Tuesday, February 20, 2007

GUIMARAS, O GUIMARAS!


NAGTATANONG ANG MGA MANGINGISDA SA GUIMARAS,
NAKATUTOK SA SINOMANG MAY BUDHI’T PAGMAMALASAKIT:




Pumalaot kaming tangay ng alon, haplos ng mabiyayang kalikasan

hanggang barahin ng ilan libong isdang inaanod, lumulutang—

(Ang tubig ma’y malalim malilirip kung libdin)

Ay, bahong nakapanglulunos--
Korales na naging uling
Kinulapulan ng kalawang ang damong-dagat—
Ay, Diyos ko, anong balahong bumagsak dito?

(Katitibay ka tulos sakaling datnang agos
ako’y mumunting lumot sa iyo’y pupulupot)

Anong biyayang sumambulat—kaninong budhing maliwag paghanapin?

Itanong kay Reyna Lara Quigaman, Miss International ng globalisasyon
Itanong kay Manny Pacquiao, kampyon din ng sampung milyong OFWs

Ang tubig ma’y malalim malilirip kung libdin….
Lunday kong aanud-anod pinihaw ng balaklaot)

Pero huwag, huwag itanong sa Presidente sampu ng kanyang mga Heneral--
HUWAG
HUWAG PO
NAKU PO--
Baka ikulapol sa inyo ang ilang medalya ng Order of Lakandula
Baka isapangkaterbang bariles ng langis ang ipabuya’t ipaubaya sa inyo!

(Ay, pinihaw ng balaklaot—
Ay, pinuluputan ng negosyanteng mapag-imbot—

Kaya lamang napanulot nang umihip
ating pinagbuklod na timog)

No comments:

APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO

kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...