Monday, June 10, 2013

ULIKBA & IBA PANG TULA--NEW BOOK LAUNCHED

UST PUBLISHING HOUSE RELEASES E. SAN JUAN'S NEWEST COLLECTION OF POEMS, ULIKBA

BAGONG LIMBAG NA LIBRO NI E. SAN JUAN, Jr., ULIKBA AT IBA PANG TULA, LATHALA NG U.S.T. PUBLISHING HOUSE




    Inilunsad nitong Hunyo ang librong ULIKBA at iba pang tula, kalipunan ng mga bagong tula ni E. SAN JUAN, Jr., kilalang kritiko at intelektwal sa larangang internasyonal. Sanhi sa lubog sa kolonyalismong delubyo ang arkipelago, wala sigurong may interes sa pangyayaring ito sa harap ng pagkahumaling sa komodipikadong TV, pelikula, komersiyo, party ng mga selebriti at politiko, at kriminal na aktibidad sa goberyno, pulis, militar, atbp.

    Si San Juan ay dating propesor sa English & Comparative Literature, Unibersidad ng Pilipinas; kasalukuyang emeritus propesor sa English, Comparative Literature & Ethnic Studies, Washington State University at University of Connecticut. Dating fellow ng W.E.B. Du Bois Institute, Harvard University, siya ngayon ay fellow ng Harry Ransom Center, University of Texas, Austin. Naging visiting professor of American Studies sa Leuven University, Belgium;  sa National Tsing Hua University, Hsinchu, Taiwan; Trento University, Italya; at sa University of the Philippines, Diliman, Quezon City.

Mula pa noong dekada 1960 nang katulong siya ni Alejandro Abadilla sa PANITIKAN, lumabas ang apat na libro niya ng mga tula; sinipi mula roon ang nakalakip sa Alay sa Paglikha ng Bukang-Liwayway (Ateneo University Press). Sumunod ang Sapagkat Iniibig Kita at iba pang tula (University of the Philippines Press), Sutrang Kayumanggi, Mahal Magpakailanman, Diwata Babaylan, at Bukas Luwalhating Kay Ganda  (konsultahin sa: amazon.com, lulu.com, createspace.com at sa Website ng Philippines Cultural Studies Center.

Sa perspektiba ng bagong milenyo, Ulikba at iba pang tula ay katibayan ng patuloy na pagsisikap ni E. SAN JUAN, Jr. sa proyektong nailunsad noong sumiklab muli ang kilusan tungo sa mapagpalayang demokratikong pambansa: ang mapangahas na pagsubok sa pagbabanyuhay ng panitikang Filipino at pagsulong ng mapagpalayang sining sa Pilipinas at sa buong daigdig sa pamamagitan ng wika ng sambayanang bumabangon at naghihimagsik. Itinakwil niya ang mapaniil na tradisyong piyudal at kolonyal upang makahulagpos ang enerhiya ng guniguning mapanuri sa bilanggo ng sukat at tugma, sampu ng mga kumbensyiong sumisikil sa diyalektikong agos ng diwang humihimay, tumistis, at bumubuo ng daigdig kung saan (ayon kina Marx at Engels) ang malayang pagsulong ng isa ay nakasalig sa malayang pagsulong at kasaganaan ng lahat. Ang ULIKBA ay sagisag ng pagsusudlong ng mga kontradiksyong siyang humahabi sa masalimuot na pakikipagsapalaran sa buhay ng bawat nilalang sa tanging planetang ating kinagisnan.

Ilang bagong libro ng awtor:  Working Through the Contradictions (Bucknell),  In the Wake of Terror (Lexington), US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave), Balikbayang Sinta: E. San Juan Reader (Ateneo), From Globalization to National Liberation (U.P. Press), Toward Filipino Self-Determination (SUNY), Critique and Transformation (Mellen), Rizal In Our Time (Revised Edition; Anvil) at Critical Interventions (Lambert). Nakasalang ang isang koleksiyon ng mga panunuring pampanitikan at estetika, pinamagatang LUPANG HINIRANG, na baka lumabas sa 2014. Abangan....

CONTACT: Philippines Cultural Studies Center <philcsc@gmail.com>--###

No comments:

APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO

kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...