Thursday, May 02, 2013

TERESA MAGBANUA, OFW SA HAPON: MENSAHE SA MGA KABABAYAN

PAGBUBULAY-BULAY  NI TERESA MAGBANUA, ISANG GURONG OFW, NAKAHIMPIL  PANSAMANTALA  SA BANSANG HAPON

ni E. San Juan, Jr.



Ay naku, ilan taon na akong nagtuturo ng wikang Filipino dito sa Hapon
    ngunit di ko pa kabisado ang pagyuko sa mga kempetai
           o ispelengin ang hiwaga ng kanji  hiragana o katakana--
Nais kong matuto sila ng paggamit ng "kamusta" "paalam"
     "maganda"     "pag-ibig"  "luwalhati"   "panaginip" 
        kaya tinuruan ko rin ng tinikling   itik-itik   singkil

Subalit nahumaling sa pagsayaw--   indayog ng daliri    wagayway ng panyo
           ngiti rito't tawa doon, nasaan ang tunggalian ng uri?                                   nahan ang dahas ng pasismo't imperyalismo?
Masarap magkuwento ng Boracay kaysa Payatas, Balagtas kaysa Jonas Burgos,
    anong sarap ng chika-chika sa halina ng pandiwa't pang-uri
        kaysa dahas ng Estado.

Mula sa makiring Osaka, di ko pa nasisilip ang yelo sa tuktok ng Mt. Fuji....
Samantala, may ilang estudyanteng nais mag-turista't mausisa lahat....

Nagkaroon na ng People Power 1, People Power 2, at may bantang sumiklab muli       sakaling pauwiin na lahat ng OFW sa Saudi   Hong Kong   Europa....
Ilang kababayan ang nag-asawa na ng Hapon at Saudi para sigurado....

Ngunit teka--mausok at nakababagot, di na matiis ang trapik sa EDSA,
    nagbabanta  pa rin si Palparan,  tumitindi ang pagpatay at pagdukot,
        gumagala pa rin ang mga teroristang Abu Sayyaf
kaya payo ko sa kanila, dito na lang kayo sa mariwasang kabibi--bakit pa ipapain ang     katawan upang mapahamak sa "Perlas ng Silangan"?

Dito na lang kayo sa masaganang lupa ng cherry blossoms    yen arigato      
    alindog ng geishang nagsasayaw sa lilim ng mga templo ng Buda
             sa Hiroshima at Nagasaki
        malayo sa tsunami  sa Spratley at     pirata sa dagat Sulu ng Mindanao--
Dito na lang kayo mag-aral ng wika nina Bonifacio   Sakay  Ka Roger
     upang magamit ang salitang "kalayaan"    "puri"  "dangal"  "katarungan"
        putris, pati na "Makibaka huwag matakot!"  "galit" "higanti"
        "Lintik!"   Walang hiya ka!" "Oras mo na"-- 'nak ng tupa!

Oo nga, kumadre, bakit kailangang pigilin ang dila't isip bago pa man dumating
    ang pulis at sundalong dudukot at papatay?  Bakit?

Sayonara! Oo, halina kayo sa bayan ng mayumi't mapanggayumang babaylan--

Baka sakaling matuklasan natin ang niyebe ng Mt Fuji sa tugatog ng   bulkang Mayong
    sumasabog.--###

No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...