Saturday, December 01, 2012

PATUNGONG ANTARTIKA

PATIANOD SA AGOS NG  DAGAT PATUNGONG ANTARTIKA



Ayon sa pantas, walang bago sa ilalim ng araw, ang nagawa'y gagawin muli
    at ang nangyari na ay masasaksihan muli, lahat ay nasa kahinugan.
Ano pa ang isasakatuparan sa gulang na ito?
Buhay ay isang biro, masela't mabigat, mapait at maanghang....
Ang katalagahan ay di kapani-paniwala, malimit nakamamangha.

Ngayon at sa oras ng paglisan, ipanalangin sa kalikasan ang mga inulila't        iniwan.

Matanda ka na't maraming kapanahon ay lumisan na, tumugpa na
    patungong Antartika.
Kaya di katakatakang umarte kang baliw, hibang, kulang-kulang....
Nakapaligid ang mga multo ng lumipas, mga kaluluwang di makatulog.
Humihingi ako ng sagot ngunit di ako binigyan....

Ngayon at sa oras ng paglisan, ipanalangin sa babaylan ang mga inulila't     iniwan.

Hinanap ko ngunit di ko natagpuan--baka pinuslit ng tusong mangkukulam
O ng aninong kaharap ko sa salamin, kakakambal o katukayo....
Kung nagkasala, patatawarin ka raw, 'yon ang dinig ko. Baka chika-chika       lamang. Alingawngaw sa sepulkro.
Baka ulol akong nagbibilang ng puting buhok sa aking ulo?

Ngayon at sa oras ng paglisan, ipanalangin sa bathala  ang mga inulila't     iniwan.

Nakaukit pa ba sa himaymay ng iyong gunita ang payo ng pantas?
Sa pagsisiyasat sa katotohanan, maghanda sa di inaasahan at di inaakala
Sapagkat lubhang mailap, mahirap matuklasan, at sakaling mabunggo
Sa pakikipagsapalaran, lubhang nakasisindak--

OK, handa ka na ba, salamangkero ng panaginip at talinghaga sa wika?

Di bale na, umalis ka man o dumating, patuloy ang pag-inog ng mundo--
Isang birong di mo masakyan,  ngayon at sa oras ng iyong pagkawala....

Totoo, tunay, walang gulat, lumulutang, patianod sa mayuming dalampasigan.

                                ---E. SAN JUAN, Jr.




No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...