Sunday, July 08, 2007

MADALING MAGING TAO? MAHIRAP MAGPAKATAO?




SABI NILA’Y MADALING MAGING TAO NGUNIT MAHIRAP MAGPAKATAO



Ito’y kasabihan ng matatanda, pero ito ba’y totoo?
Una muna’y sino bang dapat ituring na taong talaga, taong pakikipagkapwaan?

Iyon pumatay kina Benjaline Hernandez, Rei-mon Guran, Jose Ma. Cui--
dapat bang ituring mga tao? O hindi lang nagpakatao?

Itanong kay Grecil Buya kung tao nga itong si Heneral Holganza ng AFP--
siya’ng nagparatang na NPA daw ang musmos--paano magpapakatao sa sitwasyong ito?

Itanong kay Hen. Palparan at mga upisyal kung tao nga silang pumatay kina
Benjaline Hernandez, Victoria Samonte, Diosdado Fortuna-- “collateral damage” lang ‘yan—

Pwede bang itanong kay Mayong Auxilio (kabuburol lamang) kung mahirap magpakatao
sa harap ni Hilario Diola, antikomunistang ahente ng military, at mas madaling umutas ng tao?

Paano makikipagkapwa-tao o magpapakatao kung hinahampas ka ng batuta’t hinahambalos?
Itanong kay Lourdes Rubrico, pinagbubugbog—baka may tugon siya

Kung tao o hayop ang mga kriminal ng death-squad, mga tauhan ng AFP/PNP—
Iyong bumaril kay Jose Garachico. ‘yong dumukot kina Nilo Arado at Luisa Posa Dominado--

Mahirap maging taong matimpi kung ikaw si Berlin Guerrero o si Gilbert Rey Cardino--
Madaling nakipagkapwa sa kanila ang mga pulis, sundalo at mga bayarang kasabwat….

Mahigit 863 na ang biktima ng mga alagad ng teroristang Estado ni Arroyo
Mahigit 198 na ang bilang nga mga dinukot—madaling bilangin, mahirap tanggapin--

Mahirap makipagkapwa-tao kung di tao ang kaharap kundi pulbura’t bigwas sa ulo….
Ka Virgilio Enriquez, sabi mo’y likas sa atin ang pakikipagkapwa-tao, ugaling katutubo,

Ngunit sa danas ng tortyur, gahasa, masaker, walang habas na pagpaslang
di lamang mahirap magpakatao o makipagkapwa-tao, mahirap maging taong

mapagpatawad at matiisin… Itanong kina Alyce Claver, Markus Bangit, Gloria Casuga,
Jonas Burgos, Sherlyn Cadapan, Karen Empeno, at ilan libong di na magpapatao-po
sa pag-usig sa hustisyang ipinagbalewala ng rehimeng Arroyo at mga tau-tauhan nito.

###

1 comment:

Anonymous said...

wow, yan din ang e didiscuss nmin sa Values Education nmin next hehehe, 'Bat madaling maging tao, mahirap magpakatao' cguro pwd ko na e share skanila yan.. ^_^

APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO

kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...