyong nabanggit ko na, kailangang hubarin ang balat-kayo, ang saplot ng pagkukunwari't panlilinlang ng burgesyang ideolohiya.

    Kung pesimistiko ang utak, sikaping maging optimistiko ang pagnanais, payo ni Antonio Gramsci.  May dahilan kung bakit masigla ang pagnanais bagamat maulap ang kabatiran.  Hindi malagim ang lahat ng sulok ng larangan ng kultura. Ang halimbawa ng mga kritikong sumusulat sa PINOY WEEKLY o BULATLAT, mga progresibong midya, at mga kapanalig sa iba pang midya at diskurso ay isang katibayan na ang malikhai't mahusay na artikulasyon ng konsepto ng katwiran at katarungan sa wikang umaabot sa nakararaming mambabasa--ang wikang sinasalita ng taumbayan--ay siyang mabisang kagamitan sa pagpukaw ng mapanuring kamalayan, ng mapagmalasakit na damdamin.




Kahinugan ng Panahon

    Ibaling natin ang kamalayan sa ngayon. Ang kumbersasyon natin sa hapong ito ay isang paraan upang makatulong sa edukasyon ng nakararami at mobilisasyon sa mga kolektibong proyektong makapagsusulong at makapagpapabuti sa sawing kalagayan ng nakararami. Hanggang may nakikinig at handang kumilos salungat sa indibidwalismong naghahari, may pag-asa pa ang ating bayan.

         Ang kontradiksiyon ng modernidad ay nagbubunga ng kanyang kalutasan. Sa panahon ng globalisasyon, sa mas mabilis at mabilisang pagbabagu-bago ng lahat ng bagay, sa disyerto ng mall at mga "Global City" na itinatayo sa guho ng mga tahanan ng maralitang taga-lunsod at sa bukid na inagaw sa mga magsasaka, kailangan ang mapangahas at subersibong panulat upang tuklasin ang katotohanan at itanghal ito sa panunuri't pagkilatis, pagtimbang at pagpapahalaga, ng taumbayan. 

    Mapanghamong tawag ito na hinihingi ng sitwasyon, isang pagkakataon kung saan ang diskurso ng manunulat, kritiko't guro ay makapagsisilbi sa pagpapalaya't pag-unlad sa tunay na ugat at bukal ng kanilang imahinasyon, ang simpleng araw-araw na buhay ng masang yumayari ng kayamanan ng lipunan, ang proletaryo't magsasaka ng bayang naghihimagsik. 

[Talk at the College of Mass Comm, University of the Philippines,March 5, 2014] ###

No comments:

APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO

kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...